“Opo, Panginoon, Kayo’y Laging Susundin”
Inaanyayahan tayo ng Panginoon gamit ang iba’t ibang pandiwa: “Magsiparito sa akin,” “Sumunod ka sa akin,” “Lumakad kang kasama ko.” Sa bawat sitwasyon ito’y isang paanyaya para kumilos.
“Sapagkat masdan, ang Panginoon ay nagtutulot sa lahat ng bansa, sa kanilang sariling bansa at wika, na ituro ang kanyang salita, oo, sa karunungan, lahat ng nakikita niyang karapat-dapat na taglayin nila.” Ngayon ang talatang ito ay minsan pang natupad nang mabigyan ako ng pagkakataong ipahayag ang damdamin ko sa aking sariling wika.
Taong 1975 iyon, at naglilingkod ako sa Uruguay Paraguay Mission bilang bata pang missionary. Noong mga unang buwan ko sa misyon, nagdaos ang mga zone leader ng aktibidad para ipamalas ang isang alituntunin ng ebanghelyo. Bawat missionary sa zone ay nakapiring, at sinabihan kami na susundan namin ang isang landas papuntang cultural hall. Susundan namin ang tinig ng isang partikular na lider, isang tinig na narinig na namin bago kami nagsimulang lumakad. Gayunman, binalaan kami na habang naglalakad, maririnig namin ang ilang tinig para lituhin kami at iligaw ng landas.
Pagkaraan ng ilang minuto ng pakikinig sa mga ingay, usapan, at—sa gitna ng lahat ng ito—sa isang tinig na nagsabing, “Sumunod ka sa akin,” nakadama ako ng tiwala na tama ang tinig na sinusunod ko. Pagdating namin sa cultural hall ng chapel, sinabi ng mga lider na mag-alis na kami ng piring. Nang gawin ko ito, natanto ko na may dalawang grupo at kasama ako sa grupong sumunod sa maling tinig. “Ang dinig ko kasi ay iyon ang tamang tinig,” sabi ko sa sarili ko.
Ang karanasang iyon 39 na taon na ang nakalilipas ay may epekto pa rin sa akin. Sinabi ko sa sarili ko, “Hinding-hindi na ako susunod sa maling tinig.” At sinabi kong, “Opo, Panginoon, Kayo’y laging susundin.”
Gusto kong iugnay ang karanasang ito sa magiliw na paanyaya ng Tagapagligtas sa atin:
“Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang [aking mga tupa]. …
“Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.”
Ang paanyayang “sundan Siya” ang pinakasimple, tuwiran, at mabisang paanyayang matatanggap natin. Nagmumula ito sa isang malinaw na tinig na hindi makakalito.
Inaanyayahan tayo ng Panginoon gamit ang iba’t ibang pandiwa: “Magsiparito sa akin,” “Sumunod ka sa akin,” “Lumakad kang kasama ko.” Sa bawat sitwasyon hindi ito isang paanyaya na walang pagkilos; ito’y isang paanyaya para kumilos. Nakapatungkol ito sa buong sangkatauhan na ibinigay Niya na Propeta ng mga propeta, Guro ng mga guro, ang Anak ng Diyos, ang Mesiyas.
Ang Paanyayang “Magsiparito sa Akin”
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.”
Kayo na hindi pa mga miyembro ng Simbahan ay tatanggap ng paanyayang ito sa pamamagitan ng tinig ng mga missionary sa mga salitang, “Babasahin mo ba ang Aklat ni Mormon? Magdarasal ka ba? Magsisimba ka ba? Susundan mo ba ang halimbawa ni Jesucristo at magpapabinyag sa mga taong may awtoridad?” Paano ninyo sasagutin ang paanyayang ito ngayon?
Inaanyayahan ko kayong pakinggan at tanggapin ang mensahe sa pagsasabing, “Opo, Panginoon, Kayo’y laging susundin!”
