Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 22: Pagtuturo sa mga Bata Ayon sa Pangangalaga at Pagpapayo ng Ebanghelyo


Kabanata 22

Pagtuturo sa mga Bata Ayon sa Pangangalaga at Pagpapayo ng Ebanghelyo

Ang mga magulang, sa tulong ng mga pinuno at guro sa Simbahan, ay kailangang masigasig at walang humpay na magsikap para maituro sa mga anak ang ebanghelyo.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Marami ang nagsasabing matiyaga at masunurin si Pangulong Heber J. Grant. Ngunit habang tumatanggap siya ng maraming biyaya bilang bunga ng kanyang sariling pananampalataya at kasipagan sa paggawa, mabilis niyang binabanggit ang kanyang utang-na-loob sa mga taong nagturo sa kanya ng ebanghelyo noong siya’y bata pa.

Madalas niyang bigyang pugay ang kanyang ina. Sabi niya, “Siyempre pa, utang ko ang lahat sa aking ina, dahil namatay ang tatay ko noong siyam na araw pa lang ako; at ang kahanga-hangang mga turo, pananampalataya, at integridad ng aking ina ang naging inspirasyon ko.”1 Tungkol sa kanyang desisyon na magpakasal sa templo, sinabi niyang: “Ako ay lubhang nagpapasalamat sa mga inspirasyon at hangarin ko na masimulan ang buhay nang tama. Bakit dumating ito sa akin? Dumating ito dahil sa naniwala ang nanay ko sa ebanghelyo, itinuro sa akin ang kahalagahan nito, nagdulot ito ng hangarin na makamtan ang lahat ng benepisyo ng pagsisimula sa buhay nang tama at gawin ang lahat ng bagay sang-ayon sa mga turo ng ebanghelyo.”2

Nagpahiwatig din ng pasasalamat si Pangulong Grant sa mga guro sa Sunday School at sa iba na gumabay sa kanyang kabataan. Sabi niya, “Magpapasalamat ako sa buong kawalang hanggan sa mga taong iyon dahil sa impresyong naibigay nila sa akin.”3

Kasunod ng mga halimbawa ng maimpluwensyang mga guro sa kanyang buhay, masigasig na nagsikap si Pangulong Grant upang maituro ang katotohanan sa kanyang mga anak. Ikinuwento ng anak niyang si Frances Grant Bennett ang kanyang magiliw na paraan ng pagtulong sa kanilang magkakapatid na ipamuhay ang ebanghelyo: “Sa mga bagay na di gaanong mahalaga, bihirang sabihin sa amin ni itay na Hindi’. Dahil dito, kapag sinabi niyang ‘Hindi, ’ alam naming seryoso siya. Ang pagpapalaki niya sa amin ay nakatulong sa tuwing gagawa kami ng sariling desisyon. Palagi niyang matiyagang ipinaliliwanag kung bakit sa palagay niya’y hindi matalino ang isang paraan at tapos ay sasabihing, ‘Ganyan ang palagay ko; pero siyempre, kailangang kayo ang magpasiya.’ Bilang resulta, ang desisyon nami’y halos palaging tulad ng sa kanya. Kahit paano’y nahimok niya kaming naising gawin ang tama sa halip na piliting gawin ito.”4

Hindi kailanman nagsawa si Pangulong Grant sa pagsisikap niyang turuan ang kanyang mga anak, kahit malalaki na ang karamihan sa kanila. Sa edad na 52, noong miyembro pa siya ng Korum ng Labindalawang Apostol, matama niyang pinakinggan ang isang pananalita sa pangkalahatang kumperensya kung saan hinimok ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga miyembro ng Simbahan na “ipakita ang kanilang pananampalataya, ang kanilang katapatan at pagmamahal sa mga alituntunin ng ebanghelyo, sa paraan ng pagpapalaki nila sa kanilang mga anak at palakihin sila sa pananampalataya.”5 Kinahapunan noong araw na iyon ay tumayo sa pulpito si Elder Grant at sinabing:

“Isa sa mga pinakadakilang mithiin ko sa buhay ang mamuhay nang marapat sa aking ama at ina; at ang isa pang pinakadakilang mithiin ko sa buhay ay ang palakihin ang aking mga anak sa pangangalaga at pagpapayo ng Ebanghelyo. Ang isa sa mga paborito kong tema sa pangangaral sa mga Banal sa mga Huling Araw ay mula sa paghahayag ng Panginoon na nagsasabing tungkulin nating ipangaral sa ating mga anak at ituro sa kanila ang Ebanghelyo ni Jesucristo, bigyan sila ng inspirasyon nang may pananampalataya sa Panginoon at Tagapagligtas ng mundo, at turuan silang manalangin at lumakad nang tuwid sa harap ng Panginoon [tingnan sa D at T 68:25–28]. Naniniwala akong masyadong napapabayaan ang utos na ito at lubos akong nagagalak sa pananalita ng ating Pangulo ngayon, na hinihimok ang mga Banal sa mga Huling Araw na gampanan ang kanilang tungkulin hinggil sa bagay na ito. Sinikap ko nang gawin ito, at nagpasiya akong maging mas matapat sa paggawa nito sa hinaharap. Naniniwala akong may oportunidad sa pag-unlad sa panig nating lahat sa tagubilin na ito.”6

Mga Turo ni Heber J. Grant

Pananagutan ng mga magulang na ituro sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Naniniwala akong ligtas ako sa pagsasabing ang pinakamimithi ko sa bawat tunay na Banal sa mga Huling Araw ay nawa lumaki ang kanyang mga anak sa pangangalaga at pagpapayo ng Ebanghelyo, na sumusunod sa mga utos ng Diyos, upang maligtas sila sa Kanyang kaharian. Kahangalan ang isipin na kung ang naitanim sa isipan ng isang bata ay puro kamalian at kasamaan habang buhay, ay madaling maitatanim sa isipang iyon ang binhi ng katotohanan at umani rito ng puro katotohanan. … Maituturing nating hangal ang isang magsasaka kung hihilingin niya sa bawat magdaraan sa kanyang bukid na magsabog ng ilang punla ng damo, na gawin ito sa loob ng dalawampu’t isang taon, at pagkatapos ay isiping makapagtatanim siya ng pananim na butil at umasang magkakaroon ng mabuting ani.

Maaaring alam ko ang multiplication table, at gayundin ng aking asawa, ngunit hindi ako maaaring umasa na dahil dito ay isisilang ang mga anak ko na alam na ang multiplication table. Maaaring alam kong totoo ang Ebanghelyo, at maaaring alam ng asawa ko; ngunit hindi ko maisip kahit sa isang saglit na ang mga anak ko’y isisilang na taglay na ang kaalamang ito. Natatanggap natin ang patotoo ng Ebanghelyo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa nito; at tatanggapin ng ating mga anak ang kaalamang ito sa gayunding paraan; at kung hindi natin sila tuturuan, at hindi sila lalakad sa matuwid at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan, hindi nila kailanman matatanggap ang kaalamang ito. Narinig ko ang ilang tao na nagsasabing ang kanilang mga anak ay isinilang na tagapagmana ng lahat ng mga pangako ng bago at walang hanggang tipan, at na magsisilaki sila na may kaalaman ng Ebanghelyo kahit ano pa ang gawin nila. Gusto kong sabihin sa inyo na hindi totoo ang doktrinang ito, at ito’y tahasang salungat sa utos ng ating Ama sa Langit. Makikita natin na ang mga Banal sa mga Huling Araw ay binigyan ng responsibilidad, hindi bilang kahilingan, kundi bilang batas, na dapat nilang turuan ang kanilang mga anak:

“At muli, yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang;

“Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag.

