2010–2019
Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo
Oktubre 2014


20:8

Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo

Magtiwala sa nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo; sundin ang Kanyang mga batas at kautusan. Sa madaling salita—masayang ipamuhay ang ebanghelyo.

Mahal kong mga kapatid, kaibigan at pinagpalang mga disipulo ni Jesucristo, karangalan ko na makasama kayo sa pagsisimula ng isa na namang pangkalahatang kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa darating na linggo ang Unang Panguluhan at ang Labindalawang Apostol ay makikipagpulong sa lahat ng General Authority at pangkalahatang mga lider ng auxiliary, at ang nalalabing mga sesyon ng ating pandaigdigang kumperensya ay sa darating na Sabado at Linggo na. Lubos akong nagpapasalamat kay Pangulong Thomas S. Monson, na propeta ng Diyos sa ating panahon, sa pag-aatas sa akin na katawanin ko ang Unang Panguluhan sa pagsasalita ko sa kababaihan ng Simbahan.

Habang pinagninilayan ko ang aking mensahe, naisip ko ang kababaihang nakaimpluwensya sa akin at nakatulong sa aking harapin ang mga hamon ng buhay. Nagpapasalamat ako sa aking lola na ilang dekada na ang nakalipas ay nagpasiyang dalhin ang kanyang pamilya sa isang sacrament meeting ng mga Mormon. Nagpapasalamat ako kay Sister Ewig, isang matandang dalagang Aleman, na ang pangalan sa Ingles ay “Sister Eternal.” Siya ang naglakas-loob na ipaabot ang napakagandang paanyayang ito sa lola ko. Nagpapasalamat ako nang lubos sa aking ina, na gumabay sa apat na anak sa gitna ng kaguluhang dulot ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naiisip ko rin ang aking anak na babae, mga apong babae, at ang susunod na mga henerasyon ng matatapat na kababaihan.

At, siyempre, walang katapusan akong nagpapasalamat sa aking asawa, si Harriet, na nakabighani sa akin noong ako’y binatilyo pa, na gumanap ng pinakamabigat na responsibilidad noon sa aming pamilya bilang ina, bilang asawa, at nagmamahal sa aming mga anak, apo, at apo sa tuhod. Siya ang lakas sa aming tahanan sa panahon ng hirap at ginhawa. Siya ang nagpapasigla sa buhay ng lahat ng nakakakilala sa kanya.

Sa huli, lubos akong nagpapasalamat sa inyong lahat, sa milyun-milyong matatapat na kababaihan sa buong daigdig na maraming ginagawa para maitayo ang kaharian ng Diyos. Nagpapasalamat ako sa inyo sa di mabilang na mga paraan na nakapagbibigay kayo ng inspirasyon, pagkalinga, pagtulong sa mga nasa paligid ninyo.

Mga Anak na Babae ng Diyos

Natutuwa akong makasama ang napakaraming anak na babae ng Diyos. Kapag kinakanta natin ang awiting “Ako ay Anak ng Diyos,” naantig nito ang ating mga puso. Ang pagninilay sa katotohanang ito—na tayo ay mga anak ng mga magulang sa langit—ay nagpapaunawa sa atin kung saan tayo nagmula, bakit tayo naririto, at ano ang ating kahihinatnan.

Mabuting alalahanin na kayo, kailanman, ay anak ng Diyos. Ang kaalamang ito ay magpapatatag sa inyo sa pinakamatitinding pagsubok sa buhay at hihikayatin kayong magsagawa ng pambihirang mga bagay. Gayunman, mahalaga ring alalahanin na ang pagiging anak ng walang-hanggang mga magulang ay hindi isang karangalang natatamo o mawawala sa inyo kalaunan. Kayo ay mananatiling anak ng Diyos kailanman. Ang inyong Ama sa Langit ay may mataas na mithiin para sa inyo, ngunit ang banal na pinagmulan ninyo ay hindi ang siyang tanging magbibigay sa inyo ng banal na pamana. Ipinadala kayo rito ng Diyos upang maghanda para sa hinaharap na higit kaysa anumang nakikinita ninyo.

Ang ipinangakong mga pagpapala ng Diyos sa matatapat ay mabuti at kalugud-lugod. Ilan sa mga ito ay “mga trono, kaharian, pamunuan at kapangyarihan, mga sakop, lahat ng taas at lalim.” At hindi sapat ang katibayan ng espirituwal na kapanganakan o “Child of God Membership Card” para maging marapat sa mga pagpapalang ito na hindi kayang maunawaan.

Ngunit paano natin matatamo ang mga ito?

