Kabanata 5
Pagkaalo sa Oras ng Kamatayan
Ang kapayapaan at pag-along mula sa ating Ama sa Langit ay nakagagaling na impluwensiya sa lahat ng nagluluksa sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay.
Mula sa Buhay ni Heber J. Grant
“Sa oras ng karamdaman o kamatayan, ” isinulat ni Lucy Grant Cannon, anak ni Pangulong Heber J. Grant, “pambihira ang tibay ng tatay ko. Nang mahigit isang taong maratay sa banig ng karamdaman ang kanyang anak [ang 7-taong-gulang na si Heber Stringham Grant], at sa mga huling buwan ng kanyang buhay na madalas ay matinding paghihirap, ilang oras na umuupo ang tatay sa tabi ng kanyang kama at binibigyang-ginhawa siya. Nananatili siya sa kuwarto na kapiling nito hangga’t maaari, at nang pumanaw ito tanggap na ng tatay ang kanyang paglisan bagama’t batid niya na kung angkan sa lupa ang pag-uusapan ay baka wala siyang anak na lalaking magdadala ng kanyang pangalan. Ang malaking pananampalataya niya, na sa tingin nami’y lubos, ang naging lakas at sandigan namin habambuhay.”1
Nang banggitin ni Pangulong Grant ang lungkot na nadarama sa pagkamatay ng mga mahal sa buhay, madamdamin siyang nagsalita dahil na rin sa karanasan niya mismo. Maliban sa anak niyang si Heber, anim pang miyembro ng pamilya ang naunang nangamatay. Nang siyam na taong gulang siya, pumanaw ang kanyang ama. Noong 1893, pumanaw ang asawa niyang si Lucy sa edad na 34 matapos ang tatlong-taong paglaban sa malubhang karamdaman. Sumunod na namatay ang 5-taong-gulang na si Daniel Wells Grant, ang tanging naiwang anak niyang lalaki, makalipas ang dalawang taon. Noong 1908, katatapos lang halos ng misyon nina Pangulong Grant at ng kanyang kabiyak na si Emily sa Europa ay namatay si Emily sa kanser sa tiyan. Isang taon ang lumipas, ipinagluksa ni Pangulong Grant ang pagpanaw ng kanyang ina. Noong 1929, labing-isang taon matapos siyang maitalaga bilang Pangulo ng Simbahan, pumanaw ang kanyang anak na si Emily sa edad na 33.
Matindi ang dalamhati ni Pangulong Grant sa mga ito. Noong maysakit si Lucy, isinulat niya sa kanyang journal: “Nadarama ni Lucy na hindi na siya gagaling at nag-usap na kami nang masinsinan ngayon at kapwa kami napaiyak sa napipinto naming paghihiwalay. Natatakot ako dahil baka hindi na siya gumaling.”2
Bagamat nagkatotoo ang takot na iyon, nagkaroon ng pag-asa at kapayapaan si Pangulong Grant sa pagsandig niya sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Sinabi niya na kailanma’y hindi siya dumalo sa libing ng isang tapat na miyembro ng Simbahan nang hindi pinasasalamatan ang Panginoon “para sa ebanghelyo ni Jesucristo, at sa ginhawa at aliw na dulot nito sa atin sa oras ng kalungkutan at kamatayan.”3 Ikinuwento niyang nadama niya ang “ginhawa at aliw” na ito nang mamatay ang anak niyang si Heber: “Batid kong nang pumanaw ang huli kong anak na lalaki (dalawa lang sila) na may payapang impluwensiya sa aking tahanan sa oras na iyon, ginhawa at kagalakang higit sa pang-unawa ng mga walang alam tungkol sa Ebanghelyo at sa kapayapaang dulot nito sa ating puso.”4
Mga Turo ni Heber J. Grant
Maaalo tayo ng mga walang hanggang katotohanan kapag namatay ang ating mga mahal sa buhay.
Napakapait marahil ng dusa at dalamhati ng mga hindi naniniwala sa kabilang buhay at sa tingin nila’y simula ito ng walang katapusang gabi at paglimot. Para sa mga naniniwala, may tibo ang kamatayan at tagumpay ang libingan. Sa kanila, maging ang luwalhati ng daigdig na ito ay huling andap lang ng kandila sa walang katapusang kadiliman.
