2010–2019
Paglapit sa Luklukan ng Diyos nang May Tiwala
Oktubre 2014


10:23

Paglapit sa Luklukan ng Diyos nang May Tiwala

Dahil sa epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay magsisimulang mag-ibayo ang inyong espirituwal na tiwala ngayon kung handa kayong makinig at kumilos.

Sa scale na 1 hanggang 10, gaano kaya ang inyong espirituwal na tiwala sa harap ng Diyos? May sariling patotoo ba kayo na sapat na ang alay ninyo ngayon bilang Banal sa mga Huling Araw para magmana ng buhay na walang hanggan? Masasabi ba ninyo sa inyong sarili na nalulugod sa inyo ang Ama sa Langit? Ano ang naiisip ninyo kung personal kayong iinterbyuhin ng inyong Tagapagligtas isang minuto mula ngayon? Mga kasalanan, panghihinayang, at pagkukulang ba ang mangingibabaw sa inyong pagkatao, o magagalak lang kayo sa pag-asam? Makakatitig ba kayo o iiwasan ninyo ang Kanyang tingin? Tatayo lang ba kayo sa may pintuan o tiwala kayong lalapit sa Kanya?

Sa tuwing hindi mapipilit ng kaaway ang di-perpekto ngunit nagsisikap na mga Banal na katulad ninyo na talikuran ang inyong pananalig sa isang Diyos na personal at mapagmahal, gumagamit siya ng masamang paraan para mailayo kayo nang husto sa Diyos. Alam ng kaaway na ang pananampalataya kay Cristo—ang uri ng pananampalataya na nagbubunga ng patuloy na pagdaloy ng magiliw na awa at maging ng makapangyarihang mga himala—ay kaakibat ng personal na tiwala na sinisikap ninyong piliin ang tama. Dahil diyan hahangarin niyang magpasok ng mga kasinungalingan sa inyong kalooban—mga kasinungalingan na hindi natutuwa ang Ama sa Langit sa inyo, na hindi kayo mapagpapala ng Pagbabayad-sala, na walang-saysay ang inyong pagsisikap, na lahat ng iba pa ay mas mabuti kaysa sa inyo, na hindi kayo karapat-dapat, at libu-libo pang kasamaan.

Kung magpapaapekto kayo sa mga tinig na ito, hindi kayo makakalapit sa luklukan ng Diyos nang may tunay na tiwala. Anuman ang gawin ninyo, anuman ang ipagdasal ninyo, anuman ang mga inaasam ninyong himala, laging may sapat na pagdududa sa sarili na unti-unting sumisira sa inyong pananampalataya—hindi lamang sa inyong pananampalataya sa Diyos, kundi sa tiwala ninyo sa sarili. Hindi masayang ipamuhay ang ebanghelyo sa ganitong paraan, ni hindi ito nakabubuti. Higit sa lahat, talagang walang saysay ito! Ang desisyong magbago ay nasa inyo, at kayo lang ang makagagawa nito.

Gusto kong magbahagi ng anim na praktikal na mungkahi na kung susundin ay iwawaksi ang mga tinig ng kasamaan at ibabalik sa inyo ang payapang katiyakan at espirituwal na tiwalang sasainyo kung gugustuhin lamang ninyo. Anuman ang rating ninyo sa inyong sarili sa scale na 1 hanggang 10, dahil sa epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay magsisimulang mag-ibayo ang inyong espirituwal na tiwala ngayon kung handa kayong makinig at kumilos. Magsasalita ako nang buong tapang, sa pag-asang magpasigla at hindi makasakit ng damdamin.

1. Panagutan ang sarili ninyong espirituwal na kapakanan. Huwag sisihin ang iba o ang inyong sitwasyon, itigil ang pangangatwiran, at pagdadahilan kung bakit hindi kayo lubos na nagsisikap na maging masunurin. Tanggapin na kayo ay “malaya ayon sa laman” at “malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan” (2 Nephi 2:27). Alam na alam ng Panginoon ang inyong sitwasyon, ngunit alam na alam din Niya kung pinipili ninyong huwag ipamuhay nang lubusan ang ebanghelyo. Kung gayon, maging tapat na aminin iyon, at sikaping maging perpekto sa sarili ninyong sitwasyon. Nadaragdagan ang espirituwal na tiwala kapag pinananagutan ninyo ang sarili ninyong espirituwal na kapakanan sa pamamagitan ng pag-aangkop ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong araw-araw na buhay.

