Kabanata 18
Ang Awitin ng Puso
Kapag kinakanta natin ang mga himno ng Sion sa tamang diwa, nag-aalay tayo ng mga panalangin sa Panginoon at inaanyayahan ang impluwensiya ng Espiritu Santo sa ating buhay at sa buhay ng iba.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Gustung-gustong inaawit ni Pangulong Heber J. Grant ang mga himno ng Sion, kahit na nawawala siya sa tono. Noong Abril 1900, habang naglilingkod siya bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, inilaan niya ang isang buong talumpati sa kahalagahan ng pag-awit ng mga himno. Sa pananalitang ito, na ibinigay niya sa pangkalahatang kumperensya ng Deseret Sunday School Union, nagbahagi siya ng mga kuwento tungkol sa kanyang pagsisikap na matutong umawit:
“Buong buhay ko’y gustung-gusto kong umawit. Noong ako’y sampung taong gulang sumali ako sa klase ng pag-awit, at sinabi sa akin ng propesor na hindi ako kailanman matututong umawit. Mga ilang taon na ang nakararaan [isang lalaki] ang nagsabing nakakaawit ako, pero gusto raw niyang mga apatnapung milya ang layo niya habang umaawit ako. …
“Noong bata pa ako, maliban sa nanay ko’y wala ng ibang babaeng nabubuhay na interesedo sa akin, nagbigay sa akin ng maraming payo ng ina o tila higit na nagmahal sa akin maliban kay Sister [Eliza R.] Snow. Buong puso ko siyang minahal, at gustunggusto ko ang kanyang himnong, “Aking Ama.” Nabanggit ko noong nakaraang apat na buwan kay Brother Horace S. Ensign na handa akong gugulin ang apat o limang buwan ng libreng oras ko kung matututuhan ko lamang awitin ang himnong iyon. Sinabi niya sa akin na kahit sino ay matututong umawit kung gayon kasigasig. Sinabi ko sa kanya na kung mayroon man akong katangiang taglay iyon ay ang pagiging masigasig. Kaya iminungkahi kong maupo kami at gusto kong ituro niya sa akin ang unang aralin ukol sa awit na iyon sa loob ng dalawang oras. Patuloy pa rin ako sa mga aralin magmula noon. …
“Sinasabi ko ito dahil dama kong dapat nating himukin ang ating mga kabataan na matutong umawit. Bilang mang-aawit, nasayang ang tatlumpu’t tatlong taon ng buhay ko. Sinabihan ako noong sampung taong gulang pa lang ako na di ako kailan man matututong umawit. Natuto lamang ako nang apatnapu’t tatlong taon na ako, at gumugol ako ng mga apat o limang buwan sa pagsisikap na matutuhang awitin ang mga himnong, ‘Ang Diyos ay kumikilos sa mahimalang paraan, ’ at ‘Aking Ama.’ Natutuhan ko ang isa dahil sa damdamin at pagmamahal ko sa may-akda, at ang isa ay dahil ito ang paboritong himno ni Pangulong Wilford Woodruff sa himnaryo.
Kaagad matapos ang pananalitang ito, inawit ni Elder Grant ang himnong “Aking Ama.” At sinabing, “Isa lang ang pakay ko ngayong gabi sa pagsasalita at pag-awit, at ito’y upang himukin ang mga kabataan na huwag sayangin ang tatlumpu o apatnapung taon ng kanilang buhay bago mag-aral na umawit. … Sa patuloy na pagsisikap ay matututong umawit ang isang tao na walang kaalam-alam sa musika, gaya ng nangyari sa akin.”1
Mga Turo ni Heber J. Grant
Ang awitin ng puso ay isang panalangin sa Panginoon.
