2010–2019
Alam Ko ang mga Bagay na Ito sa Aking Sarili
Oktubre 2014


11:55

Alam Ko ang mga Bagay na Ito sa Aking Sarili

Ang malaman sa ating sarili na totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring maging isa sa pinakamagaganda at lubhang kasiya-siyang karanasan sa buhay.

Mahal kong mga kapatid, patuloy tayong binibigyang-inspirasyon ng sariling halimbawa at paglilingkod sa priesthood ni Pangulong Thomas S. Monson. Kamakailan, itinanong sa ilang deacon, “Ano ang pinaka-hinahangaan ninyo kay Pangulong Monson?” Nagunita ng isang deacon kung paano ibinigay ni Pangulong Monson ang kanyang laruan, noong bata pa siya, sa mga kaibigan niyang nangangailangan. Binanggit ng isa pa kung paano nagmalasakit si Pangulong Monson sa maraming balo sa kanyang ward. Sinabi ng ikatlo na tinawag siya bilang Apostol sa napakabatang edad at napagpala nito ang mga tao sa iba’t ibang dako ng mundo. Pagkatapos ay sinabi ng isang binatilyo, “Ang pinaka-hinahangaan ko po kay Pangulong Monson ay ang kanyang malakas na patotoo.”

Tunay na nadama na nating lahat ang natatanging patotoo ng ating propeta sa Tagapagligtas na si Jesucristo at ang kanyang katapatan na sundin palagi ang mga pahiwatig ng Espiritu. Sa bawat karanasang ibinabahagi niya, inaanyayahan tayo ni Pangulong Monson na ipamuhay ang ebanghelyo nang mas lubusan at hangarin at palakasin ang ating sariling patotoo. Alalahanin ang sinabi niya mula sa pulpitong ito ilang kumperensya pa lang ang nakararaan: “Upang maging matatag tayo at mapaglabanan natin ang lahat ng puwersa na humihila sa atin sa maling direksyon … , kailangang magkaroon tayo ng sariling patotoo. Kayo man ay 12 o 112 taong gulang—o anumang edad—malalaman ninyo sa inyong sarili na totoo ang ebanghelyo ni Jesucristo.”

Bagama’t ang mensahe ko ngayong gabi ay ukol sa mga taong malapit sa edad na 12 kaysa 112, angkop sa lahat ang mga alituntuning ibabahagi ko. Bilang sagot sa sinabi ni Pangulong Monson, itatanong ko: Alam ba ng bawat isa sa atin, sa mismong sarili natin na totoo ang ebanghelyo? Tiwala ba nating masasabi na ang ating patotoo ay talagang sariling atin? Uulitin ko ang sinabi ni Pangulong Monson: “Naniniwala ako na ang matibay na patotoo sa ating Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo ang … poprotekta sa inyo mula sa kasalanan at kasamaan sa inyong paligid. … Kung wala pa kayong patotoo sa mga bagay na ito, gawin ninyo ang kailangan para matamo ito. Mahalagang magkaroon kayo ng sariling patotoo, dahil hindi kayo lubos na masusuportahan ng patotoo ng ibang tao.”

Alam Ko ang mga Bagay na Ito sa Aking Sarili

Ang malaman sa ating sarili na totoo ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring maging isa sa pinakamagaganda at lubhang kasiya-siyang karanasan sa buhay. Maaaring kailangan tayong magsimula sa pag-asa sa patotoo ng iba—tulad ng mga kabataang mandirigma, na nagsabing, “Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina.” Magandang magsimula roon, ngunit kailangan nating palaguin ito. Para maging matatag sa pamumuhay ng ebanghelyo, wala nang mas mahalaga pa kaysa magkaroon at palakasin ang sarili nating patotoo. Tulad ni Alma, kailangang masabi nating, “Alam ko ang mga bagay na ito sa aking sarili.”

“At paano ninyo inaakala na alam ko ang kanilang katiyakan?” Nagpatuloy si Alma. “Masdan, sinasabi ko sa inyo na ang mga yaon ay ipinaalam sa akin ng Banal na Espiritu ng Diyos. Masdan, ako ay nag-ayuno at nanalangin nang maraming araw upang aking malaman ang mga bagay na ito sa aking sarili. At ngayon nalalaman ko sa aking sarili na ang mga yaon ay totoo.”

Nais Kong Mamasdan ang mga Bagay na Nakita ng Aking Ama

Tulad ni Alma, nalaman din ni Nephi ang katotohanan sa kanyang sarili. Matapos pakinggang magsalita ang kanyang ama tungkol sa maraming espirituwal na karanasan nito, ginustong malaman ni Nephi kung ano ang nalaman ng kanyang ama. Higit pa ito sa simpleng pag-uusisa—isang bagay iyon na lubos na kinasabikan niya at hinangad niyang malaman. Kahit “lubhang bata pa,” nagkaroon siya ng “matinding pagnanais na malaman ang mga hiwaga ng Diyos.” Nanabik siyang “makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.”

