Ang Panimulang Priesthood
Sa paghahanda sa priesthood, ang “ipakita mo sa akin” ay mas mahalaga kaysa “sabihin mo sa akin.”
Nagpapasalamat ako na matipong kasama ang priesthood ng Diyos, na umaabot sa ibaʼt ibang panig ng mundo. Salamat sa inyong pananampalataya, paglilingkod, at mga dalangin.
Ang mensahe ko ngayong gabi ay tungkol sa Aaronic Priesthood. Para din ito sa ating lahat na tumutulong sa katuparan ng mga pangako ng Panginoon sa mga mayhawak ng nakalarawan sa banal na kasulatan na “nakabababang pagkasaserdote.” Tinatawag din itong panimulang priesthood. Ang dakilang paghahandang iyan ang tatalakayin ko ngayong gabi.
Ang plano ng Panginoon para sa Kanyang gawain ay puno ng paghahanda. Inihanda niya ang mundo upang maranasan natin ang mga pagsubok at oportunidad sa buhay na ito. Habang narito tayo, tayo ay nasa tinatawag sa mga banal na kasulatan na “paghahandang kalagayan.”
Inilarawan ng propetang si Alma ang malaking kahalagahan ng paghahandang iyan para sa buhay na walang hanggan, kung saan maaari tayong magkasama-sama magpakailanman bilang mga pamilya sa piling ng Diyos Ama at ni Jesucristo.
Ganito ang paliwanag niya sa pangangailangang maghanda: “At nakikita natin na ang kamatayan ay sumasapit sa sangkatauhan, oo, ang kamatayang sinasabi ni Amulek, na temporal na kamatayan; gayunpaman, may isang panahong ipinagkaloob sa tao kung kailan siya ay maaaring magsisi; anupa’t ang buhay na ito ay naging isang pagsubok na kalagayan; isang panahon upang maghanda sa pagharap sa Diyos; isang panahon upang maghanda para sa walang hanggang kalagayan na sinasabi namin, na pagkatapos ng pagkabuhay na mag-uli ng mga patay.”
Tulad ng panahong ibinigay sa atin na mabuhay sa mundo para makapaghanda tayong humarap sa Diyos, ang panahong ibinigay sa atin na maglingkod sa Aaronic Priesthood ay isang pagkakataon para ihanda tayong matutuhan kung paano magbigay ng malaking tulong sa iba. Tulad ng pagbibigay sa atin ng Panginoon ng tulong na kailangan natin upang malagpasan ang mga pagsubok ng buhay sa lupa, pinadadalhan din Niya tayo ng tulong sa ating paghahanda sa priesthood.
Ang mensahe ko ay para sa mga taong ipinadadala ng Panginoon para tumulong na maihanda ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood at para din sa mga mayhawak mismo ng Aaronic Priesthood. Nagsasalita ako sa mga ama. Nagsasalita ako sa mga bishop. At nagsasalita ako sa mga miyembro ng Melchizedek Priesthood na pinagkatiwalaang maging mga kasama at guro ng mga kabataang lalaking naghahanda para sa priesthood.
Pinupuri at pinasasalamatan ko ang marami sa inyo na nasa iba’t ibang panig ng mundo at iba’t iba ang oras.
Magkukulang ako kung hindi ko babanggitin ang aking branch president at bishop noong bata pa ako. Naging deacon ako sa edad na 12 sa isang maliit na branch sa silangang bahagi ng Estados Unidos. Napakaliit ng branch kaya kami lang ng kuya ko ang tanging mayhawak ng Aaronic Priesthood hanggang sa anyayahan ng aking ama, na siyang branch president, ang isang nasa katanghaliang-gulang na lalaki na sumapi sa Simbahan.
Ang bagong miyembro ay tumanggap ng Aaronic Priesthood at, kasabay nito, tinawag din siyang mangalaga sa Aaronic Priesthood. Naaalala ko pa ito na parang kahapon lang nangyari. Naaalala ko ang magagandang dahon ng taglagas nang samahan kaming magkapatid ng bagong miyembrong ito para gumawa ng isang bagay para sa isang balo. Hindi ko maalala kung anong proyekto iyon, ngunit naaalala ko na naramdaman kong tinulungan kami ng kapangyarihan ng priesthood sa paggawa ng kalaunan ay nalaman kong sinabi ng Panginoon na kailangan naming gawing lahat para mapatawad ang aming mga kasalanan at maging handa kaming makita Siya.
