Kabanata 14
“Mga Banal, Halina”
Ang himnong “Mga Banal, Halina” ay pumupukaw ng pasasalamat sa naunang mga tagabunsod na Banal sa mga Huling Araw at nagbibigay ng dagdag na pananampalataya at lakas-ng-loob.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Paborito ni Pangulong Heber J. Grant ang himnong “Mga Banal, Halina, ” isang awit ng pag-asa na nagpasigla sa naunang mga tagabunsod na Banal sa mga Huling Araw na naglakbay sa Salt Lake Valley (tingnan sa Mga Himno, blg. 23). Nadama niyang mahalagang maunawaan ng mga miyembro ng Simbahan ang himno—lalo na ang ikaapat na talata, sa mensahe ng pag-asa nito hinggil sa mga “[n]asawi…sa…pag[la]lakbay” at sa mga taong ang buhay ay “malaya na sa hirap at dusa.”
Ipinagunita ng himno kay Pangulong Grant ang pamana ng mga ninuno niyang tagabunsod (pioneer). Sabi niya: “Hindi ko pa narinig at hindi ko inaasahang marinig kailanman, hanggang sa aking kamatayan, ang paborito kong himnong, ‘Mga Banal, halina’t gumawa, maglakbay sa tuwa, ’ [nang hindi iniisip] ang kamatayan at libing ng aking musmos na kapatid na babae at ang mga lobong humukay sa kanyang bangkay sa kapatagan. Iniisip ko ang kamatayan ng unang asawa ng aking ama at ang paghahatid ng kanyang bangkay rito para ilibing.”1 Ang kuwentong ito tungkol kay Jedediah Grant, ng kabiyak niyang si Caroline, at ng anak nilang si Margaret ay halimbawa ng paulit-ulit na mensahe ng himnong: “Kay inam ng buhay!”
Noong 1847 pinamunuan ni Jedediah Grant ang grupo ng mga tagabunsod na Banal sa mga Huling Araw mula sa Winter Quarters, Nebraska, patungong Salt Lake Valley. Hindi nagtagal bago narating ng grupo ang lambak, nagkasakit at namatay sa kolera ang anim na taong gulang na anak niyang si Margaret. Inilibing ang kanyang labi malapit sa landas na tinambakan lang ng bagong hukay na putik. Di naglaon pagkaraan niyon, ang unang asawa ni Jedediah na si Caroline, ay namatay sa kolera at matinding lagnat. Ibinulong niya ang huli niyang mga salita sa kanyang asawa: “Kay inam ng buhay! Kay inam ng buhay! Dalhin mo ako sa lambak—Jeddy. Kunin mo si Margaret—dalhin mo siya—sa akin!” Tumugon ang kanyang asawa: “Oo, oo, Caroline. Gagawin ko ang makakaya ko. Gagawin ko ang makakaya ko.”
Narating ng grupo ang lambak makaraan ang tatlong araw. Idinaos ang libing noong gabing iyon para kay Caroline Grant. Matapos makapahinga nang ilang araw, nagbalik si Jedediah para kunin ang labi ni Margaret. Sinamahan siya ng kaibigan niyang si Bates Noble at ng ampon ni Brother Noble na si Susan. Isang gabi, habang nakahimpil sila, nagpahayag si Jedediah ng tiwala sa kalooban ng Diyos:
“Bates, nilinaw ng Diyos. Ang galak sa Paraiso kung saan magkasama ang aking asawa at anak, ay lumukob sa akin ngayong gabi. Sa isang matalinong layunin ay napalaya sila mula sa kinasadlakan nating pakikibaka sa daigdig. Talagang mas maligaya sila kaysa sa atin dito. Ang pinaghihimpilan nating ito ang pinakamalungkot sa lahat ng malungkot na lugar sa akin, ngunit sa gabing ito’y parang napakalapit natin sa langit.”