Ngunit, para sa taong may pananampalataya, ang kamatayan ay pagpapatuloy lamang ng buhay na naputol noong bumaba siya sa lupa.5
Hindi ko maubos maisip na nasa libinigan ang aking mga mahal sa buhay, ang aking mahal na ina at ang mga pumanaw. Nagagalak ako sa mga pagsasamahang nagpapasaya sa kanila at sa kasiyahang dulot ng pagkikita nila ng kanilang mga minamahal sa kabilang buhay.6
Siyempre pa hindi tayo talagang handang mamatay sa kahit anong oras. Kahit ako mismo ay nag-isip na dahil napakalusog ng aking ina ay mabubuhay siya sa loob ng di kukulangin sa isandaang taon, at laking gulat ko nang mamatay siya labindalawang taon bago siya nag-100.
Lagi kong pinasasalamatan ang Ebanghelyo ni Jesucristo, ang plano ng buhay at kaligtasan, ngunit higit ang pasasalamat ko sa katotohanang tulad nito [mga libing]. Ang ganap at lubos na kaalaman natin bilang mga Banal sa mga Huling Araw sa kabanalan ng gawain natin, ang lubos na katiyakan na kapag nagwakas ang buhay, kung naging tapat tayo’y magkakaroon tayo ng kasiyahan at pribilehiyong bumalik sa piling ng mga mahal nating pumanaw na, at makakasama natin ang ating Ama sa Langit, ang ating Manunubos, si Propetang Joseph Smith, si Patriarch Hyrum at lahat ng dakilang lalaki at babaeng inilaan ang kanilang buhay sa layuning ito, ay naghahatid ng kapayapaan at kaligayahan sa ating puso sa mga pagkakataong ganito, na tiyak kong hindi kayang ipaliwanag ng sinuman.7
Sa isang Banal sa mga Huling Araw, bagamat kalungkutan ang hatid ng kamatayan sa ating tahanan at puso, ang kalungkutang iyon ay halos tulad ng nadarama natin kapag pansamantala tayong napawalay sa ating mga minamahal na magmimisyon o kaya’y panandaliang malalayo. Sa palagay ko, ang sobrang pagdadalamhating nakita ko sa mga hindi nakaaalam ng katotohanan ay di kailanman dumadapo sa puso ng tunay na Banal sa mga Huling Araw.8
Madalas kong ikalungkot, sa oras ng kagipitan at problemang dumarating sa mga hinahangaan at minamahal natin, na di natin maialis sa kanila ang lungkot na nadarama nila tuwing mawawalay sila sa kanilang mga minamahal.
Ngunit batid natin na ang ating Ama sa langit ay makapagpapagaling ng mga bagbag na puso at magpapalis ng lungkot at maipapakita Niya sa atin nang may galak at kasiyahan ang mga biyayang darating sa pamamagitan ng pagsunod sa Ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo. Ito’y dahil nauunawaan natin at naniniwala tayo na kalooban ng ating Ama sa langit na patuloy tayong mabuhay at hindi pa tapos ang ating pag-iral kahit nailibing na ang mortal na mga katawang ito.
Napakalaking biyaya na dahil sa pagpapala ng Panginoon at sa mga paghahayag na ibinigay sa atin ng ating Ama sa langit ay tiyak na darating ang araw na ang espiritu at katawan natin ay muling magsasama, kahit hindi ito paniwalaan ng mundo ngayon—at siguradong malaki ang pagdududa at kawalan ng paniniwala sa bagay na ito. Ngunit magkagayon man, nakatitiyak tayo na sa pamamagitan ng mga paghahayag na ibinigay ng ating Panginoong Diyos, na ito nga ang layunin ng Diyos, na ang katawan at espiritu ay magsasama nang walang hanggan at darating ang oras, sa pamamagitan ng biyaya at awa ng Diyos, na hindi na tayo malulungkot at madadaig na natin ang lahat ng bagay na nakayayamot at nakababagabag, at tatayo sa harapan ng buhay na Diyos, na puspos ng galak at kapayapaan at kasiyahan.9
Pinalalakas tayo ng Panginoon habang kinikilala natin ang Kanyang kamay at tinatanggap ang Kanyang kalooban.
