Ang Kapangyarihan ng Personal na Paghahayag
Church Educational System Training Broadcast • Hunyo 12, 2019 • Church Office Building Main Floor Auditorium
Bago ko simulan ang mensahe ko ngayon, gusto kong ipahayag ang aking pasasalamat at pagmamahal. Kagalakan kong makibahagi sa inyo sa dakilang gawain ng pagtulong sa bagong henerasyon na lubos na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Mahal ko kayo at dalangin ko na pagpalain kayo at ang inyong pamilya ng Panginoon.
Gusto kong magsalita ngayon tungkol sa tatlong huwaran ng personal na paghahayag sa Aklat ni Mormon:
Ang una ay ang mga sagradong talaang nagpapatotoo kay Jesucristo at sa plano ng Ama. Ang pangalawa ay ang pagsaksi ng Espiritu Santo, na nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo at nagpapalalim ng pagbabalik-loob sa kanya. Ang pangatlo ay ang buhay na mga propeta na nagpapatotoo kay Jesucristo at lumalaban sa kasamaan.
Ang mga huwarang ito ay malinaw at mabisang inilahad sa Aklat ni Mormon dahil mahalaga ang mga ito—napakahalaga—sa ibayong pananampalataya kay Jesucristo at mas malalim na pagbabalik-loob sa Kanya sa ating panahon.1
Nabubuhay tayo sa isang panahon na ginagawa ng masasamang lalaki at babaeng naliligaw ng landas ang lahat ng kanilang makakaya upang makumbinsi ang bagong henerasyon na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti. Ginagamit nila ang mga pamamaraan ng mga katulad ni Serem, Nehor, at Korihor sa Aklat ni Mormon—mga tusong pangangatwiran, paninipsip, at mga bansag at larawang pinag-isipang mabuti—upang lumikha ng mga maling doktrina tungkol sa ating kaugnayan sa Diyos, pagmamahal, pagpaparaya, kasal, walang-hanggang pagkakakilanlan, pamilya, at marami pang iba. Marami sa mga ideolohiya at doktrinang ito ng mga tao ang may “anyo ng kabanalan, datapwat tinatanggihan [nilang lahat] ang kapangyarihan nito.”2
Ang ating mga estudyante ay nalalantad bawat minuto ng bawat araw sa mga mensaheng gaya nito, at kailangan nila ng personal na paghahayag upang mapalakas ang pananampalataya nila kay Jesucristo at mapalalim ang pagbabalik-loob nila sa Kanya. Umaasa ako at dalangin ko na gagawin ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para tulungan ang ating mga estudyante na lubos na matutuhan ang mga huwarang ito ng personal na paghahayag.
Mga Sagradong Talaang Nagpapatotoo kay Jesucristo
Magsisimula ako sa mga Sagradong Talaang Nagpapatotoo kay Jesucristo Ito ay isang temang matatagpuan sa buong Aklat ni Mormon. Nagsimula ito sa mga laminang tanso.3
Ang karanasan ni Nephi kay Laban ay isang mahalagang pangyayari sa kanyang buhay. Nalaman ni Nephi kung gaano kahalaga ang mga talaang iyon para sa kanya at sa kanyang pamilya: “Karunungan sa Diyos na nararapat nating makuha ang mga talaang ito, upang mapanatili natin sa ating mga anak ang wika ng ating mga ama; at … ang mga salitang ipinahayag ng bibig ng lahat ng banal na propeta.”4
Ang mga laminang tanso ay nagkaroon ng malaking impluwensya sa pag-unlad ng mga Nephita sa espirituwal, relihiyon, at lipunan. Sila ang pinagmulan ng personal na paghahayag at maluluwalhating propesiya tungkol sa pagparito ng Anak ng Diyos, ang Banal ng Israel. Nagbigay rin sila ng malakas na patotoo tungkol sa kagila-gilalas na plano ng kaligtasan ng Ama. Nagpatotoo ang mga banal na propetang binanggit sa mga laminang tanso na magbabayad-sala ang Mesiyas para sa mga kasalanan ng sanlibutan, magdurusa at mamamatay, at muling babangon na matagumpay laban sa kasalanan at kamatayan.5
Nasa mga laminang tanso rin ang mga tipan ng Ama kay Abraham at sa buong sambahayan ni Israel. Natuklasan ni Lehi na siya ay inapo ni Jose at na ang kanyang mga inapo ay magiging mga anak ng tipan, mga tagapagmana sa lahat ng pangakong nagawa ng Diyos kay Abraham, pati na ang pagtitipon ng Israel sa mga huling araw.
