Kabanata 21
Pagsunod sa Word of Wisdom
Ibinigay ng Panginoon sa atin ang Word of Wisdom para sa ating temporal at espirituwal na kaligtasan.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Noong naglilingkod pa si Pangulong Heber J. Grant bilang Apostol at Pangulo ng Simbahan, siya at ang iba pang mga General Authority ay kadalasang nabibigyang-inspirasyon na magsalita sa mga Banal hinggil sa Word of Wisdom. Ito’y paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 89. Ipinagbabawal dito ng Panginoon ang pag-inom ng alak, tabako, at maiinit na inumin, na ipinakahulugan ng mga propeta sa mga huling araw na tsaa at kape (tingnan sa D at T 89:5–9). Sinasabi din ng Panginoon na ang mabubuting halaman, mga butil, at prutas ay “inorden na gamitin ng tao, ” pati na ang karne, na “gamitin nang paunti-unti” (tingnan sa D at T 89:10–17). Bilang dagdag sa paghimok sa mga Banal na sundin ang partikular na payong ito, sina Pangulong Grant at ang iba pang mga Pangulo ng Simbahan ay nagsalita laban sa paggamit ng nakapipinsala o nakakaugaliang mga bagay na gaya ng ilegal na gamot o droga. Sinabi ni Pangulong Grant, “Ayaw ng Panginoon na gumamit kayo ng anumang gamot na nagiging sanhi ng sobrang pananabik sa gamot o drogang iyon.”1
Ang karamihan sa inspirasyon ni Pangulong Grant sa pangangaral ng Word of Wisdom ay dumating dahil sa nagkaroon siya ng kaibigan na nasira ang buhay dahil sa sigarilyo at alak. Tinalikuran ng binatang ito ang paninigarilyo para makapagmisyon siya, ngunit kaagad siyang nagsimulang manigarilyo nang ma-release siya sa full-time na paglilingkod sa misyon. Ang paninigarilyo ay humantong sa pag-inom ng alak, at ang pag-inom ng alak ay humantong sa pagkawala ng puri at pagkatiwalag sa Simbahan. Maaga siyang namatay, at nagpunta si Heber J. Grant para dalawin ang kanyang libingan. “Habang nakatayo ako sa tabi ng kanyang libingan, ” paggunita ni Pangulong Grant, “tumingala ako sa langit at gumawa ng pangako sa Diyos na magiging kaaway ako ng alak at tabako at lalabanan ko ang mga ito sa abot ng aking kakayahan na ibibigay sa akin ng Diyos hanggang sa araw na ako’y mamatay.”2
Ang ilang miyembro ng Simbahan noong kapanahunan ni Pangulong Grant ay nagreklamo sa di mabilang na mga sermon na narinig nila tungkol sa Word of Wisdom. Sinabi ni Pangulong Grant: “Bihira ang kumperensya kung saan hindi lalapit ang isang tao at magsasabi sa aming: ‘Pakiusap, huwag po ninyong talakayin ang Word of Wisdom. Sobra na po ang narinig namin tungkol dito at ayaw na naming marinig pa ito.’ ” Ganito ang sabi ni Pangulong Grant bilang tugon: “Walang taong mortal na Banal sa mga Huling Araw at sumusunod sa Word of Wisdom ang magsasawa sa pakikinig dito. Kapag nilisan ng isang tao ang pulong at nagsabing … ‘Wala na ba silang ibang maisip na talakayin kundi ang Word of Wisdom; nakakasawa na’—talagang magsasawa siya, dahil puno na siya ng mga bagay na sinasabi ng Word of Wisdom na iwasan na niya.”3
Mula sa sariling karanasan, nalaman ni Pangulong Grant na ang mga sumusunod sa Word of Wisdom ay hindi mapoprotektahan laban sa lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Kinikilala niya na “hindi dahil sa pinagpala ang tao ay hindi na niya daranasin ang lahat ng kabiguan at kahirapan sa buhay.”4 Gayunman, paulit-ulit niyang pinatotohanan na kapag sinunod ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Word of Wisdom, tatanggapin nila ang mga pagpapala ng kalusugan, kaunlaran, at espirituwal na kalakasan na hindi nila matatanggap kung hindi nila susundin ang batas na ito.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1933, sinabi ni Pangulong Grant na dahil sinunod niya ang Word of Wisdom, pinahintulutan siya ng Panginoon na mabuhay upang maisagawa ang kanyang misyon sa mundo. “Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo, ” sabi niya, “na matatag ang paniniwala ko gaya ng paniniwala ko sa alinmang bagay sa mundong ito na hindi ako makatatayo at makapagsasalita ngayon dito kung hindi ko sinunod ang Word of Wisdom. Nang alisin ang apendiks ko ay sumabog na ito, ang pagkalason ng dugo, sabi nila, na nasa ikatlo at huling estado, ay nagsimula na. Siyam na doktor ang naroon at walo ang nagsabing mamamatay ako. Ang punong siruhano … ay bumaling kay Pangulong Joseph F. Smith, at nagsabing: ‘G. Smith, himala na lang kapag nabuhay pa siya, at wala nang mga himala sa panahong ito.’
