“Ako Baga, Panginoon?”
Huwag nating panaigin ang ating kapalaluan, alisin ang kayabangan, at mapagpakumbabang itanong, “Ako baga, Panginoon?”
Iyon na ang huling gabi ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas sa lupa, ang gabi bago Niya ialay ang Kanyang sarili na pantubos sa buong sangkatauhan. Habang pinagpuputul-putol Niya ang tinapay kasama ang Kanyang mga disipulo, may sinabi Siya na maaaring nagpaligalig at nagpalungkot sa kanila nang labis. “Isa sa inyo ay magkakanulo sa akin,” sabi Niya sa kanila.
Hindi pinag-alinlanganan ng mga disipulo ang sinabi Niya. Ni hindi nila inilibot ang kanilang tingin, itinuro ang iba, at itinanong, “Siya ba?”
Sa halip, sila ay “lubhang nangamanglaw, at nagpasimula ang bawa’t isa na magsabi sa kaniya, Ako baga, Panginoon?”
Iniisip ko ang gagawin ng bawat isa sa atin kung itanong iyan sa atin ng Tagapagligtas. Titingin kaya tayo sa mga nasa paligid natin at sasabihin sa puso natin, “Baka si Brother Johnson ang tinutukoy niya. Noon pa ako duda sa kanya,” o “Mabuti’t narito si Brother Brown. Kailangan niya talagang marinig ang mensaheng ito”? O susuriin kaya natin ang ating sarili, tulad ng mga disipulo noong araw, at itatanong ang matalim na tanong na: “Ako baga?”
Sa mga simpleng salitang, “Ako baga, Panginoon?” nagsisimula ang karunungan at ang daan tungo sa sariling pagbabalik-loob at patuloy na pagbabago.
Isang Talinghaga tungkol sa mga Dandelion
Minsan may isang taong mahilig maglakad-lakad sa paligid ng kanilang lugar tuwing gabi. Inasam niya lalo na maparaan sa bahay ng kanyang kapitbahay. Laging maayos ang hardin ng kapitbahay niyang ito, laging namumukadkad ang mga bulaklak, malusog at mayabong ang mga puno. Kitang-kita na ginawa ng kapitbahay niya ang lahat para mapaganda ang kanyang hardin.
Ngunit isang araw habang naglalakad ang lalaki sa tapat ng bahay ng kanyang kapitbahay, napansin niya sa gitna ng magandang harding ito ang nag-iisa at napakalaking dilaw na damong dandelion.
Parang hindi ito bagay roon kaya nagulat siya. Bakit hindi ito binunot ng kanyang kapitbahay? Hindi ba niya ito nakita? Hindi ba niya alam na napakaraming binhing maihahasik ang dandelion na maaaring pag-ugatan ng maraming damong ligaw?
Labis niyang ikinabahala ang dandelion na ito, at gusto niyang gumawa ng paraan. Dapat ba niyang basta bunutin na lang ito? O bombahan kaya ito ng pamatay ng damo? Siguro kung patago siyang kikilos sa gabi, mabubunot niya ito nang palihim.
Ito ang laman ng isip niya habang naglalakad siya pauwi. Pumasok siya sa bahay niya nang hindi man lang sinusulyapan ang sarili niyang hardin—na natatakpan ng daan-daang dilaw na dandelion.
Mga Tahilan at Puwing
Naaalala ba natin sa kuwentong ito ang mga salita ng Tagapagligtas?
“Bakit mo tinitingnan ang puwing na nasa mga mata ng inyong kapatid, nguni’t hindi mo pinapansin ang tahilan na nasa iyong sariling mata? …
“… Alisin mo muna ang tahilan sa iyong sariling mata; at kung magkagayo’y makikita mong malinaw ang pag-aalis mo ng puwing sa mata ng iyong kapatid.”
Ang pagpansin na ito sa mga tahilan at puwing ay tila may kaugnayan sa kawalan natin ng kakayahan na makitang mabuti ang ating sarili. Hindi ko tiyak kung bakit nasusuri at nalulunasan natin ang mga kahinaan ng iba, samantalang madalas ay hirap tayong makita ang sarili nating kahinaan.
Ilang taon na ang nakararaan may balita tungkol sa isang lalaki na naniwala na kapag nagpahid siya ng katas ng lemon sa kanyang mukha, hindi siya makikita sa kamera. Kaya nagpahid siya ng katas ng lemon sa kanyang buong mukha, lumabas, at nangholdap ng dalawang bangko. Hindi nagtagal inaresto siya nang ibrodkast sa balitang panggabi ang mga kuha niya sa video. Nang ipakita ng mga pulis sa lalaki ang mga video na nakunan ng mga security camera, hindi siya makapaniwala. “Pero may katas ng lemon ang mukha ko!” reklamo niya.
