Kabanata 12
Paggawa at Pag-asa sa Sariling Kakayahan
Pagpapalain tayo ng Panginoon habang nagtatrabaho tayo sa abot ng ating makakaya.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Madalas ituro ni Pangulong Heber J. Grant ang mga alituntunin ng masipag na paggawa at pag-asa sa sariling kakayahan. Ipinayo niya: “Hayaang madama ng bawat tao na siya ang arkitekto at tagapagtayo ng sarili niyang buhay, at sikapin niyang magtagumpay sa pamamagitan ng paggawa. ‘Anim na araw na gagawa ka at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain, ’ at magpahinga ka sa ikapito [tingnan sa Exodo 20:9–11]. Huwag maging handa lamang na magtrabaho ng apat o limang araw at pagkatapos ay kalahati lamang ang gagawin. Hayaang ibigay ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang katumbas na halaga ng lahat ng natatanggap niya, maging sa trabaho man ito, o kahit ano pa ang kanyang ginagawa.”1
Nang magsalita si Pangulong Grant tungkol sa kahalagahan ng paggawa, nagbanggit siya ng sarili niyang karanasan. Bagamat nag-iisang anak ng kanyang balong ina, natutuhan niya kaagad ang magwalis ng sahig at maghugas at magpunas ng mga plato. Tinulungan din niya ang kanyang ina sa trabaho nito bilang mananahi para masuportahan silang dalawa. “Nakaupo ako sa sahig sa gabi hanggang hatinggabi, ” paggunita niya sa huli, “at pumapadyak sa makina upang palitan ang pagod na mga binti ni inay.”2 Ang pagsisikap ni Heber na tulungan ang kanyang ina ay nagpatuloy hanggang sa magbinata na siya, hanggang sa pasukin na niya ang daigdig ng pagnenegosyo noong kanyang kabataan para makatulong sa pagsuporta sa ina.
Isa sa mga pinakadakilang mithiin ni Pangulong Grant ay ang “ikintal sa isipan ng mga kabataan ng Sion ang bisa at epekto, ang di maipaliwanag na bisa at epekto ng paggawa.”3 Sa isang serye ng mga lathalain para sa magasin na Improvement Era, ikinuwento ni Pangulong Grant ang sarili niyang mga karanasan na nagpapakita kung paano nagdulot ng maagang tagumpay sa daigdig ng negosyo ang kahandaang gumawa o magtrabaho. “Ginagawa ko iyon, ” sabi niya, “hindi para purihin ang aking sarili, kundi dahil sa pag-asang mabigyan ko ng inspirasyon ang aking mga mambabasa na maghangad na gumawa. Karaniwang sinasabi ng mga tao na ang pagbanggit ng personal na mga karanasan, binigkas man o nakasulat, ay mas malakas ang epekto, at mas nakikintal sa isipan ng mga nakikinig at mambabasa kaysa sa iba pang paraan. Ito ang maaaring dahilan ko sa pagsasalaysay ng maraming pangyayari sa sarili kong negosyo.
“Noong bata pa ako at kasalukuyang nag-aaral, itinuro sa akin ang isang tao na nag-iingat ng mga libro ng Wells, Fargo and Co’s. Bank, sa Salt Lake City, at sinabing sumasahod siya ng isandaan at limampung dolyar buwan-buwan. Naaalala ko pa na kinukuwenta ko na kumikita siya ng anim na dolyar sa isang araw, hindi kasama ang Linggo, na para sa akin ay malaking halaga na. … pinangarap kong maging bookkeeper, at makapagtrabaho sa Wells, Fargo & Co., kaagad na dumalo sa klase ng book-keeping sa Deseret University [na ngayo’y University of Utah], sa pagasang balang-araw ay kitain ko ang sa tingin ko’y malaki nang suweldo.
“Ikinalulugod kong banggitin … mula kay Lord Bulwer Lytton: “Ang kulang sa tao ay hindi talento, kundi layunin; hindi ang kapangyarihang magkamit, kundi ang kagustuhang magsikap.’ Sinabi ni Samuel Smiles: ‘Ang mga layunin, gaya ng mga itlog, maliban kung mapisa sa paggawa, ay mabubulok lamang.’
