Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 13: Mga Alituntunin ng Pinansyal na Seguridad


Kabanata 13

Mga Alituntunin ng Pinansyal na Seguridad

Sa pag-iwas natin sa utang at pagbabayad ng ating mga ikapu at handog ay pinansyal at espirituwal tayong pinagpapala ng Panginoon at binibigyan tayo ng oportunidad na tumulong sa pagtatatag ng Kanyang kaharian.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Naapektuhan ng krisis sa ekonomiya ang malaking bahagi ng Estados Unidos noong 1893, na sumira sa daan-daang mga bangko, riles, mina, at iba pang negosyo. Ang krisis na iyon, na tinawag na Sindak ng 1893, ang gumulat kay Elder Heber J. Grant at sa iba pang mga tao. Nagkautang-utang si Elder Grant, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, na maraming taon niyang binayaran. Sa isang pananalita niya noong panahong iyon sinabi niya: “Nais kong ipagtapat sa inyo na nagkamali ako at ang iba. Bakit? Dahil masyado kaming nasabik na kumita kung kaya nagkautang-utang kami, at ngayo’y hindi namin mabayaran agad ang aming mga utang. … Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko ay may mga taong lumapit sa akin para maningil, at kinailangan kong humingi ng palugit sa pagbabayad. Kung patatawarin lang ako ng Panginoon kahit ngayon lang hinding-hindi na ako muling mangungutang. Nagsimula akong mangutang noong labingwalong taong gulang ako; pero makabayad lang ako sa mga utang ko ngayon, kontento na ako, palagay ko, sa mga biyaya ng Panginoon, anuman ang mga ito, maliit man o malaki.”1

Bilang Pangulo ng Simbahan, pinayuhan ni Heber J. Grant ang mga Banal tungkol sa pinansyal na seguridad, na inihahalimbawa ang sariling mga karanasan at sinusunod ang halimbawa ng kanyang sinundan na si Pangulong Joseph F. Smith. Tumuon si Pangulong Grant sa dalawang pangunahing alituntunin: ang kapayapaang dumarating kapag umiiwas tayo sa utang at ang mga pagpapalang temporal at espirituwal na natatanggap natin kapag nagbabayad tayo ng mga ikapu at handog. Noong Abril 1932 itinuro niya ang mga alituntuning ito sa pangkalahatang kumperensya ng Relief Society. Noo’y panahon ng Matinding Kahirapan [Great Depression], ang laganap na krisis sa ekonomiya at kawalan ng trabaho. Pinagalitan ni Pangulong Grant ang mga Banal sa hindi pagsunod sa payo na natanggap nila mula kay Pangulong Smith:

“Kung nakinig lang ang mga taong kilala bilang mga Banal sa mga Huling Araw sa ibinigay na payo ng sinundan ko sa kinatatayuan ko ngayon, sa ilalim ng inspirasyon ng Panginoon, na nananawagan at humihimok sa mga Banal sa mga Huling Araw na huwag mangutang, hindi sana gaanong naapektuhan ng matinding kahirapang ito ang mga Banal sa mga Huling Araw. … Palagay ko, ang pangunahing dahilan ng kahirapan sa buong Estados Unidos, ay ang pagkakabaon sa utang at pakikipagsapalaran ng mga taong gustong yumaman.”

Sa pagpapatuloy ng kanyang pananalita, binigyang-diin ni Pangulong Grant na kailangang iwasan ang mangutang. Hinimok din niya ang kanyang mga tagapakinig na magbayad ng mga ikapu at handog, kahit sa oras ng kahirapan. Binanggit niya na maraming taon na ang nakalipas nang magkautang siya para bumili ng stock sa Salt Lake Theatre, sa pag-asang maisasalba ang gusali sa pagkagiba:

“Nais kong makinabang sa karanasan ko ang lahat ng taong nakaririnig sa akin sa pagbili ng stock ng teatro. [Sa loob ng] 32 taon, … bawat dolyar na kinita ko ay nawala bago ako nagtagumpay. Napakabigat na problema, kung tutuusin, na magkaroon ng patay na kabayo, at pasanin ang kabayo sa loob ng 32 taon bago ito mailibing. Terible ang kalagayang iyon, at lahat ng ito’y dahil sa utang. Mula noon namuhay na ako ayon sa aking kinikita. …

