Mga Anghel at Panggigilalas
Church Educational System Training Broadcast • Hunyo 12, 2019 • Church Office Building Main Floor Auditorium
Sa pambungad na panalangin ni Brother Peterson, ginamit niya ang salitang “pamilya,” at naantig ako. Masaya ako na kasama kayo sa taunang kaganapang ito ng pamilya, para sa akin, isang pagtitipon ng pamilya. Nainspirasyunan ako ng mga sinabi nina Brother Webb, Sister Cordon, at Elder Clark. Dalangin ko na makaayon ako sa mga sinabi ng tatlong ito.
Sa pagbati ko sa inyo sa pagbanggit ko kay Brother Peterson, ang ideyang pamilya ay literal at tunay na nadarama ko sa inyo, at nais kong paniwalaan ninyo iyan. Alam ko na galing ito pakiramdam ng mga opisyal ng Board, ngunit napakaespesyal na paraan, mula sa akin.
Nilagdaan namin ni Pat ang aming unang kontrata sa CES 54 na taon na ang nakalipas nitong tag-init, at nakaugnayan namin kayo kada taon ng aming buhay mula noon—sa ilang kaparaanan. Nang magpasiya kami na pagsisikapan naming pagbutihin ang aming buhay at pamumuhay sa pamamagitan ng mga seminary at institute, hindi namin alam na magiging malakas at matibay ang ugnayan namin dito. Wala kaming kumpiyansa noon, at kung hindi dahil sa pakikipagkaibigan at tunay na pagmamahal ng mga kapwa guro, supervisor, at administrator, at ng iba pa sa aming mga unang taon, maaaring hindi talaga kami nagpatuloy. Ang pagkakaibigang iyon noong mga unang araw namin sa programa ay isa pa rin sa pinakamasaya ngayon makalipas ang mahigit kalahating siglo. At, mangyari pa, hindi kasama rito ang daan-daan—o siguro libu-libo—na mga estudyante na tinuruan at minahal namin sa mga panahong iyon. Dalangin ko na mapanatili natin ang damdaming iyon na pamilya tayo sa Church Educational System. Isa iyon sa mga dahilan kung bakit nais naming maglingkod dito.
At sa pagmamahal na iyan na binanggit ko, isa sa mga bagay na gusto kong sabihin sa inyo ngayon ay mahal kayo ng lahat ng mga General Authority at General Officer ng Simbahan at umaasa sila sa inyo. Sa aming mga council at komite, nag-uukol kami ng maraming oras, na kinakatawan ng mga General Auxilliary Officer na maraming natitipon ngayon dito, ginagawa namin ito nang sama-saman. Hindi ko alam kung ilang oras ang ginugugol namin, pero siguro (itama ninyo ako pagkatapos) mga 30 o 35 porsiyento ng oras ng lahat ng ating general authority/general officer, sa pag-uusap tungkol sa mga kabataan ng Simbahan—ang mga grupong iyon na magkakaedad, na mga tinuturuan ninyo, pati na ang mga bagong tuturuan ninyo. Pinag-uusapan namin ang mundong ginagalawan nila, ang mga hamong kinakaharap nila, ang mga realidad na nararanasan nila sa murang edad. Ngayon, hindi lahat ng realidad na iyon ay masama, ngunit may ilan. Kailangan ng mga kabataang ito ang lahat ng tulong na makukuha nila, at sa kabutihang-palad makukuha nila ito. Ang Diyos ang nagpapatakbo ng barkong ito, at ligtas itong makakarating sa daungan. Ginawa Niya ang mga kinakailangang paghahanda para dito.
Halimbawa, hindi ko inisip na nagkataon lamang na sinimulan natin ang seminary program sa mga estudyante natin na kaedad ni Joseph Smith nang makita niya ang Unang Pangitain. Palagay ko nadama ng ating Ama sa Langit na sa edad na 14 ay sapat na ang maturidad ni Joseph para masimulan niya ang kanyang misyon bilang propeta. Maipapalagay din ba natin, kung gayon, na karaniwan ito ay tungkol sa edad na magsisimulang magkaroon ang iba pang mga kabataan ng ganap na patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo, makikita ang paglakas ng patotoong iyan, (umaasa tayo,) sa darating na mga taon at magiging malakas na pwersa na gagabay tungo sa kawalang-hanggan?
