Mga Debosyonal noong 2021
Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus


39:18

Matatag sa Pagpapatotoo kay Jesus

Pandaigdigang Debosyonal ng S&I para sa mga Young Adult sa 2021

Enero 10, 2021

Mahal kong mga kapatid, narito ang isang magandang hiling para sa bagong taon—na inawit sa Espanyol: “Nagdiriwang, mundo’y muling umasa / Bagong araw ngayo’y narito na!”1

Nagulat at nag-alala kami ni Sister Gong nang mag-positibo kami sa COVID-19. Salamat sa inyong mga mensahe at dasal para sa aming lubusang paggaling. Bagama’t nakahiwalay sa iba, hindi gayon ang nadama namin. Kami ni Sister Gong ay patuloy na nagdarasal para sa lahat ng naapektuhan ng pandemya.

Sa mundo, may mga 1.47 bilyong adult na edad 18–30. Sa ating Simbahan, 2.3 milyong adult na edad 18–30 ang nakatira sa 6 na kontinente sa humigi’t kumulang 180 bansa at teritoryo. Mababasa ninyo ang Aklat ni Mormon sa mahigit 114 na wika.

Gustung-gusto namin ni Sister Gong ang pakikipagkita sa inyo mapa-sa Rexburg, Idaho; Manaus, Brazil; Bogotá, Colombia; sa iba’t ibang panig ng mundo;2 sa lahat ng kontinente at kalagayan.

Alam n’yo ba na mayroon na tayong North Pole Alaska Stake?

Nagtitipon tayo ngayon sa pamamagitan ng teknolohiya. Dalangin ko na pagkaisahin tayo ng Espiritu Santo sa pananampalataya, antigin ang inyong puso, at mas padaliin ang mga bagay-bagay sa mahirap na panahong ito.

Mahal kong mga kapatid, buhay ang Diyos. Damhin ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihan para umunlad at magbago. Tulutan Siyang yakapin kayo sa “mga bisig ng kaligtasan”3 na dama ang Kanyang pagtiyak na sapat na kayo. Mayroon kayong banal na kakayahan na mapapaunlad sa araw-araw.

Ibabahagi ko ngayon ang tatlong paanyaya na nakatulong sa akin na 1) palalimin ang aking ugnayan sa Diyos, 2) baguhin ang hinaharap ngayon, at 3) maging mas mabuti. Sa paggawa ng mga paanyayang ito, dalangin ko na mapalakas nito ang inyong pananampalataya at mas mapalapit kayo sa Diyos at sa mga nakapaligid sa inyo kapag natagpuan ninyo ang kagalakan sa Kanyang landas ng tipan.

Unang paanyaya: nang may dakilang pagmamahal, sinabi ng Ama sa Langit, “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.”4

Lumaki ako sa lungsod ngunit gustung-gusto kong umaakyat sa mga bundok. Dahil malayang nakakapaglibot, kami ng mga kaibigan ko ay maghapong nagha-hiking, pagkatapos ay nagkakamping sa tabi ng mga lawa sa silong ng malawak na kalangitan sa awit ng ihip ng hangin sa gabi.

Kamakailan, pumunta kami ni Sister Gong sa isang lugar na napakadilim at maganda na makikita namin ang Milky Way. Iyon ay halos kasing liwanag ng nasa larawang ito.

Ang Milky Way ay kabilang sa maraming mitolohiya, kababalaghan, at misteryo. Sa Chinese, ang Milky Way ay “Tian He” (“ilog ng langit”). Sa Belarusian, Estonian, Finnish, ito ay “daan ng mga ibon.” Tinatawag ng ilan ang Milky Way na “daan patungo sa Santiago.” Sa Cherokee, ito “ang daan na tinakasan ng aso”; sa Hebrew, “ang ilog ng liwanag.”5

“Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. … At nakita ng Diyos na ito ay mabuti.”6 Ang Diyos ay matalino, makapangyarihan, at mabait. Ang layunin, karingalan, at pagkakaisa ng Kanyang mga likha ay patotoo sa Kanyang walang hanggang pagmamahal at plano ng kaligayahan para sa atin. Nagpatotoo si Alma, “Ang lahat ng bagay ay nagpapatunay na may Diyos; oo, maging ang mundo, at lahat ng bagay na nasa ibabaw nito, oo, at ang pag-inog nito, oo, at gayon din ang lahat ng planetang gumagalaw sa kanilang karaniwang ayos ay nagpapatunay na may Kataas-taasang Tagapaglikha.”7