Maraming bagay sa mundong ito na hindi maipaliwanag. Mahirap unawain para sa akin kung bakit sa mga pagpapala ng Panginoon, … ang dadalawang anak kong lalaki ay kapwa tinawag at walang magdadala ng aking pangalan sa mundong ito. Sa kabilang dako, nakapagpasigla ang Ebanghelyo na sa kabila ng pagkawala ng dalawang anak kong ito’y walang reklamo sa puso ko ni hindi ko sinisi ang sinuman. May sangkap ang Ebanghelyo na nagiging dahilan upang kilalanin ng mga lalaki at babae ang Diyos sa buhay at kamatayan, sa galak at kalungkutan, sa kasaganaan at kahirapan. Sinabi ng Panginoon na nasisiyahan siya sa mga kumikilala sa kanyang kamay sa lahat ng bagay [tingnan sa D at T 59:21].10
Mapatototohanan ko ang lubos na kaalaman ko na tanging ang Espiritu ng Panginoon ang makapagdudulot ng kapayapaan at ginhawa sa akin na naranasan ko nang mamatay [ang anak kong] si Heber. Mapagmahal ako talaga. Buong puso kong minahal ang huli at natitirang buhay na anak kong lalaki. Napakatayog ng mga pangarap ko para sa kanya. Inasahan kong makita siya na isang misyonerong nangangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo, at inasam kong maging impluwensiya siya sa kabutihan sa ibabaw ng lupa; subalit, sa kabila ng lahat ng pangarap ko para sa aking anak, nakaya kong pagmasdan ang kanyang pagkamatay nang hindi lumuluha dahil sa mga pagpapala ng Panginoon. Wala pang kapangyarihan sa lupa na nakapagdulot sa akin ng ganitong kapayapaan. Ito’y mula sa Diyos. At hindi ko kailanman masabi o maisulat ang tungkol doon nang walang pasasalamat sa puso ko, higit kaysa anumang lakas na ipinagkaloob sa akin upang ipahayag ang damdamin ko.11
Nawa’y lagi nating maalala, dahil kapwa totoo ito at nakaaalo, na ang kamatayan ng isang taong tapat ay balewala kung ihahambing sa pagkawala ng inspirasyon ng mabuting espiritu. Buhay na walang hanggan ang dakilang gantimpala at mapapasaatin iyon at magagalak nang husto ang ating Ama sa langit sa pagsalubong sa atin, kung gagawin natin ang tama; at wala nang napakadakilang magagawa ang sinuman sa buhay na ito, maliban sa paggawa ng tama. Dinidinig at sinasagot ng Panginoon ang mga dalangin natin sa kanya at ibinibigay ang ating mga hiling kung makabubuti iyon sa atin. Hindi niya pababayaan kailanman at hindi pa niya pinabayaan ang mga naglilingkod sa kanya nang may buong layunin ng puso; ngunit dapat tayong maging laging handa sa pagsasabing “Ama, mangyari nawa ang iyong kalooban.”12
Kumbinsido ang isipan at puso ko, noong mamatay ang asawa ko, na kalooban ng Panginoon na mawalay siya sa akin. Mapagpakumbaba kong tinanggap ang kanyang pagkamatay. Niloob ng Panginoon sa pagkakataong iyon na bigyan ang isa sa musmos kong mga anak ng patotoo na ang kamatayan ng kanyang ina ay kalooban ng Panginoon.
Mga isang oras bago namatay ang asawa ko, pinapasok ko ang aking mga anak sa kanyang silid at sinabi sa kanila na mamamatay na ang kanilang ina kaya magpaalam na sila rito. Isa sa musmos na babae, mga labindalawang taong gulang, ang nagsabi sa akin: “Papa, ayokong mamatay ang mama. Anim na buwan ko kayong sinamahan sa ospital sa San Francisco; paulit-ulit ninyong binasbasan ang mama tuwing balisa siya at nawawala ang sakit niya at tahimik na nakakatulog. Gusto kong basbasan mo ang mama ko at pagalingin siya.”
Sinabi ko sa musmos kong anak na lahat tayo’y mamatay balang- araw, at tiyak ko sa puso ko na dumating na ang oras ng kanyang ina. Nilisan niya at ng iba pang mga bata ang silid.
Pagkatapos ay lumuhod ako sa tabi ng kama ng aking asawa (na sa oras na ito’y wala nang malay) at sinabi ko sa Panginoon na kinikilala ko ang Kanyang kamay sa buhay, sa kamatayan, sa galak, sa kalungkutan, sa kasaganaan, o sa kahirapan. Pinasalamatan ko Siya na alam kong akin ang asawa ko magpasawalang-hanggan, na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik, na batid ko na sa pamamagitan ng kapangyarihan at awtoridad ng Priesthood dito sa lupa ay mapapasaakin ang asawa ko magpakailanman kung magiging tapat akong tulad niya. Ngunit sinabi ko sa Panginoon na kulang ang lakas ko sa pagkamatay ng aking asawa at maaapektuhan pa ang pananampalataya ng aking musmos na mga anak sa mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo; at nakiusap ako sa Panginoon nang buong lakas na taglay ko, na ipaalam Niya sa anak kong iyon na kagustuhan at kalooban Niya na mamatay ang kanyang mama.
