Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Jesucristo, ang Anak ng Buhay na Diyos


Kabanata 24

Jesucristo, ang Anak ng Buhay na Diyos

Si Jesucristo ay literal na Anak ng Diyos, ang Manunubos ng sangkatauhan, at ang buhay na pinuno ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant, “Walang ibang mahalaga sa puso ng tao na gaya ng patotoo kay Jesucristo.”1 Labis na nag-alala si Pangulong Grant sa mga taong walang tiyak na patotoo sa Tagapagligtas. “Ang kailangan ng mundo ngayon higit sa lahat, ” ang sabi niya, “ay ang ganap na pananampalataya sa Diyos, na ating Ama, at kay Jesucristo, na Kanyang Anak, bilang Manunubos ng daigdig.”2 Nakita niya ang matinding pangangailangang ito habang naglalakbay siya sa mundo upang ipangaral ang ebanghelyo at nakasagupa niya ang mga maling turo tungkol sa buhay at misyon ni Jesucristo. Nalungkot siya sa tinawag niyang “kakulangan ng paniniwala sa Diyos, at sa kabanalan ni Jesucristo.” Halimbawa, ikinuwento niya minsan ang tungkol sa lathalain sa isang pahayagan kung saan inirekomenda ng isang tao na “kalimutan ng tao ang ‘kawalang-saysay’ ni Jesucristo bilang Diyos ng mundo at Manunubos ng daigdig.” Si Pangulong Grant ay palaging mabilis sa pagsalungat sa ideyang ito at nagbibigay ng patotoo bilang depensa sa katotohanan. Ang sabi niya:

“Sa tuwing mababasa ko ang pahayag na iyon—at nabasa ko ito sa ilang lugar—sinisikap kong sabihin sa mga tao sa maraming lugar kung saan ako nangaral, ang paninindigan ng mga Banal sa mga Huling Araw hinggil sa ebanghelyo na pinaniniwalaan natin.

“Ibinalita ko sa mga pulong na iyon, kung saan ang karamihan sa mga nakikinig sa ilan sa mga ito ay hindi mga miyembro ng Simbahan, na bawat Banal sa mga Huling Araw ay kailangang tanggapin ang doktrina na dinalaw mismo ng Diyos ang batang si Joseph Smith, at na ang Diyos mismo ang nagpakilala kay Jesucristo sa batang ito bilang Kanyang minamahal na Anak.”3

Bawat salitang binigkas ni Pangulong Grant tungkol sa Tagapagligtas ay nagpapakita ng kanyang pagmamahal at pagkalugod sa Panginoon. “Kagila-gilalas, ” sabi niya, “na hindi tayo kailanman makababasa o makaririnig ng tungkol sa mga ginawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, nang hindi nasisiyahan dito. Sa kabilang dako, walang bagay na kapanapanabik sa buhay at kasaysayan ng sinumang tao na hindi natin pagsasawaan matapos itong paulit-ulit na marinig o mabasa. Ang kuwento kay Jesucristo ay lumang kuwento na ngunit tila lagi itong bago. Kapag mas madalas kong nababasa ang Kanyang buhay at mga gawa ay higit ang kagalakan, kapayapaan, kaligayahan, at kasiyahan na pumupuspos sa aking kaluluwa. Laging kahali-halina para sa akin ang pagbulay-bulayin ang Kanyang mga salita at ang plano ng buhay at kaligtasan na itinuro Niya sa mga tao noong nabubuhay pa Siya sa lupa.”4

Ang bantog na katangian ni Pangulong Grant ay ang kanyang patotoo ukol sa Tagapagligtas at sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Si Elder John A. Widtsoe, na naorden na Apostol ni Pangulong Grant, ay sumulat: “Ang mga taong nagkamit ng tunay na kagitingan ay buong ingat na namumuhay ayon sa batayang alituntunin na gumagabay. Kapansin-pansing totoo ito sa buhay ni Pangulong Grant. Pananampalataya sa Diyos at sa kanyang Anak na si Jesucristo, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo ang gumabay sa kanya mula pagkabata. Halos imposibleng maunawaan ang kanyang bantog na gawain kung hindi mo isasaalang-alang ang kapangyarihang gumabay sa kanyang pananampalataya. … Ang patotoo niya hinggil sa kabanalan ni Jesucristo at ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tumitimo sa kaluluwa na may marubdob na pananabik.”5

Mga Turo ni Heber J. Grant

Si Jesucristo ay literal na Anak ng Diyos.

