Checklist ng Isang Guro
Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas kasama si Elder Uchtdorf
Linggo, Hunyo 12, 2022
Ang Mga Paborito Kong Tao!
Mga minamahal na kapatid at kaibigan, napakagandang magkasama at mapanood ang napakagandang video na ito kung paano makapagtuturo ang bawat miyembro ng Simbahan at mga tao sa mundo sa bawat edad at bawat henerasyon sa paraan ng Tagapagligtas.
Mga kaibigan, nagpapasalamat ako na makasama ang mga paborito kong tao: mga guro—noon, ngayon, at sa hinaharap! Sapagkat ang lahat ay guro sa iba’t ibang paraan, sa palagay ko ay kabilang ang lahat sa grupo ng mga paborito kong tao. Mahal ko ang mga guro. Gusto kong palagi silang kasama. Mahal ko at kailanman ay hindi ko mababayaran ang aking utang na loob sa mga guro na tumulong sa aking buhay.
Daan-daang taon nang pinag-aaralan ng mga pantas kung ano ang susi sa pagiging mahusay na guro at masigasig nilang iminumungkahi, isinusulong, at inilalathala ang kanilang mga teorya kung ano ang susi sa matagumpay na karanasan sa pagkatuto.
Pinagpala tayong matuto mula sa pinakamahusay na guro sa buong kasaysayan, si Jesucristo. Sa malaking bahagi ng nakaraang dalawang libong taon, sa palagay ko ay walang segundong lumipas kung saan—saanman sa mundo—ang Kanyang mga turo ay hindi pinahalagahan, pinag-aralan, pinagnilayan, pinaulit-ulit, at pinamarisan.
At hindi nga ba iyon ang layunin ng lahat ng guro? Ang makagawa ng pangmatagalang kaibahan para sa kabutihan? Ang mapagpala ang mga buhay ng iba hindi lamang sa pamamagitan ng isang aralin o sa loob ng silid-aralan?
At si Jesus ng Nazaret ay may ganoon mismong impluwensya—sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa hinaharap. Kung kaya’t sino pa ba ang mas mainam na pag-aralan natin? Kung matututo tayo mula sa Kanya, hindi lamang tayo magiging mas mahuhusay na guro, anuman ang ating sitwasyon sa buhay, kundi magiging mas mabubuting tao rin tayo.
Isang pribilehiyo at karangalan para sa akin na makapagsalita sa inyo ngayon tungkol sa Tagapagligtas—sapagkat ang pinakamainam na paraan upang maging mas mahusay na guro ay maging mas mabuting tagasunod ni Jesucristo.
Ang Kahalagahan ng mga Preflight Check
Noong nagpapalipad pa ako ng eroplano, sa tuwing ako ay nasa upuan ng piloto, isa lamang ang layunin ko—dalhin ang aking sarili, mga kasamahan, at mga pasahero sa aming destinasyon nang ligtas. Upang makamit ang layuning ito, kailangan ng pagtutuon at pagiging alisto.
Upang manatiling nakatuon, ang mga piloto ay nagsasagawa ng ilang preflight check, inuulit ang mga hakbang sa kaligtasan at sinusuri kung gumagana at nasa maayos na kondisyon ang makina. Ang bawat item sa checklist ay nagawa na ng piloto nang ilang daan (kung hindi man ilang libo) na beses.
Kailanman ay hindi ipinapalagay ng isang mahusay na piloto na dahil ilang daang beses na siyang nakapagpalipad ng eroplano, hindi na kailangang gawin ang preflight check o na puwedeng pasadahan na lamang ito.
Ang preflight check ay nagsasanay sa mga piloto na manatiling nakatuon sa mahahalagang bagay na susi sa matagumpay na paglipad.
Tulad ng piloto na may partikular na gabay na layunin, may layunin din tayo bilang mga guro ng Salita: ang magdala ng mga kaluluwa palapit kay Cristo. Sa tuwing nagkakaroon tayo ng pagkakataong magturo, ang layuning iyon ang dapat nating isaisip.
Bilang mga guro, may checklist ba tayo na makatutulong sa atin na magtuon sa ating banal na layunin? Oo!
Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas
Ngayong buwan, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maglalathala ng bagong bersyon ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Ito ay gabay para sa lahat ng nagtuturo ng ebanghelyo—sa tahanan at sa simbahan. Ito ay mababasa sa 70 wika sa Gospel Library app. Darating sa mga susunod na buwan ang mga nakalimbag na kopya.
Ginagamit ng resource na ito ang buhay at mga turo ni Jesucristo bilang gabay at inspirasyon nating mga guro. Tinutulungan tayo nito na magtuon sa pagtuturo sa paraan Niya.
Ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ay makatutulong sa lahat ng mga nagtuturo. Maaari itong makapagbigay ng inspirasyon at direksyon sa mga magulang, kapitbahay, ministering brother at sister, misyonero, at lahat ng disipulo ni Jesucristo. Ang pagiging disipulo ay pagmamahal, pangangalaga, pagpapala, at pagtulong sa iba kaya kung susumahin, ito ay pagtuturo.
Sa madaling salita, kung sinusubukan ninyong magmahal at maglingkod tulad ng ginawa ni Jesus, kayo ay maituturing na guro, at ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ay para sa inyo at sa akin. Nawa’y maging yaman ito sa inyo, kayo man ay bagong guro pa lamang o maraming taon nang nagtuturo.
Sa ika-3 bahagi ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, may pagsusuri sa sarili—na maaaring ituring na flight checklist—na makatutulong sa atin na mas magtuon sa ating mga pagsisikap na magturo. Ito ay hahantong sa pagninilay sa sarili, magbubunyag ng mga kahinaan, at magbibigay ng inspirasyon kung paano tayo magiging mas mahusay. Ang kapakinabangan nito sa mga guro ay maaaring maging katumbas ng kapakinabangan ng flight checklist sa mga piloto.
Kung hahayaan ninyong tabihan ko kayo sa upuan ng piloto, sa matalinghagang pananalita, nais kong magsagawa tayo ng preflight check para sa pagtuturo. Inaanyayahan ko kayong kumuha ng clipboard sa inyong isipan at pag-isipan kung paano ninyo nagagawa ang bawat item. Ang pagsusuri sa sarili na ito ay maaaring maging malaking pagpapala—ngayon at sa tuwing naghahanda tayong magturo sa paraan ng Tagapagligtas.
Pagtutuon ng Pansin kay Jesucristo
Ang unang item sa ating preflight check ay “Magtuon kay Jesucristo.” Isa itong pagkakataon na pagnilayan kung ang Tagapagligtas nga ba ang nasa sentro ng ating pagtuturo. Mangyaring pag-isipan ang mga tanong na ito:
-
Nagtuturo ba ako tungkol kay Jesucristo anuman ang itinuturo ko?
-
Binibigyang-diin ko ba ang halimbawa ni Jesucristo?
-
Tinutulungan ko ba ang mga mag-aaral na kilalanin ang pagmamahal, kapangyarihan, at awa ng Panginoon sa kanilang mga buhay?
-
Tinutulungan ko ba ang mga mag-aaral na sadyang sikapin na maging higit na katulad ni Jesucristo?
Malalalim ang mga tanong na ito!
Aminin natin: Sa sobrang lawak ng sakop ng ebanghelyo, kahit buong buhay natin itong pag-aralan, maliit na bahagi lamang ang matatapos ninyo. Isipin na kunwari ay nagpinta kayo ng target na kasintaas at kasinlapad ng gilid ng isang napakalaking kahoy na gusali na maaaring kumatawan sa sakop ng ebanghelyo.
Lahat tayo ay may mga kinagigiliwan tungkol sa ebanghelyo—mga bagay na nakapupukaw sa ating interes. Mga bahagi ng kasaysayan ng Simbahan, mga programa ng Simbahan, mga paksa ng doktrina, o maging mga sipi mula sa banal na kasulatan. At maaari tayong matukso na magpokus sa paborito nating mga paksa.
