2010–2019
Huwag Lapastanganin ang mga Bagay na Banal
Oktubre 2014


10:43

Huwag Lapastanganin ang mga Bagay na Banal

Suriin ninyong mabuti ang mga pasiyang ginagawa ninyo sa pagtatanong sa sarili ng, “Ang mga pagpapasiya ko ba ay nakaugat sa mayamang lupa ng ebanghelyo ni Jesucristo?”

Mga kapatid, ang mga desisyong ginagawa natin sa buhay na ito ay makakaapekto nang malaki sa ating landas tungo sa buhay na walang hanggan. May mga nakikita at hindi nakikitang puwersang nakakaimpluwensya sa ating mga pasiya. Natutuhan ko ang kahalagahan ng alituntuning ito mga limang taon na ang nakalipas sa paraang halos ikapahamak ng buhay ko.

Papunta kami noon ng pamilya ko at mga kaibigan sa katimugan ng Oman. Nagpasiya kaming magpahinga sa dalampasigan sa baybayin ng Indian Ocean. Pagdating namin doon, itinanong ng 16 anyos na anak naming si Nellie, kung puwede siyang lumangoy papunta sa inaakala niyang maliit na pulo ng buhangin. Nang mapansin kong maalon ang dagat, sinabi ko sa kanya na ako muna ang lalangoy, iniisip na baka mapanganib ang agos ng tubig.

Nang mahaba-haba na ang nalalangoy ko, tinawag ko ang aking asawa at itinanong kung malapit na ba ako sa pulo. Ang sagot niya ay, “Lumampas ka na.” Hindi ko namalayan na napagawi na ako sa agos ng tubig na palayo sa pampang o tinatawag na riptide at mabilis na akong tinatangay nito papunta sa laot.

Hindi ko alam ang gagawin. Ang tanging naisip ko ay umikot at lumangoy pabalik sa pampang. Iyon pala mismo ang hindi ko dapat gawin. Pinanghinaan na ako ng loob. Ang mga puwersang hindi ko kayang kontrolin ay patuloy na humihila sa akin papunta sa laot. Ang nakasama pa ay nang sundan ako ng aking asawa dahil tiwala siya na tama ang desisyon ko.

Mga kapatid, naisip ko noon na malamang na hindi na ako makaligtas, at dahil sa mali kong desisyon, ako pa rin ang magiging dahilan ng pagkamatay ng aking asawa. Dahil sa bigay-todong paglangoy at naniniwala akong sa tulong na rin na mula sa langit, sumayad ang mga paa namin sa buhangin sa ilalim, at ligtas kaming nakapaglakad pabalik sa aming anak at mga kaibigan.

Napakaraming agos sa buhay na ito—ang ilan ay ligtas at ang iba ay hindi. Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na may malalakas na puwersa sa ating buhay tulad ng hindi nakikitang agos ng dagat. Ang mga puwersang ito ay tunay. Hindi natin dapat ipagwalang-bahala ang mga ito kailanman.

Ikukuwento ko sa inyo ang tungkol sa isa pang agos, isang espirituwal na agos, na naging malaking pagpapala sa buhay ko. Ako ay convert sa Simbahan. Bago ako nabinyagan, pangarap ko sa buhay ang mag-ski at, dahil dito, lumipat ako sa Europa pagkatapos ng high school para maisakatuparan ang hangaring iyan. Pagkaraan ng ilang buwan ng tila isang ideyal na buhay, nadama ko na kailangan akong umalis. Noong panahong iyon hindi ko naunawaan ang pinagmumulan ng damdaming iyon, ngunit nagpasiya akong sundin ito. Napunta ako sa Provo, Utah, kasama ang ilang mabubuting kaibigan na, tulad ko, ay mga miyembro ng iba’t ibang relihiyon.

Habang nasa Provo, nakilala ko ang mga taong ibang-iba ang pamumuhay sa akin. Gusto ko silang kasama, kahit hindi ko alam kung bakit. Noong una, ayoko ng ganitong pakiramdam, ngunit di nagtagal nakadama ako ng kapayapaan at kapanatagan na noon ko lang naramdaman. Nagsimula akong magpatangay sa kakaibang agos—isang agos na nagpabatid sa akin tungkol sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Nabinyagan ako kasama ang aking mga kaibigan noong 1972. Ang bagong agos na ito na pinili kong sundan, ang ebanghelyo ni Jesucristo, ay nagbigay ng direksyon at kahulugan sa aking buhay. Gayunman, may kaakibat na mga pagsubok ito. Lahat ay bago sa akin. May mga pagkakataon na pakiramdam ko ay naliligaw at nalilito ako. Kabi-kabila ang mga tanong at hamon sa akin ng aking mga kaibigan at pamilya.