Tiyak na ito ang dahilan kaya binigyang-inspirasyon ng Panginoon na gawing ganito ang ating programa—inaantig ang puso ng isang batang lalaki o babae habang sila ay nagsisimulang magkaroon ng maturidad, pinatitindi ang ugnayan sa kanila, binibigyan sila ng mahahalagang karanasan sa karaniwang mga araw sa halip na umasa lamang sa isang natutuhan o karanasan sa pag-aaral tuwing Sabbath. Habang lalo pang nagtutuon ang Simbahan sa kurikulum na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan, maipagmamalaki natin na ang CES sa pagtutuon nito sa weekday at home-study ay laging nakapokus sa pag-aaral sa tahanan. Lalo pang itinuon ng pagbabagong ito sa kasalukuyan ang seminary at institute sa pangunahing kurikulum na ginawa ng Simbahan na ngayon lang nangyari sa kasaysayan nito.
At habang tinatalakay ko ang paksang iyan, maganda ang mga sinabi ng mga namumunong kapatid sa paghiling sa amin na iugnay ang seminary curriculum sa apat na taong rotating scriptural curriculum calendar ng Simbahan. Mahalaga sa amin ang makarinig ng gayon, ngunit lalong sulit na makarinig nito sa ating board chairman. Ipaaalala ko sa inyo kung sino ang ating chairman. Ito ang ipinahayag ni Pangulong Nelson sa pagbabalita ng pagbabagong ito:
“Simula sa taong 2020, ang kurso ng pag-aaral para sa seminary ay malilipat sa taunang kalendaryo. Pag-aaralan ng mga klase ang aklat ng banal na kasulatan na kapareho ng ginagamit sa kurikulum ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Ang pagbabagong ito ay magpapaibayo sa pamamaraan ng pag-aaral ng ebanghelyo na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan sa pamamagitan ng pinag-isang pag-aaral sa tahanan, sa Sunday School, at sa seminary.
“Habang iniisip ninyo ang mga pagbabagong ito, inaanyayahan ko kayong pag-isipan ang inyong kinabukasan. Ang inyong potensyal na magkaroon ng mas malaking epekto sa mundo kaysa sa anumang nakaraang heneresyon ay lubos na nakaasa sa antas ng inyong katapatan sa Panginoong Jesucristo. Bawat isa sa inyo ay may pananagutang tumulong na maituro ang Kanyang ebanghelyo sa inyong mga kasama sa bahay. Tutulungan kayo ng seminary at institute na baguhin ang inyong tahanan para maging kanlungan ng pananampalataya—isang lugar kung saan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo, pinag-aaralan, ipinamumuhay, at minamahal.”
Hindi ko alam sa inyo, pero matagal na ako sa programang ito, at maraming taon na mula noon na mayroon tayong pangulo ng Simbahan na nagsalita nang napaka-partikular at nang may lubos na panghihikayat tungkol sa mismong bagay na iyon at personal na nagsalita sa atin. Pinasasalamatan ko po iyan, Pangulong Nelson. Ngayon, masasabi kong dahil sa pagbabagong ito sa kasalukuyan, malaki at maliit, pinag-usapan at pinag-isipan ito nang husto ng mga Kapatid, at tinalakay sa seminary at institute personnel at policy na sa pagkakaalala ko ay hindi pa nangyari sa mga taon na naglingkod ako rito. Kapana-panabik na panahon ito na mapabilang sa pamilya ng Church Educational System.
Ngayon, magsasalita ako tungkol sa pinagtutuunan ng lahat ng ito, ang dahilan ng ating pagpupulong ngayon at pagtuturo nang araw-araw at lingguhan—ang estudyante, ang pinagtutuunan ng ating pag-aalala at pagmamahal.
Habang ang mundo ay lalong nagiging sekular, dapat nating matutuhan kung paano higit na makatutulong at magiging huwaran sa ating mga kabataan na kinakailangang ipagtanggol ang kanilang pananampalataya sa isang kultura na madalas ay hindi ito tinatanggap o, mas matindi pa, ay hinahamak ito. Ang hidwaan ng ating matatapat na kabataan at ng kung minsan ay mapangutyang mundo na ginagalawan nila, sa pangkalahatan, ay lalong tumitindi sa paglipas ng bawat araw. Iyan, mangyari pa, ay “alam na” natin dahil sa mga propesiya sa mga huling araw, at hindi na iyan kasiya-siyang talakayin ni maranasan pa. Sa mundong ito, tinatawag ang mga estudyante natin na Generation Z dahil sa mga partikular na katangian. Ang mga katangiang ito ay nagtatampok sa ilang mga hamon sa ating pagtuturo:2
-
Palaging silang gumagamit ng electronic device. “Hindi nila kilala ang isang mundo na walang internet, o mga cell phone [o mga ear bud]. … Palaging nariyan ang Google [para sa kanila].”3 Maaaring hindi sila nakakita ng isang rotary dial telephone o nakatawag sa isang telephone booth. Pero okay lang iyan dahil mas gusto ng grupong ito na mag-text.