Kailangan nating magkusang magdahan-dahan at “magsitigil.” Kailangan ang pagiging bukas sa espirituwal at pagpapakumbaba para “kilalanin na [ang Diyos ay] Diyos.”8 Kung minsan ang hindi gaanong pagtutuon sa mga bagay na hindi mahalaga ay tutulong sa ating mahanap ang pinakamahalaga.

Ang isang mahalagang paraan para kilalanin ang Diyos ay makita ang Kanyang impluwensya sa mga nilikha na nagpapasaya ng puso. Inaawit natin:

Sa angking kagandahan,

Ng mundo’t kalangitan;

Sa Inyong pagmamahal,

Laging nararamdaman,

Aming Diyos, Inyong dinggin

Himig papuri namin.9

Ang isa pang paraan para kilalanin ang Diyos ay tingnan ang kabutihan at kahulugan ng banal na ugnayan—sa pagmamahalan, di-inaasahang pagpapala, pagkakasundo, pagpapatawad, at sakripisyo.

Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan na ang sining, literatura, at musika ay magpapaunlad sa atin.10 Gayon din ang siyensya, kapag naunawaan nang may pananampalataya.

Narito ang dalawang magandang larawan ng kalangitan sa gabi.

Mula sa siyensya, isang Deep Field image na kuha ng Hubble telescope ang nagpapaalala sa atin, tulad ng nakita ng mga dakilang propeta na sina Moises at Abraham, na kabilang sa mga likha ng Diyos ang mga galaxy sa mga galaxy, na hindi mabilang, maging sa mga lugar na tila walang nakikita sa kalangitan sa gabi.

Mula sa sining, naipinta ni Vincent Van Gogh ang Starry Night gamit ang oil sa canvas bago sumikat ang araw. Sinabi ng astronomic recreation noong Hunyo 1889 na ang bituin sa umaga ni Van Gogh ay ang planetang Venus. Ang magagandang sining ay naghihikayat ng mga bagong paraan na makita ang kabutihan ng Diyos.

Ang kabutihan ng Diyos ay nagpapaunlad sa ating kaluluwa. Dahil sa maingay, magulo, maruming mundo ngayon, nahihirapan tayong “magsitigil” at “[Diyos] ang Diyos.”11 Hindi natin napapansin ang ingay ng bentilador sa kusina hangga’t hindi ito pinapatay. Ang panlabas na anyo, ilusyon, at labis na pagtutuon sa mga paksa ay nakagugulo at nakalilito. Ang takot na hindi makasabay ay di na bagong konsepto, bagama’t palagi pa rin tayong nakatutok sa ating electronic device. Akala ng iba madaragdagan ang ating kahalagahan sa pagtatrabaho nang 24/7.

Sinisikap nating ipakita sa Instagram post na “perpekto” ang ating buhay, bagama’t alam natin na ang pagiging “perpekto” ay hindi nangyayari agad. Inaalala natin na makakaapekto sa pag-swipe o pag-double-tap ang mga bagong filter, na hindi rin makatotohanan.

Sa dokumentaryong The Social Dilemma, nagbabala ang mahuhusay sa teknolohiya na, “Kung hindi ka nagbabayad para sa produkto, ikaw ang produkto.” Nangangamba ang ilang eksperto ngayon sa di-inaasahang pinsala na dulot ng social media sa lipunan at pansariling kapakanan. Nangangamba sila na ang social media algorithms na ginawa para maging epektibo ang paggamit online, pag-share, at kita sa advertising ay nagpapatindi rin ng pagdududa, di-pagkakaisa, at depresyon.12 Marahil ipinahihiwatig dito na pinoprotektahan ng mga taong ito na mahuhusay sa teknolohiya ang kanilang pamilya mula sa sobrang paggamit ng social media.

