Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas kasama si Elder Uchtdorf
Linggo, Hunyo 12, 2022
Chad Strang: Bilang ama, sa tingin ko ang isa sa pinakamahahalagang responsibilidad na dapat kong ituro sa mga anak kong tinedyer ay ang matukoy na ang mga katotohanan at doktrina na makikita mga banal na kasulatan ay maiuugnay sa personal na buhay nila at sa mga sitwasyon nila. At mahalaga talagang aral ‘yan sa akin—na makilala ang Espiritu at kumunekta sa kanila para malaman ang mga pangangailangan nila, pero higit pa rito, para matulungan silang magkaroon ng pagmamahal sa mga banal na kasulatan at maunawaan na maiuugnay ang doktrina sa buhay nila.
Roberta Luz Pavanelo [Subtitles]: Isa akong seminary teacher mula sa Brazil. Nang nagsimula akong magturo ng seminary, gusto ko talagang maging mabuting titser, at matutunan ng mga estudyante ko ang lahat ng itinuturo ko. Kaya nag-isip ako ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo: mga lecture, ilang video, mga laro. At isang beses, nagbigay ng pambungad na panalangin ang isang estudyante, at hiniling niya na madama ang Espiritu habang nagkaklase. At alam kong napaka-obvious nito, ‘di ba? Palagi natin itong naririnig, pero noong sandaling iyon, binago ng dasal na iyon ang puso ko, at naisip ko, “Iyon ang kailangan ng mga estudyante.” Narito sila para madama ang Espiritu.”
Tyler Harris: Isa akong titser sa Primary. Malaki ang klase ko. Ang ilan ay may special needs, at buti na lang, binigyan kami ng magandang training ng Primary president, at itinuro niya sa amin na natututo ang bawat bata sa iba’t ibang paraan, at na ang iba ay tactile at kailangang may hinahawakan o ginagawa. May ilang tao na natututo kapag may mga visual aid. Kaya sinisikap talaga naming tatlong lalaki sa klase na ipagdasal ito at isipin kung paanong mula sa pag-akyat sa isa’t isa o paglabas ng bintana ay matuto talaga sila tungkol sa Tagapagligtas at matuto sila ng mga bagay-bagay na tutulong sa kanilang makilahok at makibahagi sa klase. At maganda ang karanasan namin kasama ng mga batang ito sa pagkakaroon talaga ng mga aralin na nakikibahagi sila.
Kaion Constantino [Subtitles]: Mula ako sa Brazil, at isa akong titser sa institute. Isang araw, sa isang institute class habang may pandemya, online ang mga klase namin. Inanyayahan ko ang lahat pero, kahit na ganoon, isa lang ang dumalo. At maraming tanong ang estudyante dahil bagong miyembro siya. At sa araw na iyon, habang nakikinig sa mga bulong Espiritu, natulungan ko siya at nasagot ang marami sa mga tanong niya. Napakasaya ko dahil naghahanda na siyang maglingkod sa mission ngayon.
Sina Khoza: Kamakailan ay inatasan akong magsalita tungkol sa mahirap na bahagi ng buhay ko, na isang panahon ng pagdadalamhati. At ang ginawa ko para sa assignment na ito na magsalita ay ang pagtuunan ang halimbawa ng Tagapagligtas. Ginunita ko ang maraming panahon ng pighati na pinagdaanan ng Tagapagligtas at kung paano Niya hinarap ang mga ito. Natanto ko na kung pagtutuunan Siya at kung paano Niya hinarap ang mga personal na sitwasyong ito, ang lahat ng pinagdaanan ko ay para talaga sa ikabubuti ko. At naisip ko ang lahat ng ito ay dahil sa mapagmahal na Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin sa perpektong paraan, anuman ang pinagdaraanan natin.
Lori Newbold: Sa pagtuturo ko, nauwi ako sa paghingi ng iba pang mga halimbawa. Nakakakita ako ng mga koneksyon kapag nag-uusap kami tungkol sa isang doktrina, at pagkatapos ay hihilingin ko sa mga young women na hanapin ang mga koneksyon. At ang isang halimbawa ay isang dalagita na tinanong ko ng “Saan mo nakikita ang Tagapaglitas sa sacrament?” At katatapos lang naming pag-usapan ang tungkol sa sacrament, at bigla niyang napagtanto ang koneksyon. Sabi niya, kapag tinitingnan natin ang mesa ng sakramento, tinitingnan natin ang katawan Niya. At noon niya lang naranasan niya iyon kahit 17 taon na siya, hindi pa niya naiuugnay ang Tagapagligtas doon kahit kailan. At dahil doon, para sa akin, ang maihanda ang daan na iyon, nagsimula akong mas makita Siya, at natural lang itong lumabas sa akin.
