Magsiparito Kayo, at Inyong Makikita
Ang Simbahan ni Jesucristo ay isang simbahang may mga missionary noon pa man at magpakailanman.
Ang aking mensahe ay tuwiran kong ipahahayag sa mga hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sasagutin ko ang mahalagang tanong ng marami sa inyo: “Bakit napakasigasig ng mga Banal sa mga Huling Araw na ipaalam sa akin ang kanilang pinaniniwalaan at anyayahan akong pag-aralan ang kanilang Simbahan?”
Dalangin ko na tulungan ako ng Panginoon na maipabatid kong mabuti, at malinaw ninyong maunawaan, ang sagot ko sa mahalagang tanong na ito.
Isang Banal na Tungkulin
Ang matatapat na disipulo ni Jesucristo ay magigiting na missionary noon pa man at magpakailanman. Ang missionary ay isang alagad ni Cristo na nagpapatotoo na Siya ang Manunubos at nagpapahayag ng mga katotohanan ng Kanyang ebanghelyo.
Ang Simbahan ni Jesucristo ay isang simbahang may mga missionary noon pa man at magpakailanman. Tinanggap ng bawat miyembro ng Simbahan ng Tagapagligtas ang sagradong obligasyon na tumulong sa pagtupad ng banal na tungkuling ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol, tulad ng nakatala sa Bagong Tipan:
“Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na silaʼy inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo:
“Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, akoʼy sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan. Amen” (Mateo 28:19–20).
Taimtim na ginagampanan ng mga Banal sa mga Huling Araw ang responsibilidad na ito na turuan ang lahat ng tao sa lahat ng bansa tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Naniniwala kami na ang simbahan ding iyon na itinatag ng Tagapagligtas noong araw ang simbahang muli Niyang itinatag sa lupa sa mga huling araw. Ang doktrina, mga alituntunin, awtoridad ng priesthood, mga ordenansa, at mga tipan ng Kanyang ebanghelyo ay matatagpuan ngayon sa Kanyang Simbahan.
Kapag inanyayahan namin kayong sumama sa aming magsimba o magpaturo sa mga full-time missionary, hindi namin kayo binebentahan ng isang produkto. Bilang mga miyembro ng Simbahan, hindi kami tumatanggap ng premyo o bonus sa isang espirituwal na paligsahan. Ang hangad namin ay hindi basta paramihin ang mga miyembro ng Simbahan. At ang pinakamahalaga, hindi namin kayo pinipilit na maniwala sa aming pinaniniwalaan. Inaanyayahan namin kayong pakinggan ang ipinanumbalik na mga katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo upang inyong mapag-aralan, mapagnilayan, maipagdasal, at malaman sa inyong sarili kung ang mga bagay na ibinabahagi namin sa inyo ay totoo.
Maaaring sabihin ng ilan sa inyo, “Pero naniniwala na ako kay Jesus at sinusunod ko ang Kanyang mga turo,” o “Hindi ako sigurado kung talagang may Diyos.” Ang paanyaya namin sa inyo ay hindi isang pagtatangkang balewalain ang inyong tradisyon sa relihiyon o karanasan sa buhay. Dalhin ang lahat ng alam ninyong totoo, mabuti, at kapuri-puri—at subukan ang aming mensahe. Tulad noong anyayahan ni Jesus ang dalawa sa Kanyang mga disipulo na “magsiparito kayo, at inyong makikita” (Juan 1:39), hinihikayat namin kayong magsiparito at inyong makikita kung ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay dinaragdagan at pinagyayaman ang pinaniniwalaan na ninyong totoo.
Tunay ngang isang dakilang responsibilidad para sa amin ang dalhin ang mensaheng ito sa bawat bansa, lahi, wika, at tao. At iyan mismo ang ginagawa namin sa tulong ng mahigit 88,000 full-time missionary na nangangaral sa mahigit 150 bansa sa ibaʼt ibang dako ng mundo. Ang kahanga-hangang mga lalaki at babaeng ito ay tumutulong sa mga miyembro ng aming Simbahan na magampanan ang banal na responsibilidad na ibinigay sa bawat isa sa amin na ipahayag ang walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa D at T 68:1).
Higit pa sa Espirituwal na Tungkulin
Ngunit ang kasigasigan naming ipahayag ang mensaheng ito ay hindi lamang dahil sa espirituwal na tungkulin. Bagkus, ang aming hangaring ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa inyo ay patunay kung gaano kahalaga ang mga katotohanang ito sa amin. Naniniwala ako na mailalarawan kong mabuti kung bakit hayagan naming hinahangad na ipaliwanag sa inyo ang aming mga paniniwala sa pamamagitan ng karanasan naming mag-asawa sa dalawa sa aming mga anak na lalaki maraming taon na ang nakalilipas.