“Walang dudang hindi naisip ni Lord Lytton na kapag ang isang kabataan ay nangarap nang mataas at magiting, na ito ang magbibigay-sigla sa kanya upang magkaroon ng layunin sa buhay, at ‘pisain ito sa pagkilos, ’ at hindi papayag na ‘mabulok na lamang’ ito. Matapos kong mithiin na maging book-keeper, kaagad akong kumilos para maabot ang layunin kong ito. Naaalala ko pa ang kasiyahang naidulot ko sa mga kapwa ko estudyante. Ang isang nakakita sa aking mga aklat ay nagsabing, ‘Ano ito; kalahig ng manok?’ May isa pang nagsabing, ‘Tinamaan ba ng kidlat ang bote ng tinta?’ Ang mga punang ito at marami pang iba, bagaman hindi ginawa para saktan ang damdamin ko kundi bilang katuwaan ay nakasugat pa rin sa damdamin ko at ito ang gumising sa aking diwa ng determinasyon. Nagpasiya akong gumawa ng mga kopya para sa lahat ng mag-aaral sa unibersidad, at maging guro ng pagsusulat at book-keeping sa paaralang iyon. Taglay ang layunin at ‘kahandaang gumawa, ’ at sa pagsangayon kay Lord Lytton na, ‘Sa lexicon ng kabataan ay wala ang salitang bigo, ’ sinimulan kong gamitin ang libreng oras ko sa pagsasanay sa pagsulat, na tuluy-tuloy sa paglipas ng mga taon hanggang sa tagurian akong ‘pinakamagaling sa mabilis na pagsusulat sa mundo.’
“Bilang resulta makalipas ang ilang taon, nakapagtrabaho ako bilang book-keeper at policy clerk sa isang opisina ng seguro. Kahit na labinlimang taong gulang pa lang ay napakagaling kong sumulat, at iyon lang ang kailangan para makuha ang hawak kong posisyon, ngunit hindi ako nasiyahan at patuloy na nangarap at nagsulat, kapag wala akong ginagawa. Nagtrabaho ako sa harapan ng bangkong A.W. White & Co’s., at kapag hindi abala, ay kusang-loob akong tumutulong sa mga gawain sa bangko, at ginagawa ang kahit ano para magamit ko ang aking oras, nang hindi iniisip kung babayaran ba ako o hindi, dahil ang tanging gusto ko’y magtrabaho at matuto. Si Mr. Morf, ang book-keeper sa bangko, ay mahusay sumulat, at nagtrabahong mabuti upang tulungan ako sa pagsisikap kong maging napakahusay na manunulat. Naging napakahusay ko sa pagsusulat kung kaya kadalasan ay mas malaki pa ang kinikita ko bago at matapos ang oras sa opisina sa pamamagitan ng pagsusulat sa mga kard, imbitasyon, atbp., at paggawa ng mga mapa, kaysa sa regular na sahod ko. Makalipas ang ilang taon, ginawaran ako ng diploma ng Territorial Fair sa Utah dahil sa napakahusay na pagsusulat. Nang simulan ko ang sarili kong negosyo, nagkaroon ng bakanteng posisyon sa unibersidad para sa guro ng panulat at book-keeping, at upang matupad ang pangako ko sa sarili, na ginawa ko noong labindalawa o labintatlong taong gulang lang ako, na balang-araw ay magtuturo ako sa mga sangay na ito, ay nag-aplay ako para sa posisyong iyon. Tinanggap ang aplikasyon ko at dahil dito ay natupad ang obligasyon ko sa aking sarili.”4
Si Pangulong Grant ay “handang magtrabaho” para makamtan ang kanyang espirituwal at temporal na mga mithiin. Masipag siyang magtrabaho bilang ama, guro ng ebanghelyo, at natatanging saksi ng Panginoong Jesucristo. Lahat ng aspeto ng kanyang buhay ay kakikitaan ng alituntuning madalas niyang ituro: “Ang batas ng tagumpay, dito at sa kabilang-buhay, ay ang pagkakaroon ng mapagpakumbaba at madasaling puso, at gumawa, gumawa, GUMAWA.”5 Ipinayo niya: “Kung mayroon kayong ambisyon, pangarapin ninyo ang gusto ninyong maisakatuparan at pagkatapos ay gawin ang lahat ng inyong makakaya at gumawa. Ang pangangarap na walang paggawa ay walang mararating; ang aktuwal na gawain ang mahalaga. Ang pananampalatayang walang gawa ay patay, sabi ni Santiago sa atin, gaya ng katawan na walang espiritu ay patay [tingnan sa Santiago 2:17, 26]. Maraming tao ang mayroong pananampalataya, ngunit kulang sila sa gawa, at naniniwala ako sa mga tao na mayroon kapwa ng pananampalataya at mga gawa at determinadong gawin ang mga bagay-bagay.”6
Mga Turo ni Heber J. Grant
Dapat tayong magtrabaho o gumawa sa abot ng ating makakaya.