Ngunit malaki man ang target, ang bullseye—ang sentro ng target—na hindi natin dapat kailanman mamintis—ay maliit lamang. Ibinigay ito sa atin hindi sa pamamagitan ng komentaryo, survey, o debate. Ang Tagapagligtas mismo ang nagbigay nito sa atin.
Ano ito?
Ibigin ang Diyos at ibigin ang iyong kapwa.
Iyon ang sentro.
Marahil ay napupukaw ng ibang bagay ang ating interes. Marahil ay mahalaga rin ang mga ito. Ngunit hindi sila ang sentro.
Hindi sila ang bida sa palabas. Sila ay mga side dish lamang sa ating menu; ang salad kumpara sa main dish. Marahil ay nakadaragdag sila sa lasa o hitsura, at mga bitamina pa nga, ngunit hindi sila ang pangunahing pagkain.
Ngayon, ano nga ba ang ating layunin sa pagtuturo?
Ang ating layunin ay tulungan ang mga tinuturuan natin na mas mapalapit kay Cristo, magkaroon ng higit na kaalaman at pagmamahal sa Diyos, at maglingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagtulong nang may habag sa lahat ng Kanyang anak.
Iyon ang sentro.
At saan natin makikita ang pinakamagandang halimbawa ng pagmamahal sa Diyos at sa iba?
Sa buhay at mga turo ng ating Tagapagligtas at Manunubos.
Habang naglalapit tayo ng mga kaluluwa kay Cristo, tinutulungan natin sila na magkaroon ng higit na pananampalataya at pagmamahal sa Diyos. At tinutulungan natin sila na magkaroon ng higit na habag at pagmamahal sa iba.
Sa tuwing natutukso tayong lumihis ng landas at magtuon sa ibang paksa na marahil ay nakapupukaw sa ating interes, dapat nating tanungin ang ating mga sarili:
“Nakatuon ba ako sa Tagapagligtas, anuman ang itinuturo ko?”
“Ang itinuturo ko ba ay nakatutulong sa iba na magkaroon ng higit na pagmamahal sa Diyos at ipakita ang pagmamahal na iyon sa pamamagitan ng pagmamahal at paglilingkod, at pagsasabuhay ng mga turo ng Tagapagligtas?”
Bilang mga guro, maaari tayong makapagsalita ng wika ng mga anghel; maaari tayong magbigay-aliw, magbigay-kasiyahan, magpatawa, at magpamangha. Ngunit kung nabigo tayong manatiling nakatuon kay Jesucristo, hindi natin natamaan ang tanda1 at ang epekto ng ating pagtuturo ay wala pa sa kalingkingan ng dapat sanang naabot nito.
Palaging manatiling nakatuon sa ating Tagapagligtas at Manunubos na si Jesucristo.
Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Ang pangalawang kategorya sa checklist ay “Mahalin ang mga Tinuturuan Ninyo.” Ang kategorya na ito sa checklist ay nagtutulot sa atin na pagnilayan ang ating mga sariling motibo bilang mga guro, at ipinapaalala nito sa atin na panatilihing nakasentro ang ating mga puso sa pagmamahal at pagpapahalaga sa mga tinuturuan natin. Narito ang ilang tanong na pag-iisipan:
-
Sinisikap ko bang tingnan ang mga mag-aaral sa paraan ng pagtingin sa kanila ng Tagapagligtas?
-
Sinisikap ko bang kilalanin ang mga tinuturuan ko—upang maunawaan ang kanilang mga kalagayan, pangangailangan, at kalakasan?
-
Ipinagdarasal ko ba ang bawat isa sa mga mag-aaral?
-
Lumilikha ba ako ng ligtas na kapaligiran kung saan iginagalang ang lahat at batid na pinahahalagahan ang kanilang mga kontribusyon?
-
Naghahanap ba ako ng mga angkop na paraan upang maipakita ang aking pagmamahal?
Narinig ko ang tungkol sa isang babae na isang mahusay na guro sa hayskul. Maraming taon ang ginugol niya upang malinang ang kanyang pamamaraan ng pagtuturo at malaki ang naging kontribusyon niya sa mga buhay ng mga estudyante sa hayskul. Alam na alam niya kung paano makitungo sa mga tinedyer na ito.
