Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 10: Ang Bisa ng Halimbawa


Kabanata 10

Ang Bisa ng Halimbawa

Sa pamamagitan ng pang-araw-araw na pagsasabuhay ng ating mga pinaniniwalaan, tumutulong tayo sa pagpapalakas ng mabuting pangalan ng Simbahan at binibigyang inspirasyon ang iba na ipamuhay ang ebanghelyo.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Sa papugay kay Pangulong Heber J. Grant, isinulat ni Elder John A. Widtsoe ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang kanyang buhay ay aral sa lahat.”1 Binanggit din ni Elder Samuel O. Bennion ng Pitumpu ang halimbawang ipinakita ni Pangulong Grant: “Siya’y palaging sabik sa paggawa ng mabuting bagay ng Panginoon; Diyos lamang ang nakapag-uutos sa kanya, at ipinakikita niya sa mga tao ang wastong halimbawa, at bilang bunga ang gawain ay lalong lumakas at naging higit na maluwalhati.”2

Bilang karagdagan sa pagpapakita ng mabuting halimbawa, itinuro ni Pangulong Grant na ang bawat miyembro ng Simbahan ay maaaring mamuhay sa paraan na magbibigay papuri at kaluwalhatian sa gawain ng Panginoon. Sabi niya, “Ang pinakadakila at kahanga-hangang mangangaral sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ang lalaki o babaeng sumusunod sa ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo.”3

Habang naglilingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, nakatanggap si Elder Heber J. Grant ng liham mula sa isang kaibigan na hindi miyembro ng Simbahan. Sa pananalita sa pangkalahatang kumperensya, binasa ni Elder Grant ang bahagi ng liham upang bigyang-diin na kailangang magpakita ng mabuting halimbawa ang mga Banal sa mga Huling Araw:

“ ‘Mahal kong Heber:

“ ‘… Alam mo, bukod sa matagal at matalik tayong magkaibigan, lagi akong humahanga sa kagalingan at katapatan ng damdamin ukol sa relihiyon ng mga lalaki at babae na katulad mo ang pananampalataya. Maraming beses at madalas kong sabihin, sa mga pakikipag-usap, na ang tanging mga taong relihiyoso na nakilala ko na namumuhay ayon sa itinuturo nilang mga alituntunin ng ebanghelyo ay ang mga Mormon ng Utah. At totoo ito.’ ”

Matapos basahin ito, sinabi ni Elder Grant: “Salamat at ang kaibigan ko ay walang kopya ng listahan ng mga hindi nagbabayad ng ikapu, … dahil baka hindi na niya sabihing ‘ang tanging mga taong relihiyoso na nakilala ko na namumuhay ayon sa itinuturo nilang mga alituntunin ng ebanghelyo ay ang mga Mormon ng Utah.’ Nagpapasalamat ako na ang mga Mormon na nakilala ng taong ito ay hindi lamang Mormon sa pangalan, kundi tunay na mga Banal sa mga Huling Araw. Nagkaroon siya ng gayong palagay tungkol sa mga Mormon dahil na rin sa mga nakakilala niya; at lagi kong sinasabi sa publiko na itinuturing kong tungkulin ng bawat Banal sa mga Huling Araw na ayusin ang kanyang buhay upang ang kanyang kilos ay magbigay inspirasyon sa lahat ng tao na igalang siya, at sa gayon ay lumikha ng paggalang sa lahat ng tao. Naaayon ito sa turo ng ating Tagapagligtas na hayaang magliwanag ang ating ilaw upang makita nila ang ating mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang Diyos at yakapin ang Ebanghelyo ni Jesucristo.”

Sa pagpapatuloy ng liham, binasa ni Elder Grant: “ ‘Ito ang humihikayat ng paggalang. … Taglay ng inyong mga tao sa pangaraw- araw na buhay ang kanilang paniniwala at kumikilos na tila iniisip na mahalaga ang mga pinaniniwalaang ito. …’ ”

Sa pagtukoy muli sa liham ng kanyang kaibigan, sinabi ni Elder Grant:

“Narito ang pangungusap na nais kong ikintal na mabuti sa inyong isipan:

“ ‘Kung mayroon mang (at ginuhitan ng kaibigan ko ang “mayroon mang”) pananampalataya na may kinalaman sa kawalang hanggan ng pag-iral sa hinaharap, ito na ang relihiyon na nagtataglay ng lahat ng bagay (at muling ginuhitan ng aking kaibigan ang “lahat”).’

