Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Ang Misyon ng Propetang si Joseph Smith


Kabanata 2

Ang Misyon ng Propetang si Joseph Smith

Matibay na itinatag ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga paghahayag na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng Propetang si Joseph Smith.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Nagsimulang magkaroon ng patotoo si Heber J. Grant kay Propetang Joseph Smith noong bata pa lamang siya habang ikinukuwento ng kanyang ina at ng kaibigan nitong si Eliza R. Snow ang kanilang personal na mga karanasan kasama ang Propeta. Naimpluwensyahan rin ang kanyang patotoo ng mga patotoo nina Pangulong Brigham Young, John Taylor, Wilford Woodruff, Lorenzo Snow, at Joseph F. Smith—mga taong nakakikilala nang personal kay Joseph Smith. Sinabi ni Pangulong Grant, “Sa pamamagitan ng patotoo ni Inay at daan-daan pang iba na nakakikilala sa Propetang Joseph, at sa pamamagitan ng mga paghahayag ng Espiritu ng Panginoon sa akin, nalaman kong Propeta ng Diyos si Joseph Smith.”1

Sa buong paglilingkod ni Heber J. Grant bilang Apostol at bilang Pangulo ng Simbahan ay gustung-gusto niyang nagpapatotoo hinggil sa Propetang Joseph Smith at sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo. Sabi niya, “Walang sinumang nagkaroon ng higit na kaligayahan sa pagpapatotoo sa kaalaman niya na buhay ang Diyos at si Jesus ang Cristo, at si Joseph Smith ay Propeta ng Diyos maliban sa akin. Ikinagagalak ko ito.”2

Habang naglilingkod si Elder Grant sa Korum ng Labindalawang Apostol, ang kanyang patotoo hinggil sa Propetang si Joseph ay nakaimpluwensya sa pagpapabinyag ni Fred, na kapatid niya sa ama, “na naging pabaya, walang malasakit, at suwail, at di nagpakita ng interes sa ebanghelyo ni Jesucristo.”3 Isang araw nasa Salt Lake Tabernacle si Elder Grant, naghahanda para magsalita nang makita niyang pumasok sa gusali si Fred. Ikinuwento niya:3

“Nang … makita ko si Fred sa kauna-unahang pagkakataon sa Tabernacle, inisip ko na naroroon siya para humiling sa Diyos na bigyan siya ng liwanag at kaalaman sa kabanalan ng gawaing ito. Yumuko ako at nanalangin na kung hihilingan akong magsalita sa harap ng mga tao ay bigyan nawa ako ng inspirasyon ng Panginoon sa paghahayag ng Kanyang Espiritu upang makapagsalita ako sa paraang kikilalanin ng kapatid ko na nagawa ko ito nang lampas sa likas kong kakayahan, na ako’y binigyang-inspirasyon ng Diyos. Naisip ko na kung aaminin niya ito’y maaari kong sabihin sa kanya na ang Diyos ang siyang nagbigay sa kanya ng patotoo na banal ang gawaing ito.”

Nang siya na ang magsasalita, nagpunta na si Elder Grant sa pulpito at binuksan ang aklat na gagabay sa kanya sa pananalitang inihanda niya. At sinabi niya sa kongregasyon, “Hindi ko masabi sa inyo kung bakit, pero sa buong buhay ko ngayon ko lang ninais nang ganito katindi ang inspirasyon ng Panginoon.” “Hiniling [niya] sa mga tao ang kanilang pananampalataya at panalangin” at nagpatuloy sa kanyang tahimik na pagsamo para sa inspirasyon. Pagkatapos ng 30 minutong pagsasalita, bumalik siya sa kanyang upuan. At ganito ang ikinuwento niya:

“Nang maupo ako pagkatapos kong magsalita, naalala kong nasa pulpito pa ang aklat ko na naiwang nakabukas. Nasa likod ko si Pangulong George Q. Cannon [Unang Tagapayo ng Unang Panguluhan] …, at narinig ko sinabi niya sa kanyang sarili: ‘Salamat sa Diyos sa kapangyarihan ng patotoong iyon!’ Nang marinig ko ito, naalala kong nalimutan ko ang sermon na binalak kong ibigay at tila mga patak ng ulan na dumaloy ang mga luha sa aking mga mata. Itinukod ko ang aking mga siko sa aking mga tuhod at tinakpan ko ang aking mukha ng aking mga kamay para hindi makita ng mga tao na umiiyak akong gaya ng isang bata. Nalaman ko nang marinig ko ang mga salitang iyon mula kay George Q. Cannon na dininig ng Diyos ang panalangin ko. Alam kong naantig ang puso ng kapatid ko.

