Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 1: Pag-aaral at Pagtuturo ng Ebanghelyo


Kabanata 1

Pag-aaral at Pagtuturo ng Ebanghelyo

Kapaki-pakinabang lamang ang ebanghelyo kung itinuturo at tinatanggap ito sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant: “Wala akong alam na ibang naghahatid ng higit na kaligayahan sa puso ng tao maliban sa paglilingkod para sa kaligtasan ng kaluluwa ng mga tao sa sariling bayan o sa ibang lupain. Wala akong alam na iba pang nagbibigay ng higit na pagmamahal sa lahat ng mabuti, maliban sa pagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo.”1

Dagdag pa sa pagiging dedikadong guro ng ebanghelyo, sabik na matuto si Pangulong Grant mula sa mga patotoo ng iba. Sabi niya: “Ikinalulugod ko tuwina ang pagkakaroon ng oportunidad na makapulong ang mga Banal sa mga Huling Araw sa kahit aling pagpupulong nila. Wala akong nadaluhang pulong sa ating mga ward o stake o pangkalahatang kumperensya, na hindi ako nakatanggap ng pagpapala, tagubilin at panghihimok sa pananampalataya sa Ebanghelyo; lahat ng naririnig ko ay nagpapakain sa akin ng tinapay ng buhay.”2

Noong bata pa si Heber J. Grant nagkaroon siya ng karanasan na tumulong para makita niya ang kahalagahan ng pagtuturo at pag-aaral sa pamamagitan ng Espiritu. Sa huli’y nagunita niya:

“Maraming pangyayari sa buhay ko noong bata pa ako na nagbigay sa akin ng mga kahanga-hangang inspirasyon at kapangyarihan sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo ng mga lalaki na may taglay na diwa ng patotoo at panalangin. Naalaala ko ang isang pangyayari noong bata pa ako, marahil mga labimpito o labingwalong taong gulang ako noon. Narinig ko ang sermon ng yumaong Bishop Millen Atwood sa Thirteenth Ward. Nag-aaral ako ng gramar noon at napansin kong may ilang pagkakamali siya sa gramar sa kanyang pananalita.

“Isinulat ko ang una niyang pangungusap, napangiti ako at nasabi kong: ‘Makukuha ko ngayong gabi, sa loob ng tatlumpung minutong pananalita ni Brother Atwood, ang lahat ng materyal na kailangan ko sa panggabing klase ko sa gramar sa winter.’ Kinakailangan naming magdala sa klase para sa bawat aralin ng dalawa o apat na pangungusap linggu-linggo. Kasama na ang may mali sa gramar pati ang pagtatama rito.

“Inisip kong pagsabayin ang pagtatama ko at ang pakikinig sa sermon ni Brother Atwood. Ngunit hindi na ako nakapagsulat pa matapos ang unang pangungusap—wala ni isang salita; at nang matapos mangaral si Millen Atwood ay dumaloy ang mga luha sa aking pisngi, luha ng pasasalamat na sumibol sa aking mga mata dahil sa kahanga-hangang patotoo na sinambit ng taong ito tungkol sa banal na misyon ni Joseph Smith, ang propeta ng Diyos, at sa kahanga-hangang inspirasyon ng propeta sa lahat ng kanyang mga gawain.

“Bagama’t mga animnapu’t limang taon na ang nakalilipas mula nang marinig ko ang sermong iyon, malinaw pa rin ito sa akin ngayon, at ang nadama ko nang marinig ko iyon noon ay gayon pa rin hanggang ngayon. Alam ba ninyo, hindi ko na gagamitin pa ang mga pangungusap niya noon na mali sa gramar, dahil hindi ko rin nais tumayo sa harap ng klase at lapastanganin ang pangalan ng Diyos. Ang patotoong iyon ang unang tumimo sa aking puso at kaluluwa tungkol sa banal na misyon ng propeta. Maraming patotoo na ang narinig ko na ikinalugod ko at tumimo rin sa aking puso, ngunit ito ang unang patotoo na nagpaiyak sa akin sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu ng Diyos sa taong ito.