Dapat tayong magkaroon ng ambisyon, dapat nating hangarin na gumawa sa abot ng ating makakaya. Ang paggawa ay nakalulugod sa Panginoon.7
Tuwina sa buong maghapon ay handa akong gawin ang pinakamababang gawain o trabaho, (kung may gayon mang uri ng trabaho, na sa palagay ko’y wala) sa halip na maging tamad ako.8
Sinikap ko kaninang umaga na basahin sa Doktrina at mga Tipan ang tungkol sa tamad, at mayroong ilan sa atin na tamad. Makikita natin sa Bahagi 75 ng Doktrina at mga Tipan:
“Maging masigasig ang bawat tao sa lahat ng bagay. At ang tamad ay hindi magkakaroon ng lugar sa simbahan, maliban na siya ay magsisi at iwasto ang kanyang mga gawi.” [D at T 75:29.] …
Sa Bahagi 88, mababasa natin:
“Tumigil sa pagiging tamad; tumigil sa pagiging marumi; tumigil sa paghanap ng mali sa bawat isa; tumigil sa pagtulog nang mahaba kaysa sa kinakailangan; magpahinga sa inyong higaan nang maaga, upang kayo ay hindi mapagal; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang- lakas.” [D at T 88:124.]
Tandaan lamang na ang mga ito ay hindi mga pangungusap ni Heber J. Grant, kundi mga pangungusap ng Panginoon:
“At ang mga naninirahan sa Sion ay aalalahanin din ang kanilang mga gawain, yayamang sila ay itinalagang gumawa, nang buong katapatan; sapagkat ang mga tamad ay naaalaala ng Panginoon.
“Ngayon, ako, ang Panginoon, ay hindi lubos na nalulugod sa mga naninirahan sa Sion, sapagkat may mga tamad sa kanila; at ang kanilang mga anak ay lumalaki rin sa kasamaan; hindi rin nila hinahanap nang may pagsusumigasig ang mga yaman ng kawalang- hanggan, sa halip ang kanilang mga mata ay puno ng kasakiman.” [D at T 68:30–31.]
“Huwag kayong maging tamad; sapagkat siya na tama ay hindi makakakain ng tinapay ni makapagsusuot ng kasuotan ng manggagawa.” [D at T 42:42.] …
“Masdan, sila ay isinugo upang ipangaral ang aking ebanghelyo sa mga kongregasyon ng masasama; kaya nga, binibigyan ko sila ng kautusan, na ganito: Huwag ninyong sayangin ang inyong panahon, ni huwag ninyong itago ang inyong talino upang ito ay hindi malaman.” [D at T 60:13.] …
Umasa tayo na ang diwa ng pagtayo sa sariling paa na taglay ng ating mga ninunong tagabunsod (pioneers) ay muling mapukaw sa ating kalooban, at na walang sinumang Banal sa mga Huling Araw na nagtataglay ng Priesthood ng Diyos ang magkasala ng pagiging tamad. Maaga tayong magsimulang magtrabaho at magtrabaho hanggang sa gumabi.9
May diwang lumalaganap sa mundo ngayon na umiiwas sa paglilingkod, na tumatangging tumbasan ang halagang natanggap, na sinisikap na tingnan kung gaano kaunti ang ating magagawa at gaano karami ang makukuha natin sa paggawa nito. Lahat ng ito’y mali. Ang diwa natin at mithiin ay gawin ang lahat ng maaari nating gawin, sa takdang oras, para sa kapakinabangan ng mga nagbibigay sa atin ng trabaho at para sa kapakinabangan ng mga kahalubilo natin.