“[Inilaan] ko ang halos buong tatlumpung minuto sa pagpapatotoo na alam kong buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, at binanggit ko ang kagila-gilalas at kahanga-hangang gawain ni Propetang Joseph Smith, nagpapatotoo sa kaalamang ibinigay sa akin ng Diyos na si Joseph Smith ay tunay na propeta ng tunay at buhay na Diyos.

“Kinabukasan pumunta sa opisina ang kapatid ko at sinabi, “Heber, nasa pulong ako kahapon at narinig ko ang ipinangaral mo.’

“Sabi ko, ‘Unang pagkakataon mong marinig na mangaral ang kapatid mo, ano?’

“ ‘Aba hindi, ’ sabi niya, ‘Maraming ulit na kitang narinig. Karaniwan huli na akong dumarating at sa balkonahe na ako umuupo. At madalas lumalabas ako bago pa matapos ang pulong. Pero kahapon ka lang nagsalita nang gayon. Nagsalita ka nang higit pa sa likas na kakayahan mo. Binigyan ka ng inspirasyon ng Panginoon.’ Ito mismo ang mga salitang binanggit ko kahapon, sa panalangin ko sa Panginoon!

“Sinabi ko sa kanya, ‘Nananalangin ka pa rin ba para mabigyan ng patotoo sa ebanghelyo?’

“Sabi niya, ‘Oo, at tila nawawalan na ako ng pag-asa dahil hindi ako makapagpasiya.’

“Tanong ko’y, ‘Ano ba ang ipinangaral ko kahapon?’

“Sagot niya’y, ‘Alam mo kung ano ang ipinangaral mo.’

“Sabi ko, ‘Sabihin mo pa rin sa akin.’

“ ‘Nangaral ka tungkol sa banal na misyon ni Propetang Joseph Smith.’

“Sagot ko, ‘At nagawa ko ito nang higit pa sa likas kong kakayahan; kailanma’y di mo pa ako narinig na magsalita nang gayon. Hinihintay mo pa bang kumuha ng pamalo ang Panginoon at ipalo ito sa ulo mo? Ano pa bang patotoo ang hinihingi mo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo bukod sa isang taong nagsalita nang higit sa kanyang likas na kakayahan sa ilalim ng inspirasyon ng Diyos, nang magpatotoo siya sa banal na misyon ni Propetang Joseph Smith?’

“Nang sumunod na Sabbath hiniling niya sa akin na mabinyagan siya.”4

Mga Turo ni Heber J. Grant

Ipinanumbalik ng Diyos ang kaganapan ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Ang mensahe ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa daigdig ay buhay ang Diyos, na si Jesucristo ay Kanyang Anak, at nagpakita Sila sa batang si Joseph Smith, at pinangakuang gagamiting instrumento sa mga kamay ng Panginoon upang ipanumbalik ang ebanghelyo sa daigdig.5

Pagkatapos ipako sa krus [si Jesus] at nang mamatay ang pinili niyang mga apostol, na dumanas ng kamatayan sa mga kamay ng mga sumalungat sa katotohanang itinuro niya ay waring bigo ang kanyang naging misyon at ministeryo; ngunit sa paglipas ng panahon, mas naunawaan ang mga doktrina ng Kristiyanismo, ang mga taong nag-iisip ay bumaling sa kanya para sa liwanag at lakas kaya’t naging pangunahing impluwensiya ang Kristiyanismo sa sibilisasyon at pag-unlad ng mundo.

