Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 15: Pagsisikap na Mapaligaya ang Iba


Kabanata 15

Pagsisikap na Mapaligaya ang Iba

Kapag tinutulungan at hinihikayat natin ang iba, natatagpuan natin ang totoong susi ng kaligayahan sa buhay.

Mula sa Buhay ni Heber J. Grant

Bihirang ikuwento ni Pangulong Heber J. Grant ang ginawa niyang mga paglilingkod, ngunit kung minsan ibang tao ang nagkukuwento sa mabubuting gawa niya na nasaksihan nila. Ang mga miyembro ng kanyang pamilya ay mga pangunahing saksi at nakinabang sa kanyang paglilingkod. Ikinuwento ng anak niyang si Lucy Grant Cannon ang kanyang pagiging bukas-palad at kabutihan sa kanyang mga anak at apo:

“Ang katapatan ni Tatay sa kanyang pamilya ay kakaiba. Madalas niyang ipakita na may panahon siya sa kanila at sa kanilang mga tahanan. Tinulungan niya sila kahit na malaking sakripisyo ito. Madalas niyang sabihin, ‘Tulungan ninyo ang batang puno; kayang alagaan ng malalaking puno ang kanilang sarili.’

“Tuwing kaarawan ng bawat anak at apo personal siyang nagaabot o nagpapadala ng liham at tseke sa kanila. Tuwing Pasko at Bagong Taon at madalas sa ibang pagkakataon ay dumarating ang mga aklat at tseke, mga larawan o anumang alaala. Palaging may kasamang mga regalo ang kanyang pagmamahal at basbas at dumarating na parang dalangin sa aming lahat.”1

Ikinuwento ni Lucy ang mapagmahal na pag-aaruga ng kanyang ama noong may dipterya siya.

“Kahit makaraan ang apatnapu’t tatlong taon, habang sumusulat ako ay napapaluha ako sa pasasalamat at pagpapahalaga kapag naiisip ko ang magiliw niyang pakikitungo sa akin tuwing magkakasakit ako. Tulad ng maraming nakarinig sa kuwento niya, nagkasakit ako nang malubha noong labindalawang taong gulang ako; nasa Washington, D.C. kami noon. Ngunit kung hindi dahil sa pagbabasbas ng mga tagapaglingkod ng Panginoon at kapangyarihan ng Diyos na hiniling para sa akin ay patay na sana ako. Noong mga linggong malala ang sakit ko, kahit na may dalawa kaming bihasang nars, bihirang lumabas ng silid ang tatay ko sa gabi’t araw. Habang papagaling ako, binabasahan niya ako [ng libro] oras-oras. Dinadalhan niya ako ng pasalubong at makakain na gustung-gusto ko at sa napakagandang paraan ay ginawa ang maaaring gawin ng mapagmahal na ina.

“Mahina pa ako at di ko pa kayang lumakad nang umalis kami sa Washington. Binuhat ako ni itay papuntang tren at inalagaan ako hanggang sa makauwi. Kung naging nars lang siya, walang tatalo sa kanyang kagiliwan o pag-aaruga. Dumating kami sa Salt Lake sa tamang oras para sa dedikasyon ng templo. Ilang beses niya akong binuhat sa loob ng templo. Maraming linggo ang ginugol ko sa pagpapagaling nang makauwi ako, at kahit handa ang buong pamilya na pagsilbihan ako gusto ko pa ring naroon siya at handa siyang lumagi sa aking tabi. Ang ginawa niya sa akin ay ginawa rin niya sa lahat ng mga kapatid ko.”2

Hindi lamang sa kanyang pamilya nagsilbi si Pangulong Grant. Naalala ni Lucy:

“Minsan ilang araw bago ang Pasko habang naghahanda ako ng ilang maliliit na regalo para sa isang mahirap na pamilya, pumasok si itay at ipinakita ko sa kanya ang mga bagay-bagay, at ikinuwento ko ang sinabi sa akin ng ina ng pamilyang iyon. Binanggit ko na kailangan kong maihanda ang damit pantemplo ko; ipahihiram ko iyon sa babae para magamit kinabukasan. Kinabukasan nang dumating siya para ibalik ang damit ko ay sinabi niya sa akin na noong magpunta siya sa templo ay naroon at naghihintay si itay sa tarangkahan. Hindi pa siya kilala ni itay, pero nakilala siya nito sa paglalarawan ko. Pinigil siya ni itay at inabutan ng sobre habang binabati ng maligayang Pasko ang pamilya. Dalawampung dolyar ang laman ng sobre.”3