-
Sa pamamagitan ng electronic network saanmang lugar, sila ay nalantad sa masama at nakapipinsalang pornograpiya sa kanilang napakamurang edad.
-
Gusto nilang “[suportahan] ang pagpapakasal ng magkaparehong kasarian at mga karapatan ng transgender … [bilang] bahagi ng araw-araw na buhay. Bibihira sa generation Z na walang [matalik na] kaibigan sa LGBT community.”4 Dahil sa pakikisalamuhang ito, hindi na nakikita ang maliit na pagkakaiba ng pagkakaibigan at pangungunsinti sa pag-uugali.
-
“Sila ay mga post-Christian. Halos isang quarter,” (hindi ito mga estudyanteng LDS, ngunit sila katunayan ang tinitingnan natin), “Halos isang quarter (23 porsiyento) ng mga adult sa America—at one third ng mga millennial—ang ‘walang relihiyon,’ walang kinaaanibang relihiyon. Maraming generation Z ang lumalaki sa tahanang walang anumang relihiyon, hindi naranasan ang pagkakaroon ng relihiyon [o hindi nabigyan ng kaalaman] tungkol dito”5 sa kanilang sariling buhay.
-
Ang huling pag-aaral tungkol sa saloobin ng mga kabataan sa Australia hinggil sa relihiyon ay naibalita dahil sa natuklasan nito na 52 porsiyento sa kanila ang walang kinaanibang relihiyon at 37 porsiyento lamang ang naniniwala sa Diyos.6
-
Maraming isinulat ang pastor at awtor na si James Emery White tungkol sa espirituwal na kalagayan ng Generation Z. Sinabi niya, “Una, sila ay naliligaw. Hindi lamang sila namumuhay at nahuhubog ng kultura ng post-Christian. Wala silang alam tungkol sa ebanghelyo [o sa nilalaman nito]. Ang antas ng kanilang kamangmangan sa mga bagay na espirituwal ay di-pangkaraniwan. … [Pangalawa], walang gumagabay sa kanila. Kaunting payo kung mayroon man mula sa kanilang pamilya, at mas kakaunti sa internet.”7
-
Ayon sa isang artikulo na inilathala sa USA Today, ang Generation Z ang pinakamalungkot na grupo sa ating lipunan.8 Binanggit sa artikulo ang isang pag-aaral na ginawa ng Byu noong 2010 na nagsabing, “Ang kalungkutan ay mayroong epekto sa mortalidad gaya ng 15 beses na paninigarilyo kada araw, na mas delikado kaysa sa labis na katabaan.”9
-
Mga 53 porsiyento ng 13 taong gulang na babae sa Amerika ang hindi masaya sa kanilang katawan. Umaabot ito ng 78 porsiyento sa pagsapit ng 17 taong gulang ng mga batang babae. Mahigit 50 porsiyento ng mga dalagita at 30 porsiyento ng mga binatilyo ang gumagamit ng mga paraan na hindi nakabubuti sa kalusugan tulad ng hindi pagkain, pag-aayuno, paninigarilyo, pagsusuka, at pag-inom ng laxative.10
-
Ang huli, madali silang mainip. Ilan sa mga report ang nagsasabing ang average attention span ng mga Z ay mga walong segundo.11 Maaaring hindi na sila nakatuon sa unang tatlong bullet na ipinakita natin dito.
Hindi agad malulutas ng mga guro sa seminary at institute ang lahat ng problema, ngunit ang mga Kapatid ay umaasa na magiging mahusay kayo, nakahandang mabuti, nakaayon sa Espiritu, at makasasagot sa mga tanong sa inyo at mahaharap ang mga ito kung kinakailangan. Sa inyong pagtuturo sa karaniwang mga araw, mas nakakaugnayan ninyo ang mga estudyante kaysa sa halos lahat—ng iba pang mga guro sa Simbahan, kaya maging matalino kung paano ninyo gagawin ito, ngunit makatitiyak kayo na nais at inaasahan kayo ng mga Kapatid na tumulong—pormal at impormal, sa loob at labas ng klase—sa pagtuturo ng mga patakaran, at gawain, at mga doktrina ng Simbahan.
Manatiling bukas—lalo na sa Espiritu. Maging maluwag sa paggamit ng inyong lesson plan. Kung kailangan ninyong iksian ang isang lesson para makapagpatotoo at makahikayat ng talakayan sa isang napapanahong isyu, mangyaring gawin ito kapag ipinahiwatig ng Espiritu na angkop ito.
