Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 4: Pagsusumikap


Kabanata 4

Pagsusumikap

Ang pagsusumikap na maisakatuparan ang makatwirang mga hangarin ay makakatulong sa atin na mapahusay ang mga talento, marating ang mga espirituwal nating mithiin, at mapaglingkuran ang iba.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Sa buong buhay niya, nagsumikap si Heber J. Grant na pahusayin ang kanyang sarili, na naniniwalang “bawat tao ay maaaring humusay araw-araw, taun-taon, at magkaroon ng mas malaking kakayahang gawin ang mga bagay-bagay sa pagdaan ng mga taon.”1 Nakilala siya sa kanyang pagiging masikap, at sinabi tungkol sa kanya na “hindi niya pinintasan kailanman ang kahinaan ng ibang tao kundi pinahusay niya ang kanyang sarili.”2 Isinalaysay niya ang kuwentong ito tungkol sa kanyang kabataan noong ipakita niya ang katangian ng pagiging masikap:

“Nang sumali ako sa isang baseball club, naglaro sa unang siyam ang mga batang kaedad ko at mas matanda pa, ang mas bata sa akin ay naglaro sa ikalawa, at yaong mga mas nakababata pa sa ikatlo, at nakipaglaro ako sa kanila. Isang dahilan nito ay hindi ko maibato ang bola mula sa isang base papunta sa isa pa; isa pa ay hindi ako magaling tumakbo o pumalo. Kapag dinampot ko ang bola, karaniwa’y sisigaw ang mga bata ng, ‘Ibato mo rito, bakla! Pinagkakatuwaan nila ako kaya isinumpa kong maglalaro ako sa siyam sa baseball na magpapanalo ng kampeonato sa Teritoryo ng Utah.

“May mga boarder ang nanay ko noong panahong iyon para may pagkakitaan, at pinakikintab ko ang mga bota nila hanggang makaipon ako ng isang dolyar na ipinambili ko ng bola ng baseball. Maraming oras ang ginugol ko sa pagbato ng bola sa kamalig (ni Edwin D. Woolley) ng kapitbahay, na naging dahilan para ituring niya akong pinakatamad na bata sa Thirteenth Ward. Madalas sumakit ang braso ko kaya halos hindi ako makatulog sa gabi. Pero patuloy akong nagpraktis, at sa wakas ay nagtagumpay akong makapasok sa ikalawang siyam sa aming club. Kasunod nito ay sumali ako sa isang mas magaling na club at nang lumaon ay naglaro ako sa siyam na nagpapanalo sa kampeonato ng Teritoryo. Nang matupad ko ang sumpa ko sa sarili, nagretiro na ako sa paglalaro ng baseball.”

Nang malaon ay kinilala ni Pangulong Grant na “medyo sinayang” niya ang “mga oras at araw at linggo at buwan” sa pagbato ng baseball sa kamalig ng kanyang kapitbahay. Wika niya: “Naisip ko na hindi ko … nagamit nang husto ang angkin kong kakayahan. … Gayunpaman, may isang bagay na natupad sa karanasan ko bilang manlalaro ng bola at iyon ay ang pagtupad sa pangako ko sa aking sarili.”3

Ang batang si Heber J. Grant ay nagsikap ding matutong maglaro ng holen, mapahusay ang kanyang gramatika, at mapaganda ang kanyang pagsulat.

Natutuhan niya noong bata pa siya ang bisa ng pagsusumikap at patuloy niyang ginamit ang alituntuning ito sa kanyang pagtanda. Halimbawa, nagpasiya siyang matutong kumanta. Nagunita niya: “Siyam na taong gulang pa lang ako, sinubukan ko nang kumanta. Paulit-ulit ko itong sinubukan nang walang katuturan. Nang mga apatnapu’t tatlong taong gulang na ako, nagkaroon ako ng sekretaryong maganda ang baritonong boses. Sinabi ko sa kanya na ipagpapalit ko ang lahat matuto lang akong kumanta. Tumawa siya at sinabing, ‘Sinumang may boses at tiyaga ay makakakanta.’ Agad ko siyang itinalaga na maging titser ko sa pagkanta.