Sa paglipas ng panahon nagkaroon ng pagtatalo sa sinaunang simbahan. Nilabag ang mga batas na umiiral sa simbahang itinatag ng Manunubos, binago ang mga ordenansa, at di tinupad ang walang hanggang tipan [tingnan sa Isaias 24:5]. Sinimulang ituro ng mga tao bilang doktrina ang sarili nilang mga kautusan [tingnan sa Mateo 15:9]; isang uri ng pagsamba ang itinatag at tinawag itong Kristiyanismo, ngunit wala itong kapangyarihan ng Diyos na natagpuan sa sinaunang simbahan. Binalot ng espirituwal na kadiliman ang mundo at ng makapal na kadiliman ang isipan ng mga tao [tingnan sa Isaias 60:2].

Pagkatapos ay dumating ang isa pang mahalagang yugto sa kasaysayan ng mundo. Dumating na ang panahon na itinakda ng Panginoon at ibinadya ng kanyang mga propeta, kung kailan ang isa pang dispensasyon ng ebanghelyo ay pasisimulan, kung kailan ipanunumbalik ang ebanghelyo ng kaharian at ipangangaral ito sa buong mundo, bilang saksi sa lahat ng tao bago dumating ang katapusan ng mundo.

Muling nagalak ang kalangitan, muling ipinaalam ng mga personaheng mula sa langit ang kalooban ng Ama para sa kanyang mga anak na nasa mundo, at nagalak ang mga tao nang pasimulan ang Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon.

Si Joseph Smith ang kinatawan na pinili ng Panginoon na magpasimula sa dakilang gawain sa mga huling-araw. Nagpakita sa kanya ang Ama at ang Anak sa isang makalangit na pangitain, ipinagkaloob sa kanya ang mga susi ng walang katapusang priesthood, na may awtoridad na magkaloob nito sa iba, kaakibat ang pangakong hindi na muling kukunin sa mundo ang priesthood hanggang sa maganap ang lahat ng layunin ng Ama.6

Marami akong nakilalang tao sa iba’t ibang lugar na nag-aral tungkol sa ating pananampalataya. Sinasabi ng ilan sa kanila na: “Matatanggap ko na sana ang lahat ng itinuturo ninyo maliban kay Joseph Smith. Kung maaari sana’y huwag ninyo siyang isama sa pagtuturo!”

Kailanma’y hindi natin magagawa ito. Tulad nang di natin kayang alisin sa itinuturo natin si Jesucristo, ang Anak ng buhay na Diyos. Ito lang ang pagpipilian: talagang nakita ni Joseph Smith ang Diyos at talagang nakipag-usap sa Kanya, at ang Diyos talaga mismo ang nagpakilala kay Jesucristo sa batang si Joseph Smith at sinabi kay Joseph Smith ni Jesucristo na magiging kasangkapan siya sa mga kamay ng Diyos sa pagtatatag muli sa mundo ng tunay na ebanghelyo ni Jesucristo—o kung hindi ang Mormonismong tinatawag ay isang alamat lang. Ngunit hindi alamat ang Mormonismo! Ito ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan. Ito ang Simbahan ni Jesucristo ayon sa Kanyang utos, at hindi mababago ng lahat ng kawalang paniniwala rito sa mundo ang mga pangunahing katotohanan na nauugnay sa Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Bawat Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na nagpakita ang Diyos sa batang si Joseph Smith, at bawat Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na ipinakilala mismo ng Diyos kay Joseph Smith si Jesucristo bilang: “Ang Aking pinakamamahal na Anak: pakinggan Siya.” [Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.]7

Ang buong saligan ng Simbahang ito ay nakasalalay sa inspirasyon ng buhay na Diyos sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta.8

Pinasimulan ng Unang Pangitain ni Joseph Smith ang “isang kagila-gilalas at kahanga-hangang gawain.”

Ang pinakamaluwalhating bagay na nangyari sa kasaysayan ng daigdig mula nang mabuhay ang Tagapagligtas sa mundo ay ang minabuti ng Diyos na dalawin ang mundo kasama ang Kanyang pinakamamahal na bugtong na Anak, ang ating Manunubos at Tagapagligtas, at magpakita sa batang si Joseph.9

Nililiman ng kaluwalhatian ng Panginoon si Joseph Smith, at ang Diyos mismo, sa kaluwalhatian at karingalan ng kanyang pagkatao, kasama ang kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo, ay nagpakita sa kanya sa isang pangitain, at sa kanyang sariling tinig ay hinirang si Joseph Smith na maging kasangkapan sa pagpapasimula ng dispensasyon ng mga panahon.