“At ang kanilang mga anak ay bibinyagan para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan pagsapit ng walong taong gulang, at tatanggapin ang pagpapatong ng kamay,

“At tuturuan din nila ang kanilang mga anak na manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon.” [D at T 68:25–28.] …

Bawat ama na nagmamahal sa Ebanghelyo ay handang magpunta sa mga hangganan ng mundo upang ipangaral ito, at isa sa mga pinakamalaking kagalakan na kakamtin ng sinumang tao ay matatagpuan sa paghahatid ng mga kaluluwa sa kaalaman ng katotohanan. Dapat ay higit nating ikagalak ang pagtuturo sa ating mga anak ng plano ng kaligtasan.7

Kabilang sa Kanyang kauna-unahang mga kautusan kina Adan at Eva, sabi ng Panginoon ay: “Magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa.” [Genesis 1:28.] Inulit Niya ang utos na iyon sa ating panahon. Muli Niyang inihayag sa huling dispensasyong ito, ang prinsipyo ng kawalang hanggan ng kasal sa tipan. Ipinanumbalik Niya sa lupa ang awtoridad para makapasok sa tipang ito, at ipinahayag na ito lang ang tama at angkop na paraan ng pagsasama ng mag-asawa, at ang tanging paraan upang taglayin sa kabilang buhay at sa kawalang hanggan ang sagradong ugnayan ng pamilya. Ipinahayag Niya na ang walang hanggang pag-uugnayan na ito ay malilikha lamang sa pamamagitan ng mga ordenansa na isinasagawa sa banal na mga templo ng Panginoon, at dahil dito ang Kanyang mga tao ay dapat sa templo lamang magpakasal sang-ayon sa mga ordenansang ito.

Sinabi sa atin ng Panginoon na tungkulin ng bawat mag-asawa na sundin ang utos na ibinigay kay Adan na magpakarami at kalatan ang lupa, upang makaparito at sumulong sa ilalim ng dakilang plano ng Diyos at maging perpektong mga kaluluwa ang napakaraming piling mga espiritu na naghihintay sa kanilang tabernakulo ng laman. Ito ay sa dahilang kung wala ang tabernakulong ito ng laman sila’y hindi uunlad sa tadhanang plano ng Diyos para sa kanila. Dahil dito, ang bawat mag-asawa ay dapat maging ama at ina sa Israel sa mga anak na isinilang sa ilalim ng banal at walang hanggang tipan.

Sa pamamagitan ng pagdadala sa mga piling espiritung ito sa mundo, bawat ama at bawat ina ay magkakaroon ng pananagutan sa espiritung may tabernakulo at sa Panginoon mismo dahil sa pagsasamantala sa pagkakataong bigay Niya. Ito ang pinakasagradong uri ng obligasyon, dahil ang kapalaran ng espiritung iyon sa mga kawalang hanggan na darating, ang mga biyaya o kaparusahan na naghihintay sa susunod na buhay, ay nakasalalay nang malaki sa pangangalaga, pagtuturo, at pagpapalaki na ibibigay ng mga magulang sa espiritung iyon.

Walang magulang na makatatakas sa obligasyon at responsibilidad na iyon, at papananagutin tayo ng Panginoon sa wastong pagsasagawa ng obligasyon at responsibilidad na iyon. Ito na ang pinakamataas na tungkulin na maaaring taglayin ng mga tao sa mundo.

Sa gayon ang pagiging ina ay nagiging banal na tungkulin, sagradong dedikasyon sa pagsasagawa ng mga plano ng Panginoon, sagrado at banal na debosyon sa pagpapalaki at pagunlad ng katawan, isip, at espiritu, ng mga nakapanatili ng kanilang unang kalagayan at pumarito sa lupa para sa kanilang pangalawang kalagayan. “Susubukin … sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.” [Abraham 3:25.] Ang akayin sila upang mapanatili ang kanilang pangalawang kalagayan ang siyang gawain ng pagiging ina, at “sila na mga nakapanatili sa kanilang ikalawang kalagayan ay magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa kanilang mga ulo magpakailanman at walang katapusan.” [Abraham 3:26.] …