Ang isa pang diwa—ang kamtin ang lahat ng maaari nating kamtan, at magbigay ng kakaunti lamang hanggat maaari—ay salungat sa ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo.10
Sinikap kong ikintal sa isipan ng mga kabataan na kailangan silang magtrabahong mabuti sa abot ng kanilang makakaya; at habang nagtatrabaho ay huwag kailanman panghinaan ng loob. …
“Ikaw ay bumangon at iyong gawin, at ang Panginoon ay sumaiyo.” [Tingnan sa I Mga Cronica 22:16.] …
Wala pa akong nakita sa buhay ko na higit na mahalaga sa akin kaysa sa paggawa ng aking mga tungkulin sa bawat araw sa abot ng aking makakaya; at alam kong kapag ginawa ito ng mga binatilyo, sila’y magiging mas handa sa mga paggawa sa hinaharap. …
Sa [edad na] labinsiyam, ako’y bookkeeper na at naging policy clerk ni Mr. Henry Wadsworth, ang ahente ng Wells. Fargo & Co. Hindi ako ganap na empleyado. Hindi ako nagtatrabaho para sa kumpanya kundi para lamang sa ahente. Ako’y … kusang- loob na nagsalansan ng maraming liham ng bangko, atbp., at nag-ingat ng mga libro ng Sandy Smelting Co., na personal na ginagawa ni Mr. Wadsworth.
Upang bigyang-diin ang katotohanan ng banggit na sipi mula sa I Mga Cronica, masasabi kong kinalugdang mabuti ni Mr. Wadsworth ang kilos ko kung kaya binigyan niya ako ng trabaho bilang tagakolekta sa Wells, Fargo & Co., at binayaran ako ng dalawampung dolyar para sa trabahong ito bilang karagdagan sa aking regular na sahod na pitumpu’t limang dolyar mula sa negosyo sa seguro. Kung kaya nakapagtrabaho ako sa Wells, Fargo & Co., at ang isa sa mga pangarap ko’y natupad.
Nang sumapit ang gabi ng Bagong Taon, gabi na’y nasa opisina pa ako. … Pumasok si Mr. Wadsworth at masayang sinabi na mabuti ang takbo ng negosyo, na sabay-sabay ang mabubuting pangyayari, o parang ganoon na nga. Binanggit niya ang pagiingat ko sa mga libro ng Sandy Smelting Co. nang walang sahod, at nagbanggit ng ilang papuri na lubos na nagpaligaya sa akin. Pagkatapos ay iniabot niya sa akin ang tseke na nagkakahalaga ng isandaang dolyar na halos dobleng bayad sa lahat ng mga sobrang pagtatrabaho ko. Ang kasiyahang nadama ko dahil sa nakuha ko ang tiwala ng aking amo ay higit pa kaysa doble ng isandaang dolyar.
Bawat binata na magsisikap gugulin ang lahat ng oras niya, nang hindi tumitigil para bilangin ang halaga ng sahod na tatanggapin niya sa kanyang paglilingkod, ngunit sa halip ay mabibigyang- sigla sa pagtatrabaho at pagkatuto, ay ipinapangako kong magtatagumpay sa buhay na ito.11
Tinutulungan tayo ng trabaho na umasa sa sariling kakayahan.