Pandu Prasetyo: Noong nasa mission pa ako, natutunan ko na palaging maging handa na makinig sa mga espirituwal na pahiwatig ng Espiritu. Sa pagsisikap kong makinig sa tinig ng Espiritu, tinulungan ako nitong maunawaan ang mga investigator at magturo ayon sa Espiritu.
Tania M Diaz De Recio [Subtitles]:
Bilang ministering sister, kapag ipinagdarasal ko ang bawat isa sa mga naka-assign na sister sa akin, nakadarama ako ng higit na pagmamahal para sa kanila. At nadarama ko rin ang pagmamahal na mayroon ang Tagapagligtas.
Alex Munoz [Subtitles]: Palagi nating sinisikap na pagtuunan si Jesucristo, at napansin kong kapag nagsisikap tayong ituon ang klase kay Jesucristo, sa mga simbolo Niya—sa mga simbolo na nakikita natin sa mga banal na kasulatan na kumakatawan sa Kanya, inaakay nito ang mga estudyante na sadyang hanapin si Jesucristo sa mga banal na kasulatan at kung paano nito naaapektuhan ang buhay nila.
Nuria Munoz: May dalawa kaming mas nakatatandang anak na babae na nakikibahagi nang husto sa pag-aaral namin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, pero ang pangatlo naming anak ay medyo nahihiya at hindi masyadong nagbabahagi. Nakita ko noong linggong iyon na idinodrowing niya ang tinalakay namin, at naisip ko na magandang paraan ito para matulungan siyang madama na makakapag-ambag siya. Kaya inanyayahan ko siyang ibahagi ang mga drowing na iyon, at kada linggo, may bago siyang mga drowing ng lahat ng tinalakay namin. Tapos ay nagsimula siyang magbahagi ng patotoo gamit ang mga drowing o isinulat niya ang mga ito. Magandang paraan ito para madama niya na pinahahalagahan siya at na makapag-aambag siya sa mga tinatalakay namin at talagang nakatulong itong mapatatag ang patotoo namin.
Paola Segastume de Orellana [Subtitles]: Itinuro sa atin ng Tagapagligtas na mahalin ang lahat ng estudyante natin. Kaya gustung-gusto kong maging interesado kung saan sila magaling, sa mga gawain nila sa labas ng Simbahan. Gusto kong maging interesado sa mga birthday nila, matutunan din ang mga pangalan nila, itrato sila na espesyal na mga tao dahil natatangi sila. Bilang espesyal na mga anak ng Ama sa Langit, nagmamalasakit ako sa kanila. Kapag may isang hindi pumunta sa klase, hinahanap ko sila nang personal, at alam ko palagi ang mga nangyayari sa kanila.
Woodly LaFord: Bilang bishop, madalas akong makipagtulungan sa mga kabataan, at naniniwala akong ang pinakamainam na paraan para matulungan sila ay ang pagtuunan si Jesucristo. At ginagawa ko iyon gamit ang programa para sa personal na pag-unlad na idinisenyo para sa lahat ng kabataan. May isa akong binatilyo na hindi dumadalo sa seminary, at naisip ko na ang pagtulong sa kanya na maunawaan na kailangang maging tulad ni Jesus ay tiyak na makakatulong sa kanya. Kaya nag-organisa kami ng aktibidad tungkol sa personal na pag-unlad. Pagkatapos ng aktibidad na iyon, nagsimula na siyang dumalo nang regular sa seminary. Kaya naunawaan ko na kung gusto nating lumago sa espirituwal at temporal ang mga kabataan, tulungan natin silang pagtuunan na maging tulad ni Jesus.
Edwin Ramirez Guzman [Subtitles]: Hello. Isa akong titser sa Primary. Nagtuturo ako ng mga bata. Mula ako sa Guatemala. Makakaiba silang lahat, at ang ilan sa kanila ay hyperactive kung minsan.
At nadarama ko kung gaano kagusto ni Jesus na turuan ang bawat isa sa paraang espesyal sa kanila. At naalala ko ang isang pagkakataon na ang isa sa mga bata ay hindi mapakali. Talagang napakataas ng enerhiya ng batang lalaking ito, at naanyayahan ko siyang maging assistant sa klase. Sinamantala ko ang enerhiyang iyon para maturuan ang iba pang mga bata. At sa paraang iyon alam ko na si Jesucristo ay kasama ng bawat isa sa atin; tinuturuan niya tayo sa partikular na mga paraan para matuto tayo. Nagpapatotoo ako na mahal ni Jesucristo at ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin. At mararamdaman natin iyon kapag ibinabahagi natin ang Kanyang ebanghelyo.