Kabanata 3
Paglalakad sa Landas na Patungo sa Buhay na Walang Hanggan
Habang masigasig nating sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo at ituon ang ating buhay sa mga bagay na ukol sa Diyos, tayo’y nananatiling ligtas sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Sa kanyang mga pananalita sa pangkalahatang kumperensya, paulit-ulit na hinimok ni Pangulong Heber J. Grant ang mga Banal na manatili sa makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan. Binalaan niya sila tungkol sa panganib ng mali nilang pagpipriyoridad at pagkaakay palayo sa mga bagay na pinakamahalaga. “Maaari nating ipagkait sa ating sarili ang pagkakamit ng mga biyayang mula sa Panginoon sa pamamagitan ng pag-asa sa mga bagay ng daigdig na ito, ” sabi niya. “Maaari nating isakripisyo ang mga yaman sa kawalang hanggan— gaya halimbawa ng pagtalikod sa mas mahahalagang bagay bilang kapalit ng bagay na di naman mahalaga.”1
Upang maipakita ang kahalagahan ng pagkilala at paghahangad sa mga bagay na mahalaga sa kawalang hanggan, madalas ikuwento ni Pangulong Grant ang isang matapat na sister na Banal sa mga Huling Araw na nag-isip na “napakapangit” ng dalang portpolyo ni Pangulong Grant. Naisip niya na sana’y may magbigay sa kanya ng “disente at kagalang-galang tingnan na bag.” Ang hindi niya alam ay mamahalin ang portpolyo ni Pangulong Grant at ibinigay ito sa kanya ng mga kasosyo niya sa negosyo bilang pagpapakita ng pagpapahalaga. “Hindi niya alam ang halaga nito, ” paliwanag ni Pangulong Grant. Sa kabaligtaran, ang uri ng portpolyo gusto niya ay mumurahin at hindi matibay. Itinulad ni Pangulong Grant ang “maling pagtatantiya sa mga bagay-bagay” ng butihing sister sa paraan ng pagkabigo ng daigdig na makilala ang mga katotohanan ng ibinalik na ebanghelyo. “Hindi nila alam ang katotohanan, ” sabi niya. “Hindi nila alam ang kahalagahan ng ebanghelyo ni Jesucristo.”2
Itinuro ni Pangulong Grant: “Ano ang ebanghelyo? Ito ang plano ng buhay at kaligtasan. Ito ang bagay na mas mahalaga kaysa buhay mismo. Dahil dito hindi nakapagtataka na handa at kusa tayong gagawa ng mga sakripisyo para sa ebanghelyo kapag naunawaan natin ang kahalagahan nito kapag ipinamuhay natin ito.”3 Ito ang gabay na prinsipyo sa kanyang buhay. Kahit na marami siyang kakayahan at kinawiwilihan, hindi niya hinayaang matakpan ng mas maliliit na problema ang kanyang pananaw sa mga bagay na pinakamahalaga. Halimbawa, ang kahusayan niya sa negosyo ang dahilan ng pagiging bantog niya sa ilang propesyonal na mithiin. Nasiyahan siya sa pagsali sa mga larong pampaligsahan, lalo na ang tenis at golf. Gusto niya ang teatro at opera. Gustung-gusto niyang magbasa, natutuwa sa kalikasan, at nasisiyahan sa pakikihalubilo. Naging aktibo siya sa pulitika. Marami na siyang napuntahang lugar dahil sa tungkulin niya sa Simbahan at negosyo, at siya at ang kanyang pamilya ay tuwangtuwa sa mga bagong lugar at karanasan. Bilang resulta ng kanyang katapatan at paglilingkod, nakatanggap siya ng iba’t ibang award. Ngunit ang kanyang mga aktibidad, katanyagan, at tagumpay ay hindi naging hadlang sa kanya sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan.