“Naniniwala ba tayong mga Banal sa mga Huling Araw sa bagay na ito? Alam ba natin ang kahalagahan ng puna ng aking kaibigan? ‘‘Kung mayroon mang pananampalataya na may kinalaman sa kawalang hanggan ng pag-iral sa hinaharap, ito na ang relihiyon na nagtataglay ng lahat ng bagay.’ Kumbinsido ba tayo na nasa paniniwalang ito ang lahat ng bagay na may kinalaman sa kawalang hanggan ng pag-iral sa hinaharap? At taglay ba natin, gaya ng sinasabi ng ating kaibigan, ang ating pananampalataya sa pangaraw- araw nating buhay, at kumikilos na tila iniisip na mahalaga ang mga pinaniniwalaang ito.”4

Mga Turo ni Heber J. Grant

Pasan natin sa ating mga balikat ang reputasyon ng Simbahan.

Kilala na tayo ngayon sa kung ano tayo—mga matwid, mga taong may-takot sa Diyos; at tanging sa antas ng pagsunod natin sa Ebanghelyo, dahil alam nating ito ang totoo, ay doon natin patuloy na mapipigilan ang masasamang opinyon, magkakaroon ng mabuting pakikipag-ugnayan, at mapalalapit ang ibang tao sa atin.

Ang ganitong kondisyon ay dulot ng katotohanang alam natin, at marami sa ating mga tao ang sumusunod dito. Taglay ng bawat isa sa kanyang mga balikat ang reputasyon ng Kanyang Simbahan, at habang ipinamumuhay natin ang Ebanghelyo ni Jesucristo, tayo’y naghahatid ng papuri sa gawain ng Panginoon na muling itinayo sa lupa sa dispensasyong ito.

Lubos ang pasasalamat ko na ito ang kalagayan, at puno ng pasalamat ang puso ko sa Panginoon dahil sa kahanga-hangang pagbabagong nangyari, at umaasa akong ang bawat lalaki at babae na miyembro ng Simbahang ito’y mabibigyang inspirasyon na magpasiya sa abot ng kanilang makakaya at kapasidad na ipamuhay ang Ebanghelyong ito upang maipangaral ng kanilang buhay ang katotohanan nito.5

Ang mga reklamo laban sa Simbahan, ang kasamaan at pagsisinungaling ng ating mga tao sa kabuuan ay halos mapawi dahil alam na ng mga tao ang naisin ng ating mga puso, na hindi tayo galit sa mga taong umalipusta sa atin. Maraming beses tayong tinulungan ng Panginoon na makipagkaibigan sa ilan na minsa’y naging mga kaaway natin. Nalaman nila na ang bawat tunay na Banal sa mga Huling Araw ay tagapaglingkod ng Panginoon na naghahangad na malaman ang nais ipagawa sa kanya ng Panginoon. At bagamat ang personal nilang ambisyon ay maaaring kaiba ng sa atin, gayunman natututuhan ng mga tao na ang tunay na Banal sa mga Huling Araw ay isang taong nararapat pagkatiwalaan sa lahat ng bagay dahil hangad niyang malaman ang kagustuhan at kalooban ng Diyos. Kahit nadarama nilang mali ang paratang sa atin bilang mga tao, nauunawaan nila ang ating katapatan at integridad.6

Magpunta kayo kahit saan ninyo gusto kasama ang mga elder ng Israel, maglakbay mula sa isang Simbahan tungo sa isa pa, at makikita ninyo ang patotoo na nag-aalab sa puso ng mga Banal sa mga Huling Araw na ito ang gawain ng Makapangyarihang Diyos at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ang nagtatag nito. Nakikita ninyo ang patotoong ito, naririnig ninyo, ngunit palagi ba nating ipinamumuhay ang uri ng buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw? Namumuhay ba tayo nang angkop, habang isinasaalangalang ang dakilang patotoong ibinigay sa atin? Sinusunod ba natin ang Kanyang mga utos gaya ng nararapat nating gawin? Pasan natin sa ating mga balikat ang reputasyon, kung baga, ng Simbahan, bawat isa sa atin.7

Pagpalain nawa ng Panginoon ang mga tao ng Sion. Masunod nawa natin ang Kanyang mga utos sa paraan na ang lahat ng tao, sa pagkakita sa mabubuti nating gawa, sa ating katapatan, at integridad, ay maakay kahit paano upang igalang tayo, naniniwala man sila o hindi sa ating pananampalataya.8

Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nakagagawa ng mali ay maaaring magdulot ng kahihiyan sa kanilang sarili at sa layon ng katotohanan.

