2010–2019
Saan Kayo Nakatuon?
Oktubre 2014


10:60

Saan Kayo Nakatuon?

Ang unahin ang ikalulugod ng iba bago ang ikalulugod ng Diyos ay pagbaligtad sa una at ikalawang dakilang utos.

“Saan ka nakatuon?” Nagulat ako nang itanong ito sa akin ni Pangulong Boyd K. Packer habang magkasama kaming nagbibiyahe sa aking unang tungkulin bilang bagong miyembro ng Pitumpu. Dahil medyo malabo ang tanong, nalito ako. “Ang Pitumpu,” ang sabi pa niya, “ay hindi kinatawan ng mga tao sa propeta, kundi kinatawan ng propeta sa mga tao. Huwag kalimutan kailanman kung saan ka dapat nakatuon!” Ito ay isang aral na nakintal sa aking isipan.

Ang unahin ang ikalulugod ng iba bago ang ikalulugod ng Diyos ay pagbaligtad sa una at pangalawang dakilang utos (tingnan sa Mateo 22:37–39). Nalilimutan natin kung saan tayo dapat nakatuon. At nagagawa nating lahat ang pagkakamaling iyan dahil sa takot sa mga tao. Sa Isaias, ang Panginoon ay nagbabala sa atin, “Huwag ninyong katakutan ang pula ng mga tao” (Isaias 51:7; tingnan din sa 2 Nephi 8:7). Sa panaginip ni Lehi, ang takot na ito ay nagsimula sa mapanlibak na daliri na nakaturo mula sa isang malaki at maluwang na gusali, na siyang dahilan upang makalimot ang marami kung saan sila dapat nakatuon at nagsilayo sa punungkahoy nang “nahihiya” (tingnan sa 1 Nephi 8:25–28).

Ang pamimilit na ito mula sa ibang tao ay pilit na binabago ang saloobin, kung hindi man ang pag-uugali ng tao, sa pagpapadama sa kanila na sila ang nagkasala. Hangad nating igalang ang isa’t isa pati na ang mga taong nanlilibak, ngunit kapag ang takot na ito sa mga tao ay nag-udyok sa atin na tulutan ang kasalanan, ito ay nagiging “silo” ayon sa aklat ng Mga Kawikaan (tingnan sa Mga Kawikaan 29:25). Ang silo [patibong] ay maaaring tusong pain na aantig sa ating ugaling maawain upang hayaan na o tulutan ang isang bagay na kasumpa-sumpa sa Diyos. Para sa mahihina ang pananampalataya, maaaring maging malaking hadlang ito. Halimbawa, taglay ng ilang kabataang missionary ang takot na ito sa mga tao sa kanilang misyon at hindi inirereport sa mission president ang hayagang pagsuway ng kanilang suwail na kompanyon dahil ayaw nilang masaktan ito. Ang katatagan ng pagkatao ay nagmumula sa pag-alaala sa tamang pagkakasunod ng una at pangalawang dakilang utos (tingnan sa Mateo 22:37–39). Kapag naunawaan ng nalilitong mga missionary na ito na mananagot sila sa Diyos at hindi sa kanilang kompanyon, magbibigay ito sa kanila ng tapang na baguhin ang kanilang pinagtutuunan.

Sa batang edad na 22, si Joseph Smith ay nakalimot din kung saan siya dapat nakatuon nang paulit-ulit niyang hilingin sa Panginoon na pahintulutan si Martin Harris na hiramin ang 116 na pahina ng manuskrito. Marahil ay gusto lang ni Joseph na tumanaw ng utang-na-loob kay Martin dahil sa mga itinulong nito. Alam natin na talagang gusto ni Joseph na may iba pang saksi na maninindigang kasama niya laban sa matinding kasinungalingan na ikinalat tungkol sa kanya.

Anuman ang dahilan ni Joseph, o tila makatwiran man ito, hindi ito tinulutan ng Panginoon at siya ay tahasang pinagsabihan: “Kaydalas mong [lumabag] … at [mag]padala sa mga panghihikayat ng mga tao. Sapagkat, masdan, hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos” (D at T 3:6–7; idinagdag ang pagbibigay-diin). Ang matinding karanasang ito ay nakatulong kay Joseph na maalala, magpakailanman mula noon, kung saan siya dapat nakatuon.