2. Panagutan ang sarili ninyong pisikal na kapakanan. Ang inyong kaluluwa ay binubuo ng inyong katawan at espiritu (tingnan sa D at T 88:15). Ang pagpapakain sa kaluluwa habang kinaliligtaan ang katawan, na isang templo, ay karaniwang humahantong sa paghina ng espirituwalidad at pagbaba ng pagpapahalaga sa sarili. Kung nanghihina kayo, kung hindi kayo komportable sa sarili ninyong katawan at may magagawa kayo tungkol dito, gawin ito! Itinuro ni Elder Russell M. Nelson na dapat nating “ituring na sarili nating templo ang ating katawan” at “kontrolin ang ating pagkain at mag-ehersisyo tayo para lumakas ang ating katawan” (“We Are Children of God,” Liahona, Ene. 1999, 103).

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na “ang ating espiritu at katawan ay pinagsama sa paraan na ang ating katawan ay nagiging kasangkapan ng ating isipan at pundasyon ng ating pagkatao” (“The Instrument of Your Mind and the Foundation of Your Character,” [Church Educational System fireside, Peb. 2, 2003], 2; speeches.byu.edu). Dahil dito, gamitin ang mabuting paghatol sa kung ano at lalo na kung gaano karami ang inyong kakainin, at regular na ibigay sa inyong katawan ang ehersisyong kailangan at nararapat dito. Kung malusog ang inyong pangangatawan, magpasiya ngayon na kontrolin ang sarili ninyong katawan at simulan ang regular at matagalang programa sa ehersisyo, na angkop sa inyong mga kakayahan, kasabay ng masustansiyang pagkain. Nadaragdagan ang espirituwal na tiwala kapag ang inyong espiritu, sa tulong ng Tagapagligtas, ang tunay na kumokontrol sa inyong likas na pagkalalaki o pagkababae.

2. Gawing bahagi ng inyong buhay ang kusang-loob at buong-pusong paglilingkod. Kilalanin na hindi ninyo maaaring mahalin ang Diyos nang hindi rin minamahal ang Kanyang mga kautusan. Ang pamantayan ng Tagapagligtas ay malinaw at simple: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15). Kung pipiliin ninyo ang susundin lang ninyo, pili lang din ang mga pagpapalang tatanggapin ninyo, at ang pagpili ng masama kaysa sa mas masama ay maling pagpili pa rin. Hindi kayo maaaring manood ng masamang pelikula at asahang maganda ang pakiramdam ninyo dahil hindi kayo nanood ng napakasamang pelikula. Hindi ninyo maikakatwiran na dahil nasunod ninyo nang tapat ang ilang kautusan ay maaari na ninyong kaligtaan ang ibang kautusan. “Kapag gumawa ako ng mabuti maganda ang pakiramdam ko, kapag masama ang ginawa ko hindi maganda ang pakiramdam ko” (sa William H. Herndon and Jesse William Weik, Herndon’s Lincoln: The True Story of a Great Life, 3 tomo [1889], 3:439).

Gayundin, gawin ang mga tamang bagay para sa mga tamang dahilan. Ang Panginoon, na “[hinihingi] ang puso at may pagkukusang isipan” (D at T 64:34) at “tagaunawa ng mga saloobin at layunin ng puso” (D at T 33:1), ay batid kung bakit kayo nagsisimba—kung basta naroon lamang kayo o tunay kayong sumasamba. Hindi kayo maaaring kumanta sa Linggo ng, “Paalam na Babilonia” at pagkatapos ay hangarin o magpaubaya lang sa mga bagay ukol dito makalipas ang ilang saglit (“Mga Elder ng Israel,” Mga Himno, blg. 198). Alalahanin na ang pagwawalang-bahala sa mga bagay na espirituwal ay hindi kailanman kaligayahan. Ituon ang buong buhay ninyo sa Simbahan at sa ipinanumbalik na ebanghelyo, hindi lamang bahagi ng inyong buhay sa labas o sa lipunan. Ang pagpili sa araw na ito kung sino ang paglilingkuran ninyo ay sa salita lamang—hangga’t hindi ninyo ito totoong ipinamumuhay (tingnan sa Josue 24:15). Ang espirituwal na pagtitiwala ay nadaragdagan kapag tunay ninyong sinisikap, sa tamang mga dahilan, na mamuhay nang matuwid sa kabila ng inyong mga kakulangan!

4. Pakabutihin ang lubusan at mabilisang pagsisisi. Dahil ang Pababayad-sala ni Jesucristo ay napaka-praktikal, dapat iangkop ninyo ito nang lubusan sa buhay ninyo nang 24/7, dahil ito ay walang katapusan. Tanggapin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pagsisisi nang maluwag sa kalooban at iangkop sa inyong buhay araw-araw batay sa utos ng Dakilang Manggagamot. Ugaliin ang patuloy, masaya, nakagagalak na pagsisisi at gawin itong uri ng pamumuhay na pinili ninyo. Sa paggawa nito, mag-ingat sa tuksong magpaliban, at huwag asahang pasasayahin kayo ng mundo. Ituon ang inyong pansin sa Tagapagligtas, higit na alalahanin ang iniisip Niya tungkol sa inyo, at hayaan ang likas na ibubunga nito. Nadaragdagan ang espirituwal na tiwala kapag kusang-loob at malugod ninyong pinagsisihan ang mga kasalanan kapwa maliit at malaki ora-mismo sa pamamagitan ng pag-angkop ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buhay ninyo.