“Nagsimula akong mag-aral kumanta noong gabing iyon. Pagkatapos ng dalawang oras na pagpapraktis hindi ko pa rin makanta ang kahit isang linya ng kantang pinapraktis ko. Matapos praktisin ang isang kanta nang mahigit limang libong beses, nagwala ako sa publiko nang subukin kong kantahin ito. Anim na buwan ko pa itong pinraktis. Ngayo’y natututuhan ko na ang isang kanta sa loob lamang ng ilang oras.”4

Masaya si Pangulong Grant sa pagpupunyagi niya na matutong kumanta, at hindi niya hinayaang makahadlang ang mga pagkakamali o pagtawa at pintas ng iba. Sa isang pananalita sa mga kabataan ng Simbahan ay sinabi niya:

“Noong nag-aaral akong kumanta, … labindalawang beses ko pinraktis [ang isang] kanta sa isang araw sa isang upuan. May tatlong talata ito; kaya tatlumpu’t-anim na talata ang kinanta ko, at kung bibilangin ay lima ang mali ko sa bawat talata, kaya bale 180 mali iyon sa isang praktisan, at hindi ko pa rin alam ito. Noong magsimula akong mag-aral na kumanta, tatlo hanggang apat na buwan ang ginugol ko para matutuhan ang dalawang simpleng himno. Natutuhan ko ang isang himno ilang linggo lang ang nakararaan sa loob ng tatlong oras—kalahating oras ng praktis bawat gabi sa loob ng anim na araw, at natutuhan ko ito.”5

Madalas banggitin ni Pangulong Heber J. Grant ang sumusunod na pahayag, na minsan ay nanggaling kay Ralph Waldo Emerson: “Ang pinagsusumikapan nating gawin ay nagiging mas madaling gawin para sa atin—hindi dahil sa nagbago ang likas na katangian niyon, kundi nag-ibayo ang ating kapangyarihang gawin iyon.”6 Pinatunayan ni Pangulong Grant ang katotohanang ito lalo na sa paglilingkod sa Panginoon. Sa kabila ng mga hirap tulad ng karalitaan at maagang pagkamatay ng kanyang ama, sinikap niyang sundin ang mga kautusan, tuparin ang kanyang mga tungkulin sa Simbahan at gawin ang lahat ng magagawa niya sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa.

Mga Turo ni Heber J. Grant

Maisasakatuparan natin ang anumang makabuluhang mithiin kung sisikapin natin.

Naniniwala ako na maisasakatuparan natin ang anumang layon kung pagpapasiyahan nating gawin ito at walang lalaki o babaeng dapat umupo at magsabing, dahil hindi naman sila singgaling ng iba, hindi na lang sila kikilos. Nagbigay ang Diyos ng sampung talento sa ilang tao; sa isa ay isang talento; ngunit darating ang araw na silang pinagyaman ang isang talento ay mas magaling kaysa sa may sampung talento ngunit nabigong pagyamanin ito.7

Ang pagiging marapat sa pagtitiwala, ang pagsusumikap, at determinasyon ay mga katangiang tutulong sa inyo para manaig sa pakikibaka sa buhay.8

Naniniwala ako na kung wala tayong ambisyong magsakatuparan at gumawa ng mga bagay-bagay ay wala tayong patutunguhan sa pakikibaka sa buhay. Wala nang mas lulungkot pa sa ngayon kaysa sa makita ang ilang miyembro natin na nawawalan ng espiritu ng integridad at debosyon at ambisyong gumawa ng mga bagay- bagay. Parang mali ang lahat para sa akin. Bawat tao ay dapat maghangad na lumago at madagdagan ang kakayahang gawin ang mga bagay-bagay. Tiyak na kung puro pagsusumikap at paghahangad lang ay wala tayong magagawa. Dapat nating haluan ang paghahangad na iyon ng paggawa para maisakatuparan ang mga bagay na hinahangad natin. Tiyak ko na ang binatang lubos na nasisiyahan sa kanyang ginagawa, kahit maliit na bagay ang kanyang ginagawa, at wala nang ambisyong gumawa pa ng higit, ay di uunlad. Ngunit kumbinsido ako na bawat tao ay maaaring humusay araw-araw, taun-taon, at magkaroon ng mas malaking kakayahang gawin ang mga bagay-bagay sa pagdaan ng mga taon. Buong puso kong pinaniniwalaan iyan.9

Sa pamamagitan ng karanasan at praktis tayo’y humuhusay sa anumang trabaho o libangan sa buhay, sa relihiyon man o sekular.10

Wala akong alam na pormula sa tagumpay. Ang magsumikap, magsumikap, MAGSUMIKAP; magtrabaho, magtrabaho, MAGTRABAHO— ang mahalaga sa pakikibaka sa buhay.11