Ang tumigil at maging mapagnilay ay hindi pagiging malungkot. Sinabi ni Leonardo da Vinci na, “Kapag nag-iisa ako, kontrolado ko ang sarili ko.”13 Ang pagdadahan-dahan ay nagpapalinaw ng aking isip at puso. Pagkatapos, ang pagpapasalamat at ang kakambal nitong pagpapakumbaba, ay bubuksan ang aking espirituwal na mga mata at tainga sa mga patunay ng Kanyang hindi mabilang na pagpapala na nakapalibot sa atin.

Ipinaliwanag ng isang Hebrew language commentator na ang katagang kayo ay magsitigil ay maaaring mangahulugang “hayaan ninyo.” Maaaring isalin ang Kilalanin ninyo na ako ang Diyos bilang “kilalanin ang Kanyang nagliligtas na kapangyarihan sa ating buhay.”14 Sa madaling salita, ibig sabihin ng “kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos” ay hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay.15

Sinabi ni Pangulong Nelson, “Walang makapagbubukas ng kalangitan nang higit sa magagawa ng pinagsama-samang kadalisayan, lubos na pagsunod, masigasig na paghahanap, araw-araw na pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa Aklat ni Mormon, at pag-uukol palagi ng oras para sa templo at gawain sa family history”16—ang landas ng tipan patungo sa walang hanggang kagalakan.

Kapag nagdahan-dahan tayo at nagsikap nang may pananampalataya, nagbabago ang ating pananaw. Noong preparation day nang siya ay bata pang missionary sa Australia, pinagnilayan ni Elder Marion G. Romney (na kalaunan ay naging Apostol at miyembro ng Unang Panguluhan), ang Doktrina at mga Tipan 76.

“Nang matapos siyang magbasa nagulat siya na gabi na. … Tumingala siya sa kalangitan, kung saan ang Southern Cross at iba pang mga bituin ay nagniningning nang di-pangkaraniwan. Habang nakatingin siya na namamangha, tila dinala siya roon ng Espiritu para makita ang mga bagay na nabasa niya. Sa mahimalang paraan, ipinabatid sa kanya na ang mga bagay na iyon ay hindi kathang-isip, ngunit mga katotohanan ng mga bagay na pinakamahalaga.”17 Nakasaad sa kanyang talambuhay, “Pagkatapos ng karanasang iyon, nagkaroon siya ng walang hanggang pananaw.”18

Ang pagkakaroon ng walang hanggang pananaw ay magbibigay sa atin ng wastong kaisipan. Tulad ng ipinropesiya, “Lahat ng bagay ay magkakagulo.”19 Sinabi ng Panginoon na maririnig ang Kanyang tinig sa mga lindol, unos, salot, mga alon sa dagat na lalagpas sa mga hangganan nito.20 Sa mga panahong ito, tinatawag ng ilan na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti;21 sinasabi naman ng iba “Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas.”22 Gayunman itinataboy ng espirituwal na liwanag at katotohanan ang kadiliman mula sa atin.23

Sinabi ng Panginoon, “Pumayapa ka, tumahimik ka.”24 “[Tumayong] hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag.”25 Pakiusap, mahal kong mga kapatid, “kayo ay magsitigil at kilalanin na [ang Diyos ay] Diyos.”26

Ngayon, ang aming pangalawang paanyaya: bumuo ng mga ugnayan ngayon na magpapabago sa hinaharap.

Kamakailan, nagpapasalamat ako para sa isang tao na hindi ko pa nakikilala kailanman ngunit binago niya ang aking hinaharap.

Ang pangalan niya ay Melba Oakes (hindi kamag-anak ni Pangulong Dallin H. Oaks).

Noong 21 taong gulang si Melba, bagong kasal lang siya at naninirahan sa San Mateo, California. Si Melba at ang 17-taong-gulang na si Jean ay naging magkaibigan.

Nag-iisang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya si Jean at nag-aaral malayo sa kanyang tahanan. Umaasa ang ilan sa kapamilya ni Jean na makakalimutan niya ang Simbahan sa bagong lugar.

Ngunit, sa isang maliit at simpleng mga paraan, sinuportahan ni Melba at ng iba pa si Jean. Nang magtapos sa high school si Jean, naroon si Melba. Naroon pa rin kay Melba Oakes ang imbitasyon sa kasal ni Jean.

