2010–2019
Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?
Oktubre 2014


NaN:NaN

Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?

Mayaman man tayo o mahirap, gawin natin “ang magagawa natin” kapag nangangailangan ang iba.

Napakagandang bagong elemento ang ibinungad sa format ng ating pangkalahatang kumperensya. Bien hecho, Eduardo.

Sa panahon na maituturing na pinakamamanghang sandali sa mga unang araw ng Kanyang ministeryo, si Jesus ay tumayo sa sinagoga sa Kanyang bayang Nazaret at binasa ang mga salitang ito na ipinropesiya ni Isaias at nakatala sa Evangelio ni Lucas: “Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, sapagka’t ako’y pinahiran niya upang ipangaral ang [ebanghelyo] sa mga dukha: ako’y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, … [at] bigyan ng kalayaan ang nangaaapi.”

Sa gayon unang ipinahayag ng Tagapagligtas sa publiko ang Kanyang ministeryo bilang mesiyas. Ngunit nilinaw din sa talatang ito na sa landas patungo sa Kanyang walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo at Pagkabuhay na Mag-uli, ang una at pinakamahalagang tungkulin ni Jesus bilang mesiyas ay pagpalain ang dukha, pati na ang mga aba sa espiritu.

Sa simula pa lang ng Kanyang ministeryo, minahal na ni Jesus ang mga dukha at nagdarahop sa pambihirang paraan. Siya ay isinilang sa tahanan ng dalawa sa kanila at lumaki na kahalubilo ng marami pa sa kanila. Hindi natin alam ang lahat ng detalye ng Kanyang temporal na buhay, ngunit minsan ay sinabi Niya, “May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon …; datapuwa’t ang Anak ng tao ay walang kahiligan [ng] kaniyang ulo.” Malinaw na ang Lumikha ng langit at lupa “at lahat ng bagay na naroroon” ay may panahon sa buhay Niya na wala Siyang matirhan.

Sa kasaysayan ng mundo, ang karukhaan ay isa na sa pinakamabigat at pinakalaganap na mga hamon sa sangkatatuhan. Ang malinaw na resulta nito ay karaniwang pisikal, ngunit ang espirituwal at emosyonal na kapinsalaang dulot nito ay maaaring lalo pang makapanlupaypay. Sa lahat ng pagkakataon, patuloy na nananawagan sa atin ang dakilang Manunubos na makiisa sa Kanya sa pagpapagaan ng pasaning ito ng mga tao. Bilang si Jehova, sinabi Niya na malupit ang kahatulang ibibigay Niya sa sambahayan ng Israel dahil “ang samsam sa [nangangailangan] ay nasa inyong mga bahay.”

“Anong ibig ninyong sabihin,” wika Niya, “na inyong dinidikdik ang aking bayan, at inyong ginigiling ang mukha ng dukha?”

Nilinaw ng manunulat ng Mga Kawikaan ang bagay na ito: “Siyang pumipighati sa dukha ay humahamak sa May-lalang sa kaniya,” at “ang nagtatakip ng kaniyang mga pakinig sa daing ng dukha, siya naman ay dadaing [din], nguni’t hindi didinggin.”

Sa ating panahon, hindi pa man nag-iisang taon ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo nang nag-utos ang Panginoon sa mga miyembro na “[tumingin] sa mga maralita at … nangangailangan, at [magbigay] ng tulong sa kanila upang hindi sila maghirap.” Pansinin ang mahalagang tono ng talatang iyan—“hindi sila maghirap.” Ganyan mangusap ang Diyos kapag napakahalaga ng sinasabi Niya.

Sa napakalaking hamong lutasin ang hindi pagkapantay-pantay sa mundo, ano ang magagawa ng isang lalaki o babae? Sinagot iyan ng Panginoon mismo. Bago Siya ipagkanulo at Ipako sa Krus, nang pahiran ni Maria ng mamahaling unguento ang ulo ni Jesus, tinutulan ni Judas Iscariote ang pag-aaksayang ito at “inupasalaan nila ang babae.”

Sabi ni Jesus:

“Bakit ninyo siya binabagabag? mabuting gawa ang ginawa niya. …

“Ginawa niya ang kaniyang nakaya.”