Kailangan ang pagsusumikap para manatili sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Batid kong kailangan laging magsikap ang bawat isa sa atin para magtagumpay sa buhay. Hindi kailangang pagsikapan man lang ang paggulong paibaba, pero kailangan ang pagsisikap para makaakyat sa tuktok. Hindi kailangang magsikap sa pagtahak sa malawak na landas patungong kapahamakan; ngunit kailangan ang pagsisikap para manatili sa tuwid at makipot na landas tungo sa buhay na walang hanggan.12

Palagay ko’y dapat tayong matutong huwag mawalan ng pagasa kailanman. … Naniniwala ako na kapag nalaman natin sa ating puso na dahil sa mga pagpapala ng ating Diyos Ama sa Langit ay maisasagawa natin ang isang bagay, ibinibigay ng Diyos ang kakayahang maisagawa ang gawaing iyon; ngunit kapag sumuko tayo, kapag nanghina ang loob natin, kapag tiningala natin ang tuktok ng bundok at sinabing imposibleng maakyat ang tuktok nito samantalang hindi naman pala tayo nagsisikap ay hinding-hindi ito maisasakatuparan.

Sinabi ni Nephi sa kanyang ama na hahayo siya at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon [tingnan sa 1 Nephi 3:7], at nang mabigong kunin ng mga kapatid niya ang mga lamina at bumalik na walang pag-asa, hindi siya nawalan ng pag-asa. … Sinabi niya sa kanyang mga kapatid: “Yamang ang Panginoon ay buhay, at habang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinaguutos ng Panginoon sa atin.” [1 Nephi 3:15.] Ngayon dapat nating tandaang mga Banal sa mga Huling Araw na nagtagumpay si Nephi; dapat nating tandaang sa kabila ng mga balakid ay nakuha niya ang mga laminang naglalaman ng mahahalagang salita ng Diyos; na nakuha niya ang talaang walang katumbas; na napakahalaga sa kanyang mga inapo. Kung hindi niya nagawa ito ay naging mahirap para sa kanila na matagpuan ang tuwid at makipot na landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Kung may isang tauhan sa Aklat ni Mormon na higit kong hinangaan at sinikap tularan ang halimbawa, ang tauhang iyon ay si Nephi noon; hindi kailanman nawalan ng pag-asa, hindi nasiraan ng loob, laging handa, laging determinadong magsikap nang husto para maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos.13

Kung gusto ninyong malaman kung paano maligtas, sasabihin ko sa inyo; ito’y sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Walang kapangyarihan sa lupa, walang kapangyarihan sa ilalim ng lupa, na hahadlang sa inyo o sa akin o sa sinumang Banal sa mga Huling Araw na maligtas, maliban sa ating sarili. Tayo ang arkitekto ng sarili nating buhay, hindi lang sa buhay na ito, kundi maging sa kabilang buhay. Tayo mismo ang makagagawa ng bawat tungkulin at obligasyong ipinagagawa ng Diyos sa tao. Walang kautusang ibinigay sa atin ang Diyos na hindi tayo binigyan ng kapangyarihang gawin ang kautusang iyon. Kung mabigo tayo, tayo, at tayo lamang, ang tanging responsable sa kabiguang ito, dahil pinagkalooban ng Diyos ang Kanyang mga lingkod, mula sa Pangulo ng Simbahan hanggang sa pinakaabang miyembro, ng lahat ng kakayahan, lahat ng kaalaman, lahat ng kapangyarihang kailangan, na buong tapat, sipag, at angkop na maisagawa ang bawat tungkulin at obligasyong nakaatang sa kanila, at tayo, at tayo lamang ang mananagot kung mabigo tayo rito.14

Ang pananampalataya at kaalamang hindi nagagamit ay walang halaga. Lahat ng kaalaman sa mundo ay walang kabuluhan maliban kung gagamitin natin ang kaalamang ito. Tayo ang mga arkitekto at tagapagtatag ng ating buhay, at kung hindi natin gagamitin ang ating kaalaman at di gagawin ang mga tungkuling nakaatang sa atin tayo ay bigo sa buhay.15

Sa tulong ng ating Ama sa Langit walang obligasyon at batas sa Simbahan na hindi natin matutupad. Bibigyan tayo ng Panginoon ng lakas at kakayahang isakatuparan ang bawat tungkulin at trabahong nakaatang sa atin sa isang paraang katanggap-tanggap sa kanyang paningin. Ang tanging tanong ay, may disposisyon ba tayo? Narinig ko kahapon sa isang [tao] na nagsabing hindi niya maitigil ang pag-inom ng kape. Hindi ako naniniwalang nagsasabi ng totoo ang taong iyon. Palagay ko’y may disposisyon siyang sikaping itigil iyon.16

