Mamuhay Ayon sa mga Salita ng mga Propeta
Upang makaayon sa mga banal na layunin ng langit, sinasang-ayunan natin ang propeta at nagpapasiyang mamuhay ayon sa kanyang mga salita.
Mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak at nais Niyang malaman at maunawaan nila ang Kanyang plano ng kaligayahan. Dahil dito, tumatawag Siya ng mga propeta, mga taong inordenan ng kapangyarihan at awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak. Sila ay mga sugo ng kabutihan, sumasaksi kay Jesucristo at sa walang hanggang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Hawak nila ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa at binibigyang-karapatan ang pagsasagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa.
Sa tunay na Simbahan ng Panginoon, “wala kailanman maliban sa isa sa mundo sa panahon kung kanino ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito ay iginawad.” Sinasang-ayunan natin si Pangulong Thomas S. Monson bilang ating propeta, tagakita, at tagapaghayag. Inihahayag niya ang salita ng Panginoon upang gabayan at patnubayan ang ating buong Simbahan. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong J. Reuben Clark Jr., “Ang Pangulo ng Simbahan … lamang ang may karapatang tumanggap ng mga paghahayag para sa Simbahan.”
Tungkol sa buhay na propeta, iniutos ng Panginoon sa mga tao ng Kanyang Simbahan:
“Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;
“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.
“Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo.”
Upang makaayon sa mga banal na layunin ng langit, sinasang-ayunan natin ang propeta at nagpapasiyang mamuhay ayon sa kanyang mga salita.
Sinasang-ayunan din natin ang mga tagapayo ni Pangulong Monson at ang Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. “Mayroon silang karapatan, kapangyarihan, at awtoridad na ipahayag ang isipan at kalooban ng [Panginoon] … , sa pahintulot ng … Pangulo ng Simbahan.” Nagsasalita sila sa pangalan ni Jesucristo. Nagpopropesiya sila sa pangalan ni Cristo. Ginagawa nila ang lahat ng bagay sa pangalan ni Jesucristo. Sa kanilang mga salita naririnig natin ang tinig ng Panginoon at nadarama ang pagmamahal ng Tagapagligtas. “At anuman ang kanilang sasabihin kapag pinakikilos ng Espiritu Santo ay magiging mga banal na kasulatan … at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.” Sinabi mismo ng Tagapagligtas: “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”
Nagpapasalamat tayo para sa simbahang “[itinayo] sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at propeta, na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok.” Ang bahay ng Panginoon ay isang bahay ng kaayusan, at hinding-hindi tayo dapat malinlang kung saan hahanapin ang mga sagot sa ating mga tanong o mag-alinlangan kung kaninong tinig ang susundin. Hindi tayo kailangang “napapahapay dito’t doon, at dinadala sa magkabi-kabila ng lahat na hangin ng aral.” Inihahayag ng Diyos ang Kanyang salita sa pamamagitan ng Kanyang inordenang tagapaglingkod, “sa ikasasakdal ng mga banal, sa gawaing paglilingkod sa ikatitibay ng katawan ni Cristo: hanggang sa abutin nating lahat ang pagkakaisa ng pananampalataya, at ang pagkakilala sa Anak ng Dios.” Kapag ipinasiya nating mamuhay ayon sa mga salita ng mga propeta, tayo ay nasa landas ng tipan tungo sa walang-hanggang kasakdalan.
Sa isang inang nahihirapang makaraos sa panahon ng taggutom, nalaman natin kung ano ang ibig sabihin ng sang-ayunan ang propeta. Inutusan ng Panginoon ang propetang si Elias na pumunta sa Sarepta, kung saan niya makikita ang isang baong babae na inutusan ng Diyos na siyang tutulong sa kanya. Habang papalapit si Elias sa lungsod, nakita niya ang baong babae na namumulot ng mga patpat. Tinawag niya siya, “Isinasamo ko sa iyo na dalhan mo ako ng kaunting tubig sa inuman, upang aking mainom.”
“At nang siya’y yumayaon upang kumuha, tinawag niya siya [muli], at sinabi, Dalhan mo ako, isinasamo ko sa iyo, ng isang subong tinapay sa iyong kamay.
“At kaniyang sinabi, Ang Panginoon mong Dios ay buhay, ako’y wala kahit munting tinapay, kundi isang dakot na harina sa gusi, at kaunting langis sa banga: at, narito, ako’y namumulot ng dalawang patpat, upang ako’y pumasok, at ihanda sa akin at sa aking anak, upang aming makain, bago kami mamatay.”
Tumugon si Elias, “Huwag kang matakot; yumaon ka, at gawin mo ang iyong sinabi, nguni’t igawa mo muna ako ng munting tinapay, at ilabas mo sa akin, at pagkatapos ay gumawa ka para sa iyo at para sa iyong anak.”
Isipin sandali ang hirap ng ipinagagawa ng propeta sa nagugutom na inang iyon. Walang alinlangan, na maaari namang ang Diyos na lang ang magbigay ng pagkain sa Kanyang matapat na tagapaglingkod. Ngunit, kumikilos sa pangalan ng Panginoon, sinunod ni Elias ang tagubilin, na hilingin sa isang minamahal na anak ng Diyos na isakripisyo ang bagay na mayroon siya para mapakain ang propeta.
