Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 11: Priesthood, ‘ang Kapangyarihan ng Diyos na Buhay’


Kabanata 11

Priesthood, “ang Kapangyarihan ng Diyos na Buhay”

Ang mga mayhawak ng priesthood na sumusunod sa mga alituntunin ng kabutihan ay maaaring maging mga instrumento sa mga kamay ng Panginoon sa paglilingkod sa iba.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

“Hinding-hindi ko malilimutan ang okasyon, ” wika ni Pangulong Heber J. Grant, “nang magmakaawa sa akin ang isang kaibigan, nang malaman na ibinalita ng doktor na ang kanyang anak na babae, na maysakit na dipterya, ay mamamatay kinabukasan. Hiniling niyang ipagdasal ko ang anak na iyon, at matapos kong lisanin ang kanyang opisina ay nanalangin ako nang buong kataimtiman sa aking kaluluwa na pagalingin ng Diyos ang batang iyon. Habang nagdarasal, dumating sa akin ang inspirasyon: “Ang kapangyarihan ng Diyos na buhay ay narito sa lupa. Narito ang Priesthood. Dalian mo! Dali! … Humayo ka at pigilan ang kapangyarihan ng mangwawasak, at mabubuhay ang bata.’

“Ang doktor na tumitingin sa batang iyon ay nagsabing hindi na siya aabutan ng umaga; ngunit nang sumapit ang umaga ay ipinaliwanag niya na hindi niya maintindihan ang nangyari, at naniniwala siya na gagaling ang bata. Hindi niya maiwasang hindi magpakita ng pagkagulat sa pagbabago ng kalagayan ng bata sa nakalipas na magdamag. Pinigilan ng kapangyarihan ng Diyos na buhay ang mangwawasak.”1

Nagalak si Pangulong Grant sa inspirasyong natanggap niya nang gabing iyon: “Ang kapangyarihan ng Diyos na buhay ay narito sa lupa. Narito ang Priesthood.” Sa kanyang talumpati sa pangkalahatang kumperensya, madalas niyang ituro sa mga Banal ang mga biyayang matatanggap nila sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng priesthood.

Mga Turo ni Heber J. Grant

Ang mga susi, awtoridad, ordenansa, at kaloob ng priesthood ay naibalik.

Sa pagpapatuloy ng pagsasalin ng [Aklat ni Mormon], natuklasan ni Joseph Smith na ang doktrina ng pagbibinyag ay itinuro at isinagawa ng mga taong Nephita. Sa kagustuhang higit na maunawaan ang alituntuning ito ay ginawa niya ang ginawa na niya noon, kasama si Oliver Cowdery na kanyang tagasulat, nagpunta sila sa kakahuyan, at taimtim na nanalangin. Ang sumusunod ay hango sa kanyang sariling mga salita:

“Habang kami’y nasa gayong ayos, nananalangin at nananawagan sa Panginoon, isang sugo mula sa langit ang bumaba sa isang ulap ng liwanag, at habang nakapatong ang kanyang mga kamay sa amin, inordenan niya kami, sinasabing:

“ ‘Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas, aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; at ito ay hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang sa ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa kabutihan.’

“Ang sugo na dumalaw sa amin sa pagkakataong ito at naggawad sa amin ng Pagkasaserdoteng ito, ay nagsabi na Juan ang kanyang pangalan, siya ring tinatawag na Juan Bautista sa Bagong Tipan, at na siya ay kumikilos sa ilalim ng tagubilin nina Pedro, Santiago at Juan, na may hawak ng mga susi ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, na kung aling Pagkasaserdote, sinabi niya, ay igagawad sa amin sa takdang panahon.” [Tingnan sa Joseph Smith— Kasaysayan 1:68–69, 72.]

Sa pagkaorden na ito, at sa pagpanumbalik ng Melchizedek Priesthood na sa huli’y iginawad gaya ng ipinangako, ang kabuuan ng mga susi at awtoridad ng Priesthood ng Makapangyarihang Diyos, na nawala sa tao sa loob ng maraming siglo, ay ipinanumbalik at nanatili sa Simbahan nang tuluy-tuloy hanggang sa kasalukuyan.