Sinagot ng Tagapagligtas ang tanong na ito sa ating panahon:

“Maliban sa kayo ay sumunod sa aking batas hindi ninyo matatamo ang kaluwalhatiang ito.

“Sapagkat makipot ang pintuan, at makitid ang daan na patungo sa kadakilaan. …

“… Tanggapin ninyo, samakatwid, ang aking batas.”

Dahil dito, ipinapahayag natin ang pagtahak sa landas ng pagkadisipulo.

Ipinapahayag natin ang pagsunod sa mga utos ng Diyos.

Ipinapahayag natin ang masayang pamumuhay ng ebanghelyo nang buong puso, kakayahan, kaisipan, at kaluluwa.

Alam ng Diyos ang Bagay na Hindi Natin Alam

Sa kabila niyon para sa ilan sa atin, ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay hindi laging ganoon kasaya. Aminin natin: maaaring may ilan na tila mahirap o hindi natin gaanong gusto—mga utos na sinusunod natin nang tulad sa isang batang may kaharap na isang plato ng masustansya pero inaayawang gulay. Buong tapang at pinipilit nating sundin ang utos para maisagawa ang mas gusto nating gawain.

Marahil sa mga ganitong pagkakataon ay naitatanong natin sa ating sarili, “Talaga bang kailangan nating sundin ang lahat ng mga utos ng Diyos?”

Simple lang ang sagot ko sa tanong na ito:

Palagay ko may alam ang Diyos na hindi natin alam—mga bagay na hindi natin kayang maunawaan! Ang ating Ama sa Langit ay walang-hanggang nilalang na ang karanasan, karunungan at katalinuhan ay tunay na higit kaysa sa atin. Hindi lamang iyan, Siya rin ay walang hanggang nagmamahal, nahahabag, at nakatuon sa dakilang mithiin: ang isakatuparan ang ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan.

Sa madaling salita, hindi lamang Niya alam ang pinakamabuti para sa inyo; lubos din Niyang ninanais na piliin ninyo ang pinakamabuti para sa inyo.

Kung buong-puso kayong naniniwala—kung talagang naniniwala kayo na ang dakilang misyon ng ating Ama sa Langit ay dakilain at luwalhatiin ang Kanyang mga anak at na Siya ang higit na nakaaalam kung paano ito gawin—hindi ba makatwiran lang na tanggapin at sundin ang Kanyang mga kautusan, kahit ang tila mahirap gawin? Hindi ba natin pahahalagahan ang ibinigay Niyang liwanag na gumagabay sa atin sa gitna ng kadiliman at mga pagsubok sa buhay? Ipinakikita nito ang daan pabalik sa ating tahanan sa langit! Sa pagpili sa landas ng Ama sa Langit, naglalatag kayo ng espirituwal na pundasyon para sa inyong pansariling pag-unlad bilang anak ng Diyos na magpapala sa inyo habambuhay.

Bahagi ng hamon sa atin, palagay ko, ay iniisip natin na lahat ng biyaya ng Diyos ay nakalagak sa isang malaking ulap sa langit, at hindi ito ibibigay sa atin maliban sa mahigpit na pagsunod sa mga itinakda Niyang gawin natin. Ngunit hindi ganyan ang mga kautusan. Sa katunayan, ang Ama sa Langit ay palaging nagbubuhos sa atin ng mga pagpapala. Ang ating takot, pagdududa, at kasalanan, ay parang isang payong na sinasangga ang pagbagsak ng mga pagpapalang ito sa atin.

Ang Kanyang mga utos ay ang magiliw na mga tagubilin at banal na tulong para isara ang payong upang matanggap natin ang pagbuhos ng mga pagpapala ng langit.

Kailangan nating tanggapin na ang mga utos ng Diyos ay hindi lamang mahabang listahan ng magagandang ideya. Hindi ito mga “life hack” mula sa isang blog sa Internet o mga nakakaengganyong salita mula sa Pinterest board. Ito ay mga banal na payo, batay sa walang-hanggang mga katotohanan, na ibinigay upang maghatid ng “kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”

Kaya mayroon tayong pagpipilian. Sa isang banda, nariyan ang opinyon ng mundo na pabagu-bago ang mga teoriya at kaduda-duda ang mga hangarin. Sa kabilang banda, nariyan ang salita ng Diyos sa Kanyang mga anak—ang Kanyang walang hanggang karunungan, Kanyang tiyak na mga pangako, at Kanyang mapagmahal na mga tagubilin para makabalik sa Kanyang piling sa kaluwalhatian, pagmamahal, at karingalan.

Ang pagpili ay nasa inyo!

