Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 23: Ang Pag-unlad at Tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw


Kabanata 23

Ang Pag-unlad at Tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isasakatuparan ng Simbahan ang banal na tadhana nito, at pribilehiyo natin ang gawing marapat ang ating sarili upang maging bahagi ng dakilang gawaing ito.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Si Heber J. Grant ay isinilang noong 1856, habang nagsisikap ang mga Banal na maitatag Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Salt Lake Valley. Noong panahong iyon, ang Simbahan ay mayroong 7 stake at tinatayang 64, 000 mga miyembro. Walang gumaganang templo noon.

Noong 1882, nang si Heber J. Grant ay maorden na Apostol, ang Simbahan ay matatag na sa Salt Lake Valley. Maraming tao sa daigdig noon ang di patas at mali ang mga ideya tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit patuloy na lumago ang Simbahan. Ang bilang ng mga miyembro ay halos 146, 000 na at ang bilang ng mga stake ay umabot na ng 24. Limang taon bago iyon, ang St. George Utah Temple ay inilaan—ang nag-iisang templo na gumagana noon.

Bilang Apostol, si Elder Grant ay saksi sa pag-unlad ng Simbahan. Noong 1902—nang ang Simbahan ay mayroong 4 na templong gumagana, 50 stake, at halos 300, 000 mga miyembro— ay ibinigay niya ang sumusunod na puna: “Walang bagay na hindi nagbabago. May pagbabago sa Simbahan; may katibayan tayo ngayon ng pag-unlad nito, ng dagdag na ikapu, ng dagdag na bunga ng gawaing misyonero sa buong mundo, at ng dagdag na kahusayan sa gawain sa mga kolehiyo, sa mga unibersidad at akademiya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kahanga-hanga din ang naging pag-unlad sa bilang ng mga taong dumadalo sa Sunday School. Ang gawain ng Diyos ay umuunlad, at ang kapangyarihan at impluwensya ng kalaban at ng mga kumakalaban sa atin ay humihina na.”1

Sa kasalukuyan ng paglilingkod ni Heber J. Grant bilang Pangulo ng Simbahan, mula Nobyembre 1918 hanggang Mayo 1945 ay nagpatuloy ang kagila-gilalas na pag-unlad ng Simbahan. Ang bilang ng mga miyembro ay umakyat mula sa halos 496, 000 hanggang mahigit 954, 000. Ang bilang ng mga stake ay nadagdagan mula 75 hanggang 149, at ang bilang ng mga templo na gumagana ay naging 7 mula sa bilang na 4.

Ayon kay Pangulong Grant ang mga tao ay nagsisimulang maging mabait sa mga Banal sa mga Huling Araw. “Naniniwala ako, ” sabi niya, “na kinikilala na tayo ngayon ng mga nakakikilala sa atin, bilang mga taong may takot sa Diyos, bilang matwid, at matapat na komunidad.”2 Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1937, pagkatapos makabalik mula sa paglalakbay sa mga misyon sa Europa ay ibinahagi niya ang sumusunod na halimbawa:

“Noong ako’y nasa Europa mahigit 30 taon na ngayon [bilang pangulo ng misyon, ] … sa buong tatlong taon ng pamamalagi ko sa British Isles hinding-hindi ako nagtagumpay sa paglalathala ng kahit isang artikulo sa pahayagan. Ang ilan sa mga labis na nakaiinsulto, pinakamasama, mahalay, at teribleng mga bagay ay nailathala hinggil sa atin, ngunit ang mga namamahala sa palimbagan ay hayagang tumangging makinig sa anumang sasabihin namin.

