Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Marubdob, Tapat, Taimtim na Panalangin


Kabanata 19

Marubdob, Tapat, Taimtim na Panalangin

Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala kapag masigasig tayong mag-alay ng personal at pampamilyang mga panalangin.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Noong bata pa siya, si Heber J. Grant ay madalas dumalaw sa tahanan ni Pangulong Brigham Young. Kung nagkataong naroon si Heber sa oras ng panalangin, siya’y inaanyayahang lumuhod kasama nila at makibahagi sa panalangin ng pamilya. Nagkaroon ng matinding epekto kay Heber ang mga panalanging iyon. Paggunita niya sa huli, “Hindi lang miminsan, dahil sa inspirasyon ng Panginoon kay Brigham Young habang [sumasamo] siya sa Diyos ng patnubay, na itinaas ko ang aking ulo, lumingon at tumingin sa lugar kung saan nananalangin si Brigham Young, upang tingnan kung wala roon ang Panginoon. Para sa akin ay tila ba nakikipagusap siya sa Panginoon tulad din ng pakikipag-usap ng isang tao sa iba.”1

Maraming pangyayari sa buhay ni Pangulong Heber J. Grant ang nagpapakita ng pag-asa niya sa kanyang Ama sa Langit at sa pananampalataya niya sa bisa ng panalangin. Halimbawa, noong naghihingalo ang kanyang unang asawa, ang panganay niyang anak na babae ay lumbay na lumbay at balisa. Taimtim siyang nanalangin na matanggap ng kanyang anak ang pagkamatay ng kanyang ina (tingnan sa pahina 52 sa aklat na ito). Sa iba pang pagkakataon, nanalangin si Pangulong Grant upang matulungan ang kanyang kapatid sa ama na lumayo sa Simbahan (tingnan sa mga pahina 11 at 13, at sumamo sa Panginoon na pagalingin ang batang babae na may dipterya (tingnan sa pahina 111).

Sa kanyang mga pananalita sa mga Banal, madalas ibahagi ni Pangulong Grant ang mga dalangin ng kanyang puso. Binanggit niya na umaasa siyang papatnubayan ng Panginoon ang mga pinuno ng pamahalaan sa kanilang mga tungkulin.2 Ipinahayag niya ang kanyang “matindi at taimtim” na panalangin na pagpalain ng Panginoon ang mga sundalo at kanilang mga pamilya sa oras ng digmaan.3 Sinabi niyang palagi siyang nagdarasal “para sa mga opisyal ng Simbahan, maging sa Priesthood o sa mga pantulong na samahan.”4 Sumamo siya sa Diyos na tulungan ang mga Banal na ipamuhay ang ebanghelyo at patnubayan ang iba na malaman ang katotohanan.5 At ibinahagi niya ang pagsamo niya para sa kanyang sariling kapakanan: “Ang palagian at taimtim kong dalangin … ay ang hindi kailanman magdilim ang aking isipan, na hindi ako kailanman lumihis sa landas ng kabutihan at tama, at sa halip sa pagtanda ko ay madagdagan ang aking pang-unawa, upang ang liwanag at inspirasyon ng Espiritu ng Diyos ay mag-alab sa aking puso at maliwanagan ang aking pang-unawa at panatilihin akong matatag at tapat sa paglilingkod sa aking Ama sa Langit.”6

Mga Turo ni Heber J. Grant

Dapat tayong manalangin sa lahat ng ating ginagawa.

Lumuhod at manalangin sa Diyos na gabayan kayo sa lahat ng inyong ginagawa.7

Sa sandaling tumigil ang isang tao sa pagsamo sa Diyos para sa kanyang espiritu at patnubay siya’y kaagad na nagiging estranghero sa kanya at sa kanyang gawain. Kapag tumigil ang mga tao sa pagdalangin para sa espiritu ng Diyos, inilalagay nila ang kanilang tiwala sa kanilang di-makatwirang dahilan, at unti-unting nawawala sa kanila ang espiritu ng Diyos. Tulad din ito ng malalapit at nagmamahalang magkaibigan, na sa di pagsulat o pagdalaw sa isa’t isa ay nagiging mga estranghero. Tayong lahat ay dapat manalangin na hindi tayo kailanman iwanang mag-isa ng Diyos kahit na isang saglit ng wala ang kanyang espiritu na tutulong sa atin sa paglaban sa kasalanan at tukso.8

Hayaang palagiang mag-alay ng kanilang lihim na panalangin ang mga kabataan at sumamo sa Diyos, sa gabi at araw, para patnubayan ng Kanyang Banal na Espiritu.9

Sa sandaling tahimik, kapag dumaranas tayo ng matinding hirap, at sa kabila ng mga panganib sa ating panahon; sa oras ng tukso, ng lungkot, ng kapayapaan at pagpapala, tayo’y laging manalangin, nag-iisa man o kasama ang ating pamilya na nakapalibot sa atin. Magpasalamat sa mga biyaya ng buhay, sa pagkaunawa sa mga problema nito, at sa lakas na makapagtiis hanggang sa wakas.

“Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay; oo, nang iyong mapagtagumpayan si Satanas, at nang iyong matakasan ang kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas.” (Doktrina at mga Tipan 10:5.)

“Manalangin tuwina, upang kayo ay hindi manghina, hanggang sa ako ay pumarito.” (Doktrina at mga Tipan 88:126.)10

Muli akong sumasamo sa mga tao na lumuhod at hilingin sa Diyos na patnubayan sila sa bawat yugto ng buhay, at kapag napasakanila ang Espiritu ng Diyos sila’y magiging maligaya at kuntento sa ginagawa nila. Huwag gawin ang isang bagay na hindi mo mahihiling sa Diyos na tulungan ka sa iyong ginagawa. Umunlad sa liwanag at kaalaman ng Ebanghelyo, at bilang tagapaglingkod ng Diyos ipinangangako ko ang kapayapaan at kagalakan at kaligayahan, sa pangalan ng ating Manunubos.11

Ang panalangin ay mahalaga sa espirituwal na pag-unlad.

Nagpapatotoo kami na ang Diyos ay buhay na Diyos, … na buhay Siya at mahal ang Kanyang mga anak. Dinirinig at sinasagot Niya ang mga panalangin at hindi Niya hahayaang mangapa sa dilim at kasalanan ang kanyang mga anak nang walang tanglaw. Bawat tao’y may karapatan sa liwanag na iyon na gagabay sa kanyang mga hakbangin sa buhay. Sa nagbabagong daigdig ang Kanyang mga anak ay makalalapit pa rin sa Kanya at makikipagusap Siya sa kanila sa katanghaliang tapat o sa kalaliman ng gabi, sa wikang mauunawaan nila, kung mananatili silang nakaayon sa Kanyang espiritu.12

Saanman makarating ang ebanghelyo ni Cristo, daan-daan at libu-libong mga lalaki at babae ang yumakap dito at nakapagbigay ng patotoo ang bawat isa na nakatanggap sila ng patunay ng kabanalan ng gawaing kinabibilangan nating mga Banal sa mga Huling Araw matapos humingi sa Diyos ng patotoo. Ang patotoo ay hindi dumating sa pamamagitan ng sarili nilang pag-aaral, ni sa likas na katalinuhang ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, kundi bilang sagot sa marubdob at taimtim na panalangin, na sinambit sa ngalan ni Jesucristo na ating Manunubos, para sa liwanag at kaalaman hinggil sa banal na gawaing ito.13

Likas sa tao ang umangat sa kapalaluan ng kanyang puso, maging [makasarili], makalimot sa Diyos; ngunit hinihingi ng Ebanghelyo na dapat tayong manalangin sa bawat araw ng ating buhay, hindi lamang kasama ng ating mga pamilya, kundi kahit nag-iisa. Ito ang nag-iiwas sa atin sa pagiging [makasarili]; dahil ginagawa tayo nitong gaya ng maliliit na bata, na yumuyukod at nananalangin sa Diyos para sa liwanag at inspirasyon ng Kanyang Banal na Espiritu.14

Lubos akong naniniwala na walang taong tapat na yumuyukod sa bawat araw ng kanyang buhay at sumasamo sa Diyos nang buong katapatan para sa liwanag ng Kanyang Banal na Espiritu upang gabayan siya ang kailanma’y magiging palalo at mapagmataas. Sa halip, ang kanyang puso ay napupuno ng kaamuan, kababaang-loob, at kasimplehang gaya ng sa bata.15

Kaunti lang o kaya’y wala akong takot para sa batang lalaki o batang babae, binatilyo o dalagita, na matapat at maingat na sumasamo sa Diyos nang dalawang beses sa isang araw para sa patnubay ng Kanyang Espiritu. Natitiyak kong kapag dumating ang tukso ay may lakas sila para labanan ito sa pamamagitan ng inspirasyong ibibigay sa kanila. Ang pagsamo sa Panginoon para sa patnubay ng Kanyang Espiritu ang nagsasanggalang sa atin, at kung marubdob at tapat nating hahangarin ang patnubay ng Espiritu ng Panginoon, matitiyak ko sa inyo na tatanggapin natin ito.16

Ngayon, higit sa lahat ang isang bagay na nais kong ikintal sa puso at kaluluwa ng mga kabataan ay ang manalangin sa Panginoon. Manampalataya. Kung wala kayong kaalaman, magpakita ng pananampalataya. Dagdagan ang pananampalatayang iyon at di magtatagal ang kaalaman ay darating.17