Lubos ang paniniwala natin na si Jesucristo ay Anak ng Diyos, bugtong ng Diyos, ang panganay sa espiritu at bugtong na anak sa laman; na Siya ay Anak ng Diyos tulad ng kung paano tayo mga anak ng ating mga ama.6

Nagagalak ako na ang Simbahan ni Jesucristo ay nakasalalay sa unang dakilang pangitain na naranasan ng batang si Joseph Smith mahigit isang daang taon na ang nakalilipas. Ipinahayag niya na nakakita siya ng dalawang Makalangit na Nilikha, na ang kaluwalhatian at karingalan ay hindi kayang ilarawan ng tao at na tinawag siya ng isa sa kanila at itinuro ang isa pa at sinabing: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak, Pakinggan Siya.” [Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17.] Hindi maaaring magkaroon ng alinlangan sa puso ng Banal sa Huling Araw hinggil sa pagiging Anak ni Jesucristo ng buhay na Diyos, dahil ang Diyos mismo ang nagpakilala sa Kanya kay Joseph Smith.7

“Narito ang tao!” sabi ni Pontio Pilato, ang gobernador ng Roma sa Judea, habang si Jesus, na may putong na tinik at hinamak sa suot niyang balabal na kulay-ube, ay nakatayo sa harap ng mga taong sumisigaw na, “Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!” [Juan 19:5–6.]

Dahil nabubulagan ng kamangmangan, panatisismo, at pagkainggit, ang tanging nakita ng madla sa taong hinatulan ay ang kriminal, ang lumabag sa tradisyonal na batas, ang mamumusong (blasphemer); isang taong buong galit at di-makatwiran nilang hinatulang mamatay sa krus. Maliit na grupo lamang ng mga kalalakihan at kababaihan ang nakakita sa Kanyang tunay na pagkatao— ang Anak ng Diyos, ang Manunubos ng sangkatauhan!

Sa loob ng labingsiyam na siglo ang pagsilang ni Cristo ay ipinagdiriwang ng mga bansang ang tawag sa kanilang sarili’y mga Kristiyano. Taun-taon ang tugtog ng kampana, ang indayog ng musika, at ang pagpapahayag ng mga tinig ay nagkakaisa sa pagbabalitang muli sa mensahe ng anghel na “sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.” [Lucas 2:14.]

Gayunman, sa makasaysayang paglilitis na iyon, at sa paglipas ng mga taon, iba-iba ang naging pananaw ng mga tao sa Kanya. Ang ilan, na hindi tumanggap sa Kanya at galit na galit na gaya ng mga taong humiling na ipako Siya, ay nakita Siya at ang Kanyang mga disipulo bilang “mga imbentor ng sistema sa kagandahangasal ng mga Kristiyano na nagpababa at nagpahina sa makabagong daigdig ng Europa.” Ang iba na may mas malinaw na pananaw, na nakuha nila mula sa karanasan, ay nakita Siya bilang tagapasimuno ng isang sistema na “nagtataguyod ng kasipagan, katapatan, katotohanan, kadalisayan, at kabaitan; na sumusunod sa batas, sumasang-ayon sa kalayaan na kailangan dito, at magbubuklod sa mga tao sa isang malaking kapatiran.”

Itinuturing Siya ng marami bilang “perpektong tao—ang walang- takot na personalidad ng kasaysayan, ” ngunit itinatatwa ang Kanyang kabanalan.