“Tiniyak sa akin nitong [huling] paglalakbay ko na may mabubuting paunawa ukol sa atin sa pahayagan sa Germany, Switzerland, Czechoslovakia, sa Holland at sa Belgium. Walang anumang uri ng panunuligsa, tanging mabubuting paunawa hinggil sa ating mga pulong, at sa ilang pagkakataon ang mga paunawa sa mga pahayagan sa British Isles ay gayon kaganda kung kaya sakali mang magkaroon tayo ng pribilehiyong isulat ang mga ito ay wala tayong maisusulat na higit na magiging kasiya-siya sa atin. Para sa akin wala ni isang artikulo na nasulat sa buong paglalakbay namin na hindi nagbigay ng patas, kagalang-galang at napakainam na ulat hinggil sa ating mga tao. Nagagalak ako sa mga bagay na ito. Kagila-gilalas na pagbabago ito mula sa diwa ng matinding galit at halos pagkapoot na nakita ko sa mga mamamahayag na nakilala ko tatlumpung taon na ang nakararaan.”3

Madalas ibahagi ni Pangulong Grant ang nadarama niyang pasasalamat sa temporal at espirituwal na pagsulong ng Simbahan. Sa mga pahayag na ito ng pasasalamat, kinilala niya ang mga biyayang dulot ng Panginoon at ang dedikasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kabila ng nakaharap nilang pagsubok. Noong panahon ng Matinding Kahirapan, sinabi niya: “Tanging ang perpekto at ganap na kaalaman na nasa atin bilang mga tao ang makatutulong sa atin upang magawa ang mga bagay na nagagawa natin ngayon. Isipin na lamang na sa panahong ito ng kahirapan at kaguluhan ay nakagugugol tayo ng milyun-milyong dolyar para magtayo ng mga bahay-pulungan! Halos tuwing Linggo, na magkakasunod, naglaan ako ng mga bahay-pulungan at sa tuwina ay umaapaw ang mga taong dumadalo sa mga pulong sa mga gusali. … Kahanga-hanga ang ating pagdami. May damdamin ng lubos na kapanatagan. Walang alinlangan na sa huli ang gawain ng Diyos ay magtatagumpay.”4

Mga Turo ni Heber J. Grant

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may banal na tadhana.

Ibinibigay ko ang aking patotoo sa inyo ngayon na si Joseph Smith ay propeta ng tunay at buhay na Diyos, na siya’y naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagtatatag muli sa mundo ng plano ng buhay at kaligtasan, hindi lamang para sa mga buhay kundi para sa mga patay, at ang ebanghelyong ito, na tinatawag ng mga tao ng daigdig na “Mormonismo, ” ang tunay na plano ng buhay at kaligtasan, ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo, na ang maliit na bato ay natibag mula sa bundok, at ito’y lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo [tingnan sa Daniel 2:31–45; D at T 65:2].5

Itinayo ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa mga huling araw na ito upang ang mga tao’y tawagin sa pagsisisi, para sa kaligtasan at kadakilaan ng kanilang mga kaluluwa. Paulit-ulit Niyang sinabi kay Propetang Joseph at sa kanyang mga kasama na “ang bukid ay puti na upang anihin.” (D at T 4:4; 6:3; 11:3; 12:3; 14:3; 33:3, 7). Paulit-ulit Niyang iniutos sa kanila na walang ibang ipangaral kundi pagsisisi sa henerasyong ito (D at T 6:9; 11:9; 14:8) at sa huli’y ipinahayag na:

“At iyong ipahahayag ang masayang balita, oo, ipahayag ito sa mga bundok, at sa bawat matataas na lugar, at sa bawat tao na pahihintulutan kang makita.

“At ito ay gagawin mo nang may buong kababaang-loob, nagtitiwala sa akin, hindi nanlalait laban sa yaong mga manlalait.

“At ang mga doktrina ay hindi mo tatalakayin, kundi iyong ipahahayag ang pagsisisi at pananampalataya sa Tagapagligtas, at kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng pagbibinyag, at sa pamamagitan ng apoy, oo, maging ng Espiritu Santo.

“Masdan, ito ang dakila at huling kautusan na aking ibibigay sa iyo hinggil sa bagay na ito; sapagkat ito ay sapat na para sa iyong pang-araw-araw na buhay, maging hanggang sa katapusan ng iyong buhay.

“At kalungkutan ang iyong matatamo kung iyong pawawalanghalaga ang mga payong ito, oo, maging ang pagkawasak ng iyong sarili at ari-arian.” (D at T 19:29–33.)