Sa pagkabalik ng priesthood ang landas ay nabuksan sa pangangaral ng Ebanghelyo, ang pangangasiwa ng mga ordenansa na may kinalaman dito, at ang pagkakatatag ng Simbahan.2

Alam kong walang mga kaloob, walang biyaya, walang awtoridad, na taglay ng kanyang mga apostol noong kapanahunan ng Tagapagligtas ang hindi taglay ng mga tao ng Diyos sa ngayon.3

Ibinibigay ko sa inyo ngayon ang patotoo ko na nasa atin ang katotohanan, na ang Diyos ay muling nagsalita, na ang bawat regalo, bawat biyaya, bawat kapangyarihan at bawat kaloob na dumarating sa pamamagitan ng banal na Priesthood ng Diyos na buhay noong kapanahunan ng Tagapagligtas ay natatamasa, dapat matamasa—ang mga pagpapala, ang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos na magpagaling, ang inspirasyon ng Kanyang Espiritu kung saan ang mga lalaki at babae ay nakatatanggap ng pagpapamalas mula sa Kanya, ang inspirasyon ng Espiritu ng Diyos kung saan ang mga tao ay nakakapagsalita sa bagong wika at nabibigyang kahulugan iyon, at bawat biyaya at kaloob— ay natatamasa ngayon ng mga Banal sa mga Huling Araw.4

Ang kapangyarihang magpagaling ng priesthood ay nasa Simbahan.

Alam ko na ang kapangyarihan ng Makapangyarihang Diyos na magpagaling ay nasa Simbahang ito. Alam ko na kung wala ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Diyos ay hindi ako makatatayo sa inyong harapan ngayon. Alam ko na may mga taong halimbawa ng kapangyarihan ng Diyos na magpagaling sa gitna ng mga taong ito. Kung naitala lamang ang lahat ng kahanga-hangang mga biyaya ng Panginoon na dumating sa pamamagitan ng Priesthood simula nang itatag ang Simbahan sa mundo, iyon ay tala na mas makapal pa sa Bagong Tipan.5

Minsan nang ang kapatid ko [sa ama o ina] na si Joseph Hyrum Grant … ang namamahala sa paarkilahan ng mga kabayo at bagon …, may isang grupo ng mga empleyado ng pabrika ng sapatos ng Z.C.M.I. ang nagkakatuwaan sa pamamasyal. … Tinawag ni [Joseph], na namahala sa sasakyan, ang kanilang pansin at sinabing may paparating na unos, at hinimok silang umuwi, na sinasabing … nanganganib … na tumumba ang bagon sa unos at sa kadiliman. Ngunit nagkaisa sila na hindi nila sisisihin ang paarkilahan ng kabayo at bagon sakaling may mangyaring sakuna.

Habang papauwi sa dilim ay natumba ang sasakyan at ilang tao ang medyo malubhang nasugatan. Isa sa mga babae ang nabalian ng mga buto at bilang resulta ng kanyang pagkasugat at pagkalantad sa unos, ay nagkaroon siya ng pulmonya. Sinabi ng doktor na tumitingin sa kanya na hindi na siya mabubuhay at malamang na mamatay bago mag-umaga. Lubhang nabagabag si [Joseph], dahil siya ang nagmaneho ng sasakyan. Hiniling niyang samahan ko siya sa pangangasiwa sa batang babaeng iyon, na sinasabing natanggap niya ang pagsaksi ng espiritu na mabubuhay siya.

Nang humakbang kami papunta sa higaan, sinabi ko sa kanyang naghihingalo na ang babae at maaaring mamatay ito bago pa namin maalis ang aming mga kamay sa kanyang ulo. Namutla siya at sinabing nakatanggap siya ng pahiwatig mula sa Panginoon, at alam niya, gaya ng pagkaalam niyang totoo ang ebanghelyo, na kung babasbasan namin ang babae ay mabubuhay ito. Binasbasan nga namin ang babae, at sa pagpapatibay ng pagpapahid ng langis ay nadama kong dapat kong ipangako sa kanya na maghihilom ang kanyang mga buto, na gagaling siya at magbabalik at mapapaandar pa ang makina niya sa pabrika ng sapatos ng Z.C.M.I. Hindi ko alam na may pinatatakbo siyang makina o kung ano ang trabaho niya. Noong gabing iyon ay nakausap ko ang superintendent ng pabrikang iyon at sinabi niyang: “Kauuwi ko lang galing sa tahanan ni Marie DeGray, at naghihingalo na siya. Baka patay na siya ngayon.” Sabi ko: “Brother Rowe, pumunta ka sa iyong opisina at umupo ka at isulat mo: ‘Si Marie DeGray ay hindi patay. Hindi mamamatay si Marie DeGray, sa halip siya’y gagaling at makakabalik at paaandarin ang kanyang makina sa inyong pabrika.’ Ipinaalam iyan sa akin ng espiritu ng Diyos na buhay.” Sabi niya: “Hindi ko kailangang isulat ito, dahil batay sa sinabi mo, alam kong mabubuhay siya.”