Milyun-milyon ang tumatanggap sa Kanya bilang dakilang Guro, na ang mga turo ay hindi angkop sa makabagong kalagayan ng lipunan. Kakaunti—lubhang kakaunti!—sa mga naninirahan sa mundo, ang tumatanggap sa Kanyang tunay na pagkatao— “ang Bugtong na Anak ng Ama; na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, at upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan.” [Tingnan sa D at T 76:23, 41.]8

Pumarito sa lupa si Jesucristo para tubusin ang sangkatauhan.

Sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo, at sa mga taong nagmamahal sa kapayapaan saanmang dako, sinasabi namin, masdan sa Lalaking ito na taga Galilea hindi lamang ang isang dakilang Guro, hindi lamang bilang walang kapantay na Pinuno, kundi ang Pangulo ng Kapayapaan, ang May-akda ng Kaligtasan, dito at ngayon, literal at tunay na Tagapagligtas ng Daigdig!9

Hangad namin ang pagsulong ng lahat ng tao, at dalangin namin sa Diyos na pagpalain ang bawat tao na nagsisikap para sa ikabubuti ng sangkatauhan anuman ang uri ng kanyang pamumuhay; at sinasabi namin sa bawat tao na naniniwala na si Jesus ang Cristo at nagpapahayag nito: O Diyos, pagpalain po ang taong iyon. … si Jesus ang Manunubos ng daigdig, ang Tagapagligtas ng sangkatauhan, na pumarito sa lupa na may banal na misyon na mamatay para sa ikatutubos ng sangkatauhan. Si Jesucristo ay literal na Anak ng Diyos, ang Bugtong na Anak sa laman. Siya ang ating Manunubos, at sinasamba natin Siya, at pinupuri natin ang Diyos sa bawat indibiduwal na nasa balat ng lupa na sumasamba sa ating Panginoon at Guro bilang Manunubos ng daigdig.10

Mula sa umpisa ng kasaysayan ng daigdig, kung iisipin natin, hanggang sa kasalukuyan, ang ating Diyos Ama, sa iba’t ibang pagkakataon, kapwa sa kanyang sariling tinig at sa tinig ng kanyang mga propetang binigyan ng inspirasyon, ay nagpahayag na isusugo niya sa mundo ang Kanyang Bugtong na Anak. Nang sa gayon, sa pamamagitan niya at ng pagkabuhay na muli, na ang unang bunga ay ang ating Panginoon, ang lahat ng tao ay maaaring matubos sa kaparusahan ng kamatayan, na daranasin ng lahat ng tao. At sa pamamagitan ng pagsunod sa batas ng matwid na pamumuhay, na itinuro at ipinakita niya noong siya’y nabubuhay, ang mga tao ay malinis mula sa sariling kasalanan at maging mga tagapagmana ng Kaharian ng Langit.11

Ang pagsilang ni Cristo na ating Panginoon ay hindi simpleng pangyayari lamang, iyon ay malaking kaganapan sa kasaysayan ng daigdig na inasam ng mga propeta, na inawit ng mga makata, at ang tinig ng mga anghel ay nakiisa sa mga mortal sa pagbibigay papuri sa Diyos. Ang araw na iyon ay itinakda at inorden ng ating Ama na nasa langit kung saan ipakikita niya ang kanyang sarili sa kanyang mga anak, na narito sa lupa, sa katauhan ng kanyang Bugtong na Anak. …

Pumarito siya upang makita at makilala ng tao kung sino ang Diyos, dahil siya’y nagpatotoo na ang taong nakakita sa kanya ay nakita na ang Ama, dahil siya ang tunay na larawan ng kanyang pagkadiyos [tingnan sa Juan 14:7–9; Hebreo 1:3].

Pumarito siya upang ituro sa atin ang pagkatao ng Diyos, at sa pamamagitan ng halimbawa at tuntunin ay itinuro ang landas, na kung ating tatahakin, ay aakay sa atin pabalik sa kanyang kinaroroonan. Pumarito siya upang kalagin ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa atin, at ginawang posible ang pagkabuhay na muli kung saan napagtagumpayan ang kamatayan.12

Sa banal na ministeryo ng Kanyang buhay, ipinangaral ng Panginoon ang Ebanghelyo, at bilang mortal ay ipinakita Niya sa atin ang halimbawa ng perpektong tao.