Si Carlos Badiola at ang kanyang pamilya, ng Minas, Uruguay, ay nagpapaturo noon sa mga missionary. Dahil maraming tanong ang mga elder habang nagtuturo, nagpasiya silang anyayahan ang isang di-miyembrong kapitbahay—ang 14-na-taong-gulang na si Norma—para tulungan silang sumagot. Si Norma ay masigasig na estudyante sa hayskul na nag-aaral ng Biblia sa paaralan noong taong iyon, kaya kapag nagtatanong ang mga missionary, sumasagot si Norma. Siya ay “golden investigator.” Ang itinuro noong araw na iyon ay tungkol sa Word of Wisdom.
Pag-uwi niya matapos magturo ang mga missionary, alam na ni Norma ang gagawin niya. Sinabi niya sa kanyang ina, “Inay, mula ngayon hindi na po ako iinom ng kapeng may gatas. Gatas na lang po.” Ang pagsunod na iyon ang nagpakita ng kanyang hangaring tanggapin ang paanyaya na sumunod kay Cristo, na ipinaabot ng mga missionary.
Nabinyagan sina Carlos Badiola at Norma. Kalaunan, dahil sa halimbawa ni Norma, nabinyagan din ang kanyang ina, ama, at mga kapatid. Kami ni Norma ay sabay na lumaki sa maliit ngunit napakatatag na branch na iyon. Kalaunan, pagbalik ko mula sa misyon, nagpakasal kami. Alam ko na noon pa man na mas madaling sumunod sa Tagapagligtas kapag nasa tabi ko siya.
Ang isang miyembro ng Simbahan na tumanggap sa paanyayang ito ay nagpapanibago ng pangako bawat linggo sa pakikibahagi sa sakramento. Bahagi ng pangakong iyon ang pagsunod sa mga kautusan; sa paggawa nito sinasabi ninyong, “Opo, Panginoon, Kayo’y laging susundin!”
Ang Paanyayang “Sumunod Ka sa Akin”
“Sumunod ka sa akin” ang paanyaya ng Panginoon sa mayamang batang pinuno. Sinunod ng binata ang mga kautusan sa buong buhay niya. Nang tanungin niya kung ano pa ang magagawa niya, sinagot siya sa isang malinaw na paanyaya: “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.” Gayunman, kahit simple ang paanyaya, kailangan nito ang sakripisyo. Kailangan nito ang pagsisikap—lakip ang pagpapasiya at pagkilos.
Nag-anyaya ang propetang si Nephi na magmuni-muni nang itanong niya: “At sinabi [ni Jesus] sa mga anak ng tao: Sumunod kayo sa akin. Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, makasusunod ba tayo kay Jesus maliban sa tayo ay nakahandang sumunod sa mga kautusan ng Ama?”
Ang paanyayang “magsiparito sa akin,” makinig sa Kanyang tinig, at sumunod dito ang siyang mensahe ng mga missionary sa simula pa lamang, na tumutulong sa marami na magbagong-buhay.
Limampung taon na ang nakararaan pumasok ang mga missionary sa shop ng aking ama na pagawaan ng relo sa Minas, Uruguay, para ipaayos ang isang relo. Tulad ng ginagawa ng mabubuting missionary, sinamantala nila ang pagkakataong kausapin ang aking ama at ina tungkol sa ebanghelyo. Tinanggap ng aking ama ang mga missionary, at tinanggap ng aking ina ang mensahe at paanyayang sumunod kay Cristo. Mula sa araw na iyon hanggang ngayon, nananatili siyang aktibo sa Simbahan. Sabi niya, “Opo, Panginoon, Kayo’y laging susundin!”
Habang sinisikap ninyong lumapit sa Kanya, magtatamo kayo ng lakas na pagaanin ang mga pasanin sa buhay, pisikal man o espirituwal, at dumanas ng positibong pagbabago ng kalooban para mas lumigaya kayo.