Ang Lumikha ng mga karagatan, buhangin, at walang katapusang mga bituin ay tumutulong sa inyo sa mismong araw na ito! Siya ay nag-aalok ng pangunahing resipe para sa kaligayahan, kapayapaan, at buhay na walang hanggan!

Upang maging marapat sa dakilang pagpapalang ito, kailangan ninyong magpakumbaba, manampalataya, taglayin ang pangalan ni Cristo, hanapin Siya sa salita at gawa, at matatag na “tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar.”

Ang Dahilan ng Pagsunod

Kapag naunawaan ninyo ang tunay na katangian ng Diyos at ng Kanyang mga kautusan, mas mauunawaan ninyo ang inyong sarili at ang banal na layunin ng inyong buhay. Dahil dito, ang dahilan kung bakit kayo sumusunod ay nababago, at nagiging naisin ng inyong puso na masayang ipamuhay ang ebanghelyo.

Halimbawa, ang mga dumadalo sa mga miting ng Simbahan para madagdagan ang kanilang pagmamahal sa Diyos, magkaroon ng kapanatagan, mapalakas ang iba, madama ang Espiritu, at mapanibago ang kanilang pangakong sundin si Jesucristo ay mas maganda ang magiging karanasan kaysa sa mga taong napilitan lang na pumunta roon. Mga kapatid, napakahalagang dumalo sa mga miting natin tuwing Linggo, ngunit natitiyak ko na mas inaalala ng ating Ama sa Langit ang ating pananampalataya at pagsisisi kaysa sa bilang ng pagdalo natin.

Narito ang isa pang halimbawa:

Isang babae na nag-iisang magulang ng dalawang maliliit na bata ang nagkabulutong. Siyempre, hindi nagtagal ay nagkasakit din ang mga anak niya. Ang pag-aasikaso pa lang sa sarili at sa kanyang mga anak nang mag-isa ay napakahirap na sa bata pang ina. At, dahil dito, ang dating napakalinis na bahay ay naging makalat at magulo. Nagtambak ang mga hugasin sa lababo, at nagkalat ang maruruming damit.

Habang hirap siya sa pag-aasikaso sa nag-iiyakang mga anak—at gusto na ring maiyak—may kumatok sa pintuan niya. Ito ay kanyang mga visiting teacher. Nakita nilang balisa ang bata pang ina. Nakita nila ang itsura ng bahay nito, pati ang kanyang kusina. Narinig nilang nag-iiyakan ang mga bata.

Ngayon, kung ang inaalala lang ng kababaihang ito ay ang tapusin ang kanilang buwanang pagbisita, siguro ay aabutan lamang nila ng isang plato ng biskwit ang ina, babanggitin na na-miss nila siya sa Relief Society noong nakaraang linggo, at sasabihing, “Sabihin mo lang sa amin kung may maitutulong kami!” Pagkatapos ay masaya na silang aalis, nagpapasalamat na naka-100 porsiyento na naman sila sa buwang iyon.

Mabuti na lang at ang mga kapatid na ito ay tunay na mga disipulo ni Cristo. Napansin nila ang pangangailangan ng kanilang kapatid at ginamit ang kanilang mga talento at karanasan. Niligpit nila ang kalat, ginawang maaliwalas ang bahay, at tinawagan ang isang kaibigan para magpadala ng mga kailangang groseri. Nang natapos na sa kanilang ginagawa at nagpaalam, iniwan nila ang bata pang ina na lumuluha—luha ng pasasalamat at pagmamahal.

Mula noon, nagbago ang pananaw ng inang ito sa visiting teaching. “Alam ko,” sabi niya, “na hindi nila ako binisita ng dahil lang sa inutos sa kanilang gawin iyon.”

Totoo na kailangan ng mga visiting teacher na buwanang bumisita, at kasabay nito ay dapat na iniisip pa rin ang pinakamahalagang dahilan ng pagsunod nila sa utos na ito: mahalin ang Diyos at kapwa-tao.

Kapag itinuturing natin ang pagsunod sa mga utos ng Diyos at ang bahagi natin sa pagtatayo ng Kanyang kaharian na parang isang bagay na mula lamang sa isang listahan ng dapat gawin, hindi natin nakikita ang pinakamahalagang bahagi ng pagiging disipulo. Napapalampas natin ang pagkakataong umunlad bunga ng masayang pagsunod sa mga utos ng ating Ama sa Langit.