Ang mga utos na ito’y kailangan nating sundin upang makilala ng mga tao ang Diyos at si Jesucristo na Kanyang isinugo, dahil “ito ang buhay na walang hanggan.” (Juan 17:3.)

Ito ang dahilan kung bakit itinatag ang Simbahan, muling inihayag ang ebanghelyo sa kaganapan nito, muling ipinanumbalik ang Priesthood ng Diyos, kasama ang lahat ng mga karapatan, kapangyarihan, susi at gamit nito. Ito ang misyon ng Simbahan. Ang banal na utos na ibinigay sa mga apostol noon (Mat. 28:19; Marcos 16:15) ay inulit sa panahong ito, na ang ebanghelyo ay dapat ihatid sa lahat ng mga bansa (D at T 38:33), sa mga Judio at Gentil (D at T 18:26); dapat itong ipahayag nang may kagalakan (D at T 28:16); lalaganap ito sa lahat ng sulok ng mundo (D at T 65:2); at kailangang ipangaral natin ito dahil sa atin ibinigay ang kaharian. (D at T 84:76.) Wala tayong hakbangin ni ang Simbahan, na dapat humadlang sa utos na ito na ibinigay ng Diyos.6

Ang misyon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay kapayapaan. Layunin nito na ihanda ang mga tao ng daigdig sa ikalawang pagparito ni Cristo, at sa pagsisimula ng pinagpalang araw na iyon kung kailan darating ang milenyo at si Cristo ang maghahari bilang Hari ng mga hari, na nakatayo sa uluhan ng pangkalahatang kapatiran ng sangkatauhan.7

Ang pag-unlad at pagsulong ng Simbahan noong una ay naganap bilang katuparan ng propesiya.

Ang mga nagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ay tumpak at ganap na naaayon sa propesiyang ibinigay sa kanlurang bahagi ng Ilog Mississippi ng Propetang Joseph Smith, na nakatala sa talaarawan ng propeta sa ilalim ng petsang Agosto 6, 1842:

“Ako’y nagpropesiya na ang mga Banal ay patuloy na daranas ng maraming kahirapan at itataboy patungo sa Rocky Mountains. Marami ang titiwalag, ang iba’y papaslangin ng ating mga tagausig o babawian ng buhay dahil sa pagkalantad sa elemento o sakit, at ang ilan sa inyo ay mabubuhay upang humayo at tumulong sa pagtatayo ng mga panirahan at mga lungsod, at makikita na magiging makapangyarihang mga tao ang mga Banal sa gitna ng Rocky Mountains.” [History of the Church, 5:85.]

… Tunay na naisakatuparan natin ang propesiyang iyon sa kabila ng katotohanan na ang kanluraning bansang ito ay itinuring na walang halaga. Kapag naiisip ninyo ang tigang na lupang ito, kapag naiisip ninyo na itinuring itong walang halaga, at pagkatapos ay matatanto ang naisagawa na, walang makapag-aalinlangang natupad natin ang prediksyong iyon.8

Nagagalak ako sa iniunlad at isinulong ng gawain ng Diyos dito sa mundo. … Naaalala ko nang kasama ko si Pangulong Wilford Woodruff, habang nakatayo sa isang bagon sa Idaho, … at nagsasalita sa kalahating dosena, o isang dosenang mga kabataan na naroon, at pilit kong nagugunita ang pananalita ng propetang iyon ng Diyos. … Natatandaan ko na tila nasisiraan na ng loob ang mga kabataan na nasa Sand Creek, nang pagmasdan nila ang lupain na wala ni isang puno, walang palumpong maliban sa sagebrush, na wala kahit isang simpleng kubo. Sinabi ni Brother Woodruff sa mga kabataan: “Huwag kayong panghinaan ng loob, huwag mawalan ng pag-asa, dahil ang pagpapala ng Diyos ay nasa lupaing ito. Sandaling panahon lamang at magkakaroon ng maunlad at masasayang panirahan dito ang mga Banal sa mga Huling Araw. Pakiramdam ninyo’y lumayo kayo sa inyong mga kaibigan, na halos wala kayo sa daigdig na ito, ngunit sandaling panahon lamang at magkakaroon na kayo ng bahay-pulungan, at paaralan at lahat ng mga pasilidad dito na mayroon kayo noon bago kayo nagpunta dito. Pagpapalain at pararamihin ng Diyos ang lupain.” Ano ang resulta ngayon? Sa mismong lugar na iyon ay makikita ngayon ang bayan ng Iona, ang punong tanggapan ng isa sa mga stake ng Sion, na may mga limang libong tao sa halip na anim o pitong kabataan lamang; ang mga salita ni Propetang Wilford Woodruff ay natupad nang buung-buo.9