Kinabukasa’y narating ng tatlong manlalakbay ang pinaglibingan. Paggunita pa ni Susan: “Ilang hakbang mula sa munting libingan ay tumigil kami nang may pag-aalinlangan, ibinaba ang mga gamit namin at tumayo at tumitig sa [libingan] na nasa aming harapan. Walang nakapagsalita. Isang pangit na butas ang naging kapalit ng maliit na tambak; at kaaalis pa lang ng mga lobo kaya’t naroon pa ang lahat ng palatandaan. Minabuti kong huwag tumingin kay Jedediah. Sa nadama ko’y parang alam ko na ang nadarama niya. Nakatayo kaming parang mga estatuwa sa ilang, na hindi makakilos, batid ng bawat isa na wala nang magagawa pa. Makaraan ang ilang minuto ng tahimik na pagluha, mapayapa kaming lumayo, na ang tanging dala ay ang bitbit namin.”2
Mga siyam na taon ang nagdaan, idinaos ang paglilibing kay Pangulong Jedediah Grant, na naglingkod bilang Pangalawang Tagapayo kay Pangulong Brigham Young. Nagsalita sa kongregasyon si Pangulong Heber C. Kimball, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ikinuwento ang pangitaing natanggap ng kanyang kaibigang si Jedediah:
“Nakita niya ang mga matwid na sama-sama sa daigdig ng mga espiritu, at walang masasamang espiritu sa kanila. Nakita niya ang kanyang kabiyak; ito ang unang lumapit sa kanya. Nakita niya ang maraming kakilala, ngunit tanging ang kabiyak niyang si Caroline ang kanyang nakausap. Lumapit ito sa kanya, at sinabi niyang napakaganda niya at dala nito ang kanilang musmos na anak, na namatay sa kapatagan, sa kanyang mga bisig, at sinabi, ‘… Narito ang ating si Margaret; alam mong nilapa siya ng mga lobo, ngunit hindi siya nasaktan dito; maayos siya rito.’ ”3
Mga Turo ni Heber J. Grant
“Maglakbay sa tuwa”
Naniniwala akong binigyang-inspirasyon ng Panginoon si William Clayton nang isulat niya ang himnong ito. … Napakaganda ng paglalakbay na gagawin ng mga Tagabunsod. … Hanga ako sa lakas-ng-loob, pananampalataya, at tapang ng ating mga ama at ina na nagsimulang tumahak sa ilang, na hindi batid kung saan sila patungo, ngunit umaawit ng:
Mga Banal, halina’t gumawa,
Maglakbay sa tuwa.
Nakausap ko ang daan-daang tumawid ng kapatagan at sila’y tunay na nagalak at naligayahan sa paglalakbay patungo sa bansang ito.
Mahirap man ang ‘yong kalagayan,
Biyaya’y kakamtan.
Tunay na pinagkalooban sila ng Diyos ng biyaya sa bawat araw.
Makabubuting magsikap
Nang pighati’y ‘di malasap.
Ligaya ay madarama—
Kay inam ng buhay!
At hindi lang iyan mabuting payo sa mga taong naglalakbay patawid ng kapatagan, kundi mabuting payo rin ito sa ating lahat sa bawat araw ng ating buhay. Nakalulugod sa ating Ama sa langit ang masaya at maligayang diwa ng kapayapaan. Nakalulugod sa ating Ama sa langit ang kakayahang maniwala at tanggapin ang banal na kasulatang nagtuturo sa atin na kilalanin ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay [tingnan sa D at T 59:21].
“Maging handa at magiting”
Ba’t luluha sa hirap at dusa?
Lahat may pag-asa.
Gantimpala ay ‘di matatamo
Kung ika’y susuko.
Ang problema sa maraming tao ay ayaw nilang gawin ang kinakailangan upang makamit ang mithiin; ayaw nilang magsikap para magtagumpay sa buhay. Katulad sila ng mga taong nabasa ko sa aklat ng pangaral ni Brother N. L. Nelson—na nabuksan ko isang araw, at nabasa ang tungkol sa mga taong literal na sinusunod ang bilin na huwag nang pag-isipan ang sasabihin; at isinulat ni Brother Nelson [isang propesor sa Brigham Young Academy] na marami sa mga hindi nag-iisip ang walang gaanong sinabi, dahil salungat ito sa itinuturo na dapat nating ihanda ang ating sarili; at sinabi niya, hinggil sa mga taong hindi nag-iisip, na kapag nagsasalita sila ay sinasabi … nilang, “O, Panginoon, narito ako. May bibig ako at isang pares ng baga na ipahihiram ko sa inyo sa maikling panahon; puspusin po ninyo ako ng karunungan upang mapalakas ko ang mga tao, ” na bihirang gawin ng Panginoon. [Tingnan sa Preaching and Public Speaking: A Manual for the Use of Preachers of the Gospel and Public Speakers in General (1898), 3–7.]
Gantimpala ay ‘di matatamo
Kung ika’y susuko.
