Kabanata 17
Pagiging Tapat na mga Mamamayan
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, tungkulin nating maging mga mamamayan na sumusunod sa mga batas at gawin ang lahat ng ating makakaya upang tulungan ang ating mga pamahalaan na tumakbo sang-ayon sa mga alituntunin ng kagandahang-asal.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
Si Pangulong Heber J. Grant ay itinalagang Pangulo ng Simbahan noong 1918, matapos ang Unang Digmaang Pandaigdig. Naglingkod siya hanggang siya’y mamatay noong 1945, nang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pinamunuan niya ang Simbahan sa gitna ng matinding problema sa ekonomiya noong Matinding Kahirapan (Great Depression), na nagdulot ng malaking problemang pinansiyal sa mga pamilya at komunidad sa buong daigdig. Habang hinihimok at tinutulungan niya ang mga Banal sa gitna ng kahirapan sa pananalapi, digmaan, at pagbangon mula sa pinsalang dulot ng digmaan, ang mga pamahalaan ay nagbabago sa lahat ng panig ng mundo. Naimpluwensiyahan ng mga pagbabagong ito ang kahalagahan ng hakbang na gagawin ng pamahalaan sa buhay ng bawat tao at naapektuhan din nito ang damdamin ng mga tao hinggil sa kanilang mga pamahalaan.
Sa gitna ng mga panahong ito na puno ng hamon, pinayuhan ni Pangulong Grant ang mga Banal na makialam sa mga isyu na nakaaapekto sa kanilang lokal, pangrehiyon, at pambansang mga pamahalaan. At hindi lang payo ang ibinigay niya; ginampanan niya mismo ang kanyang tungkulin. Halimbawa, sa kabila ng abala niyang buhay bilang Pangulo ng Simbahan, nagtrabaho siyang mabuti upang suportahan ang Prohibisyon, isang kilusan sa Estados Unidos na ginawang labag sa batas ang paggawa, pagbebenta, at pamamahagi ng mga inuming nakalalasing.
Tapat si Pangulong Grant sa mga batas ng kanyang sariling bayan, at itinuro niya na ang Saligang Batas ng Estados Unidos ay itinatag ng Diyos. “Mula noong aking pagkabata, ” sabi niya, “Naunawaan ko na naniniwala tayo nang lubos na ang Saligang Batas ng ating bansa ay inspiradong dokumento, at ginabayan ng Diyos ang mga lumikha nito at yaong mga nagtanggol sa kalayaan ng bansang ito.”1
Noong naglilingkod pa si Pangulong Grant bilang Apostol at Pangulo ng Simbahan, karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay taga Estados Unidos ng Amerika. Ito ang dahilan kung bakit karamihan sa kanyang sinabi tungkol sa pamahalaan ay may kinalaman sa Estados Unidos. Gayunman, ang kanyang mga turo ay mga pahayag ng katotohanan na angkop sa buong mundo.
Mga Turo ni Heber J. Grant
Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat sumuporta sa mga pinuno ng kanilang pamahalaan at sundin ang mga batas ng kanilang lupain.
Naniniwala ako nang walang pag-aalinlangan na tungkulin ng bawat Banal sa mga Huling Araw na itaguyod at ipamuhay ang batas.2
Narito ang pahayag ng Simbahan na nasa Bahagi 134 ng Doktrina at mga Tipan, hinggil sa ating paniniwala sa mga pamahalaan at mga batas sa pangkalahatan, na opisyal na tinanggap sa pamamagitan ng nagkakaisang boto ng lahat ng mga miyembro ng Simbahan mga isandaang taon na ang nakalilipas:
“Kami ay naniniwala na ang mga pamahalaan ay itinatag ng Diyos para sa kapakinabangan ng tao; at kanyang pinananagot ang mga tao sa kanilang mga gawa na may kaugnayan sa mga ito, kapwa sa paggawa ng mga batas at pagpapatupad sa mga ito, para sa ikabubuti at kaligtasan ng lipunan.
“Kami ay naniniwala na walang pamahalaang makaiiral sa kapayapaan, maliban kung ang gayong mga batas ay binalangkas at ipinalagay na hindi malalabag nang masiguro sa bawat tao ang malayang paggamit ng budhi, ang karapatan at pamamahala ng ari-arian, at ang pangangalaga ng buhay.
“Kami ay naniniwala na ang lahat ng pamahalaan ay kinakailangang humingi ng mga pambayang pinunong sibil at mga hukom upang ipatupad ang mga batas ng gayon din; at yaong mamamahala ng batas na pantay-pantay at makatarungan ay nararapat hanapin at itaguyod ng tinig ng mga tao kung isang republika, o ang kagustuhan ng pinakamataas na pinuno.