Isang gabi nakatayo kami ni Susan malapit sa bintana sa aming tahanan at minamasdan ang dalawa sa aming maliliit na anak na lalaki na naglalaro sa labas. Sa kanilang paglalaro, nagalusan ang nakababata sa dalawa sa isang maliit na aksidente. Nakita namin kaagad na hindi naman siya gaanong nasaktan, at nagpasiya kami na huwag munang tumulong. Gusto naming obserbahan at tingnan kung may natutuhan sila sa anumang mga talakayan namin sa pamilya tungkol sa kabaitan sa kapatid. Nakakatuwa at may matutuhan sa sumunod na nangyari.
Inalo at maingat na inakay ng nakatatanda ang kanyang kapatid pabalik sa bahay. Pumuwesto kami ni Susan malapit sa kusina para makita namin ang sumunod na nangyari, at handa kaming dumamay kaagad kung sakaling may mangyari pang disgrasya o aksidente.
Hinila ng nakatatanda ang isang upuan papunta sa lababo. Umakyat siya sa upuan, inalalayan niya ang kapatid para makaupo roon, binuksan ang gripo, at binuhusan ng maraming dishwashing soap ang nagalusang braso nito. Ginawa niya ang lahat para maalis ang dumi. Ang reaksyon ng nakababatang kapatid sa ginawang ito ay mailalarawan lamang nang tumpak gamit ang pananalita mula sa mga banal na kasulatan: “At magkakaroon sila ng dahilan upang humagulgol, at tumangis, at managhoy, at pagngalitin ang kanilang mga ngipin” (Mosias 16:2). At talaga namang humagulgol ang batang iyon!
Matapos mahugasan, maingat na pinunasan ng tuwalya ang braso. Sa wakas ay natigil ang pag-iyak. Pagkatapos ay umakyat ang nakatatandang kapatid sa pasamano ng kusina, nagbukas ng kabinet, at nakakita ng bagong gamot na pamahid. Bagamaʼt hindi malaki o malalim ang galos ng kanyang kapatid, ipinahid niya ang lahat halos ng ointment sa nagalusang braso. Hindi na naulit ang pag-iyak, dahil malinaw na naginhawahan ang bata sa epekto ng ointment kaysa sa nakakalinis na epekto ng dishwashing soap.
Bumalik ang nakatatandang kapatid sa kabinet na pinagkunan niya ng ointment at nakakita ng isang bagong kahon ng mga sterile bandage. Binuksan niya ito at binendahan ang buong braso ng kanyang kapatid—mula pulso hanggang siko. Dahil naayos na ang problema, at naiwan ang mga bula ng sabon, ointment at mga benda sa buong kusina, lumundag ang dalawang bata mula sa upuan na nakangiti at masaya ang mukha.
Ang sumunod na nangyari ang pinakamahalaga. Kinuha ng nagalusang kapatid ang natirang mga benda at ang halos wala nang laman na ointment, at bumalik siya sa labas. Agad niyang hinanap ang kanyang mga kaibigan at pinaglalagyan ng ointment at benda ang kanilang mga braso. Namangha kami ni Susan sa katapatan, kasigasigan, at bilis ng kanyang pagkilos.
Bakit iyon ginawa ng batang iyon? Pansinin lamang na ginusto niya kaagad na ibigay sa kanyang mga kaibigan ang mismong bagay na nakatulong sa kanya nang masaktan siya. Ang batang iyon ay hindi na kinailangang hikayatin, himukin, o piliting kumilos. Ang hangarin niyang magbahagi ang likas na bunga ng napakalaking tulong at pakinabang na naranasan niya.
Gagawin din iyon ng marami sa ating matatanda kapag nakakita tayo ng lunas o gamot na nagpapaibis ng sakit na matagal na nating nararamdaman, o nakatanggap tayo ng payo para maharap natin ang mga pagsubok nang may lakas ng loob at pagtitiis. Ang pagbabahagi sa ibang tao ng mga bagay na napakahalaga sa atin o nakatulong sa atin ay karaniwan lamang.
Ang ganitong huwaran ay nakikita lalo na sa mga bagay na may espirituwal na kahalagahan at epekto. Halimbawa, isang salaysay mula sa banal na kasulatan na kilala bilang Aklat ni Mormon ang nagtuturo tungkol sa panaginip ng isang sinaunang propeta at pinuno na nagngangalang Lehi. Ang tampok sa panaginip ni Lehi ay ang punungkahoy ng buhay—na sagisag ng “pag-ibig ng Diyos” na “pinakakanais-nais sa lahat ng bagay” at “labis na nakalulugod sa kaluluwa” (1 Nephi 11:22–23; tingnan din sa 1 Nephi 8:12, 15).