Naniniwala pa rin ako na ang Banal sa mga Huling Araw na nakagagawa ng mali ay hindi lamang papananagutin sa pagkakamaling iyon, kundi maging sa kahihiyang idinulot niya sa Simbahan. Kung sakaling malasing ang isang miyembro ng Simbahan at makita siya ng isang tao at nakita sa kanya ang unang halimbawa ng Mormon na nakita ng taong ito. Makikilala siya bilang Mormon, at mahahatulan ang lahat ng Mormon ayon sa kanyang kilos. Siya na nakakita nito ay magsasabing, “Kung iyan ang Mormonismo, ayaw kong maging bahagi nito, ” at kapag narinig niya ang ipangangaral na sermon ng isang Mormon siya’y lalayo. Maraming kasalanan na nilayon upang isara ang puso ng mga tao sa Kaharian ng Diyos.9

Ang pangangaral at pagsasalita ay walang kabuluhan maliban kung ang ating pamumuhay ay lubos na naaayon sa ating mga itinuturo.10

Nagbigay minsan ng napakagandang sermon ang isang lalaki. Sa huli’y sinabi ng isa niyang kaibigan: “Alam mo, ang ganda ng sermon, kahanga-hanga talaga, pero taliwas naman ang nakikita kong ginagawa mo kaya hindi ako naniniwala.”11

Narinig ko ang isang lalaki sa malaking salu-salo na kausap ang isa pa hinggil sa pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sabi niya, “Alam mo, ang mga ‘Mormon, ’ na sumusunod sa kanilang relihiyon ay hindi gumagamit ng tsaa, kape, tabako, o alak.” Ang sabi ng isa, “Hindi ako naniniwala diyan.” Sabi naman ng isang lalaki, “Totoo iyan.”

Ang dalawang di-“mga Mormon” na ito ay nakaupo sa isa sa mga mesa sa salu-salo. May dumating na “Mormon.” Ang taong nagtatanggol sa mga “Mormon” ay nagsabing, “Mormon iyan. Makikiupo siya sa atin. Pustahan tayo hindi siya iinom ng kape.” Tinanggap ang hamon. Ininom ng “Mormon” ang kape! Nang lumabas sila ay sinabi ng taong natalo sa pustahan, “Wala na akong tiwala sa taong iyon, sinabi pa niyang naniniwala siyang nagbigay ang Diyos ng pahayag kay Joseph Smith, na nagsasabi sa mga taong iwasan ang mga bagay na ito, at heto’t dumating siya at hayagang nilabag ang mga turo ng kanyang propeta. Nagtiwala ako noon sa taong iyon, pero di na ako magtitiwala sa kanya ngayon.”12

Kapag ipinamumuhay natin ang ating relihiyon, ang mabuti nating halimbawa ay nagsisilbing liwanag sa mundo.

Gusto kong sabihin sa mga Banal sa mga Huling Araw na kailangan natin na nakatanggap na ng patotoo na banal ang gawaing kinabibilangan natin, na ayusin ang ating buhay sa araw-araw upang ang kaluwalhatian ay maialay sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng mabubuting gawa natin, na pinapagliliwanag ang ating ilaw upang kapag nakita ng mga tao ang ating mabubuting gawa ay luwalhatiin nila ang Diyos [tingnan sa Mateo 5:16]. Walang mga tao sa mundo na pinagpala na gaya ng mga Banal sa mga Huling Araw; walang mga tao na nakatanggap ng gayong mga pagpapamalas ng kabutihan at awa at pagtitiis ng Diyos, at sinasabi kong tayo, higit sa lahat ng mga tao sa mundo ang dapat mamuhay na gaya ng Diyos at mamuhay nang matwid.13

Sinabi ng Tagapagligtas sa Kanyang mga tagasunod na sila ang asin ng lupa, ngunit kung tumabang ang asin, ito’y wala nang kabuluhan, kundi itatapon sa labas at yuyurakan ng mga tao. Sinabi din Niya na sila ang ilaw ng sanglibutan, ang bayan na nakatayo sa ibabaw ng isang bundok na hindi maitatago. Sinabi Niyang hindi pagniningasin ng isang tao ang ilawan at ilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa lalagyan ng ilaw, upang magbigay liwanag sa lahat ng nasa silid. At hinimok Niya silang papagliwanagin ang kanilang ilaw upang ang mga taong nakakakita sa kanilang mabubuting gawa ay luwalhatiin ang Diyos. [Tingnan sa Mateo 5:13–16.]