“… Kung may nabubuhay na taong may karapatang magsabi na, ‘Huwag kang mangutang, ’ ang pangalan niya’y Heber J. Grant. Salamat sa Panginoon at nakabayad ako [sa lahat ng utang ko], nang walang katawad-tawad. Hindi ako naniniwalang mababayaran ko iyon kung hindi ako lubos na naging tapat sa Panginoon. Tuwing may pera ako, ang unang utang na binabayaran ko ay sa Panginoon, at walang dudang kung nakinig ang mga Banal sa mga Huling Araw sa payo ng Propeta ng Panginoon, at mahusay na nagbayad ng ikapu ay hindi sila maghihirap. Kung tapat sila at masigasig sa pagbabayad ng [mga handog-ayuno] maaalagaan natin ang bawat taong naghihirap sa Simbahang ito.”2

Ipinamuhay ni Pangulong Grant ang mga alituntuning itinuro niya, at sa huli ay nagtagumpay siya kapwa sa personal at anumang bagay na may kinalaman sa pananalapi ng Simbahan. Gayunman, lagi siyang maingat sa pagsasabing ang tunay na tagumpay ay hindi natatagpuan sa kakayahang kumita. Sabi niya: “Hindi ang taong naging mayaman, at dahil dito’y nabawasan ang likas na pagmamahal ng puso at nawalan ng pagmamahal sa kanyang kapwa, ang masasabing tunay na matagumpay: kundi siya na namumuhay sa paraan na lubos siyang minamahal ng mga nakakikilala sa kanya. At ang Diyos, na batid hindi lang ang kanyang mga gawa, kundi pati na ang nilalaman ng kanyang puso, ay mamahalin siya: ang gayong uri lamang ng tao—bagama’t maaaring mamatay sa kahirapan—ang tunay na masasabihang, ‘dapat siyang putungan ng korona ng tagumpay.’ ”3

Mga Turo ni Heber J. Grant

Sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa ating kinikita ay maiiwasan nating maging alipin ng utang.

Kung may isang bagay na magdudulot ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ng tao, at sa pamilya, iyon ay ang pamumuhay ayon sa ating kinikita. At kung may isang bagay na nakabibigat at nakapanghihina, iyon ay ang pagkakaroon ng mga utang at obligasyong hindi kayang balikatin ninuman.4

Binabalaan ko ang mga Banal sa mga Huling Araw na bumili lang ng mga sasakyan at ordinaryong pangangailangan sa buhay kapag may pambili na sila, at huwag isangla ang kanilang kinabukasan. … Nais kong sabihin sa inyo na ang mga pabaya sa kanilang kinabukasan, na nababaon sa utang dahil sa mga ordinaryong pangangailangan at luho sa buhay, ay mabibigatan sa patung-patong na interes na magdudulot ng malaking gulo at kahihiyan.5

Kung pag-aari ng isang tao ang anumang nasa kanya at hindi na kailangang magbayad ng interes, at bumibili lang kung may sapat na siyang pera, ang karamihan sa mga tao ay giginhawa. … Isinangla natin ang ating kinabukasan kapag hindi iniisip ang mga mangyayari—karamdaman, operasyon, atbp.6

Hindi natin masasabi kung anu-ano ang mangyayari. Ngunit may isang bagay tayong matitiyak, at iyon ay kung may pera tayong hawak para bumili ng radyo, sasakyan, o anupaman, at binili natin ito, magkano man ang abutin nito ay atin na ito.7

Naniniwala ako na halos lahat ng paghihirap ng karamihan sa mga tao ay maglalaho kung handa silang isantabi ang pagsusuot ng sutlang medyas, wika nga, at bumalik sa ordinaryong pananamit sa simpleng paraan; umiwas sa mga siyam-na-ikapu ng mga sineng pinanonood nila; bumalik sa pagiging matipid at masinop.8

Ang tapat na pagbabayad ng mga ikapu at handog ay naghahatid ng temporal at espirituwal na mga biyaya.