“Kami ay naniniwala na ang relihiyon ay itinatag ng Diyos; at ang tao ay masunurin sa kanya, at sa kanya lamang, para sa pagpapairal nito, maliban kung ang kanilang mga pangrelihiyong kuru-kuro ay magbubunsod sa kanila na manghimasok sa mga karapatan at kalayaan ng iba; subalit kami ay hindi naniniwala na ang batas ng tao ay may karapatang makialam sa mga iniatas na alituntunin ng pagsamba upang igapos ang mga budhi ng tao, o magdikta ng mga uri para sa pangmadla o pansariling pagsamba; na ang pambayang hukom ay nararapat na sugpuin ang krimen, subalit hindi kailanman pamahalaan ang budhi; nararapat parusahan ang may pagkakasala, subalit di kailanman sawatahin ang kalayaan ng kaluluwa.
“Kami ay naniniwala na ang lahat ng tao ay may pananagutan na pagtibayin at itaguyod ang kani-kanilang mga pamahalaan kung saan sila naninirahan, habang pinangangalagaan sa kanilang likas at hindi maikakait na mga karapatan ng mga batas ng mga gayong pamahalaan; at yaong panunulsol at paghihimagsik laban sa pamahalaan ay di nararapat sa bawat mamamayang sa ganito pinangangalagaan, at nararapat na parusahan nang naaayon; at na ang lahat ng pamahalaan ay may karapatang magpatupad ng mga batas na sa kanilang sariling paghuhusga ay kinalkulang pinakamahusay upang tiyakin ang kapakanan ng madla; at gayon man, kaalinsabay nito, pinamamalaging banal ang kalayaan ng budhi.
“Kami ay naniniwala na ang bawat tao ay nararapat igalang sa kanyang katayuan, tulad ng mga pinuno at hukom na itinalaga para sa pangangalaga sa mga walang malay at pagpaparusa sa mga nagkasala; at sa mga batas ang lahat ng tao ay nararapat gumalang at magpitagan, dahil kung wala ang mga ito ang kapayapaan at pagkakaisa ay mahahalinhan ng kaguluhang pambansa at sindak; ang mga batas ng tao ay itinatag para sa malinaw na layuning pangalagaan ang ating mga kapakanan bilang mga tao at bansa, sa pagitan ng tao at tao; at mga banal na batas na ibinigay ng langit, nag-aatas ng mga alituntunin na may kinalaman sa espirituwal na bagay, para sa pananampalataya at pagsamba, na kapwa pananagutan ng tao sa kanyang Tagapaglikha.
“Kami ay naniniwala na ang mga pinuno, bansa, at pamahalaan ay may karapatan, at may pananagutang ipatupad ang mga batas para sa pangangalaga ng lahat ng mamamayan sa malayang pagtupad ng kanilang pangrelihiyong paniniwala; subalit kami ay hindi naniniwala na sila ay may karapatan sa katarungan na alisan ang mga mamamayan ng pribilehiyong ito, o pagbawalan sila sa kanilang mga kuru-kuro, hanggang ang pagsasaalangalang at paggalang na ipinakikita sa mga batas at ang ganoong mga pangrelihiyong kuru-kuro na ito ay hindi magbibigay-katwiran sa panunulsol ni pagsasabwatan laban sa pamahalaan.
“Kami ay naniniwala na ang paggawa ng krimen ay nararapat parusahan alinsunod sa uri ng pagkakasala; na ang pagpaslang, pagtataksil, panloloob, pagnanakaw, at ang paggambala sa pangkalahatang kapayapaan, sa lahat ng kadahilanan, ay nararapat parusahan alinsunod sa kanilang kasamaan at sa kanilang pagkahilig sa masama ng mga tao, sa pamamagitan ng mga batas ng yaong pamahalaan na kung saan ang pagkakasala ay nagawa; at para sa kapayapaan ng madla at katahimikan ng lahat ng tao ay nararapat humakbang pasulong at gamitin ang kanilang kakayahan sa pagdadala ng mga nagkakasala laban sa mabubuting batas sa kaparusahan.
“Kami ay hindi naniniwala na makatarungang isama ang pangrelihiyong kapangyarihan sa pamahalaang sibil, na kung saan ang isang pangrelihiyong samahan ay pinagyayaman at ang iba pa ay pinagbabawalan nito sa mga espirituwal na pribilehiyo, at ang mga pansariling karapatan ng mga kasapi nito, bilang mga mamamayan, ay ipinagkakait.” [D at T 134:1–9.]