Ang payong ito ay angkop sa atin. Tayo ang ilaw ng sanglibutan. Natanggap natin ang inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos. Nakatanggap tayo ng patotoo ng ebanghelyo, at alam nating buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos. … Bawat tunay na Banal sa mga Huling Araw ay mayroon ng patotoong ito na nag-aalab sa kanyang puso. Ngayon, namumuhay ba tayo sa paraan na ang mabubuting gawa natin ay naghahatid ng papuri sa gawain ng Diyos? Ang mga halimbawa ba natin ay marapat pamarisan ng lahat ng tao? Ipinakikita ba natin sa pamamagitan ng ating halimbawa na mayroon tayong pananampalataya sa ebanghelyo?14

Naniniwala ako na tungkulin ng bawat miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na ayusin ang kanyang buhay upang ang kanyang mga halimbawa ay marapat pamarisan ng lahat ng tao. Sa gayong paraan ito’y maghahatid ng papuri at pagpapala sa kanyang sarili at sa kanyang mga inapo at makakalikha ng mga kaibigan sa gawain ng Panginoon. Ito ang dapat maging pinakamataas na ambisyon ng bawat Banal sa mga Huling Araw.15

Nawa tulungan tayo ng ating Ama sa langit na maging matapat at totoo sa kanya at palagi nating maipakita sa pamamagitan ng ating katapatan, ng katapatan natin sa mga lalaki at babae, at sa kabutihan ng ating buhay na tayo ay tunay na mga tagapaglingkod ng Diyos na buhay. Nawa magsikap tayo para sa paglaganap ng Ebanghelyo ni Jesucristo, ang siyang taimtim kong dalangin.16

Ang mabuti nating halimbawa ang maaaring umakay sa iba upang siyasatin ang plano ng buhay at kaligtasan.

Nawa maipamuhay ng bawat Banal sa mga Huling Araw ang ebanghelyo para maipahayag ang katotohanan nito sa pamamagitan ng kanyang halimbawa.17

Ang pinakadakila at lubos na kahanga-hangang mangangaral sa mga Banal sa mga Huling Araw ay ang lalaki o babae na ipinamumuhay ang ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo. “Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng iyong mga gawa” ang siyang bagay na mahalaga. Sinabi ni Santiago na ipakikita niya ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay. Ito ay gaya ng katawan na walang espiritu. [Tingnan sa Santiago 2:17–18, 26.] … Sa pamamagitan ng ating mga gawa, sigasig, katapatan, lakas, ay maipangangaral natin ang ebanghelyong ito. Nagsisimulang matanto at maunawaan ng mga tao ng daigdig ang katotohanan na ang mga bunga ng ebanghelyo ni Jesucristo, gaya ng itinuturo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ay mabubuting bunga. … Ang dakilang pamantayan na inilatag ng Tagapagligtas ng daigdig ay, “Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila.” [Mateo 7:20.] Hinahamon ko ang kahit sino sa daigdig na humanap ng mga tao na mas maliligaya sa kanilang tahanan, kontento, maunlad, may integridad sa negosyo, mahinahon, at mas sumusunod sa mga batas ng Diyos at ng tao kaysa mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi ko tinutukoy ngayon ang mga Mormon na hindi sumusunod sa mga utos ng Diyos.18

Basbasan nawa kayong lahat ng Diyos. Nawa ang bawat isa sa atin na may patotoo sa kabanalan ng gawaing kinabibilangan natin ay isaayos ang ating buhay upang ang mga taong walang alam sa katotohanan, sa pagkakita sa ating kasigasigan, pananampalataya, kababaang-loob, at sa ating hangaring maglingkod sa Diyos ay maakay upang siyasatin nila ang katotohanang ibabahagi natin sa kanila. Ito ang aking dalangin at hangarin.19