Kahit inatake na nang ilang beses, na siyang nagpahina sa kanya, patuloy na humanap ng mga paraan si Pangulong Grant para makapaglingkod. Dahil nabawasan ang kanyang pisikal na gawain, ang pangunahin niyang aktibidad ay ang pagsakay-sakay sa kotse. Halos araw-araw siyang namasyal, at lagi niyang inaanyayahang sumama ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan. Sa mga pamamasyal na ito ay madalas siyang magpakita ng pagmamahal sa iba sa pamamagitan ng pagbisita sa mga ospital o tahanan ng mga tao.4

Sa isang pagbibigay pugay kay Pangulong Grant, isinulat ni Elder John A. Widtsoe ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang pinakamatindi niyang pag-ibig ay lagi nang sa sangkatauhan. Inaalala niya ang mga anak ng kanyang Ama sa langit. … Naipakita ang pagmamahal na ito hindi lang sa pangkalahatang pag-aalala sa buong sangkatauhan, kundi sa pag-aaruga sa mga tao. Lagi niyang nabibiyaan ang mahihirap na tao. Ang mabilis na pagtugon ng kanyang puso sa mga nangangailangan ay ordinaryo na sa kanyang mga kasama. Nakapagbigay na siya ng pera, gayundin ng personal na tulong na maibibigay ng malakas na tao sa mahina. Masyadong mapagbigay si Pangulong Grant, puno ng pagkakawanggawa, at natural lang na tapat sa kanyang mga kaibigan at mapagmahal sa kanyang pamilya. Naglingkod siya sa mataas niyang katungkulan na taglay sa kanyang kaluluwa ang pagmamahal para sa lahat ng tao, na hinihimok ang lahat na alisin ang makasariling hangarin.”5

Mga Turo ni Heber J. Grant

Dapat ipakita ang ating pagmamahal sa Panginoon sa paglilingkod na tulad ng kay Cristo.

Anong uri ng mga lalaki at babae tayo dapat maging, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, dahil sa napakagandang kaalamang taglay natin, na buhay ang Diyos, na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos? Dapat tayong maging pinakamatatapat, pinakamababait, pinakamatulungin, pinakamahuhusay na tao sa balat ng lupa.6

Huwag nating kalimutan ang obligasyon nating maging tapat at maglingkod sa Panginoon, at ang katanggap-tanggap na paglilingkod na iyon sa Kanya ay hindi maibibigay kung hindi natin paglilingkuran ang ating kapwa.7

Taos-puso kaming nakikiusap sa lahat ng miyembro ng Simbahan na mahalin ang kanilang mga kapatid, at lahat ng tao sinuman at saanman sila naroon; na alisin ang poot sa kanilang buhay, na puspusin ang kanilang puso ng pagmamahal sa kapwa, pagpapasensiya, pagtitiis, at pagpapatawad.8

Ang ebanghelyo ni Cristo ay ebanghelyo ng pag-ibig at kapayapaan, ng pagpapasensiya at pagtitiis, ng pagpaparaya at pagpapatawad, ng kabaitan at mabubuting gawa, ng pagkakawanggawa at pag-ibig sa kapwa. Ang kasakiman, pagkagahaman, masamang ambisyon, pagkauhaw sa kapangyarihan, at di-makatwirang pamumuno sa ating kapwa, ay walang lugar sa puso ng mga Banal sa mga Huling Araw ni ng mga taong may takot sa Diyos sa lahat ng dako.9

Ang mga paglilingkod natin ay makapagpapasigla at makahihikayat sa iba.

Narinig ko ang kuwento ng isang miyembro [lalaki] (nalimutan ko na ang pangalan niya) na dumalo noon sa isang miting. Humiling ng mga donasyon si Pangulong Brigham Young para ipadala sa Missouri River upang makatulong sa mga Banal sa mga Huling Araw na nagtipon sa Sion. Nais niyang mag-ambag ng toro o baka o ng iba pang donasyon ang lahat ng maykaya sa buhay. Isang mabait na miyembro [lalaki] ang tumayo at nagsabing, “Magbibigay ako ng baka.” Isa pang miyembro [lalaki] ang tumayo at nagsabing, “Magbibigay ako ng baka.” Ang unang lalaki ay may dalawang baka at malaki ang kanyang pamilya; ang isa pang lalaki ay kalahating dosena ang baka at maliit lang ang pamilya. At tinukso ng espiritu [ng diyablo] ang unang lalaki, [at sinabi, ] “Tingnan mo, hirap ka na sa malaking pamilya mo; lalo kang mahihirapan kapag nagbigay ka ng isang baka. Iyong isang lalaki ay maliit ang pamilya at anim ang baka; kayang-kaya niyang magbigay ng dalawa o tatlo nang hindi naghihirap.” Pag-uwi niya, apat o limang kanto ang layo ng nilakad niya, at pahina siya nang pahina. Sa wakas ay naisip niya, “Huwag na kaya akong magbigay, ” at nalaman niya ang pagkakaiba ng espiritung tumutukso sa kanya at ng espiritung nag-utos sa kanyang mangako sa Pangulo ng Simbahan na magbibigay siya ng baka. Narito ang isang espiritung nagsasabi sa kanya na huwag tuparin ang kanyang obligasyon, huwag maging tapat, huwag tumupad sa kanyang pangako. Bigla siyang tumigil at lumingon at sinabing, “G. Diyablo, tumahimik ka na dahil lalapit na ako kay Brother Brigham Young at ibibigay sa kanya ang isa pang baka.” Hindi na siya muling tinukso.