Habang ginugunita ko ito ngayon, nagpapasalamat ako sa isang branch president na pinatulong ang isang bagong miyembro sa Panginoon na ihanda ang dalawang batang lalaki na kalaunan ay naging mga bishop, na inatasang mangalaga sa mga maralita at nangangailangan at mangulo rin sa panimulang priesthood.
Deacon pa ako nang lumipat ang aming pamilya sa isang malaking ward sa Utah. Iyon ang unang pagkakataon na nadama ko ang kapangyarihan ng isang buong korum sa Aaronic Priesthood. Katunayan, iyon ang unang pagkakataon kong makakita ng ganoon. At kalaunan iyon ang unang pagkakataon na nadama ko ang kapangyarihan at ang pagpapala ng isang bishop na nangungulo sa isang priests quorum.
Tinawag ako ng bishop na maging first assistant sa priests quorum. Naaalala ko na siya mismo ang nagturo sa korum—kahit marami siyang ginagawa, gayong may iba pa namang mahuhusay na kalalakihan na maaari niyang tawagin para magturo sa amin. Inayos niya nang pabilog ang mga silya sa silid. Pinaupo niya ako sa tabi niya, sa kanyang kanan.
Pasulyap-sulyap ako sa kanya habang nagtuturo siya. Patingin-tingin siya sa maayos na minakinilyang mga tala sa kanyang maliit na leather binder na nakapatong sa isang tuhod niya at sa gamit na gamit at minarkahang mga banal na kasulatan na nakapatong sa kabilang tuhod niya. Naaalala ko ang masigla niyang pagkukuwento tungkol sa katapangan mula sa aklat ni Daniel at ang kanyang patotoo tungkol sa Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo.
Lagi kong maaalala kung paano maingat na pumipili ang Panginoon ng mga magkompanyon para sa kanyang mga mayhawak ng priesthood na naghahanda.
Napakahuhusay ng mga tagapayo ng bishop ko, ngunit sa mga dahilang hindi ko maunawaan noon, hindi lang minsan niya ako tinawagan sa bahay at sinabihang, “Hal, kailangan mo akong samahan bilang kompanyon sa pagbisita.” Minsan, isinama niya ako sa bahay ng isang balo na mag-isang namumuhay at walang makain. Sa daan pauwi, itinigil niya ang sasakyan, binuksan ang kanyang mga banal na kasulatan, at sinabi sa akin kung bakit ipinadama niya sa balo na maitataguyod nito hindi lamang ang sarili kundi, balang araw, matutulungan niya ang ibang tao.
Bumisita rin kami sa isang lalaking matagal nang hindi nagsisimba. Inanyayahan siya ng bishop ko na sumamang muli sa mga Banal. Nadama ko ang pagmamahal ng bishop ko para sa isang taong mahirap mahalin at mapanghimagsik.
Sa isa pang pagkakataon bumisita kami sa isang bahay kung saan dalawang batang babae ang inutusan ng kanilang mga magulang na lasenggo na salubungin kami sa pintuan. Sinabi ng mga batang babae sa screen door na natutulog ang nanay at tatay nila. Kinausap pa rin sila ng bishop, na nakangiti at pinupuri ang kanilang kabaitan at katapangan, na sa tingin ko ay tumagal nang 10 minuto o mahigit pa. Habang lumalakad kami palayo, mahina niyang sinabi, “Maganda ang naging pagbisita natin. Hinding-hindi malilimutan ng mga batang iyon na pumunta tayo.”
Dalawa sa mga pagpapalang maibibigay ng mas matandang kompanyon sa priesthood ay ang pagtitiwala at halimbawa ng pagmamalasakit. Nakita ko iyan nang bigyan ng home teaching companion ang anak ko na mas maraming karanasan sa priesthood kaysa kanya. Ang senior companion niya ay dalawang beses nang naging mission president at naglingkod na sa iba pang mga katungkulan sa pamumuno.