Ang payo niya na maglakad sa makitid at makipot na landas ay tapat at tuwiran. Tinuruan niya ang mga Banal na gawin ang kanilang tungkulin—ang sundin ang mga utos. Ipinahayag niya: “Sinasabi ko sa lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw: sundin ang mga utos ng Diyos. Ito ang pangunahing paksa ko—itong iilang salitang ito: sundin ang mga utos ng Diyos!”4
Mga Turo ni Heber J. Grant
Kung mahal natin ang Panginoon, ang malaking layunin ng ating buhay ay ang paglingkuran Siya at sundin ang Kanyang mga utos.
Makikita natin sa ika-22 kabanata ng San Mateo ang sumusunod:
“Datapuwa’t nang marinig ng mga Fariseo na kaniyang napatahimik ang mga Saduceo, ay nangagkatipon sila.
“At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay tinanong siya ng isang tanong, upang siya’y tuksuhin.
“Guro, alin baga ang dakilang utos sa kautusan?
“At sinabi [ni Jesus] sa kaniya, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.
“Ito ang dakila at pangunang utos.
“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong kautusan, at ang mga propeta.” [Mateo 22:34–40.]
Habang lalong tumatagal ang buhay ko, lalo kong pinag-aaralan ang ebanghelyo, lalo akong nakikihalubilo sa mga tao, lalo akong nasisiyahan sa katotohanan ng mga sinabi ng ating Tagapagligtas sa mga salitang kababasa ko sa inyo. Kung sa bawat gawa ay mahal natin ang Panginoon nating Diyos nang buong puso natin, nang buong isipan natin, nang buong kaluluwa natin, hindi na kailangang paulit-ulit na himukin pa ang mga tao na sundin ang mga utos ng Panginoon. Masisiyahan sila na paglingkuran ang Diyos at sundin ang Kanyang mga utos. Sinabihan tayo na kung saan naroon ang kayamanan ng tao ay naroon din ang kanyang puso [tingnan sa Mateo 6:21], at kung mahal natin ang Panginoon ng buong puso at isipan at kaluluwa, ang paglilingkod sa Kanya ang magiging pinakadakilang mithiin ng ating buhay, at ang yaman na sisikapin nating makamtan ay ang Kanyang pagmamahal. Kung susundin natin ang ikawalang utos, ang mahalin ang ating kapuwa na gaya ng ating sarili, … malulutas natin nang maayos ang ating mga problema. … Halos [hindi na kailangan] pang makiusap sa mga tao na magbigay ng mga donasyon, na himukin silang maging mapagbigay, na maging bukas-palad, na magsikap alangalang at para sa kapakanan ng kanilang kapwa-tao.5
Habang sinusunod natin ang mga utos, pinagpapala tayo ng Panginoon at tinutulungan sa ating mga pagsisikap.
Sinabihan tayo na ang pananampalatayang walang gawa ay patay; na kung paanong patay ang katawan kung wala ang espiritu, ay gayundin ang pananampalatayang walang mga gawa [tingnan sa Santiago 2:17, 26], at ikinalulungkot kong sabihin na marami ang nagsasabing mga Banal sa mga Huling Araw sila ngunit sila’y patay sa espirituwal.
Maraming beses nating itinatanong sa ating sarili, bakit umuulad ang taong ito sa plano ng buhay at kaligtasan, samantalang ang kapitbahay niya, na gayundin ang talino at kakayahan, na kitang- kita namang gayundin ang patotoo at kapangyarihan, at marahil mas makapangyarihan pa, ay hindi umuunlad? Sasabihin ko sa inyo kung bakit. Ang isa ay sumusunod sa mga utos ng ating Ama sa Langit, at ang isa ay hindi sumusunod sa mga ito. Sinasabi ng Tagapagligtas na siya na sumusunod sa Kanyang mga utos ay ang taong nagmamahal sa Kanya, at siya na sumusunod sa mga utos ng Diyos ay mamahalin ng Ama, at sinabi ng Tagapagligtas na mamahalin din niya ang taong iyon at magpapakita Siya sa taong iyon [tingnan sa Juan 14:21].