“Sa lahat ng taong lumipas mula noon, hindi na ako kailanman nabigla o nayamot sa mga mali sa gramar o maling pagbigkas ng mga salita ng mga taong nangangaral ng ebanghelyo. Naisip ko na parang humusga na rin ako ng tao ayon damit na suot niya, ang panghuhusga sa espiritu ng tao dahil sa uri ng kanyang pananalita. Mula noon hanggang sa ngayon ang bagay na nakintal sa isip ko ay ang Espiritu, ang inspirasyon ng buhay na Diyos na nasa taong nangangaral ng ebanghelyo, at wala ito sa wikang gamit niya. … Natutuhan ko nang ganap na ang Espiritu ang siyang nagbibigay ng buhay at pag-unawa, at hindi ang titik.” [Tingnan sa II Mga Taga Corinto 3:6.]3

Mga Turo ni Heber J. Grant

Kapag nagtuturo tayo ng ebanghelyo, kailangan nating magpokus sa simple at pangunahing alituntunin at mga kautusan.

Hindi ang mga pagkain na tinitingnan at iniisip nating masarap ang kapaki-pakinabang sa atin, kundi ang kinakain at tinutunaw natin. Hindi rin ang marangyang piging na nagbibigay sa atin ng lakas at aliw ang tumutulong sa atin upang mahusay na makibaka sa buhay, kundi ang madalas na pinakasimpleng pagkain ang siyang nagbibigay ng pangmatagalang kabutihan sa sinumang kumakain nito. Gayundin, hindi palaging ang piging na inihanda ng marunong ang nagdaragdag sa ating lakas upang magawa nang marangal at magiting ang ating mga tungkulin sa pakikibaka sa buhay, kundi madalas ang mga turo mula sa pinakaaba ang tumitimo sa ating puso at kaluluwa at siyang nagbibigay sa atin ng lakas upang sumulong at gawin ang ating tungkulin sa araw-araw nating pakikibaka sa pag-unlad.4

Layunin ng mga organisasyon sa Simbahan na mabigyan ng matibay na patotoo ang isipan at puso ng mga Banal, lalo na ang mga kabataan, —mga patotoo sa katotohanan ng Ipinanumbalik na Ebanghelyo, sa pagiging Mesiyas ng ating Panginoong Jesucristo, sa banal na misyon ng Propetang Joseph Smith, sa banal na pinagmulan ng Simbahang ito na itinatag ng Diyos at ng Kanyang Anak sa pamamagitan ng Propeta. Talagang ito ang Simbahan ni Jesucristo lakip ang lahat ng nauugnay dito, —nang sa huli’y magkaroon at masiyahan ang mga Banal sa mga patotoong ito, upang mamuhay silang sumusunod sa mga utos ng Panginoon, para patuloy nilang dagdagan ang kaalaman nila sa Katotohanan. Layon din nito na makapamuhay sila at dumating sa kanila ang kaligtasan, kadakilaan, at walang hanggang kaligayahan sa Kahariang Selestiyal at sa huli’y maakay nila ang ibang tao sa mundo sa kaalaman at patotoo ng Katotohanan sa pamamagitan ng kanilang turo at halimbawa, upang kamtin din nila ang mga pagpapalang ito.5

Naniniwala ako na ang gurong may pagmamahal sa Diyos at kaalaman hinggil sa Kanya, may pagmamahal kay Jesucristo at patotoo sa Kanyang kabanalan, patotoo sa banal na misyon ng Propetang Joseph Smith; at itinatanim ang mga ito sa puso at pagkatao ng mga batang kanyang tinuturuan, ang gurong ito’y nasa pinakamarangal at kahanga-hangang gawain na magagawa ng isang tao.6

Ituro at ipamuhay ang mga unang alituntunin ng ebanghelyo at paghintayin ang mga hiwaga ng langit hanggang sa makarating ka sa langit.7

Tulad ng madalas nating awitin …, dapat lamang na paulitulit nating ituro ang mga kautusan ng Panginoon sa kanyang mga tao at himukin ang mga Banal na sundin ang mga ito.8

Maraming ulit nang sinabi sa akin ng mga tao, “Pagod na ako sa paulit-ulit na pakikinig sa mga bagay na iyan. Di na kailangan pang magpaulit-ulit.” Maraming tao ang pumupula sa mga sermong naririnig nila dahil paulit-ulit lang ang iba rito. … Waring batid ng Panginoon na kailangang paulit-ulit na ituro ang anumang mensahe na nais niyang ibigay upang makintal ito sa isip ng mga tao. Ang ating Tagapagligtas, sa kanyang pagtuturo, ay madalas ulit-ulitin ang mga itinuturo sa iba’t ibang uri ng pananalita ng isang ideya nang sa gayon ay makintal ito sa isip at puso ng kanyang mga tagapakinig.9