“Iyan ang mensaheng hatid sa akin ni Joseph F. Smith mismo noong huli siyang magkasakit, at sinabi niyang: ‘Ang kaibigan nating doktor na nagsabi noon ay patay na. Buong buhay ko’y ngayon lang kita nakitang lumusog nang ganyan, Heber.’
“Sinabi ko sa narses na nagkuwento hinggil sa siyam na doktor na ito na ayaw ko silang makita, maliban ang isa na nagsabi at naniwala na mabubuhay ako. Sabi niya: ‘Ang doktor na iyon ay empleyado ng ospital, tatawagan ko siya.’
“Tinanong ko siya kung bakit hindi siya sumang-ayon sa iba pa, at ngumiti siya, … at sinabing: ‘Ginoong Grant, nanghula lang ho ako. Nadama ko ang pulso ng libu-libong pasyente, at bilang empleyado ng ospital, ng maraming ospital, ay di pa ako nakadama ng pulsong gaya ng sa inyo. Alam ninyo, nakapagtataka na sa lahat ng mga pagsusuring ginawa ko sa loob ng isang oras at apatnapu’t limang minuto ng pag-oopera ko sa inyo ay hindi kailanman tumigil sa pagtibok ang puso ninyo, kahit minsan lang, kaya naisip ko na ang pusong iyon ang tutulong sa inyo para manatili kayong buhay.’
“Anong uri ba ng puso mayroon ako? Ako’y may pusong dinadaluyan ng dalisay na dugo, na hindi nadungisan ng tsaa, kape, o alak. Iyon ang dahilan kung bakit napaglabanan ang lason na nasa loob ng katawan ko.”5
“Nawa tulungan tayo ng Diyos, at ang bawat Banal sa mga Huling Araw, na sundin ang Word of Wisdom, ” ang dalangin ni Pangulong Grant minsan, “upang tayo’y makatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, at mapahintulutan tayo ng Diyos na mabuhay dito sa lupa hanggang sa ganap nating magampanan ang layunin ng paglikha nito.”6
Mga Turo ni Heber J. Grant
Ang Word of Wisdom ang batas ng buhay at kalusugan sa mga Banal sa mga Huling Araw.
Nakita kong nakatala sa Doktrina at mga Tipan ang napakaikling talata na mababasang:
“Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.” [D at T 82:10.]
Nawa matandaan ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang ilang salitang ito. Nawa’y maiukit ang mga ito sa ating alaala at sa ating mga puso, at maunawaan natin na tutuparin talaga ng Diyos ang mga pangako Niya sa atin, dahil susundin natin ang Kanyang mga utos. May isang batas, hindi mababagong utos sa langit—ang sabi sa atin ni Propetang Joseph—bago pa ang pagkakatatag ng daigdig na ito, kung saan ang lahat ng pagpapala ay nakasalalay, at kapag tayo ay nagtatamo ng anumang mga pagpapala mula sa Diyos, ito ay dahil sa pagsunod sa batas kung saan ito nakasalalay [tingnan sa D at T 130:20–21]. Kung hangad natin ang mga pagpapala ng buhay, ng kalusugan, ng lakas ng katawan at isip; kung hangad nating lampasan tayo ng mapangwasak na anghel, gaya ng ginawa niya noong kapanahunan ng mga anak ni Israel, kailangan nating sundin ang Word of Wisdom; sa gayon ay nakatali ang Diyos, at mapapasaatin ang mga pagpapala.7
Matapos sabihin kung ano ang makabubuti sa atin [tingnan sa D at T 89:10–17], ginawa ng Panginoon ang isa sa lubos na kagila- gilalas, isa sa lubos na nagbibigay-inspirasyon na mga pangako na maaaring gawin ng mortal na tao. Sinabi Niya:
“At lahat ng Banal na makatatandang sumunod at gawin ang mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto;
“At makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan;
“At tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.
