Kabanata 20
Ang Marahan at Banayad na Tinig ng Paghahayag
Habang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, tumatanggap tayo ng liwanag, inspirasyon, at patnubay ng Banal na Espiritu.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Ipinahayag ni Pangulong Heber J. Grant, “Walang halaga ang iba pang mga bagay kung ihahambing sa pagkakaroon ng espiritu ng Diyos na papatnubay sa akin.”1 Ginawa niya ang pahayag na ito sa pagtatapos ng mahabang buhay na nabasbasan ng pagsama ng Espiritu Santo. “Alam ko gaya ng nalalaman ko na ako’y buhay, ” ang sabi niya minsan, “na pinapatnubayan ako [ng Diyos] mula pa pagkabata, na dinirinig at sinasagot niya ang aking mga dalangin, na nakatatanggap ako ng paghahayag … mula sa Panginoon, at sinisikap na isagawa ang mga ito.”2
Bilang karagdagan sa pagtanggap ng patnubay sa kanyang personal na buhay, nakatanggap si Pangulong Grant ng mga paghahayag bilang Pangulo ng Simbahan na papatnubay sa Simbahan sa kabuuan. Ang isang gayong paghahayag ay dumating matapos siyang italaga bilang Pangulo ng Simbahan, nang hangarin niya ang kalooban ng Panginoon sa paghirang ng bagong miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Habang pinagninilayan ang tungkuling ito, paulit-ulit na nabaling ang kanyang isipan sa kanyang matagal nang kaibigan na si Richard W. Young, isang matapat na Banal sa mga Huling Araw at matatag na pinuno. Tinalakay ni Pangulong Grant ang posibilidad na ito sa kanyang mga tagapayo, na sumuporta sa kanyang desisyon. Nang sa huli’y mapanatag siya sa gagawing hakbang na ito, isinulat niya ang pangalan ng kanyang kaibigan sa isang papel at dinala ito sa lingguhang pulong sa templo kasama ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa. Gayunman, nang babanggitin na niya ang pangalan para sa pagsang- ayon ng kanyang mga Kapatid, hindi niya ito magawa. Sa halip na bigkasin ang pangalan ni Richard W. Young, binigkas niya ang pangalan ni Melvin J. Ballard, isang lalaking halos hindi niya kakilala.3 Sa huli’y ikinuwento ni Pangulong Grant ang naging epekto sa kanya ng karanasang ito:3 President Grant later told of the impact this experience had on him:
“Nadama ko ang inspirasyon ng buhay na Diyos na pumapatnubay sa aking mga pagsisikap. Simula noong piliin ko ang isang tila estranghero na maging isa sa mga apostol, sa halip na piliin ang matagal ko nang minamahal na kaibigan, nalaman ko gaya ng pagkakaalam kong buhay ako, na may karapatan ako sa liwanag at inspirasyon at patnubay ng Diyos sa pamamahala sa Kanyang gawain dito sa lupa.”4
Mga Turo ni Heber J. Grant
Habang sinusunod natin ang mga utos at pinaglilingkuran ang Panginoon, ang Banal na Espiritu ang siyang palagi nating makakasama at gabay.
Ibinibigay ng Panginoon sa marami sa atin ang marahan at banayad na tinig ng paghahayag. Dumarating ito nang malinaw at malakas at ito’y tila napakalakas na tunog. Dumarating ito sa bawat tao, batay sa kanyang mga pangangailangan at katapatan, bilang patnubay sa mga bagay na may kinalaman sa kanyang sariling buhay.