Walang karangyaan, palabas o drama; simple, kapita-pitagang okasyon ito, puspos ng kaluwalhatian at di-mailarawan.

Ang tinig ng Panginoon na matagal nang naging tahimik ay muling narinig. At ang mensaheng mula sa langit na palaging inuulit ay muling ipinahayag, : “Ito ang aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan siya!” Muling inihayag ang pagkatao ng Ama at ng kanyang Bugtong na Anak nang malaman ng sangkatauhan kung sino talaga sila.10

Pinasimulan ng pangyayaring ito ang “isang kagila-gilalas at kamangha- manghang gawain, ” na ibinadya ni Propetang Isaias [tingnan sa Isaias 29:13–14], pinagtibay ni Daniel [tingnan sa Daniel 2:29–44], at muling ipinahayag ni Juan na Mamamahayag [tingnan sa Apocalipsis 14:6–7]. Ang personal na pagdalaw ng Ama at ng Anak at ang pagpili kay Joseph bilang lider ng Dispensasyon ng Kaganapan ng Panahon ang simula ng gawaing ito, dagdag pa rito ang pagdalaw ng mga anghel at iba pang banal na mga sugo, na nagbigay kay Joseph ng kapangyarihan ng Priesthood, ang awtoridad para kumilos sa pangalan ng Diyos— para ipakilala ang ebanghelyo ni Jesucristo sa sangkatauhan sa pamamagitan ng awtoridad ng Diyos, at sa utos ng langit na buuin at itatag ang tunay na Simbahan ni Cristo sa mga huling araw.11

Sa kababaang-loob at ganap na pagkaunawa sa responsibilidad na lakip nito, nagpapatotoo kami sa mga tao sa mundo na kaakibat ng pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Propetang Joseph Smith, noong tagsibol ng 1820, ang pinakadakilang dispensasyon ng ebanghelyo ay pinasimulan. Ito’y dispensasyon ng liwanag na nagmumula sa kinaroroonan ng Diyos, na nagpapaliwanag sa isipan ng mga tao, na nagdaragdag ng katalinuhan at kaalaman, na siyang kaluwalhatian ng Diyos.12

Ipinanumbalik ang mga susi ng priesthood sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

“Naniniwala kami na ang tao ay kinakailangang tawagin ng Diyos, sa pamamagitan ng propesiya, at ng pagpapatong ng mga kamay ng mga yaong may karapatan, upang ipangaral ang ebanghelyo at mangasiwa sa mga ordenansa niyon.” [Saligan ng Pananampalataya 1:5.]

At ipinahahayag natin sa buong mundo … na nasa atin ang awtoridad na ito. Ipinahahayag natin ang taong nagbinyag sa Tagapagligtas ng daigdig, na kilala bilang Juan Baustista, ang pumarito sa lupa, nagpatong ng mga kamay sa ulo nina Joseph Smith at Oliver Cowdery, at ibinigay sa kanila ang Aaronic, o ang mas mababang Priesthood, na may awtoridad na magbinyag. Pagkatapos ibigay sa kanila ang ordenasyong ito, sinabi niya sa kanila na binyagan nila ang isa’t isa, at ipinangako niya na sina Pedro, Santiago, at Juan, ang mga apostol ng Panginoong Jesucristo na namuno sa Simbahan pagkatapos ng pagpapako sa krus, ay dadalaw sa kanila pagkatapos niyon para igawad sa kanila ang pagka-apostol, ang Melchizedek, o mas mataas na Priesthood.

Ipinahahayag natin sa buong mundo na talagang pumarito sila at tinanggap natin ang awtoridad na iyon at hindi ito mababago ng anumang kawalan ng paniniwala sa buong mundo tungkol sa dalawang pagdalaw na iyon, —ng dalawang ordenasyon na iyon. Nangyari ang mga bagay na ito, hindi ito mababago ng kawalan ng paniniwala. At ipinahahayag natin na tunay na nangyari ito.13

Ang mga bunga ng Pagpapanumbalik ay nagpapatotoo sa misyon ni Joseph Smith.