Ang pag-awit ay napakagandang bahagi ng pagsamba ng mga Banal sa mga Huling Araw.2
Ang pag-awit ng ating sagradong mga himno, na isinulat ng mga tagapaglingkod ng Diyos, ay may mabisang epekto sa pagpapabalik- loob sa mga tao sa mga alituntunin ng ebanghelyo at sa pagtataguyod ng kapayapaan at espirituwal na pag-unlad. Ang pag-awit ay panalangin sa Panginoon, gaya ng sabi Niya: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagagalak sa awitin ng puso; oo, ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo.” [D at T 25:12.]3
Ang aking kaluluwa’y nagagalak sa tuwina sa pakikinig sa pagawit, lalo na dahil mahal na mahal ko ito sa buong buhay ko, at nagagalak ako na makapanalangin ngayon sa Panginoon, “sa mga awitin ng puso.” Para sa akin kung tatandaan nating lahat ang mga salita ng Panginoon, na ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa kanya, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa ating mga ulo, at palaging dadalangin sa ating Ama sa Langit sa malalambing na awitin ng Sion, at masigasig at matapat na uulit-ulitin sa ating mga puso ang mensahe ng ating magagandang himno, ay talagang mapapasa atin ang mga ipinangakong pagpapala, na hiling kong subukan at kamtin ng mga Banal.4
Dapat nating iwasan ang mga awitin na nagtuturo ng maling doktrina.
Tandaan natin ang uri ng mga awiting gusto ng Panginoon, mga awiting naglalaman ng Ebanghelyo. Nakadalo na ako sa mga kumperensya kung saan nakarinig ako ng tatlo o apat na mga awitin, na naglalaman ng mga salitang hindi ko matanggap. Sinaliwan ito ng mabuting musika ngunit hindi mabuti ang doktrina ng mga ito.5
Kapag mas maganda ang musikang sumasaliw sa maling doktrina, lalong nagiging mapanganib ito. Nakikiusap ako sa lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw, at lalo na sa ating mga koro, na huwag kailanman kantahin ang mga salita ng isang awitin, gaano man kaganda at kasigla ang musika nito, kapag ang mga turo ay hindi lubos na naaayon sa mga katotohanan ng ebanghelyo. …
… Walang mang-aawit, o samahan ng mga mang-aawit, sa Simbahan, na dapat magtanghal ng isang seleksyon maliban kung ang mga salita nito’y lubos na naaayon sa mga katotohanan ng ebanghelyo, at maibibigay mula sa puso ng mang-aawit. Sa madaling salita, ang ating mga awitin ay talagang dapat na “mga panalangin sa Panginoon.” [Tingnan sa D at T 25:12.] Kung maingat tayo at kakantahin ang gayong mga awitin lamang, doon pa lang tayo makatitiyak sa mga pagpapala na ipinangako ng Panginoon, dahil ang kanyang mga pangako ay “tunay at tapat at matutupad na lahat.” [Tingnan sa D at T 1:37.]6
Ang pagkanta ng mga himno ay makapagdudulot ng payapa at makalangit na impluwensiya sa ating buhay.
Nagpapasalamat ako sa Panginoon sa inspirasyong dulot ng kanyang Espiritu sa marami nating mga miyembro sa pagsusulat ng magandang musika na gamit natin sa mga himno. … Pagpalain nawa ng Diyos ang ating mga kompositor at ating mga makata na nagbigay ng gayong mga inspiradong salita at nagbibigay-sigla at kanais-nais na musika.7
Tiwala ako na ang mga himno ng Sion, kapag inawit sa tamang diwa, ay nagdudulot ng kapayapaan at makalangit na impluwensiya sa ating mga tahanan, at tumutulong din sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo.8
Walang higit na nakalulugod at nakapagbibigay-sigla kaysa sa musika sa tahanan, at dahil marunong na akong umawit, karaniwan ay kumakanta kami ng himno sa aming tahanan tuwing umaga bago ang panalangin ng mag-anak. Mayroon talagang kalugud- lugod na impluwensya na kaakibat ang pagkanta ng mga awitin ng Sion, at para sa akin ang pagkanta ay dapat gawing bahagi ng pagsamba ng pamilya ng mga Banal.9
Huwag nating kalimutan ang ating mga himno kapag pumupunta tayo sa bahay ng pagsamba. Hayaang umawit ang kongregasyon; at talagang hayaan ang mga miyembro ng koro na maging pamilyar sa magagandang titik na nasa ating mga himno.10
Naaalala ko ang isang pangyayari na nagpapakita kung paanong may kapangyarihan ang awitin na payapain ang galit na damdamin at magdulot ng pagkakaisa sa mga puso ng tao na puno ng diwa ng pagtatalo. Matagal na itong nangyari at kinasangkutan ng away sa pagitan ng dalawang matatanda at matatapat na kapatid na lalaki na naging miyembro noon pang kapanahunan ng Nauvoo. Ang mga lalaking ito’y puno ng integridad at katapatan sa gawain ng Panginoon. Dumanas sila ng maraming hirap sa Nauvoo at nagdusang kasama ng mga Banal nang sila’y usigin at itaboy doon, pati na ang hirap ng mga tagabunsod, na bahagi ng paninirahan noon sa kanluran. Nag-away ang mga lalaking ito tungkol sa negosyo, at sa huli’y nagpasiyang humingi ng tulong kay Pangulong John Taylor upang maayos ang kanilang problema.