Sa loob ng isang oras ay pumanaw ang asawa ko, at pinabalik ko ang mga bata sa silid. Ang anak kong lalaki na mga lima’t kalahati o anim na taong gulang ay nagpalahaw ng iyak, at niyakap ito ng labindalawang taong gulang na babae at sinabihang: “Huwag kang umiyak, huwag kang lumuha, Heber; nang lumabas tayo ng silid na ito sinabi sa akin ng tinig ng Panginoon mula sa langit, ‘Kalooban ng Panginoon ang pagkamatay ng mama mo.’ ”
Sabihin ninyo sa akin, mga kaibigan, kung hindi ko alam na dinidinig at sinasagot ng Diyos ang mga dalangin! Sabihin ninyo sa akin kung hindi ko alam na sa oras ng paghihirap ay bibigyan tayo ng ginhawa at babasbasan at aaliwin ang mga Banal sa mga Huling Araw nang higit kaysa ibang tao!13
Ang kamatayan ay mahalagang bahagi ng karanasang mortal at isang hakbang sa ating walang hanggang pag-unlad.
Nawa’y idulot ng kapayapaan at ginhawang mula sa ating Ama sa Langit ang nakagagaling na impluwensiya sa lahat ng nagluluksa at nagdurusa. At palakasin nawa ang ating pang-unawa na kahit pinagpapala tayo hindi ibig sabihin nito na tayo’y maliligtas sa lahat ng kabiguan at kahirapan sa buhay. Lahat tayo’y mayroon nito, bagama’t iba-iba ang ating mga problema. Hindi ko dinanas ang uri ng mga pagsubok na dinanas ng iba, pero natikman ko ito. Noong bata-bata pa ako at nawala sa akin ang aking asawa at dadalawang anak na lalaki ay taos-puso kong sinubukang sundin ang mga utos ng Panginoon, at sinunod ng aking buong sambahayan ang Word of Wisdom at naging marapat sa mga pagpapala sa buhay. Matindi ang mga pagsubok at tukso sa akin, ngunit nay pasasalamat kong sasabihin na ang mga pagsubok at tukso ay hindi humigit sa kaya kong batahin, at buong puso kong inaasam na hindi na sana natin kailanganing batahin ang anumang hihigit sa ating kaya.14
Tayo sa Simbahang ito ay sinabihan ng Panginoon na bago tayo dumating sa daigdig na ito ay nabuhay na tayo sa kawalang-hanggan; na bilang mga espiritu nabuhay tayo bago tayo naparito, kung saan inihanda natin ang ating sarili sa buhay sa lupa; na pagkatapos, sa pagiging tapat sa una nating kalagayan, ay bumaba tayo sa lupa para magkaroon ng kaalaman, karunungan, at karanasan, para matuto ng mga aral, dumanas ng sakit, magtiis ng mga tukso, at magtagumpay sa mortalidad. Kapag isinuko ng ating katawang-lupa ang buhay, babalik ang ating espiritu sa pinagmulan nito noong bago tayo bumaba sa lupa at patuloy na mabubuhay, na tumatatag sa mga tagumpay ng nilisan nating buhay- espiritu, na siyang una nating kalagayan, at ng ating mortal na buhay, o ikalawang kalagayan, na susulong sa susunod na walang katapusang kawalang-hanggan, hanggang sa marating natin ang mithiing itinakda ng Panginoon: “Kayo nga’y mangagpakasakdal, na gaya ng inyong Ama sa kalangitan na sakdal.” [Mateo 5:48.]15
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan
-
Tuwing nagdadalamhati tayo sa pagkawala ng isang mahal sa buhay, anu-anong mga alituntunin ng plano ng kaligtasan ang mababalingan natin para maalo?
-
Ikinuwento ni Pangulong Heber J. Grant ang kanyang anak na babae na sa oras ng kamatayan ng kanyang ina ay naalo ng “tinig ng Panginoon mula sa langit.” Anu-ano ang ilang paraan ng pag-alo sa atin ng Panginoon? Paano kayo naalo nang mawalan kayo ng mahal sa buhay?
-
Anu-anong mga pagpapala ang dumarating mula sa pagkilala sa kamay ng Panginoon sa ating buhay, kahit kapag dumaranas tayo ng mga pagsubok?
-
Sinabi ni Pangulong Grant na “kahit pinagpapala tayo hindi ibig sabihin nito na tayo’y maliligtas sa lahat ng kabiguan at kahirapan sa buhay.” Bakit mahalagang maunawaan ang alituntuning ito? Sa paanong paraan magdudulot ng mga pagpapala ang mga pagsubok?
-
Paano tayo magiging handang tumanggap ng “kapayapaan at pag-alo ng ating Ama sa langit” at Kanyang “nakagagaling na impluwensiya” sa oras ng ating pagsubok at kalungkutan?