Subalit kasabay naman niyan ay nangako si Elias na bibiyayaan ang pagsunod na ito: “Sapagka’t ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ang gusi ng harina ay hindi makukulangan, o ang banga ng langis man ay mababawasan.” Binigyan ng Panginoon ang balo ng pagkakataon na magpasiyang maniwala at sundin ang mga salita ng propeta.
Sa isang mundong nanganganib sa kagutuman sa kabutihan at kagutuman sa espirituwal, iniutos sa atin na sang-ayunan ang propeta. Kapag ating pinakinggan, pinanindigan, at sinang-ayunan ang sinasabi ng propeta, ating pinatototohanan na tayo ay may pananampalataya na mapagpakumbabang sumunod sa kalooban, sa karunungan, at itinakdang panahon ng Panginoon.
Sinusunod natin ang salita ng propeta kahit ito ay tila hindi makatwiran, hindi angkop, at mahirap gawin. Sa mga pamantayan ng mundo, ang pagsunod sa propeta ay maaaring hindi gusto ng lahat, salungat sa pulitika, o hindi tanggap ng lipunan. Ngunit ang pagsunod sa propeta ay laging tama. “Sapagka’t kung paanong ang langit ay lalong mataas kay sa lupa, gayon ang aking mga lakad ay lalong mataas kay sa inyong mga lakad, at ang aking mga pagiisip kay sa inyong mga pagiisip.” “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.”
Ikinararangal at kinaluluguran ng Panginoon ang mga nakikinig sa tagubilin ng propeta. Para sa babaeng bao ng Sarepta, ang pagsunod kay Elias ay nagligtas ng kanyang buhay, pati na sa buhay ng kanyang anak. Tulad ng pangako ng propeta, “kumain ang babae, at siya, at ang kaniyang sangbahayan na maraming araw … ayon sa salita ng Panginoon, na kaniyang sinalita sa pamamagitan ni Elias.”
Ang Panginoon “ay papakanin ang mga taong nagtitiwala sa Kanya.” Ang mga salita ng mga propeta ay parang manna sa ating mga kaluluwa. Kapag tinatanggap natin ito, tayo ay pinagpapala, pinoprotektahan, at iniingatan sa temporal at espirituwal. Kapag nagpapakabusog tayo sa kanilang mga salita, nalalaman natin kung paano lumapit kay Cristo at mabuhay.
Isinulat ni Elder Bruce R. McConkie na sa pamamagitan ng mga propeta “inihahayag ng Panginoon ang mga katotohanan ng kaligtasan, … ang kaligtasan kay Cristo; at ipinlano niya … ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. … Sa lahat ng panahon, ang Panginoon ay nagbibigay sa kanyang mga tao ng patnubay na kailangan nila sa sandaling sila ay nasa panganib at kapahamakan. At tiyak na sa mga darating na araw may mga pagkakataon na tanging ang karunungan na lamang ng Diyos, na nagmula sa langit at naisatinig ng mga propeta, ang makapaliligtas sa kanyang mga tao.”
Para sa akin, ang mga salita ng propeta na itinuro ng aking guro sa Laurel class ay nagpaunawa sa akin sa dapat na asahan sa kasal sa tipan. Ang mga salita ng mga propeta ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at pag-asa na maaari kong paghandaan at makamit ang maligayang tahanan. Ang patuloy na pag-aaral ng mga turo ng mga propeta, noon at ngayon, ay nagpalakas sa akin sa mahirap at kalimita’y nakakapagod na pagdadalantao, pagtuturo, at pag-aalaga sa pitong anak. Ang mga salita ng mga propeta sa mga banal na kasulatan at ang mga turo mula sa pulpitong ito ay mga salita ng kapanatagan, pag-ibig, lakas, at galak na angkop sa ating lahat.
Kapag pinakinggan natin ang mga salita ng mga propeta, itinatayo natin ang ating mga tahanan at ating buhay sa isang tiyak na saligan na walang hanggan, “sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, … nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa … kalungkutan at walang katapusang kapighatian.”
Maaari tayong magpasiya. Maaari nating pagpasiyahang balewalain, lapastanganin, yapakan, o maghimagsik laban sa mga salita ni Cristo na sinabi ng Kanyang inordenang mga tagapaglingkod. Ngunit itinuro ng Tagapagligtas na ang mga taong gagawa nito ay itatakwil mula sa Kanyang mga pinagtipanang tao.
Habang mapanalangin nating binabasa at pinag-aaralan ang sagradong salita ng propeta nang may pananampalataya kay Cristo, na may tunay na layunin, ang Espiritu Santo ay magsasabi ng katotohanan sa ating isipan at puso. Nawa’y buksan natin ang ating mga tainga upang tayo’y makarinig, ang ating mga puso upang tayo’y makaunawa, at ang ating mga isipan upang ang mga hiwaga ng Diyos ay mabuksan sa ating mga pananaw.
Pinatototohanan ko na si Joseph Smith ay ang propetang tinawag ng Diyos noon at ngayon upang ipanumbalik ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang priesthood sa mundo. At pinatototohanan ko na si Pangulong Monson ang namumuno sa atin bilang tunay na propeta ng Diyos ngayon. Nawa’y pagpasiyahan nating manindigan kasama ng mga propeta at mamuhay ayon sa kanilang mga salita hanggang sa tayo ay magkaisa sa pananampalataya, mapadalisay kay Cristo, at mapuno ng kaalaman tungkol sa Anak ng Diyos. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.