Ginamit ni Lehi ang mga laminang tanso upang turuan ang kanyang mga anak tungkol sa Tagapagligtas at sa mga tipang ginawa ng Ama sa sambahayan ni Israel. Itinuloy ni Nephi at ng kanyang kapatid na si Jacob ang kagawiang iyon at idinagdag kalaunan ang sarili nilang mga talaan sa utos ng Panginoon.6 Talagang sumampalataya si Nephi sa kahalagahan ng pag-iingat ng mga permanenteng talaan, lalo na yaong sagrado.7
Mula sa pundasyon ng mga unang panahong iyon sa lupang pangako, nagkaroon ng kultura ang mga Nephita na itinuring ang pag-iingat ng mga sagradong talaan, pagbabasa, at pagtuturo bilang mataas at banal na mga responsibilidad. May pananampalataya kay Jesucristo at katapatan sa pagtatangi at pagpepreserba sa Kanyang salita, ang mga Nephita ay naging isang lipunan ng mga tagaingat ng mga sagradong talaan, mambabasa, at guro.8 Ang mga opisyal na talaan ay iningatan sa mga lamina, ngunit sa paglipas ng panahon, nagkaroon ng isang sistema ng paglalathala ang mga Nephita para makopya at maisulat ang mga sagradong talaan sa mga materyal na mas magaan at malawakang ipinalaganap.9
Ang malawakang pagpapalaganap ng mga sagradong talaan ay ginawang posible na maituro ng mga magulang sa kanilang mga anak at ng mga anak sa kanilang mga anak ang mga utos ng Panginoon hanggang sa paglipas ng mga siglo.10 Madadala ng mga missionary, gaya ng mga anak ni Mosias, ang mga talaan at magagamit ito para turuan ang mga Lamanita na may magagandang bunga.11 Nang turuan ni Alma si Helaman, lumikha ng isang karanasan sa paghahayag ang mga sagradong talaan na “pinalawak … ang kaalaman ng mga taong ito, oo, at … dinala [ang libu-libong Lamanita] sa kaalaman ng Panginoon nilang Diyos, at upang magsaya kay Jesucristo na kanilang Manunubos.”12
Ang kagalakang ito ay umabot sa kasukdulan nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga tao sa templo sa lupaing Masagana.13 Mayroon tayo nitong kagila-gilalas at nakahihikayat na patotoo tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo at maluwalhating pagkabuhay na mag-uli ng buhay na Cristo sa Aklat ni Mormon ngayon sa pamamagitan ng awa, kaloob, at kapangyarihan ng Diyos.14 Gaya ng mga Nephita, dahil sa kanila, mayroon tayong mga sagradong talaan na nagpapatotoo kay Jesucristo at sa plano ng kaligtasan ng Ama. Tulad ng ipinropesiya ni Alma sa kanyang anak na si Helaman noong araw, ang Panginoon ay “[pinangalagaan ang mga bagay na ito] para sa isang matalinong layunin sa kanya, upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan sa mga darating na salinlahi.”15
Ang hinaharap na iyon ay ngayon. Ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan sa bagong henerasyon sa kagila-gilalas na paraan. Habang itinuturo natin ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa Aklat ni Mormon, nadarama ng ating mga estudyante ang kapangyarihang iyon. Habang naghahangad ng personal na paghahayag ang ating mga estudyante sa pagpapakabusog nila sa Aklat ni Mormon, para sa kanila ay magiging katulad ito ng kung ano ang mga laminang tanso para sa mga tao ni Nephi—isang saksi ni Jesucristo at ng kapangyarihan Niyang tumubos at mapagkukunan ng personal na paghahayag at kagalakan.