Ngayon, bawat Banal sa mga Huling Araw ay dapat tumulong sa iba at huwag maging palaasa.10

Naaalala ko na minsan habang nakaupo ako sa State Bank ay nakita kong dumaan ang isang matandang miyembro na nagngangalang John Furster. Isa siya sa mga unang nabinyagan sa Scandinavia. Pagdaan niya sa bintana ng bangko, ibinulong sa akin ng Espiritu na “Bigyan mo ng dalawampung dolyar ang lalaking iyon.” Lumapit ako sa teller, inabutan ko ito ng I O U para sa halagang $20, naglakad ako sa daan at nasabat ko si G. Furster sa harapan ng tindahang Z. C. M. I. Kinamayan ko siya at inilagay sa kamay niya ang dalawampung dolyar. Makalipas ang ilang araw nalaman ko na noong umagang iyon ay nagdasal na mabuti si Brother Furster para magkaroon ng sapat na pera papuntang Logan para makapagtemplo roon. Hindi pa yari ang Salt Lake Temple noon. Sapat na ang dalawampung dolyar sa kanya, at makalipas ang ilang taon ay may luha sa matang pinasalamatan niya ako sa ibinigay kong pera.

Isang araw habang nakaupo ako sa aking opisina ay nadama kong dapat kong puntahan si Sister Emily Woodmansee at pahiramin siya ng limampung dolyar. Ginawa ko ito, at nalaman ko na talagang kailangan niya ng ikabubuhay. … Wala akong ibang hangad kundi ang madama ang ganitong mga pag-uudyok.11

Bawat mabuting salitang binibigkas ay nagbibigay sa inyo ng higit na kakayahang bumigkas ng isa pa. Bawat pagtulong na ibinigay ninyo, sa pamamagitan ng kaalamang taglay ninyo, para tulungan ang inyong kapwa, ay nagbibigay sa inyo ng higit na kakayahan upang muling tumulong. Bawat mabubuting gawa ng tao ay nagdaragdag sa kanyang hangarin na gumawa ng mabuti. Kung minsa’y naiisip ko ang maraming tao, na kung titingnan ay malupit sa iba at walang hangaring tumulong sa kapwa, na nag-iisip na kung magsasabi o gagawa sila ng kabutihan ay makakasira ito sa kakayahan nilang gumawa ng mabuti o magsalita ng maganda sa darating na mga araw. Kung may kamalig kayo na puno ng butil, at namigay kayo ng isa o dalawang sako, iyon lang ang kabawasan sa kamalig ninyo. Kung gagawa naman kayo ng mabuti o bibigkas ng mga salitang makahihikayat sa isang taong nangangamba, na nakikibaka sa buhay, higit ang magiging kakayahan ninyong gawin ito sa hinaharap. Huwag kayong mamuhay na nakasara ang inyong bibig laban sa mga salita ng kabutihan at panghihikayat, ni huwag isara ang inyong puso sa pagtulong sa ibang tao. Lumikha ng kawikaan sa buhay: laging sikaping makatulong sa ibang tao sa pagdadala ng kanyang pasanin.12

Ang paglilingkod ang totoong susi ng kaligayahan sa buhay.