Isa sa mga hinihingi sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ang maging tapat sila sa pag-aalay ng kanilang panalangin, kapwa sa lihim at pampamilyang mga panalangin. Ang pakay ng ating Ama sa Langit sa paghingi ng ganito ay upang makipag-ugnayan tayo sa Kanya, at magkaroon ng daluyan sa pagitan natin at ng langit kung saan mapapababa natin ang mga pagpapala mula sa itaas. Walang taong mapagpakumbaba at madasalin sa harap ng Diyos, at sumasamo sa Kanya sa bawat araw para sa liwanag at inspirasyon ng Kanyang Banal na Espiritu, ang kailanma’y maiaangat sa kapalaluan ng kanyang puso. Hindi niya madarama na ang talino at kaalamang nasa kanya ang tanging kailangan niya. Laging matatanto at madarama ng taong madasalin at mababa ang loob na siya’y umaasa sa Diyos sa bawat pagpapalang tinatamasa niya. Sa pagdalangin sa Diyos hindi lamang niya hihilingin ang liwanag at inspirasyon ng Kanyang Banal na Espiritu na gagabay sa kanya, kundi pasasalamatan niya ang Diyos sa mga pagpapalang natatanggap niya. Matatanto niya na ang buhay, kalusugan, at lahat ng katalinuhang nasa kanya ay nagmumula sa Diyos, na siyang Gumawa ng kanyang kaligtasan.

Kung hindi natin pinananatiling bukas ang daluyang ito ng komunikasyon sa pagitan natin at ng ating Ama sa Langit, tayo’y napagkakaitan ng liwanag at inspirasyon ng Kanyang Espiritu, at ng damdamin ng pagtanaw ng utang-na-loob at pasasalamat na pupuspos sa ating puso at ng hangaring purihin ang Diyos sa Kanyang kabutihan at awa sa atin.

Walang damdaming gaya ng sa Diyos ang hihigit pa sa damdamin ng matinding pagtanaw ng utang-na-loob at pasasalamat sa Diyos na dumarating kapag natanto at nadama natin na pinagpala tayo ng Diyos. Pinatotohanan na ng lahat ng nangaral ng Ebanghelyo sa malayong lugar, at nakahimok sa puso ng kanilang kapwa hinggil sa kabanalan ng misyon na kinabibilangan nila, na ang kagalakan at pasasalamat na pumupuno sa kanilang mga puso sa pagiging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa paghahatid sa mga tao ng kaalaman ng plano ng buhay at kaligtasan ay higit kaysa sa kaya nilang ilarawan. Dapat tayong magkaroon ng diwang iyon at hangaring isaayos ang ating buhay upang lagi nating madama ang pagtanaw ng utang-na-loob at pasasalamat sa ating puso, at hangaring purihin ang Diyos sa Kanyang kabutihan sa atin. Hindi natin ito madarama kung tayo ay pabaya at hindi iniisip na gampanan ang ating tungkulin na manalangin sa ating Ama sa langit.18

Mamuhay nang malinis, sundin ang mga utos ng Panginoon, manalangin sa Kanya sa tuwina na panatilihin kayo sa katotohanan at kabutihan, mamuhay ayon sa inyong panalangin, at pagkatapos anuman ang mangyari ang Panginoon ay sasainyo at walang mangyayari sa inyo na hindi para sa karangalan at kaluwalhatian ng Diyos at sa inyong kaligtasan at kadakilaan. May darating sa inyong puso na kagalakan na hindi ninyo maipaliwanag, dahil sa pamumuhay nang malinis ayon sa panalangin ninyo. Ang Panginoon ay lalagi sa inyong tabi; aaliwin Niya kayo; madarama ninyong nariyan Siya kapag may matinding pagsubok sa inyong buhay; kayo’y pangangalagaan at poprotektahan Niya nang lubusan batay sa Kanyang matalinong layunin.19

Pinatototohanan ko sa inyo na alam kong ang Diyos ay buhay, na dinidinig at sinasagot Niya ang panalangin.20

Ang marubdob, tapat, at taimtim na panalangin sa Diyos ay lubhang higit na mahalaga sa inyo kaysa aking masasabi o maisusulat.21

Ang panalanging pampamilya ay tumutulong sa mga magulang at mga anak na maging kaayon ng Espiritu ng Panginoon.