Pagsaksi ng Espiritu Santo na Nagpapalakas ng Pananampalataya kay Jesucristo at Nagpapalalim ng Pagbabalik-loob sa Kanya
Pag-uusapan natin ngayon ang tungkol sa Espiritu Santo. Paglalakbay ni Lehi sa lupang pangako ay ang paglalakbay ng espirituwal na lakas. Ito ay isang panahon kung kailan tinuruan, ginabayan, at inaliw ng Panginoon sina Lehi at Saria at lahat ng anak nila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo sa inspirasyon, mga panaginip, at mga pangitain; sa Kanyang sariling tinig; at sa pagpapakita ng mga sugo ng langit. Ipinahayag ni Nephi na ang mga pagpapalang ito na espirituwal na lakas ay dumating “sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na siyang kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na humahanap sa kanya.”16
Talagang hinanap ni Nephi ang Panginoon at tumanggap siya ng mga dakilang paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang mithiin niyang malaman para sa kanyang sarili ang huwarang nakikita natin sa buong Aklat ni Mormon. Si Nephi ay nagkaroon ng “matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos.”17 Ang pagnanais na iyon ay nakaimpluwensya sa kanya, at siya “ay nagsumamo sa Panginoon”18 sa panalangin nang may tunay na layunin. Sa mithiing ito, sinabi kay Nephi ng Panginoon: “Pinagpala ka, Nephi, dahil sa iyong pananampalataya, sapagkat hinanap mo ako nang buong pagsisikap, nang may kapakumbabaan ng puso.”19
Ito ang huwaran: pagnanais na malaman, taimtim na panalangin na taos-puso, masigasig na paghahanap nang may pagpapakumbaba at pananampalataya kay Jesucristo, at ang kaloob na Espiritu Santo.20 Nakikita natin ang huwarang ito sa buhay ni Enos, ni Alma, ng mga anak ni Mosias, ni Haring Lamoni at ng kanyang ama, ng mga tao ni Ammon, ni Helaman at ng kanyang mga kabataang mandirigma, at marami pang iba.21 Tunay ngang sa panahon ng kabutihan ng mga Nephita at Lamanita, laganap ang personal na paghahayag sa kanila sa pamamagitan ng Espiritu Santo.22
Tulad ng matatapat na Nephita at Lamanita na tinugunan—at isinulat—ang inihayag ng Espiritu Santo sa kanila, pinagpala sila ng Panginoon ng higit pa. Dahil pinahalagahan nila23 ang ibinigay Niya sa kanila, pinagpala sila ng Panginoon ng dagdag na pananampalataya sa Kanya, mas malalim na pagbabalik-loob, at diwa ng paghahayag. Lumaki ang kakayahan nilang tumanggap ng paghahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang karanasan ni Alma ay isang magandang halimbawa ng huwarang ito. Naalala niya na nakita niya ang mga anghel at tumanggap ng kagila-gilalas na mga pangitain, gayunma’y patuloy niyang hinangad ang pagsaksi ng Espiritu mula sa Panginoon: “Masdan, ako ay nagpapatotoo sa inyo na alam ko na ang mga bagay na aking sinabi ay totoo. At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?
“Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagbigay-alam nito sa akin sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu; at ito ang diwa ng paghahayag na nasa akin.”24(Close quote.)