At ako, ang Panginoon, ay nagbibigay sa kanila ng pangako na ang mapangwasak na anghel ay lalampasan sila, gaya ng mga anak ni Israel, at hindi sila papatayin.” [D at T 89:18–21.] …
Sinabi sa atin ng Panginoon sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith:
“Kung ang isang tao ay nagkamit ng maraming kaalaman at katalinuhan sa buhay na ito sa pamamagitan ng kanyang pagsisikap at pagiging masunurin kaysa sa iba, siya ay magkakaroon ng labis na kalamangan sa daigdig na darating.” [D at T 130:19.]
Walang taong susuway sa Word of Wisdom ang magkakaroon ng gayunding dami ng kaalaman at karunungan sa mundong ito na gaya ng taong sumusunod sa batas na iyon. Wala akong pakialam kung sino siya o saan siya nagmula, ang kanyang isip ay hindi magiging kasinglinaw, at hindi niya mararating ang gayunding layo at bilis at mapananatili ang kanyang lakas na gaya ng kung susundin niya ang Word of Wisdom.8
Ang isa pang dahilan kung bakit gusto kong masunod ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Word of Wisdom ay dahil sa sinabi ng Panginoon na ibinigay ito sa atin para sa ating temporal na kaligtasan [tingnan sa D at T 89:2]. Gusto kong ipaalam na kung tayo bilang mga tao ay hindi kailanman iinom ng kahit kaunting tsaa o kape o alak o gagamit ng tabako, tayo ang magiging isa sa pinakamayayamang tao sa mundo. Bakit? Dahil lalong lalakas ang ating katawan, lalong tatalas ang ating isip; uunlad tayo sa espirituwalidad; magkakaroon tayo ng mas direktang komunikasyon sa Diyos, na ating Ama sa Langit, mas marami pa tayong magagawa. …
Maraming tao na nagsasabing sila’y mga Banal sa mga Huling Araw ang nawalan ng tahanan na siyang kanlungan ng kanyang asawa at mga anak sa sandali ng kahirapan, na, kung sumunod lamang siya sa Word of Wisdom, ay nailigtas sana niya ito. Ang paglabag sa Word of Wisdom ang gumagawa ng pagkakaiba sa pagitan ng kabiguan at tagumpay. Sa pagsunod sa Word of Wisdom ay nagkaroon sana ng sapat na pera para mabayaran ang tubo sa pagkakasanla, na may dagdag na tulong para mapangalagaan ang kanyang pamilya at sakahan.9
Ayaw kong makialam sa mga karapatan o pribilehiyo ng sinumang tao. Ayaw kong diktahan ang sinumang tao. Ngunit kapag nagbigay ang Panginoon ng paghahayag at sinasabi sa akin kung ano ang dulot nitong pinansyal na benepisyo sa akin at sa mga taong ito, dahil sa “masasama at mga pakana na umiiral at iiral sa mga puso ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, ” [D at T 89:4] naiisip ko kahit paano na dapat makinig ang mga Banal sa mga Huling Araw sa sinabi ng Panginoon.10
Walang lalaki o babae na sumusunod sa Word of Wisdom ang hahanap ng maipipintas dito. Bakit? Dahil alam nila ang kalusugang natatamasa nila, alam nila ang kapayapaan, kagalakan, ginhawa, at kasiyahan na dumarating sa puso nila kapag ginagawa nila ang ipinagagawa sa kanila ng Panginoon.11
Tunay na walang ibibigay na pakinabang sa sinumang tao ang paglabag sa Word of Wisdom, ngunit lahat ay para sa kanyang ikabubuti, sa kagandahang-asal, intelektuwal, pisikal at espirituwal kung susundin ito.12
Ang batas ng buhay at kalusugan sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ang pagsunod sa Word of Wisdom.13
Ang mga lumalabag sa Word of Wisdom ay nanghihina sa pangangatawan at espiritu.
Tumitigil ba tayo at iniisip na ang Manlilikha ng langit at lupa, ang Gumawa ng lahat ng bagay na nakikita natin sa sansinukob na ito, ang Ama ng ating mga espiritu, ang Ama ng ating Panginoong Jesucristo sa espiritu at sa laman, ay nakipag-usap sa atin, na binigyan Niya tayo ng payo na aakay sa atin pabalik sa Kanyang kinaroroonan, na bibigyan Niya tayo ng lakas ng katawan at ng isip?