Ang pagiging ina ay kasunod ng kabanalan. Ito ang pinakamataas, pinakabanal na paglilingkod na maaangkin ng sangkatauhan. Ginagawa nitong kasunod ng mga anghel ang babaing gumagalang sa banal na tungkulin at paglilingkod na ito. Sa inyong mga ina sa Israel sinasabi naming pagpalain kayo at protektahan ng Diyos, at bigyan kayo ng lakas at tapang ng loob, ng pananampalataya at kaalaman, ng banal na pagmamahal at paglalaan sa tungkulin, na magbibigay-daan upang magampanan ninyo ang pinakamataas na antas ng sagradong katungkulan ninyo. Sa inyong mga ina at magiging mga ina sinasabi naming: Maging malinis, maging dalisay, mamuhay nang matuwid, upang ang inyong mga inapo hanggang sa huling henerasyon ay tawagin kayong pinagpala.8

Narinig ko ang ilang kalalakihan at kababaihan na nagsabing hihintayin nilang mahusto sa gulang ang kanilang mga anak bago nila ituro sa kanila ang mga alituntunin ng ebanghelyo, na hindi sila magmamadali sa pagtuturo sa kanila ng ebanghelyo habang bata sila, dahil di pa nila ito mauunawaan. Kapag naririnig kong sinasabi ito ng mga lalaki at babae, sa palagay ko’y nagkukulang sila ng pananampalataya sa mga alituntunin ng ebanghelyo at hindi ito lubos na nauunawaan. Sinabi ng Panginoon na tungkulin nating turuan ang ating mga anak habang bata pa sila, at mas gugustuhin kong sundin ang Kanyang salita hinggil dito kaysa ang salita ng mga hindi sumusunod sa Kanyang mga utos. Kahangalan ang isipin na magsisilaki ang ating mga anak sa kaalaman ng ebanghelyo nang hindi ito itinuturo sa kanila. Ang ilang kalalakihan at kababaihan ay nakikipagtalo, “Ako’y Banal sa mga Huling Araw at ikinasal kami sa templo. Ibinuklod kami sa altar ng isang taong nagtataglay ng Priesthood ng Diyos, sang-ayon sa bago at walang hanggang tipan, at ang mga anak namin ay magsisilaki at magiging mabubuting Banal sa mga Huling Araw. Wala naman silang magagawa; taglay na nila ito mula pagsilang.” … Gusto kong sabihin sa inyo na hindi malalaman ng ating mga anak na totoo ang ebanghelyo kung hindi nila pag-aaralan ito at magkakaroon mismo ng patotoo. Nililinlang ng mga magulang ang kanilang sarili sa pag-aakala na ang mga anak nila ay mayroon nang kaalaman ng ebanghelyo sa pagsilang pa lang. Siyempre magkakaroon sila ng higit na karapatan sa mga pagpapala ng Diyos, dahil isinilang sila sa loob ng bago at walang hanggang tipan, at natural lamang na lalaki sila at isasagawa ang kanilang mga tungkulin; ngunit alam ito ng diyablo, at dahil dito’y lalo niyang hinahangad na ilayo ang ating mga anak sa katotohanan.9

Dalangin ko na bigyan ng Panginoon ang mga magulang ng mga kabataan ng pang-unawa at pagpapahalaga sa mga panganib at tuksong dumarating sa kanilang mga anak, upang sila’y maakay at magabayan na himukin ang kanilang mga anak, pamunuan sila, turuan sila kung paano mamuhay nang naaayon sa kagustuhan ng Panginoon.10

Ano ba ang sinisikap nating makamtan? Yaman? Kayamanan? Kung niyakap natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, ibig sabihin ang sinisikap nating kamtin ay ang buhay na walang hanggan. Kung gayon nagtatrabaho tayo upang iligtas ang ating mga kaluluwa. At matapos mailigtas ang ating kaluluwa tayo’y nagsisikap para sa kaligtasan ng ating mga anak. … Gusto kong sabihin na ang pinakamainam na pamana na maiiwan ninyo sa inyong mga anak ay ang matatag na patotoo sa kaharian ng Diyos.11

Ang mga pinuno at guro sa Simbahan ay tumutulong sa mga magulang sa pagtuturo sa kanilang mga anak.