Ang pinakamalaking ebidensya ng kabanalan ng unang pangitain, at gayon rin ang sumunod na mga pagdalaw ng mga anghel at iba pang mga sugo kay Joseph Smith pagkatapos ng unang pangitain ay ang mga ibinunga ng mga mensaheng ibinigay at ng awtoridad na iginawad. Ipinanumbalik ang ebanghelyo sa mundo sa kadalisayan nito. Ang kahanga-hangang talaan ng mga sinaunang tao ng kontinenteng ito, ang Aklat ni Mormon, ay inilabas sa pinagtataguan nito sa Burol Cumorah. Nilalaman nito ang kaganapan ng ebanghelyo na itinuro ng Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, sa kontinente ng Amerika. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay itinatag noong ika-6 ng Abril 1830, sa bayan ng Fayette, Seneca County, New York, at ito’y umunlad …, sa kabila ng pang-aapi at balakid na palagi nitong kinakaharap.14

Kung hindi na natin iisipin ang kahanga-hangang bagay na ginawa ni Propetang Joseph, minsan naiisip ko kung ilang taong may pag-iisip na nagsiyasat sa buhay ng taong ito at nalaman ang pagkakulong niya, pagtataboy sa kanya, pang-aapi, at pagbuhos sa kanya ng alkitran at balahibo ng manok, at paggawad sa kanya ng kamatayan, at pagkatapos ay mababasa ang mga kahanga-hangang bagay na nasa Doktrina at mga Tipan, ang tiyak na makakikilala sa inspirasyon ng Panginoon sa kanyang mga nagawa.

Hindi ko maunawaan kung bakit hindi maunawaan ng sinumang matalinong tao na kung walang tulong ng Panginoon ay hindi mabubuo ang Aklat ni Mormon, na nasa atin mahigit isang daang taon na ngayon at hindi napabulaanan sa loob ng maraming taong ito, sa kabila ng pangungutya laban dito, sa anumang kadahilanan. Ngayon ang aklat na ito, na isinalin ni Joseph Smith bilang kasangkapan ng Panginoon, ay nananatiling dakila. Ito ang pinakamagaling na misyonero natin sa pangangaral ng ebanghelyo; wala nang tutumbas dito.15

Ang Simbahan ay … isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain. Wala itong katumbas sa mundo, dahil si Jesucristo, ang Anak ng Diyos ang nagtatag dito, at Siya ang pinuno nito; dahil nagpakita si Jesucristo sa Propeta at kay Oliver Cowdery, at sa iba pa, at dahil ibinigay ng Diyos, bilang sagot sa panalangin, sa lahat ng tao sa mundo na narating ng Ebanghelyo, ang indibiduwal na kaalaman at patotoo tungkol sa kabanalan ng gawaing ginagawa natin.16

Ang bundok ng tahanan ng Panginoon ay itinatag sa tuktok ng mga bundok, at ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay magsisiparoon [tingnan sa Isaias 2:2]. Sa pamamagitan ng mga pagpapala ng Panginoon sa kanilang mga gawain ang tuyong lupa ay sasaya at mamumulaklak nang sagana ang rosas. Ang ilang ay magagalak dahil sa kanila. [Tingnan sa Isaias 35:1.] Itinatag ang mga lungsod, bumukal ang mga tubig na nagbigay-buhay sa tigang na mga lupa, at maririnig ang tinig ng mga bata sa daan kung saan namayani ang kalungkutan at katahimikan sa loob ng matagal na panahon.

Itinayo ang mga templo upang matubos ang hindi mabilang na mga buhay at patay. …

Sa pagbabalik-tanaw sa pagtatatag ng Simbahan, na nangyari sa pinakaaba, at para sa mundo, ay di tanyag na kalagayan, at kung susundan ang kasaysayan nito sa gitna ng mga pang-aapi, kahirapan, at pagkaligalig, maitatatwa ba na may kagila-gilalas at kahanga-hangang gawaing naganap, na natupad ang mga pangako ng Panginoon, at nakita ang kanyang kapangyarihan sa pagsagawa ng mga bagay na itinakda niyang gawin?

