Kabanata 7
Personal, at Tumatagal na Patotoo
Habang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, nadaragdagan ang ating kaalaman sa katotohanan at ang ating kakayahan na maglingkod sa Panginoon.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Ang patotoo ni Heber J. Grant hinggil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ay nagsimulang lumago noong siya’y bata pa. Sa dakong huli ng kanyang buhay, madalas niyang ipahiwatig ang pasasalamat sa mga guro at pinuno na nagpalakas sa kanyang lumalagong patotoo. Higit ang pasasalamat niya sa kanyang ina. “Naririto ako ngayon bilang pangulo ng Simbahan, ” sabi niya minsan, “dahil sinunod ko ang payo at nag-aalab na patotoo sa kabanalan ng gawain ng Diyos, na natanggap ko mula sa aking ina.”1
Sa kanyang paglaki ay nadagdagan ang kanyang patotoo. Ikinuwento niya ang patunay na natanggap niya habang pinagaaralan ang Aklat ni Mormon: “Noong ako’y labinlimang taon lamang, binasa kong mabuti at nang may panalangin, ang Aklat ni Mormon, at nadama ko sa aking puso ang tumatagal at matibay na patotoo tungkol sa banal na katotohanan nito. Magmula noon hanggang ngayon ang kahanga-hangang mga turo ay naging aliw, pagpapala, at gabay sa akin.”2
Habambuhay na patuloy na inalagaan ni Pangulong Grant ang kanyang patotoo, na taimtim na nagdarasal na nawa manatili siyang tapat sa pananampalataya.3 Noong siya’y 80 taong gulang sinabi niyang: “Hindi ko mahagilap ang angkop na mga salita na magpapamalas sa pasasalamat na pumupuspos sa aking puso dahil sa tumatagal na patotoo, sa kaibuturan ng aking kaluluwa, tungkol sa kabanalan ng gawaing ito. Sa paglipas ng mga taon, natuklasan ko ang mga katibayan, na napakarami, napakalakas, napakabisa, hinggil sa kabanalan ng gawaing ito, kung kaya hindi ko masabi kung gaano ang pasasalamat ko; at wala akong nakitang nagpahina sa aking pananampalataya.”4
Mga Turo ni Heber J. Grant
Ang patotoo’y dumarating bilang personal na paghahayag mula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ibinigay ng Diyos sa mga lalaki at babae ng buong mundo, na naghanap sa liwanag ng Kanyang Espiritu, bilang sagot sa abang mga panalangin, ang patotoo at kaalaman na ang Ebanghelyong ito’y gaya ng inaangkin nito—na ito ang katotohanan, na mananatili magpakailanman, at ang mga sumusunod dito ay dadakilain nang walang hanggan sa kinaroroonan ng ating Ama sa langit, at ng Kanyang Anak, na ating Manunubos.5
Daan-daan, oo, libu-libo na ang naantig ang puso, at sa inspirasyong dulot ng Espiritu, at ng mga paghahayag na ibinigay sa kanila ng Diyos, ay nakatanggap sila ng kaalaman na banal ang gawaing kinabibilangan natin. Natanggap nila ang patotoo ng Banal na Espiritu, at nasiyahan ang kanilang mga kaluluwa, ang kanilang mismong pagkatao. Dahil dito’y napaluha sila sa kagalakan na alam nilang ang Diyos ay buhay, na alam nilang si Jesus ang Cristo, na alam nilang si Joseph Smith ay Propeta ng tunay at buhay na Diyos. Walang tao sa balat ng lupa na makapagsasabing alam niyang hindi totoo ang sinasabi nila. Maaaring hindi niya paniwalaan ang kanilang patotoo, ngunit hindi niya maaagaw sa kanila ang kaalamang taglay nila. Maaari kong sabihing mahal ko ang aking pamilya, at maaaring sabihin ng iba na, “Hindi ako naniniwala, ” ngunit hindi nito binabago ang kaalaman na taglay ko na talagang mahal ko sila. Kapag natanggap ng tao ang patotoo ng Banal na Espiritu, kapag natanggap ng tao ang kaalaman na ang ebanghelyo ay totoo, at alam niya ito, at ipinangangaral niya ito, maaaring hindi siya paniwalaan ng buong mundo ngunit hindi nito mababago ang kaalamang taglay niya.6