Si John Taylor noon ang pangulo ng Konseho ng Labindalawang Apostol. Matapat na nangako ang mga kapatid na ito na buong katapatan nilang tatanggapin ang anumang desisyon na ibibigay ni Brother Taylor. … Hindi nila kaagad sinabi sa kanya kung ano ang kanilang problema, ngunit ipinaliwanag na matindi ang pinag-awayan nila at tinanong siya kung gusto niyang pakinggan ang kanilang kuwento at ibigay ang kanyang desisyon. Pumayag naman si Pangulong Taylor. Ngunit sabi niya: “Mga kapatid, bago ko dinggin ang inyong kaso, gusto kong kantahin ang isa sa mga awitin ng Sion para sa inyo.”
Mahusay na mang-aawit si Pangulong Taylor, at magiliw at buong damdaming binigyang buhay ang ating sagradong mga himno.
Kinanta niya sa dalawang kapatid ang isa sa ating mga himno.
Nang makita ang epekto nito sa dalawa, sinabi niyang di pa siya nakinig sa isa sa mga awitin ng Sion nang hindi hinangad na pakinggan ang isa pa, at hiniling niya sa kanila na makinig habang inaawit niya ang isa pa. Siyempre, pumayag sila. Tila nagustuhan ng dalawa iyon; at, matapos kantahin ang pangalawang awitin, sinabi niyang narinig niya na suwerte ang tatlo at kung payag sila ay kakanta siya ng isa pa, na ginawa nga niya. At pabiro niyang sinabi: “Ngayon, mga kapatid, ayaw ko kayong pagurin, pero kung ipagpapaumanhin ninyo, at makikinig sa isa pang himno, pangakong titigil na ako sa pagkanta, at diringgin ang inyong kaso.”
At ayon sa kuwento nang matapos ni Pangulong Taylor ang pang-apat na awitin, ang mga kapatid ay naantig kung kaya napaiyak sila, tumayo, nagkamayan, at humingi ng paumanhin kay Pangulong Taylor sa pagkatawag sa kanya at paggambala sa kanya. Pagkatapos sila’y humayo nang hindi man lang niya nalaman kung ano ang problema nila.