“Ginawa niya ang kaniyang nakaya”! Napakalinaw na paliwanag at huwaran! Isang mamamahayag ang minsang nagtanong kay Mother Teresa ng Calcutta tungkol sa kanyang walang-kahihinatnang pagsagip sa mga dukha sa lungsod na iyon. Sinabi niya na, batay sa estadistika, wala talaga siyang naisasagawa. Ang pambihirang maliit na babaeng ito ay tumugon na ang kanyang gawain ay dahil sa pagmamahal, hindi dahil sa estadistika. Kahit marami siyang hindi natulungan, sinabi niya na maaari niyang sundin ang utos na mahalin ang Diyos at ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga yaong kaya niyang tulungan sa anumang paraan. “Ang ginagawa namin ay isang patak lang sa karagatan,” sabi niya sa isa pang pagkakataon. “Ngunit kung hindi namin ito ginawa, mababawasan ng isang patak ang karagatan [kaysa ngayon].” Malungkot na nagtapos ang mamamahayag na ang Kristiyanismo ay maliwanag na hindi gawaing pang-estadistika. Ikinatwiran niya na kung mas magagalak sa langit ang isang makasalanang nagsisi kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi na kailangang magsisi, malinaw na hindi gaanong nag-aalala ang Diyos sa dami.

Kaya paano natin “magagawa ang ating makakaya?”

Una, tulad ng itinuro ni Haring Benjamin, maaari tayong tumigil sa pagkakait ng tulong nang dahil sa ang tingin natin sa mga maralita ay sila mismo ang nagpahirap sa kanilang sarili. Marahil kagagawan ng ilan ang sarili nilang mga problema, ngunit hindi ba’t ganyan din ang ginagawa ng iba sa atin? Hindi ba ito ang dahilan kaya itinanong ng mahabaging pinuno, “Hindi ba’t tayong lahat ay mga pulubi?” Hindi ba humihingi tayong lahat ng tulong at pag-asa at mga sagot sa mga panalangin? Hindi ba humihingi tayong lahat ng kapatawaran para sa mga pagkakamaling nagawa at kaguluhang naidulot natin? Hindi ba isinasamo nating lahat na tulungan tayo ng Kanyang biyaya sa ating mga kahinaan, na manaig ang awa sa katarungan kahit sa atin man lang? Kaya pala sinabi ni Haring Benjamin na natatamo natin ang kapatawaran sa ating mga kasalanan sa pagsusumamo sa Diyos, na mahabaging tumutugon, ngunit napapanatili natin ang kapatawaran sa ating mga kasalanan sa mahabaging pagtulong sa mga dukha na nagsusumamo sa atin.

Bukod pa sa maawaing pagtulong sa kanila, dapat din nating ipagdasal ang mga nangangailangan. Isang grupo ng mga Zoramita, na itinuturing ng mga miyembro ng kanilang kongregasyon na “karumihan” at “taing bakal”—iyon ang ginamit na salita sa mga banal na kasulatan—ang pinalayas sa kanilang mga bahay-dalanginan “dahil sa kagaspangan ng kanilang mga kasuotan.” Sabi ni Mormon, sila ay “kapos sa mga bagay ng daigdig; at … may mababang-loob [din]”—dalawang kundisyon na halos palaging magkasama. Sinalungat ng magkompanyong misyonero na sina Alma at Amulek ang di-makatwirang pagpapalayas na iyon sa mga taong hindi maayos ang pananamit sa pagsasabi sa kanila na anumang pribilehiyo ang ipagkait ng iba sa kanila, lagi silang makapagdarasal—sa kanilang bukid at sa kanilang tahanan, sa kanilang mga pamilya at sa kanilang mga puso.

Subalit, sa mismong grupong ito na pinalayas, sinabi ni Amulek, “Matapos [kayong] [manalangin], kung inyong tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi ninyo dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at ibahagi ang inyong kabuhayan, kung kayo ay mayroon [nito], sa mga yaong nangangailangan—sinasabi ko sa inyo, … ang inyong mga panalangin ay walang kabuluhan, at wala kayong pakikinabangan, at kayo ay kagaya ng mga mapagkunwari na itinatatwa ang relihiyon.” Napakaganda ng paalala na mayaman man o mahirap, kailangan nating “gawin ang ating makakaya” kapag nangailangan ang iba.

Ngayon, para hindi ako maakusahang nagpapanukala ng mararangyang programa sa pagtulong sa mga maralita o nangungunsinti sa panlilimos, tinitiyak ko sa inyo na ang pagsunod ko sa mga alituntunin ng kasipagan, katipiran, pag-asa sa sarili, at ambisyon ay kasingtatag ng sa sinumang lalaki o babaeng nabubuhay. Lagi tayong inaasahang tulungan muna ang ating sarili bago tayo humingi ng tulong sa iba. Bukod pa rito, hindi ko alam kung paano dapat tuparin ng bawat isa sa inyo ang inyong obligasyon sa mga taong hindi tinutulungan o hindi kayang tulungan palagi ang kanilang sarili. Ngunit alam ko na alam ng Diyos, at tutulungan at gagabayan Niya kayo sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinigay sa atin.