Pagkatapos ay ikinuwento niya sa akin ang pangyayaring naganap sa sarili niyang pamilya. Sabi niya: “Sa London, bago ako napunta sa bansang ito, isa sa mga anak kong babae ang nagkasakit nang malubha, at sinabi ng doktor na tumitingin sa kanya na hindi na siya aabutan ng umaga.” Ipinatawag niya, ayon sa natatandaan ko, sa layong tatlong milya patawid sa malaking lungsod ng London, si Junius F. Wells at ang kanyang kompanyon para magpunta at mangasiwa sa kanyang anak na babae, at nanumbalik ang kanyang kalusugan. “Kinabukasan, ” sabi ni Brother Rowe, “nagpunta ang doktor sa aking tahanan at iniabot sa akin ang isang sertipikong nasusulatan, na angkop na nilagdaan, na nagsasaad na patay na ang aking anak. Inanyayahan ko siya sa punerarya at ipinakilala siya sa ‘bangkay.’ Kaya nang sabihin mo sa akin na gagaling ang babaing ito, tinanggap ko ang sinabi mo, dahil alam kong ang nakapagpagpapagaling na kapangyarihan ng Diyos ay nasa Simbahang ito, gaya ng alam kong buhay ako.”6

Sa patnubay ng mga alituntunin ng kabutihan, magagamit ng mga maytaglay ng priesthood ang mga kapangyarihan ng langit.

Hindi maliit na bagay ang hawakan ang Priesthood ng Diyos— ang magkaroon ng karapatan sa impluwensya ng mga kapangyarihan ng kalangitan para sa kabutihan.7

Tungkol sa awtoridad ng Priesthood ng Diyos at kung paano ito gagamitin: Ang Propeta ng Diyos na buhay ay nabilanggo sa piitan ng Liberty at ninais ng maraming tao na malitis siya at maparusahan; ngunit hindi mapipigilan ng lahat ng pintuan ng piitan sa buong mundo ang mga paghahayag ng kalooban at kaisipan ng Diyos na dumarating sa mga may karapatang tumanggap sa mga ito; at habang nasa piitan ng Liberty ay natanggap ng Propetang Joseph Smith ang isa sa mga pinakadakila sa lahat ng mga paghahayag mula sa Diyos na nasa Doktrina at mga Tipan. Babasahin ko mula sa Bahagi 121:

“Hanggang kailan mananatiling marumi ang mga umaagos na tubig? Anong kapangyarihan ang pipigil sa kalangitan? Gayun din maaaring iunat ng tao ang kanyang maliit na bisig upang pigilin ang ilog ng Missouri sa kanyang nakatalagang pag-agos, o ibaling ang daloy nitong paitaas, upang hadlangan ang Pinakamakapangyarihan sa pagbubuhos ng kaalaman mula sa langit sa mga ulo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Masdan, marami ang tinawag, subalit iilan ang napili. At bakit sila hindi napili?

“Sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito, at naghahangad ng mga parangal ng tao, kaya hindi nila natutuhan ang isang aral na ito—

“Na ang mga karapatan ng pagkasaserdote ay may di mapaghihiwalay na kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit, at na ang kapangyarihan ng langit ay hindi mapamamahalaan ni mahahawakan tanging alinsunod lamang sa mga alituntunin ng kabutihan.

“Na ito ay maaaring igawad sa atin, ito ay totoo; subalit kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyangkasiyahan ang ating kapalaluan, ang ating walang kabuluhang adhikain, o gumamit ng lakas o kapangyarihan o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati; at kapag ito ay lumayo, Amen sa pagkasaserdote o kapangyarihan ng taong iyon.

“Masdan, bago niya mabatid, siya ay naiwan sa kanyang sarili, upang sumikad sa mga tinik, upang usigin ang mga banal, at lumaban sa Diyos.

“Ating natutuhan sa pamamagitan ng nakalulungkot na karanasan na likas at kaugalian ng halos lahat ng tao, matapos silang makatamo ng kaunting kapangyarihan, sa inaakala nila, kaagad silang magsisimulang gumamit ng di makatwirang pamamahala.

“Kaya nga marami ang tinawag, subalit iilan ang napili.” [D at T 121:33–40.]

