Mga Dahilan para Umasa
Pandaigdigang Debosyonal ng S&I para sa mga Young Adult sa 2021
Enero 10, 2021
Mahal na mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo! Nagkatipon tayo virtually mula sa lahat ng kontinente at mula sa mga pulo sa dagat na nagkakaisa sa pagmamahal sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa ating pangakong tumulong na itayo ang Kanyang kaharian. Binibigyan ninyo ako ng pag-asa para sa isang mas mainam na mundo. At siyempre pa maraming mga tao ang maaari nating makatipon at makasama at kung kanino tayo maaaring matuto. “Ang pag-asa,” sabi ni Bishop Desmond Tutu, “ay ang makita na may liwanag sa kabila ng lahat ng kadiliman.”1
Ang ating pinakamalaking pag-asa ay na kay Jesucristo, ang ating Tagapagligtas. Sa pamamagitan Niya nakasusumpong tayo ng galak at kapayapaan. Batid Niya ang wakas mula sa simula. Nangako Siya, “Masigasig na maghanap, manalangin tuwina, at maging mapanampalataya, at lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti, kung kayo ay lalakad nang matwid.”2
Ngunit hindi natin nakikita ang wakas mula sa simula. Ang alam natin ay “bahagi lamang.”3 Marahil ay nabubuhay tayo sa paraang naiiba sa inaasahan natin. Maaari pa rin tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, [at] may ganap na kaliwanagan ng pag-asa”4 dahil alam nating may plano ang ating mapagmahal na Ama sa Langit para sa atin.
Dahil sa utos na manatili tayo sa bahay dahil sa pandemyang COVID, may natutuhan akong bagong kasanayan—ang tawag dito ay paper piece quilting. Paggawa ito ng magagandang disenyo mula sa mga patapon nang tela. Noong una mahirap unawain ang proseso. Sama-sama mong tatahiin ang mga piraso ng tela nang pabaliktad sa kung paano ito dapat lumitaw sa huling pattern. Mahirap makita kung paano mabubuo ang mga piraso ng kulay na ito sa isang malinaw na pattern. Ngunit paunti-unti, habang matiyaga kang naggugupit, nananahi, at nagdidikit nang paulit-ulit, lumilitaw ang isang magandang disenyo.
Maaaring nadarama natin na hindi pa malinaw ang plano para sa ating buhay. Hindi ibig sabihin niyan na maghihintay lamang tayong magsimula ang buhay. Napakahalagang mga taon nito nasaan man kayo sa inyong buhay.
Ito ang panahon para magpaunlad ng mga talento. Itinuro ni Pangulong Nelson, “Edukasyon ang kaibhan sa pagitan ng pagnanais na matulungan ninyo ang ibang mga tao at ng magawang tulungan sila.”5 Ang mabubuti at mahahalagang bagay na natututuhan ninyo ngayon ay huhubog at magpapala sa inyong buong buhay.
Ito ang panahon para maghanap ng matatalino at matwid na mga guro—mga magulang o lolo’t lola, guro, kaibigan, lider ng Simbahan, at, higit sa lahat, si Jesucristo—upang tulungan tayong magkaroon ng makabuluhang buhay. Lumikha ng makabuluhang ugnayan sa mga taong makakatulong sa inyo na matuto at lumago.
Ito ang panahon upang masabik sa paggawa ng mabuti. Hindi hinihintay ng langit na magwakas ang pandemya, mabawasan ako ng 10 pounds, o makasal kayo sa taong pinapangarap ninyo para maging tunay na mga disipulo tayo—para sundin ang Kanyang mga utos, lalo na ang utos na mahalin ang Panginoon at ang ating kapwa.
Kung nais natin ng higit na pag-asa at mas malalim na kahulugan sa ating buhay, maaari nating simulan ang bawat araw sa isang panalangin ng pasasalamat at taos na pagsamo, “Ama sa Langit, hayaan pong ako’y maging kasangkapan Ninyo sa araw na ito. Pakibuksan po ang aking puso. Pakibigyan po ako ng karunungan, imahinasyon, lakas, at tapang na gawin ang makakaya ko.” Pagkatapos ay humanap ng mga pagkakataong maging mas tapat na kaibigan, mas mabait na kapatid, mas mabuting anak, mas mapagbigay na kapitbahay, mas inspiradong ministro, mas mapagpasensyang magulang. Isinulat ni Leo Tolstoy, “Bagama’t pakiramdam ng mga tao ay nabubuhay sila sa pag-aalaga sa kanilang sarili, ang totoo ay sa pag-ibig lamang sila nabubuhay. Siya na may pag-ibig, ay nasa Diyos, at ang Diyos ay nasa kanya, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.”6
Hindi hinihintay ng langit na maging perpekto tayo o makarating sa susunod na daigdig para pagpalain tayo. Kung gagawin natin ang “mga gawain ng kabutihan,” tayo’y “makatatanggap ng [ating] gantimpala, maging kapayapaan sa daigdig na ito, at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”7
Ang pag-ibig ni Cristo ay tiyak. Itinuro ni Apostol Pablo:
“Kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan,
“Ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”8
“Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan”9 habang nagtitiwala kayo sa Kanya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. Ito’y makapangyarihan. Ito’y maganda, at ito’y mahalaga! Sinasabi ko ang mga bagay na ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
_______________________________________________