Kailangan kong magpasiya. Nagkaroon ako ng pagdududa at pag-aalinlangan dahil sa kanilang mga tanong. Mahalaga ang magiging pasiya ko. Saan ako maghahanap ng sagot? Maraming gustong kumumbinsi sa akin na mali ang ginawa ko—“mga salungat sa agos” na determinadong hilahin ako palayo sa payapang agos ng buhay na pinagmumulan ng aking kaligayahan. Malinaw kong natutuhan ang alituntunin na may “pagsalungat sa lahat ng bagay” at ang kahalagahang magpasiya para sa sarili ko at di pagpapaubaya sa iba na magpasiya para sa akin.

Tinanong ko ang sarili ko, “Bakit lalayo ako sa isang bagay na nagbibigay sa akin ng lubos na kapanatagan?” Tulad ng ipinaalala ng Panginoon kay Oliver Cowdery, “Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito?” Gayundin ang naging karanasan ko. Kaya nga, bumaling ako, nang may higit na katapatan, sa isang mapagmahal na Ama sa Langit, sa mga banal na kasulatan, at sa pinagkakatiwalaang mga kaibigan.

Ngunit may mga tanong pa rin ako na hindi ko masagot. Paano ko lulutasin ang pag-aalinlangang idinulot ng mga katanungang ito? Sa halip na hayaang sirain nito ang kapayapaan at kaligayahang dumating sa buhay ko, nagpasiya akong pansamantalang isantabi ang mga ito, nagtitiwala na sa takdang panahon ng Panginoon, ihahayag Niya ang lahat ng bagay. Nakadama ako ng kapanatagan sa Kanyang pahayag kay Propetang Joseph: “Masdan, kayo ay maliliit na bata at hindi ninyo makakaya ang lahat ng bagay sa ngayon; kailangan kayong lumaki sa biyaya at sa kaalaman ng katotohanan.” Pinili kong huwag talikuran ang nalaman kong katotohanan at nagpatangay sa agos—isang nakatutulong na “agos ng buhay.” Ito ang natutuhan ko sa sinabi ni N. Eldon Tanner, “lubos na makakatulong at makakabuti sa isang tao na tanggapin ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo … at tanggapin nang may pananampalataya ang mga bagay na … hindi niya mauunawaan.”

Ibig bang sabihin nito ay walang puwang para sa matapat na pagtatanong? Tanungin ang batang lalaki na nagpunta sa isang sagradong kakahuyan dahil sa hangaring malaman kung alin sa lahat ng simbahan ang dapat niyang salihan. Hawakan ang Doktrina at mga Tipan, at alamin na marami sa inihayag sa talaang ito na binigyang-inspirasyon ay bunga ng mapagpakumbabang paghahanap ng katotohanan. Tulad ng nalaman ni Joseph, “Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay [nang] sagana sa lahat, … at ito’y ibibigay sa kaniya.” Sa matapat na pagtatanong at paghahanap ng sagot, natututo tayo nang “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin,” habang nadaragdagan ang ating kaalaman at karunungan.

Ang tanong ay hindi “May puwang ba para sa matapat na pagtatanong?” kundi, “Saan ko hahanapin ang katotohanan kapag nariyan na ang mga tanong?” “Sapat ba ang kaalaman ko para mangunyapit sa alam kong totoo sa kabila ng ilang tanong na maaaring mayroon ako?” Pinatototohanan ko na may banal na pinagmumulan—isang Nilalang na nakaaalam sa lahat ng bagay, ang wakas mula sa simula. Lahat ng bagay ay nasa harapan Niya. Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo na Siya ay “hindi lumalakad sa mga liku-likong landas, … ni siya ay nagpapabagu-bago sa yaong kanyang sinabi.”