Mangyari pa, dapat ninyong gawin ito nang hindi umaastang parang tayong lider ng priesthood o auxillary. Ang pagiging maingat ay hamon sa ating sistema sa simula pa lamang, at palagi nang ganito. Kailangan ang matalinong pagpapasiya at patnubay ng Espiritu para magawa ito, ngunit ito ay isang hamon na sulit tanggapin at pinupuri kayo ng mga Kapatid sa pagsisikap ninyo. Lahat ay kailangan, at ang mensahe sa lahat ng antas ay dapat malinaw at hindi pabagu-bago.
“Sapagka’t kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka? … Pagsikapan ninyong kayo’y magsisagana sa ikatitibay ng iglesia.”12
Walang alinlangan, sa napakatinding gawain sa ating panahon, nangangailangan ito ng napakabisang pagtuturo ng ebanghelyo na talagang walang makapagpapatinag sa pananampalataya o makapagpapalihis sa ating mga kabataan kapag lumabas sila sa inyong klase at muling pumasok sa mundo. Ang ganyang uri ng pagtuturo ay madaling sabihin kaysa gawin, sinasabi ko sa inyo at alam ninyo ito, ngunit bawat isa sa atin ay maaaring maging mas mahusay. Maaari tayong maging mas mahuhusay na guro kaysa dati. Sa paggawa ng mahirap na gawaing iyan, tandaan ang isang bagay na ito sa sandaling ito na kasama ninyo ako—tandaaan na ang estudyante ay hindi isang lalagyan na pupunuin; ang estudyante ay isang apoy na pagniningasin.
Bilang mga guro ng ebanghelyo, dapat tayong maging mga espirituwal na arsonist. Ang mga lesson natin ay dapat maging sandata na nagpapaningas ng apoy. Dapat tayong maging mga pyromaniac, alisin natin ang “maniac”—“pyro,” lang. Ngayon, magpapaliwanag ako bago ninyo ako isumbong sa mga Kapatid o pulis, okay?
Namangha ako na sa halos lahat ng mahahalagang pagtuturo na nangyari sa Aklat ni Mormon, ang ginamit na parirala para ilarawan ang sandaling iyon ay tinuruan ang mga tao nang may “kapangyarihan at karapatan”13. Iyan ang pinakanais ko sa aking pagtuturo, at sana kayo rin.
Mangyaring unawain ninyo. Hindi ko tinutukoy ang tungkol sa lakas ng inyong boses, ang mala-teatro ninyong pagtuturo; lalong hindi ko tinutukoy ang tungkol sa di-totoong emosyon. Ang tinutukoy ko ay ang tungkol sa isang bagay na mahalaga, nauukol sa espiritu, ang espiirtu na maipadarama sa maraming paraan dahil magkakaiba kayo. Kailangang maging totoo kayo sa inyong sarili. Hindi kayo maaaring maging si Bruce McConkie o Boyd Packer o Russell Nelson, bagama’t makatutulong na itanong sa ating sarili kung bakit nakaimpluwensya ang mga gurong iyon sa atin. Matuto sa abot ng inyong makakaya mula sa mahuhusay na guro, (noon at ngayon), ngunit, sa huli, kailangang natural ang pagtuturo ninyo; magturo sa paraan ninyo. Gayunpaman, anumang paraan iyan, ang resulta ay dapat mabisa at nakakaimpluwensyang pagtuturo.
Gagamit ako ng mga halimbawa na nakatala sa Aklat ni Mormon. Nakasaad sa Helaman 5 ang kuwento tungkol kina Nephi at Lehi, na ipinangalan sa kanilang mga ninuno, na inatasang magturo sa mga Lamanita sa lupain ng Zarahemla. Bukod sa pagtuturo sa suwail na grupong iyon, nagturo rin sina Nephi at Lehi sa mga “tumiwalag,” yaong nag-apostasiyang mga Nephita at sumapi sa mga Lamanita para kalabanin ang mga propeta ng Diyos. Hindi ko alam ang sa inyo, pero ang dalawang grupong iyon ay kumakatawan sa uri ng mararahas na tao na hindi ko gustong unang makaharap ng Lunes ng umaga. Sa panahong iyon, ang mga Lamanita ay mararahas, galit, determinadong maghiganti sa mga Nephita dahil sa isang bagay, na ang puno’t dulo ay matagal na nilang hindi maalala. At pagkatapos, na parang hindi pa sapat iyon, nakaharap din ninyo ang mga ex-Mormon for Jesus (ito ang paggamit nila sa salitang “Mormon, hindi ito nanggaling sa akin), ang mga lokal na miyembrong nag-apostasiya na minsan ay naging kabilang sa priests quorum, na maaaring naglingkod pa nang tapat sa misyon para lamang tumiwalag. Minsan ay nagturo sila para sa atin at ngayon ay nagtuturo sila laban sa atin, laban sa kaharian ng Diyos.