Ang mga guro ng ating mga anak ay tumutulong sa mga magulang sa paghubog ng buhay ng kanilang mga anak. Malaki ang kanilang responsibilidad, gayundin ang kanilang pananagutan, sa lahat ng kanilang tinuturuan.12

Walang alinlangan na ang mga impresyong nalilikha sa isipan ng mga musmos at ng mga batang lalaki at babae ay mas magtatagal ang epekto sa kanilang buhay sa hinaharap kaysa sa impresyong nagagawa sa alinmang pagkakataon. Sa patalinghagang pagsasalita, ito’y tila pagsusulat sa puting papel na walang anumang naroon na magpapagulo sa maaaring isulat ninyo.

Marami ang nakagawa ng magigiting na bagay sa pakikibaka nila sa buhay kahit na nakagawa sila ng mga bagay noong bata pa sila na hindi kalugud-lugod sa paningin ng ating Ama sa Langit o hindi para sa ikabubuti nila. Gayunman, lubos na mas mainam kung mapagsisimula natin ang mga bata sa pakikibaka sa buhay nang walang anumang nakatala sa mga pahina ng kanilang buhay, maliban sa mabubuting gawa at mga kaisipang nakapagpapalakas ng pananampalataya. May kasabihan na “Kung paano hinutok sa pagkabata, gayon ang kalalabasan sa pagtanda.” Kayong mga nagtuturo sa ating mga anak ay kasama sa paghutok sa mga bata. …

Walang benepisyong nakukuha ang sinumang tao sa mga bond o stock, o anumang yaman ng mundo, na makapapantay sa kaalaman na nasa puso na siya ay naging instrumento sa mga kamay ng Diyos sa paghubog ng buhay tungo sa kabutihan; at maipapangako ko sa mabubuting guro ng ating mga kabataan na sa paglipas ng mga taon sila’y makatitipon ng mga pagpapala ng pasasalamat at pagtanaw ng utang-na-loob mula sa mga bata dahil sila ang naging instrumento sa mga kamay ng Diyos para hubugin ang kanilang buhay sa kabutihan. …

Maaaring maisip natin na ang mga impresyong ginagawa natin ay baka hindi tumatagal, ngunit matitiyak ko sa inyo na tumatagal ang mga ito. Natitiyak ko na ang patotoong ibinigay ng isang guro sa maliliit na bata, sa inspirasyon ng buhay na Diyos, ay bagay na mahirap nilang malimutan. …

Bawat isa sa ating mga guro ay may pagkakataon at kapangyarihan sa inspirasyon ng Espiritu ng Diyos, na gumawa ng impresyon sa puso at kaluluwa ng mga musmos at maliliit na batang lalaki at babae na nagsisimula sa pakikibaka sa buhay. Dalangin nang buong kataimtiman ng kaluluwa ko na tulungan kayo ng Diyos sa inyong mga pagsisikap; at maipapangako ko na tutulungan Niya kayo. Ang mahalaga ay matuto kayong mahalin ang trabaho ninyo at gawin ito sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu ng buhay na Diyos.13

Sa [isang] kumperensya ng Sunday School …, ay idinaos namin ang isa sa mga pinakamaluwalhating pulong na nadaluhan ko. Ang ilan sa mga tagapagsalita ay binigyan ng tig-apat na minuto, at bawat isa ay apat na minuto ng mahahalagang kaisipan. Ang pinakatema ng lahat ng mga pananalita … ng nagsalita ukol sa paksang, “Ang Kailangan ng Ating mga Sunday School, ” ay hindi ang karagdagang sistema, o dagdag na ganito at ganyan ng ibaibang bagay. Ang malaking kailangan ay ang dagdag na Espiritu ng Panginoon sa puso ng mga guro, upang maibigay ang diwang iyon sa mga bata.14

Natututo ang mga bata mula sa mga halimbawa ng kanilang mga magulang at mga guro.