Nang marinig ng isang siyentipiko ng Cornell University ang kuwentong ito, nagulat siya na walang kamalay-malay ang lalaki na kamangmangan ang ginawa niya. Para mabatid kung ito ay pangkaraniwang problema, pinalahok ng dalawang mananaliksik ang mga estudyante sa kolehiyo sa isang serye ng mga pagsubok sa ibaʼt ibang kasanayan sa buhay at pagkatapos ay pinamarkahan sa kanila kung gaano sila kahusay. Ang mga estudyanteng hindi gaanong mahusay ang hindi gaanong tama ang pag-iskor sa sarili nilang kahusayan—ang ilan ay tinantiya ang kanilang iskor na mas mataas nang limang beses kaysa totoong iskor nila.
Ang pag-aaral na ito ay inulit-ulit sa napakaraming paraan, at iyon at iyon din ang kinalabasan: marami sa atin ang hirap makita kung ano tayo talaga, at maging ang matatagumpay na tao ay pinapalabis ang mga kontribusyon nila at minamaliit ang mga kontribusyon ng iba.
Siguro hindi gaanong mahalaga kung palabisin mo man ang pagsasabi na magaling kang magmaneho o pumalo ng golf ball. Ngunit kapag sinimulan na nating isipin na ang mga kontribusyon natin sa bahay, sa trabaho, at sa simbahan ay mas malaki kaysa totoong nagagawa natin, hinahadlangan natin ang ating sarili sa mga pagpapala at oportunidad na paghusayin ang ating sarili sa mahahalaga at malalaking paraan.
Naglahong mga Espirituwal na Liwanag
May isang kakilala ako na dating nakatira sa isang ward na isa sa may pinakamataas na estadistika sa Simbahan—mataas ang bilang ng mga dumadalo, mataas ang bilang ng home teaching, laging tahimik ang mga batang Primary, masarap ang pagkain tuwing may salu-salo ang ward at bihirang magkalat ang mga miyembro sa meetinghouse, at palagay ko hindi nagkaroon ng mga pagtatalu-talo sa mga laro sa Simbahan.
Kalaunan ay tinawag sa misyon ang kaibigan ko at kanyang asawa. Nang bumalik sila makalipas ang tatlong taon, nagulat ang mag-asawang ito nang malaman nila na noong nasa misyon sila, 11 kasal ang humantong sa diborsyo.
Bagama’t kinakitaan ng katapatan at kalakasan ang ward, may nangyaring hindi maganda sa puso at buhay ng mga miyembro. At ang nakakabahala rito ay hindi kakaiba ang ganitong sitwasyon. Kadalasang nangyayari ang ganitong mga bagay kapag unti-unting napalayo ang mga miyembro ng Simbahan sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Kung titingnan ay mukha silang mga disipulo ni Jesucristo, ngunit ang kanilang kalooban ay malayo sa kanilang Tagapagligtas at sa Kanyang mga turo. Unti-unti silang lumayo sa mga bagay ng Espiritu at lumapit sa mga makamundong bagay.
Ang dating mararapat na mayhawak ng priesthood ay nagsisimula nang sabihin sa kanilang sarili na maganda lang ang Simbahan para sa kababaihan at mga bata pero hindi sa kanila. O nakumbinsi ang ilan na dahil abala sila sa kanilang mga iskedyul o kakaibang kalagayan hindi na sila kailangang magpakita pa ng katapatan at paglilingkod araw-araw na maglalapit sa kanila sa Espiritu. Sa panahong ito ng pangangatwiran at sobrang pagmamahal sa sarili, madaling makaisip ng mga dahilan para hindi laging manalangin sa Diyos, hindi mag-aral ng mga banal na kasulatan, umiwas sa mga miting sa Simbahan at mga family home evening, o hindi magbayad ng tapat na ikapu at mga handog.
Mahal kong mga kapatid, maaari bang siyasatin ninyo ang inyong kalooban at itanong ito: “Ako baga, Panginoon?”
Lumayo na ba kayo—kahit kaunti—mula “sa evangelio ng … mapagpalang Dios na ipinagkatiwala sa [inyo]”? Hinayaan na ba ninyo “ang dios ng sanglibutang ito” na padilimin ang inyong isipan sa “kaliwanagan ng evangelio ng kaluwalhatian ni Cristo”?
Mahal kong mga kaibigan, mahal kong mga kapatid, itanong ninyo sa inyong sarili, “Ano ang mahalaga sa akin?”
Nakatuon ba ang puso ninyo sa mga bagay ng mundong ito o nakatuon ito sa mga turo ng mapagmahal na si Jesucristo? “Sapagkaʼt kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.”
Nananahan ba ang Espiritu ng Diyos sa inyong puso? Kayo ba ay “nag-ugat at nagtumibay” sa pag-ibig ng Diyos at ng inyong kapwa-tao? Naglalaan ba kayo ng sapat na panahon at malikhaing nag-iisip para mapasaya ang inyong asawa at mga anak? Ibinibigay ba ninyo ang inyong lakas sa dakilang mithiing maunawaan at maipamuhay “ang lawak, at ang haba, at lalim at taas” ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo?
Mga kapatid, kung matindi ang hangad ninyong taglayin ang mga katangian ni Cristo na kinapapalooban ng “pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, kabaitang pangkapatid, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, kababaang-loob, [at paglilingkod],” gagawin kayong kasangkapan ng Ama sa Langit sa Kanyang mga kamay para sa kaligtasan ng maraming kaluluwa.
