Pagkakaroon ng Walang-Hanggang Kapayapaan at Pagbubuo ng mga Walang-Hanggang Pamilya
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang naglalaan ng pundasyon sa pagkakaroon ng walang-hanggang kapayapaan at pagbubuo ng mga walang-hanggang pamilya.
Ang ating paglalakbay sa buhay ay may maayos at di-maayos na mga sandali. Bawat isa ay may iba’t ibang pagsubok. Natututo tayong umakma sa mga pagbabagong dumarating ayon sa pundasyong pinagsasaligan natin. Ang ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas ay naglalaan ng matibay at matatag na pundasyon. Nabubuo ito nang paunti-unti habang nagtatamo tayo ng kaalaman tungkol sa walang-hanggang plano ng Panginoon para sa Kanyang mga anak. Ang Tagapagligtas ang Dalubhasang Guro. Sinusundan natin Siya.
Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo tungkol sa Kanya at naglalaan ng halimbawa ng perpektong kabutihan para sundan natin. Naikuwento ko na sa mga miyembro ng Simbahan sa isang nakaraang kumperensya na may ilang notebook ako na may nakatalang materyal ng aking ina na ginamit niya sa paghahanda ng mga lesson sa Relief Society. Ang mga nakatala roon ay angkop sa panahong ito tulad noon. Isa sa mga ito ang isang siping isinulat ni Charles Edward Jefferson noong 1908 tungkol sa pagkatao ni Jesucristo. Nakasaad dito:
“Ang pagiging Kristiyano ay pagpuri kay Jesus nang taos-puso at taimtim para buong buhay tayong magkaroon ng inspirasyon na tularan siya.
“… Makikilala natin siya sa pamamagitan ng kanyang mga salita, gawa, at gayon din sa hindi niya pag-imik. Makikilala rin natin siya sa pamamagitan ng ipinadama niya una sa kanyang mga kaibigan at pangalawa sa kanyang mga kaaway, at pangatlo sa lahat ng kanyang kaedad. …
“Ang isa sa mga mapapansin sa buhay sa ika-dalawampung siglo ay ang kawalan ng kasiyahan [at kaligaligan]. …
“… May hinihingi ang mundo na magpapakuntento sa kanila, ngunit hindi nila alam kung ano. Nariyan na ang kayamanan, … [at] ang mundo ay puno ng … mga imbensyon ng magagaling at matatalinong tao, ngunit … tayo ay hindi [pa rin] kuntento, hindi nasisiyahan, [at] nagugulumihanan. … [Kung bubuksan natin] ang Bagong Tipan [bubungad sa atin ang mga salitang ito], ‘Magsiparito sa akin at kayo’y aking papagpapahingahin, Ako ang tinapay ng kabuhayan, Ako ang ilaw ng sanglibutan, kung ang sinomang tao’y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom, ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, Kayo’y magagalak’” (The Character of Jesus [1908], 7, 11, 15–16).
Ang kalalakihan at kababaihan ay nahuhubog kahit paano ng mga taong pinipili nilang makasama sa buhay. Nahuhubog din sila ng mga taong kanilang iginagalang at sinisikap na tularan. Si Jesus ang dakilang Huwaran. Ang tanging paraan upang magkaroon ng walang-hanggang kapayapaan ay umasa sa Kanya at mabuhay.
Paano naman naging marapat na pag-aralan ang buhay ni Jesus?
“Ang mga manunulat ng Bagong Tipan … ay walang pakialam sa kalagayan ni Jesus sa buhay, sa kanyang kasuotan, o sa mga bahay na kanyang tinirhan. … Isinilang siya sa isang kuwadra, nagtrabaho sa pagawaan ng karpintero, nagturo nang tatlong taon, at sa huli ay namatay sa krus. … Ang Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao na determinadong … ituon ang ating mga mata sa [Kanya]” (The Character of Jesus, 21–22) na may katiyakan na talagang Siya ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan.
Naniniwala ako na angkop ang isa sa mga talinghaga ng Tagapagligtas lalo na sa panahon natin ngayon.
Ito ay nasa Mateo kabanata 13, kung saan mababasa natin:
“Datapuwa’t samantalang nangatutulog ang mga tao, ay dumating ang kaniyang kaaway at naghasik naman ng mga pangsirang damo sa pagitan ng trigo, at umalis.
“Datapuwa’t nang sumibol ang usbong at mamunga, ay lumitaw nga rin ang mga pangsirang damo.
“At ang mga alipin ng puno ng sangbahayan ay nagsiparoon at nangagsabi sa kaniya, Ginoo, hindi baga naghasik ka ng mabuting binhi sa iyong bukid? saan kaya nangagmula ang mga pangsirang damo?