Sinabi rin sa atin ng Panginoon na ang mga nakikinig sa sinasabi Niya at ginagawa ang mga ito ay gaya ng taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay sa batuhan, at nang umulan at bumaha at umihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, ay hindi iyon bumagsak, dahil nakatayo ito sa ibabaw ng bato. Sa kabilang banda, ang mga taong nakarinig sa Kanyang mga sinabi at hindi sinunod ang mga ito, ay itinulad ng Tagapagligtas sa taong hangal, na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan, at nang dumating ang ulan at bumaha at umihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, ay bumagsak iyon, at matindi ang naging pagbagsak nito. [Tingnan sa Mateo 7:24–27.] Maraming mga Banal sa mga Huling Araw ang nagtatayo ng kanilang mga bahay sa buhanginan at nang umulan at dumating ang baha at umihip ang hangin at hinampas ang bahay na iyon, iyon ay bumagsak, at matindi ang pagbagsak nito. [Tingnan sa Mateo 7:24–27.] Maraming mga Banal sa mga Huling Araw ang nagtatayo ng kanilang mga bahay sa buhanginan. Hindi nila sinusunod ang mga utos ng ating Ama sa Langit na dumarating sa atin sa tuwina sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod.
Ngayon, kung nasa atin ang Ebanghelyo (at alam nating nasa atin), sinasabi ko sa bawat Banal sa mga Huling Araw, na naghahangad umunlad at sumulong sa Ebanghelyo, na dapat niyang sundin ang mga utos ng Diyos. Habang sinusunod natin ang mga utos ng Diyos at namumuhay na gaya ng Diyos tayo’y napupuspos ng pag-ibig sa kapwa-tao, ng pagtitiis at pagmamahal sa ating kapwa, at tayo’y umuunlad at sumusulong sa lahat ng mga bagay na tumutulong upang tayo’y maging magiting at maging tulad ng Diyos. Nakakamit din natin ang pagmamahal at tiwala ng mga nakapaligid sa atin. Sa pamamagitan ng paggawa ng mga simple at pang-araw-araw na tungkulin na nakapalibot sa atin tayo uunlad sa espiritu ng Diyos.6
Labis akong nagagalak sa Ebanghelyo ni Jesucristo na inihayag sa panahong ito, at hangad kong mabuti na magawa ko, gaya ng iba pang mga Banal sa mga Huling Araw, na ayusin ang aking buhay upang ang isipan ko’y hindi magdilim kailanman, upang hindi ako lumayo sa katotohanan, o lumabag sa alinmang tipan na ginawa ko sa Panginoon. Hangad kong mabuti na malaman ang kalooban at kaisipan ng aking Ama sa Langit at magkaroon ako ng kakayahan at katatagan ng pagkatao na isagawa ang gayundin sa aking buhay. Ito rin ang hangad ko para sa lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinasasalamatan kong mabuti ang katotohanan na batay sa antas ng ating pagsisigasig, katapatan at kababaang-loob sa pagtupad sa mga utos ng Diyos, ay pagpapalain Niya tayo at tutulungan sa ating mga gawain; at tungkulin ng bawat isa na hanaping mabuti ang Panginoon upang matuto sa Kanyang paraan.7
Sa mabuting pangangalaga ng Panginoon ang bawat tao na sumusunod sa ebanghelyo ni Jesucristo sa malao’t madali ay tatanggap ng mahalagang bagay na tinatawag na patotoo hinggil sa kawalang hanggan ng kanyang pagkatao, ng patotoo hinggil sa kabanalan ng gawain na kinabibilangan natin.