Si Jean ay umibig at nagpakasal sa isang mabuting lalaki na nagngangalang Walter. Katunayan, ikinasal sila nang tatlong beses—una, sa kasal ng mga Chinese, sa seremonya ng mga Amerikano, at nabuklod sila para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan sa banal na templo. Nang magkakilala sila, may malakas na patotoo si Walter bilang Kristiyano ngunit hindi niya pa alam ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kaya itinuro sa kanya ni Jean at ng iba pa ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Siya ay naging tapat na miyembro ng Simbahan at naging stake patriarch.

Tulad ng hinuha ninyo, sa pagpapakasal kay Walter Gong, si Jean ay naging Jean Gong, ang aking mahal na ina. Ngayon ay 94 na taong gulang na ang aking ina. Si Melba Oakes ay 98 taong gulang. Sila ay 77 taon nang magkaibigan sa ebanghelyo.

Kamakailan, nalaman ko na naninirahan si Sister Melba Oakes sa St. George, Utah. Tinawagan ko siya at pinasalamatan dahil binago niya ang hinaharap namin ng aking pamilya. Sa pagtulong kay Jean Gong noong siya pa lang ang unang miyembro sa kanyang pamilya, pinagpala ni Melba Oakes ang ngayon ay 4 na henerasyon ng pamilya Gong sa buhay na ito at 34 na henerasyon ng kilalang pamilya Gong sa kabilang-buhay, na umabot pabalik kay Unang Dragon Gong, na isinilang noong AD 837.

Ang malungkot, wala na sa Simbahan ang ilan sa mga kaibigan ng aking ina. Isang kaibigan ang umalis matapos itong hindi ibilang ng ilang miyembro ng Simbahan dahil sa kanyang lahi. Ang isa naman ay unti-unting lumayo nang kailangan niyang pumili kung simbahan o mga kaibigang di-miyembro. At ang pangatlo ay naimpluwensyahan ng mundo na naging sanhi ng pag-aalinlangan niya sa mga turo ng Simbahan. Mangyari pa, nahaharap kayo sa mas matinding hamon ngayon.

Walang hanggan ang pasasalamat ko kay Melba Oakes at sa lahat ng tumulong sa aking ina noong bago pa lang siya sa simbahan. Pinupuri ko rin ang aking ina. Siya ay di-natitinag sa kanyang pananampalataya at matatag sa kanyang patoto. Determinado sila ng aking ama na manatiling tapat sa totoong Simbahan ng Diyos. Nagtagumpay sila sa kabila ng mga pamimilit ng lipunan at rasismo ng ilang miyembro ng Simbahan.

Mga kapatid, may mga Jean Gong at Melba Oakes sa paligid natin—sa ating apartment, trabaho, ward o branch, sa ating mga kaibigan at kasamahan. Walang taong gustong maging proyekto. Nais nating lahat na makipag-ugnayan at magkaroon ng mga pagkakataong tumulong. Tayong lahat ay nangangailangan ng isang ligtas na lugar para magsaliksik at magtanong, matuto at ipamuhay ang doktrina ng ebanghelyo at kultura ng Simbahan. Nais nating ituring tayo na adult at maging responsable at makatulong bilang mga adult.

Nais natin na maging isang lugar ang Simbahan kung saan hindi natin hinuhusgahan ang iba, at nagsisisi tayo kung nadama ng isang tao na hinuhusgahan natin sila sa masakit na paraan. Ang aming matron sa Guadalajara Mexico Temple ay nagsabing hinihikayat siya ng banal na templo na “bawasan ang panghuhusga at higit na magmahal.” Tama siya. Makibahagi bilang kayo. Kailangan namin kayo. Kapag naging mahabagin tayo at ibinibilang natin ang lahat, at inanyayahan ang iba na gayon din ang gawin, ang ating komunidad ng ebanghelyo ay magiging mas bukas, makakaugnay, at makakahikayat. Para bang lahat tayo ay naging bagong miyembro, bumabalik na miyembro, at bagong move-in, na nagsisikap na gumawa nang tama.

Sa nahahating lipunan, ang mga disipulo ni Jesucristo ay maaaring magtaglay ng karaniwang kabanalan at kabaitan na hihigit kaysa anumang pagkakaiba-iba. Sa lalo pang sumasama at humihirap na panahon, pinagliliwanag ng mga mananampalataya ang Kanyang liwanag at nagpapalayang katotohanan. Kapag may espirituwal na taggutom sa lupain,27 ipinagbubunyi natin Siya bilang tubig na buhay at tinapay ng buhay.