“Sinabi niya sa kanila, Isang kaaway ang gumawa nito. Sinabi sa kaniya ng mga alipin, Ibig mo baga na kami nga’y magsiparoon at ang mga yao’y pagtipunin?
“Datapuwa’t sinabi niya, Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga pangsirang damo, ay inyong mabunot pati ng trigo.
“Pabayaan ninyong magsitubo kapuwa hanggang sa panahon ng pagaani: at sa panahon ng pagaani ay sasabihin ko sa mga mangaani, Tipunin muna ninyo ang mga pangsirang damo, at inyong pagbibigkisin upang sunugin; datapuwa’t tipunin ninyo ang trigo sa aking bangan” (mga talata 25–30).
Ang kaaway ng buong sangkatauhan noon pa man ay nakaisip ng maraming paraan upang maikalat ang mga panirang damo. Nakakita siya ng mga paraan na maipasok ang mga ito sa kasagraduhan ng ating sariling tahanan. Lumaganap nang husto ang kasamaan at kamunduhan kaya tila wala na talagang paraan para mapalis pa ang mga ito. Dumarating ang mga ito sa pamamagitan ng Internet at telebisyon sa mismong mga device na nilikha natin upang turuan at libangin tayo. Ang trigo at ang panirang damo ay magkasamang tumubo. Ang katiwalang nangangasiwa sa bukid ay kailangang pangalagaan, nang buong lakas, yaong mabuti at palakasin at pagandahin ito upang hindi makaakit sa mata o tainga ang mga panirang damo. Napakapalad natin bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon na mapasaatin ang katangi-tanging ebanghelyo ng ating Panginoon at Tagapagligtas bilang pundasyong pagsasaligan natin sa buhay.
Mula sa Aklat ni Mormon sa 2 Nephi mababasa natin: “Sapagkat masdan, muli kong sinasabi sa inyo na kung kayo ay papasok sa daan, at tatanggapin ang Espiritu Santo, iyon ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:5).
Huwag nating hayaan kailanman na manaig at mangibabaw ang ingay ng mundo sa marahan at banayad na tinig na iyon.
Nabalaan na tayo sa mga kaganapang makakaharap natin sa ating panahon. Ang magiging hamon natin ay kung paano tayo maghahanda para sa mga pangyayaring sinabi ng Panginoon na tiyak na darating pa.
Nauunawaan ng marami sa ating balisang lipunan na ang pagwawatak-watak ng pamilya ay maghahatid lamang ng kalungkutan at kawalang-pag-asa sa isang magulong mundo. Bilang mga miyembro ng Simbahan, responsibilidad nating pangalagaan at protektahan ang pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan at ng kawalang-hanggan. Nagbabala at nag-abiso na ang mga propeta tungkol sa di-maiiwasan at mapanirang bunga ng paghina ng mga pagpapahalaga ng pamilya.
Habang patuloy na nakamasid sa atin ang mundo, tiyakin natin na ang ating halimbawa ay tutulong at susuporta sa planong binalangkas ng Panginoon para sa Kanyang mga anak dito sa lupa. Ang pinakadakilang pagtuturo sa lahat ay kailangang gawin sa pamamagitan ng pagpapakita ng mabuting halimbawa. Ang ating tahanan ay kailangang maging banal na lugar upang malabanan ang mga impluwensya ng mundo. Alalahanin na ang pinakadakila sa lahat ng pagpapala ng Panginoon ay dumarating sa pamamagitan ng at ibinibigay sa mabubuting pamilya.
Kailangan ay maingat at patuloy nating suriin ang ating pagganap bilang mga magulang. Ang pinakamabisang pagtuturong matatanggap ng isang bata ay magmumula sa nag-aalala at matwid na mga ama at ina. Tingnan muna natin ang papel ng ina. Pakinggan ang siping ito mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley:
“Ang kababaihang ginagawang tahanan ang isang bahay ay mas malaki ang nagagawa para sa lipunan kaysa sa mga pinuno ng malalaking hukbo o kumpanya. Sino ang papantay sa impluwensya ng isang ina sa kanyang mga anak, ng isang lola sa kanyang mga inapo, o ng mga tiya at kapatid na babae sa kanilang mga kamag-anak?
“Hindi natin masusukat o makakalkula ang impluwensya ng kababaihan na bumubuo, sa sarili nilang mga paraan, ng matatag na pamilya at nangangalaga sa walang-hanggang kapakanan ng darating na mga henerasyon. Ang mga desisyong ginagawa ng kababaihan ng henerasyong ito ay walang hanggan ang mga ibubunga. Gusto kong sabihin na ang mga ina sa panahong ito ay walang mas malaking pagkakataon at mas mahalagang hamon kaysa gawin ang lahat ng kanilang makakaya para mapatatag ang [pamilya]” (Standing for Something: 10 Neglected Virtues That Will Heal Our Hearts and Homes [2000], 152).