Upang maging mabisang guro ng ebanghelyo, kailangan nating magturo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Sa unang mahabang paglalakbay ko nang ako’y gawing miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa, kasama ng yumaong Elder Brigham Young, Jr., [na naroon din sa Kapulungan ng Labindalawa, ] natatandaan kong sa paglalakbay na iyon—na tumagal nang apat na buwan—ay nagpasiya akong hindi na magsasalita tungkol sa paksang alam natin bilang “Word of Wisdom.” … Naisip kong ibahin ang paksang tatalakayin ko sa susunod na pulong na aking dadaluhan. Sa loob ng 20 minuto tinangka kong magsalita tungkol sa isang paksa at ako’y ganap na nabigo. Nang sumunod na 20 minuto’y maluwag kong natalakay ang Word of Wisdom; at pagkatapos ay nalaman ko na higit sa lahat ang kailangang marinig ng mga tao sa maliit na bayang gaya nitong dinalaw ko, ay ang tungkol sa Word of Wisdom. … Pagkatapos ng karanasang iyon nagpasiya ako na kapag nadama ko ang inspirasyon na magsalita tungkol sa isang bagay, at nadama kong gusto kong gawin ito, kahit matagal ko nang ipanangangaral ang paksang ito’y dapat kong ipangaral ito muli. …

Sa paglilingkod ko sa mga tao ay nagagalak akong makapagpatotoo na kapag mapagpakumbaba at mapanalangin at may pagnanais tayong magturo sa mga tao, bibigyan tayo ng inspirasyon ng Panginoon.10

Tayong lahat ay may pangamba at pagkahiyang nadarama kapag humaharap tayo sa mga tao upang mangaral sa kanila tungkol sa plano ng buhay at kaligtasan. Sa palagay ko mabuti na nga ang gayon, dahil malalaman natin na kailangan natin ng tulong, na mahina tayo, na hindi natin kayang magturo sa mga tao nang walang tulong ng Banal na Espiritu. … Nagpapasalamat ako na nakadarama ako ng pagkahiya tuwing nagsasalita ako sa harap ng mga Banal sa mga Huling Araw, dahil ayaw kong malagay sa katayuan na hindi ko madarama na kailangan ko ang liwanag at inspirayon ng Diyos habang nagsasalita ako sa harap ng mga tao. Alam kong hindi ko malalaman kung ano ang makabubuti sa mga tao kundi sa pamamagitan ng tinig ng inspirasyon.11

Taimtim kong hinahangad na maliwanagan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu ang aking isipan habang ako’y nagsasalita sa mga Banal sa mga Huling Araw. Alam ko na sa pagtuturo sa mga tao, kung ang tagapagsalita ay hindi binigyan ng inspirasyon ng Ama sa Langit, kailanman ay hindi siya nakapagsasalita ng anumang bagay na magiging kapakipakinabang sa mga Banal.12

Walang sinumang makapagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo sa ilalim ng inspirasyon ng buhay na Diyos at nang may kapangyarihan mula sa itaas maliban kung ipinamumuhay niya ito.13

Tungkulin natin ito—na lumagay sa katayuang makapagtuturo tayo sa mga tao, at magturo sa kanila sa pamamagitan ng inspirasyon ng espiritu ng Diyos habang ibinibigay ito sa atin; ngunit kung hindi natin tinutupad ang mga utos ng Diyos, hindi natin mahihikayat nang may kapangyarihan at lakas ang mga tao upang sumunod sa mga kautusang hindi natin mismo sinusunod.14

Upang makinabang sa mga pulong at klase sa Simbahan, kailangan tayong maging handang tumanggap at ipamuhay ang mga natutuhan natin.