Dahil ang tao ay nangangailangan ng pagkilala at kaibigan, maaari nating baguhin ang ating nakagisnan na. Tabihan sa upuan ang isang taong nag-iisa. Isama, purihin, at hikayatin ang iba sa personal at online. Huwag manghusga. Makinig, humayo, tumulong. Magminister gamit ang isang napapanahong kaisipan o talata sa banal na kasulatan. Pansinin ang emosyon ng tao. Manalangin tuwina.

Tinulungan mo ako ngayon. Tutulungan kita bukas. Narito tayo para magtulungan. Iyan ang ginagawa ng magkakaibigan at pamilya sa ebanghelyo.

Alam ko na marami sa inyo ay nag-iisang miyembro o aktibong miyembro sa inyong pamilya. Kayo ay matatag at tapat, ngunit madalas mahirap ito. Humawak lamang nang mahigpit sa gabay na bakal—o gaya ng sinabi ng isang young adult sa Manaus, Brazil, “damhin ang bakal.” Magpasiya na kayo ay magiging matatag at di-natitinag, isang matibay na kawing sa inyong mga henerasyon. Magiging sulit ito.

Hindi mahalaga kung tayo ang unang henerasyon o pang-anim na henerasyon sa Simbahan, ang mas mahalaga ay matatag tayo sa ating pagpapatotoo kay Jesucristo. Itanim, alagaan, at protektahan ninyo ang mahalagang binhing iyan ng pananampalataya. Hayaan itong magkaroon ng matibay na ugat at umusbong sa inyo at sa inyong walang hanggang pamilya.

Maging isang Melba Oakes o Jean Gong; bumuo ng mga ugnayan ngayon na makakaapekto sa hinaharap para sa 1, 5, o kaya’y 77 taon.

Karugtong ito ng aming pangatlong paanyaya: maging mas mabuting tao sa pamamagitan ng pag-asa sa tulong ng Panginoon at pakikibahagi sa gawain Niya.

Kapag natututo tayong gumawa nang may pananampalataya at sigasig, ang Panginoon, sa pamamagitan ng batas ng pag-ani, ay pagpapalain tayo ng “kagalakan sa bunga ng [ating] mga gawa.”28 Kapag patuloy tayong nagsikap at matalinong gumawa, magkakaroon ng mga pakakataon. Ang tinatawag ng ilan na swerte, ay itinuturing natin na mga biyaya. Alam natin na ang mapagkumbabang dasal lakip ang matinding sigasig ay nagdudulot ng mga himala sa Kanyang panahon at paraan.

Inilarawan sa aklat ng Galacia ng Bagong Tipan ang batas ng pag-ani, “sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin.”29 Hindi tayo dapat “manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay.”30 Ibig sabihin, aanihin natin ang anumang itinanim natin—ang mabuti ay ipanunumbalik sa mabuti, tulad ng kabutihan, katarungan, at awa.31

Sinabi nina London at Luke Brockbank, matatapat na returned missionary na ibinuklod kamakailan sa banal na templo, na natutuhan nila ang batas ng pag-ani sa kanilang pamilya sa halamanan habang lumalaki sila.

[Simula ng video transcript]

London: Gumigising po kami nang maagang-maaga bago ang mga bubuyog at bago sumikat ang araw at binubunot ang mga damo sa maraming tanim, at sinisikap na maalagaan ang mga ito sa paglalagay ng pataba at panakip sa lupa, at pinananatiling maayos ang lahat sa tamang panahon nito.

Natutuwa ang lahat na pumitas ng prutas—at kumakain habang pumipitas—ngunit marahil ang pinakamahirap po ay ang pagbunot ng damo dahil nakaluhod ka at gamit ang mga kamay mo, at maya-maya pa mananakit na ang katawan mo. At marumi ang iyong mga kamay. Magkakamantsa ang mga dulo ng aming mga daliri at magkukulay berde ang hinlalaki namin dahil sa pagbunot ng mga damo.

