Patuloy na Paghahayag
Ang pasiya at makatwirang pag-iisip ng tao ay hindi magiging sapat para masagot ang mga tanong na pinakamahalaga sa buhay. Kailangan natin ng paghahayag mula sa Diyos.
Sana sa araw na ito ay madama nating lahat ang pagmamahal at liwanag mula sa Diyos. Nadarama ng maraming nakikinig ngayon na kailangang-kailangan nila ang personal na paghahayag mula sa ating mapagmahal na Ama sa Langit.
Para sa mga mission president, maaaring ito ay panalangin na sumasamo kung paano hihikayatin ang isang nahihirapang missionary. Para sa isang ama o ina na nasa isang lugar sa mundo na winawasak ng digmaan, maaaring ito ay pangangailangang malaman kung ililikas ba nila ang kanilang pamilya sa ligtas na lugar o mananatili na lamang doon. Daan-daang stake president at bishop ang nagdarasal ngayon para malaman kung paano tutulungan ang Panginoon sa pagsagip sa isang nawawalang tupa. At para sa isang propeta, iyon ay ang malaman kung ano ang nais ng Panginoon na ipabatid niya sa Simbahan at sa isang mundong puno ng kaguluhan.
Alam nating lahat na ang pasiya at makatwirang pag-iisip ng tao ay hindi magiging sapat para masagot ang mga tanong na pinakamahalaga sa buhay. Kailangan natin ng paghahayag mula sa Diyos. At hindi lamang isang paghahayag ang kailangan natin sa panahon ng kagipitan, kundi patuloy na paghahayag. Hindi lamang bahagyang kaalaman at kapanatagan ang kailangan natin, kundi patuloy na pagpapala sa pakikipag-ugnayan sa Diyos.
Ang pagkakatatag ng Simbahan ay nagmula sa isang batang lalaki na nalalamang ito ay totoo. Alam ng batang si Joseph Smith na hindi niya malalaman sa kanyang sarili lamang kung aling simbahan ang sasapian. Kaya nagtanong siya sa Diyos tulad ng sinabi sa aklat ni Santiago na maaari niyang gawin. Ang Diyos Ama at Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagpakita sa kakahuyan. Sinagot nila ang tanong na hindi kayang sagutin ni Joseph.
Hindi lamang siya tinawag ng Diyos upang itatag ang totoong Simbahan ni Jesucristo, kundi kaakibat nito ay ipinanumbalik ang kapangyarihang mapasaatin ang Espiritu Santo upang ang paghahayag mula sa Diyos ay magpatuloy.
Ganito inilarawan ni Pangulong Boyd K. Packer ang tunay na katangian ng totoong Simbahan: “Ang paghahayag ay patuloy sa Simbahan: tinatanggap ito ng propeta para sa Simbahan; ng president para sa kanyang stake, mission, o korum; ng bishop para sa kanyang ward; ng ama para sa kanyang pamilya; ng indibiduwal para sa kanyang sarili.”
Ang kahanga-hangang proseso ng paghahayag na iyan ay nagsisimula, nagtatapos, at nagpapatuloy kapag tumatanggap tayo ng personal na paghahayag. Gawin nating halimbawa ang mabait na si Nephi na anak ni Lehi. Nanaginip ang kanyang ama. Itinuring ng ilan sa pamilya ni Nephi na kahibangan ang panaginip ni Lehi. Kabilang sa panaginip ang isang utos mula sa Diyos para sa mga anak ni Lehi na gawin ang mapanganib na pagbabalik sa Jerusalem para sa mga lamina na naglalaman ng salita ng Diyos upang madala nila ang mga ito sa kanilang paglalakbay patungo sa lupang pangako.
Madalas nating banggitin ang matapang na pahayag ni Nephi nang utusan sila ng kanyang ama na bumalik sa Jerusalem. Pamilyar na kayo sa mga salitang ito: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”
Nang marinig ni Lehi na sinabi ni Nephi ang mga salitang iyon, nakasaad sa mga banal na kasulatan na siya ay “lubhang nagalak.” Nagalak siya dahil alam niyang biniyayaan si Nephi ng nagpapatibay na paghahayag na ang kanyang panaginip ay totoong pakikipag-ugnayan mula sa Diyos. Hindi sinabi ni Nephi, “Hahayo ako at gagawin ang ipinagagawa ng aking ama.” Sa halip ay sinabi niyang, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”
Sa karanasan ninyo sa inyong sariling pamilya, alam din ninyo kung bakit “lubhang nagalak” si Lehi. Nagalak siya dahil alam niyang tumanggap si Nephi ng nagpapatibay na paghahayag.