Sa Simbahan sa kabuuan dumarating ito sa mga naordenan na magsalita para sa Simbahang ito sa kabuuan. Ang tiyak na kaalaman natin na ang gumagabay na impluwensya ng Panginoon ay madarama sa lahat ng aspeto ng buhay, batay sa ating mga pangangailangan at katapatan, ay kabilang sa mga pinakadakilang pagpapala na ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao.5
Nagagalak ako … na ang bawat Banal sa mga Huling Araw, bawat mapagpakumbabang anak ng Diyos na yumakap sa ebanghelyo at naging miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakatanggap ng patotoo ng Banal na Espiritu. Ang kaloob na mga wika, ang kaloob na propesiya, ng pagpapagaling, at iba pang mga kaloob at pagpapala ay matatagpuan sa Simbahan. Ito’y hindi lamang para sa mga lalaki na mayhawak ng mga katungkulan sa Simbahan. Narinig ko na ang ilan sa mga pinakamasisigla at mahuhusay, at ilan sa mga pinakamagagandang sermon ng buhay mula sa mga taong walang hinawakan na katungkulan. …
Hindi ang katungkulan, hindi ang pinag-aralan ang nagbibigay ng Espiritu ng Diyos; kundi ang pagsunod sa mga utos ng Makapangyarihang Diyos at pagiging mapagpakumbaba sa puso at paghahangad na masunod ang mga utos ng Diyos sa arawaraw nating buhay at pag-uusap.6
Nakikiusap ako sa inyo, mga kaibigan, mga kapatid ko, sa inyong lahat, na mamuhay sa paraan na magiging palagi ninyong kasama ang banal na espiritu ng Diyos. Nililinaw niya ang inyong pag-iisip, pinabibilis ang inyong pang-unawa, itutulak kayong hangaring gumawa nang buong kapangyarihan, taglay ang lahat ng kakayahang ibinigay ng Diyos sa inyo para maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.7
Hanapin ang Panginoon at Siya’y mapapasainyo. Kung mabigo tayong hanapin ang Panginoon walang katiyakan ang sinuman sa atin. Walang lalaki o babae na naghahangad sa Espiritu ng Diyos at sumusunod sa mga paramdam nito ang mabibigo.8
Likas sa maraming tao ang gawin ang lahat ng bagay na nagbibigay kasiyahan sa pita at simbuyo ng damdamin; ngunit gayon na lamang ang hinihiling ng ebanghelyo kung kaya hindi natin mabigyang kasiyahan ang ating mga pita. Dahil dito’y kailangan nating tumanggi sa gayong mga pita at simbuyo ng damdamin, at paglabanan at lupigin ang gayong mga pita. Kapag sinuri natin ang mga hinihingi, gaya ng Word of Wisdom, makikita natin na sa pagsunod sa mga ito ay madaragdagan ang lakas ng isipan at lakas ng katawan, at ang ating katawang pisikal ay angkop na panahanan ng Banal na Espiritu ng Diyos. Umuunlad tayo at higit na nagiging mas katulad ng Diyos kapag nilulupig natin at pinaglalabanan ang mga pita at simbuyo ng damdamin na labag sa kagustuhan at kalooban ng ating Ama sa Langit.9
Kapag ang sinumang tao ay walang Espiritu ng Diyos, hayaan siyang magsikap at magpagal para sa ikasusulong ng kaharian ng Diyos, at mapapasakanya ang Espiritu ng Diyos.10
Batay lamang sa antas ng ating pagsisikap at pagsunod sa mga utos ng Diyos tayo makatatanggap ng pagpapala sa pamamagitan ng liwanag at inspirasyon ng Espiritu ng Makapangyarihang Diyos.11
Natuklasan ko na kapag ang mga tao ay naglilingkod sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga utos, ang kanilang kaalaman sa katotohanan ay nadaragdagan. Sila’y nagiging mas malakas at masigla sa pamamagitan ng saganang pagbuhos ng Kanyang Banal na Espiritu.12
Kung nagpapabaya tayo sa ating mga tungkulin, ang Espiritu Santo ay lalayo sa atin, gaano man tayo pinagpala noong nakaraan.