May isang batas, hindi mababagong utos sa langit bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, at hindi makakamtan ng sinumang tao ang pagpapala kung hindi niya susundin ang batas [tingnan sa D at T 130:20–21]. Gusto kong ikintal sa isipan ng mga Banal sa mga Huling Araw na nakakamtan natin sa buhay na ito kung ano ang pinaghirapan natin, at gusto kong himukin ang bawat Banal sa mga Huling Araw na gumawa o magtrabaho.12
Ang ating pangunahing layunin [sa pagtatatag ng programang pangkapakanan ng Simbahan] ay magtayo, sa abot ng ating makakaya, ng sistema na kung saan mapapawi ang sumpa ng katamaran, mawawala ang kasamaan ng paglilimos, at minsan pang makintal sa ating mga tao ang pagtayo sa sariling paa, kasipagan, katipiran, at paggalang sa sarili. Ang layunin ng Simbahan ay tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili. Ang trabaho ay dapat muling bigyan ng halaga bilang pangunahing alituntunin sa buhay ng mga miyembro sa ating Simbahan.
Ang dakila nating pinuno na si Brigham Young, sa gayunding mga kalagayan, ay nagsabi:
“Papagtrabahuhin ang mga maralita—pagtanimin sila, pagsibakin, pahukayin ng mga dike, pagawain ng mga bakod, o anumang kapaki-pakinabang na bagay, at sa gayon ay magkaroon sila ng pambili ng pagkain at ng harina at ng iba pang mga kailangan sa buhay.” [Tingnan sa Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 275.]
Ang payong ito ay angkop pa rin sa ngayon gaya noong ibigay ito ni Brigham Young.13
Maging masipag tayong lahat at kapaki-pakinabang sa abot ng ating lakas at kakayahan. Sinabihan tayong kainin ang ating tinapay sa pamamagitan ng pawis ng ating mukha [tingnan sa Genesis 3:19].
… Madali ang magbigay ng isang dolyar sa isang tao, ngunit kailangan ng simpatiya at awa ang pagkakaroon ng interes sa kanya at pagsisikap na planuhin ang makabubuti at kapaki-pakinabang sa kanya. At ito’y alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, ngayon, gaya ng dati, na tulungan ang bawat tao na tulungan ang kanyang sarili—na tulungan ang bawat anak ng ating Ama sa langit na paghirapan ang kanyang sariling kaligtasan, kapwa sa temporal at espirituwal.14
Gusto kong tawagin ang inyong pansin sa sinabi ni Pangulong Brigham Young:
“Natuto ako sa aking karanasan at naging prinsipyo ko na, na hindi kailanman makabubuti ang magbigay na lamang nang magbigay, sa lalaki o babae, ng pera, pagkain, kasuotan, o ng anumang bagay, kung kaya naman nilang gawin ito at maaaring pagtrabahuhan at kitain ang kailangan nila, kapag may maaari naman silang gawin sa mundong ito. Ito ang prinsipyo ko at sinisikap kong gawin ito. Ang gawin ang salungat sa landasing ito ay makasisira sa alinmang komunidad sa daigdig at sila’y magiging mga tamad.” [Tingnan sa Discourses of Brigham Young, 274.]
At ang anumang makasisira sa isang komunidad ay makasisira sa bayan, at masasabi kong sa bansa na rin.15
Ikikintal natin sa isipan ng mga tao hangga’t maaari ang pahayag ni Brigham Young … na nagsasabing naging patakaran na niya ang hindi pagbibigay ng anuman sa sinuman maliban kung pinaghirapan niya ito; na kailangang kumilos ang mga tao at paghirapan ang tinatanggap nila. Walang ibang sisira sa pagkatao ng isang lalaki, o babae, o ng isang bata na gaya ng kabiguang tumayo sa sariling paa.16
Ang paggawa o pagtatrabaho ay habambuhay na responsibilidad.