Maraming magulang ang nagtakda ng mga patakaran sa pamilya para sa oras ng pag-uwi ng isang anak na tinedyer. Ngunit isipin ninyo ang kagalakan nang malaman ng magulang, tulad ng ginawa ng isang tao nito lamang nakaraang ilang linggo, na ang isang anak niyang nagsarili ay hindi lamang nagtakda ng oras ng kanyang pag-uwi kundi pinanatili ring banal ang araw ng Sabbath gaya ng itinuro sa kanya sa tahanan. Ang paghahayag sa isang magulang ay walang hanggan ang epekto sa personal na paghahayag na nagpapatuloy sa anak.
Naunawaan siguro ng aking ina ang alituntuning iyan ng paghahayag. Noong binatilyo pa ako, isinasara ko nang walang ingay ang pintuan sa likod kapag gabi na akong nakauwi. Nadaraanan ko ang kuwarto ni Inay papunta sa aking silid. Gaano man karahan ako lumakad nang patingkayad, pagdating ko sa bahagyang nakabukas na pintuan ng kanyang silid, maririnig ko ang aking pangalan, halos pabulong, “Hal. Pumasok ka sandali.”
Papasok ako at mauupo sa gilid ng kanyang kama. Madilim ang silid. Kung nakinig kayo, iisipin ninyo na magiliw na pag-uusap lang iyon tungkol sa buhay. Ngunit hanggang sa araw na ito, naaalala ko pa ang sinabi niya na may kapangyarihang katulad ng nadarama ko kapag binabasa ko ang aking patriarchal blessing.
Hindi ko alam kung ano ang ipinagdasal niya habang hinihintay ako noong mga gabing iyon. Palagay ko isa na roon ang kaligtasan ko. Ngunit natitiyak ko na nagdasal siyang tulad ng ginagawa ng isang patriarch bago ito magbasbas. Ipinagdarasal nito na tanggapin ng kanyang binabasbasan ang kanyang mga salita na nagmula ito sa Diyos at hindi sa kanya. Ang mga panalangin ng aking ina para sa pagpapalang iyon ay nasagot sa aking isipan. Siya ay nasa daigdig na ng mga espiritu nang mahigit 40 taon. Tiyak ko na siya ay lubhang nagagalak na napagpala ako, tulad ng ipinagdasal niya, na mahiwatigan ang mga utos ng Diyos sa kanyang mga sinabi. At sinikap kong humayo at gawin ang inasam niyang gagawin ko.
Nakakita na ako ng gayong himala ng patuloy na paghahayag sa mga stake president at bishop sa Simbahan. At, tulad ng nangyayari sa paghahayag sa mga pinuno ng pamilya, ang kahalagahan ng paghahayag ay nakabatay sa mga pinamumunuan na tumatanggap ng nagpapatibay na paghahayag.
Nakita ko ang himalang iyan ng paghahayag matapos masira ang Teton Dam sa Idaho noong 1976. Alam ng marami sa inyo ang nangyari doon. Ngunit ang halimbawa ng patuloy na paghahayag na pinaraan sa isang stake president ay maaaring magpala sa ating lahat sa darating na mga araw.
Libu-libong tao ang inilikas nang mawasak ang kanilang tahanan. Napunta sa isang lokal na stake president, na isang magsasaka, ang pangangasiwa sa pagbibigay ng tulong. Nasa isang silid ako sa Ricks College ilang araw lang pagkatapos ng trahedya. Isang lider mula sa federal disaster agency ang dumating. Pumasok siya at ang kanyang mga chief assistant sa malaking silid kung saan tinipon ng stake president ang mga bishop at ilang pastor ng ibang relihiyon sa lugar. Naroon ako dahil marami sa mga nakaligtas ang pinangangalagaan at pansamantalang naninirahan sa kampus ng kolehiyo kung saan ako ang presidente.
Nang magsimula ang pulong, tumayo ang kinatawan mula sa federal disaster agency at nagsimulang magsalita nang may awtoridad kung ano ang kailangang gawin. Matapos niyang itala ang bawat isa sa lima o anim na gagawin na sinabi niyang mahalaga, marahang sumagot ang stake president, “Nagawa na po namin ʻyan.”
