2010–2019
Pagbabahagi ng Inyong Liwanag
Oktubre 2014


12:18

Pagbabahagi ng Inyong Liwanag

Kailangan nating manindigan sa ating pananampalataya at iparinig ang ating tinig upang ipahayag ang tunay na doktrina.

Ngayong gabi, gusto kong isaalang-alang ang dalawang mahahalagang responsibilidad natin: una, palaging idagdag ang liwanag ng ebanghelyo sa ating buhay, at pangalawa, ibahagi ang liwanag at katotohanang iyan sa iba.

Alam ba ninyo kung gaano kayo kahalaga? Bawat isa sa inyo—ngayon mismo—ay mahalaga at kailangan sa plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit. Mayroon tayong gagawin. Alam natin ang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Handa ba tayong ipagtanggol ang katotohanang iyan? Kailangan natin itong ipamuhay; kailangan natin itong ibahagi. Kailangan nating manindigan sa ating pananampalataya at iparinig ang ating tinig upang ipahayag ang tunay na doktrina.

Sa Setyembre 2014 Liahona, isinulat ni Elder M. Russell Ballard: “Kailangan pa natin ng mabuti at maimpluwensyang mga tinig at pananampalataya ng kababaihan. Kailangang matutuhan nila ang doktrina at maunawaan ang ating pinaniniwalaan nang sa gayon ay makapagpatotoo sila tungkol sa katotohanan ng lahat ng bagay.”

Mga kapatid, pinalalakas ninyo ang aking pananampalataya kay Jesucristo. Nakita ko na ang inyong mga halimbawa, narinig ang inyong mga patotoo, at nadama ang inyong pananampalataya mula Brazil hanggang Botswana! Nakakaimpluwensya kayo saanman kayo magtungo. Nadarama ito ng mga tao sa paligid ninyo—mula sa inyong pamilya hanggang sa mga kakontak ninyo sa cell phone at mula sa inyong mga kaibigan sa social media hanggang sa mga katabi ninyo sa upuan ngayong gabi. Sang-ayon ako kay Sister Harriet Uchtdorf, na nagsulat na, “Kayo … ay masisigla at masisigasig na tanglaw sa laging nagdidilim na mundo kapag ipinakita ninyo, sa paraan ng inyong pamumuhay, na ang ebanghelyo ay isang masayang mensahe.”

Itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kung nais ninyong magbigay ng liwanag sa iba, kailangang magningning kayo mismo.” Paano natin mapapanatiling maningning ang katotohanan sa ating kalooban? Kung minsan para akong malamlam na bombilya. Paano tayo mas magliliwanag?

Itinuro sa mga banal na kasulatan, “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag.” Kailangan nating magpatuloy sa Diyos, tulad ng sabi sa banal na kasulatan. Kailangan tayong lumapit sa pinagmumulan ng liwanag—sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa mga banal na kasulatan. Maaari din tayong magpunta sa templo, batid na lahat ng bagay sa loob nito ay nakatuon kay Cristo at sa Kanyang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo.

Isipin ang epekto ng mga templo sa kapaligiran nito. Pinagaganda nito ang looban ng mga lungsod; nagniningning ang mga ito mula sa bantog na mga burol. Bakit nakakaganda at nagniningning ang mga ito? Dahil, sabi nga sa mga banal na kasulatan, “[Ang] katotohanan ay nagniningning,” at ang mga templo ay may katotohanan at walang-hanggang layunin; at kayo rin.

Noong 1877, Sinabi ni Pangulong George Q. Cannon, “Pinapahina ng bawat Templo … ang kapangyarihan ni Satanas sa mundo.” Naniniwala ako na saanman magtayo ng templo sa mundo, itinataboy nito ang kadiliman. Ang layunin ng templo ay paglingkuran ang sangkatauhan at bigyan ang lahat ng anak ng Ama sa Langit ng kakayahang makabalik at makapiling Siya. Hindi nga ba’t katulad ng layunin natin ang layunin ng inilaang mga gusaling ito, ng mga bahay na ito ng Panginoon? Para mapaglingkuran ang iba at tulungan silang hadlangan ang kadiliman at makabalik sa liwanag ng Ama sa Langit?

Ang sagradong gawain sa templo ay magpapaibayo ng ating pananampalataya kay Cristo, at sa gayon ay mas maiimpluwensyahan natin ang pananampalataya ng iba. Sa nagpapabanal na diwa ng templo, malalaman natin ang katotohanan, kapangyarihan, at pag-asang dulot ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa ating personal na buhay.