Gayunman, sa dalawang suwail na grupong iyon, sinabi ng mga banal na kasulatan tungkol kina Nephi at Lehi, “Sila ay nangaral sa dakilang kapangyarihan, kung kaya nga’t nalito nila ang marami sa mga yaong tumiwalag na mga Nephita. … At ito ay nangyari na, na [sila] ay nangaral [din] sa mga Lamanita sa dakilang kapangyarihan at karapatan, sapagkat may ibinigay sa kanilang kapangyarihan at karapatan upang sila ay makapagsalita, at ibinigay rin sa kanila kung ano ang nararapat nilang sabihin.”14 Ngayon, magnilay na kasama ko. Pagnilayan sandali ang kabutihang maidudulot kung lahat ng guro sa Church Educational System—o sa Simbahan—ay malalaman ang dalawang bagay na iyon—paano magsasalita at ano ang sasabihin kapag nagsasalita na kayo. Iyan ay totoong kaloob na mga wika kahit ito ay katutubong wika ninyo. At sa pagkaunawa ko, malinaw na ang kaloob na iyon ang ibinigay sa dalawang ito nang magturo sila. Sila ay mayroong malakas na “kapangyarihan at karapatan upang sila ay makapagsalita, at … kung ano ang nararapat nilang sabihin. … Anupa’t sila ay nangusap sa labis na panggigilalas ng mga Lamanita.”15
Ang salitang panggigilalas ay nagpapaalala ba sa inyo ng isang mas naunang pangyayari sa Aklat ni Mormon? Isipin ang Mosias 27, kung saan si Alma at ang mga anak ni Mosias “ay nagpapalibut-libot at naghihimagsik laban sa Diyos.” Sa talata 11, “Ang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanila; at siya ay bumaba na waring nasa ulap; at siya ay nangusap na katulad ng tinig ng kulog, na naging dahilan upang mayanig ang lupang kanilang kinatatayuan.”16
Gusto kong magbigay agad ng isa pang maikling komento tungkol dito. Sa palagay ba ninyo ay literal na lindol iyon? Sa palagay ba ninyo kung may inilagay kayong Richter scale sa bawat 40 talampakan ay malalaman ninyo na ang lindol na iyon ay magnitude five o six, o eight o nine, na magdudulot ng mga tsunami sa malalim na karagatan at ang buong kalupaan ay mayayanig at mababago? Siguro nga. Siguro minsan. Maaari talaga, pero sa partikular na sitwasyong ito (ayon sa konteksto), sa palagay ko ay hindi. Sa palagay ko ay isa ito sa mga personal na lindol na iyon na ipadadala ng Panginoon sa mga indibiduwal, akma sa bawat isa. Naisip ko nayanig ang lupa para kay Alma at sa mga anak ni Mosias, ngunit maaaring hindi ito naramdaman ng iba.
Tiyak na naranasan ninyo iyan sa pagtuturo sa isang klase. May nasabi kayo na nakaantig nang husto sa isang estudyante kaya namutla o umiiyak siya, o pareho, tumimo hanggang sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, ngunit magkagayunman tila hindi man lang naapektuhan ang estudyante na nasa kanan o nasa kaliwa. Palaging nangyayari iyan sa misyon. Alam ninyo iyan; nagawa ninyo iyan! Isang magkompanyon ang nagtuturo sa isang pamilya na nakatira sa isang apartment. Nagturo sila ng isang lesson na napakahalaga, at nagpapabago ng puso sa mag-asawa na nagpayanig sa Apartment 106, ngunit ang mga tao sa katabing apartment sa 105, ay masayang nanonood ng American Idol, at ang mga tao sa 107 ay nakatunghay sa score sa Green Bay Packers/San Francisco 49er game. Hindi ko alam kung masusukat ito ng Richter-scale earthquake, sa usaping heolohika, ngunit sa palagay ko palaging nangangako sa inyo ang Panginoon at mga banal na kasulatan ng mga personal na lindol na babago sa estudyante hanggang sa kaibuturan ng kanilang pagkatao na magpapayanig sa lupang kinatatayuan nila. At, pasensya na—lumihis ako sa pinag-uusapan natin!