Gaano man ang kapangyarihan ng patotoo o inspirasyon na naririto kung hindi naman handang tumanggap ang isang tao ay wala siyang mapapala dito. Tulad ito ng pagtatanim ng mainam na binhi sa tigang na lupa.15

Nagiging masarap ang pagkain dahil sa gutom. Ang pagkagutom sa Ebanghelyo ni Jesucristo ang magbibigay sa atin ng kasiyahan sa ating mga kumperensya.16

May ilang mga taong dumadalo sa mga pulong taun-taon at nakikinig sa mga tagapaglingkod ng Panginoon na nagtuturo sa kanila nang napakasimple at may kababaang-loob tungkol sa mga tungkuling ibinigay sa mga tao. Uuwi sila mula sa mga pulong na ito at kailanman ay hindi ipamumuhay ang kanilang mga narinig; gayon pa man ipinagmamalaki nila na lagi silang dumadalo sa mga pulong. Ngayon, mga kaibigan ko, kung lagi kayong pumupunta sa inyong hapag, uupo at pagmamasdan lamang ang iyong pagkain ngunit kailanman ay hindi sumubo ni katiting nito, hindi magtatagal ay mamamatay kayo sa gutom. May ilang mga Banal sa mga Huling Araw na dumadalo sa mga pulong at namamatay sa espirituwal na gutom dahil hindi sila nakatatanggap at nakakakain ng espirituwal na pagkain na ipinamamahagi rito. Hindi tayo dapat tagapakinig lamang ng mga salita, bagkus dapat maging mga tagagawa rin nito [tingnan sa Santiago 1:22].17

Kapag dumadalo tayo sa mga pulong nakikibahagi tayo sa diwa ng pulong na iyon. Kapag hindi tayo dumalo at may isang taong nagsabi lamang sa atin tungkol sa kahanga-hangang diwa na naroroon at kung ano ang natanggap niya sa pagdalo roon, walang halaga ito para sa atin. Tulad ito sa taong gutom na kinuwentuhan tungkol sa masarap na piging, hindi siya nabusog sa kuwento tungkol sa piging. Kailangang tayo mismo ang kumain, mabuhay para sa ating sarili, at gumawa ng tungkulin natin upang makibahagi sa Espiritu ng Panginoon, upang mapasaatin ang Espiritu ng Panginoon.

… Si Francis M. Lyman [ng Korum ng Labindalawang Apostol] na nanggagaling pa sa Toole ay natutulog [sa Salt Lake City] at maghihintay nang buong araw para sa mga pulong ng Unang Panguluhan at Apostol na umaabot sa dalawa o tatlong oras, ngunit hindi siya nag-absent sa kahit isa sa mga ito.

Isang araw sinabi ko sa kanya: “Humahanga ako sa iyo dahil lagi kang maagap at palagi kang nakadadalo sa mga pulong natin.”

Sinabi niya: “Di ko gustong di matanggap ang anumang inspirasyon mula sa Panginoon; di ko gustong ibalita lamang sa akin ang Espiritu ng Panginoon. Gusto kong makibahagi rito, maramdaman ito, at malaman ito sa sarili ko.”18

Sa pamamagitan ng panalangin ng pananampalataya, kapwa makikinabang at lalakas ang mga guro at mag-aaral.

Nais ko, sa tuwing nagsasalita ako sa harap ng mga Banal, na makinabang sa inyong pananampalataya at panalangin, at mapasaatin ang mabuting Espiritu upang kapwa tayo makinabang at mapalakas sa ating pinakabanal na pananampalataya sa pagtitipon nating ito. … May kilala akong ilang tao na nag-aakala na nakagawian lamang ng mga mananalita na humingi ng pananampalataya at panalangin mula sa mga Banal, nais kong sabihin na sa palagay ko’y nakakalimutan ng mga taong magsumamo sa Panginoon na basbasan at bigyan ng inspirasyon ang mga taong magsasalita. Sa mga pagkakataong ito, karamihan sa atin ay hindi nag-uukol ng sapat na atensyon at damdamin sa mga tagapagsalita at taimtim na nagnanais at nagdarasal na basbasan siya ng Panginoon. Paminsan-minsan ay nakakalimot din ako na habang nagsasalita ang aking mga kapatid ako’y dapat na nagdarasal para basbasan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu.

Mula sa karanasan, alam kong walang sinumang Elder na tumatayo upang magsalita sa mga Banal, na hindi nagsisikap na makatanggap ng pananampalataya at panalangin mula sa mga tao, kung taimtim niyang ninanais na makinabang sila sa kanyang mga salita. … Bilang kasagutan sa mga panalangin ng mga natitipong Banal, alam kong babasbasan ako ng Diyos at ang iba pang tatayo sa harap ninyo upang ipahayag sa inyo ang inyong mga tungkulin at obligasyon sa Manlilikha.19