Isang taon, nakibahagi siya sa isang summer school program kung saan nagturo siya sa higit na mas batang mga estudyante, mga limang taong gulang na bata. Siyempre, ang mga bata ay sabik na sabik at puno ng sigla habang dumadagsa sila sa kanyang silid-aralan. Sila ay nag-iingay at nagtatawanan, nagsisigawan, nagtatakbuhan, at naghahabulan. Upang maisaayos ang klase, ginamit ng gurong ito ang kanyang “tinig ng guro” na alam niyang gumagana sa mga tinedyer sa hayskul upang tumahimik at umupo sila. Ngunit ano ang nangyari?
Biglang napuno ng katahimikan ang silid-aralan. Agad na itinigil ng mga bata ang ginagawa nila at sa pagkasindak ay mabilis na naghanap ng upuan. Lahat maliban sa dalawa.
Ang una, isang maliit na batang babae, ay lumupasay sa sahig at nagsimulang humagulgol. Bagama’t wala namang kahit anong galit sa kanya ang guro, ang pakiramdam ng maliit na batang babae ay nakagawa siya ng malaking kasalanan kaya nag-iiiyak siya sa sahig.
Ang pangalawa, isang maliit ngunit malakas na batang lalaki, ay tumingin sa guro nang may takot sa mga mata at tumakbo palabas ng pinto, kung saan mabilis siyang naglaho sa kahabaan ng pasilyo. Hindi alam ng guro kung babalik pa siya.
Noong araw na iyon, ang guro ay natuto ng isang mahalagang aral: ang mga pamamaraan na ginamit niya sa mga tinedyer ay hindi gumana sa maliliit na bata.
At iyon ay aral din para sa atin, para sa inyo at sa akin.
Ang bawat taong tinuturuan natin ay anak ng Diyos at may sariling personalidad.
Tinitingnan ba natin sila sa paraan ng pagtingin sa kanila ng ating Ama sa Langit—bilang mga natatanging indibiduwal na may sariling kaisipan, pakiramdam, pagsubok, at paghihirap? Lumilikha ba tayo ng ligtas na kapaligiran ng pagkatuto—isang lugar kung saan nararamdaman ng bawat tao na siya ay ligtas at tanggap?
Anuman ang ating katutubong wika, alam ba ng ating mga estudyante na ginagamit natin ang pandaigdigang wika ng pagmamahal? Na pinahahalagahan, kinahahabagan, at iginagalang natin sila?
Iginugol ng Tagapagligtas ang karamihan sa Kanyang buhay sa mga itinaboy at pinalayas ng lipunan.
Maaaring sinermonan at pinarusahan Niya ang mga ito. Sa halip, niyakap, pinagaling, at inalo Niya sila.
Oo, tinuruan Niya sila na “humayo, at mula ngayo’y huwag nang magkasala.”2 Ngunit sa mga maysakit, nagkasala, at may kapansanan, Siya ay nangusap at naglingkod nang may pagmamahal, pagkahabag, at paggalang.
Tinitingnan Niya ang bawat isa sa atin bilang mga anak ng Makapangyarihang Diyos—hindi nakabababa sa Kanya, kundi may pangwalang-hanggang potensyal na lumakad sa tabi Niya sa kaluwalhatian.
Ang pananaw na ito ay sinang-ayunan ng mahusay na Kristiyanong manunulat na si C. S. Lewis nang ituro niya na, “Isang seryosong bagay ang mamuhay sa lipunan ng mga taong maaaring maging mga diyos at diyosa, ang alalahanin na ang pinakanakababagot at walang kagana-ganang taong makakausap ninyo ay maaaring isang nilikha na kung makikita ninyo ngayon ay matutukso kayong sambahin balang-araw.” Pagpapatuloy niya, “Walang mga ordinaryong tao. Kailanman ay hindi pa kayo nakakausap ng isang hamak na mortal lamang. … mga imortal ang ating nakakabiruan, nakakatrabaho, napapakasalan, ipinagsasawalang-bahala, at pinagsasamantalahan — imortal… na may walang-hanggang karingalan.”3
Kapag pinakikitunguhan natin ang iba nang may ganitong paggalang, naipapakita natin ang halimbawa ni Jesucristo. Nagmamahal tayo kung paano Siya nagmahal. Tumutulong tayo kung paano Siya tumulong. Nagtuturo tayo kung paano Siya nagturo.