Sa paglalakbay sa buhay na ito hindi natin dapat isipin kailanman na tayo lamang ang naaapektuhan ng ating mga pagpili. Kamakailan, isang binata ang bumisita sa aking tahanan. Mabait siya, pero dama ko na hindi siya gaanong nakikibahagi sa mga aktibidad ng Simbahan. Sinabi niya sa akin na lumaki siya sa tahanang nakasentro sa ebanghelyo hanggang sa pagtaksilan ng kanyang ama ang kanyang ina, na nauwi sa diborsiyo at naging sanhi ng pagdududa at pagtalikod sa Simbahan ng lahat ng kanyang mga kapatid. Labis ang kalungkutan ko habang kausap ko ang bata pang amang ito, na naapektuhan ng pasiya ng kanyang ama, at bunga nito ay pinalalaki ang minamahal na mga anak sa labas ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Isa pang lalaking kilala ko, na dating tapat na miyembro ng Simbahan, ang may pag-aalinlangan sa ilang doktrina. Sa halip na humiling ng kasagutan sa Ama sa Langit, pinili niyang umasa sa sekular na kaalaman para magabayan. Nabaling ang kanyang puso sa maling direksyon nang maghangad siya ng parangal ng tao. Maaaring napasaya siya ng kanyang kapalaluan, kahit pansamantala, ngunit nahiwalay siya sa mga kapangyarihan ng langit. Sa halip na mahanap ang katotohanan, nawala ang kanyang patotoo at isinama pa ang maraming miyembro ng kanyang pamilya.

Ang dalawang lalaking ito ay nabitag sa hindi inaasahang agos o pagsubok sa buhay at nagtangay pa ng marami.

Sa kabilang banda, naiisip ko sina LaRue at Louise Miller, ang mga magulang ng aking asawa, na sa kabila ng kaunting karangyaan, ay ipinasiya na hindi lamang ituturo ang dalisay na doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa kanilang mga anak kundi ipapamuhay rin ito araw-araw. Sa paggawa nito napagpala nila ang kanilang angkan ng mga bunga ng ebanghelyo at ng pag-asa para sa buhay na walang hanggan.

Sa kanilang tahanan ay bumuo sila ng huwaran kung saan ang priesthood ay iginagalang, kung saan sagana ang pagmamahalan at pagkakasundo, at kung saan mga alituntunin ng ebanghelyo ang gumagabay sa kanilang buhay. Sina Louise at LaRue ay magkatuwang na naging halimbawa ng tunay na kahulugan ng buhay na nakaayon kay Jesucristo. Malinaw na nakita ng kanilang mga anak kung anong agos ng buhay ang magdudulot ng kapayapaan at kaligayahan. At pinili nila ang nararapat. Tulad ng itinuro ni Pangulong Kimball, “Kung magkakaroon tayo ng … malakas at tuluy-tuloy na agos patungo sa minimithi nating matwid na pamumuhay, tayo at ang ating mga anak ay matatangay pasulong sa kabila ng sumasalungat na hangin ng paghihirap, kalungkutan, [at] mga tukso.”

Mahalaga ba ang ating mga pagpili? Tayo lang ba ang naaapektuhan nito? Matatag ba nating naisasalig ang ating buhay sa walang hanggang pagdaloy ng ipinanumbalik na ebanghelyo?

Paminsan-minsan, may isang tagpo na lumiligalig sa akin. Paano kung noong araw na iyon ng Setyembre, habang nagpapahinga sa dalampasigan ng Indian Ocean, ay sinabi ko sa aking anak na babaeng si Nellie, “Oo, sige. Languyin mo ang pulo ng buhangin.” O kaya ay sinundan niya ako at hindi na makalangoy pabalik? Paano kaya ako mabubuhay gayong alam ko na ang halimbawa ko ang dahilan kaya siya tinangay ng agos palaot, at hindi na muling nakabalik?

Mahalaga ba ang mga bagay na pinipili nating sundan? Mahalaga ba ang mga halimbawa natin?

Biniyayaan tayo ng Ama sa Langit ng banal na kaloob na Espiritu Santo upang gabayan ang ating mga pagpili. Pinangakuan Niya tayo ng inspirasyon at paghahayag kapag namuhay tayo nang karapat-dapat para dito. Inaanyayahan ko kayong samantalahin ang banal na kaloob na ito at suriin ang mga desisyong ginagawa ninyo sa pamamagitan ng pagtatanong sa sarili ng, “Ang mga desisyon ko ba ay nakaugat sa mayamang lupa ng ebanghelyo ni Jesucristo?” Inaanyayahan ko kayong gumawa ng anumang mga kailangang pagbabago, maliit man o malaki, upang matiyak ang walang hanggang pagpapala ng plano ng Ama sa Langit para sa inyo at sa inyong mga mahal sa buhay.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Tagapaglitas at Manunubos. Pinatototohanan ko na ang mga tipang ginagawa natin sa Kanya ay sagrado at banal. Huwag nating lapastanganin ang mga bagay na banal. Nawa’y manatili tayong tapat, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.