Bago sila bumisita sa isa sa mga pamilyang nakaatas sa kanila, hiniling ng bihasang priesthood leader na iyon na mabisita muna ang anak ko sa bahay namin. Hinayaan nila akong makinig. Nagsimula ang senior companion sa panalangin, at humingi ng tulong. Pagkatapos ay ganito ang sinabi niya sa anak ko: “Palagay ko dapat tayong magturo ng isang lesson sa pamilyang ito na magpapadama sa kanila na kailangan nilang magsisi. Palagay ko hindi nila magugustuhan na sa akin manggaling iyon. Palagay ko mas magugustuhan nila ang mensahe kung sa iyo manggagaling iyon. Ano sa palagay mo?”
Naaalala ko ang takot sa mga mata ng anak ko. Nadarama ko pa ang masayang sandaling iyon nang tanggapin ng anak ko ang responsibilidad na iyon.
Hindi aksidente na sila ang ginawang magkompanyon ng bishop. Dahil sa maingat na paghahanda, nahiwatigan ng senior companion na iyon ang damdamin ng pamilyang iyon na tuturuan nila. Tumanggap siya ng inspirasyon kaya siya nagparaya, at nagtiwala sa isang kabataang wala pang karanasan na pagsisihin at iligtas ang nakatatandang mga anak ng Diyos.
Hindi ko alam ang kinahinatnan ng kanilang pagbisita, ngunit alam ko na ang isang bishop, na isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood, at ang Panginoon ay inihahanda ang isang batang lalaki na maging tapat na lalaking may priesthood at maging bishop balang araw.
Ngayon, ang gayong mga kuwento ng tagumpay sa paghahanda sa priesthood ay pamilyar na sa inyo batay sa nakita at naranasan ninyo sa sarili ninyong buhay. May nakilala at nakasama na kayong gayong uri ng mga bishop, kompanyon, at magulang. Nakita na ninyo ang kamay ng Panginoon sa inyong paghahanda para sa mga tungkulin sa priesthood na alam Niyang naghihintay sa inyo.
Lahat tayo sa priesthood ay may obligasyong tulungan ang Panginoon na ihanda ang iba. May ilang bagay tayong magagawa na maaaring napakahalaga. Mas mabisa pa kaysa paggamit ng mga salita sa pagtuturo natin ng doktrina ang ating mga halimbawa ng pamumuhay ng doktrina.
Napakahalaga sa ating paglilingkod sa priesthood ang anyayahan ang mga tao na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap sa Espiritu Santo. Si Pangulong Thomas S. Monson, halimbawa, ay nagbigay ng mga mensaheng nakaaantig sa puso tungkol sa mga doktrinang iyon. Ngunit ang alam kong ginawa niya sa mga tao at missionary at kaibigan ng Simbahan nang mangulo siya sa mission sa Toronto ang humihikayat sa akin na kumilos.
Sa paghahanda sa priesthood, ang “ipakita mo sa akin” ay mas mahalaga kaysa “sabihin mo sa akin.”
Kaya nga napakahalaga ng mga banal na kasulatan para maihanda tayo sa priesthood. Ang mga ito ay puno ng mga halimbawa. Para ko nang nakikita si Alma na sumusunod sa utos ng anghel at pagkatapos ay dali-daling bumalik upang turuan ang masasamang tao sa Ammonihas na hindi tumanggap sa kanya. Nadarama ko ang lamig sa piitan nang sabihan ng Diyos si Propetang Joseph na lakasan ang loob at na siya ay binabantayan. Nasasaisip ang mga talatang iyon, magiging handa tayong magpatuloy sa paglilingkod kapag tila mahirap gawin ito.
Ang isang ama o isang bishop o isang senior home teaching companion na nagpapakita ng tiwala sa kabataang mayhawak ng priesthood ay maaaring magpabago sa buhay nito. Hinilingang minsan si Itay ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na sumulat ng isang maikling artikulo tungkol sa siyensiya at relihiyon. Ang aking ama ay isang kilalang siyentipiko at tapat na mayhawak ng priesthood. Ngunit naaalala ko pa ang sandaling iniabot niya sa akin ang artikulong isinulat niya at sinabi, “Heto, bago ko ipadala ito sa Labindalawa, gusto kong basahin mo ito. Malalaman mo kung tama ito.” Mas matanda siya sa akin nang 32 taon at talagang mas marunong at matalino.