Ang Ebanghelyo ay isang plano na gagabay sa mga tao sa kanilang pakikisalamuha sa isa’t isa dito sa lupa, at ito ang magtuturo ng daan sa kanilang espirituwal na buhay sa layunin na sila’y maligtas at dakilain sa mundong darating.13

Sa maikling panahon ng kanyang ministeryo ay itinatag niya ang kanyang Simbahan, pumili ng labindalawang apostol, na, kasama si Pedro bilang kanilang pinuno, ay ginawaran niya ng mga susi ng priesthood. Ipinaliwanag niya sa kanila ang organisasyon ng kanyang Simbahan at ang mga doktrina ng kanyang Ebanghelyo, na kapag sinunod ay maaaring matubos at maibalik sa kinaroroonan ng Diyos ang sangkatauhan.14

Ang buhay ni Jesucristo, na isinilang sa isang kuwadra, inihiga sa sabsaban, at ipinako sa pagitan ng dalawang magnanakaw, ay isa sa mga pinakamalaking kabiguan sa pananaw ng tao, ngunit ang ating Panginoon at Guro ay naparito sa lupa hindi para gawin ang Kanyang kalooban kundi ang kalooban ng Kanyang Ama, at matagumpay Niyang naisakatuparan ang Kanyang misyon. Napagtagumpayan Niya ang kamatayan, impyerno at libingan at nagantimpalaan ng luklukan sa kanang kamay ng Kanyang Ama.15

“Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.” [Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.]

Naniniwala tayo na si Cristo, na banal ang kapanganakan, ay isinilang ng babae, na nabuhay Siya bilang mortal, na ipinako Siya sa krus, na Siya’y namatay, nilisan ng Kanyang espiritu ang Kanyang katawan, at inilibing, at nang ikatlong araw ay nabuhay na muli, ang Kanyang espiritu at katawan ay muling nagsama. …

Nagpapatotoo kami na ang mga lalaki [Joseph Smith at Sidney Rigdon] na dinalaw ni Jesus noong kinukumpleto pa ang pagtatayo ng Kanyang Simbahan, ay iniwan ang talang ito hinggil sa maluwalhating pangitaing iyon:

“At habang kami ay nagbubulay-bulay sa mga bagay na ito, hinipo ng Panginoon ang mga mata ng aming mga pang-unawa, at ang mga ito ay nabuksan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa paligid.

“At aming namasdan ang kaluwalhatian ng Anak, sa kanang kamay ng Ama, at natanggap ang Kanyang kaganapan;

“At nakita ang mga banal na anghel, at sila na mga pinabanal sa harapan ng Kanyang luklukan, sinasamba ang Diyos, at ang Kordero, na siyang sumasamba sa Kanya magpakailanman at walang katapusan.

“At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa Kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa Kanya: Na Siya ay buhay!

“Sapagkat Siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na Siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

“Na sa Kanya, at sa pamamagitan Niya, at mula sa Kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.” [D at T 76:19–24.]

… Idinaragdag namin ang aming abang patotoo: na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, at Siya’y nabuhay na muli, at kung paano siyang nabuhay na muli ay gayundin na ang bawat lalaki, babae, at bata na nabuhay, ay magbabangon mula sa libingan bilang nabuhay na muling mga nilikha, gaya ni Cristo na nabuhay na muling nilikha, ang mabubuti ay mabubuhay sa maluwalhating kagalakan at walang hanggang pag-unlad.16

Nagagalak ako na malaman na si Jesus ang Manunubos ng daigdig, ang ating nakatatandang kapatid, at ang pangalan Niya at tanging ang pangalan Niya, na nag-iisa sa silong ng langit ang magbibigay sa atin ng kaligtasan upang makabalik at makapanirahan tayo sa piling ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas, at ng mga mahal natin sa buhay na pumanaw na.17

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, ang Tagapagligtas ay naghahandog sa atin ng walang katapusang kapayapaan, kaginhawahan, at kagalakan.