Makaaasa ba tayong magsisilaki ang ating mga musmos na naniniwala sa mga alituntunin ng Ebanghelyo kung hindi natin ituturo ito sa kanila sa pamamagitan ng halimbawa? Sa palagay ko’y hindi natin makukumbinsi ang ating mga anak sa katotohanan ng Ebanghelyo sa simpleng pagsasabi na tayo’y may pananampalataya; ang ating buhay ay dapat maging halimbawa ng sinasabi natin na pinaniniwalaan natin.15

Sinasabi ko sa mga magulang, hanapin ang Espiritu ng Diyos. Gumawa ng mga impresyon sa isipan ng inyong mga anak sa pamamagitan ng mapagpakumbaba, maamo at abang pamumuhay.16

Ang pananampalataya’y kaloob ng Diyos. Kung hanap natin ay pananampalataya, ibibigay sa atin ng Panginoon ang pananampalatayang iyon. Nagiging kaloob ito mula sa Kanya at pinangakuan tayo na kapag ginawa natin ang kalooban ng Ama ay malalaman natin ang doktrina [tingnan sa Juan 7:17]. Kung tayo bilang mga magulang ay isasaayos ang ating buhay upang malaman at matanto ng ating mga anak sa kanilang puso na tayo ay tunay na mga Banal sa mga Huling Araw, na talagang alam natin ang sinasabi natin, sila, sa pamamagitan ng paghanap sa Panginoon, ay magkakaroon ng gayunding patotoo.17

Wala akong alam tungkol sa payo ng isang ama dahil ang itay ko ay namatay noong ako’y sanggol pa lamang, ngunit nakilala ko siya dahil sa reputasyon niya sa ibang tao. Tiniyak sa akin ng mga tao na si Jedediah M. Grant ay isa sa magigiting na lalaki ng Simbahang ito.

Naaalala ko pa nang minsan ay hilingin ko kay Kapitan William H. Hooper na lagdaan ang ilang bond para sa akin, noong ako’y mga dalawampung taong gulang lamang at nagsisimula sa negosyo.

Sabi niya: “Hindi ko ginawa iyan kailanman; huwag mo itong gawin kailanman.”

Kadarating ko lamang sa aking tanggapan nang dumating ang isang batang mensahero mula sa bangko at sinabi sa akin na gusto akong makausap ng kapitan.

Sabi ko: “Ayaw ko siyang makita.”

“Eh, inutusan niya ako para ihatid kayo sa bangko.”

Nagbalik ako at sinabi niyang: “Hay, iho, ibigay mo sa akin ang mga bond na iyon.” Ibinigay ko at nilagdaan niya ang mga iyon. Pagkatapos ay sinabi niyang: “Nang lumabas ka’y kinausap ko si Mr. Hills at sinabing, ‘Lew, kaninong anak ang batang iyon? Matagal na niya akong binabati kapag nasa kalye. Hindi ko siya kilala. Hindi pa ako lumagda ng bond para sa isang taong di ko kakilala. Sino siya?’ Sabi niya, ‘Aba, anak siya ni Jeddy Grant, si Heber J. Grant.’ ‘Anak ni Jeddy Grant? Pabalikin mo siya. Pipirmahan ko ang bond na iyon kahit na ako pa ang magbayad ng utang.’ ”

Binabanggit ko [ito] sa pag-asang matanto ng mga magulang na ang halimbawa ng integridad, ng debosyon, ng katapatan sa Ebanghelyo, at ng katangiang hindi pamimintas sa iba, kundi sa halip ay masigasig at tuluy-tuloy na magtrabaho para sa ikasusulong ng katotohanan, ay isang kahanga-hangang pamanang maiiwan sa kanilang mga anak.18

Ikinuwento ni [Kapitan Hooper] ang ilang pangyayari tungkol sa aking ama na nagpakita ng pagmamahal at pagtitiwala sa kanya ng kapitan.