Magpatuloy tayo sa talata 12 ng Mosias 27:
“Labis ang panggigilalas” ni Alma at ng mga anak ni Mosias, “labis ang kanilang panggigilalas, kung kaya’t bumagsak sila sa lupa, at hindi naunawaan ang mga salitang sinabi [ng anghel] sa kanila. …
“ … At ngayon, si Alma at ang yaong mga kasama niya ay muling nalugmok sa lupa, sapagkat labis ang kanilang panggigilalas; sapagkat sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata sila ay nakamalas ng isang anghel ng Panginoon; at ang kanyang tinig ay tulad ng kulog, na yumanig sa lupa. …
“ …At ngayon, labis ang panggigilalas ni Alma kaya’t siya ay napipi, na hindi niya maibuka ang kanyang bibig; oo, at siya ay nanghina, maging sa hindi niya maigalaw ang kanyang mga kamay.”17
Ang iniisip ko, ang dalangin ko at inaasam na mangyari sa Church Educational System ay talagang nakapanggigilalas na pagtuturo. Kinakailangang maantig natin ang mga estudyanteng iyon at magawa ito nang may “kapangyarihan at karapatan ng Diyos”18 na ibinibigay sa isang guro—propesyonal o boluntaryo—na nagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo nang buong tapang at katapatan. Alam ba ninyo ang salitang-ugat ng napagilalas o astonish? Walang akong ideya kung ano ito sa reformed Egyptian o Hebreo, subalit sa Ingles ito ay hango sa salitang-ugat na “tonare”—ibig sabihin kulog.19
Nakatulong ba iyan para maunawaan ninyo kung bakit pagkatapos magbalik-loob, sinabi ni Alma, “O na ako’y isang anghel, at matatamo ang mithiin ng aking puso, na ako ay makahayo at makapangusap nang may pakakak ng Diyos, nang may tinig upang mayanig ang mundo, at mangaral ng pagsisisi sa lahat ng tao!
“Oo, ipahahayag ko sa lahat ng kaluluwa, tulad ng tinig ng kulog, ang pagsisisi at ang plano ng pagtubos, na nararapat silang magsisi at magsilapit sa ating Diyos, upang hindi na magkaroon pa ng kalungkutan sa balat ng lupa.”20
Mahal kong mga kaibigan sa CES, malinaw kung bakit nais ni Alma ng kapangyarihan ng anghel, ng tinig na tulad ng kulog na parang tunog ng pakakak ng Diyos at nagpapayanig ng lupa. Simple lang—ang epektibo sa kanya ay maaaring epektibo sa iba! Mga estudyanteng nakahiga at nagsisisi sa loob ng tatlong araw, napakatinding pagdalisay na ang epekto ay hindi maaalis at makakaligtaan kailanman, mga buhay na lubos at ganap na nakatuon sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos magpakailanman pagkatapos iyon. Ngayon, napakabisang pagtuturo iyan. Nauunawaan natin tulad ni Alma na hindi tayo mga anghel, at hindi tayo makakaimpluwensya sa lahat ng oras sa pagtuturo natin sa mga estudyante. Ngunit ang maganda sa mga tungkulin at gawain natin sa CES nagkaroon tayo ng pagkakataon na subukang gawin ito, na, sa matalinghagang pananalita, paulit-ulit tayong nagtuturo kung saan masusubukan natin ito.
Ngayon, balikan natin ang Helaman 5. Alalahanin na sina Nephi at Lehi ay hindi rin mga anghel; sila ay mabubuti, mortal na mga guro na may misyon at mensahe na nagturo nang may “dakilang kapangyarihan at karapatan.” Nakita ng dalawang ito ang 8,000 Lamanita na “nabinyagan tungo sa pagsisisi” at napabilang sa Simbahan ng Diyos.21 Alalahanin ang kuwento na, sa pamamagitan ng apoy na bumaba mula sa langit at ng apoy ng Espiritu na nag-aalab sa kaibuturan, ang kaluluwa ng buong grupong ito ng “mga estudyante” ay naantig ng katotohanan. Sa aking karanasan, ang 8,000 ay magandang weekly zone report mula sa sinumang magkompanyong missionary sa anumang misyon saanman sa mundo.
Hayaang ninyong banggitin ko sandali ang tungkol sa isa pang guro na hindi lamang ang kanyang kaluluwa ang nag-alab pati na rin ang kanyang katawan na sinunog dahil sa kanyang paglilingkod.