Salamat sa Diyos at ang lahat ng mga Banal ay maaaring tumanggap ng bulong ng Kanyang banal na espiritu. Salamat sa Diyos na wala ni isa man sa atin na nakadepende sa iba para sa patotoo ng ebanghelyo. Nagpapasalamat ako sa Kanya na ang bawat tao ay maaaring magkaroon ng sariling patotoo.7
Ang personal na kaalamang iyon, ang marahan at banayad na tinig ng paghahayag na dumarating sa bawat matapat at madasaling kaluluwa, bilang sagot sa panalangin, ang nagbibigay ng kapangyarihan sa Simbahang ito. Kung wala ang patotoong ito ng bawat tao, na dumarating sa mga lalaki at babae sa buong mundo kapag narinig nila ang ebanghelyong ito at buong kababaang dumadalangin sa Diyos para sa kanyang espiritu, hindi tayo magiging ganito sa ngayon—nagkakaisang mga tao, iisa ang puso at kaluluwa, kaisa ng Diyos at kaisa ng ating Tagapagligtas.8
Gusto kong sabihin ngayon din na ito ang kapangyarihan ng Diyos, na ito ang Espiritu ng Diyos na kumukumbinsi sa mga tao; na hindi ang kagalingan sa pagsasalita, hindi ang pinag-aralan, hindi ang maiinam na salita, o ang kagila-gilalas na paraan ng pagkakabigkas sa mga ito, ang nagkakaroon ng pitak sa puso ng mga anak ng tao upang kumbinsihin sila tungkol sa Katotohanan.9
Marami na akong nakilalang mga tao na nag-aalinlangan sa aking patotoo. Sabi nila, “G. Grant, hindi mo maaaring malaman ang mga bagay na ito.” Ngunit handa akong magpatotoo na talagang alam ko ang mga ito, at alam ko ito gaya ng pagkaalam ko sa liwanag at kadiliman, sa init at lamig. Alam kong nakatanggap ako ng mga sagot sa aking panalangin matapos akong magdasal sa Panginoon. Dahil dito, alam ko ang mga bagay, at alam ko ang mga ito gaya ng alam kong mahal ko ang aking pamilya at aking mga kaibigan. Ang kaalamang ito’y dumating sa akin sa paraan na handa akong magpatotoo sa buong mundo, at alam kong kakailanganin kong panagutan ang patotoong ibinibigay ko. Hindi ako magiging tapat sa aking sarili kung hindi ko gagawin, sa sandaling kailangan, na magbigay ng patotoo sa mga bagay na alam ko.10
Tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat magpasalamat nang malaki sa maraming pagpapamalas ng kabutihan at pagkahabag ng ating Diyos. Sikapin natin, sa abot ng ating makakaya, na magkaroon ng sapat na talino, liwanag at kaalaman mula sa ating Ama sa langit na magpapanatili sa atin sa landas ng tungkulin. Nadarama ng marami sa atin na matatag tayo sa kaalaman ng Ebanghelyo, at hindi tayo dapat matakot na baka ilayo tayo sa katotohanan ng mga pagsubok sa buhay. Dagdag pa rito, dapat nating lubos na maunawaan na walang oras o sandali sa ating buhay na makatatayo tayong mag-isa at mapananatili ang patotoo sa Ebanghelyo nang walang liwanag at inspirasyon ng Espiritu ng Diyos.11
Natatanggap at pinalalakas natin ang ating patotoo sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral, at pagsunod sa Panginoon.
Ang pinakadakilang patotoo na matatanggap natin ay ang tinig ng paghahayag—ang inspirasyon ng Banal na Espiritu. Walang makatatanggap nito kung hindi susunod sa mga utos.12
Hindi ninyo maililipat sa iba ang bagay na kayo mismo ang kumuha. Hindi ko maibibigay sa isang tao ang patotoo sa ebanghelyong ito gaya ng hindi maaaring ako ang kumain para sa kanya. Masasabi ko sa kanya kung paano makukuha ito. Masasabi ko sa kanya ang mga pagpapalang bigay sa akin ng Diyos. Ngunit ang bawat tao ay kailangang ipamuhay ang ebanghelyo kung gusto niyang magkaroon ng sariling patotoo hinggil sa kabanalan ng gawaing ito.