Walang ibang mga tao na gumagawa ng mga sakripisyong ginagawa natin, pero para sa atin ay hindi ito sakripisyo kundi isang pribilehiyo—ang pribilehiyong sumunod, ang pribilehiyong pumasok sa kasunduan sa ating Ama sa Langit at makamtan ang piling pagpapala na ipinangako sa mga nagmamahal sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga utos.8
Walang balakid na hindi malalampasan kapag inutos ito ng Diyos at tayo’y sumunod. … [Sabi ni] Nephi: “Sapagkat nalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay naghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinaguutos sa kanila.” [1 Nephi 3:7.] Tanggapin natin ito at na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay magdudulot sa atin ng liwanag at inspirasyon ng Kanyang Espiritu. Sa gayon ang hangarin ng ating mga puso ay ang malaman ang isip at kalooban ng Panginoon, at magdarasal tayo at hihingi ng lakas at kakayahan na maisagawa ito, at sa gayon ay sumunod sa mga yapak ng ating Panginoon at Gurong si Jesucristo.9
Kapag ginagampanan natin ang ating tungkulin at lumago sa pananampalataya at patotoo, hindi tayo maililigaw ng kaaway.
Handa ang diyablo na bulagin ang ating mga mata sa mga bagay ng daigdig na ito, at matutuwa siyang nakawin sa atin ang buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob. Ngunit hindi ibinigay sa diyablo, at walang kapangyarihang ibibigay sa kanya na sisira sa sinumang Banal sa mga Huling Araw na sumusunod sa mga utos ng Diyos. Walang kapangyarihang ibinigay sa kaaway ng kaluluwa ng tao na sisira sa atin kung ginagampanan natin ang ating tungkulin. Kung hindi tayo lubos na matapat sa Diyos ay inaalis natin ang mga bakal at sa gayon ay nasira natin ang bahagi ng depensang nagpoprotekta sa atin, at maaaring makapasok ang diyablo. Ngunit wala namang taong nawalan ng patotoo sa Ebanghelyo, walang taong lumiko sa kanan o sa kaliwa, na nagkaroon ng kaalaman sa katotohanan, na gumaganap sa kanyang mga tungkulin, na sumusunod sa Word of Wisdom, na nagbabayad ng kanyang ikapu, na tumutugon sa kanyang mga tawag at tungkulin sa Simbahan.
May ilan na habampanahong nagtatanong kung ano ang gusto sa kanila ng Panginoon, at tila atubiling gawin iyon. Kumbinsido ako na ang tanging nais ng Panginoon sa inyo at sa akin at kanino pa mang lalaki o babae sa Simbahan ay ang gawin ang ating tungkulin at sundin ang mga utos ng Diyos.10
Kung maipapakita ninyo sa akin ang taong dumadalo sa mga miting ng kanyang korum, na gumagawa sa kanyang mga tungkulin sa ward kung saan siya nakatira, na matapat na nagbabayad ng kanyang ikapu, ay ipapakita ko sa inyo ang isang taong puno ng espiritu ng Diyos at umuunlad at sumusulong sa patotoo ng Ebanghelyo. Sa kabilang banda, ipakita ninyo sa akin ang isang taong nakakita na ng mga anghel, na nakatanggap ng kahanga-hangang mga pagpapamalas, na nakakita ng mga diyablong itinaboy, na nakarating na sa mga dulo ng mundo at ipingaral ang Ebanghelyo, ngunit gayunman ay hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos, at ipapakita ko sa inyo ang isang taong tumutuligsa sa mga hinirang ng Panginoon, at naghahanap ng kamalian sa ginagawa ng Pangulo, sa pinupuntahan niya at ginagawa niya at kung paano niya pinangangasiwaan ang mga gawain ng Simbahan. …