Ang paglakad sa landas ng pagiging disipulo ay hindi kailangang maging mapait na karanasan. Ito ay “pinakamatamis sa lahat ng matamis.” Ito ay hindi isang pasaning nagpapahirap sa atin. Ang pagiging disipulo ay nagpapasigla ng ating kalooban at nagpapasaya sa ating puso. Hinihikayat tayo nito na manampalataya, umasa, at magmahal sa kapwa. Pinupuspos nito ang ating mga espiritu ng liwanag sa panahon ng kadiliman, at kapayapaan sa panahon ng kalungkutan.

Binibigyan tayo nito ng dakilang kapangyarihan at walang hanggang kagalakan.

Masayang Ipinamumuhay ang Ebanghelyo

Mahal kong mga kapatid sa ebanghelyo, kung kayo man ay edad 8 o 108, may isang bagay na sana ay tunay ninyong maunawaan at malaman:

Kayo ay minamahal.

Mahal kayo ng inyong mga magulang sa langit.

Kilala kayo ng walang katapusan at walang hanggang Lumikha ng liwanag at buhay! Iniisip Niya kayo.

Oo, mahal kayo ng Diyos sa araw na ito at sa tuwina.

Hindi Niya hinihintay na madaig muna ninyo ang inyong kahinaan at masasamang gawi bago Niya kayo mahalin. Mahal Niya kayo ngayon nang may buong pag-unawa sa inyong mga paghihirap. Alam Niya na sumasamo kayo sa Kanya sa taimtim at nananalig na panalangin. Alam Niya ang mga panahong nangunyapit kayo sa umaandap na liwanag at nanalig—kahit sa gitna ng paglaganap ng dilim. Alam Niya ang inyong mga pagdurusa. Alam Niya ang inyong pagsisisi sa mga panahong nagkulang o nagkamali kayo. At mahal pa rin Niya kayo.

At alam ng Diyos ang inyong mga tagumpay; kahit tila maliit lang ito sa inyo, kinikilala at itinatangi Niya ang bawat isa sa mga ito. Mahal Niya kayo sa pagkalinga ninyo sa iba. Mahal Niya kayo sa pagtulong sa iba na kayanin ang mabibigat nilang pasanin—kahit kayo man ay may pasanin din.

Alam Niya ang lahat ng tungkol sa inyo. Tunay Niya kayong nakikita—alam Niya ang totoo ninyong pagkatao. At mahal Niya kayo—ngayon at magpakailanman!

Sa palagay ba ninyo mahalaga sa ating Ama sa Langit kung maganda ang makeup, damit, buhok, at mga kuko ninyo? Sa palagay ba ninyo ang pagtingin Niya sa inyo ay batay sa dami ng follower ninyo sa Instagram o Pinterest? Sa palagay ba ninyo nais Niyang nag-aalala o nanghihina kayo kung may nag un-friend o nag-un-follow sa inyo sa Facebook o Twitter? Sa palagay ba ninyo ang panlabas na kariktan, sukat ng inyong damit o popularidad ninyo ay nakakaapekto sa kahalagahan ninyo sa Lumikha ng sansinukob?

Mahal Niya kayo hindi lang dahil sa uri ng pagkatao ninyo sa araw na ito, kundi sa potensyal at hangarin ninyong maging isang nilalang na may kabutihan at liwanag.

Higit pa sa naiisip ninyo, gusto Niyang makamit ninyo ang inyong tadhana—ang makabalik sa inyong tahanan sa langit nang may karangalan.

Pinatototohanan ko na ang paraan para magawa ito ay isantabi ang makasariling mga hangarin at hindi makabuluhang mga ambisyon kapalit ng pag-aalay ng sakripisyo at paglilingkod. Mga kapatid, magtiwala sa nakapagliligtas na kapangyarihan ni Jesucristo; sundin ang Kanyang mga batas at kautusan. Sa madaling salita—masayang ipamuhay ang ebanghelyo.

Dalangin ko na mag-ibayo at mapalalim ninyo ang inyong pananaw sa napakagandang pag-ibig ng Diyos sa inyong buhay; na magkaroon kayo ng pananampalataya, determinasyon, at katapatang alamin ang mga utos ng Diyos, pahalagahan ito sa inyong mga puso at masayang ipamuhay ang ebanghelyo.

Ipinapangako ko na kapag ginawa ninyo ito, matutuklasan ninyo ang pinakamabuti ninyong pagkatao—ang inyong tunay na pagkatao. Matutuklasan ninyo ang ibig talagang sabihin ng maging anak ng walang hanggang Diyos, ang Panginoon ng lahat ng kabutihan. Ito ang aking patotoo at binabasbasan ko kayo bilang Apostol ng Panginoon, sa pangalan ni Jesucristo, amen.