Nais kong ulitin sa mga Banal sa mga Huling Araw ang matibay kong paniniwala na pinasasagana, binibiyayaan at binibigyan ng karunungan ng ating Diyos Ama sa Langit ang mga taong talagang tapat sa kanya sa pagbabayad ng kanilang ikapu. Naniniwala ako na kapag nagigipit ang isang tao, ang pinakamainam na gawin para makaalpas sa kagipitang iyon (at naranasan ko ito mismo, dahil naniniwala ako na hindi lang minsan ako nagipit sa pera tulad ng iba) ay ang lubos na maging tapat sa Panginoon, at huwag kailanman tayo hahawak ng isang dolyar nang hindi nagbibigay ng ikasampung porsiyento nito sa Panginoon.

Hindi kailangan ng Panginoon ang pera mo o pera ko. Ang pagsunod sa batas ng ikapu at mga donasyon para sa mga bahay-pulungan ng ward, stake, paaralan, templo, gawaing misyonero at iba’t ibang pangangailangan ay para lahat sa ating kabutihan. Ang mga ito’y aral lang na natututuhan natin at magpapagindapat at maghahanda sa atin upang maging higit na makadiyos at marapat na bumalik sa piling ng ating Ama sa langit. Ang mga aralin sa pananalapi na ibinibigay sa atin ay tulad din ng aral na ibinibigay sa batang lalaki o babae sa paaralan; ang mga ito’y para sa ikabubuti ng batang lalaki; ang mga ito’y para sa ikabubuti ng batang babae, para sa kanilang pag-unlad, galak at kaligayahan sa kabilang buhay; dahil ang nakikinabang sa lahat ng kaalaman at impormasyong nakakamtan natin, at sa ating pag-unlad ay tayo mismo.

Bumuo ang ating Diyos Ama sa langit ng mga batas upang mapabuti ang kanyang mga tao sa pisikal, espirituwal, intelektuwal, at ang isa sa pinakamaiinam na batas sa buong mundo upang mapabuti ang mga Banal sa mga Huling Araw ay ang batas ng ikapu. Maraming tao ang naniniwala sa ebanghelyo at marahil ay tatanggap dito, kung hindi lang sila tulad ng binatang iyon na nababasa natin sa Banal na Kasulatan, na sinabihan ng Tagapagligtas na ipagbili ang kanyang mga ari-arian at ipamigay ito sa mga dukha, matapos ipahayag ng lalaki na “ang lahat ng mga bagay na ito ay ginanap ko, ” [tingnan sa Mateo 19:16–22]. Maraming tao ang hindi makatagal sa ebanghelyo dahil sa mga ipinagagawa nito ukol sa pananalapi, at hinahayaan nila ang mga makamundong bagay, na mahigpit nilang tangan, na nakawin sa kanila ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos, na tinatawag na buhay na walang hanggan. Inihahabilin ko ang batas ng ikapu sa mga Banal sa mga Huling Araw.9

Sa pakikipagtipan sa Diyos, ang batas ng kasaganaang pinansyal sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ang tapat na pagbabayad ng ikapu, at huwag nakawan ang Panginoon sa mga ikapu at handog [tingnan sa Malakias 3:8]. Kasaganaan ang hatid sa mga sumusunod sa batas ng ikapu. Kapag sinabi kong kasaganaan hindi lang pera ang tinutukoy ko. … Sa halip ang itinuturing kong tunay na kasaganaan, na siyang tanging mahalaga sa bawat taong nabubuhay, ay ang paglago sa kaalaman tungkol sa Diyos, at sa patotoo, at sa kapangyarihang ipamuhay ang ebanghelyo at bigyang-inspirasyon ang ating mga pamilya na gayon din ang gawin. Iyon ang tunay na kasaganaan.10

Matibay ang paniniwala ko na ang pananampalatayang walang mga gawa ay walang kabuluhan, at matibay ang paniniwala ko na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang pangakong bubuksan Niya ang mga dungawan ng langit at ibubuhos ang biyaya sa atin kung magbabayad tayo ng ating ikapu [tingnan sa Malakias 3:10].11