Sa pamumuhay ng Ebanghelyo ni Cristo, at sa kagalakang nagmumula sa paglilingkod sa Kanya, dumarating ang tanging kapayapaan na nagpapatuloy hanggang sa walang hanggan.

Sa madla ay sinabi ni Jesus:

“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.

“Sapagka’t malambot ang aking pamatok, at magaan ang aking pasan.” [Mateo 11:28–30.]

Sa Kanyang mga Apostol na nasa silid na pinagdausan ng Paskua ay sinabi Niya:

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.” [Juan 14:27.]

Pagagaanin ng Kanyang kapayapaan ang ating pagdurusa, gagamutin ang mga bagbag na puso, papawiin ang ating galit, lilikha sa atin ng pagmamahal sa kapwa na pupuspos sa ating kaluluwa ng kahinahunan at kaligayahan.

Ang Kanyang mensahe at ang kapangyarihan ng Kanyang nagbabayad- salang sakripisyo ay umaabot sa kadulu-duluhang bahagi ng mundo; pagpapalain nito ang mga tao sa liblib na mga karagatan. Saanman magpunta ang tao, palagi nilang makakaugnayan si Cristo. Kung saan Siya naroon ay naroon din ang Banal na Espiritu, pati na ang bunga nito na “pag-ibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat.” [Galacia 5:22.]

Siya ang ating ginhawa at kaaliwan, ang ating gabay at tagapayo, ang ating kaligtasan at kadakilaan, sapagkat “walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” [Mga Gawa 4:12.]

Nagmula sa Kanyang banal na kaalaman ang walang hanggang katotohanan na: “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” [Mateo 16:26.] “Sapagka’t” sabi ni Pablo, “ang kaharian ng Dios ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang katuwiran at ang kapayapaan at ang kagalakan sa Espiritu Santo.” [Tingnan sa Mga Taga Roma 14:17.]

Ilang sandali bago Niya ialay ang banal na panalangin [tingnan sa Juan 17], sinabi ni Jesus, habang nagtuturo sa mga apostol: “Ang mga bagay na ito ay sinasalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: ngunit laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.” [Juan 16:33.]18

Si Jesucristo ay buhay at ginagabayan Niya ang Kanyang Simbahan ngayon.

Si Jesucristo ay Anak ng buhay na Diyos. … Ipinahahayag natin sa buong mundo na alam nating buhay Siya.19

Ang Simbahang ito’y … kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain. Wala itong katulad sa buong mundo, dahil si Jesucristo, na Anak ng Diyos ang nagtatag nito, at siyang pinuno nito.20

Si Jesus ang Cristo, at Siya ang pangunang panulok na bato ng dakilang gawaing ito—Siya ang nangangasiwa dito at patuloy Niya itong gagabayan.21

Nagpapatotoo kami na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay nagpakita sa ating panahon kay Propetang Joseph Smith upang muling itatag ang Kanyang Simbahan na hindi na muling magigiba, na makalangit na mga sugo ang nagpanumbalik sa Kanyang priesthood at sa banal na awtoridad nito.22

Nag-uumapaw ang aking kagalakan sa pagsasalita, sa pagpapatotoo sa mga nakakasalamuha ko na alam kong buhay ang Diyos, na alam kong si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng daigdig, ang Manunubos ng sangkatauhan; na alam kong si Joseph Smith ay propeta ng tunay at buhay na Diyos, na ako’y may patotoo sa aking puso na si Brigham Young ay piling instrumento ng buhay na Diyos, na si John Taylor, si Wilford Woodruff, si Lorenzo Snow ay mga piling instrumento ng buhay na Diyos, at na ngayon si Joseph F. Smith ang kumakatawan sa buhay na Diyos at tagapagsalita ng Diyos dito sa mundo. [Ibinahagi ni Pangulong Grant ang patotoong ito noong ika-4 ng Oktubre 1918, mga pitong linggo bago niya palitan si Joseph F. Smith bilang Pangulo ng Simbahan.]23