Mapapansin ninyo na ang tinutukoy ko rito ay ang matitinding pangangailangan ng lipunan na hindi lamang sa mga miyembro ng Simbahan naaangkop. Mabuti na lang may mas madaling paraan ang Panginoon sa pagtulong sa mga miyembro natin: lahat ng may malusog na pangangatawan ay mag-aayuno. Isinulat ni Isaias:

“Hindi baga ito ang ayuno na aking pinili(?) …

“Hindi baga ang magbahagi ng iyong tinapay sa gutom, at dalhin mo sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? pagka nakakakita ka ng hubad, na iyong bihisan … ? na [iyong] kalagin ang mga tali ng kasamaan, at … papaging layain ang napipighati … ?”

Pinatototohanan ko ang mga himala, kapwa espirituwal at temporal, na dumarating sa mga taong sumusunod sa batas ng ayuno. Pinatototohanan ko ang mga himalang dumating sa akin. Tulad ng itinala ni Isaias, tunay ngang hindi lang minsan ako nanalangin habang nag-aayuno, at tunay ngang ang Diyos ay tumugon, “Narito ako.” Itangi ang sagradong pribilehiyong iyan kahit minsan lang sa isang buwan, at maging bukas-palad sa pagbibigay ng handog-ayuno at iba pang kontribusyon na pangkawanggawa, pang-edukasyon, at para sa mga missionary kung kaya ninyo. Ipinapangako ko na magiging bukas-palad sa inyo ang Diyos, at yaong mga napapaginhawa ninyo ay tatawagin kayong pinagpala magpakailanman. Mahigit tatlong-kapat ng isang milyong miyembro ng Simbahan ang natulungan noong isang taon sa pamamagitan ng mga handog-ayuno na pinangasiwaan ng matatapat na bishop at Relief Society president. Maraming Banal sa mga Huling Araw ang nagpasalamat.

Mga kapatid, ang ganitong mensahe ay humihikayat sa aking kilalanin ang hindi pinaghirapan, hindi karapat-dapat, at walang-hanggang mga pagpapala sa buhay ko, kapwa temporal at espirituwal. Tulad ninyo, kinailangan kong mag-alala tungkol sa pera paminsan-minsan, ngunit hindi ako kailanman naghirap, ni hindi ko nadama ang pakiramdam ng maging dukha. Bukod pa rito, hindi ko alam ang lahat ng dahilan kung bakit ang mga sitwasyon sa pagsilang, kalusugan, pag-aaral, at mga pagkakataong yumaman ay lubhang magkakaiba sa buhay na ito, ngunit kapag nakikita ko ang pagdarahop ng napakarami, alam ko na “sa awa ng Diyos ay daranasin ko rin iyon.” Alam ko rin na kahit hindi ako ang tagabantay sa aking kapatid, responsibilidad ko pa rin ang aking kapatid, at “dahil biyaya sa akin ay kayrami, sa aking kapwa’y dapat lang magbahagi.”

Sa bagay na iyan, pinupuri ko si Pangulong Thomas Spencer Monson. Pinagpala akong makasama ang taong ito sa loob ng 47 taon na ngayon, at ang larawan niya na itatangi ko hanggang kamatayan ay noong papauwi siya sakay ng eroplano mula sa noon ay bagsak nang ekonomiya ng East Germany na nakasuot ng tsinelas na pambahay dahil ipinamigay niya hindi lamang ang kanyang ekstrang amerikana at polo kundi ang sapatos niya mismo. “Anong pagkaganda sa mga bundok [at palakad-lakad sa isang terminal ng eroplano] ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan.” Higit pa sa sinumang lalaking kilala ko, si Pangulong Monson ay “nagawa na ang lahat ng makakaya niya” para sa mga balo at walang ama, dukha at namimighati.

Sa isang paghahayag noong 1831 kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng Panginoon na balang-araw ay makikita ng mga dukha ang kaharian ng Diyos na dumarating para iligtas sila “sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.” Nawa’y tumulong tayong matupad ang propesiyang iyan sa paggawa ng ating makakaya sa tulong ng ating kapangyarihan at kaluwalhatian bilang miyembro ng tunay na Simbahan ni Jesucristo na iahon ang sinumang kaya nating iahon mula sa kahirapang gumagapos sa kanila at sumisira sa napakarami nilang pangarap, ang dalangin ko sa maawaing pangalan ni Jesucristo, amen.