Ilang taon na ang nakararaan nagkaroon ng malaking problema ang aming pamilya. Nagpunta ako sa templo at taimtim na nanalangin doon para sa tulong. May nalaman akong katotohanan sa sandaling iyon. Tumanggap ako ng malinaw na impresyon tungkol sa aking mga kahinaan, at nagulat ako. Sa sandaling iyon ng espirituwal na pagkatuto, nakita ko ang isang mayabang na babae na gumagawa ng mga bagay sa sarili niyang paraan, hindi sa paraan ng Panginoon, at lihim na ipinagmamalaking tagumpay niya iyon. Alam kong sarili ko ang nakikita ko. Buong-puso akong nagsumamo sa Ama sa Langit at sinabing, “Ayaw ko pong maging gayon, pero paano ako magbabago?”

Sa pamamagitan ng dalisay na diwa ng paghahayag sa templo, nalaman ko na lubos kong kailangan ang isang Manunubos. Agad kong ibinaling ang aking isipan sa Tagapagligtas na si Jesucristo at naglaho ang aking dalamhati at nakadama ako ng malaking pag-asa. Siya ang tangi kong pag-asa, at gusto kong sa Kanya lamang kumapit nang mahigpit. Malinaw sa akin na ang likas na babaeng sarili lamang ang iniisip “ay kaaway ng Diyos” at ng mga tao sa kanyang paligid. Sa templo nang araw na iyon nalaman ko na Pagbabayad-sala lamang ni Jesucristo ang papawi sa likas kong kayabangan at na makakagawa ako ng kabutihan. Labis kong nadama ang Kanyang pagmamahal, at nalaman ko na tuturuan Niya ako sa pamamagitan ng Espiritu at babaguhin ako kung ibibigay ko ang puso ko sa Kanya, nang buung-buo.

Nilalabanan ko pa rin ang aking mga kahinaan, ngunit nagtitiwala ako sa banal na tulong ng Pagbabayad-sala. Dumating ang dalisay na tagubiling ito dahil pumasok ako sa banal na templo, na naghahanap ng kapanatagan at mga kasagutan. Pumasok ako sa templo na nabibigatan, at lumisan akong batid na mayroon akong Tagapagligtas na makapangyarihan sa lahat at mapagmahal. Gumaan at sumigla ang aking pakiramdam dahil natanggap ko ang Kanyang liwanag at tinanggap ko ang Kanyang plano para sa akin.

Itinayo sa iba’t ibang dako ng mundo, ang mga templo ay may sariling kakaibang anyo at disenyo sa labas, ngunit sa loob ang lahat ng templo ay may iisang walang-hanggang liwanag, layunin, at katotohanan. Sa I Mga Taga Corinto 3:16 mababasa natin, “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” Tayo rin bilang mga anak na babae ng Diyos ay inilagay sa iba’t ibang dako ng mundo, at magkakaiba ang anyo at hitsura natin, gaya ng mga templo. Mayroon din tayong espirituwal na liwanag sa ating kalooban, gaya ng mga templo. Ang espirituwal na liwanag na ito ay anino ng liwanag ng Tagapagligtas. Maaakit ang iba sa kaningningang ito.

May kani-kanya tayong tungkulin sa lupa—mula sa anak, ina, lider, at guro hanggang sa kapatid, naghahanapbuhay, maybahay, at marami pang iba. Bawat isa ay may impluwensya. Bawat tungkulin ay magkakaroon ng kapangyarihang moral kapag nababanaag ang mga katotohanan ng ebanghelyo at mga tipan sa templo sa ating buhay.

Sabi ni Elder D. Todd Christofferson, “Sa lahat ng sitwasyon, ang impluwensya ng isang ina ay hindi mapapantayan ng sinumang tao sa anupamang ugnayan.”

Noong maliliit pa ang aming mga anak, para akong co-captain ng asawa kong si David sa isang barko, at nalarawan sa aking isipan ang 11 naming mga anak na parang maliliit na bangkang palutang-lutang sa paligid namin sa daungan, naghahandang tumahak sa dagat ng mundo. Nadama namin ni David na kailangan naming sumangguni sa kompas ng Panginoon araw-araw para sa pinakamainam na direksyong tatahakin ng aming munting pangkat.

Ang aking mga araw ay puno ng madaling-malimutang mga bagay gaya ng pagtutupi ng labada, pagbabasa ng mga aklat pambata, at sama-samang pagluluto ng hapunan. Kung minsan sa daungan ng ating mga tahanan, hindi natin nakikita na sa mga simple, at di-nagbabagong mga gawaing ito—kabilang na ang panalangin ng pamilya, pag-aaral ng banal na kasulatan, at family home evening—ang mga dakilang bagay ay naisasakatuparan. Ngunit pinatototohanan ko na walang-hanggan ang kahalagahan ng mga gawaing ito. Dumarating ang labis na kagalakan kapag ang maliliit na bangkang iyon—ang ating mga anak—ay naging malalaking barko na puno ng liwanag ng ebanghelyo at handang “[humarap] sa paglilingkod sa Diyos.” Ang ating maliliit na gawa ng pananampalataya at paglilingkod ang paraan para makapagpatuloy sa Diyos ang karamihan sa atin at kalaunan ay maghatid ng walang-hanggang liwanag at kaluwalhatian sa ating pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan. Talagang makakaimpluwensya kayo!