Naniniwala ako na binibiyayaan ang mga tao ayon sa pagiging bukas-palad nila. Hindi ko sinasabing marahil ay mas malaki ang kinikita nila kaysa sa iba. Ngunit hinggil sa paglago ng pananampalataya at patotoo at kaalaman sa kabanalan ng ating ginagawa, ang mga taong tapat sa Panginoon sa pagbabayad ng kanilang ikapu ay umuunlad samantalang ang mga hindi tapat ay hindi kailanman uunlad. Wala akong pag-aalinlangan dito. Gayundin, hangal ako sa paniniwala na karaniwang pinagpapala ng Panginoon ang mga nagbabayad ng kanilang ikapu at mas sagana ang kanilang buhay kaysa sa mga taong hindi gumagawa nito. Naniniwala ako na ang mga mapagbigay [ng mga donasyon] ay binibigyan ng Panginoon ng mga ideya, at mas mabilis ang paglago ng kanilang kakayahan kaysa sa mararamot. Bata pa ako’y ganito na ang paniniwala ko.12

Kung nagbibigay tayo ayon sa ating kabuhayan, kung nagbabayad tayo ng ating ikapu, gaano man kaliit ang ating kita, … palalaguin ng ating Diyos Ama sa Langit ang natitirang siyam na dolyar mula sa sampu, o ang natitirang apatnapu’t limang sentimo mula sa bawat limampu at magkakaroon kayo ng sapat na karunungan para magamit ito para sa inyong ikabubuti nang sa gayo’y walang mawala sa inyo sa pagiging tapat.13

Ang sukatan ng tagumpay sa mundo ay ang kakayahan ng mga tao na kumita ng pera. Ngunit nais kong sabihin sa inyong mga Banal sa mga Huling Araw na hindi ito ang totoong tagumpay. Habang umuunlad at lumalago ang tao sa mga makamundong bagay, kung hindi siya maingat, ay mawawala sa kanya ang Espiritu ng Panginoon, at matutuon ang kanyang puso sa mga bagay ng mundo. At kung mawawala sa kanya ang Espiritu ng Panginoon, at hindi siya magiging talagang tapat sa Diyos sa pagbabayad ng kanyang mga ikapu gaya ng pagsusulit niya sa kasosyo sa negosyo, mababawasan ng taong iyon ang kanyang lakas, kapangyarihan, patotoo ng Espiritu ng Diyos sa kanyang kaluluwa. Walang alinlangan iyan.

Dapat tayong maging tapat sa Panginoon. Ang malaking problema ay may mga taong habang umuunlad at lumalago sa mga makamundong bagay, ay itinutuon ang kanilang puso sa mga ito at nawawala sa kanila ang Espiritu ng Panginoon. Samakatwid, ang itinuturing ng mundo na tagumpay ay kabiguan; dahil kung gantimpala ang hahabulin ng isang tao at mabigong kamtin ito matapos magsikap nang husto habambuhay para kamtin ang gantimpalang iyon, tiyak na bigo ang kanyang buhay. Marami akong kilalang mga tao na, nang kumita nang kaunti, ay naging lubos na tapat sa Panginoon at nagbayad ng ikasampung bahagi. Ngunit nang kumita na ng malaki ay isa hanggang dalawa o tatlong porsiyento na lang ang ibinayad, sa halip na sampu. Ano ang nangyari? Kasi, nagiging gahaman ang tao, tumitindi at lumalakas ang pagnanasa niya sa pera kung hindi siya maingat, tulad na lang ng pagnanasa sa alak. Mangingibabaw ito sa kanya, at minamahal niya ang pera sa halip na mahalin lang ito dahil sa kabutihang magagawa niya rito. Hindi niya pinahahalagahang mabuti ang mga bagay-bagay.14

Ang ikapu ay batas ng Diyos at ang pagbabayad ng ikapu ay nagdudulot ng kapayapaan at kagalakan sa Banal sa mga Huling Araw na tumutupad nito. May kasiyahang dumarating sa puso ng taong lubos ang katapatan sa Panginoon, sa pag-aambag ng kanyang kabuhayan sa pagtatatag ng Simbahan ni Cristo, at sa puso ng bawat tapat na nagbabayad ng buong ikapu. Bawat biyayang tinatanggap natin ay nanggagaling sa Diyos. Utang natin sa Kanya ang bawat hininga natin, at bigay Niya sa atin ang lahat ng mayroon tayo. Hinihiling Niyang magpakita tayo ng pagpapahalaga at kilalanin ang Kanyang kabutihan, sa pamamagitan ng pagbabalik sa Simbahan para sa kapakanan nito at sa pagpapalaganap ng ebanghelyo sa tahanan at sa ibang bansa, ng ikasampung bahagi ng ating tinatanggap, na lahat ay nagmula sa Kanya.