Naniniwala ako na ang isa sa mga pinakadakila at isa sa pinakamabubuting bagay sa buong mundo na magpapanatiling tunay at tapat sa isang tao sa ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo ay ang lihim na pagsamo sa Diyos sa pangalan ni Jesucristo, para sa patnubay ng Kanyang Banal na Espiritu. Naniniwala ako na ang isa sa pinakamabubuting bagay na maaaring pumasok sa alinmang tahanan upang lumaki ang mga batang lalaki at babae sa pagmamahal sa Diyos, at sa pagmamahal sa ebanghelyo ni Jesucristo, ay ang pagkakaroon ng panalanging pampamilya. Hindi lamang ang ama ng pamilya ang mananalangin, kundi pati ang ina at mga anak, para makabahagi sila sa diwa ng panalangin, at maging kaisa, makaayon, sa madaling salita, magkaroon ng mabuting komunikasyon sa Espiritu ng Panginoon. Naniniwala ako na kakaunti lang ang naliligaw, kakaunti lang ang nawawalan ng pananampalataya sa mga taong minsa’y nagkaroon ng kaalaman ng ebanghelyo, at kailanma’y hindi nila kinalimutan sa kanilang pamilya ang panalangin, at ang lihim nilang mga pagsamo sa Diyos.22

Nananawagan ang Panginoon sa atin na manalanging kasama ang ating mga pamilya at sa lihim na paraan, upang hindi natin malimutan ang Diyos. Kung kakaligtaan natin ito, mawawala sa atin ang inspirasyon at kapangyarihang mula sa langit; hindi na tayo interesado, nawawala ang ating patotoo, at maglalaho sa kadaliman.23

Napupuna ng mga bata ang halimbawa ng kanilang mga magulang, kaibigan, at mga guro. Minsan, … nang [ang mga home teacher] ay tumigil sa tahanan ng isang kapatid na lalaki at sila’y nanalangin, sinabi ng isang bata: “Papa, hindi naman tayo nagdarasal, di ba, maliban kung may bisita tayo?”24

Ang paraan ng pagtuturo sa ating mga anak na manalangin ay ang manalangin tayo mismo nang lihim at kasama ang ating mga pamilya. Lubhang napapabayaan ang komunikasyon sa Diyos sa panig ng marami sa mga Banal sa mga Huling Araw. Nakadarama ako ng galak at ligaya sa bawat araw ng aking buhay sa pakikipagusap sa aking Tagapaglikha, sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, na aking Manunubos. At yaong mga walang mabuting komunikasyon, sa ating Ama sa Langit at sa ating Manunubos, ay nawawalan ng inspirasyon na nagmumula sa Panginoon.25

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Paano natin magagawang higit na makabuluhan ang ating personal na mga panalangin? Paanong magbibigay ng higit na kahulugan sa ating mga panalangin ang pasasalamat sa mga pagpapala ng Diyos?

  • Ano ang maaari nating gawin upang maging espirituwal na karanasan sa mga miyembro ng pamilya ang panalanging pampamilya? Anong mga pagpapala ang natatanggap ng inyong pamilya bilang bunga ng sama-samang pagdarasal?

  • Ano ang mga hamon na nakakaharap ng inyong pamilya sa pag-uukol ng panahon sa panalangin ng pamilya? Paano ninyo nalalabanan ang mga hamon na ito?

  • Paano nakatutulong sa atin ang pang-araw-araw na panalangin upang maging “tunay at tapat sa ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo”? Paano tayo matutulungan ng panalangin na “mapuno ng kaamuan, kababaang-loob, at kasimplehang gaya ng sa bata”?

  • Ano ang ibig sabihin ng “sumamo sa Diyos”?

  • Bakit mahalagang sumamo tayo sa Diyos sa bawat araw para sa patnubay ng Banal na Espiritu?

Mga Tala

  1. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 224.

  2. Tingnan sa Gospel Standards, 216.

  3. Tingnan sa Conference Report, Okt. 1944, 10.

  4. Gospel Standards, 199.

  5. Tingnan sa Conference Report, Abr. 1945, 10.

  6. Gospel Standards, 371.

  7. Gospel Standards, 144.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1944, 9.

  9. Gospel Standards, 179–80.

  10. “Personal and Family Prayer, ” Improvement Era, Dis. 1942, 779.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1938, 142.

  12. Sa tinipon ni James R. Clark, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo (1965–75), 6:34.

  13. Gospel Standards, 26.

  14. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, na tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 4:356.

  15. Gospel Standards, 31.

  16. Gospel Standards, 26.

  17. Gospel Standards, 26.

  18. Sa Collected Discourses, 3:192–93; binago ang ayos ng mga talata.

  19. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1942, 96; binasa ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.

  20. Sa Conference Report, Abr. 1945, 10.

  21. Gospel Standards, 254.

  22. Gospel Standards, 25.

  23. Gospel Standards, 156.

  24. Gospel Standards, 156.

  25. Sa Conference Report, Abr. 1924, 9.

young woman praying

“Lumuhod at manalangin sa Diyos na gabayan kayo sa lahat ng inyong ginagawa.”