Hindi masasabi ng tao kung ano ang magiging resulta ng tapat na paglilingkod, ni hindi natin malalaman kung kailan tayo gagantimpalaan o ang mga taong kasama natin. Maaaring hindi dumating ang gantimpala sa takdang oras, kundi higit pa rito ang darating sa hinaharap. Naniniwala ako na walang mawawala sa atin sa buhay sa paglilingkod, pagsasakripisyo, at paggawa ng tama.13

Ang totoong susi ng kaligayahan sa buhay ay ang pagsisikap na mapaligaya ang iba. Naaawa ako sa sakim na taong hindi kailanman nakadama ng galak na dumarating sa mga tumatanggap ng pasasalamat at pagtanaw ng utang-na-loob ng mga taong tinulungan nilang makibaka sa buhay.14

Ang tunay na sekreto ng kaligayahan sa buhay at ng paraan ng paghahanda ng ating sarili para sa kabilang buhay ay ang paglilingkod.15

Matibay ang paniniwala ko na ang daan tungo sa kapayapaan at kaligayahan sa buhay ay sa pamamagitan ng paglilingkod. Sa palagay ko, paglilingkod ang totoong susi sa kaligayahan, dahil kapag nagsisikap tayo gaya ng paggawa ng gawaing misyonero, habambuhay nating lilingunin ang ating mga tagumpay sa misyon. Kapag gumagawa tayo ng kabutihan, naghahatid ito ng kasiyahan at kaluguran sa ating mga puso, samantalang lumilipas ang kasiyahang dulot ng mga ordinaryong libangan.16

Batas ng Diyos na kung gaano karami ang ginawa nating paglilingkod, sa loob at labas ng Simbahan—kung ano ang handa nating isakripisyo para sa Simbahan at para sa mga pinagkakautangan natin ng loob sa labas ng Simbahan—ay gayundin ang magiging paglago natin sa biyaya at pagmamahal ng Diyos, at uunlad tayo sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng pagkaparito natin sa lupa.17

Nawa’y mapasainyong lahat ang Panginoon, mga kapatid, saanman kayo naninirahan. Nawa’y sumapuso ninyo ang Kanyang kapayapaan; nawa’y bigyang-inspirasyon kayo ng Kanyang Espiritu tungo sa mga bagong tagumpay sa paglilingkod sa kapatid at sa kapwa.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit natin natatagpuan ang “totoong susi ng kaligayahan” kapag “sinisikap nating paligayahin ang iba”?

  • Bakit nag-aalinlangan tayo kung minsan na masiglang paglingkuran ang iba? Ano ang maaari nating gawin para lalong magalak sa ating paglilingkod?

  • Ano ang maaari nating gawin para matulungan ang mga bata at kabataan na hangaring maglingkod?

  • Paano natin mapahuhusay ang ating kakayahang madama ang pangangailangan ng iba?

  • Ano ang ibig sabihin ng “tumulong at huwag maging palaasa”?

  • Sa anong mga paraan nakatutulong sa atin ang paglilingkod sa “paghahanda sa ating sarili para sa kabilang buhay?”

  • Ano ang ilang natatanging tiyak at simpleng mga bagay na magagawa natin upang sundin ang halimbawa ng paglilingkod ni Pangulong Grant? Paano tayo makapaglilingkod anuman ang ating mga kalagayan?

Mga Tala

  1. “A Father Who Is Loved and Honored, ” Improvement Era, Nob. 1936, 680.

  2. Improvement Era, Nob. 1936, 682.

  3. Improvement Era, Nob. 1936, 682.

  4. Tingnan sa Heber J. Grant: Man of Steel, Prophet of God (1979), ni Francis M. Gibbons, 222–23; tingnan din sa Improvement Era, Nob. 1936, 684.

  5. “The Living Prophet, ” Improvement Era, Nob. 1926, 7.

  6. Gospel Standards, tinipon ni G. Homer Durham (1941), 4.

  7. Sa Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latterday Saints, tinipon ni James R. Clark, 6 na tomo (1965–75), 5:223.

  8. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Okt. 1939, 8; binasa ni Pangulong Heber J. Grant.

  9. Mensahe mula sa Unang Panguluhan, sa Conference Report, Abr. 1942, 90; binasa ni Pangulong J. Reuben Clark Jr.

  10. “Settlement, ” Improvement Era, Ene. 1941, 56.

  11. Liham mula kay Heber J. Grant kay N. L. Nelson, ika-1 ng Abr. 1914, Family and Church History Department Archives, The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints.

  12. “Have a Purpose in Life, ” Improvement Era, Peb. 1902, 289–90.

  13. Gospel Standards, 356.

  14. Improvement Era, Peb. 1902, 290.

  15. Gospel Standards, 187.

  16. Gospel Standards, 187.

  17. Gospel Standards, 186–87.

  18. Sa Messages of the First Presidency, 5:311.

senior getting hair done

“Ang totoong susi ng kaligayahan sa buhay ay ang pagsisikap na mapaligaya ang iba.”