Unahin Ninyong Manampalataya
Sa kabila ng lahat ng mahihirap na hamon sa ating buhay, kailangan nating gumugol ng panahon na masigasig na manampalataya.
Noong si Adan at si Eva ay nasa Halamanan ng Eden, lahat ng kanilang kakainin sa araw-araw ay saganang ibinigay sa kanila. Wala silang mga paghihirap, hamon, o pasakit. Dahil hindi pa sila nakaranas ng mahihirap na sandali, hindi nila alam na maaari silang maging maligaya. Hindi pa sila nakadama ng kaligaligan, kaya hindi sila makadama ng kapayapaan.
Kalaunan ay lumabag sina Adan at Eva sa utos na huwag kumain ng bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Sa paggawa nito wala na sila sa kalagayan ng kawalang-muwang. Nagsimula silang makaranas ng mga oposisyon. Nagsimula silang makaranas ng sakit na nagpahina sa kanilang kalusugan. Nagsimula silang makadama ng kalungkutan pati na ng kagalakan.
Dahil sa pagkain nina Adan at Eva ng ipinagbawal na bunga, ang kaalaman tungkol sa mabuti at masama ay napasimulan sa mundo. Dahil sa pagpili nila naging posibleng pumarito ang bawat isa sa atin sa daigdig na ito upang subukan at patunayan. Biniyayaan tayo ng kalayaan, ang kakayahan nating gumawa ng mga desisyon at panagutan ang mga desisyong iyon. Ginawang posible ng Pagkahulog na makadama tayo kapwa ng kaligayahan at kalungkutan sa buhay. Nauunawaan natin ang kapayapaan dahil nakadarama tayo ng kaligaligan.
Alam ng Ating Ama sa Langit na mangyayari ito sa atin. Lahat ng ito ay bahagi ng Kanyang perpektong plano ng kaligayahan. Naghanda siya ng daan sa pamamagitan ng buhay ng Kanyang ganap na masunuring Anak na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, upang madaig ng Kanyang Pagbabayad-sala ang bawat paghihirap na maaari nating maranasan sa mortalidad.
Nabubuhay tayo sa mga panahon ng pagsubok. Hindi ko na kailangang isa-isahin pa ang lahat ng pinagmumulan ng kasamaan sa mundo. Hindi na kailangan pang ilarawan ang lahat ng posibleng hamon at dalamhati na bahagi ng buhay na ito. Bawat isa sa atin ay dama at batid ang sarili nating mga paghihirap sa tukso, pasakit, at kalungkutan.
Itinuro sa atin sa premortal na daigdig na ang ating layunin sa pagparito ay upang mapatunayan, masubukan, at magtiis. Alam natin na mahaharap tayo sa mga kasamaan ng kaaway. Kung minsan maaaring mas mamalayan natin ang mga negatibong bagay sa buhay na ito kaysa mga positibo. Itinuro ng propetang si Lehi, “Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay.” Sa kabila ng lahat ng mahihirap na hamon sa ating buhay, kailangan nating gumugol ng panahon na masigasig na manampalataya. Ang gayong pagsampalataya ay nag-aanyaya ng positibo at puno ng pananampalatayang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay.
Binigyan tayo ng Ating Ama sa Langit ng mga kasangkapan upang tulungan tayong lumapit kay Cristo at sumampalataya sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag ang mga kasangkapang ito ay naging pangunahing pag-uugali, ito ang pinakamadaling paraan para magkaroon ng kapayapaan sa mga hamon ng buhay. Ngayon naipasiya kong talakayin ang apat sa mga kasangkapang ito. Habang nagsasalita ako, isiping suriin ang personal na paggamit ninyo ng bawat kasangkapan; pagkatapos ay hangarin ang patnubay ng Panginoon para malaman kung paano ninyo higit na mapapakinabangan ang bawat isa sa mga ito.
Panalangin
Ang unang kasangkapan ay panalangin. Magpasiyang kausapin nang madalas ang inyong Ama sa Langit. Mag-ukol ng oras araw-araw na ibahagi sa Kanya ang naiisip at nararamdaman ninyo. Sabihin sa Kanya ang lahat ng problema ninyo. Interesado Siya sa pinakamahalaga pati na sa pinaka-karaniwang mga aspeto ng inyong buhay. Ibahagi sa Kanya ang buong damdamin at karanasan ninyo.