Makaraan ang ilang minuto, sinabi ng lalaki mula sa federal disaster agency, “Palagay ko mauupo na lang ako at magmamasid sandali.” Sa gayon ay nakinig siya at ang kanyang mga diputado habang inirereport ng mga bishop at elders quorum president ang nagawa nila. Inilahad nila ang utos na natanggap at sinunod nila mula sa kanilang mga lider. Sinabi rin nila kung ano ang nadama nilang inspirasyon sa dapat nilang gawin nang ipatupad nila ang mga tagubiling maghanap ng mga pamilya at tulungan sila. Hapon na noon. Lahat sila ay pagod na at hindi na kinakitaan ng ibang emosyon maliban sa pagmamahal nila sa mga tao.
Nagbigay ng ilang huling tagubilin ang stake president sa mga bishop, at saka ipinahayag ang oras ng susunod na report meeting, na maagang-maaga pa kinabukasan.
Kinabukasan dumating ang lider ng federal team 20 minuto bago nagsimula ang report at assignment meeting. Tumayo ako sa di-kalayuan. Narinig ko na mahina niyang sinabi sa stake president, “President, ano ang gusto mong ipagawa sa amin ng mga miyembro ng team ko?”
Nakita ko na ang nakita ng lalaking iyon sa mga panahon ng pighati at pagsubok sa buong mundo. Tama si Pangulong Packer. Dumarating ang patuloy na paghahayag sa mga stake president upang mapag-ibayo ang kanilang sariling karunungan at mga kakayahan. At, higit pa riyan, nagbibigay ang Panginoon ng nagpapatibay na patotoo sa mga pinamumunuan ng stake president na ang kanyang mga utos sa isang di-perpektong nilalang ay nagmumula sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Mapalad akong matawag na sundin ang inspiradong mga lider sa halos buong buhay ko. Napakabata ko pa nang matawag akong counselor sa isang elders quorum president. Pagkatapos ay naging tagapayo ako sa dalawang district president at sa isang Presiding Bishop ng Simbahan, isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, at isang tagapayo sa dalawang Pangulo ng Simbahan. Nakita ko nang bigyan sila ng paghahayag at pagkatapos ay pinagtibay ito sa kanilang mga alagad.
Ang personal na paghahayag na iyan ng pagtanggap, na inaasam nating lahat, ay hindi dumarating kaagad, ni natatanggap sa paghingi lamang nito. Ibinigay ng Panginoon ang pamantayang ito para may kakayahan tayong tumanggap ng gayong mga patunay mula sa Diyos. Ito ay isang gabay para sa sinumang naghahangad ng personal na paghahayag, na kailangan nating lahat.
“Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.
“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina.”
Dito ako humango ng payo para sa ating lahat. Huwag balewalain ang nadarama ninyong pagmamahal para sa propeta ng Diyos. Saanman ako magpunta sa Simbahan, sinuman ang propeta sa panahong iyon, ito ang hiling ng mga miyembro, “Pagbalik po ninyo sa headquarters ng Simbahan, maaari po bang sabihin ninyo sa propeta na mahal na mahal namin siya?”
Higit pa iyan sa pag-idolo sa isang tao o sa paghanga natin kung minsan sa mga superhero. Ito ay isang kaloob mula sa Diyos. Sa pamamagitan nito mas madali kayong tatanggap ng kaloob na nagpapatibay na paghahayag kapag nagsasalita siya bilang propeta ng Panginoon. Ang pagmamahal na nadarama ninyo ay pagmamahal ng Panginoon para sa sinumang Kanyang tagapagsalita.
Mahirap manatili ang damdaming iyan dahil madalas iutos ng Panginoon sa Kanyang mga propeta na magbigay ng payo na mahirap tanggapin ng mga tao. Ang kaaway ng ating mga kaluluwa ay tatangkaing akayin tayo na magkasala at pagdudahan ang tungkulin ng propeta mula sa Diyos.
Nasaksihan ko na kung paano antigin ng Espiritu Santo ang malambot na puso upang protektahan ang mapagkumbabang disipulo ni Jesucristo sa pamamagitan ng nagpapatibay na paghahayag.
Inatasan ako ng propeta na igawad ang sagradong kapangyarihang magbuklod sa isang lalaki sa isang maliit na lungsod sa malayo. Tanging ang propeta ng Diyos ang may mga susi sa pagpapasiya kung sino ang tatanggap ng sagradong kapangyarihang ibinigay ng Panginoon kay Pedro, ang senior na apostol. Natanggap ko na ang gayong kapangyarihang magbuklod, ngunit maigagawad ko lamang ito sa iba sa pamamahala ng Pangulo ng Simbahan.