Makikita ninyo na ang mga taong hindi gumagawa sa kanilang tungkulin ay palaging nagrereklamo tungkol sa taong gumaganap sa kanyang tungkulin, at marami silang mga dahilan. Wala pa akong nakitang tao na sumusunod sa mga utos ng Diyos na bumatikos sa pangangasiwa ng mga gawain sa Simbahan. Kapabayaan sa tungkulin, hindi pagsunod sa mga utos ng Diyos ang nagpapadilim sa isipan ng tao at lumalayo ang Espiritu ng Panginoon. Nakikita nating nakatala sa Doktrina at mga Tipan na “Sapagkat bagaman ang tao ay makatanggap ng maraming paghahayag, at magkaroon ng kapangyarihang makagawa ng maraming makapangyarihang gawa, ngunit kung siya ay magyayabang sa kanyang sariling lakas, at ipagwawalang-kabuluhan ang mga payo ng Diyos, at sumusunod alinsunod sa mga atas ng kanyang sariling kagustuhan at mga makamundong naisin, siya ay tiyak na babagsak.” [D at T 3:4.]11
Masyado akong praktikal sa aking paniniwala at kilos kung kaya kapag sinabi sa akin ng isang Banal sa mga Huling Araw na alam niyang kabilang siya sa gawain ng Diyos, na alam niyang ito ang gawain ng Panginoon, na alam niyang si Joseph Smith ay inspiradong Propeta, na alam niyang ang mga lalaking namumuno sa simbahan ngayon ay mga inspiradong tagapaglingkod ng Diyos, at ang gayong uri ng tao ay hindi nagbibigay pansin sa mga simpleng tungkulin na itinuturo sa kanya sa araw-araw, sa bawat buwan, sa bawat taon—ay wala akong tiwala sa gayong uri ng tao.12
Hindi dapat matakot ang sinumang lalaki o babae na mawawala ang kanyang pananampalataya sa Simbahang ito kung siya’y mapagpakumbaba at madasalin at masunurin sa kanyang tungkulin. Wala pa akong alam na gayong tao na nawalan ng pananampalataya. Sa paggawa sa ating tungkuli ay nadaragdagan ang ating pananampalataya hanggang sa maging perpektong kaalaman ito.13
Nakakita na ako ng mga lalaki at babae na tumalikod sa Simbahan at ang pagtalikod nilang lahat sa katotohanan ay nangyari nang dahan-dahan.
Kapag ginagawa ninyo ang inyong tungkulin ito’y gaya rin ng pagtayo sa harapan ng pila ng mga poste, at bawat poste ay nakapila. Pero sa isang hakbang ang bawat poste ay tila wala sa linya. Kapag mas malayo ka sa tuwid na pilang iyon ay lalong magiging liku-liko ang mga poste. Ang makitid at makipot na landas ng tungkulin ang aakay sa inyo at sa akin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.14
Ang mga utos ay tumutulong sa atin na makapaghanda para makapiling ang ating Ama sa Langit.
Ang Panginoon, na nakaaalam kung ano ang pinakamabuti sa inyo at sa akin at sa bawat tao, ay nagbigay sa atin ng mga batas na kung susundin natin ay gagawin tayo nitong higit na katulad ng Diyos, gagawin tayong angkop at kwalipikado at handang magbalik at manahan sa piling ng ating Ama sa Langit at tanggapin ang masiglang papuring: “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin.” [Mateo 25:21.]
Iyan ang sinisikap nating gawin.