Tandaan lamang na inilathala ito noon pang 1835, bilang paninindigan ng Simbahan, at hindi ito nabago kailanman.3
Noong magpulong ang mga Banal sa Pangkalahatang Kumperensya [Oktubre 1940] ay may digmaan pa rin sa daigdig [ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig]. Milyun-milyon sa mga anak ng Panginoon ang nagdurusa at nagdadalamhati. Dinaranas nila ang buong epekto ng lahat ng hirap at lungkot na bunga ng digmaan. …
Ang ating mga kapatid ay nasa magkabilang panig ng matinding hirap na ito. Sa bawat panig sila’y nakatali sa kanilang bansa dahil sa kanilang mga ninuno, pamilya at mga kababayan. …
Ang mga Banal sa magkabilang panig ay walang magawa kundi ang sumuporta sa pamahalaan na dapat nilang bigyan ng katapatan. Ngunit ang kanilang mga dalangin ay dapat ialay sa araw at gabi upang maibaling ng Diyos ang puso ng kanilang mga pinuno sa kapayapaan, upang matigil na ang sumpa ng digmaan.4
Ang antas ng pagrespeto natin sa mga awtoridad sa bansa kung saan tayo kabahagi, at pagtataguyod sa pamahalaan ang siya ring antas ng pagiging legal nating mga mamamayan, at tayo’y igagalang at itataguyod ng ating pamahalaan.5
Kapag ang alinmang batas ay ipinanukala at naging bahagi ng saligang batas, walang sinumang tao na gumagasta ng pera para labagin ang batas ang matapat na makapagsasabing siya’y tapat na mamamayan.6
Nawa maiparating ko ang diwang ito [mula kay Abraham Lincoln, ang ika-16 na pangulo ng Estados Unidos, ] na babasahin ko ngayon, sa puso ng bawat Banal sa mga Huling Araw na dapat makarinig nito:
“Hayaang maikintal ng bawat inang Amerikano sa kanyang maliliit na anak ang paggalang sa mga batas; hayaang ituro ito sa mga paaralan, sa mga pamantasan at mga kolehiyo; hayaang maisulat ito sa aklat ng mga bata, sa aklat sa pagbaybay at almanac; hayaang maipangaral ito sa pulpito, maipahayag sa mga pulong ng mga opisyal ng pamahalaan, at maipatupad sa mga hukuman ng hustisya.” [Tingnan sa “The Perpetuation of Our Political Institutions, ” binanggit sa The Speeches of Abraham Lincoln (1908), 6.]7
Dapat tayong makilahok sa paghahalal ng mabubuting pinuno at pagpapanukala ng mabubuting batas.
Ipinagdarasal ko ang ating bansa at hiling ko sa Panginoon na basbasan ang mga namumuno sa bansa; sa mga estado, sa mga lungsod, at sa mga lalawigan. Dalangin ko sa Diyos na bigyang inspirasyon ang mga tao na sundin ang Kanyang mga utos, at maghalal ng mabubuting tao. Sana kalimutan na nila ang kanilang mga pagkakaiba sa pulitika at hanapin ang mabubuting tao na manunungkulan, at hindi mga taong nakikipagsabwatan sa mga lumalabag sa mga batas ng ating bansa. Isa sa ating mga Saligan ng Pananampalataya ang pagsunod at pagtataguyod sa mga batas ng lupain (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:12]. Nawa’y tulungan tayo ng Diyos na magawa ito.8
Laging napag-uusapan, at naririnig ko ang bulung-bulungan, na hangad ng Panguluhan ng Simbahan ni Jesucristo na namumuno at mayhawak ng Priesthood na ang taong ito at ang taong iyon o ang isa pang tao ay maihalal sa tungkulin.
Ang Panguluhan ng Simbahan, kung pag-uusapan ang pagboto, ay pinahihintulutan ang bawat lalaki, babae, at batang nasa hustong gulang para bumoto na bumoto sang-ayon sa kanyang pinaniniwalaan. Ngunit sumasamo kami sa lahat ng lalaki at babae, na nakababatid sa responsibilidad na nasa kanila, na hangaring patnubayan sila ng Diyos na ating Amang nasa Langit sa mga bagay na ukol sa pulitika gayundin sa relihiyon; at ipagtanggol ang tama.9
Bagaman mariin kong itinatanggi na may kinalaman kapwa ang simbahan at estado sa paraan ng pag-iisip ng mga tao ng mundo na kasa-kasama ng mga Banal sa mga Huling Araw, hindi ko itinatanggi na kung ako, bilang miyembro ng Simbahang ito, ay mayroong kapangyarihan o impluwensya na maaari kong gamitin upang subuking kunin ang pinakamabuting tao na maglilingkod sa mamamayan, ay gagamitin ko ito habang ako’y nabubuhay.10
Ipinaaalala sa akin ng pulitika ang tigdas. Hindi gaanong makapipinsala ang tigdas kung iinom ka ng kaunting saffron [herbal] na tsaa o kahit ano pa para lumabas ito. Ngunit kapag hindi ito naagapan at naging malubha, padidilawin nito ang iyong balat at minsan ay magiging sanhi ng iyong pagkaduling. Kaya huwag kayong malulong sa pulitika. Lubos akong naniniwala na ang pinakamainam na mga tao ang dapat ihalal. Naniniwala akong dapat piliin ang matatapat, mga matwid, at mabubuting tao para manungkulan.11
Bawat Banal sa mga Huling Araw ay dapat manalangin sa arawaraw na tulungan siya ng Panginoon na mag-isip na mabuti, at sumunod sa tamang mga prinsipyo nang hindi iniisip ang sariling kapakanan, ang maliliit na grupo na ang gusto’y para lang sa kanilang kapakanan, o ang kanyang partido sa pulitika.12
Ang mga pamahalaan ay dapat ibatay at mapangasiwaan ng mga alituntunin ng kagandahang-asal.