Ang pagkanta ni Pangulong Taylor ang nagpabago sa damdamin nila sa bawat isa, at naging magkaibigan sila muli. Inantig ng espiritu ng Panginoon ang kanilang mga puso, at ang alitan na namagitan sa kanila ay naglaho. Sumibol sa kanilang kaluluwa ang pagmamahal at kapatiran. Ang maliliit na bagay na pinag-awayan nila ay hindi na naging mahalaga pa sa kanila. Ang mga awitin ng puso ang pumuspos sa kanila ng diwa ng pagkakasundo.11
Sina Elder J. Golden Kimball at Charles A. Welch, na kapwa di magaling sa pagkanta, habang nasa misyon sa Southern States, ay nakatakdang magbinyag ng ilang nagbalik-loob; may mga mandurumog na nagtipon at sinabihan ang mga kapatid na kung itutuloy nila ang balak nilang magbinyag ay itatapon sila ng mga mandurumog sa ilog. Nagpasiya ang mga kapatid na magpatuloy kahit ano pa ang mangyari. Gayunman, bago gawin iyon, kinanta nila ang isang awitin. Ang awitin ay nagkaroon ng epekto sa mandurumog kung kaya halos di sila makakilos. Itinuloy ng mga kapatid ang kanilang mga pagbibinyag, at lumayo nang kaunti para mapagtibay ang mga nabinyagan. Isang mensahe ang dumating mula sa mga mandurumog na hinihiling na kantahin nila muli ang awiting iyon, at pumayag silang pagbigyan ang kahilingan. Ang pinuno ng mandurumog na si Joseph Jarvis ay sumapi sa Simbahan matapos iyon, at sinabi kay Elder Kimball na ang mga titik ng himno, at ang inspirasyong taglay ng pagkanta, na binanggit sa itaas, ang nagpabalik-loob sa kanya sa Ebanghelyo. Ayon sa natatandaan ni Brother Kimball ang himnong iyon ay ang “Ang Katotohanan sa Atin.” [Tingnan sa Mga Himno, 172.]12
Malaki ang nawawala sa mga tahanan ng mga tao sa hindi nila pagkanta ng mga awitin ng Sion. Ipinagkakait ng maraming misyonero sa kanilang sarili ang kalakasan at kapangyarihan at kakayahang gumawa ng mabuti, at makipagkaibigan, sa hindi pagkatutong umawit. … Ang mga awitin ng Sion ay nagdudulot ng mabuting impluwensiya sa ating mga tahanan.
Hindi ang kagalingan sa pagsasalita ang magpapatunay sa puso ng mga tao, kundi ang Espiritu ng Makapangyarihang Diyos na nag-aalab sa inyong mga puso, at ang hangarin ninyong mailigtas ang mga kaluluwa. Sinabi ni Brigham Young na ang Espiritu ng Panginoon ang higit na nakapagpapabalik-loob sa mga tao kaysa sa kagalingan sa pagsasalita [tingnan sa Deseret News, ika-9 ng Peb. 1854, 4]. At sinasabi kong ang pagkanta ng mga himno ng Sion, bagaman di perpekto, kasama ang inspirasyon ng Diyos, ang higit na makaaantig sa puso ng matatapat kaysa kung kakantahin itong mabuti nang wala ang Espiritu ng Diyos. Umawit nang may Espiritu ng Diyos. Mahalin ang mga salitang inaawit ninyo. Mahal ko ang mga awitin ng Sion.13
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Bakit mahalagang awitin natin ang mga himno ng Simbahan? Bakit dapat nating awitin ang mga himno kahit hindi tayo magagaling na mang-aawit?
-
Sa paanong mga paraan makatutulong ang pag-awit ng mga himno sa pagsamba sa Panginoon sa tahanan at sa mga sakrament miting at iba pang mga pulong ng Simbahan?
-
Paanong ang “awitin ng mabubuti” ay panalangin sa Panginoon?
-
Ano ang “tamang diwa” sa pag-awit ng mga himno? Bakit “ang mga himno ng Sion, kapag inawit sa tamang diwa, ay nagdudulot ng kapayapaan at makalangit na impluwensiya”?
-
Sa anong mga paraan nakatulong sa inyo ang mga himno? Anong mga himno ang nagkaroon ng natatanging impluwensya sa inyong buhay? Bakit makabuluhan sa inyo ang mga himnong ito?
-
Ano ang ilang benepisyo ng pagkatutong awitin ang mga himno ng Simbahan na di pamilyar sa atin? Bakit makabubuting isaulo ang mga titik ng mga himno?
-
Bakit ang mga himno ng Simbahan at mga awitin sa Primary ang pinakaangkop na musika sa mga sakrament miting at iba pang mga pulong ng Simbahan?
-
Bakit lubhang mapanganib ang mga maling turo kapag inawit ang mga ito sa saliw ng magandang musika? Bakit mahalagang iwasan ang musika na may mga “turo [na] hindi lubos na naaayon sa mga katotohanan ng ebanghelyo”?
-
Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na matutuhan at mahalin ang mga himno ng Sion? Sa paanong mga paraan magagamit ng mga magulang ang mga himno at awitin sa Primary sa pagtuturo ng ebanghelyo sa kanilang mga anak?