Maraming tao akong nakilala na nagsabing, “G. Grant, ano ang masasabi mo tungkol sa maraming sumaksi na alam nilang banal ang gawaing tinatawag na Mormonismo, at banal ang misyon ni Propetang Joseph Smith, pero tumalikod naman sa Ebanghelyo ng mga Banal sa mga Huling Araw at naging mababagsik na kaaway nito?” Ang sagot ko lang ay na walang ipinangako sa lalaki, babae o bata, anuman ang patotoong tinanggap nila, o liwanag at talinong dumating sa kanila mula sa Diyos, na mananatili silang matibay at matatag sa tuwid at makipot na landas tungo sa buhay na walang hanggan, maliban kung susundin nila ang mga kautusan ng Diyos. Wala akong kilalang Banal sa mga Huling Araw na naligaw ng landas sa kabila ng pagiging matapat sa pagaasikaso sa kanyang pamilya at mga sekretong dalangin, sa kanyang mga miting pampubliko at sa korum, na naging handa at nagkukusang magbayad ng ikasampu ng kanyang kita taun-taon bilang ikapu sa Panginoon. Ngunit alam ko na maraming tao na napakitaan ng maraming dakila at kamangha-manghang bagay, ang naligaw ng landas, dahil pinabayaan nila ang mga tungkulin at responsibilidad na nakaatang sa kanila bilang mga Banal sa mga Huling Araw.17

Isa sa malalaking bagay na kailangang trabahuhin ng [kaaway] ay ang katotohanang tayong lahat ay mahihirap, mahihinang mga mortal at alam na alam natin ang sarili nating mga kahinaan, at tinatangka niyang samantalahin ang kaalaman nating ito upang udyukan tayo na wala tayong silbi at walang kabuluhan ang ating ginagawa sa oras na naisin natin itong gawin. Ngunit makatitiyak tayo na kung sisikapin nating gawin ang maliliit na tungkulin natin sa araw-araw ay magiging handa tayo sa mas dakilang mga bagay, kapag dumating sa atin, sa awa ng Panginoon, ang mas malaking gawain para sa ikabubuti ng kanyang gawain.18

Hangad kong ikintal sa isipan ng mga kabataan na dahil hindi sila nagtagumpay noong nakaraan, o nabigong mamuhay nang wasto ay hindi nila dapat madamang wala silang pag-asa sa hinaharap. Walang turo ang ating Panginoon at Maestrong si Jesucristo na mas maliwanag kaysa sa inilahad niya para sa lahat, na ang kasalanang nagawa natin noon ay mapapatawad kung pinagsisihan at tinalikuran natin, at sa hinaharap ay magsikap tayong mamuhay nang matwid.19

Dapat nating sikaping tulungan ang iba.

Madalas kong ikuwento ang karanasan ni Doktor Karl G. Maeser. Ikinuwento niya ang tungkol sa isang dukhang balo na inilapit sa kanya ang anak. Ibinalita niya kay Brother Maeser na kaisa-isa niya itong anak; at naglabandera siya para makaipon ng kailangang pera para mapag-aral ang bata sa Brigham Young University dahil narinig niyang napagbago ni Brother Maeser ang mga batang naliligaw ng landas. Sinabi niya kay Brother Maeser na hindi niya madisiplina ang bata at wala ring magawa ang bishop at kanyang mga tagapayo tungkol dito at ang tingin nila sa bata ay masama ito.

Nagsimulang mag-aral ang bata at agad napaaway. Sinabi ni Brother Maeser kung paano nito sinuway ang lahat ng patakaran ng eskuwela. Walang magawa ang mga titser sa kanya, at masama ang impluwensiya niya sa eskuwela. Nag-alinlangan si Brother Maeser sa pagpapatalsik sa kanya dahil naalala niya ang dukhang balo na naglabandera para mapag-aral ang kanyang anak; kaya pinagpasensiyahan niya ang walang galang at salbaheng bata hanggang sa hindi na niya ito matiis. Sa huli’y pinatalsik din niya ito sa eskuwela.

Alas otso kinabukasan, pagkarating ni Brother Maeser sa kanyang opisina ay may kumatok sa pinto. Nang buksan niya ang pintuan, nakatayo roon ang bata. Sinabi ni Brother Maeser na nang masdan niya ang bata at naisip ang lahat ng gulong ginawa niya sa eskuwela ay gusto niyang “suntukin ito, sa pagitan ng dalawang mata.” Iyon ang unang pumasok sa isipan niya tungkol sa batang pinatalsik kahapon.