Habang “nakaupo [si Nephi na] nagbubulay-bulay sa [kanyang] puso,” siya ay “napasa-Espiritu … sa isang napakataas na bundok,” kung saan siya tinanong, “Ano ang ninanais mo?” Simple lang ang sagot niya: “Nais kong mamasdan ang mga bagay na nakita ng aking ama.” Dahil sa pananalig ng kanyang puso at pagiging masigasig, biniyayaan si Nephi ng isang kagila-gilalas na karanasan. Tumanggap siya ng patotoo tungkol sa parating na pagsilang, buhay, at Pagpapako sa Krus ng Tagapagligtas na si Jesucristo; nakita niya ang paglabas ng Aklat ni Mormon at ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw—lahat ay dahil sa kanyang taos-pusong hangaring malaman ito sa kanyang sarili.

Ang personal na karanasang ito sa Panginoon ay naghanda kay Nephi sa mga paghihirap at hamon na kakaharapin niya kalaunan. Napalakas siya ng mga ito kahit ang iba sa kanyang pamilya ay nahihirapan na. Magagawa niya ito dahil natutuhan niya sa kanyang sarili at nalaman niya sa kanyang sarili. Natulungan siya ng kanyang sariling patotoo.

Humingi Siya sa Diyos

Katulad ni Nephi, si Propetang Joseph Smith ay “lubhang bata pa” rin nang ang kanyang “pag-iisip ay natawag sa matamang pagmumuni-muni” tungkol sa mga espirituwal na katotohanan. Para kay Joseph, ito ay panahon ng “malaking pagkabahala,” na naliligiran ng magkakasalungat at nakalilitong mga mensahe tungkol sa relihiyon. Ninais niyang malaman kung aling simbahan ang tama. Dahil nabigyang-inspirasyon ng mga salitang ito sa Biblia: “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios,” siya mismo ay kumilos para mahanap ang sagot. Sa isang magandang umaga noong tagsibol ng 1820, pumasok siya sa kakahuyan at lumuhod para manalangin. Dahil sa kanyang pananampalataya at dahil may espesyal na ipagagawa sa kanya ang Diyos, nagkaroon ng maluwalhating pangitain si Joseph tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at nalaman niya mismo ang kanyang gagawin.

Nakikita ba ninyo sa karanasan ni Joseph ang isang huwarang maiaangkop ninyo sa pagtatamo o pagpapalakas ng sarili ninyong patotoo? Tinulutan ni Joseph na tumimo sa kanyang puso ang mga banal na kasulatan. Pinag-isipan niya itong mabuti at iniangkop ito sa sarili niyang sitwasyon. Pagkatapos ay kumilos siya ayon sa nalaman niya. Ang resulta ay ang maluwalhating Unang Pangitain—at lahat ng bagay na kasunod nito. Literal na itinatag ang Simbahang ito sa alituntunin na kahit sino—pati na ang 14-na-taong-gulang na batang magsasaka—ay maaaring “humingi sa Dios” at tumanggap ng sagot sa kanyang mga dalangin.

Kaya Ano ang Patotoo?

Madalas nating marinig na sinasabi ng mga miyembro ng Simbahan na ang kanilang patotoo tungkol sa ebanghelyo ang pinakamahalaga nilang pag-aari. Ito ay isang sagradong kaloob mula sa Diyos na dumarating sa atin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Ito ang payapa at di-natitinag na katiyakang natatanggap natin kapag pinag-aralan, ipinagdasal, at ipinamuhay natin ang ebanghelyo. Ito ay pagpapatibay ng Espiritu Santo sa ating kaluluwa na ang ating pinag-aaralan at ginagawa ay tama.

May mga tao na inihalintulad ang patotoo sa isang switch ng ilaw—na naka-on o naka-off; maaaring kayo ay may patotoo, o walang patotoo. Sa katunayan ang patotoo ay mas maitutulad sa isang puno na nagdaraan sa iba’t ibang yugto ng paglaki at paglago. Ang ilan sa pinakamatataas na puno sa daigdig ay matatagpuan sa Redwood National Park sa kanlurang Estados Unidos. Kapag tumayo kayo sa paanan ng malalaking punong ito, kamangha-manghang isipin na bawat isa ay nagmula sa isang maliit na binhi. Gayon din ang ating patotoo. Bagama’t maaari itong magsimula sa iisang espirituwal na karanasan, lumalaki at lumalago ito sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng palagiang pangangalaga at madalas na pagkakaroon ng mga espirituwal na karanasan.