Kapag naiisip ko ang lahat ng nagawa ng gawain ng Diyos, wala akong mahagilap na salita na aangkop na papuri para sa lahat ng nagawa.10

Dama ko na ang lahat ng mga kahirapan at problema na aming pinagdaanan ang naghanda at nagturo sa amin at nagpalakas sa aming mga tao para sa mas dakilang mga bagay.11

Tunay na ang mga Banal sa mga Huling Araw, gaya ng sinabi ni Propetang Joseph na nararapat mangyari, ay naging makapangyarihang mga tao sa Rocky Mountains, at nagsisimula pa lamang tayong umunlad at lumago. Nagsisimula tayong umunlad at maging makapangyarihang mga tao, ngunit kung ano tayo ngayon ay napakaliit kung ihahambing sa magaganap sa hinaharap.12

Walang makapipigil sa Simbahan sa pagsasakatuparan nito ng tadhana nito.

Sa bawat taon ang Simbahan ay mas lumalakas kaysa noong nakaraang taon. Umuunlad ang Simbahan, hindi ito umuurong. Maaaring magkamali ang mga tao, ngunit ang Simbahan ay mananatiling matatag.13

Ang kalaban ng mga kaluluwa ng tao, ang tagawasak, siya na sisira sa gawain ng Diyos, siya at ang kanyang mga kampon ay nagakala na sa pagpatay sa Propeta [Joseph Smith] at sa Patriarch [Hyrum Smith] ay mahahadlangan nila ang gawain ng buhay na Diyos na muling itinatag sa mundo; ngunit … ang kagila-gilalas na pag-unlad ng Simbahan, ang dakilang templo ng Diyos sa [Salt Lake City], ang maganda nating tabernakulo, ang malaking gusali [sa pangangasiwa ng Simbahan] …, ang mga bantayog at mga templo, mula Canada hanggang Hawaii, at sa Saint George, at ang malaking pagsulong ng gawain ng Diyos, —lahat ng ito’y matinding pangaral sa mga nag-aakalang mapipigilan nila ang gawain ng Panginoon. Ang patotoo kay Jesucristo na nag-alab sa mga puso ng Propeta at ng Patriarch, at naging sanhi ng pag-aalay ng kanilang buhay, ay nag-aalab sa puso ng bawat isa at sa ating lahat na biniyayaan ng liwanag, ng kaalaman, at ng patotoo hinggil sa kabanalan ng gawaing ito na ating kinabibilangan.14

Ang ilang tao ay nagsabi … na maliban kung umunlad ang Simbahang ito at “sumulong” o umayon sa makabagong daigdig, gaya ng ibang mga simbahan, ito ay nakatadhanang mabigo. Ang sinumang Banal sa mga Huling Araw na mag-akala kahit sa isang saglit na ang Simbahang ito’y mabibigo ay hindi tunay na nagbalik- loob na Banal sa mga Huling Araw. Walang pagkabigo sa Simbahang ito. Itinatag ito sa huling pagkakataon, at di na kailanman ibibigay sa iba pang mga tao at di kailanman mawawasak.15

Ang ating mga kaaway ay hindi kailanman nakagawa ng anumang bagay na nakapinsala sa gawaing ito ng Diyos, at di nila ito magagawa kailanman. Lumilingon ako sa paligid, nagbabasa, nagmumuni- mini, at nagtatanong, Nasaan ang mga taong maimpluwensya, makapangyarihan at bantog, na kumalaban sa mga Banal sa mga Huling Araw? … Nasaan ang mga taong magbibigay galang sa kanila? Hindi sila matagpuan. … Nasaan ang mga taong kumalaban sa gawaing ito? Nasaan ang kanilang impluwensya? Naglaho silang gaya ng hamog sa sikat ng araw. Hindi tayo kailangang matakot, tayong mga Banal sa mga Huling Araw. Patuloy na itataguyod ng Diyos ang gawaing ito; itataguyod Niya ang tama.16