Ang pagsaksi ng Espiritu Santo ay nagkaroon ng malaking epekto sa mga Nephita at sa lipunang kanilang kinabilangan.25 Wala nang mas magandang halimbawa kaysa sa misyon ng mga anak ni Mosias sa mga Lamanita 91 taon bago isinilang ang Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng masigasig pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan, pag-aayuno, at panalangin, mga dakilang misyonerong ito ay “taglay … ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag.”26
Nagkaroon ng malaking impluwensya ang kanilang gawain sa mga Lamanita sa takbo ng kasaysayan ng mga Nephita at Lamanita. Sa unang pagkakataon sa loob ng 500 taon, “libu-libo [sa mga Lamanita] ang nadala sa kaalaman ng Panginoon, … at itinuro sa kanila ang mga talaan at propesiya.”27 Ang paglalarawan ni Mormon sa karanasang ito ay isang pangako ng propeta tungkol sa maaaring mangyari sa sinuman sa mga anak ng Diyos na sumusunod sa huwaran ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo: “Kasindami ng nadala sa kaalaman ng katotohanan, sa pamamagitan ng pangangaral ni Ammon at ng kanyang mga kapatid, alinsunod sa diwa ng paghahayag at ng propesiya, at ng kapangyarihan ng Diyos na gumagawa ng mga himala sa kanila … [ang] nagbalik-loob sa Panginoon, kailanman ay hindi nagsitalikod.”28
Mga kapatid, ito ang pagsaksi at kapangyarihan ng Espiritu Santo na nagpapalakas ng pananampalataya kay Jesucristo at nagpapalalim ng pagbabalik-loob sa Kanya.
Mga Propetang Nagpapatotoo kay Jesucristo at Lumalaban sa Kasamaan
Ang ikatlong huwaran ng personal na paghahayag ay ang buhay na mga propeta na pinagkalooban ng kapangyarihan at awtoridad na sabihing, “ganito ang wika ng Panginoon,” sa oras na iyon mismo sa lahat ng tao. Ito ang dakilang huwaran ng propeta na nakikita natin sa buong Aklat ni Mormon: mga propetang nagpapatotoo kay Jesucristo, nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo, pinagsisisi ang mga tao, at nagbababala at lumalaban sa kasamaan sa kanilang panahon.29 Sa pamamagitan ng paghahayag, lalo na mula sa mga anghel, nabigyan tayo ng mga propeta sa Aklat ni Mormon ng napakalalim at kahanga-hangang kabatiran tungkol kay Jesucristo, sa Kanyang doktrina, at sa Kanyang Pagbabayad-sala.30
Matapang at tahasan ang mga propeta sa panawagan sa mga tao na magsisi. Sa gayon, mayroon tayo sa Aklat ni Mormon ng kahanga-hangang mga turo nina Nephi, Jacob, Haring Benjamin, Alma, Amulek, mga anak ni Mosias, Kapitan Moroni, Mormon, at Moroni tungkol sa pagsisisi.31 Ang mga dakilang propetang ito ay nagturo nang malinaw, tuwiran, may pagmamahal, at may pag-asa. Naaalala pa rin natin ang kanilang mga turo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo:
-
“Kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos?”32
-
“Kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?”33
-
“Masdan, nahubad na ba sa inyo ang kapalaluan?”34
-
“Magsisi, magsisi, sapagkat ang Panginoong Diyos ang nagsalita nito! … siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin.”35
Nilabanan ng mga propeta ng Aklat ni Mormon ang masasamang taong naghangad na ilayo ang mga tao kay Jesucristo at wasakin ang Kanyang Simbahan. Ang mga taong gaya nina Serem, Nehor, Amlici, Korihor, Amalikeo, at marami pang iba ay hinikayat ng kaaway na manlito at manlinlang nang buong husay.36 Malaki ang kaalaman nila sa wika at gumamit sila ng tusong mga paraan o argumento para magmukhang masama ang mabuti at ang mabuti, masama.