Ito’y nasubok na sa buong mundo ng mga lalaki at babae na kinamuhian at inabuso at inusig ng sarili nilang dugo at laman, dahil sa sumapi sila sa Simbahang ito; ngunit bilang tugon sa abang panalangin, at sa pagsunod sa mga ipinagagawa sa kanila ng Diyos, natanggap nila ang liwanag at kaalaman at patotoo hinggil sa kabanalan ng gawaing ito.13
Mga kapatid, kung pag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan, ang plano ng buhay at kaligtasan, habang sinusunod ang mga utos ng Panginoon, lahat ng mga pangakong ginawa ay matutupad sa ating mga ulo. At tayo’y uunlad at madaragdagan sa liwanag, kaalaman at katalinuhan.14
Nangangako ako sa inyo, bilang tagapaglingkod ng Diyos na buhay, na ang bawat lalaki at babae na sumusunod sa mga utos ng Diyos ay uunlad, na ang bawat pangakong ginawa ng Diyos ay matutupad na lahat sa kanilang mga ulo, at sila’y susulong at madaragdagan sa karunungan, liwanag, kaalaman, katalinuhan, at, higit sa lahat, sa patotoo hinggil sa Panginoong Jesucristo.15
Lalong tumitibay ang ating mga patotoo kapag ibinabahagi natin ang mga ito.
Hindi maipapahayag ng sinumang tao ang ebanghelyo sa ilalim ng inspirasyon at kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos na buhay … kung hindi niya nadarama, nalalaman at nauunawaan na siya’y pinagpala ng Panginoong Makapangyarihan, at kaya niyang magpatotoo sa kapangyarihan ng Diyos na napapasaatin kapag ipinangangaral natin ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo.16
Maraming ulit kong narinig kay Pangulong [Brigham] Young at sa iba pang mga tao na madalas makatanggap ng patotoo ang mga kabataan sa kaluluwa nila mismo, na banal ang gawaing ito, habang nakatayo sila [para magbigay ng patotoo] kaysa kapag nakaluhod sila at nananalangin para sa patotoong iyon. Sa inspirasyong dulot ng Espiritu ng Panginoon ay dumating sa kanila ang saganang pagbuhos ng Espiritung iyon at dahil dito nag-uumapaw sa kaluluwa nila ang liwanag at kaalaman na mula sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Ang patotoo’y dumating sa kanilang puso kung kaya nagawa nilang magpatotoo na nakatitiyak sila na kasama sila sa plano sa buhay at kaligtasan; na natitiyak nila na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay propeta ng tunay at buhay na Diyos.17
Habang namumuno sa misyon sa Europa, maraming beses akong nagkaroon ng pagkakataon na magbigay ng mga tagubilin sa mga binata na nagpunta roon upang ipangaral ang ebanghelyo— mga binatang hindi nakapag-aral, walang karanasan, at marami sa kanila ang tumayo sa kauna-unahang pagkakataon sa kanilang buhay at nagbigay ng kanilang patotoo sa tanggapan ng misyon sa Liverpool. Sinabi ko sa kanilang pag-aralan ang ebanghelyo at manalangin para sa inspirasyon ng Espiritu ng Panginoon; at nangako ako sa kanila na kung bubuksan lamang nila ang kanilang mga bibig at magpapatotoo na si Jesucristo ang Manunubos ng daigdig, at si Joseph Smith ay kanyang propeta, ipaiisip sa kanila ng Diyos ang dapat nilang sabihin kahit na sa simula ay tila wala silang masabi. Hindi kakaunti kundi maraming elder ang nagpatotoo sa akin na ang pangakong ito ay natupad, at tunay na binibiyayaan sila ng Diyos tuwing magpapatotoo sila na banal ang misyon ni Joseph Smith, na ibinalik ang Simbahan ni Cristo sa mundo, ayon sa utos ng Diyos.18
Sa buong buhay ko daan-daan at libu-lubo na ang narinig kong mga patotoo ng mga binata at dalaga na humayo para ipahayag ang Ebanghelyong ito, na pauwi na mula sa misyon at nagbibigay patotoo na nadagdagan ang kaalaman nila tungkol sa kabanalan ng gawaing ito, na lumakas ang kanilang patotoo.19
Hindi totoong walang pagbabago sa simbahan ng Diyos; hindi tayo maaaring umasa sa patotoong matagal nang natanggap. Narinig namin … ang patotoo ng isang lalaking pitumpu’t siyam na taong gulang, na kung titigil siya sa pagbibigay ng patotoo ukol sa mga bagay na natanggap niya ay lalayo sa kanya ang espiritu ng Diyos, dahil walang edad na binanggit para tumigil sa gawain at ebanghelyo ng Diyos.20
Ang patotoo ay nagbibigay sa atin ng kakayahan at lakas ng loob na maisagawa ang gawain ng Panginoon.