Alalahanin nating mahalin, igalang, at tulungan ang mga tinuturuan natin.
Magturo sa Pamamagitan ng Espiritu
Ang pangatlong kategorya sa checklist ay “Magturo sa pamamagitan ng Espiritu.” Mangyaring pag-isipan ang mga tanong na ito:
-
Inihahanda ko ba ang aking sarili sa espirituwal na aspekto upang makapagturo?
-
Tumutugon ba ako sa mga espirituwal na pahiwatig tungkol sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral?
-
Lumilikha ba ako ng mga kapaligiran at pagkakataon upang maturuan ng Espiritu Santo ang mga mag-aaral?
-
Tinutulungan ko ba ang mga mag-aaral na maghangad, kumilala, at magsabuhay ng personal na paghahayag?
-
Madalas ba akong magbahagi ng patotoo at hinihikayat ko ba ang mga mag-aaral na gayon din ang gawin?
Sinusubukan kong ipaalala sa aking sarili palagi na sa lahat ng aking pagsisikap na ituro ang ebanghelyo at magdala ng mga tao kay Jesucristo, hindi ko kayang magpabalik-loob ng sinuman.
Tanging ang Espiritu Santo lamang ang makagagawa noon.
Maaari nating sabihin ang mga salita, ngunit ang pagbabalik-loob ay nakasalalay sa Espiritu. Nangyayari ito kapag naaantig ng Espiritu Santo ang puso at tumutugon ang tao sa Kanyang impluwensya sa pamamagitan ng pagsunod sa Tagapagligtas.
Kung, dahil sa matinding panghihikayat o makatwirang argumento, ang isang tao ay “nakumbinsi” na sundin si Jesucristo, ang paniniwalang iyon ay maaaring pansamantala lamang tulad ng binhi na nahulog sa batuhan.4
Ang trabaho natin ay hindi magpabalik-loob. Hindi iyon ang ating responsibilidad.
Ano ang trabaho natin? Ituro ang mabuting balita ni Jesucristo at ang Kanyang ebanghelyo na naipanumbalik sa ating panahon! At trabaho din natin na suportahan at patunayan ang ating mga salita gamit ang ating tapat at taos-pusong gawa! Ang ating buhay, kung paano tayo mamuhay at kumilos.
Kung tutugon man o hindi ang isang tao sa itinuturo natin, sa pagitan na niya at ng Diyos ito. Ngunit maaari tayong maging tulay na magdudugtong sa kanya sa Espiritu Santo. Maaari tayong maging bintana kung saan dadaan ang Espiritu Santo papasok sa kanyang buhay. Maaaring maituro ng ating mga salita at gawa ang doktrina ni Cristo sa paraang tutulong sa mga estudyante na maranasan ang impluwensya ng Espiritu Santo.
Tulad ng itinuro ni Elder Dallin H. Oaks, “Maaaring mahanap ang katotohanan sa pag-aaral at pangangatwiran, … ngunit tanging paghahayag lamang ang makapagpapatunay nito.”5
Uulitin ko ito: “Maaaring mahanap ang katotohanan sa pag-aaral at pangangatwiran, … ngunit tanging paghahayag lamang ang makapagpapatunay nito.”
Kung minsan, para tayong naglalakbay sa buhay nang tulog. Nakikita natin ang mga bagay-bagay ngunit hindi natin gaanong naaalala ang mga ito. Mga patalastas, post sa Pinterest, at maging karatula sa daan. Ang karamihan sa mga ito ay dumadaan lamang sa ating isipan nang hindi tumitimo sa ating puso.
Ngunit kung nangusap ang Espiritu Santo sa ating kaluluwa, hindi natin ito malilimutan, dahil babaguhin tayo nito;. Alalahanin ang sinabi ni Joseph Smith pagkatapos mabasa ang Santiago 1:5: “Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito.”6
Dahil sa Espiritu, ang isang pangkaraniwang kaisipan na sinabi sa pangkaraniwang paraan ay maaaring magkaroon ng hindi pangkaraniwang epekto.