Ang Diyos ay buhay; si Jesus ang Cristo; si Joseph Smith ay propeta ng Diyos na buhay; nasa atin ang katotohanan; at nawa sundin ito ng mga nakaaalam nito nang sa gayon siyasatin ng mga taong walang alam tungkol dito ang plano ng buhay at kaligtasan at magkamit ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng mga kaloob ng Diyos sa tao.20

Dalangin ko na ang mga pagpapala ng Makapangyarihang Diyos ay maibigay at manatili sa lahat ng miyembro ng Simbahang ito, sa lahat ng matatapat at masigasig na Banal sa mga Huling Araw. Nawa maipangaral natin ang Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng katapatan, ng kabutihan at ng katotohanan ng ating buhay. Kung gagawin natin ito, tiyak na magtatagumpay tayo sa huli.21

Nagpapasalamat ako nang higit pa sa kapangyarihan at kakayahang ibinigay sa akin ng Diyos upang maipahayag ko ang kaalaman na siya’y buhay, na ang Diyos ang ating Ama, at si Jesucristo ang ating Manunubos at Tagapagligtas.

Nawa tulungan tayo ng Panginoon at sikapin ng bawat kaluluwa na nakaaalam nito sa abot ng ating makakaya na ihatid ang iba sa gayunding kaalaman, sa pamamagitan ng ating halimbawa. Napakalaki ng pasasalamat ko sa ating Ama sa Langit na nakita niyang marapat lamang piliin si Joseph Smith na maging instrumento sa Kanyang kamay upang muling itatag sa mundo ang plano ng buhay at kaligtasan. Nawa’y pagpalain kayong lahat ng Panginoon, at basbasan nawa ang bawat matapat na kaluluwa sa lupa, at tulungan ang bawat Banal sa mga Huling Araw na mamuhay sa paraan na ang kanyang halimbawa ay magliliwanag at sa gayon ay makatulong ito sa paghahatid sa iba sa kaalaman ng katotohanan.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit malakas na impluwensiya ang halimbawa?

  • Ano ang ibig sabihin ng pasanin ang reputasyon ng Simbahan sa ating mga balikat?

  • Paano tayo magiging mas mabubuting halimbawa sa mga miyembro ng ating pamilya, sa ward o mga miyembro ng ward, at mga kapitbahay?

  • Sino ang ilang tao na ang mga halimbawa ay nakaimpluwensiya sa inyo? Bakit naimpluwensiyahan ng mga taong ito ang inyong buhay?

  • Ano ang ilang mga pagkakataon kung saan ang mabubuting gawa ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakapagbigay ng inspirasyon sa iba na siyasatin ang ebanghelyo?

Mga Tala

  1. “The Living Prophet, ” Improvement Era, Nob. 1926, 6.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1924, 107.

  3. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 95–96.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1901, 31–32.

  5. “As Other Men Judge Us, ” Improvement Era, Hunyo 1938, 327.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1939, 43–44.

  7. Sa Conference Report, Abr. 1944, 10.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1923, 158–59.

  9. Sa Collected Discourses Delivered by President Wilford Woodruff, His Two Counselors, the Twelve Apostles, and Others, na tinipon ni Brian H. Stuy, 5 tomo (1987–92), 2:102.

  10. Gospel Standards, 79.

  11. Improvement Era, Hunyo 1938, 327.

  12. “The Example of Abraham Lincoln and What It Should Mean in the Upholding of Constituted Law and Order, ” Deseret News, ika-18 ng Peb. 1928, bahaging Simbahan, V.

  13. Gospel Standards, 376.

  14. Gospel Standards, 45.

  15. Gospel Standards, 43.

  16. Sa Conference Report, Abr. 1925, 151.

  17. Deseret News, ika-18 ng Peb. 1928, bahaging Simbahan, V.

  18. Gospel Standards, 95–96.

  19. Sa Conference Report, Okt. 1925, 175.

  20. Gospel Standards, 41.

  21. Sa Conference Report, Abr. 1930, 25.

  22. Sa Conference Report, Okt. 1936, 16.

lighthouse

Ang mabuting halimbawa ng isang Banal sa mga Huling Araw ay maaaring magliwanag at maging tanglaw sa iba.