Dahil iginagalang Niya ang inyong kalayaan, hindi kayo kailanman pipilitin ng Ama sa Langit na manalangin sa Kanya. Ngunit kapag ginamit ninyo ang kalayaang iyan at isinama ninyo Siya sa lahat ng aspeto ng inyong buhay araw-araw, ang inyong puso ay magsisimulang mapuspos ng sigla ng kapayapaan. Ang kapayapaang iyan ay magtutuon ng walang-hanggang liwanag sa inyong mga pagpapakasakit. Tutulungan kayo nitong harapin ang mga hamong iyon nang may walang-hanggang pananaw.
Mga magulang, tumulong na protektahan ang inyong mga anak sa umaga at gabi sa pagbibigay sa kanila ng sandata ng kapangyarihan ng panalangin ng pamilya. Ang mga bata ay nalalantad araw-araw sa mga kasamaan ng pagnanasa, kasakiman, kapalaluan, at napakaraming iba pang makasalanang pag-uugali. Protektahan ang inyong mga anak mula sa araw-araw na mga makamundong impluwensya sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanila gamit ang makapangyarihang mga pagpapalang nagmumula sa panalangin ng pamilya. Ang panalangin ng pamilya ay dapat ninyong unahin palagi sa inyong buhay araw-araw.
Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Ang pangalawang kasangkapan ay pag-aralan ang salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta. Nakakausap natin ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Kadalasan ay nakikipag-ugnayan Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang nakasulat na salita. Para malaman kung ano ang tunog at pakiramdam ng marinig ang tinig ng Diyos, basahin ang Kanyang mga salita, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at pagnilayan ang mga ito. Gawing mahalagang bahagi ito ng buhay araw-araw. Kung nais ninyong makilala, maunawaan, at sundin ng inyong mga anak ang mga pahiwatig ng Espiritu, dapat ninyong pag-aralan ang mga banal na kasulatan na kasama sila.
Huwag magpadala sa kasinungalingan ni Satanas na wala kayong oras na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Magpasiyang gumugol ng oras na pag-aralan ito. Ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos bawat araw ay mas mahalaga kaysa pagtulog, pag-aaral, pagtatrabaho, mga palabas sa telebisyon, video games, o social media. Maaari ninyong kailanganin na muling ayusin ang inyong mga prayoridad para makapaglaan ng oras sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Kung gayon, gawin ito!
Maraming pangako ang propeta tungkol sa mga pagpapalang hatid ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
Idinaragdag ko ang aking tinig sa pangakong ito: kapag naglaan kayo ng oras araw-araw, nang personal at kasama ang inyong pamilya, sa pag-aaral ng salita ng Diyos, mananaig ang kapayapaan sa inyong buhay. Ang kapayapaang iyan ay hindi magmumula sa labas. Magmumula iyan sa inyong tahanan, sa loob ng inyong pamilya, sa sarili ninyong puso. Ito ay magiging isang kaloob ng Espiritu. Mababanaag ito sa inyo upang makaimpluwensya sa mga ibang nakapaligid sa inyo. May gagawin kayong isang napakahalagang bagay na magdaragdag sa kabuuang kapayapaan sa mundo.
Hindi ko sinasabing mawawalan na kayo ng mga hamon sa buhay. Alalahanin na noong sina Adan at Eva ay nasa halamanan, walang mga hamon sa kanilang buhay, ngunit hindi sila nakadama ng kaligayahan, galak, at kapayapaan. Ang mga hamon ay mahalagang bahagi ng mortalidad. Sa araw-araw at patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, makasusumpong kayo ng kapayapaan sa kaligaligang nakapaligid sa inyo at ng lakas na labanan ang mga tukso. Magkakaroon kayo ng malakas na pananampalataya sa biyaya ng Diyos at malalaman ninyo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maitatama ang lahat ayon sa takdang panahon ng Diyos.