Ang Sinuring Buhay
Mga kapatid, walang sinuman sa atin ang gustong umamin kapag tayo ay nalilihis mula sa tamang landas. Kadalasan tinatangka nating iwasang suriin ang kaibuturan ng ating kaluluwa at harapin ang ating mga kahinaan, limitasyon, at takot. Dahil dito, kapag sinusuri natin ang ating buhay, ginagawa natin ito nang may pagkiling, mga dahilan, at mga kuwento sa ating sarili upang pangatwiranan ang di-marapat na mga pag-iisip at pagkilos.
Ngunit ang makitang mabuti ang ating sarili ay napakahalaga sa ating espirituwal na pag-unlad at kapakanan. Kung ang ating mga kahinaan at pagkukulang ay patuloy nating ikakaila, hindi ito mapapagaling at magagawang kalakasan ng nakatutubos na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Dahil dito, ang pagiging bulag natin sa ating mga kahinaan ang siya ring hahadlang sa dakilang potensyal na inaasam na linangin ng ating Ama sa bawat isa sa atin.
Kaya paano natin mapapaningning ang dalisay na liwanag ng katotohanan ng Diyos sa ating kaluluwa at makikita ang ating sarili kung paano Niya tayo nakikita?
Nais kong sabihin sa inyo na ang mga banal na kasulatan at ang mga mensaheng ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya ay napakalinaw na salamin para makita nating mabuti ang ating sarili.
Habang pinapakinggan o binabasa ninyo ang mga salita ng propeta noon at ngayon, iwasang isipin kung paano naaangkop ang mga salitang iyon sa ibang tao at itanong natin ito: “Ako baga, Panginoon?”
Dapat tayong lumapit sa ating Amang Walang Hanggan nang may bagbag na puso at isipang madaling turuan. Dapat ay handa tayong matuto at magbago. Ah, napakarami nating matatamo kapag determinado tayong mamuhay ayon sa nais ng ating Ama sa Langit para sa atin.
Yaong mga ayaw matuto at magbago marahil ay hindi matututo at magbabago at malamang na magsimulang mag-isip kung may mapapala sila sa Simbahan.
Ngunit ang mga gustong bumuti at umunlad, yaong mga nakakakilala sa Tagapagligtas at gustong tumulad sa Kanya, yaong mga nagpapakumbaba ng kanilang sarili na gaya ng isang musmos at sinisikap na ang kanilang mga iniisip at ginagawa ay nakaayon sa ating Ama sa Langit—mararanasan nila ang himala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Tiyak na madarama nila ang maringal na Espiritu ng Diyos. Matitikman nila ang di-maipaliwanag na kagalakan na dulot ng maamo at mapagpakumbabang puso. Bibiyayaan sila ng hangarin at disiplina na maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo.
Ang Kapangyarihan ng Kabutihan
Sa edad kong ito, nagkaroon na ako ng pagkakataong makasalamuha ang ilan sa pinakamagagaling at pinakamatatalinong lalaki at babae sa daigdig. Noong bata pa ako, hangang-hanga ako sa mga taong nakapag-aral, marunong, matagumpay, at pinupuri ng mundo. Ngunit sa paglipas ng mga taon, natanto ko na mas hanga ako sa mababait at mapapalad na tao na tunay na mabuti at hindi mapagkunwari.
At hindi nga ba iyan ang tunay na diwa at ginagawa ng ebanghelyo para sa atin? Ito ang mabuting balita, at tinutulungan tayo nitong maging mabuti.
Ang mga salita ni Apostol Santiago ay angkop sa atin ngayon:
“Ang Dios ay sumasalansang sa mga palalo, datapuwa’t nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba. …
“Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kaniyang itataas kayo.”
Mga kapatid, huwag nating panaigin ang ating kapalaluan, alisin ang kayabangan, at mapagpakumbabang itanong, “Ako baga, Panginoon?”
At kung ang sagot ng Panginoon ay “Oo, anak ko, may mga bagay kang dapat baguhin, mga bagay na matulungan kitang daigin,” dalangin kong nawa’y tanggapin natin ang sagot na ito, mapagkumbaba nating aminin ang ating mga kasalanan at pagkukulang, at baguhin natin ang ating pag-uugali sa pamamagitan ng pagiging mas mabubuting asawa, ama, at anak. Nawaʼy hangarin natin mula sa araw na ito na pakasikaping lumakad nang matatag sa pinagpalang landas ng Panginoon—sapagka’t ang makitang mabuti ang ating sarili ang siyang simula ng karunungan.
Kapag ginawa natin ito, ang ating mapagpalang Diyos ay aakayin tayo sa kamay; tayo ay “[ga]gawing malakas, at pag[pa]palain mula sa kaitaasan.”
Mahal kong mga kaibigan, ang unang hakbang sa nakamamangha at nakalulugod na landas na ito ng pagiging tunay na disipulo ay nagsisimula sa pagtatanong natin ng:
“Ako baga, Panginoon?”
Pinatototohanan ko ito at iniiwan ko ang aking basbas sa inyo sa pangalan ni Jesucristo, amen.