Sa kanyang talumpati ng pamamaalam sa mga Amerikano ay sinabi ni George Washington [ang unang pangulo ng Estados Unidos]:
“Sa lahat ng mga disposisyon at kaugalian na humahantong sa tagumpay sa pulitika, ang relihiyon at kagandahang-asal ang siyang suportang lubhang kailangan. Kahangalan ang sabihin ng tao na siya’y makabayan kung ang gawa naman niya’y nagpapahina o sumisira sa mga dakilang batayang prinsipyo ng kaligayahan ng tao, na bumubuo sa matatag na suporta sa tungkulin ng mga tao at mamamayan.
“Anumang kaalaman ang maaaring ibunga ng dalisay na edukasyon sa isipan ng tao, kapwa ang mabuting kaisipan at karanasan ang pumipigil sa atin na umasang iiral ang pambansang kagandahang-asal kung walang mga alituntunin ng relihiyon.
“Kaya mag-ingat tayo kung iniisip nating mananatili ang kagandahang-asal nang walang relihiyon.” [Tingnan sa “GeorgeWashington: Farewell Address, ” sa William Benton, tagalathala, The Annals of America, 21 tomo (1968–87), 3:612.]13
Sinasabi … natin na nalulungkot ang Diyos kapag may digmaan at sang-ayon sa kanyang kalooban ay gagawaran Niya ng walang hanggang kaparusahan ang mga nakikidigma ng walang katwiran.
Pinagtitibay natin na lahat ng mga kontrobersya sa buong mundo ay malulutas sa [payapang] paraan kung ang mga bansa ay makikitungo sa isa’t isa sa paraang di-makasarili at mabuti. Sumasamo kami sa mga pinuno ng lahat ng bansa at sa mga tao mismo na ayusin at lutasin ang kanilang mga pagkakaiba sa dimakasarili at matwid na paraan, para maiwasan ang pagbuhos sa mundo ng galit ng Diyos, dahil sinabi Niyang ibubuhos Niya ang Kanyang poot sa masasama nang walang sukat.14
Ang Diyos ay hindi natutuwa sa digmaan, o maging sa kasamaan na laging nagbabadya nito. … Sa lahat ng bansa, sinasabi naming lutasin ang inyong mga pagkakaiba sa mapayapang paraan. Ito ang paraan ng Panginoon.15
Walang taong makagagawa ng kasinungalingan, o makalalabag sa mga batas ng kanyang bansa at magiging tunay na Banal sa mga Huling Araw. Walang bansa o mga pinuno ng mga bansa na makagagawa ng mali, at mabibigong tuparin ang kanilang mga pangako, nang hindi mapapasailalim sa sumpa ng Diyos at ng tao na gaya ng iba pang tao na gumagawa din ng mali. Mananaig ang katotohanan. “Ipagtanggol at itaguyod ang tama, kahit mahirap gawin ito, ” ang siyang dapat maging moto ng bawat Banal sa mga Huling Araw.16
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Sa paanong paraan maitataguyod ng mga miyembro ng Simbahan ang mabuting pamahalaan?
-
Bakit mahalagang gamitin natin ang ating karapatan sa pagboto kapag may pagkakataon tayong gawin iyon? Kapag may pagkakataon tayong bumoto, ano ang magagawa natin upang ihanda ang ating sarili sa pagtupad sa tungkuling ito?
-
Paano natin matutulungan ang mga pinuno ng ating pamahalaan na kumilos sang-ayon sa mga alituntunin ng kagandahang- asal?
-
Sa paanong mga paraan makatutulong ang mga indibiduwal at pamilya sa pagpapaganda ng kanilang komunidad?
-
Ano ang magagawa natin sa ating mga tahanan upang mahimok ang mga miyembro ng pamilya na igalang ang batas?