Muli’y sinasabi ko na hindi ko maunawaan kung paanong ang isang taong lubhang matapat sa pakikitungo niya sa kanyang kapwa at mag-iisip na magbayad ng kanyang utang sa tindahan kung kaya din lamang niyang magbayad, ay magpapabaya sa mga obligasyon niya sa Diyos. …

Isinasamo ko sa mga Banal sa mga Huling Araw na maging tapat sa Panginoon at nangangako ako sa kanila na makakamtan ng mga matapat sa ating Ama sa Langit ang kapayapaan, kaunlaran, at pinansyal na tagumpay, dahil tumutupad sila sa batas at sa obligasyon. Pagpapalain Niya sila sa paggawa ng gayon. At ang pagiging lubos na tapat sa Panginoon ang pinakamainam na paraan ng pagtuturo ng pananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo sa inyong mga anak. … Kapag itinutuon natin ang ating puso sa mga makamundong bagay at bigong maging lubos na tapat sa Panginoon, hindi madaragdagan ang ating liwanag at kapangyarihan at lakas ng ebanghelyo na dapat sanang mangyari.15

Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pribilehiyong magbayad ng ikapu. Nagagalak akong magkaroon ng oportunidad na ipakita ang pasasalamat ko sa aking Ama sa Langit sa mga biyayang bigay Niya sa akin.16

Dapat tayong maging bukas-palad sa ating pinansyal na mga biyaya upang makatulong sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa.

Ang isa pang bagay na nais nating matutuhan bilang mga Banal sa mga Huling Araw—at napagsikapan ko na itong matutuhan— ay ang … ilimita ang ating sarili sa mga pangangailangan sa buhay, at huwag magumon sa magagastos na nakagawian. Kung may sobra tayo, gamitin ito ayon sa mga hangarin ng Diyos—para sa pagsulong ng Kanyang Kaharian at pagpapalaganap ng Ebanghelyo. …

Kung pag-uusapan ang mga ari-arian natin ay wala namang halaga iyon sa atin, maliban kung handa at kusa nating gagamitin ito para isulong ang Kaharian ng Diyos. Tungkulin nating tustusan ang kailangan ng ating mga pamilya; pero hindi tayo dapat mamuhay sa layaw. Hindi natin tungkuling magtrabaho para yumaman at magpaganda. …

Kung matututuhan nating gamitin nang kusa ang mga bagay na bigay ng Diyos sa atin para isulong ang Kanyang Kaharian, hindi magkakaroon ng problema sa pera ang mga Banal sa mga Huling Araw; bibigyan sila nang sagana ng Panginoon. Ang kailangan nating gawin ay hangarin ang liwanag at inspirasyon ng Kanyang Espiritu upang gabayan tayo lagi, at idaragdag Niya ang lahat ng bagay na kailangan natin.17

Mahal ng Panginoon ang bukas-palad magbigay. Walang taong nabubuhay sa lupa na makapagbibigay sa mga dukha, makababayad para sa pagtatayo ng mga bahay-pulungan at templo, … gagamitin ang kanyang kabuhayan at ipadadala ang kanyang mga anak upang ipahayag ang ebanghelyo, nang hindi inaalis ang pagkamakasarili sa kanyang kaluluwa, gaano man siya karamot noong una siyang magbigay ng donasyon. Iyan ang isa sa pinakamainam na bagay sa buong mundo para sa tao—ang mawala nang tuluyan ang likas na pagkamakasarili. Kapag nawala na iyon sa kanilang pag-uugali, masaya sila at sabik at handa at naghahangad sa oportunidad na gamitin sa kabutihan ang kabuhayang inilagak ng Panginoon sa kanilang mga kamay, sa halip na tangkaing palaguin pa ito.18

Ang pera ay hindi pagpapala mula sa Diyos. Nagiging pagpapala lang ito kung biniyayaan tayo ng talino, ng dunong, at ng Espiritu ng Diyos para magamit ang mga ito sa matalino at wastong paraan, at isulong ang kaharian ng Diyos sa lupa. Kung sagana tayo sa mga bagay ng mundo subalit hindi naman natin nakikita kung ano ang mahalaga … sa halip na maging pagpapala ito mula sa Diyos, ito’y nagmumula sa diyablo.19

