2010–2019
Ang Ating Personal na Paglilingkod
Oktubre 2014


10:23

Ang Ating Personal na Paglilingkod

Ang pagmamahal kay Jesucristo ang dapat pumatnubay sa atin kung gusto nating malaman ang pangangailangan ng mga maaari nating matulungan.

Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay binibigyan ng pagkakataon at pagpapala na maglingkod. Simula nang maging miyembro ako, nakapaglingkod na ako sa maraming paraan. Gaya ng laging sinasabi ni Brother Udine Falabella, ama ni Elder Enrique R. Falabella, “Ang taong naglilingkod ay kapaki-pakinabang; ang hindi naglilingkod ay walang pakinabang.” Ito ang mga salitang dapat nating isaisip at isapuso.

Sa paghahangad ko ng patnubay sa aking paglilingkod, napapanatag ako kapag naaalala ko na nakatuon ang pansin ng Tagapagligtas sa bawat tao at pamilya. Ang Kanyang pagmamahal at malasakit sa bawat tao ay nagturo sa akin na kinikilala Niya ang kahalagahan ng bawat isa sa mga anak ng Ama sa Langit at na kinakailangang tiyakin natin na bawat tao ay napaglilingkuran at napapalakas sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Mababasa natin sa mga banal na kasulatan:

“Tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos; …

“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon … at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!”

Lahat ng kaluluwa ay mahalaga sa Diyos, dahil tayo ay Kanyang mga anak at may potensyal tayo na maging tulad Niya.

Ang ating pagmamahal kay Jesucristo ang dapat pumatnubay sa atin kung gusto nating malaman ang pangangailangan ng mga maaari nating matulungan. Ang mga turo ng ating Panginoong Jesucristo, ang nagtuturo sa atin ng daan. At diyan nagsisimula ang ating personal na paglilingkod: inaalam ang mga pangangailangan, at pagkatapos ay tinutugunan ang mga ito. Tulad ng sinabi ni Sister Linda K. Burton, Relief Society general president, “Magmasid muna at pagkatapos ay maglingkod.”

Si Pangulong Thomas S. Monson ay mabuting halimbawa ng alituntuning ito. Noong Enero ng 2005, siya ang nangulo sa isang kumperensya sa pamumuno ng priesthood sa Puerto Rico nang ipakita niya kung paanong personal na naglingkod ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga lingkod. Sa katapusan ng magandang pulong na iyon, sinimulang batiin ni Pangulong Monson ang lahat ng lider ng priesthood na naroon. Pagdakaʼy napansin niya ang isa sa kanila na nagmamasid mula sa malayo, at nag-iisa.

Iniwan ni Pangulong Monson ang grupo at lumapit sa lalaki at kinausap ito. Madamdaming sinabi ni José R. Zayas sa kanya na himala ang paglapit niya kay José at sagot ito sa dasal nila ng kanyang asawang si Yolanda, bago nagsimula ang pulong. Sinabi niya kay Pangulong Monson na napakahina ng katawan ng kanyang anak at hawak niya ang liham ng kanyang asawa na gusto nitong ipabigay kay Pangulong Monson. Sinabi ni Brother Zayas sa kanyang asawa na imposible iyon dahil sobrang abala si Pangulong Monson. Nakinig si Pangulong Monson at hiningi ang liham, na binasa niya nang tahimik. At ibinulsa niya ito sa kanyang amerikana at sinabi kay Brother Zayas na siya na ang bahala sa kanilang kahilingan.

Sa paraang ito, ang pamilyang iyon ay napagpala ng Panginoong Jesucristo, sa pamamagitan ng Kanyang lingkod. Naniniwala ako na angkop sa atin ang mga salita ng Tagapagligtas sa talinghaga ng mabuting Samaritano: “Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.”

Noong Setyembre 21, 1998, nanalasa ang Bagyong Georges sa Puerto Rico, at malaking pinsala ang idinulot nito. Si Sister Martínez, ang aming limang anak, at ako ay nakaligtas sa malakas na bagyo at hangin sa pamamagitan ng paglagi sa aming tahanan. Gayunman, dalawang linggong walang suplay ng tubig at kuryente.

Nang maubos ang suplay naming tubig, nahirapan na kaming makakuha pa nito. Hindi ko malilimutan ang tulong ng kalalakihan na nagbigay ng tubig sa amin, pati ang magiliw at inspiradong paglilingkod ng kababaihan.