Ang Diyos ay buhay, si Jesus ang Cristo, si Joseph Smith ay propeta ng tunay at buhay na Diyos; at ang gawaing ito na tinatawag na “Mormonismo” ay ang Ebanghelyo ni Jesucristo na ating Manunubos, at ito ang plano ng buhay at kaligtasan; at lahat ng kawalang pananampalataya sa daigdig, lahat ng pagsalungat sa buong mundo ay hindi makapipigil dito. Diyos ang nagtatag nito at ito’y magpapatuloy hanggang sa maisakatuparan nito ang kanyang tadhana!17

Dapat nating gawing marapat ang ating sarili upang makabahagi sa tadhana ng Simbahan.

Maraming ipinangako ang Diyos na kahanga-hangang mga bagay tungkol sa mga taong ito. Kagila-gilalas ang tadhanang naghihintay sa atin, at dahan-dahan tayong naghahanda at nagiging marapat sa tadhanang iyon.18

Kung mayroon mang isang bagay higit sa lahat na gusto kong ikintal sa puso ng mga Banal sa mga Huling Araw ito ay ang dapat tayong tunay na maglingkod sa Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas natin, upang makasabay tayo sa pagsulong sa sandali ng kahirapan ng kanyang gawain sa mundo.19

Ang tadhana ng mga Banal sa mga Huling Araw ay napakadakila. Natanto ko na ang mga propesiyang ginawa hinggil sa mga taong ito ay dapat matupad. Ang munting batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap hanggang sa mapuno nito ang buong mundo. Natanto ko na kakailanganin na ang ating mga anak ay maiangkop, maging kwalipikado, at maihanda sa pamamagitan ng edukasyon, ng pag-aaral, at ng pananampalataya sa Diyos, na ating Ama sa Langit, at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, kung matagumpay nilang magagampanan ang kanilang tadhana. Na maisasakatuparan ng mga Banal ang kanilang tadhana, na magagawa nila ang lahat ng nais ipagawa sa kanila ng Diyos, ay wala akong alinlangan. Nasa atin na bilang mga indibiduwal kung gagawin natin ang lahat ng maaari nating gawin. Madalas kong sabihin sa pagsasalita ko sa mga Banal, na ang bawat isa sa atin ang arkitekto ng ating buhay; na bibiyayaan tayo ng Diyos batay sa ating katapatan at pagsusumigasig.20

Wala akong alinlangan na pagpapalaing mabuti ng Panginoon ang mga Banal sa mga Huling Araw at bibiyayaan pa sila nang higit sa hinaharap kaysa noong nakaraan, ngunit dapat ay mapagpakumbaba tayo at masigasig; dapat ay hangarin natin ang pagsulong ng kaharian ng Diyos, at hindi gawin ang sarili nating kalooban at kagustuhan. Ipinanumbalik sa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo; nasa atin ang plano ng buhay at kaligtasan; nasa atin ang mga ordenansa ng Ebanghelyo hindi lamang para sa mga buhay kundi para din sa mga patay. Nasa atin ang lahat ng kailangan, hindi lamang para sa ating sariling kaligtasan, kundi upang tayo’y tunay na maging “mga Tagapagligtas sa Bundok ng Sion, ” [tingnan sa Obadias 1:21] at makapasok sa mga templo ng ating Diyos at iligtas ang ating mga ninuno na namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo.21

Kung tayo’y matapat, kung tayo’y tunay, kung tayo’y karapatdapat sa ebanghelyong ito, na binigyang patotoo sa atin ng Diyos, walang panganib sa mundo na makapipinsala sa atin. Hindi tayo kailanman masasaktan, mga kapatid, ng sinumang tao, maliban sa ating sarili. Kung mabigo tayong maglingkod sa Diyos, kung mabigo tayong gawin ang tama, sa gayon ay ninanakawan natin ang ating sarili ng kakayahan at kapangyarihang umunlad, na sumulong sa pananampalataya at kaalaman, na magkaroon ng kapangyarihan sa piling ng Diyos, at ng mabubuti.22