Ang masunurin sa mga utos ng Panginoon, ang namumuhay nang naaayon sa mga hinihiling ng ebanghelyo, ay umuunlad araw-araw at taun-taon sa patotoo at kaalaman hinggil sa ebanghelyo, at sa determinasyon upang mahimok ang iba na suriin ang plano ng buhay at kaligtasan.21
Naipakita natin bilang mga tao na ang pahayag ng Tagapagligtas ay totoo, gaya ng, kung susundin ng sinuman ang kalooban ng Ama ay malalaman niya ang doktrina [tingnan sa Juan 7:17], at na [mayroon] tayong perpekto at ganap na kaalaman; at iyan ang dahilan kung bakit handa [tayong] magsakripisyo para sa katotohanan.22
Lubos ang pasasalamat ko na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ay mayroong tumatagal na personal at kani-kanyang patotoo hinggil sa kadakilaan ng gawain na ating kinabibilangan. Kung di dahil sa patotoong ito hindi iisipin ng mga lalaki, o kahit ng mga babae, na gawin ang kahanga-hangang mga sakripisyong ginagawa nila sa tahanan at sa ibang bansa, para sa ikasusulong ng gawain ng Panginoon. …
… Nagpapasalamat ako kapag naiisip ko ang mga lalaking namuno sa Simbahang ito at ang mga namumunong opisyal ng Simbahan, na nag-uukol ng panahon nila at mga talento, nagsasakripisyo (sakripisyong may kinalaman sa mga bagay ng daigdig na ito), at may perpekto at tumatagal na kaalaman na ang Diyos ay buhay, na dinirinig at sinasagot Niya ang ating mga panalangin; batid nilang walang dudang nagpakita ang Diyos kay Joseph Smith at ipinakilala ang Kanyang Anak; na may perpektong kaalaman na ang Aaronic at Melchizedek Priesthood ay ibinalik sa lupa ng mga lalaking mayhawak sa mga susi sa Kalagitnaan ng Panahon. …
Tanging ang perpekto at ganap na kaalaman na nasa atin bilang mga tao ang makatutulong sa atin upang magawa ang mga bagay na nagagawa natin ngayon.23
Kung kilala ko ang sarili kong puso, naniniwala akong nakatuon ito sa ikasusulong ng Simbahan at kaharian ng Diyos. Alam kong walang ibang bagay sa mundo na ikinagagalak ko maliban sa katotohanan na nakakahalubilo ko ang mga lingkod na lalaki at babae ng Diyos sa Simbahan ni Jesucristo; at hindi ako naniniwala na may araw na lilipas na hindi ko pasasalamatan ang Diyos para sa panunumbalik ng plano ng buhay at kaligtasan, at naging kabahagi ako nito. Taimtim akong dumadalangin sa Kanya na hindi kailanman madimlan ang aking isipan, kundi, sa pagtanda ko at pagkadagdag ng pang-unawa, ay lumago sa patotoo sa ebanghelyo at sa hangaring—hindi lamang hangad kundi talagang gagawin ko—magsikap para sa ikasusulong ng kaharian ng Diyos sa mundo.24
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit totoo na hindi makatatanggap ng patotoo ang isang tao “kung hindi ipinamumuhay ito”?
-
Bakit kailangang palaging palakasin ang patotoo? Paano tayo mananatiling di natitinag at di napapagod sa ating pagsisikap na madagdagan ang patotoo?
-
Paano tayo natutulungan ng ating mga patotoo sa oras ng pagsubok o pag-uusig? Paano tayo natutulungan ng ating patotoo sa oras ng kaginhawahan o kaunlaran?
-
Bakit lumalakas ang ating patotoo kapag ibinabahagi natin ito? kapag nakikinig tayo sa patotoo ng iba?
-
Maliban sa mga pulong ng pagpapatotoo, kailan natin maibabahagi ang ating patotoo?
-
Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng sariling patotoo sa ebanghelyo?