5. Pakabutihin ang pagpapatawad. “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (D at T 64:10). Patawarin ang lahat ng tao, lahat ng bagay, sa lahat ng oras, o sikapin man lang itong gawin, para mapatawad din kayo. Huwag magtanim ng galit, huwag maging maramdamin, magpatawad at lumimot kaagad, at huwag isipin kailanman na hindi kayo saklaw ng kautusang ito. Nadaragdagan ang espirituwal na tiwala kapag alam ninyo na batid ng Panginoon na wala kayong hinanakit sa ibang tao.

6. Tanggapin ang mga pagsubok, at “sorpresa” bilang bahagi ng iyong karanasan sa lupa. Tandaan na narito kayo para subukan, “upang makita kung [inyong] gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [inyo] ng Panginoon [ninyong] Diyos” (Abraham 3:25)—at idaragdag ko, “sa lahat ng kalagayan.” Milyun-milyon sa inyong mga kapatid ang sinusubukan, kaya bakit hindi kayo susubukan? Ang ilang pagsubok ay dumarating dahil sa inyong pagsuway o kapabayaan. Ang iba naman ay dumarating dahil sa kapabayaan ng iba o dahil lamang sa makasalanan ang mundong ito. Kapag dumarating ang mga pagsubok na ito, ang mga kampon ng kalaban ay nagsisimulang ipamalita na may ginawa kayong mali, na ito ay parusa, tanda na hindi kayo mahal ng Ama sa Langit. Huwag ninyong pansinin iyan! Sa halip, piliting ngumiti, tumingala sa langit, at sabihing, “Nauunawaan ko po, Panginoon. Alam ko po kung ano ito. Oras ko po para patunayan ang sarili ko, di po ba?” At pagkatapos ay makipagtuwang sa Kanya para makapagtiis nang mabuti hanggang wakas. Nadaragdagan ang espirituwal na tiwala kapag tinanggap ninyo na “madalas ay tinutulutang dumating ang mga pagsubok at paghihirap sa [inyong buhay] dahil sa ginagawa [ninyong] tama” (Glenn L. Pace, “Crying with the Saints” [Brigham Young University devotional, Dis. 13, 1987], 2; speeches.byu.edu).

Habang namumuno sa Ukraine Kyiv Mission, tinanong ko minsan ang isa sa aking matatapat na sister missionary kung bakit lagi niyang pinahihirapan ang kanyang sarili, kung bakit lagi niyang pinipintasan ang kanyang sarili kahit sa pinakamaliliit na bagay. Ang sagot niya ay tipikal na halimbawa ng isang taong nakikinig sa maling payo nang sabihin niyang, “Para maunahan ko na sila sa pagsasabi nito.”

Mga kapatid, ang payo ko sa sister missionary na ito ang ipapayo ko sa inyo: tanggapin at harapin ang inyong mga kahinaan, ngunit huwag hayaang hadlangan kayo nito, dahil ang ilan dito ay makakasama ninyo hanggang sa lisanin ninyo ang mundong ito. Anuman ang kalagayan ninyo ngayon, sa sandaling kusa ninyong piliin na tapat, masaya, at araw-araw na magsisi sa pagsisikap lamang na gawin ang lahat ng makakaya ninyo, lulukuban at susundan kayo ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas saanman kayo magtungo. Sa pamumuhay sa ganitong paraan, tunay na “laging mananatili ang kapatawaran ng inyong mga kasalanan” (Mosias 4:12) oras-oras, araw-araw, bawat segundo ng bawat minuto, at nang kayo’y maging malinis at katanggap-tanggap sa harapan ng Diyos sa lahat ng oras.

Pribilehiyo ninyo, kung gugustuhin ninyo, na malaman ninyo mismo, ngayon o sa lalong madaling panahon, na nasisiyahan sa inyo ang Diyos sa kabila ng inyong mga pagkukulang. Pinatototohanan ko ang isang mapagmahal na Tagapagligtas na umaasang susundin natin ang mga kautusan. Pinatototohanan ko ang isang mapagmahal na Tagapagligtas na sabik na sabik na magkaloob ng Kanyang biyaya at awa. Pinatototohanan ko ang isang mapagmahal na Tagapagligtas na nagagalak kapag iniaangkop natin ang Kanyang Pagbabayad-sala sa ating buhay araw-araw na may panatag at masayang katiyakan na nakaharap tayo sa tamang direksyon. Nagpapatotoo ako na mapagmahal ang Tagapagligtas na nasasabik na ang “iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos” (D at T 121:45). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.