Tingnan naman natin ngayon ang papel na ginagampanan ng ama sa ating buhay:
Ang mga ama ay nagbabasbas at nagsasagawa ng mga sagradong ordenansa para sa kanilang mga anak. Ito ang magiging pinakamahalagang espirituwal na pangyayari sa kanilang buhay.
Ang mga ama ang personal na namumuno sa mga panalangin ng pamilya, araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan, at lingguhang family home evening.
Ang mga ama ang lumilikha ng mga tradisyon sa pamilya sa pamamagitan ng pakikibahagi sa pagpaplano ng mga pagbibiyahe tuwing bakasyon at pamamasyal na kasama ang lahat ng miyembro ng pamilya. Ang mga espesyal na panahong ito na magkakasama ang pamilya ay hinding-hindi malilimutan ng kanilang mga anak.
Regular na kinakausap nang sarilinan ng mga ama ang kanilang mga anak at tinuturuan sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo.
Itinuturo ng mga ama sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng pagtatrabaho at tinutulungan silang magtakda ng mabubuting mithiin sa sarili nilang buhay.
Ang mga ama ay nagpapakita ng halimbawa ng katapatan sa paglilingkod sa Simbahan.
Tandaan sana ninyo, mga kapatid, ang inyong sagradong tungkulin bilang ama sa Israel—ang inyong pinakamahalagang tungkulin sa panahong ito at sa kawalang-hanggan—isang tungkulin kung saan hindi kayo kailanman mare-release.
Maraming taon na ang nakararaan sa mga stake conference, nagpapalabas kami ng isang maikling pelikula para ilarawan ang tema ng mensaheng inilalahad namin. Sa loob ng isang taon, sa mga pagbisita namin sa buong Simbahan sa aming nakatalagang mga pagbisita sa stake conference, naging pamilyar na kami sa nilalaman ng pelikula. Halos saulado na namin ito. Nanatili sa isipan ko ang mensahe sa paglipas ng mga taon. Ang pelikula ay isinalaysay ni Pangulong Harold B. Lee at ikinuwento niya ang isang pangyayari sa tahanan ng kanyang anak na babae. Parang ganito iyon:
Isang gabi ang ina ng tahanan ay balisa sa pagsisikap na tapusin ang pagpepreserba ng ilang prutas. Sa huli ay handa nang matulog at tahimik na ang mga bata. Oras na para balikan ang prutas. Nang simulan niyang talupan at alisan ng buto ang prutas, dalawang batang lalaki ang nagpunta sa kusina at sinabing handa na silang magdasal bago matulog.
Dahil ayaw maabala, agad sinabi ng ina sa mga bata, “Kayo na lang kayang mag-isa ang magdasal ngayong gabi, at itutuloy ni Inay ang paggawa sa prutas na ito?”
Tumayo nang tuwid ang panganay sa dalawang anak at nagtanong, “Alin po ang pinakamahalaga, ang dasal o ang prutas?” (Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Harold B. Lee [2000], 169.)
Kung minsan natatagpuan natin ang ating sarili sa mga sitwasyong nagbibigay sa atin ng pagkakataong turuan ng aral ang mga bata na magkakaroon ng walang-hanggang epekto sa kanilang kabataan. Mangyari pa, mas mahalaga ang mga panalangin kaysa prutas. Ang isang matagumpay na magulang ay hindi dapat maging lubhang abala para samantalahin ang pagkakataon sa buhay ng isang anak na turuan ito ng isang mahalagang aral.
Matibay ang paniniwala ko na wala pang dumating na sandali sa mahabang buhay ko na mas kinailangan ng mga anak ng ating Ama sa Langit ang paggabay ng matatapat na mga magulang kaysa noon. Mayroon tayong dakila at marangal na pamana ng mga magulang na iniwan ang halos lahat ng kanilang pag-aari upang maghanap ng lugar kung saan nila mapapalaki ang kanilang pamilya nang may pananampalataya at tapang upang ang susunod na henerasyon ay magkaroon ng mas malalaking pagkakataon kaysa sa kanila. Kailangan tayong magkaroon ng determinasyon at makayanan natin ang mga hamong kinakaharap natin nang may gayong kahandaang magsakripisyo. Kailangan nating itimo sa isipan ng darating na mga henerasyon ang mas matibay na pananalig sa mga turo ng ating Panginoon at Tagapagligtas.
“At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ang naglalaan ng pundasyon sa pagkakaroon ng walang-hanggang kapayapaan at pagbubuo ng mga walang-hanggang pamilya. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.