Si Abinadi, simula sa aking pagkabata, ay isa sa hinahangaan kong propeta sa ating mga banal na kasulatan. Si Abinadi ay halos hindi kilala, hindi nagpakilalang propeta ni nagpahayag ng kanyang pinagmulang angkan. Dahil sa pagsama ng mga tao ni Zenif, si Abinadi ay tinawag na mangaral sa anak ni Zenif at humaliling hari, na si Haring Noe. Alam ninyo ang nangyari.
Kaagad na nag-utos si Noe na patayin si Abinadi, at napilitan itong tumakas. Matapos ang dalawang taong pagtatago, muling nagpakita si Abinadi para magturo at magpatotoo. Napapangiti ako sa tila pagiging kawalang-muwang ng propeta sa lahat ng ito. Siya ay nagtago nang 24 na buwan, ngayon ay nagbalatkayo para hindi siya makilala, subalit sa kanyang pagbabalik ang unang sinabi niya ay, “Ang Panginoon ay nag-utos sa akin, sinasabing—Abinadi, humayo ka at magpropesiya.”22 Sa bahaging ito naisip ko kung epektibo ang pagbabalatkayo, ngunit tiyak na hindi natin pag-aalinlanganan ang kanyang pananampalataya at determinasyon.
Matapang na nagpropesiya laban sa mga kasamaan ni Haring Noe at ng kanyang konseho, si Abinadi ay dinakip at kalaunan ay dinala sa mismong konseho na kanyang kinukundena. Sa marahas na pagtatanong ng konsehong ito, ang dakilang propeta ay “tinugon sila nang buong tapang, at napangatwiranan ang lahat ng kanilang katanungan, … at nilito sila sa lahat ng kanilang salita.”23 Sa pagsagot sa kanila, nasimulan niya ang mga lima at kalahating kabanata tungkol sa doktrina na isa sa makapangyarihang pagtuturo sa buong Aklat ni Mormon. Kasisimula pa lamang niya, nang iutos ni Noe, na makasalanan at kasuklam-suklam, na patayin siya.
Lahat ng ito ay paghahanda para sa pangyayaring ito na mananatiling nakaukit sa aking kaluluwa, hindi ayon sa nakalarawan sa magandang painting,24 ni Arnold Friberg pero halos magkapareho. Dahil isang bilanggo, tiyak na nakagapos si Abinadi, ng mga kadenang gamit sa panahong iyon. Ang edad niya, hindi natin alam. Inilarawan siya ni Friberg na isang matandang lalaki,(o mas matanda), pero hindi iyan nakasaad sa teksto. Hindi ko alam kung ilang taon na siya. Malakas ang pangangatawan? Hindi ko alam, pero kalalabas lang niya sa kanyang pinagtaguan nang dalawang taon at maaaring ang lugar na iyon ay walang sapat na pagkain. Isipin si Elias na pinakain ng mga uwak. 25 Nakakita na ba kayo ng kuko ng uwak? Sa palagay ko hindi makakayang dalhin ng mga maliit na ibong iyon ang maraming pagkain. Hindi natin alam, pero marahil gutom, at pagod si Abinadi, at medyo mahina ang katawan sakali mang ganito ang naging sitwasyon niya.
“Dalhin ang taong ito, at patayin siya,” sigaw ni Haring Noe, “sapagkat ano ang mapapala natin sa kanya,. …
“ …At nagsitayo sila at nagtangkang hawakan siya ng kanilang mga kamay; subalit kanyang napaglabanan sila, at sinabi sa kanila:
“Huwag ninyo akong salingin, sapagkat parurusahan kayo ng Diyos kung hahawakan ninyo ako, sapagkat hindi ko pa naihahayag ang mensaheng ibinigay ng Panginoon sa akin na ipahayag. …
“ …Sapagkat nasa kanya ang Espiritu ng Panginoon; at ang kanyang mukha ay nagliwanag nang may di pangkaraniwang pagkinang, maging tulad kay Moises habang nasa bundok ng Sinai, habang nakikipag-usap sa Panginoon.