Dahil sa ikinuwento ng kapitan napuspos ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng ama na gaya niya, at ang mga salita ni Kapitan Hooper ay di ko kailanman nalimutan. Nagkaroon ako ng matinding hangarin na mamuhay at magsikap sa paraan na magiging kapaki-pakinabang sa aking mga anak, kahit na matapos akong pumanaw sa buhay na ito, sa pamamagitan ng halimbawang naipakita ko sa kanila.19

Mas nanaisin kong mamatay na mahirap na nalalaman na makapagpapatotoo ang aking pamilya, sa abot ng aking makakaya na kaloob ng Diyos sa akin, na nasunod ko ang Kanyang mga batas at Kanyang mga utos, at sa pamamagitan ng aking halimbawa, ay naipangaral ang ebanghelyo, kaysa makamtan ang lahat ng yaman ng mundo.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Ano ang maaari nating gawin upang maging mabuting impluwensya sa buhay ng mga bata at kabataan?

  • Ano ang magagawa ng mga magulang upang maturuan ang kanilang mga anak na sumunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo? Ano ang magagawa ng mga magulang upang maihatid sa kanilang mga anak ang mga pagpapala ng ating Ama sa Langit?

  • Bakit naliligaw ang ilang mga anak sa kabila ng pagsisikap ng kanilang mga magulang na ituro sa kanila ng ebanghelyo? Ano ang magagawa ng mga magulang at ng ibang tao para matulungan ang mga batang naliligaw ng landas?

  • Si Pangulong Grant ay nagsabi sa mga magulang, “Ang pinakamainam na pamana na maiiwanan ninyo sa inyong mga anak ay ang puhunan sa kaharian ng Diyos.” Ano ang ibig sabihin nito sa inyo?

  • Paano natin matutulungan ang mga bata na makilala ang impluwensya ng Espiritu?

  • Anong mga pagpapala ang dumating sa inyong buhay habang tinuturuan ninyo ang mga bata at mga kabataan ng Simbahan?

  • Bakit mahalaga para sa mga magulang na maunawaan na ang mga pinuno at guro sa Simbahan ay tinawag upang tumulong lamang sa kanila sa pagtuturo sa kanilang mga anak?

Mga Tala

  1. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 151.

  2. Gospel Standards, 360; binago ang ayos ng mga talata.

  3. “To Those Who Teach Our Children, ” Improvement era, Mar. 1939, 135.

  4. Glimpses of a Mormon Family (1968), 301.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1909, 4.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1909, 26.

  7. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, na tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 4:34–35; binago ang ayos ng mga talata.

  8. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Okt. 1942, 12–13; binasa ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.

  9. Gospel Standards, 155–56.

  10. Sa Conference Reports, Abr. 1943, 6.

  11. Gospel Standards, 182.

  12. Improvement Era, Mar. 1939, 135.

  13. Improvement Era, Mar. 1939, 135.

  14. Gospel Standards, 73.

  15. Sa Collected Discourses, 1:336.

  16. Sa Collected Discourses, 5:72.

  17. Gospel Standards, 154.

  18. Sa Conference Report, Okt. 1934, 4.

  19. Gospel Standards, 340.

  20. Gospel Standards, 58.

mother reading to child

Lahat ng mga magulang ay dapat magkaroon ng taimtim na hangarin upang ang kanilang mga anak “ay lumaki … sa pangangalaga at pagpapayo ng Ebanghelyo, na sumusunod sa mga utos ng Diyos, upang maligtas sila sa Kanyang kaharian.”