Maging handa at magiting,
Ang Diyos ‘di lilimot sa ‘tin.
Ihahayag ang salaysay—
Kay inam ng buhay!
Ang kahanga-hangang mga taong ito [sa pangkalahatang kumperensya], ang maganda nating templo, ang [administration building] ng ating Simbahan, at ang mga templo mula sa Canada hanggang Southern Utah, at sa Hawaiian Islands, ay nagpapatotoo sa buong mundo na hindi nililimot ng Diyos ang kanyang mga tao.
“Makikita lugar na ‘nilaan”
Makikita, lugar na ‘nilaan
Doon sa Kanluran.
Do’n kung saan may kapayapaan,
Biyaya at yaman.
Naniniwala ako na walang tunay na Banal sa mga Huling Araw na hindi naniniwala na tunay na inilaan ang lupaing ito para sa kanyang mga tao. Si Brigham Young …, habang tinatanaw ang lambak na ito, ay nagsabi: “Ito ang lugar.” Itinuro sa kanya ng Diyos ang lugar sa pangitain, bago pa siya naparito. Sinubukan siyang papuntahin ng mga tao sa mayamang lupain ng California, ngunit ito ang lugar na inihanda ng Diyos, at dito tayo titigil, at hindi tayo nagkamali.
“At masawi man sa ‘ting paglakbay…”
At masawi man sa ‘ting paglakbay,
Masaya! Kay inam!
Malaya na sa hirap at dusa,
Mat’wid ay kasama.
Nadarama ba natin na, kung mamatay tayo, ayos lang ang lahat? Namumuhay ba tayo sa paraan na magiging marapat tayong bumalik sa piling ng ating Ama sa Langit kapag namatay tayo, kapag nawala na tayo sa daigdig na ito, at tatanggapin tayo roon? Namumuhay ba tayo nang marapat sa mga biyayang natanggap natin? Itinatanong ko sa aking sarili, Ginagawa ko ba ang lahat para mapasigla hindi lamang ang sarili ko kundi pati na ang kapwa ko, tunay nga bang ako ay nagniningning na liwanag sa mga tao, dahil sa halimbawang ipinakikita ko sa kanila?5
Kahanga-hangang pananampalataya—na ayos lang ang lahat! kahit mamatay kayo sa ilang, at malibing sa di-kilalang puntod, wika nga; subalit iyon ang kanilang pananampalataya; at maaawit nila ang mga katagang ito, gabi-gabi, na dama sa puso nila ang kanilang inaawit. Tunay na nagdarasal sila sa Panginoon. Ganap ang kanilang pananampalataya sa pahayag na ibinigay sa asawa ni Propetang Joseph Smith, kung saan nakasulat: “Ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo.” Gayundin: “Ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso.” [D at T 25:12.]
At masawi man sa ‘ting paglakbay,
Masaya! Kay inam!
Malaya na sa hirap at dusa,
Mat’wid ay kasama.
Ngunit kung tayo’y maligtas
At pahinga ay matanggap,
Aawit nang buong sigla—
Kay inam ng buhay!
Naaalala ko pa minsan, at madalas ko itong ikuwento, … na sinabi ng biyenan kong lalaki, ang yumaong si Oscar Winters, na: “Heber, palagay ko’y hindi alam ng mga kabataan ng Sion kung gaano kahalaga sa atin ang himno ni Brother Clayton, habang inaawit namin ito gabi-gabi, sa pagtawid sa kapatagan. … Gusto kong ikuwento sa inyo ang naganap minsan nang parating ako sa lambak. Isa sa aming grupo ang nahuli sa pagdating sa kampo. Kumuha kami ng ilang boluntaryo, at pabalik na sana para makita kung may nangyari, … nang makita namin sa malayo na parating siya. Pagdating niya, inalis namin ang balantok ng kanyang baka at tinulungan siyang makapaghapunan. Medyo may sakit siya at kinailangang humiga sa daan, minsan o makalawang beses. Matapos maghapunan umupo siya sa isang malaking bato, malapit sa dapog, at inawit ang himno, ‘Mga Banal, halina.’ Patakaran sa kampo na tuwing may aawit ng himnong iyon, lahat kami’y sasabay sa kanya; ngunit hindi ko alam kung bakit walang sumabay sa kapatid na ito. Medyo mahina at gumagaralgal ang kanyang tinig; at nang matapos siya ay tumingin ako sa paligid, at sa tingin ko’y napaluha ang lahat ng nakaupo roon. Napakaganda ng kanyang pagkakaawit sa himno, ngunit sa mahina at malungkot na tinig, at may diwa at inspirasyon ng himno. Kinabukasan ay hindi namin siya nakitang naghahanda ng kanyang mga baka; nagpunta kami sa kanyang bagon, at nalaman namin na kagabi pa siya namatay! Humukay kami ng mababaw na libingan at inilagak doon ang kanyang labi o bangkay. Naisip namin ang batong inupuan niya noong isang gabi nang umawit siya ng:
At masawi man sa ‘ting paglakbay,
Masaya! Kay inam!