Ngayon, gusto kong bigyang-diin ang natitirang bahagi ng paghahayag na ito, na ibinigay sa piitan. Taglay ang lahat ng kapangyarihan ng Estado sa pagsisikap na alisin ang kalayaan ni Joseph Smith, hindi nila kayang pigilan ang komunikasyon sa kalangitan ng propetang iyon, at natanggap niya ang sumusunod na inspiradong mga salita na hindi kailanman malilimutan ng sinumang bishop o ng sinumang pangulo ng stake, o ng sinumang apostol, o ng sinumang pangulo ng Simbahan habang nanunungkulan sila sa Simbahang ito:

“Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;

“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya—

“Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway;

“Upang kanyang malaman na ang iyong katapatan ay higit na matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan.

“Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisp nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpadadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, ”

Higit na mas mahalaga kaysa lahat ng yaman ng buong mundo ang palagiang pagsama sa atin ng Espiritu Santo.

“at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan, at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.” [D at T 121:41–46.]8

Sa pagsasalita sa mga Banal sa mga Huling Araw, wala nang iba pang paghahayag sa buong Doktrina at mga Tipan na mas madalas kong binabanggit kaysa sa nakasaad sa Bahagi 121 … na “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan, at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”

Walang panganib sa ganitong uri ng Priesthood—kahinahunan, at kaamuan, at hindi pakunwaring pag-ibig. Ngunit kapag gumamit tayo ng lakas, o kapangyarihan, o pamimilit sa mga kaluluwa ng mga anak ng tao, sa alinmang antas ng kasamaan, masdan, ang kalangitan ay lalayo. Ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati. At kapag ito ay lumayo, “Amen sa pagkasaserdote o sa kapangyarihan ng taong iyon.” Ito ang mga salita ng Diyos.9

Masama bang gamitin ang priesthood ng Diyos na buhay sa paraan na inilarawan ng Panginoon: “Sa kabaitan at kahinahunan”? Iyan lang ang tanging paraan at maliban na gamitin ito sa ganitong paraan, Amen sa pagkasaserdote at awtoridad ng mga taong mayhawak ng priesthood na ito sa Simbahan ni Cristo.10

Hindi dapat gamitin ng mga lalaking mayroong Priesthood ang bisa nito para lamang magmukhang mas magaling sila kaysa sa iba. … Kapag ginawa nila ito ay lalayo sa kanila ang espiritu ng Panginoon at hahangarin nila ang mga bagay ng mundong ito sa halip na mga bagay na ukol sa Diyos.11

Wala tayong magagawa, gaya ng nakatala sa paghahayag na iyon, maliban kung pinaiiral natin ang pag-ibig at pagmamahal sa kapwa at kabutihan—ang hindi pakunwaring pag-ibig. Sa tulong ng Panginoon ay sa gayong paraan ko dapat pangasiwaan, sa abot ng makakaya ko, ang Priesthood ng Diyos na napasa akin.12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Sa paanong paraan kayo at ang inyong pamilya nabiyayaan sa pamamagitan ng paggamit ng priesthood?

  • Paano natin maipakikita ang paggalang sa priesthood? Paano natin matutulungan ang mga miyembro ng pamilya na gumalang sa priesthood?

  • Ano ang naging mga karanasan ninyo na nagpalakas sa inyong patotoo sa kapangyarihan ng priesthood na magpagaling? Sa oras ng pagkakasakit o iba pang karamdaman, ano ang maaari nating gawin upang makilala ang sarili nating mithiin sa kalooban ng Panginoon?

  • Ano ang natututuhan ninyo mula sa paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 121:33–46? Bakit kailangang sundin ng mga mayhawak ng priesthood ang mga alituntuning nakasaad sa paghahayag na ito upang makakilos sa pangalan ng Panginoon? Paano naaangkop ang mga alituntuning ito sa lahat ng ating pakikitungo sa ibang tao?

  • Paano matatamasa ang mga pagpapala ng priesthood ng mga taong walang kasamang mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa kanilang mga tahanan?

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Abr. 1925, 9–10.

  2. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1930, 10–11; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1917, 14.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1943, 7.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1917, 14.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1927, 15–16.

  7. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 8.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1923, 158–59.

  9. Gospel Standards, 68.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1928, 9.

  11. Gospel Standards, 179.

  12. Gospel Standards, 199.

Jesus healing child

“Bawat regalo, bawat biyaya, bawat kapangyarihan at bawat kaloob na dumarating sa pamamagitan ng banal na Priesthood ng Diyos na buhay noong kapanahunan ng Tagapagligtas ay natatamasa ngayon.”