Taimtim naming hiling sa mga tao ng daigdig na lumapit kay Cristo, dahil sa pamamagitan Niya ay darating ang pagkatubos sa lahat ng nagtataglay ng kanyang pangalan, at sumusunod sa mga utos na kanyang ibinigay. Nagpapatotoo kami na ang kaganapan ng kanyang ebanghelyo ay ipinanumbalik, na ang kanyang Simbahan ay naitatag, at patuloy na lalaganap hanggang sa manaig ang kapayapaan sa lahat ng tao, at ang kanyang kaharian ay darating at ang kanyang kalooban ang masusunod sa lupa gaya sa langit. O Panginoon, madaliin po Ninyo ang maluwalhating araw na iyon.24

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo “ang siyang kailangan ng daigdig ngayon higit sa anupamang bagay”? Anong mga makamundong impluwensya ang makapagpapahina sa pananampalataya ng mga tao kay Jesucristo bilang Anak ng Diyos? Ano ang maaari nating gawin para madagdagan ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas?

  • Anong kaibhan ang nagawa ng inyong patotoo hinggil sa Tagapagligtas sa inyong pang-araw-araw na buhay? Paanong ang pagkaalam na nagtagumpay ang Tagapagligtas sa lahat ng kalaban ay nagbibigay sa inyo ng pag-asa sa mga hamon na inyong kinakaharap?

  • Bakit pumarito sa lupa si Jesucristo? Paano natin mas mabuting matutulungan ang Panginoon sa Kanyang mga layunin?

  • Paano nagpapatotoo sa misyon ni Jesucristo ang pag-unlad ng Simbahan? Paano nakadaragdag sa inyong pangako na makibahagi sa kaharian ng Diyos ang kaalaman na si Cristo mismo ang tumatayong pinuno ng Simbahan?

  • Paanong maiimpluwensyahan ng pagkaunawa natin sa misyon ng Tagapagligtas ang ating mga pakikihalubilo sa mga taong hindi natin katulad ang pananampalataya?

Mga Tala

  1. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, na tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 1:183.

  2. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 146.

  3. Gospel Standards, 6–7.

  4. Gospel Standards, 22.

  5. “The Living Prophet, ” Improvement Era, Nob. 1926, 4, 8; binago ang ayos ng mga talata.

  6. “Analysis of the Articles of Faith, ” Millennial Star, ika-5 ng Ene. 1922, 2.

  7. Gospel Standards, 23–24.

  8. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, na tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 6:37–38.

  9. Sa Messages of the First Presidency, 6:39.

  10. Sa Conference Report, Abr. 1921, 203.

  11. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1930, 3–4; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  12. Sa Messages of the First Presidency, 5:246.

  13. Sa Messages of the First Presidency, 5:346.

  14. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1930, 6; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  15. “Letter from President Heber J. Grant, ” Millennial Star, ika-26 ng Peb. 1903, 131.

  16. Sa Messages of the First Presidency, 6:32–35.

  17. Sa Conference Report, Abr. 1916, 37.

  18. Sa Messages of the First Presidency, 6:140.

  19. Gospel Standards, 164.

  20. Sa Conference Report, Okt. 1924, 7.

  21. Sa Conference Report, Okt. 1909, 30.

  22. Sa Messages of the First Presidency, 6:34.

  23. Sa Conference Report, Okt. 1918, 24–25.

  24. Sa Messages of the First Presidency, 5:247–48.

Jesus rising from tomb

“Ang ating Panginoon at Guro ay naparito sa lupa hindi para gawin ang Kanyang kalooban kundi ang kalooban ng Kanyang Ama, at matagumpay Niyang naisakatuparan ang Kanyang misyon. Napagtagumpayan Niya ang kamatayan, impiyerno at libingan at nagantimpalaan ng luklukan sa kanang kamay ng Kanyang Ama.”