Gayunman daan-daan, libu-libo sa mga Banal sa mga Huling Araw ang binigyan ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan ng patotoo at kaalaman na Siya’y buhay, ng kaalaman na si Jesus ang Cristo, ng kaalaman na si Joseph Smith ay propeta ng tunay at buhay na Diyos. Nagagawa nilang ibigay ang patotoong iyon sa sariling bansa at sa ibang bayan, na, kapag ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan, ang Manlilikha ng langit at lupa, ay nagsabi sa kanila kung ano ang mabuti para sa kanila, sa katawan at espiritu, at sumulat sa kanila ng liham, ay nabibigong bigyang pansin ito. Ikinalulungkot kong sabihin na marami ngayon sa mga anak ng mga Banal sa mga Huling Araw—ang ilan sa mga anak ng mga lalaki at babae na namumuno sa Simbahang ito, na sama-samang nagkakasiyahan at iniisip na nagpapakita ng diwa ng bukas na kaisipan at ng pagpaparaya ang pag-inom ng alak at tsaa at kape at paglalaro ng baraha, at paggawa ng mga bagay na itinuro sa atin na hindi mabuti para sa atin. Babasahin ko sa inyo ang isang liham mula sa Panginoon para sa mga Banal sa mga Huling Araw. [Matapos sabihin ito, binasa ni Pangulong Grant ang Doktrina at mga Tipan 89.]14
Ang malaking kasamaan ng panahong ito ay ang kawalan ng puri. Iisa lamang ang pamantayan ng moralidad sa Simbahan ni Cristo. Itinuro sa atin, sa libu-libo sa atin na pinalaki sa Simbahang ito, na susunod sa pagpatay ng tao ay ang kasalanan ng pagkawala ng ating puri; at gusto kong sabihin sa mga ama at mga ina, at sa mga anak na lalaki at babae, sa ating Primary, sa ating Young Men at Young Women, sa ating mga seminary at institute, sa Sunday School, sa Relief Society at sa lahat ng ating mga korum sa Priesthood—gusto kong maunawaan ninyo na ang paggamit ng alak at tabako ay isa sa mga pangunahing paraan na gamit ng diyablo para magawa niyang ilayo sa kabutihan ang mga batang lalaki at babae.
Halos sa tuwina ang mga nawawalan ng puri ay una munang nakikibahagi sa mga bagay na pumupukaw sa simbuyo ng kanilang damdamin at nagpapababa sa kakayahan nilang tumanggi at nagpapadilim sa kanilang isipan. … Ang mga kabataang lalaki at babae ngayon na iniisip na sila’y nagiging matalino sa pagdadala ng kaunting alak sa kanilang mga tahanan, at ginagawa ang ipinagbabawal sa kanila ng Panginoon na gawin, ay naglalatag ng pundasyon na sa huli’y maghahatid sa kanila sa kapahamakan. Hindi nila maaaring patuloy na labagin ang mga utos ng Panginoon nang hindi sila nagkakaroon ng problema. At ano ang mga problema? Ang problema na ang katamtamang pag-inom ay [kadalasang] humahantong sa pagkasugapa, at ang labis na pag-inom ay humahantong sa pagkasira ng katawan at ng isip at ng pananampalataya.15
Kapag inatake ng sakit ang isang tao na ang katawan ay puno ng tabako at puno ng alak, o labis ang paggamit ng alak, tabako, tsaa, kape, atbp., sa alinmang yugto ng buhay, siya ay walang karapatan sa mga pangakong ito [tinutukoy ang D at T 89:18–21].16
Sa tulong ng Panginoon, masusunod ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang Word of Wisdom.
Walang ibinigay ang Panginoon sa akin na kaloob, kapangyarihan, kakayahan, talento na hindi niya hihilingin na panagutan ko; at pinagkalooban niya ang bawat lalaki, babae at bata na mga Banal sa mga Huling Araw ng kapangyarihan at kakayahang sundin ang Word of Wisdom.17
“Isang Salita ng Karunugan, para sa kapakinabangan ng kapulungan ng matataas na saserdote, tinipon sa Kirtland, at ng simbahan, at gayon din ng mga banal sa Sion—
“Na magpadala ng pagbati; hindi sa pamamagitan ng kautusan o pamimilit—”
Sabi ng ilan, “Ah, iyon pala ang dapat para makaiwas ako sa pagsunod dito. Hindi ito ibinibigay bilang kautusan o pamimilit.” Ano ito? Sasabihin ko sa inyo kung ano ito—
“kundi sa pamamagitan ng paghahayag at ng salita ng karunungan, ipinakikita ang utos at kalooban ng Diyos.” [D at T 89:1–2.]