Isipin ang impluwensyang maidudulot ng pananampalataya ng isang batang babae sa Primary sa kanyang pamilya. Pinagpala ng pananampalataya ng aming anak na babae ang aming pamilya nang mawala ang aming anak na lalaki sa isang amusement park. Hinanap siya ng aming pamilya sa buong paligid. Sa huli, hinila ng aming 10-taong-gulang na anak na babae ang braso ko at sinabing, “Inay, hindi po ba dapat tayong magdasal?” Tama siya! Nagtipon ang pamilya sa gitna ng mga taong nakamasid at ipinagdasal naming matagpuan ang aming anak. Natagpuan namin siya. Sinasabi ko sa lahat ng batang babae sa Primary, “Patuloy sana ninyong paalalahanan ang inyong mga magulang na magdasal!”

Nitong tag-init nakadalo ako sa kamping ng 900 kabataang babae sa Alaska. Napakalaki ng kanilang impluwensya sa akin. Nagpunta sila sa kamping na espirituwal na handa, dahil nabasa nila ang Aklat ni Mormon at naisaulo ang “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol.” Sa ikatlong gabi ng kamping, sabay-sabay na tumayo ang lahat ng 900 kabataang babae at binigkas ang bawat salita ng buong teksto.

Napuspos ng Espiritu ang malaking bulwagan, at ninais kong sumali. Ngunit hindi ko nagawa. Hindi ko pa iyon naisasaulo.

Nasimulan ko nang isaulo ang mga salita ng “Ang Buhay na Cristo” tulad ng ginawa ng mga babaeng ito, at dahil sa kanilang impluwensya ay mas lubos akong nasisiyahan sa tipan ng sakramento na laging alalahanin ang Tagapagligtas habang paulit-ulit kong binibigkas ang patotoo ng mga Apostol tungkol kay Cristo. Nagkakaroon ng mas malalim na kahulugan sa akin ang sakramento.

Umaasa akong mareregaluhan ko ang Tagapagligtas ngayong Pasko sa pagsasaulo ng “Ang Buhay na Cristo” at maayos itong mailagak sa puso ko pagsapit ng Disyembre 25. Sana maging mabuting impluwensya ako—tulad ng ginawa sa akin ng kababaihan ng Alaska.

Nakikita ba ninyo ang inyong sarili sa mga salitang ito na nakasaad sa, “Ang Buhay na Cristo”? “Nakiusap Siya sa lahat na sumunod sa Kanyang halimbawa. Binagtas Niya ang mga lansangan ng Palestina na nanggagamot ng maysakit, nagbibigay ng paningin sa bulag, at nagpapabangon ng patay.”

Tayong kababaihan ng Simbahan, ay hindi bumabagtas sa mga lansangan ng Palestina na nanggagamot ng maysakit, ngunit maaari nating ipagdasal at gamitin ang nagpapagaling na pag-ibig ng Pagbabayad-sala sa hindi na magandang relasyon.

Bagama’t hindi natin mabibigyan ng paningin ang bulag gaya ng ginawa ng Tagapagligtas, mapatototohanan natin ang plano ng kaligtasan sa espirituwal na nabubulagan. Mabubuksan natin ang mga mata ng kanilang pang-unawa na kailangan ang kapangyarihan ng priesthood sa mga walang-hanggang tipan.

Hindi natin maibabangon ang patay gaya ng ginawa ng Tagapagligtas, ngunit mapagpapala natin ang mga patay sa paghahanap sa kanilang mga pangalan para sa gawain sa templo. Sa gayon ay tunay natin silang ibabangon mula sa bilangguan ng kanilang espiritu at maiaalok sa kanila ang landas tungo sa buhay na walang hanggan.

Pinatototohanan ko na mayroon tayong Tagapagligtas na buhay, si Jesucristo, at sa Kanyang kapangyarihan at liwanag ay mahahadlangan natin ang kadiliman ng mundo, maipaparinig natin ang tinig ng katotohanang alam natin, at maiimpluwensyahan natin ang iba na lumapit sa Kanya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, “Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood,” Liahona, Set. 2014, 36.

  2. Harriet R. Uchtdorf, The Light We Share (Deseret Book Company, 2014), 41; ginamit nang may pahintulot.

  3. Thomas S. Monson, “For I Was Blind, but Now I See,” Liahona, Hulyo 1999, 69.

  4. Doktrina at mga Tipan 50:24.

  5. Doktrina at mga Tipan 88:7.

  6. George Q. Cannon, sa Preparing to Enter the Holy Temple (booklet, 2002), 36.

  7. Mosias 3:19.

  8. D. Todd Christofferson, “Ang Mabuting Impluwensya ng Kababaihan,” Liahona, Nob. 2013, 30.

  9. Doktrina at mga Tipan 4:2.

  10. “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Abr. 2000, 2.