2010–2019
Pagbati sa Kumperensya
Oktubre 2014


4:53

Pagbati sa Kumperensya

Sa ating pakikinig, nawa ang ating mga puso ay maantig at ang ating pananampalataya ay higit na mapalakas.

Mga kapatid, lubos akong nasisiyahang batiin kayo sa malawakang pandaigdigang kumperensyang ito. Tayo ay nakatipon sa mga lugar sa iba’t ibang panig ng mundo upang makinig at matuto mula sa mga kapatid na sinang-ayunan natin bilang mga General Authority at pangkalahatang opisyal ng Simbahan. Hinangad nila ang tulong ng langit hinggil sa mga mensaheng ilalahad nila, at nadama nila ang inspirasyon para sa sasabihin nila.

Ang kumperensyang ito ang ika-90 anibersaryo ng mga brodkast ng pangkalahatang kumperensya sa radyo. Sa kumperensya ng Oktubre noong 1924, ang mga sesyon ay ibinrodkast sa radyo sa unang pagkakataon sa KSL na pag-aari ng Simbahan. Ang kumperensyang ito rin ang ika-65 anibersaryo ng mga brodkast ng kumperensya sa telebisyon. Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1949, ang mga sesyon ay ipinalabas muna sa buong Salt Lake area sa KSL television.

Pinasasalamatan namin ang pagtutulot ng makabagong media sa milyun-milyong miyembro ng Simbahan na mapanood o mapakinggan ang pangkalahatang kumperensya. Ang mga sesyon sa katapusan ng linggong ito ay ibinobrodkast sa pamamagitan ng telebisyon, radyo, cable, satellite transmission, at Internet, pati na sa mga mobile device.

Sa nakaraang anim na buwan mula nang huli tayong magkita, isang bagong templo ang inilaan at isa pa ang muling inilaan. Noong Mayo inilaan ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ang Fort Lauderdale Florida Temple. Isang kahanga-hangang kultural na pagdiriwang ng mga kabataan ang itinanghal sa araw bago ang paglalaan. Nang sumunod na araw, sa araw ng Linggo, Mayo 4, ang templo ay inilaan sa tatlong sesyon.

Dalawang linggo pa lang ang nakararaan nagkaroon ako ng pribilehiyo na muling ilaan ang Ogden Utah Temple, na orihinal na inilaan ni Pangulong Joseph Fielding Smith noong 1972. Isang malaking kultural na pagdiriwang ang naganap sa araw bago ang muling paglalaan, at napakaraming kabataang nakibahagi kaya dalawang hiwalay na pagtatanghal ang ginawa, na magkaibang grupo ang kasali. Sa kabuuan, 16,000 kabataan ang nakibahagi. Ang mga serbisyo ng muling paglalaan ay naganap kinabukasan, na dinaluhan ng marami sa mga Kapatid, pati na ng mga lider ng auxiliary at ng temple president, kanyang mga tagapayo, at kanilang mga asawa.

Masigasig tayong patuloy na nagtatayo ng mga templo. Sa isang buwan ang bagong Phoenix Arizona Temple ay ilalaan, at sa isang taon, sa 2015, inaasam naming ilaan o muling ilaan ang hindi bababa sa limang templo, at baka higit pa, depende kung may iba pang matapos.

Tulad ng binanggit ko noong Abril, kapag tapos nang itayo at ilaan ang lahat ng dating ibinalitang mga templo, magkakaroon tayo ng 170 templong gumagana sa buong mundo. Dahil nakatuon ang ating mga pagsisikap sa pagkumpleto ng mga templong dati nang ibinalita, hindi kami magbabalita sa ngayon ng anumang bagong templo. Gayunman, sa hinaharap, kapag nakatukoy kami ng mga pangangailangan at nakahanap kami ng mga pagtatayuan, magbabalita kami ng karagdagang mga templo.

Patuloy ang paglago ng Simbahan. Tayo ngayon ay mahigit nang 15 milyon at patuloy pang dumarami. Ang ating gawaing misyonero ay sumusulong nang walang balakid. Mahigit 88,000 missionary natin ang naglilingkod, at nagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo sa buong mundo. Pinagtitibay namin na ang gawaing misyonero ay isang tungkulin ng priesthood, at hinihikayat namin ang lahat ng karapat-dapat at may kakayahang binata na magmisyon. Nagpapasalamat kami sa mga dalagang naglilingkod din. Malaki ang kanilang naitutulong, bagama’t hindi sila sakop ng utos na maglingkod na tulad ng mga binata.

Ngayon ay inaanyayahan ko kayong magtuon sa kalalakihan at kababaihang makikibahagi ngayon at bukas sa mga sesyon ng ating kumperensya. Lahat ng nahilingang magsalita ay nadarama ang bigat ng responsibilidad na ito. Habang nakikinig tayo, nawa’y maantig ang ating puso at lumakas pa ang ating pananampalataya, ang mapagpakumbaba kong dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.