Kapag sinisikap ng sinuman na hindi mapahiya sa mga tao, nawawala ang tiwala ng Diyos sa kanila. Ang isiping maaaring bigyang-lugod ang Diyos at kasabay nito ay tulutan ang pagsuway ng mga tao ay hindi pagiging makatwiran kundi panloloko, o pagiging mapagkunwari o pagtatangkang “[maglingkod] sa dalawang panginoon” (Mateo 6:24; 3 Nephi 13:24).

Bagama’t talagang kailangan ang tapang para maharap ang panganib, ang tunay na tatak ng katapangan ay pagdaig sa takot sa mga tao. Halimbawa, ang mga dasal ni Daniel ay nakatulong sa kanya na harapin ang mga leon, ngunit nakita ang tunay na katapangan niya nang salungatin niya si Haring Dario (tingnan sa Daniel 6). Ang ganoong uri ng katapangan ay isang kaloob ng Espiritu sa mga taong mayroong takot sa Diyos na nagsipagdasal. Ang mga dasal din ni Reyna Esther ang nagbigay ng tapang sa kanya na humarap sa kanyang asawang si Haring Assuero, batid na itinaya niya ang kanyang buhay sa paggawa nito (tingnan sa Esther 4:8–16).

Ang katapangan ay hindi lamang isa sa mabubuting katangian, kundi tulad ng sinabi ni C. S. Lewis: “Ang katapangan ay … nasa bawat mabuting katangian na susubukan kung hanggang saan. … Si Pilato ay maawain kung hindi siya malalagay sa panganib.” Si Haring Herodes ay nalungkot sa kahilingan na pugutan ng ulo si Juan Bautista pero gusto niyang masiyahan ang mga yaong “nangakaupong kasalo niya sa dulang” (Mateo 14:9). Palalayain na sana ni Haring Noe si Abinadi ngunit dahil sa udyok ng kanyang masasamang saserdote, hindi niya ito ginawa (tingnan sa Mosias 17:11–12). Sinuway ni Haring Saul ang salita ng Panginoon sa pagkuha sa mga samsam ng digmaan dahil siya ay “natakot sa bayan, at sumunod sa kanilang tinig” (1 Samuel 15:24). Upang payapain ang naghihimagsik na Israel sa paanan ng Bundok Sinai, gumawa si Aaron ng isang ginintuang guya, kinalimutan kung saan siya dapat nakatuon (tingnan sa Exodo 32). Marami sa mga pinuno sa Bagong Tipan ang “nagsisampalataya sa [Panginoon]; datapuwa’t dahil sa mga Fariseo ay hindi nila ipinahayag, baka sila’y mapalayas sa sinagoga: sapagka’t iniibig nila ng higit ang kaluwalhatian sa mga tao kay sa kaluwalhatian sa Dios” (Juan 12:42–43). Ang mga banal na kasulatan ay puno ng gayong mga halimbawa.

Ngayon ay pakinggan ang ilang halimbawa na nagbibigay-inspirasyon:

  • Una, si Mormon: “Masdan, ako ay nangungusap nang buong tapang, sapagkat may karapatan mula sa Diyos; at hindi ako natatakot kung anuman ang magagawa ng tao; sapagkat ang ganap na pag-ibig ay magwawaksi ng lahat ng takot” (Moroni 8:16; idinagdag ang pagbibigay-diin).

  • Nephi: “Anupa’t ang mga bagay na nakasisiya sa sanlibutan ay hindi ko isusulat, kundi ang mga bagay na nakasisiya sa Diyos at sa kanila na hindi makamundo” (1 Nephi 6:5).