Ang pagbabalik-loob ng isang tao ay hindi nakasalalay sa ating kaalaman at kahusayan sa banal na kasulatan. Ito ay hindi nakasalalay sa kung gaano tayo kagaling magturo o magtanggol ng doktrina. Ito ay hindi nakasalalay sa ating katalinuhan, kariktan, o kahusayan sa wika.
Ang kailangan lamang nating gawin ay alamin para sa ating mga sarili. Pagkatapos ay aanyayahan tayo ng Ama sa Langit na “buksan ang [ating mga] bibig sa lahat ng panahon, nagpapahayag ng [Kanyang] ebanghelyo nang may tunog ng kagalakan.”7 Kapag ginawa natin iyon, magpapatotoo ang Espiritu Santo sa katotohanan.
Hindi natin kailangang “maging” anumang higit pa o mas mababa sa kung sino tayo, mga anak ng Diyos at mga tagasunod ni Jesucristo.
Kaya ba ninyo, nang may kagalakan, na ipahayag ang inyong pagmamahal para sa Tagapagligtas, sa Kanyang ebanghelyo, at sa Kanyang Simbahan?
Kung gagawin natin ang ating bahagi, gagawin ng Espiritu ang sa Kanya. Iyon ang paraan kung paano natin magagawang “magturo sa pamamagitan ng Espiritu.”
Ituro ang Doktrina
Ang pang-apat na item sa ating preflight check ay “Ituro ang Doktrina”—hindi lamang kahit anong doktrina, siyempre, kundi ang doktrinang natanggap ni Jesucristo mula sa Kanyang Ama. Sinabi ng Tagapagligtas, “Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin.”8 Upang masuri kung gaano ninyo nasusunod ang Kanyang halimbawa, pag-isipan ang mga tanong na ito:
-
Inaaral ko ba ang doktrina para sa aking sarili?
-
Nagtuturo ba ako mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw?
-
Tinutulungan ko ba ang mga mag-aaral na kilalanin at unawain ang mga katotohanan sa mga banal na kasulatan?
-
Nagtutuon ba ako sa mga katotohanang nagpapatibay ng pananampalataya kay Jesucristo?
-
Tinutulungan ko ba ang mga mag-aaral na makatanggap ng personal na paghahayag sa pag-aaral ng doktrina?
Sa ating dispensasyon, sinabi ng Panginoon: “Binibigyan ko kayo ng kautusan na turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian. Masigasig kayong magturo at ang aking biyaya ay dadalo sa inyo.”9
Ano ang doktrina na ituturo natin?
Ito ang salitang nagmumula sa mga banal na kasulatan at sa mga bibig ng mga apostol at propeta. Sila ang may karapatan at awtoridad na ipaliwanag at linawin ang doktrina. At sa pamamagitan nila palaging nagpapahayag ng Kanyang salita ang Diyos, nagbibigay ng patnubay at pag-unawa sa Kanyang mga anak.
Ang pangunahin at nakapagliligtas na doktrina ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay na si Jesucristo ang Tagapagligtas at Manunubos ng lahat. Si Apostol Pablo, na nakita at nakasama ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, ay sumulat sa mga taga-Corinto, “Ipinaaalala ko sa inyo ang ebanghelyo na ipinangaral ko sa inyo … na si [Jesus na Cristo] ay namatay para sa ating mga kasalanan … at siya’y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan… at siya’y nagpakita kay Cefas, at pagkatapos ay sa labindalawa.”10
Inuutusan tayo na “[yakapin ang] salita ng Diyos, na buhay at makapangyarihan … at [aakay sa] tao ni Cristo sa makipot at makitid na daan … at [maghahatid ng] kanilang mga kaluluwa, oo, [ng] kanilang mga walang kamatayang kaluluwa, sa kanang kamay ng Diyos sa kaharian ng langit.”11
Bilang mga guro, hindi natin dapat ikahiya ang ebanghelyo ni Jesucristo.12 Sa halip, dapat nating gamitin ang ating mga tinig nang may kagalakan sa pagtuturo ng Kanyang doktrina kahit tila ito ay katitisuran sa ilan at kahangalan sa iba.13 “Sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya.”14
Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral
Ang huling item sa ating preflight checklist ay “Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral.” Ang item na ito ay isang paalala na ang masigasig na pagtuturo na ginagawa natin ay kalahati pa lamang ng kailangang gawin. Ang kalahati—na marahil ay mas mahalaga sa katagalan—ay ang masigasig na pag-aaral na ginagawa ng ating mga estudyante. Narito ang ilang tanong upang matulungan tayong suriin kung ang ating masigasig na pagtuturo ay humahantong sa masigasig na pag-aaral:
-
Tinutulungan ko ba ang mga mag-aaral na akuin ang responsibilidad para sa kanilang pagkatuto?