Sinabi ng bata: “Brother Maeser, bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon.”

[Naalala kalaunan ni] Brother Maeser: “Hindi ako nakakilos sa pagkakatayo nang humingi ng isa pang pagkakataon ang bata. Hindi niya inisip na bibigyan ko siya ng isa pang pagkakataon; at sinabi niya: ‘Brother Maeser, Brother Maeser—bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon.’ ”

Gumaralgal ang tinig ni Brother Maeser nang yakapin at halikan niya ang batang lalaking nanlilimos ng kanyang awa at pinangakuan ito ng sandaang pagkakataon.

“Ngayon, ” wika ni Brother Maeser, “ano sa palagay ninyo— ang batang iyo’y tagapayo ng isang bishop sa mismong bayang dati’y wala siyang silbi!”…

Ito ang uri ng mga gantimpalang makabuluhan—mga gantimpala ng pagpapahalaga sa tao. Ang mapagpasensiya, walang pagod, mapanalanging mga pagsisikap natin sa ating mga kabataang nangangailangan ng tulong, at yaong karaniwa’y lumalayo sa atin ay madalas na bumabalik upang gantimpalaan tayo sa walang kapantay na galak at kasiyahan sa darating na mga taon.

Nawa’y magsumikap tayo nang matagal at walang humpay, nang may pasensiya, at pagpapatawad, at mapanalanging determinasyon sa lahat ng taong nangangailangan ng ating tulong!20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Anu-ano ang naging mga karanasan ninyo kung saan pinagpala kayo ng Panginoon sa inyong pagsisikap?

  • Ano ang nag-uudyok sa atin para sikaping gampanan ang ating tungkulin sa Panginoon?

  • Anong mga hadlang ang dapat nating paghandaang harapin habang sinisikap nating pagyamain ang ating mga talento at kakayahan? sa pamumuhay ng mga kautusan? sa pagtulong sa iba?

  • Bakit mahalaga ang pagsisikap na mamuhay nang matwid at matagumpay sa kawalang-hanggan? (Tingnan din sa 1 Nephi 13:37; 3 Nephi 27:16; D at T 14:7.)

  • Ipinahayag ni Pangulong Grant ang malaking paghanga sa propetang si Nephi. Anu-anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo kina Nephi at Pangulong Grant? Ano ang magagawa ninyo para masunod ang kanilang halimbawa?

  • Sa anong mga paraan natin mapaglilingkuran ang mga “lumayo sa atin”?

  • Sa anong mga paraan tayo pagpapalain sa pamamagitan ng pagsusumikap ng iba?

Mga Tala

  1. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 185–86.

  2. Bryant S. Hinckley, Heber J. Grant: Highlights in the Life of a Great Leader (1951), 50.

  3. “Work, and Keep Your Promises, ” Improvement Era, Ene. 1900, 196–97.

  4. “Heber J. Grant Says: ‘Persist in Doing, ’ ” Northwestern Commerce, Okt. 1939, 4.

  5. “Farewell Address of Apostle Heber J. Grant, ” Improvement Era, Hulyo 1901, 685.

  6. Gospel Standards, 355.

  7. Improvement Era, Hulyo 1901, 684–85.

  8. Address by President Heber J. Grant to The Deseret News Carriers during Their Annual Roundup (pamphlet, 15 Ago. 1921), 6.

  9. Gospel Standards, 185–86.

  10. Gospel Standards, 184.

  11. Northwestern Commerce, Okt. 1939, 4.

  12. Gospel Standards, 47.

  13. Sa Conference Report, Okt. 1898, 35; binago ang mga talata.

  14. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 4:357.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1939, 18.

  16. Gospel Standards, 47.

  17. Sa Collected Discourses, 5:400.

  18. “Against Discouragement, ” Improvement Era, Okt. 1944, 595.

  19. Improvement Era, Ene. 1900, 192.

  20. Gospel Standards, 293–94.

boy throwing baseball

Naging mapagsumikap si Heber J. Grant sa kanyang kabataan. Sa huli’y sinabi niya: “Wala akong alam na pormula sa tagumpay. Ang magsumikap, magsumikap, MAGSUMIKAP; magtrabaho, magtrabaho, MAGTRABAHO—ang mahalaga sa pakikibaka sa buhay.