Ang Paanyayang “Lumakad Kang Kasama Ko”
Si Enoc ay tinawag upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga taong matitigas ang puso. Pakiramdam niya’y hindi siya karapat-dapat. Nagduda siya kung kaya ba niyang gawin iyon. Pinawi ng Panginoon ang kanyang mga pagdududa at pinalakas ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng paanyayang “Lumakad kang kasama ko”—isang paanyaya na maaaring gumabay, gaya ng tungkod ng isang bulag o bisig ng isang kaibigan, sa mga yapak ng isang taong hindi tiyak ang hakbang. Sa pagkapit sa bisig ng Tagapagligtas at paglakad na kasama Niya, nakita ni Enoc na naging matatag ang kanyang hakbang at siya ay naging magaling na missionary at propeta.
Ang desisyong “magsiparito sa akin” at “sumunod ka sa akin” ay personal. Kapag tinanggap natin ang paanyayang ito, tumataas ang antas ng ating katapatan, at sa gayo’y “[makaka] lakad tayong kasama Niya.” Ang lebel na ito ay tanda ng mas malapit na kaugnayan sa Tagapagligtas—ang bunga ng pagtanggap natin sa unang imbitasyon.
Tinanggap namin ni Norma ang paanyayang “magsiparito sa akin” at “sumunod ka sa akin.” Pagkatapos, sa pagsuporta sa isa’t isa, sabay kaming natutong lumakad na kasama Siya.
Ang pagsisikap at determinasyong hanapin Siya at sumunod sa Kanya ay gagantimpalaan ng mga pagpapalang hangad natin.
Iyon ang nangyari sa babaeng nagpumilit na mahipo ang damit ng Tagapagligtas at kay Bartimeo, ang bulag, na determinasyon ang naging susi sa himalang nangyari sa kanyang buhay. Ang dalawang ito ay kapwa gumaling ang katawan at espiritu.
Iunat ang inyong kamay, hipuin ang Kanyang kasuotan, tanggapin ang Kanyang paanyaya, sinasabing, “Opo Panginoon, Kayo’y laging susundin!”—at lumakad na kasabay Niya.
Ang “Magsiparito sa akin,” “Sumunod sa akin,” “Magsilakad na kasabay ko” ay mga paanyayang naglalaman ng mga likas na kapangyarihan—sa mga tumatanggap sa mga ito—upang magpabago sa inyong kalooban na aakay sa inyong magsabi, “Wala na [akong] hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti.”
Bilang panlabas na pagpapakita ng pagbabago, madarama ninyo ang matinding hangaring “tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina.”
Anong mga hakbang ang magagawa natin ngayon para “lumakad na kasama Niya”?
-
Patindihin ang hangarin na maging mas mabuting alagad ni Cristo.
-
Ipagdasal ang hangaring ito upang lumago ang inyong pananampalataya sa Kanya.
-
Magtamo ng kaalaman mula sa mga banal na kasulatan, na tumatanglaw sa daan at nagpapalakas ng inyong hangaring magbago.
-
Magpasiya ngayon na kumilos at sabihing, “Opo, Panginoon, Kayo’y laging susundin!” Hindi babaguhin ng pagkaalam lang sa katotohanan ang inyong mundo maliban kung kumilos kayo ayon sa kaalamang ito.
-
Maging masigasig sa desisyong ginawa ninyo sa pamamagitan ng pagsunod sa mga alituntuning ito araw-araw.
Nawa’y mahikayat tayo ng mga salita ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Thomas S. Monson na kumilos sa hangarin nating tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas. Sabi ni Pangulong Monson: “Sino ang Hari ng kaluwalhatian, ang Panginoong ito ng mga hukbo? Siya ang ating Guro. Siya ang ating Tagapagligtas. Siya ang Anak ng Diyos. Siya ang May-akda ng Ating Kaligtasan. Siya ay nag-uutos, ‘Sumunod ka sa akin.’ Ang bilin Niya, ‘Humayo ka, at gayon din ang gawin mo.’ Siya ay sumasamo, ‘Sundin ang aking mga utos.’”
Nawa’y magdesisyon tayong dagdagan ang antas ng ating pagsamba at katapatan sa Diyos, at ang tugon natin sa Kanyang paanyaya ay marinig nang malakas at malinaw: “Opo, Panginoon, Kayo’y laging susundin!” Sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.