Ipinaliwanag ni Lehi:
“At ito ay nangyari na, na lumapit ako at kumain ng bunga nito; at napagtanto ko na napakatamis nito, higit pa sa lahat ng natikman ko na. Oo, at namasdan ko na ang bunga niyon ay puti, higit pa sa lahat ng kaputiang nakita ko na.
“At nang kinain ko ang bunga niyon ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan; anupaʼt nagsimula akong magkaroon ng pagnanais na makakain din nito ang aking mag-anak” (1 Nephi 8:11–12; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay ang mortal na ministeryo, nagbabayad-salang sakripisyo, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoong Jesucristo. Ang bunga ng punungkahoy ay maituturing na simbolo ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.
Ang dagling pagtugon ni Lehi na kumain ng bunga ng puno at makadama ng malaking kagalakan ay nagpaibayo ng kanyang hangaring ibahagi ito at maglingkod sa kanyang pamilya. Kaya, nang bumaling siya kay Cristo, minahal at pinaglingkuran niya rin ang iba.
Ang isa pang mahalagang pangyayari sa Aklat ni Mormon ay naglalahad ng nangyari sa taong nagngangalang Enos pagkatapos dinggin at sagutin ng Diyos ang kanyang taimtin at nagsusumamong panalangin.
Sabi Niya:
“At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa; at sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya; oo, at nang dumating ang gabi ay inilakas ko pa ang aking tinig sa kaitaasan kung kayaʼt iyon ay nakarating sa kalangitan.
“At doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain.
“At ako, si Enos, nalalaman na ang Diyos ay hindi makapagsisinungaling, kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis.
“At aking sinabi: Panginoon, paano ito nangyari?
“At sinabi niya sa akin: Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo, na hindi mo pa kailanman narinig o nakita. … Samakatwid, humayo ka, ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.
“Ngayon, ito ay nangyari na nang aking marinig ang mga salitang ito, ako ay nagsimulang makadama ng pagnanais para sa kapakanan ng aking mga kapatid, ang mga Nephita; kung kayaʼt ibinuhos ko ang aking buong kaluluwa sa Diyos para sa kanila” (Enos 1:4–9; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Nang bumaling si Enos sa Panginoon “nang may buong layunin ng puso” (2 Nephi 31:13), nag-ibayo rin ang kanyang pag-aalala para sa kapakanan ng kanyang pamilya, mga kaibigan, at kasamahan.
Ang mabuting aral na matututuhan natin mula sa dalawang pangyayaring ito ay ang kahalagahang maranasan natin sa ating sariling buhay ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na kinakailangan upang maging taos-puso at tapat ang ating paglilingkod at hindi lamang dahil sa “nakasanayan na natin.” Tulad ng ikinuwento ko tungkol kina Lehi, Enos, at sa aming anak, nadama na namin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pighating dulot ng espirituwal na pag-aalinlangan at kasalanan. Naranasan na rin namin ang paglilinis, ang kapayapaan ng budhi, ang espirituwal na pagpapagaling at pagpapanibago, at ang patnubay na natatamo lamang sa pamamagitan ng pagkatuto at pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay may kapangyarihang maglinis at magpadalisay, magpahilom ng mga espirituwal na sugat at mag-alis ng mga kasalanan, at magprotekta upang maging tapat kami sa panahon ng ligalig at kapanatagan.
Mayroong Lubos na Katotohanan
Sa inyo na mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan na hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, sinikap ko nang ipaliwanag ang mga pangunahing dahilan kung bakit mga missionary kami.
Mayroong lubos na katotohanan sa mundo na lalo pang humahamak at nagpapawalang-saysay sa iba pa. Sa hinaharap, “[luluhod] ang lahat ng tuhod” at “[ipahahayag] ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama” (Mga Taga Filipos 2:10–11). Si Jesus ang Cristo ang tunay na Bugtong na Anak ng Amang Walang Hanggan. Bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan, pinatototohanan namin na Siya ay Buhay at ang Kanyang Simbahan ay naipanumbalik na sa kabuuan nito sa mga huling araw na ito.
Ang mga paanyaya namin sa inyo na alamin at subukan ang aming mensahe ay nagmumula sa mabubuting bunga ng ebanghelyo ni Jesucristo sa aming buhay. Kung minsan maaaring nahihiya kami o hindi kami tumitigil sa pagtatangka. Hangad lamang naming ibahagi sa inyo ang mga katotohanang napakahalaga sa amin.
Bilang isa sa mga Apostol ng Panginoon, at sa buong lakas ng aking kaluluwa, pinatototohanan ko ang Kanyang kabanalan at na Siya ay buhay. At inaanyayahan kong “magsiparito kayo, at inyong makikita” (Juan 1:39) sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.