Kaluwalhatian at karangalan ang iukol sa ating Diyos Ama, sa pamamagitan ni Jesucristo na kanyang Anak magpakailanman, dahil siya ang may-akda ng lahat ng ito.17

Ang ebanghelyo ni Jesucristo na niyakap ko at niyakap ninyo ang siyang tunay na plano ng buhay at kaligtasan na muling ipinahayag sa mundo. Ito ang mismong ebanghelyong ipinangaral ng ating Panginoon at Gurong si Jesucristo. …

Alam kong buhay ang Diyos. Alam kong si Jesus ang Cristo. Alam kong si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. Iniunat ko ang aking mga kamay. Pinitas ko ang mga bunga ng ebanghelyo. Kinain ko ang mga ito at matatamis ito, oo, walang kasing tamis. Alam kong pinili ng Diyos ang Kanyang propetang si Joseph Smith at binigyan siya ng utos at awtoridad na itatag ang gawaing ito at ang kapangyarihan at impluwensiya ni Joseph Smith ay nadarama ngayon tulad ng ipinangako ni anghel [Moroni]. Kilala ang pangalan niya sa kabutihan at kasamaan sa lahat ng bansa [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:33], sa kasamaan para lamang sa mga naninira sa kanya. Sa mga taong nakakikilala sa kanya at sa kanyang mga turo, alam nilang walang bahid-dungis ang kanyang buhay at ang kanyang mga turo ay batas mismo ng Diyos. …

Muli kong sinasabi: Ito rin ang ebanghelyong ipinangaral ng ating Panginoon at Guro na si Jesucristo, na kung saan ay inalay Niya ang Kanyang buhay bilang patotoo, at ang buhay ng ating Propeta at Patriyarka [Joseph at Hyrum Smith] ay inalay bilang saksi sa kabanalan ng gawain na ginagawa natin. Ang tinatawag na Mormonismo ang siyang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo. Ang Diyos ay nagbigay sa akin ng patotoo hinggil sa mga bagay na ito.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit mahalagang bahagi ng patotoo sa ebanghelyo ang patotoo kay Propetang Joseph Smith?

  • Paano tayo magkakaroon ng personal na patotoo sa kabanalan ng misyon ni Joseph Smith? Ano ang nagpalakas sa patotoo ninyo tungkol kay Joseph Smith?

  • Anong kaibahan ang magagawa sa pang-araw-araw nating buhay ng pagkakaroon ng patotoo kay Propetang Joseph Smith?

  • Anu-ano ang ilang katotohanan na nalaman ninyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo habang pinag-iisipan ninyong mabuti ang tungkol sa unang pangitain? (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–20.) Paano kayo nito natulungan na malaman na “minabuti ng Diyos na dalawin ang mundo kasama ang Kanyang pinakamamahal, bugtong na Anak”?

  • Sa anu-anong paraan ang mga huling araw ay “dispensasyon ng liwanag”? Anu-ano ang mga ebidensya ng liwanag na nakikita ninyo sa mundo ngayon?

  • Bakit mahalagang maipanumbalik ang priesthood? Anu-anong mga pagpapala ang natatamasa natin ngayon dahil sa pagpapanumbalik ng ebanghelyo?

  • Paano nakapagbibigay ng pag-asa ang mensahe ng Pagpapanumbalik habang nabubuhay tayo sa magulong mundong ito?

Mga Tala

  1. Gospel Standards, tinipon G. Homer Durham (1941), 20.

  2. “God’s Power Manifested, ” Deseret News, ika-24 ng Ago. 1935, bahaging Simbahan, 8.

  3. Gospel Standards, 366.

  4. Gospel Standards, 368–70; binago ang ayos ng mga talata.

  5. Gospel Standards, 146.

  6. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, na tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 5:246–47.

  7. Gospel Standards, 3.

  8. Gospel Standards, 83.

  9. Gospel Standards, 16.

  10. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1930, 8; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  11. Gospel Standards, 16.

  12. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1930, 4; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  13. Gospel Standards, 8.

  14. Gospel Standards, 17–18.

  15. Gospel Standards, 15.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1924, 7.

  17. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1930, 11–12; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  18. Sa Conference Report, Abr. 1943, 7–8.

Joseph Smith’s first vision

“Sa pagpapakita ng Ama at ng Anak kay Propetang Joseph Smith, noong tagsibol ng 1820, ang pinakadakilang dispensasyon ng ebanghelyo ay pinasimulan.”