Dumating si Germán Colón sa aming bahay na may dalang malaking lalagyan ng tubig sakay ng isang pickup truck. Sinabi niya sa amin na ginawa niya iyon dahil, ayon sa kanya, “Alam ko na may maliliit kang anak na nangangailangan ng tubig.” Makaraan ang ilang araw, ikinarga nina Brother Noel Muñoz at Brother Herminio Gómez ang tatlong malalaking tangke ng tubig sa isang trak. Pumunta sila sa aming bahay nang hindi inaasahan at pinuno ng tubig ang lahat ng walang lamang lalagyan, at inanyayahan din ang aming mga kapitbahay na punuin din ang mga lalagyan nila.

Ang aming mga dasal ay nasagot sa kanilang personal na paglilingkod. Nabakas sa mukha ng tatlong lalaking iyon ang pagmamahal ni Jesucristo para sa amin, at ang kanilang paglilingkod—sa madaling salita, ang kanilang personal na paglilingkod—ay nagdala ng higit pa sa inuming tubig sa aming buhay. Sa bawat anak na lalaki o anak na babae ng Diyos, mahalagang malaman nila na may nagmamalasakit at nangangalaga sa kanilang kapakanan.

Pinatototohanan ko sa inyo na kilala ng Ama sa Langit at ng ating Panginoong Jesucristo ang bawat isa sa atin. Dahil diyan, inilaan Nila ang kailangan natin upang magkaroon tayo ng pagkakataon na maabot ang ating banal na potensyal. Sa buhay natin, naglalagay Sila ng mga taong tutulong sa atin. Sa gayon, kapag naging kasangkapan tayo sa Kanilang mga kamay, mapaglilingkuran at matutulungan natin ang mga taong ipinaalam Nila sa atin sa pamamagitan ng paghahayag.

Sa ganitong paraan, matutulungan ng Panginoong Jesucristo ang lahat ng anak ng Ama sa Langit. Titipunin ng Mabuting Pastol ang lahat ng Kanyang tupa. Gagawin Niya ito nang paisa-isa kapag ginamit nila nang mabuti ang kanilang kalayaan—pagkatapos marinig ang tinig ng Kanyang mga lingkod at matanggap ang kanilang paglilingkod. Pagkatapos ay kanilang makikilala ang Kanyang tinig, at kanilang susundin Siya. Ang gayong personal na paglilingkod ay may kaugnayan sa pagtupad ng ating mga tipan sa binyag.

Gayon din, ang pagiging mabuting halimbawa ng isang disipulo ni Jesucristo ang pinakamainam na unang maipapakita natin sa mga taong babahaginan natin ng Kanyang ebanghelyo. Kapag binuksan natin ang ating bibig at ibinahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo, tayo ay nagiging “Kanyang lingkod na pastol, na inatasang pangalagaan ang mga tupa ng Kanyang pastulan at mga kordero ng Kanyang kawan”; tayo ay naging “mahihina at … pangkaraniwang” “mga mamamalakaya ng mga tao.”

Ang ating serbisyo at personal na paglilingkod ay hindi lamang sa mga nabubuhay sa mundong ito. Maaari din tayong maglingkod para sa mga yumao—para sa mga nasa daigdig ng espiritu na hindi nagkaroon ng pagkakataon sa kanilang mortal na buhay na tanggapin ang mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari din tayong magsulat ng journal at ng kasaysayan ng ating pamilya upang maibaling ang puso ng mga buhay sa mga buhay—gayon din ang puso ng mga buhay sa kanilang mga ninuno. Tungkol itong lahat sa pag-uugnay sa ating pamilya, sa bawat henerasyon, sa walang hanggang pagkakaugnay. Kapag ginawa natin iyan, tayo ay nagiging “mga tagapagligtas … sa bundok ng Sion.”

May espesyal tayong pagkakataon na maging mga kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Magagawa natin ito sa ating buhay may-asawa, sa ating pamilya, mga kaibigan, at sa ating kapwa. Iyan ang ating personal na paglilingkod bilang tunay na mga disipulo ni Jesucristo.

“At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at silaʼy pagbubukdin-bukdin niya na gaya ng pagbubukod-bukod ng pastor sa mga tupa at sa mga kambing:

“At ilalagay niya ang mga tupa sa kaniyang kanan, datapuwaʼt sa kabila ang mga kambing.

“Kung magkagayoʼy sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:

“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at akoʼy inyong pinakain: Akoʼy nauhaw, at akoʼy inyong pinainom: Akoʼy naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy;

“Naging hubad, at inyo akong pinaramtan; Akoʼy nagkasakit, at inyo akong dinalaw; Akoʼy nabilanggo, at inyo akong pinaroonan.

“Kung magkagayoʼy sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

“At kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?

“At kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”

Nawa’y gawin natin ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.