Binola nila ang mga tao, inakit ang kanilang kayabangan, kapalaluan, pagnanasa sa kapangyarihan, at pagnanais na bigyang-kasiyahan ang kanilang mga pita. Sabi sa mga banal na kasulatan, nagkaroon sila ng “labis na mapanghikayat na pananalita, alinsunod sa kapangyarihan ng diyablo”37 at “nangusap sa lumalakas na pananalita.”38 Bagama’t maling lahat ang mga turo, pagtatalo, at pangakong ito, lubhang kaakit-akit ang mga ito sa likas na tao, at maraming tumiwalag sa Simbahan at naligaw ng landas hanggang sa tumindig ang mga propeta upang sawayin at labanan ang masasama.39
Nang hindi sumapat ang mga salita, nanakot, pumatay, at nagnakaw ang masasamang tao at lihim na nakipagsabwatan upang itago ang kanilang masasamang gawa.40
Lumaban ang mga propeta sa mga anyong ito ng kasamaan sa payak at simpleng salita ng Diyos, at nagbahagi ng kanilang patotoo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, at ng mga himalang ginawa ng kamay ng Panginoon. Sabi nga ni Jacob nang makaharap niya si Serem, “Ibinuhos ng Panginoong Diyos ang kanyang Espiritu sa aking kaluluwa, kung kaya’t nalito ko siya sa lahat ng kanyang salita.”41
Nagsasalita ang buhay na mga propeta para sa Panginoon sa ating panahon. Kapag naririnig natin ang kanilang mga salita nang may Espiritu, tumatanggap tayo ng tuwirang personal na paghahayag, kabilang na ang nagpapatibay na paghahayag na totoo ang sinabi ng propeta.42 Kapag tinuturuan natin ang ating mga estudyante na hanapin ang mga salita ng buhay na mga propeta upang sagutin ang kanilang mga tanong, inaakay natin sila sa mabisang mapagkukunan ng inihayag na katotohanan. Natututuhan ng ating mga estudyante na dumadaloy ang personal na paghahayag sa kanilang buhay kapag sinusunod nila ang buhay na mga propeta na nagpapatotoo kay Jesucristo at lumalaban sa kasamaan.43
Lubos na Pag-aaral ng Alituntunin ng Personal na Paghahayag
Mga kapatid, sama-sama nating napag-aralan ang personal na paghahayag sa pamamagitan ng mga sagradong talaan, pagsaksi ng Espiritu Santo, at mga buhay na propeta na inilahad nang napakabisa sa Aklat ni Mormon.44 Napag-aralan na natin ang mga ito nang magkakahiwalay, ngunit lubhang magkakaugnay ang mga ito. Tunay ngang ang mga ito ay bahagi ng dakilang “ [pagtitipon ng] lahat ng mga bagay kay Cristo”45 sa dispensasyong ito.
Kapag pinagsama-sama, ang mga huwarang ito ng personal na paghahayag ay nagpapatotoo, nagpapalakas ng pananampalataya, at nagpapalalim ng pagbabalik-loob kay Jesucristo. Kailangang lubos na pag-aralan ng ating mga estudyante ang alituntunin ng personal na paghahayag upang malaman at maunawaan ito sa kanilang puso’t isipan Kailangan nila malaman kung paano epektibong kumilos nang matwid para matamo ito, kailangan nilang lumago sa alituntunin ng paghahayag at unti-unting maging higit na katulad ng kanilang Tagapagligtas na si Jesucristo.
Magmumungkahi ako ng ilang bagay na sana’y ituro ninyo sa inyong mga estudyante sa pagsisikap nilang lubos na pag-aralan ang walang-hanggang alituntunin ng personal na paghahayag?
Una, ang personal na paghahayag ay personal.
Kung itutuon ng ating mga estudyante ang kanilang puso’t isipan kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, madarama nila ang Kanyang pagmamahal, magagalak sila sa Kanyang ebanghelyo, at mas mapapalapit sila sa Kanya. Magkakaroon sila ng hangaring marinig ang Kanyang tinig at matanggap ang Kanyang liwanag. Ang personal na paghahayag ay pansarili.Kilala nang lubos at personal ng Panginoon ang ating mga estudyante. Mangungusap siya sa kanila nang personal sa sakdal na pagmamahal, pagdamay, at kaalaman tungkol sa kung ano ang kailangan nila. Ang paghahayag ay dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ngunit ito ay salita ng Panginoon. Nagmamahal Siya. Nangungusap Siya. Gumagabay Siya. Nagbibigay Siya ng proteksyon. Ito ay personal.
Pangalawa, lahat ng estudyante natin ay may kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag.