  • Kapitan Moroni: “Masdan, ako si Moroni, ang inyong punong kapitan. Hindi ako naghahangad ng kapangyarihan, kundi ang hatakin itong pababa. Hindi ako naghahangad ng papuri ng sanlibutan, kundi para sa kaluwalhatian ng aking Diyos, at ng kalayaan at kapakanan ng aking bayan” (Alma 60:36).

Lubos ang katapangan ni Moroni sa pag-alaala kung saan siya dapat nakatuon kaya’t ganito ang sinabi tungkol sa kanya, “Kung ang lahat ng tao ay naging, at matutulad, at maaaring maging katulad ni Moroni, masdan, ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman; oo, ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao” (Alma 48:17).

Ang mga propeta sa lahat ng panahon ay laging dinuduro ng daliring mapanlibak. Bakit? Sang-ayon sa mga banal na kasulatan, ito ay dahil “ang may kasalanan ay tumatanggap ng katotohanan nang may kahirapan, sapagkat iyon ay sumusugat sa kanila sa kaibuturan” (1 Nephi 16:2), o tulad ng napansin ni Pangulong Harold B. Lee, “Ang napukol na ibon ay pumapagaypay-pagaypay!” Ang mapanlibak nilang tugon, sa katunayan, ay upang panatagin lamang ang kanilang sarili, tulad ni Korihor, na sa huli ay inaming, “noon pa’y nalalaman ko nang may Diyos” (Alma 30:52). Ang panlilinlang ni Korihor ay labis na nakakakumbinsi na kahit siya mismo ay naniwala sa sarili niyang kasinungalingan (tingnan sa Alma 30:53).

Madalas paratangan ng mga mapanlibak ang mga propeta na makaluma, o mapanghusga. Tinatangka nilang hikayatin at impluwensyahan ang Simbahan na ibaba ang mga pamantayan ng Diyos at ipantay sa antas ng kanilang mga maling pag-uugali, na ayon sa mga salita ni Elder Neal A. Maxwell, “ay humahantong sa pagpapasaya ng sarili, ngunit hindi sa pagpapaunlad ng sarili” at pagsisisi. Ang ibaba ang mga pamantayan ng Panginoon sa antas ng maling pag-uugali ng lipunan ay pag-aapostasiya. Marami sa mga simbahan sa mga Nephita dalawang siglo pagkatapos ng pagdalaw sa kanila ng Tagapagligtas ang nagsimulang “baguhin” ang doktrina, ayon sa salita ni Elder Holland.

Habang nakikinig kayo sa talatang ito mula sa 4 Nephi, hanapin ang mga pagkakatulad sa ating panahon: “At ito ay nangyari na, nang ang dalawang daan at sampung taon ay makalipas, nagkaroon ng maraming simbahan sa lupain; oo, maraming simbahan ang nagpahayag na kilala si Cristo, gayunpaman, kanilang itinatwa ang malaking bahagi ng kanyang ebanghelyo, kung kaya nga’t sila ay tumanggap ng lahat ng uri ng kasamaan, at ibinahagi yaong kung alin ay banal sa kanya na pinagbabawalan dahil sa pagiging hindi karapat-dapat” (4 Nephi 1:27).

Déjà vu sa mga huling araw! Hindi alam ng ilang miyembro na nahuhulog na sila sa gayon ding bitag kapag naiimpluwensyahan sila na tanggapin ang “[mga] kaugalian ng kanilang mga ama” (D at T 93:39) na hindi nakaayon sa kultura ng ebanghelyo. Ang iba pa, na nalinlang ng sarili at pagkukunwari, ay nakikiusap o nag-uutos sa bishop na ibaba ang pamantayan sa pagbibigay ng temple recommend, mga endorso sa paaralan, o sa missionary application. Hindi madaling maging bishop sa gayong sitwasyon. Gayunman, tulad ng Tagapagligtas na nilinis ang templo upang pangalagaan ang kabanalan niyon (tingnan sa Juan 2:15–16), ang mga bishop ngayon ay tinatawag na ipagtanggol nang buong tapang ang mga pamantayan ng templo. Ang Tagapagligtas ang nagsabing, “Ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao … kung susundin ng aking mga tao ang aking mga kautusan, at kung hindi durumihan ang banal na bahay na ito” (D at T 110:7–8).