Trabaho ang nagpapabata sa mga tao. Ang katamaran ang nagsisimulang magpahina sa kanila kapag tumigil sila sa paggawa. Si Pangulong Young ay aktibo at matipunong lalaki nang siya’y pumanaw, ngunit apendisitis ang kumitil sa kanyang buhay. Ang kahalili niyang si John Taylor ay pitumpu’t tatlong gulang nang siya’y maging Pangulo ng Simbahan. Ang kahalili ni John Taylor, na si Wilford Woodruff, ay walumpung taong gulang nang siya’y maging Pangulo ng Simbahan, at sang-ayon sa ilan, dapat ay nagretiro na siya mga dalawampung taon bago pa iyon. … Si Lorenzo Snow ay dumating sa panguluhan ng Simbahang ito na gaya ng ibang aktibong binata, at may mabuting pagpapasiya dahil na rin sa maraming taon ng karanasan, sa gulang na walumpu’t lima, at nang ang Simbahan ay may matinding problema sa pananalapi, siya ang nagligtas dito. Sa loob ng tatlong taon ng kanyang pangangasiwa, hanggang sa sumapit siya sa edad na walumpu’t lima, ang kanyang isipan ay malinaw at aktibo pa rin kagaya ng sinumang lalaki na namuno sa Simbahang ito.
Si Joseph F. Smith, sang-ayon sa maraming tao, ay lampas na nang dalawang taon sa gulang na dapat na siyang magretiro, nang siya’y maging Pangulo ng Simbahang ito, at gayundin ako. Sa susunod na buwan, sang-ayon sa ilang tao, ay dalawampu’t dalawang taon na simula nang dapat na akong magretiro.17
Hindi ko hinihiling sa sinumang lalaki o bata sa Simbahang ito, bagama’t mahigit walumpung taong gulang na ako, na magtrabaho nang mas matagal kaysa sa ginagawa ko. … Wala na akong ibang alam na higit na nakasisira sa kalusugan ng isang tao kaysa sa hindi pagtatrabaho.18
Naniniwala akong may posibilidad na sabihin ng ilang mga Banal sa mga Huling Araw na, “Sabagay, kapag animnapu’t limang taong gulang na tayo, hindi na tayo kailangan pang magtrabaho.” … Ganoon pa rin karami ang trabahong ginagawa ko nitong nakalipas na labing-anim na taon, simula nang maging animnapu’t limang taong gulang ako. At sa pagpapala ng Panginoon, kung papayag Siyang manatili pa ako dito sa susunod na labinlima o labing-anim na taon—na hindi na siguro mangyayari—gusto kong gayon pa rin karami ang gawin ko, at marahil mas marami pa nang kaunti kaysa sa nagawa ko nitong huling labing-anim na taon. Matatag ang paniniwala ko na hindi nakamamatay ang trabaho, sa halip ang katamaran ang makapapatay ng tao sa murang edad.
Dapat ay nasa puso ng bawat lalaki at babae, ang mga salitang, “Mabubuhay ako. Walang ibang ibinigay sa akin kundi ang oras upang mabuhay, at sisikapin ko sa bawat araw ng aking buhay na gumawa kahit paano ng bagay na katanggap-tanggap sa paningin ng aking Ama sa Langit, at kung maaari, pagbutihin pa ngayon kaysa nagawa ko kahapon.”19
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Ano ang magagawa natin sa ating mga pamilya upang matiyak na trabaho ang pangunahing alituntunin sa ating buhay? Sa paanong paraan matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magtrabaho?
-
Paano tayo magkakaroon ng dignidad sa lahat ng trabahong ginagawa natin? Ano ang matututuhan o mapapakinabang natin mula sa pagtatrabaho kahit na hindi ito kanais-nais o kaibig- ibig?
-
Sa proseso ng pag-abot sa kanyang pangarap upang magkaroon ng mabuting kinikita, ano pa ang ibang gantimpalang natanggap ng batang si Heber J. Grant? Ano ang ilang mga gantimpala na natanggap ninyo bilang bunga ng pag-aaral at masipag na pagtatrabaho?
-
Bakit mahalagang paghirapan natin ang tinatanggap natin? Paano magkakaroon ng epekto sa ating sarili ang kabiguang umasa sa sariling kakayahan? bilang pamilya? sa ating mga komunidad at bansa?
-
Paano naaapektuhan ng pagtatrabaho ang ating isipan, katawan, at espiritu? Ano ang natutuhan ninyo mula sa mga taong patuloy na nagtrabaho sa buong buhay nila?