Hindi mali ang ipropesiya na ang mga tao ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay patuloy na darami at uunlad, sa espirituwal at temporal, basta (1) sinusunod nila ang mga utos ng Diyos at (2) tinatahak nila ang landas na itinuro Niya sa pamamagitan ng Kanyang inspiradong mga tagapaglingkod na humahawak ng Banal na Priesthood. Sila ang mga tao na ang pananampalataya, turo, katipiran, at temporal at espirituwal na pag-unlad ay magiging pagpapala at kapaki-pakinabang sa buong bansa. Ang mga taong hindi dapat katakutan, bagkus ay pagpalain at tanggapin, dahil ang hangad nila’y gawin ang kalooban ng Panginoon, upang pakitunguhan ang lahat ng tao nang naaayon sa mga alituntunin ng katarungan at kabutihan. Sila mismo ay matatapat at masunurin sa batas ng lupain, masunurin sa mga patakaran ng makatwirang mga pamahalaan ng mundo. Masunurin sila sa mga patakaran ng nagbibigay buhay na ebanghelyo ni Jesucristo, na itinatag at ipinanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith sa pagdalaw ng Diyos at ng Kanyang Anak na si Jesus na Cristo, na siyang puno ng dakila at kagila-gilalas na gawaing kinabibilangan natin. Ang kanilang sawikain ay “Katotohanan at Kalayaan, ” at ipararating nila ito sa buong sangkatauhan, at gagawing kabahagi ang sangkatauhan sa impluwensya ng kapayapaan at kabutihan na kaakibat ng tunay na ebanghelyo ni Jesucristo—ang tanging paraan para maitatag ang kapayapaan at kapatiran ng tao sa buong mundo.23

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang tadhana ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Ano ang katibayan ngayon na ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay “naging makapangyarihang mga tao”? Bakit gayon na lamang ang naging pag-unlad ng Simbahan?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa pagsisikap ng mga naunang Banal sa paggapi sa mga hadlang at pagtatayo ng kaharian ng Diyos?

  • Paano maihahambing ang naging pagsulong ng Simbahan noong kapanahunan ni Pangulong Grant sa pagsulong nito sa kasalukuyan?

  • Paano nakatutulong sa inyo na malaman na ang Simbahan ay “itinatag sa huling pagkakataon, at di na kailanman ibibigay sa iba pang mga tao at di kailanman mawawasak”?

  • Paano tayo makaaambag sa katuparan ng tadhana ng Simbahan? Sa paanong paraan matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na “maging angkop, kwalipikado, at handa” na mag-ambag sa tadhana nito?

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1902, 80.

  2. Deseret News, ika-6 ng Hunyo 1931, bahaging Simbahan, 8.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1937, 8.

  4. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 87; binago ang ayos ng mga talata.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1919, 15.

  6. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1942, 91; binasa ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.

  7. Gospel Standards, 18.

  8. Gospel Standards, 240.

  9. Gospel Standards, 84–85.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1924, 7.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1924, 8.

  12. Gospel Standards, 94.

  13. Sa Conference Report, Abr. 1934, 7.

  14. “Hyrum Smith and His Distinguished Posterity, ” Improvement Era, Ago. 1918, 855.

  15. Gospel Standards, 87.

  16. Gospel Standards, 85–86.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1923, 161.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1909, 113.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1924, 3.

  20. Gospel Standards, 74–75.

  21. Gospel Standards, 94–95.

  22. Gospel Standards, 86.

  23. Gospel Standards, 101–2.

President Grant in 1945

Si Pangulong Heber J. Grant noong 1945, sa edad na 88. Nakita niya ang malaking pag-unlad ng Simbahan noong kanyang kapanahunan, at nagpatotoo siya na ang gawain ng Panginoon ay “lalaganap hanggang sa maisakatuparan nito ang tadhana nito.”