Ang Tagapagligtas, na ating dakilang Huwaran, ay palaging sinusunod ang Kanyang Ama. Siya ay nagmahal at naglingkod sa Kanyang kapwa ngunit sinabing, “Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao” (Juan 5:41). Gusto Niyang sundin Siya ng Kanyang mga tinuturuan, ngunit hindi Siya naghangad ng papuri mula sa kanila. Kapag Siya ay tumulong, tulad ng pagpapagaling ng maysakit, ang hiling Niya ay “huwag sabihin kanino man” (Mateo 8:4; Marcos 7:36; Lucas 5:14; 8:56). Ito ay upang maiwasan ang mismong katanyagan na natamo Niya sa kabila ng pagsisikap Niyang iwasan ito (tingnan sa Mateo 4:24). Hindi Siya natuwa sa mga Fariseo na gumagawa lamang ng mabuti upang makita ng mga tao (tingnan sa Mateo 6:5).

Ang Tagapagligtas, ang tanging perpektong nilalang na nabuhay, ang pinakamatapang. Sa Kanyang buhay, marami Siyang nakaharap na mapagparatang ngunit hindi kailanman nagpaapekto sa kanila. Siya lamang ang tanging tao na hindi kailanman nakalimot kung saan dapat tumuon: “Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa [Ama’y] nakalulugod” (Juan 8:29; idinagdag ang pagbibigay-diin) at “Hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban [ng Ama na] nagsugo sa akin” (Juan 5:30).

Sa pagitan ng 3 Nephi kabanata 11 at 3 Nephi kabanata 28, ginamit ng Tagapagligtas ang titulong Ama nang hindi kukulangin sa 150 beses, na naglinaw na mabuti sa mga Nephita na naroon Siya bilang kinatawan ng Kanyang Ama. At mula sa Juan kabanata 14 hanggang 17, binanggit ng Tagapagligtas ang Ama ng mga 50 beses. Sa lahat ng bagay, Siya ang perpektong disipulo ng Kanyang Ama. Napakaperpekto Niya sa pagkatawan sa Kanyang Ama, na kapag nakilala natin ang Tagapagligtas ay nakilala na rin natin ang Ama. Ang nakakita sa Anak ay nakakita na rin sa Ama (tingnan sa Juan 14:9). Kapag dininig natin ang Anak ay dininig na rin natin ang Ama (tingnan sa Juan 5:36). Siya, sa kabuuan, ay hindi naiiba sa Kanyang Ama. Ang Kanyang Ama at Siya ay isa (tingnan sa Juan 17:21–22). Alam na alam Niya kung saan Siya dapat nakatuon.

Nawa’y palakasin tayo ng Kanyang nagbibigay-inspirasyong halimbawa laban sa mga patibong ng mga panghihibok mula sa iba o ng kapalaluan ng ating sarili. Nawa’y magbigay ito sa atin ng tapang na hindi kailanman matakot o magparaya sa harap ng pananakot. Nawa’y magbigay ito ng inspirasyon sa atin na maglibot na gumagawa ng mabuti nang hindi nagpapakilala at hindi “naghahangad ng mga parangal ng tao” (D at T 121:35). At nawa ang Kanyang walang kapantay na halimbawa ay tulungan tayong laging maalala kung ano “ang dakila at pangunang utos” (Mateo 22:38). Kapag nagpipilit ang iba na tulutan natin ang pagsuway sa mga utos ng Diyos, nawa’y palagi nating maalala kung kanino tayo mga disipulo, at kung saan tayo dapat nakatuon, ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. C. S. Lewis, The Screwtape Letters, binagong edisyon (1982), 137–38.

  2. Harold B. Lee, in Mine Errand from the Lord: Selections from the Sermons and Writings of Boyd K. Packer (2008), 356.

  3. Neal A. Maxwell, “Repentance,” Ensign, Nob. 1991, 32.

  4. Jeffrey R. Holland, “The Call to Be Christlike,” Liahona, Hunyo 2014, 35.