Kapag ipinakikita ng Panginoon ang kanyang utos at ang kanyang kalooban, huwag subukang payapain ang inyong isipan sa pagsasabing hindi ito kautusan, kayong mga lumalabag sa Word of Wisdom.18
Isang Linggo ay dumalo ako sa pulong ng pag-aayuno, isa sa umaga at isa sa hapon. Isa sa mga tagapagsalita ng huling pulong si Sister Anna Snow. …
Siya’y nagmula sa Scandinavia at mula pagkabata ay nalulong na siya sa kape at inisip na marahil hindi siya mabubuhay kung wala ito. Ngunit sa huli, nang siya’y walumpu’t dalawang taong gulang na, nagulat siya na hindi na niya nagagawa ang kanyang tungkulin hinggil dito at nagpasiyang sa kanyang ikawalumpu’t tatlong taong gulang ay mas susundin niya ang Word of Wisdom at titigil sa pag-inom ng kape. Halos ikamatay niya, ngunit nagtagumpay siya sa huli sa paglaban sa nakaugaliang iyon. At tumayo siya nang may pagpapakumbaba sa harap ng mga tao, inaamin ang kabiguan niya sa hindi lubusang pagsunod sa Word of Wisdom at ipinahayag ang kanyang pasasalamat sa Panginoon sa pagbibigay sa kanya ng kakayahan, kahit na matanda na siya, na labanan ang kanyang kabiguan. At nagpatotoo siya sa kapakinabangang natanggap niya dahil sa pagbuti ng kanyang kalusugan sa pamamagitan ng pagsunod sa batas na ito ng Diyos.
Labis akong humanga sa kagila-gilalas niyang patotoo. Sana ang bawat isa sa ating mabubuting kapatid na babae, at ang ating mga kapatid na lalaki din, na, sa paglipas ng mga taon, ay lumalabag sa simpleng utos na ito ng Panginoon, ay naroon at napakinggan ang kanyang patotoo.
Alam kong marami nang nakarinig ng mga sermon ukol sa Word of Wisdom sa loob ng maraming taon na hindi kailanman nagkaroon ng epekto sa kanila. Hindi ko alam kung paano tayo makagagawa ng impresyon sa ilang mga tao. Marami akong kilala na natulungang mabuti nang sarilinan at maging sa pamamagitan ng pangmadlang pagtuturo at panghihikayat. Ngunit ang mga pagpupunyaging ito’y walang naging epekto sa kanila. Nadarama ko na tungkulin kong sikaping tuklasin ang aking likas na mga kahinaan, at pagkatapos ay manalangin sa Panginoon na tulungan akong magapi ang mga ito. Habang binabasa ko ang Word of Wisdom, natutuhan ko na angkop ito sa mga pinakamahihina na tinawag o maaaring tawaging mga Banal [tingnan sa D at T 89:3]. At naniniwala ako na malaking tulong sa ikasusulong ng kaharian ng Diyos kung lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw ay susunod sa simpleng utos na ito ng Panginoon. Nang marinig ko ang may-edad nang kapatid na ito na nagpatotoo na nagtagumpay siya sa kanyang katandaan, ninais ko na sana ay narinig ng buong Israel ang patotoong iyon at humanga dito.19
Walang lalaki o babae sa mga Banal sa mga Huling Araw na hindi makasusunod sa Word of Wisdom kung sila’y luluhod … at mananalangin sa Diyos para humingi ng tulong.20
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa paanong paraan naiimpluwensiyahan ng ating pagsunod o hindi pagsunod sa Word of Wisdom ang ating paghahanap ng kaalaman? ang kakayahan nating tumanggap ng personal na paghahayag? ang ating pagiging marapat na pumasok sa templo? ang kalusugan ng ating katawan?
-
Sa paanong paraan nadaragdagan ng pagsunod sa Word of Wisdom ang ating kaunlaran, kapwa sa temporal at espirituwal? Bakit imposible para sa mga tao na maging tunay na maunlad kung ipinagwawalang bahala nila ang mga katotohanan sa Word of Wisdom?
-
Paano hahantong sa pagkawala ng puri ang di pagsunod sa Word of Wisdom?
-
Kung ang isang tao ay nahihirapan sa kasalukuyan na sundin ang Word of Wisdom, ano ang maaari niyang gawin upang magkaroon ng lakas na sumunod sa utos na ito?