Kung paanong ang hindi pagkain ay magiging dahilan ng panghihina at pagkamatay ng ating katawang pisikal, gayundin naman na ang hindi pangangalaga sa ating espirituwal na pagkatao ay magiging sanhi ng pagkamatay nito.13
Kapag ang mga lalaki ay nagiging pabaya, nagwawalang bahala, kapag lumalabag sila sa Word of Wisdom, hindi dumadalo sa kanilang mga pulong, kapag hindi nila tinuturuan ang kanilang mga anak sa pamamagitan ng alituntunin at halimbawa ng Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo, kung kaya sila’y tumatalikod sa pananampalataya, ang Espiritu ng Diyos ay aalisin sa kanila, at sila’y maiiwan sa kadiliman.14
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, na nakatanggap ng patotoo ng Ebanghelyo, nagiging responsibilidad natin na palakasin ang patotoong ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sinasabi ko sa inyo na ang taong umuunlad sa bawat araw ng kanyang buhay ang siyang makatutupad sa payak, simple, at pang-araw-araw na mga tungkulin na responsibilidad mismo ng Diyos. Wala itong kinalaman sa patotoong nasa atin, walang kinalaman ang maraming pangitain na dumating sa atin. Nakapagtataka na ang mga lalaking higit na pinagpala kaysa sa iba dahil sa nakakita sila ng mga anghel, at nakita rin ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, gaya nina Sidney Rigdon at Oliver Cowdery—ang mga lalaking ito ay hindi napanatiling matatag at di-natitinag sa Simbahan ng mga dakilang pagpapala at pagpapamalas na ito. Ngunit ang kalalakihan na sumunod sa mga utos ng Diyos, ang mga lalaking naging matapat sa kanilang mga panalangin, ang mga lalaking sumang-ayon at nagtaguyod sa Priesthood ng Diyos sa lahat ng oras at sa lahat ng kalagayan, ang mga lalaking sumunod sa Word of Wisdom, ang mga lalaking nagbayad ng kanilang ikapu, ay nanatiling tunay at tapat, at hindi kailanman nawala sa kanila ang Espiritu ng Diyos. Gayunman, ang mga naglagay ng kanilang sarili sa alanganin, mapamintas, manginginom, at “nagpapakasaya, ” at nagsasamasama at lihim na nagpupulong, iniisip na hindi tama ang pakikitungo sa kanila at hindi iginagalang—nawawala sa ganitong klase ng mga tao ang Espiritu ng Diyos.15
Walang grupo ng mga Elder na nagsalita sa simbahan at napakinggan kong mabuti ang nakaaantig nang labis sa puso kaysa sa nakauwing misyonero. Umuuwi silang puno pa rin ng diwa ng kanilang misyon, puspos ng Espiritu ng Diyos at pagmamahal sa kanilang kapwa tao. … Ngunit tila kadalasan, sa maikling panahon matapos silang makauwi ay nawawalan na sila ng interes at nagiging abala sa kanilang pang-araw-araw na buhay, na nakatuon ang kanilang pagpupunyagi sa kanilang sariling gawain.
Kung gusto nating umani ng gantimpala sa matapat na paglilingkod, malinaw na dapat tayong magtrabahong mabuti sa tahanan man o sa ibang bayan sa pagpapalaganap ng mga alituntunin ng Ebanghelyo. Walang taong makaaasa na maging aktibo at malakas ang pangangatawan hangga’t hindi siya nagkakaroon ng tamang ehersisyo; at ang mga alituntunin ding ito ay totoo kung pag-uusapan ang ating espirituwal na organisasyon. Ang taong mag-aaral sa kolehiyo at kukuha ng kursong abogasya ay di lamang kailangang mag-aral na mabuti para matapos ang pinili niyang propesyon. Dapat din siyang patuloy na mag-aral kapag nakatapos na, dahil kung hindi siya’y magiging pipitsuging abogado. Gayundin naman sa taong mangangaral ng Ebanghelyo at magiging matagumpay na misyonero; kung hindi siya patuloy na mag-aaral at magpapakita ng interes sa espirituwal na kapakanan ng kanyang kapwa tao matapos siyang makauwi, di magtatagal ay mawawala sa kanya ang Espiritung tinaglay niya noong nasa misyon pa siya.16
Kapag naiisip ko kung gaano karami sa mga kagila-gilalas na pinagpala ng Panginoon ang nawalan ng espirituwal na malasakit sa kanilang kapwa, ako’y labis na napakukumbaba. Pinupuspos ako nito ng diwa ng kaamuan at ng matinding pagnanais na palagi kong hangarin na malaman ang isip at kalooban ng Diyos at sundin ang Kanyang mga utos sa halip na isagawa lamang ang sarili kong mga naisin.17
Kapag nalalaman natin ang isip ng Diyos sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu, tungkulin nating isagawa ito sa ating buhay.
Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ang maghahatid sa atin sa liwanag at inspirasyon ng Kanyang Espiritu. Sa gayon ang hangarin ng ating mga puso ay ang malaman ang isip at kalooban ng Panginoon, at mananalangin tayo para humingi ng kalakasan at kakayahan na isagawa ito, at sa gayo’y susunod tayo sa mga yapak ng ating Panginoon at Gurong si Jesucristo.18
Nauunawaan ko na lahat tayo’y may mga kahinaan, at ginagawa natin at sinasabi ang maraming bagay na hindi kalugud-lugod sa paningin ng ating Ama sa Langit. Ngunit kung higit sa anupamang bagay sa mundong ito’y hangarin nating malaman ang isip at kalooban ng Diyos, at hangarin ang kalakasan ng pagkatao, matapos nating malaman ang isip at kalooban ng ating Ama sa Langit at maisagawa ito sa ating buhay, alam kong tutulungan tayo ng Diyos. At sa pagtanda natin at pagkadagdag ng kaalaman at pang-unawa, ay madaragdagan din ang ating kapangyarihan at kakayahang isagawa ang Kanyang kalooban.19
Kung wala ang liwanag at patnubay ng Espiritu ng Diyos ang gawain ng Diyos sa lupa ay hindi magtatagumpay; ito’y guguho at magkakapira-piraso. Ngunit nasa puso ng mga tao ang kaalaman noon pa na dahilan ng pagkakasundo at nagbibigkis sa kanila. Kapag narinig nila ang tunay na pastol, makikilala nila ito, at handa silang sumunod dito.20
Wala nang ibang makapagdudulot ng gayunding kaligayahan sa sinuman na gaya ng paggawa ng mga bagay na naging responsibilidad nila at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Pumarito tayo sa lupa upang gawin ang isip at kalooban ng Panginoon, at kailangan na tayong lahat ay mamuhay sa paraan na mapapasaatin ang mga paghahayag ng Kanyang Espiritu. Kapag natanggap natin ang mga bagay na ito ay magkakaroon tayo ng lakas ng loob at determinasyon na isagawa ang mga ito.21
Kailangang hangarin ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang liwanag at inspirasyon ng Espiritu ng Diyos, at matapos itong matanggap, ay gamitin ang lahat ng taglay niyang kakayahan sa pagsisikap na maisulong ang gawain ng Diyos. Huwag kailanman mapabilang sa mga taong nagsisikap na gawin ang pinakakaunting magagawa nila; sa halip laging mapabilang sa mga taong nagsisikap na gawin ang lahat ng magagawa nila. Taasan ang inyong pangarap.22
Nawa ang liwanag at inspirasyon ng Diyos ang palagian nating maging gabay at kasama. Nawa umunlad tayo at sumulong sa Espiritu ng Diyos at patotoo ng Ebanghelyo, at sa kapangyarihan at kakayahan na maisagawa ang mga layunin ng ating Ama sa Langit dito sa lupa; at nawa madagdagan ang ating hangarin na hangarin ang gayon, ang siyang dalangin ko at naisin.23
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit mahalagang maunawaan na ang paghahayag ay dumarating sa mga tao batay sa kani-kanilang pangangailangan? Sa paanong mga paraan magagabayan ng paghahayag ang mga magulang, guro, at pinuno ng Simbahan sa kanilang partikular na mga tungkulin? Ano ang maaaring maging resulta kapag inaangkin ng mga tao na tumatanggap sila ng paghahayag na lampas sa nasasakupan nilang responsibilidad?
-
Bakit kailangan ang pagsunod sa mga utos para matamasa natin ang palagiang pagsama ng Espiritu Santo? Bakit natatanggap natin ang impluwensya ng Espiritu kapag tayo’y “nagsisikap at nagpapagal para sa ikasusulong ng kaharian ng Diyos”?
-
Paano natin malalaman “ang marahan at banayad na tinig ng paghahayag” at makikilala ito mula sa iba pang mga impluwensya? (Tingnan sa D at T 6:15, 22–23; 8:2–3; 11:13–14.)
-
Ano ang ilang mga karanasan na maibabahagi ninyo kung saan nasunod ninyo ang mga pahiwatig ng Espiritu? Paanong ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo ay nakapagdulot ng kapayapaan at patnubay sa inyong sariling buhay? sa ng inyong buhay may pamilya? sa mga katungkulan ninyo sa Simbahan? sa inyong trabaho?