Kapag pumupunta tayo sa mga pulong, dapat tayong pumunta roon nang may panalangin sa ating puso na nawa’y bigyanginspirasyon ng Panginoon ang magsasalita, sa pamamagitan ng Kanyang espiritu, at pagkatapos nilang magsalita sa atin sa pamamagitan ng inspirasyon ng Kanyang Espiritu, dapat tayong umuwi nang may determinasyon, pagnanais, panalangin, na tunay nating natutuhan ang aral na narinig natin at ating ipamumuhay ito.20

Sa buhay ko’y wala pang katumbas na kagalakan, o kaligayahan, o kapayapaan ang nadarama kong kagalakan, o kaligayahan, o kapayapaan sa tuwing sasabihin sa akin ng mga taong nakarinig sa pangangaral ko ng ebanghelyo ni Jesucristo na nagkaroon sila ng patotoo sa Kanyang gawain; na ang mga salitang nagmula sa aking bibig ay naghatid sa kanilang puso ng kaalaman na ipinanumbalik sa mundo ang plano ng buhay at kaligtasan. Naniniwala akong walang kapantay ang ligayang nadarama ng isang tao kapag nalaman niyang naging kasangkapan siya sa kamay ng buhay na Diyos para mapukaw ang ilang tapat ang puso nang sa gayo’y makadama sila ng pagmamahal sa Diyos at magkaroon ng hangaring paglingkuran Siya.21

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit kailangang “paulit-ulit” na ituro ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo? Paano ka nakinabang sa madalas na pag-uulit-ulit ng pag-aaral sa mga alituntunin ng ebanghelyo?

  • Anu-ano ang mga pagkakataon mayroon tayo sa pagtuturo ng ebanghelyo? Sa paghahanda natin sa pagtuturo, bakit mahalagang kilalanin natin ang ating kahinaan sa harap ng Panginoon?

  • Ano ang ibig sabihin ng pagtuturo sa pamamagitan ng inspirasyon ng Banal na Espiritu? (Tingnan din sa 2 Nephi 33:1; D at T 50:13–22; 100:5–8.) Ano ang maaari nating gawin para matanggap ang patnubay ng Espiritu sa pagtuturo natin? (Tingnan din sa Alma 17:2–3; D at T 11:18–21; 42:14.)

  • Ano ang responsibilidad natin habang nakikinig tayo sa iba na nagtuturo ng ebanghelyo? Paano naaapektuhan ng kahandaan nating matuto ang karanasan natin sa mga klase sa Simbahan? Sa paanong paraan makaiimpluwensiya sa guro at sa ibang tao sa klase ang kahandaan nating matuto?

  • Ano ang maaaring gawin ng mga guro para mahikayat ang mga miyembro sa klase na magkaroon ng partisipasyon sa mga aralin?

  • Sa paanong paraan nakatulong ang mga pulong sa Simbahan sa iyong espirituwal na pag-unlad? Bakit tungkulin nating ipagdasal ang mga nagtuturo sa mga pulong sa Simbahan?

  • Habang inaasam nating pag-aralan ang mga turo ni Pangulong Grant, ano ang maaari nating gawin para maipamuhay ang mga natutuhan natin sa kabanatang ito?

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1915, 82.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1914, 24.

  3. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 294–96.

  4. “Some Paragraphs from Life, ” Improvement Era, Abr. 1944, 203.

  5. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, na tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 6:210–11.

  6. “Spiritual Development Needed in Education, ” Improvement Era, Okt. 1923, 1092.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1924, 8.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1916, 38.

  9. “Spirit of the Lord Attends Elders of Church Who Strive to Obtain His Aid While Speaking in Public, ” Deseret Evening News, ika-15 ng Mar. 1919, bahagi 4, VII.

  10. Deseret Evening News, 15 Mar. 1919, bahagi 4, VII.

  11. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, na tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 3:190–91.

  12. Sa Conference Report, Abr. 1898, 14.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1938, 15.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1898, 36.

  15. “Some Sentence Sermons, ” Improvement Era, Set. 1944, 541.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1933, 118.

  17. Sa Collected Discourses, 3:193–94.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1934, 122–23.

  19. Sa Collected Discourses, 3:190–91; binago ang ayos ng mga talata.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1914, 77.

  21. Deseret Evening News, ika-15 ng Mar. 1919, bahagi 4, VII.

sister teaching

“Wala akong alam na iba pang nagbibigay ng higit na pagmamahal sa lahat ng mabuti, maliban sa pagtuturo ng Ebanghelyo ni Jesucristo.”