Pinalalakas pa rin ako ng pagtitiwalang iyon ng isang mabuting ama at lalaking may priesthood. Alam ko na hindi siya sa akin may tiwala kundi sa Diyos na makapagsasabi at magsasabi sa akin kung ano ang totoo. Mapagpapala ninyong mga bihasang kompanyon ang isang kabataang mayhawak ng priesthood tuwing maipapakita ninyo sa kanila ang pagtitiwalang iyon. Tutulungan siya nitong pagtiwalaan mismo ang magiliw na inspirasyon pagdating nito kapag ipinatong niya ang kanyang mga kamay balang araw upang pagtibayin ang basbas na pagalingin ang isang bata na ang buhay ay tinaningan na ng mga doktor. Ang pagtitiwalang iyan ay hindi lang isang beses ako natulungan.
Ang ating tagumpay sa paghahanda sa iba sa priesthood ay depende sa kung gaano natin sila kamahal. Totoo iyan lalo na kapag kailangan natin silang iwasto. Mag-isip ng isang sandali na nagkamali ang isang mayhawak ng Aaronic Priesthood, marahil ay sa hapag ng sakramento, sa pagsasagawa ng isang ordenansa. Seryosong bagay iyan. Kung minsan kailangang iwasto nang hayagan ang pagkakamali na maaaring makasama ng loob, magpahiya o magparamdam na ayaw nila sa inyo.
Alalahanin ninyo ang payo ng Panginoon: “Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway.”
Ang salitang ibayo ay may espesyal na kahulugan sa paghahanda sa mga mayhawak ng priesthood kapag kailangan silang iwasto. Ang salita ay nagpapahiwatig ng ibayong pagmamahal na naroon na. Ang salitang “magpakita” ay tungkol sa pag-iibayo. Kayong mga naghahanda sa mga mayhawak ng priesthood ay tiyak na makikita silang magkamali. Bago nila tanggapin ang inyong pagwawasto, kailangan muna nilang maaga at patuloy na madama ang inyong pagmamahal. Kailangan nilang madama ang inyong tapat na pagpuri bago nila tanggapin ang inyong pagwawasto.
Ang Panginoon Mismo ay pinahalagahan ang mga mayhawak ng nakabababang priesthood nang may pagtitiwala sa kanilang potensyal at halaga sa Kanya. Pakinggan ang mga salitang ito, na sinabi ni Juan Bautista nang ipanumbalik ang Aaronic Priesthood: “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; at ito ay hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa kabutihan.”
Ang Aaronic Priesthood ay kaakibat sa nakatataas na Melchizedek Priesthood. Bilang pangulo ng buong priesthood, ang Pangulo ng Simbahan din ang nangungulo sa panimulang priesthood. Ang kanyang mga mensahe sa loob ng maraming taon tungkol sa pagsagip ay akmang-akma sa utos na dalhin ang ebanghelyo ng pagsisisi at binyag sa buhay ng iba.
Ang mga korum ng mga deacon, teacher, at priest ay regular na nagpupulong upang ilapit ang bawat miyembro ng korum sa Panginoon. Ang mga panguluhan ay inaatasan ang mga miyembro na tumulong nang may pananampalataya at pagmamahal. Ang mga deacon ay nagpapasa ng sakramento nang mapitagan at nananalig na madarama ng mga miyembro ang epekto ng Pagbabayad-sala at magpapasiyang sundin ang mga utos kapag nakibahagi sila sa mga sagradong simbolong iyon.
Ang mga teacher at priest ay nagdarasal na kasama ang kanilang mga kompanyon na maisagawa ang atas na pangalagaan ang bawat miyembro ng Simbahan. At ang magkokompanyon na iyon ay sama-samang nagdarasal kapag nalaman nila ang mga pangangailangan at inaasam ng mga pinuno ng pamilya. Sa paggawa nila nito, naihahanda sila para sa dakilang araw na sila ang mamumumo bilang ama, nang may pananampalataya, sa kanilang sariling pamilya.
Pinatototohanan ko na lahat ng yaong sama-samang naglilingkod sa priesthood ay inihahanda ang mga tao para sa pagdating ng Panginoon sa Kanyang Simbahan. Ang Diyos Ama ay buhay. Alam ko—alam ko—na si Jesus ang Cristo at mahal Niya tayo. Si Pangulong Thomas S. Monson ang buhay na propeta ng Panginoon. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucrito, amen.