Family Home Evening
Habang sinisikap ninyong mapatatag ang inyong pamilya at magkaroon ng kapayapaan, alalahanin ang pangatlong kasangkapang ito: lingguhang family home evening. Iwasang magdaos ng family home evening dahil lang sa hindi na kayo abala sa araw na iyon. Magpasiya na tuwing Lunes ng gabi ay magkasama-sama ang inyong pamilya sa bahay. Huwag hayaang maging mas mahalaga ang trabaho, isports, extracurricular activities, takdang-aralin, o anupaman kaysa sa oras na ginugugol ninyo sa bahay sa piling ng inyong pamilya.
Ang mga ginagawa ninyo sa gabi ay hindi kasinghalaga ng oras na inilaan ninyo rito. Ang ebanghelyo ay dapat ituro kapwa sa pormal at impormal na paraan. Gawin itong makabuluhang karanasan para sa bawat miyembro ng pamilya. Ang family home evening ay mahalagang oras para magpatotoo sa isang ligtas na kapaligiran; para matutong magturo, magplano, at mag-organisa; para patatagin ang ugnayan ng pamilya; para magkaroon ng mga tradisyon sa pamilya; para mag-usap-usap; at ang mas mahalaga, para sama-samang magsaya!
Sa kumperensya noong Abril, hayagang sinabi ni Sister Linda S. Reeves: “Dapat akong magpatotoo tungkol sa mga pagpapala ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal at family home evening linggu-linggo, Ang mga kaugaliang ito mismo ang tumutulong para maalis ang pagkabalisa, nagbibigay ng patnubay sa ating buhay, at nagdaragdag ng proteksyon sa ating mga tahanan.” Si Sister Reeves ay isang napakatalinong babae. Lubos ko kayong hinihimok na magtamo ng sariling patotoo sa tatlong mahalagang gawaing ito.
Pagdalo sa Templo
Ang ikaapat na kasangkapan ay makapasok sa templo. Alam nating lahat na wala nang mas payapang lugar sa daigdig na ito maliban sa mga templo ng Diyos. Kung wala kayong temple recommend, maging karapat-dapat na makakuha nito. Kapag may recommend na kayo, gamitin ito nang madalas. Magtakda ng regular na oras para sa pagpasok sa templo. Huwag hayaang hadlangan kayo ng sinuman o anuman na makapunta roon.
Habang kayo ay nasa templo, pakinggan ninyo ang mga salita ng mga ordenansa, pagnilayan ang mga ito, ipagdasal ito, at hangaring maunawaan ang kahulugan nito. Ang templo ay isa sa pinakamagagandang lugar para maunawaan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hanapin Siya roon. Alalahanin na mas marami pang pagpapala ang nagmumula sa paglalaan ng sarili ninyong pangalan ng pamilya sa templo.
Ang apat na kasangkapang ito ay mahahalagang kaugalian para makamtan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay. Alalahanin na ang ating Tagapagligtas ang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kapayapaan sa buhay na ito ay nagmumula sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kapag patuloy tayong nagdarasal sa umaga at sa gabi, nag-aaral ng ating mga banal na kasulatan araw-araw, nagkakaroon ng lingguhang family home evening, at dumadalo sa templo nang regular, tayo ay masigasig na tumutugon sa Kanyang paanyaya na “lumapit sa Kanya.” Habang lalo nating nakakagawian ito, mas tumitindi ang hangad ni Satanas na ipahamak tayo ngunit humihina ang kanyang kakayahang gawin ito. Sa paggamit ng mga kasangkapang ito, nagagamit natin ang ating kalayaang tanggapin ang buong kaloob ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.
Hindi ko sinasabi na lahat ng pakikibaka sa buhay ay mawawala kapag ginawa ninyo ang mga bagay na ito. Isinilang tayo sa mundo para umunlad mismo mula sa mga pagsubok. Ang mga hamon sa buhay ay tumutulong sa atin na maging mas katulad ng ating Ama sa Langit, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagtutulot sa atin na makayanan ang mga hamong iyon. Pinatototohanan ko na kapag tayo ay masigasig na lumapit sa Kanya, makakayanan natin ang bawat tukso, bawat dalamhati, at bawat hamon na kinakaharap natin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.