Hindi nakakagulat, kung gayon, na noong ipaliwanag ng propetang si Alma kung paano palaguin ang ating patotoo, binanggit niya ang isang binhing lumaki at naging puno. “Kung kayo ay magbibigay-puwang,” sabi niya, “na ang binhi ay maitanim sa inyong mga puso, masdan, kung iyon ay isang tunay na binhi, kung hindi ninyo ito itatapon dahil sa inyong kawalang-paniniwala, … ito ay magsisimulang lumaki sa loob ng inyong mga dibdib; at kapag nadama ninyo ang ganitong paglaki, kayo ay magsisimulang magsabi sa inyong sarili—Talagang ito ay mabuting binhi, o na ang salita ay mabuti, sapagkat sinisimulan nitong palakihin ang aking kaluluwa; oo, sinisimulan nitong liwanagin ang aking pang-unawa, oo, ito ay nagsisimulang maging masarap para sa akin.”

Madalas ay ganito ang pagsisimula ng patotoo: sa mabuti, nagpapalinaw, at nakatitiyak na damdamin na nagpapakita sa atin na ang salita ng Diyos ay totoo. Gayunman, napakaganda man ng damdaming ito, simula pa lang ito. Hindi pa tapos ang gawain ninyong palaguin ang inyong patotoo—ang pagpapalaki ng isang punong redwood ay hindi nagtatapos sa munting pag-usbong nito sa lupa. Kung babalewalain o pababayaan ang mga unang espirituwal na pahiwatig na ito, kung hindi natin ito pangangalagaan sa patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal at paghahangad ng iba pang mga espirituwal na karanasan sa patnubay ng Espiritu, maglalaho ang ating damdamin at manghihina ang ating patotoo.

Sabi nga ni Alma: “Kung inyong pababayaan ang punungkahoy, at hindi iisipin ang pangangalaga rito, masdan, iyon ay hindi magkakaroon ng anumang ugat; at kung ang init ng araw ay matindi at darangin ito, sapagkat wala itong ugat ito ay malalanta, at ito ay inyong bubunutin at itatapon.”

Kadalasan, ang ating patotoo ay lumalago katulad ng paglago ng isang puno: unti-unti, halos hindi napapansin, bunga ng patuloy nating pangangalaga at pagsusumigasig. “Subalit kung inyong aalagaan ang salita,” pangako ni Alma, “oo, aalagaan ang punungkahoy habang ito ay nagsisimulang lumaki, sa pamamagitan ng inyong pananampalataya nang may malaking pagsisikap, at may pagtitiyaga, umaasa sa bunga niyon, ito ay magkakaugat; at masdan, ito ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.”

Panahon na; Ngayon na ang Araw

Nagsimula ang sarili kong patotoo nang pag-aralan ko at pag-isipan ang mga turong matatagpuan sa Aklat ni Mormon. Nang lumuhod ako at mapagpakumbabang nanalangin at nagtanong sa Diyos, pinatotohanan ng Espiritu Santo sa aking kaluluwa na ang binabasa ko ay totoo. Ang naunang patotoong ito ang nagpaibayo sa aking patotoo tungkol sa maraming iba pang katotohanan ng ebanghelyo, sapagkat, tulad ng itinuro ni Pangulong Monson: “Kapag alam nating totoo ang Aklat ni Mormon, alam din natin na si Joseph Smith ay tunay na propeta at na nakita niya ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Alam din natin na ang ebanghelyo ay ipinanumbalik sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ni Joseph Smith—kabilang ang pagpapanumbalik ng Aaronic at Melchizedek Priesthood.” Simula noong araw na iyon, nagkaroon na ako ng maraming sagradong pagpapatotoo ng Espiritu Santo na muling pinagtitibay sa akin na si Jesucristo ang Tagapagligtas ng sanlibutan at na ang Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay totoo. Kasama ni Alma, masasabi ko nang may katiyakan na alam ko ang mga bagay na ito sa aking sarili.

Mga kaibigan kong kabataan, panahon na at ngayon na ang araw para pag-aralan o muling pagtibayin sa ating sarili na ang ebanghelyo ay totoo. Bawat isa sa atin ay may mahalagang gawain. Para maisakatuparan ang gawaing iyan, at maprotektahan mula sa mga makamundong impluwensya na tila patuloy na lumalaganap, sumampalataya tayong tulad nina Alma, Nephi, at ng batang si Joseph Smith upang matamo at mapalakas ang sarili nating patotoo.

Tulad ng batang deacon na binanggit ko kanina, hinahangaan ko si Pangulong Monson sa kanyang patotoo. Para itong mataas na punong redwood, subalit maging ang patotoo ni Pangulong Monson ay kailangang lumago at lumakas sa paglipas ng panahon. Malalaman natin sa ating sarili, tulad ni Pangulong Monson, na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan, na si Joseph Smith ang propeta ng Panunumbalik, pati na ng panunumbalik ng priesthood ng Diyos. Taglay natin ang banal na priesthood na iyan. Nawa’y matutuhan natin ang mga bagay na ito at malaman ito sa ating sarili ang mapagpakumbaba kong dalangin sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.