Elder Gong: Kaya pala sinasabi nila na may green thumb ka.

London: Opo, akala po nila dahil lumalaking malusog ang mga tanim; dahil po iyon sa nabubunot ang mga damo.

Luke: Sinabi po ni London ang mga dapat pong gawin sa pag-aalaga ng mga tanim. Kailangang lagyan ng pataba ang lupa at taniman. Hindi po puwedeng isang beses lang sa isang linggo alagaan ang mga tanim at umasang magiging malusog ang mga ito.

[Pagtatapos ng video transcript]

Elder Gong: Tinanong ko sina London at Luke tungkol sa ating Tagapagligtas bilang tunay na puno ng ubas na espirituwal na nangangalaga sa atin.32

[Simula ng video transcript]

London: Kapag inaalagaan po namin ang mga tanim, kailangan po naming lagyan ito ng pataba para magkaroon sila ng tamang sustansya para patuloy na lumaki. Pareho po iyan sa aming patotoo dahil hindi po kami tatatag sa iisang espirituwal na karanasan lamang. Kailangan namin ang patuloy na nagpapasiglang mga bagong karanasan. Ang pag-alaala po sa aming mga esprituwal na karanasan—masaya pong isipin ang mga ito, pero kailangan pong patuloy kaming magkaroon nito.

Luke: Ang pinagkakatiwalaan po namin nang 100 porsiyento ay ang Tagapagligtas. At Siya talaga ang totoong puno ng ubas, na lagi kaming makakaasa sa Kanya. At kung sisikapin po nating iayon ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, sabi nga—Siya ay nasa atin at tayo ay nasa Kanya—ang Tagapagligtas ang talagang tutulong sa inyo.

London: Mahal ko ang Tagapagligtas at matatag ang patotoo ko sa Kanya at sa ginawa Niya para sa atin. Siya ay talagang matalik na kaibigan, na parang taong talagang hindi ka iiwan kailanman. Dahil alam ko na lahat tayo ay may mabubuting kaibigan na iniwan tayo nang di-inaasahan o inaasahan na natin. Alinman dito, malungkot na karanasan ito. Ngunit masayang malaman na hindi tayo kailanman iiwan ng Tagapagligtas, at lagi Siyang nariyan, at na nariyan Siya upang panatagin at tulungan tayo kapag kailangan natin ito.

[Pagtatapos ng video transcript]

Elder Gong: Salamat, London and Luke. Pinag-usapan namin nina London at Luke ang tungkol sa katarungan at awa sa batas ng pag-ani. Inaani natin ang itinanim natin. Ngunit idinaragdag ng Diyos ang Kanyang awa sa ating mga pagsisikap. Tulad ng sinabi ni Pablo, “Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.”33 Kapag ang Diyos ang nagpapalago, binubuksan Niya ang mga dungawan sa langit, at inihuhulog ang mga pagpapala, na walang sapat na silid na kalalagyan.34 Nakikita ng mga espirituwal na mata, ang magiliw na awa ng Panginoon ay madalas na higit pa sa marapat matanggap ng gawa natin.

Minsan, ang buhay ay tila hindi rin makatwiran at patas sa mga sandaling mahirap, mapanglaw, at malungkot. Sa mabuting hangarin at pagsunod, maaaring madama natin na nagawa natin ang lahat ng ipinagawa sa atin. Ngunit maaaaring hindi nangyayari ang ayon sa gusto natin. Mahirap ito. Maaaring panghinaan tayo ng loob, malungkot, at maaaring magalit pa. Sa gayong mga sandali, alalahanin lamang, sa mga paraang hindi natin nauunawaan “ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat.”35 Nauunawaan Niya dahil naranasan Niya ito.36 “Narito,” sabi ng ating Tagapagligtas, “aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko.”37 Ipinangako Niya, “Ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.”38

Naghihintay tayo sa Panginoon nang may kasabikan at minsan may pagkabalisa. Tiyak ang Kanyang mga pangako: “Silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas, sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila, sila’y tatakbo at hindi mapapagod, sila’y lalakad, at hindi manghihina.”39 “Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.”40 Langit ay lunas sa bawat lumbay.41