“At nangusap siya nang may kapangyarihan at karapatan mula sa Diyos.”26
“Kapangyarihan at karapatan.” Binanggit na namang muli. Nang simulan kung isulat ang mensaheng ito at nais gamitin si Abinadi, hindi ko naalala, o siguro hindi ko alam, na ang tala tungkol sa kanya ay nagtapos sa gayon ding parirala, na siya ay nagturo nang may kapangyarihan at karapatan. Mga kaibigan, mahalaga ang mabasa ito, ngunit mahalaga rin na makita sa ating isipan at marinig sa ating puso sa tinig na tulad ng kulog, “Huwag ninyo akong salingin, sapagkat parurusahan kayo ng Diyos kung hahawakan ninyo ako.”27 Napapaluha ako sa tuwing binabasa ko ang mga salitang iyon. Naririnig ko pa rin ito na puno ng kapangyarihan, katapangan, at katatagan sa aking puso. Walang indikasyon na sumigaw siya. Walang indikasyon na ginamit niya ang kanyang pisikal na lakas. Dahil nababantayan at nakakadena siya, wala siyang halos magagawa. Ngunit sa wari ay nakaapekto ang sinabi niya at kung paano niya ito sinabi. Sinabi kong “sa wari” dahil walang anumang indikasyon na sinuman sa mga bantay ay kumilos para hawakan siya, ni nakapagsalita pa si Haring Noe o isa sa kanyang mga saserdote sa apat pang nakaaantig na kabanata.
Hindi natin matatalakay lahat ang magagandang halimbawa ng uring iyon ng pagtuturo sa mga banal na kasulatan, at napakarami nito. Inaanyayahan ko kayo na hanapin ang mga ito, pagnilayan ang mga ito, at humingi ng kaloob na tugma sa ating mga tungkulin.
Ang ganitong uri ng pagtuturo ay mahirap gawin at hindi ito madaling matutuhan. Kung alam ko kung paano magturo paraang iyan, tiyak na lalo akong magtatagumpay sa paggawa nito. Ngunit ito ang nalalaman ko: kung hindi kayo masigasig tungkol sa isang bagay, hindi ninyo, kailanman, maaasahan na ganito rin ang madama ng inyong mga estudyante. Maaari ko bang ulitin iyan? Kung hindi kayo masigasig tungkol sa isang bagay, hindi ninyo maaasahan na ganito rin ang madama ng inyong mga estudyante. Ang pinagmumulan ng kasigasigang iyan ay sa ipinahayag tungkol kay Abinadi: “Sapagkat nasa kanya ang Espiritu ng Panginoon; at ang kanyang mukha ay nagliwanag nang may di pangkaraniwang pagkinang.”28
Kung ang Espiritu ang susi sa nakagigilalas na pagtuturo—at totoo ito—may peligro sa pagtuturo ng mga lumang tala o paggamit palagi ng isa sa mga halimbawa ng inyong mga kapwa guro, o walang damdaming pag-uulit ng isa sa mga mensaheng mula sa pangkalahatang kumperensya. Lahat ng iyon ay mainam at kahanga-hanga nang ituro o bigkasin ang mga ito ng orihinal na gumawa nito, kaya gumamit ng anumang bagay sa abot ng inyong makakaya sa anumang oras upang mabigyang buhay at kulay ang inyong pagtuturo. Ngunit ang higit na mahalaga ay kung ano ang nararamdaman ninyo kapag binibigkas ninyo ang mga salita. Walang makahahali sa mga iyan. “O na ako’y isang anghel, … na ako ay … makapangusap … nang may tinig upang mayanig ang mundo!”29 Tandaan: ang estudyante ay hindi isang lalagyan na pupunuin. Ang estudyante ay isang apoy na pagniningasin. At kapag nagawa natin iyan nang mabuti, maaari tayong maging karapat-dapat na makaharap yaong mga sinunog dahil sa kakayahang makaantig o makaimpluwensya ng mga tao. Mangyaring humayo, kayong mga anghel ng kaluwalhatian sa buong mundo—pagmalasakitan ang mga taong kaharap natin—humayo at antigin ang inyong mga estudyante. Pinatototohanan ko ang kabanalan ng gawaing ito. Pinatototohanan ko ang kabanalan ng inyong tungkulin. Mahal kong mga kapatid, ito ay gawain ng Makapangyarihang Diyos. Hindi ko ibinigay ang aking buhay sa isang fairy tale. Hindi ko ibinigay ang aking buhay, ni kayo man, sa sinabi ni Pedro na ipinararatang na ginagawa natin, iyon ay ang panlilinlang, paglulubid ng kasinungalingan, at tusong kabulaanan. Ito ang katotohanan. Hindi ito gawa-gawang kuwento para makapanlinlang. Ibinigay ko ang aking buhay, ibinigay ninyo ang inyong buhay, ang mabubuting taong kilala ko ay ibinigay at ibinibigay din ang kanilang buhay. Ito ang katotohanan ng Makapangyarihang Diyos, at pagpalain nawa Niya kayo magpakailanman sa pagtuturo ninyo nito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2019 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Bersyon: 5/19. Pagsasalin ng “Angels and Astonishment.” Tagalog. PD60009021 893