Tayo’y nasa eskwelahan, nag-aaral, at inihahanda ang ating sarili upang maging karapat-dapat tayo at magawang makabalik at makapanahanan sa piling ng ating Ama sa Langit, at ang taong nagsasabing alam niyang totoo ang ebanghelyo pero hindi naman ipinamumuhay ito ay hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos. At hindi mararating ng gayong tao ang lakas, ang kapangyarihan, ang kadakilaan, at ang kapasidad sa Simbahan at Kaharian ng Diyos na dapat sana’y marating niya kung sinunod niya ang mga batas ng Diyos.15
Ang pinakamabuting landas na dapat tahakin ay ang gampanan ang pang-araw-araw na tungkulin na dumarating. Sa ganitong paraan ang isang tao ay nagagantimpalaan habang siya’y nagpapatuloy, at lumalakad sa landas na patungo sa kaligtasan.16
Ang tagumpay sa paningin ng ating Manlilikha ay maraming ulit, sa katunayan halos palaging kabaligtaran mismo ng iniisip na tagumpay ng tao. Halos kadalasan ay sinasabing matagumpay ang taong kumikita nang malaki, pero hindi tinitingnan kung paano niya nakamtan ang kanyang yaman o kung paano niya gamitin ito. Maaaring nasira niya ang lahat ng kanyang likas na pinong damdamin at pinagkaitan ang kanyang sarili ng pribilehiyong makapiling ang kanyang Manlilikha sa buhay na darating sa patuloy niyang pagsisikap na makamtan ang mga bagay ng daigdig na ito na hindi nagtatagal. …
Gawin nating lahat ang kalooban ng ating Ama sa langit ngayon, at magiging handa tayo sa tungkulin bukas, gayundin sa darating na kawalang hanggan. Huwag kalilimutan na ang mahalagang perlas—ang buhay na walang hanggan—ang sinisikap nating makamtan. Tanging ang taong nagsisikap na makamtan ang buhay na walang hanggan ang magtatagumpay.17
Kung susuriin natin ang plano ng buhay at kaligtasan, kung susuriin natin ang mga utos na ibinigay sa ating mga miyembro ng Simbahan ng Diyos, makikita natin na ang bawat isa sa mga utos ay ibinigay lamang para tayo ay makinabang, para tayo’y maturuan, para tayo’y maging kwalipikado at maging handa sa pagbalik at mamuhay sa piling ng ating Ama sa Langit. Ang mga tungkulin at obligasyong ito ay nilikha upang gawin tayong gaya ng Diyos sa ating mga pagpapasiya. Nilikha ang mga ito upang gawin tayong mga Diyos, at ihanda tayo at gawing karapat-dapat upang, gaya ng ipinangakong maaari nating marating, tayo’y maging mga kasamang tagapagmana ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo at manirahang kasama Niya sa piling ng Diyos Amang Walang Hanggan hanggang sa walang hanggan.
Ang layunin ng pagkaparito natin sa lupa ay upang isakatuparan ang ating kaligtasan, para maihanda natin ang ating sarili na magbalik at mamuhay sa piling ng ating Ama sa Langit; at ang ating Ama, na nakaaalam sa mga kamalian at kahinaan ng tao, ay nagbigay sa atin ng mga utos na dapat sundin, at kung susuriin natin ang mga kailangang iyon at ang mga responsibilidad na ibinigay sa atin ng Panginoon makikita natin na ang lahat ng ito’y para sa kapakinabangan at ikasusulong ng bawat tao. Ang paaralan ng buhay na ating kinalalagyan at ang mga aral na ibinigay sa atin ng ating Ama ang huhubog sa atin upang maging kung ano ang nais Niya para sa atin, para maging handa tayo na mamuhay sa Kanyang piling.18
Narito ang batayang katotohanan, mga Banal sa mga Huling Araw. Dapat nating malaman na ang Diyos ay higit na makapangyarihan kaysa sa buong mundo. Dapat nating malaman na kung magiging tapat tayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos ay matutupad ang lahat ng Kanyang mga pangako. Dahil sinabi Niyang ni isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala [tingnan sa Mateo 5:18]. Ang problema ay pinagdidilim ng kaaway ng mga kaluluwa ng tao ang kanilang isipan. Masasabi nating nagsasaboy siya ng alikabok sa kanilang mga mata, at nabubulagan sila sa mga bagay ng daigdig na ito. Ang mga tao ay hindi nagtitipon ng kayamanan sa langit, kung saan hindi nakakapanira ang tanga at kalawang, kung saan hindi nakakapagnakaw ang mga magnanakaw [tingnan sa Mateo 6:19–20], sa halip ang puso nila’y nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito, at nagkakaroon ng kapangyarihan sa kanila ang kaaway.