Ang natural na pag-uugali ng tao, gaya ng madalas kong banggitin, ay ang pagiging makasarili, sakim, at hilig na magpayaman; ang isipin ang sarili at sarili lamang, at planuhin ang sariling pagunlad. Ngunit kabaligtaran nito ang lahat ng turo ng Ebanghelyo. Nakikita natin na ang mga ipinagagawa sa atin para makabayad ng mga ikapu at handog-ayuno … at mag-ambag ng ating kabuhayan para maihatid ang Ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig—ang nagaalis ng pagiging makasarili at kasakiman sa puso ng tao. Sa halip na maging makasarili, ang matapat na Banal sa mga Huling Araw ay napupuspos ng pag-ibig sa Ebanghelyo, ng hangaring mag-ambag ng panahon at kabuhayan para sa ikasusulong ng kaharian ng Diyos. Ang Ebanghelyo, kung tapat tayo sa mga ipinagagawa sa atin na pinansiyal, ay ginagawang bukas-palad, marangal, at mapagbigay ang makasarili at sakim na tao. … Pinupuspos tayo ng Ebanghelyo ng hangaring talikuran ang mga bagay ng mundo, kung kinakailangan, para magpunta sa mga dulo ng daigdig, nang wala ni isang dolyar na gantimpala, para sa kapakanan at kaligtasan ng ating kapwa tao.20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Sa paanong paraan pagkaalipin ang utang? Anong mga pagpapala ang natatanggap natin kapag namumuhay tayo ayon sa ating kinikita? Anong mga kaugalian ang makatutulong sa atin para makalaya o makaiwas sa utang?

  • Sa paanong paraan tayo mabibiyayaan kapwa sa pinansyal at sa espirituwal kapag sumusunod tayo sa batas ng ikapu? Paano maituturo ng mga magulang sa kanilang mga anak ang mga alituntunin ng ikapu at mga handog?

  • Bakit mahalagang maging tapat sa Panginoon at sa ating kapwa? Sa paanong paraan nagiging biyaya sa mga bata ang pagkakaroon ng mga magulang na talagang tapat sa Panginoon?

  • Bakit tayo maaakay ng makamundong tagumpay sa pagkawala ng Espiritu ng Panginoon? Ano ang maaari nating gawin para maiwasto ang pananaw natin sa tagumpay sa pananalapi?

  • Ano ang mga responsibilidad natin kapag binibigyan tayo ng mga materyal na biyaya ng Diyos? Anong pag-uugali ang maaaring makahadlang sa atin sa pagtupad sa mga responsibilidad na ito?

  • Anong kapangyarihan ang ibinibigay sa atin ng pera, kung wasto ang pananaw natin ukol dito?

Mga Tala

  1. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostoles, and Others, na tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 3:374.

  2. Relief Society Magazine, Mayo 1932, 299, 302.

  3. Sa “Symposium of Best Thought, ” Improvement Era, Peb. 1898, 283.

  4. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 111.

  5. Gospel Standards, 111.

  6. Gospel Standards, 112.

  7. Gospel Standards, 112.

  8. Gospel Standards, 113.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1921, 6–7; binago ang ayos ng mga talata.

  10. Gospel Standards, 58.

  11. Relief Society Magazine, Mayo 1932, 303.

  12. Gospel Standards, 64.

  13. Gospel Standards, 61.

  14. Gospel Standards, 181; binago ang mga talata.

  15. Gospel Standards, 60–61.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1912, 50.

  17. Sa Collected Discourses, 3:374–75; binago ang ayos ng mga talata.

  18. Gospel Standards, 62.

  19. Gospel Standards, 108–9.

  20. Sa Collected Discourses, 4:356.

couple managing finances

Dapat magtulungan ang mga mag-asawa sa pamamahala ng kanilang salapi. Sinabi ni Pangulong Heber J. Grant, “Kung may isang bagay na magdudulot ng kapayapaan at kapanatagan sa puso ng tao, at sa pamilya, iyon ay ang pamumuhay ayon sa ating kinikita.”