Nagkakaroon ng personal na paghahayag nang Espiritu sa espiritu; ito ay banal na pakikipag-ugnayan ng Espiritu Santo sa walang-hanggang espiritu ng ating mga estudyante.46 Bawat isa sa ating mga estudyante ay may likas na kakayahang tumanggap ng personal na paghahayag mula sa Diyos. Gumagana iyon ayon sa batas ng Diyos. Kailangang pagsikapan iyon—sa masigasig na paghahangad sa paghahayag sa panalangin, pag-aayuno, pag-aaral, pakikinig, pagsulat, at pagkilos nang may pananampalataya kay Jesucristo. Ang gawaing iyon—at personal na kabutihan—ang nagbubukas sa daluyan ng personal na paghahayag na mayroon silang lahat.
Pangatlo, maaari at kailangang lumago ang kakayahan ng ating mga estudyante na tumanggap ng paghahayag.
Maaaring lumago ang kakayahan ng ating mga estudyante na tumanggap ng personal na paghahayag. Tunay ngang kailangan itong lumago kung nais nilang mabuhay sa espirituwal at tumanggap ng buhay na walang hanggan. Totoo rin ito para sa atin. Kaya nga hinimok at pinakiusapan sila (at tayo) ni Pangulong Nelson na “dagdagan ang inyong espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”47 Itinuro ni Propetang Joseph, “Sa pamamagitan ng pagkatuto tungkol sa Espiritu ng Diyos at pag-unawa rito, [ang ating mga estudyante] ay maaaring umunlad sa alituntunin ng paghahayag, hanggang sa maging sakdal [sila] kay Cristo Jesus.”48
Sa huli, huwag na huwag ninyong maliitin ang naghahayag na kapangyarihan ng pagsunod sa propeta.
Nabubuhay ang ating mga estudyante sa maganda at mapanghamong panahon. Poprotektahan at pagpapalain sila at dadaloy ang paghahayag sa kanilang buhay kung susundin nila ang payo at mga paanyaya ng propeta ng Panginoon. Ang propeta ay nagsasalita para sa Panginoon. Narito ang isang halimbawa na nangyari kamakailan lamang, sa pagsasalita sa ating mga estudyante, isinulat ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang inyong kakayahang magkaroon ng higit na epekto sa mundo kaysa nagdaang mga henerasyon ay lubos na nakaasa sa antas ng inyong katapatan kay Jesucristo. Bawat isa sa inyo ay may pananagutang tumulong na maituro ang ebanghelyo sa inyong mga kasama sa bahay. Tutulungan kayo ng seminary at institute na baguhin ang inyong tahanan para maging kanlungan ng pananampalataya—isang lugar kung saan ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuturo, pinag-aaralan, ipinamumuhay, at minamahal.”49
Mga kapatid, tulungan sana ninyo ang ating mga estudyante na sundin ang propeta. Turuan silang suportahan ang kanilang mga magulang na gawing sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang kanilang tahanan. Turuan silang ibahagi ang kanilang pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang ebanghelyo sa kanilang pamilya at mga kaibigan. Kapag ginawa nila ito, tatanggap sila ng “paghahayag sa paghahayag … yaon na nagdadala ng kagalakan, yaon na nagdadala ng buhay na walang hanggan.”50 Magiging katulad sila ng hukbo ni Helaman, isang inspirasyon sa lahat ng nakakakilala sa kanila, lalo na sa mga tao sa sarili nilang tahanan.
Saksi
Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko ang ating mapagmahal na Ama sa Langit. Siya ay buhay. Si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Alam kong Siya ay buhay. Gumagabay ang Espiritu Santo sa ating buhay. Bukas ang kalangitan. Ito ay araw ng mga himala, isang araw ng paghahayag sa pamamagitan ng kapangyarihan ng “Espiritu … [na] ipinadala sa pamamagitan ng kalooban ng Ama sa pamamagitan ni Jesucristo, na kanyang anak.”51 Alam kong iyan ay totoo. Nawa’y maghangad ng paghahayag ang bawat isa sa atin mula sa Panginoon upang tulungan ang bawat estudyante, bawat isa, na lubos na matutuhan ang maluwalhating alituntuning ito at tumanggap ng personal na paghahayag sa kanilang buhay ngayon at magpakailanman.
Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2019 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Bersyon: 5/19. Pagsasalin ng “The Power of Personal Revelation.” Tagalog. PD60009021 893