Pambungad
Binuo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para matulungan ang mga miyembro ng Simbahan na mapalalim ang kanilang pagkakaunawa sa doktrina ng ebanghelyo at mapalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng mga turo ng mga propeta sa dispensasyong ito. Itinatampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Heber J. Grant na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Nobyembre 1918 hanggang Mayo 1945.
Pagpapalain ang mga Banal sa mga Huling Araw habang ipinamumuhay nila ang mga turo ni Pangulong Grant. Binigyang-diin niya na: “Walang anumang dami ng kaalaman, ng inspirasyon at patotoo tungkol sa kabanalan ng gawain ng Diyos ang magiging kapaki-pakinabang sa atin hangga’t hindi natin ipinamumuhay sa araw-araw ang kaalamang iyon. Hindi ang dami ng kaalaman ng isang tao ang magiging kapaki-pakinabang para sa kanya at sa kanyang kapwa; kundi ang praktikal na pamumuhay sa kaalamang iyon.”1
Paano Gamitin ang Aklat na Ito
Bawat kabanata sa aklat na ito ay may apat na bahagi: (1) isang panimulang sipi na nagbibigay ng maikling paglalarawan sa paksa ng kabanata; (2) ang “Mula sa Buhay ni Heber J. Grant, ” na naglalarawan sa mensahe sa pamamagitan ng paglalahad ng isa o mas marami pang pangyayari mula sa buhay ni Pangulong Grant; (3) “Mga Turo ni Heber J. Grant, ” na naglalahad ng mga doktrina mula sa mga sermon at panulat ni Pangulong Grant at mula sa mga mensahe na ibinigay ng Unang Panguluhan noong siya ang Pangulo ng Simbahan; at (4) “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan, ” na naglalaman ng mga tanong upang makahikayat ng personal na pagbabalik-aral at pagsusuri, pamumuhay sa mga alituntunin ng ebanghelyo, at talakayan sa tahanan at simbahan. Ang pagbabasa sa mga tanong bago pag-aralan ang mga salita ni Pangulong Grant ay maaaring makapagbigay ng karagdagang mga ideya sa kanyang mga turo.
Gamitin ang aklat na ito sa sumusunod na mga kalagayan:
Para sa personal at pampamilyang pag-aaral. Sa pamamagitan ng mapanalangin at mapag-isip na pag-aaral, ang bawat miyembro ay makatatanggap ng sariling patotoo sa mga katotohanang itinuro ni Pangulong Grant. Ang aklat na ito ay makadaragdag sa aklatan ng ebanghelyo ng bawat miyembro at magsisilbing mahalagang mapagkukunan sa pagtuturo sa pamilya at pag-aaral sa tahanan.
Para sa talakayan sa mga pulong sa araw ng Linggo. Ang aklat na ito ang teksto para sa pulong ng grupo ng mga high priest, korum ng mga elder, at ng Relief Society sa araw ng Linggo na karaniwan ay sa ikalawa at ikatlong Linggo ng bawat buwan. Ang mga pulong na ito sa araw ng Linggo ay dapat maging talakayan na nakatuon sa mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo. Dapat pagtuunan ng pansin ng mga guro ang nilalaman ng aklat at tulungan ang mga miyembro na ipamuhay ang mga turong ito. Maaari silang sumangguni sa mga tanong sa katapusan ng bawat kabanata upang makahikayat ng talakayan sa klase. Kung angkop, ang mga miyembro ay maaaring magbigay ng patotoo o magbahagi ng sariling mga halimbawa na may kaugnayan sa mga aralin. Kapag mapagpakumbabang hinangad ng mga guro ang Espiritu sa paghahanda at paglalahad ng mga aralin, ang lahat ng kalahok ay mapapalakas sa kanilang kaalaman sa mga katotohanan.
Dapat himukin ng mga pinuno at guro ang mga miyembro na basahin ang mga kabanata bilang paghahanda sa mga pulong sa araw ng Linggo at dalhin ang mga aklat nila sa simbahan. Dapat nilang pahalagahan ang ganitong paghahanda sa pamamagitan ng pagtuturo mula sa mga salita ni Pangulong Grant. Kapag nabasa ng mga miyembro ang kabanata bago magklase, magiging handa silang magturo at mapalalakas ang bawat isa.
Hindi kinakailangan o iminumungkahi na bumili ang mga miyembro ng karagdagang mga teksto ng komentaryo o sanggunian para suportahan ang mga materyal sa aklat na ito. Hinihikayat ang mga miyembro na basahin ang mga banal na kasulatan para sa karagdagang pag-aaral ng doktrina.
Dahil ang aklat na ito ay para sa pansariling pag-aaral at sanggunian sa ebanghelyo, maraming kabanata ang naglalaman ng maraming materyal na higit kaysa sa kayang ilahad ng buo sa mga pulong sa araw ng Linggo. Samakatwid, kailangan ng mga indibidwal ang pag-aaral sa tahanan para lalong makinabang mula sa mga turo ni Pangulong Grant.
Mga Pinagkunan ng mga Sipi sa Aklat na Ito
Ang mga turo ni Pangulong Grant sa aklat na ito ay direktang sinipi mula sa iba’t ibang mapagkukunan. Isinama sa mga sipi ang mga bantas, pagbabaybay, at malalaking titik sa orihinal na mga pinagkunan, maliban kung kinakailangan ang mga editoryal o tipograpikal na pagbabago para mapaganda ang pagbabasa sa mga ito. Dahil dito, ang mga mambabasa ay maaaring makapansin ng bahagyang pag-iiba-iba sa teksto.