-
Hinihikayat ko ba ang mga mag-aaral na pag-aralan ang ebanghelyo araw-araw?
-
Hinihikayat ko ba ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila?
-
Inaanyayahan ko ba ang mga mag-aaral na isabuhay ang natututuhan nila?
Ang ating mga espiritu ay nangangailangan ng tuloy-tuloy na sustansya upang tayo ay maging mga nilalang ng liwanag at kaluwalhatian na nais ng Diyos na kahinatnan natin. Kapag pinag-aaralan at pinagninilayan natin ang mga salita ng mga propeta ng Diyos, tayo ay umiinom ng tubig ng buhay at nagpapakabusog sa salita ni Cristo.
Hindi sapat na binabasa lamang natin ang mga salita. Kailangan nating pakinggan ang mga ito; kailangan nating pagbulay-bulayan at isabuhay ang mga ito.15
Halaw sa isang salawikain, “Ituro sa isang tao ang ebanghelyo at napagpala ninyo siya ng isang araw. Turuan ang isang tao na magpakabusog sa salita ng Diyos at makipag-ugnayan sa Espiritu Santo, at napagpala ninyo siya habambuhay.”
Sa pamamagitan ng inspirasyon at personal na paghahayag na ito, naitatayo natin ang ating mga buhay sa bato ng ating Manunubos.16 Noon lamang magiging “angkla ng kaluluwa”17 ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang pagtuturo ng ebanghelyo ay mahalaga. Ang pagtuturo sa iba na ituon ang kanilang mga sarili sa pagdarasal, paghahangad ng Espiritu, at pagsasabuhay ng natutuhan nila ay mahalaga rin.
Pangako & Pagpapala
Mahal kong mga kapatid, kaibigan, at guro—at lahat kayo’y mga guro, lahat tayo’y mga guro—salamat sa inyong pananampalataya at sa inyong pagnanais na gumawa ng kabutihan. Salamat sa maraming oras na iginugol ninyo sa paghahanda, pagmi-minister, at pagtuturo sa iba tungkol sa ebanghelyo nang may kagalakaan.
Inaanyayahan ko kayo na pag-aralan ang bagong gabay na Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at gamitin ang pagsusuri sa sarili upang maipaalala sa inyo ang ating layunin.
Sa pamamagitan ng pagyakap sa salita ng Diyos at pagtuturo sa iba na gayon din ang gawin—sa pamamagitan ng pagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas—naipapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa-tao. At habang naglalakad tayo sa makipot at makitid na daan, nakikibahagi tayo sa pinakabanal na tungkulin na akayin ang ating mga sariling imortal na kaluluwa at ang mga kaluluwa ng iba tungo sa “kanang kamay ng Diyos sa kaharian ng langit, upang umupong kasama ni Abraham, at Isaac, at kasama ni Jacob, at lahat ng ating banal na ama, upang hindi na lumabas pa.”18
Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos, mga kapwa ko guro, mga kaibigan, mga kapwa lingkod, para sa inyong taos-pusong pagsisikap na magturo sa paraan ng Tagapagligtas. Sa banal na pangalan ng pinakamahusay na guro sa buong kasaysayan, sa pangalan ng ating Maestro, sa pangalan ni Jesus na Cristo, amen.