Kaya, sa isang silid sa chapel na malayo sa Salt Lake, ipinatong ko ang aking mga kamay sa ulo ng lalaking pinili ng propeta na tumanggap ng kapangyarihang magbuklod. Nakita sa kanyang mga kamay na buong buhay siyang nagbubungkal ng lupa para kumita nang kaunti. Nakaupo ang kanyang maliit na asawa malapit sa kanya. Nakita rin ang kasipagan nito sa pagtatrabaho kasama ang kanyang asawa.
Binanggit ko ang mga salitang ibinigay ng propeta: “Sa ilalim ng awtoridad at tungkulin mula kay,” at sinundan ko ng pangalan ng propeta, “na mayhawak ng lahat ng susi ng priesthood sa mundo sa panahong ito, iginagawad ko ang kapangyarihang magbuklod kay,” at ibinigay ko ang pangalan ng lalaki at pagkatapos ay ang pangalan ng templo kung saan siya maglilingkod bilang isang tagabuklod.
Tumulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi. Nakita ko na umiiyak din ang kanyang asawa. Hinintay kong kumalma sila. Tumayo ang babae at lumapit sa akin. Tumingala siya at nahihiyang sinabi na masaya siya ngunit malungkot din. Sinabi niya na gustung-gusto niyang pumunta sa templo kasama ang kanyang asawa ngunit ngayon ay nadama niya na hindi siya dapat sumama rito dahil pinili ito ng Diyos para sa isang maluwalhati at sagradong tungkulin. Pagkatapos ay sinabi niya na kaya niya nadama na hindi siya karapat-dapat na maging kompanyon nito sa templo ay dahil hindi siya marunong bumasa ni sumulat.
Tiniyak ko sa kanya na ikararangal ng kanyang asawa na makasama siya sa templo dahil sa kanyang malakas na espirituwalidad. Sa abot ng kakayahan kong magsalita sa kanyang wika, sinabi ko sa kanya na naghayag sa kanya ang Diyos ng mga bagay na higit pa sa kaalamang natatamo sa mundong ito.
Alam niya sa pamamagitan ng kaloob ng Espiritu na ang Diyos, sa pamamagitan ng Kanyang propeta, ay nagbigay ng sagradong tungkulin sa mahal niyang asawa. Alam niya sa kanyang sarili na ang mga susing magbigay ng kapangyarihang magbuklod ay hawak ng isang lalaking hindi pa niya nakita kailanman ngunit alam niya sa kanyang sarili na siyang buhay na propeta ng Diyos. Alam niya, kahit hindi pa sabihin ng sinumang buhay na saksi, na ipinagdasal ng propeta ang pangalan ng kanyang asawa. Alam niya sa kanyang sarili na ang Diyos ang tumawag.
Alam niya rin na ang mga ordenansang isasagawa ng kanyang asawa ay magbibigkis sa mga tao para sa kawalang-hanggan sa kahariang selestiyal. Napagtibay niya sa kanyang puso’t isipan na ang pangako ng Panginoon kay Pedro ay patuloy pa rin sa Simbahan: “Anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit.” Alam niya iyan sa kanyang sarili, sa pamamagitan ng paghahayag, mula sa Diyos.
Balikan natin ang sinabi ko sa simula. “Ang paghahayag ay patuloy sa Simbahan: tinatanggap ito ng propeta para sa Simbahan; ng president para sa kanyang stake, mission, o korum; ng bishop para sa kanyang ward; ng ama para sa kanyang pamilya; ng indibiduwal para sa kanyang sarili.”
Pinatototohanan ko na ito ay totoo. Dinirinig ng Ama sa Langit ang inyong mga dalangin. Mahal Niya kayo! Alam Niya ang inyong pangalan. Si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at ating Manunubos. Mahal Niya kayo nang higit pa sa kaya ninyong unawain.
Ang Diyos ay nagbubuhos ng paghahayag, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa Kanyang mga anak. Nangungusap Siya sa Kanyang propeta sa lupa, na ngayon ay si Thomas S. Monson. Pinatototohanan ko na hawak at ginagamit niya ang lahat ng susi ng priesthood sa lupa.
Habang nakikinig kayo sa kumperensyang ito sa mga salita ng mga tinawag ng Diyos na mangusap para sa Kanya, dalangin ko na matanggap ninyo ang nagpapatibay na paghahayag na kailangan ninyo para muli ninyong matagpuan ang daan pauwi, upang manahan sa piling Niya sa isang pamilyang nabuklod magpakailanman. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.