Malaya na sa hirap at dusa,
Mat’wid ay kasama.
“Pagkatapos ay itinulak namin ang batong iyon para gawing lapida ng kanyang libingan.”
Napansin ko ang luha sa mga mata ni Brother Winters. Nagsimula siya para magkuwento pa sana pero nag-alinlangan siya at tumigil na. Nalaman ko na matapos siyang manatili sa lambak sa loob ng ilang panahon, mula sa kanyang tahanan sa bukid ay nagpunta siya sa Salt Lake para makipagkita sa kanyang ina, ngunit sinabihan siyang namatay din ito bago pa natapos ang kanyang paglalakbay.
Ilang taon na ang nakararaan, habang naglalagay ng riles ang Burlington Railroad sa pagitan ng Nebraska at Wyoming ay nakakita ang mga inhinyero ng isang gulong ng bagon na nakaungos sa lupa, na may nakaukit na, “Winters.” Sumulat sila sa Salt Lake City para sabihin ang natuklasan nila, at bumalik ng ilang milya at minabuting ilihis ang riles para hindi madaanan ang lugar na iyon, dahil alam nilang libingan iyon ng ilang pioneer ng Utah. Mula noo’y nagtayo na kami roon ng maliit na bantayog bilang alaala ni Lola Winters; at, sa isang panig ng maliit na bantayog na iyon, na yari sa granito ng templo ay inukit namin ang mga kataga sa huling talata ng, “Mga Banal, halina.”
Sa tuwing mababasa ko at maririnig ang awiting ito ay palaging may pasasalamat sa puso ko para sa aking ama at ina, at sa libu-libong mararangal na lalaki at babaeng naglakbay sa kapatagan. Marami sa kanila ang paulit-ulit na tumawid sa kapatagan para tulungan ang iba, na masiglang tinitiis ang hirap, at sinusunod ang mga turo ng inspiradong himnong ito! Sa tuwing maaalala ko sila ay napupuspos ako ng paghanga at pasasalamat, at nagdarasal sa Panginoon na tulungan ako, bilang isa sa mga inapo ng marangal na grupong iyon, na maging tapat, totoo, at nananampalatayang gaya nila! Tunay na grupo sila ng mga lalaki at babaeng sa paglipas ng mga taon ay pag-uukulan ng dagdag na paghanga at paggalang ng mga tao sa mundo.6
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Para sa iyo, ano ang ibig sabihin ng himnong ito? Anong mga aral ang matututuhan natin sa himnong ito?
-
Sa paanong paraan tayo mga pioneer sa ngayon? Paano natin maigagalang ang pamanang natanggap natin mula sa ibang mga pioneer na Banal sa mga Huling Araw?
-
Paano tayo magkakaroon ng “masaya at maligayang diwa ng kapayapaan” sa kabila ng paghihirap?
-
Pag-isipang mabuti ang sumusunod na mga tanong mula kay Pangulong Grant: “Nadarama ba natin na, kung mamatay tayo, ayos lang ang lahat? Namumuhay ba tayo sa paraan na magiging marapat tayong bumalik sa piling ng ating Ama sa Langit kapag namatay tayo, kapag nawala na tayo sa daigdig na ito, at tatanggapin tayo roon? Namumuhay ba tayo nang marapat sa mga biyayang natanggap natin? … Ginagawa ko ba ang lahat para mapasigla hindi lamang ang sarili ko kundi pati na ang aking kapwa, tunay nga bang ako ay nagniningning na liwanag sa mga tao, dahil sa halimbawang ipinakikita ko sa kanila?”
-
Bakit mainam na laging isiping mabuti ang landas ng ating buhay? Ano ang magagawa natin upang maging handang “bumalik sa piling ng ating Ama sa Langit”?
-
Ano ang magagawa natin upang mapasigla ang ating sarili at ang iba?