Sinasabi ko sa inyong mga Banal sa mga Huling Araw na ang mahalagang perlas ay ang buhay na walang hanggan. Sinabi sa atin ng Diyos na ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob na maibibigay Niya sa tao ay ang buhay na walang hanggan [tingnan sa D at T 14:7]. Nagsisikap tayo para sa dakilang kaloob na iyon, at mapapasaatin iyon kung susunod tayo sa mga utos ng Diyos. Ngunit hindi tayo makikinabang kung basta lang tayo magsasalita at ipangangaral sa sanlibutan na ito ang ebanghelyo, kundi makikinabang tayo kung gagawin natin ang kalooban ng Diyos.19
Ang pinakamahalagang bagay para sa inyo at sa akin ay ang tuklasin kung lumalakad tayo sa makitid at makipot na landas na patungo sa buhay na walang hanggan, at kung hindi, saan kaya natin pinayagan ang kaaway upang linlangin tayo at ilayo tayo sa landas na aakay sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos? Dapat suriin ng bawat isa ang kanyang puso upang malaman kung saan siya nabigo, at pagkatapos ay dapat niyang hanaping mabuti ang ating Ama sa Langit at hingin ang tulong ng Kanyang Espiritu Santo, upang makabalik siya sa makitid na landas.20
May nagsabi … na hindi natin ginagawa ang lahat sa abot ng ating makakaya. Hindi ako naniniwala na narating na ng sinumang tao ang kanyang minimithi, ngunit kung masigasig tayo, nagtatrabaho, nagsisikap, sa abot ng ating makakaya, upang mas bumuti pa sa araw-araw, masasabi nating ginagawa natin ang ating tungkulin. Kung sinisikap nating lunasan ang sarili nating mga depekto, kung namumuhay tayo sa paraan na mahihiling natin sa Diyos ang liwanag, ang kaalaman, ang katalinuhan, at higit sa lahat ang Kanyang Espiritu, upang magapi natin ang ating mga kahinaan, sa gayon, sinasabi ko sa inyo, tayo’y nasa makitid at makipot na landas na patungo sa buhay na walang hanggan; kung kaya hindi tayo dapat matakot.21
Isa lang ang ligtas na landas para sa mga Banal sa mga Huling Araw, at iyon ang landas ng tungkulin. Hindi ito patotoo lamang; hindi ito kagila-gilalas na pagpapamalas; hindi ito ang pagkaalam na totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo, na ito ang plano ng kaligtasan— hindi ito ang tiyak na pagkaalam na ang Tagapagligtas ang Manunubos, at na si Joseph Smith ay kanyang propeta, na magliligtas sa inyo at sa akin; kundi ito ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos, at pamumuhay na gaya ng Banal sa mga Huling Araw.22
Mga Mungkahi Para sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa paanong paraan “hindi isang sakripisyo kundi isang pribilehiyo” ang pagsunod? Paanong nagiging kasiyahan sa pagsunod sa Kanyang mga utos ang pagkakaroon ng mga pusong puno ng pagmamahal sa Diyos?
-
Ano ang mga naging karanasan ninyo na nagpapatunay na totoong tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako kapag sinunod natin ang Kanyang mga inuutos? (Tingnan din sa D at T 82:10.)
-
Paano tayong maaakay palayo sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan ng maling paghatol sa tagumpay?
-
Anong mga aspeto ng ating buhay ang maaaring humadlang sa atin sa pagtutuon ng pansin sa mga bagay na ukol sa Diyos? Paano natin maiiwasan na maging hadlang ang mga ito?
-
Bakit dahan-dahang dumarating sa atin ang kapabayaan sa tungkulin? Ano ang maaari nating gawin para matulungan tayong manatiling masigasig at magiting sa pagtupad ng ating mga tungkulin?
-
Anong pang-araw-araw na mga tungkulin ang ginagawa ng lahat ng mga miyembro ng Simbahan? Anong iba pang mga tungkulin ang ukol sa inyong personal na kalagayan?
-
Bakit tungkulin ang “tanging ligtas na landas para sa mga Banal sa mga Huling Araw”?