Sa Kanyang panahon at paraan, itutuwid ng Diyos ang kawalang-katarungan, lulunasan ang kalungkutan, at kabiguan. Para sa handa at mapagkumbaba, ang Kanyang ebanghelyo ay nagbibigay ng pangalawa at pangatlong pagkakataon, hanggang sa makapitumpung pito.42 Ang sumusunod sa mga kautusan ng Diyos ay pinagpapala at “[pagpapalain] sa lahat ng bagay.”43

Sa ating panahon, na maraming nagdurusa at nangangailangan ng tulong sa lahat ng lugar, dama natin ang banal na layunin na maglingkod bilang Kristiyano. Para sa atin, ang pag-ibig sa Diyos at kapwa ay nangangahulugang pagkakataon at responsibilidad sa tipan. Ipinakita sa isang huling survey ng Simbahan na tinutukoy at tinutugunan ng mga young adult ang agarang pangangailangan sa Europe, Central at South America, sa Caribbean, Asia, Africa, North America, sa Pacific, at halos saanman sa mundo. Upang magbanggit ng kaunti lang, kayo at ang inyong mga kaibigan ay:

  • nagtahi ng mga mask,

  • sinuportahan ang mga refuge center ng kababaihan,

  • tumulong at naglinis ng kalat na dulot ng kalamidad,

  • nagbigay ng pagkain sa mga bata,

  • nagtayo ng mga lokal na komunidad, at

  • naghatid ng pagkain sa mga food bank.44

Sa COVID pandemic na ito, ang ating mga miyembro, kaibigan, at Simbahan ay nagbigay ng ating pinakamalaking tulong pangkawanggawa sa 1,031 COVID-19 response project sa 151 bansa. Ang mga nangangailangan ay nakatanggap ng mahigit 28.4 milyong personal protective equipment (PPE) item, 3.5 milyong pagkain, 1.8 milyong hygiene kit, at 1.07 milyong piraso ng mga kagamitan at suplay sa panggagamot.

Hanggang ngayon, mula sa taniman hanggang sa pag-ani nito, mahigit 700 trak na puno ng pagkain at iba pang kailangan ang nagbiyahe nang 1.6 milyong milya mula sa bishops’ storehouse ng ating Simbahan papunta sa 380 food bank, bahay-ampunan, at ahensyang pangkawanggawa. Tinanong ko kung ano ang laman ng isang tipikal na 18-wheeler truck. Ang isang tipikal na 18-wheeler truck ang nagdadala ng 3,264 na de-latang beef o turkey; 7,488 na de-latang mais, beans, o kamatis; 6,528 na de-latang sopas, soup, o chili; at 792 na bote—at ito ang paborito ko—ng sikat na peanut butter na gawa ng Simbahan, na puno ng nutrisyon, lakas, at kagandahang-loob.

Ang mga trak natin ay naghahatid din ng mga prutas, legume, at pudding na ginawa o naproseso sa 19 na taniman, 3 orchard, 4 na pabrika ng mga pagkaing de-lata, 1 dairy, at 3 bakahan ng Simbahan. Marahil nakatira kayo sa komunidad kung saan nakipagtulungan ang Simbahan sa mga lokal na grupo para maglaan ng pagkain at iba pang kailangan.

Nag-aalala kami sa tulong at seguridad sa pagkain sa buong mundo. Ibinadya ng United Nations na dahil sa pinsala ng COVID, karagdagang 130 milyong katao ang makakaranas ngayon ng gutom. Bagama’t simula pa lamang, ang ating gawaing pangkawanggawa ay patuloy, kinakailangan at tinatanggap sa nagdarahop na lugar gaya ng Somalia, Yemen, D.R, Congo, Haiti, at Zimbabwe, at sa naglalabang mga rehiyon sa Syria, Yemen, South Sudan, D.R. Congo, at ang rehiyong Sahel ng Africa, at marami pang iba.

Kailangan ng mga gutom na bata ang pagkain. Katuwang ang isang humanitarian partner, naghahatid tayo ng 30 milyong pagkain sa mga batang nag-aaral sa siyam na papaunlad na bansa. Kasama sa bawat pinggan ng pagkain ang nagpapalusog na 482 calories na mga butil, protina, gulay, at prutas.

Tulad ng nakikita natin, nagbibigay ang ating Simbahan ng donasyong pangkawanggawa sa iba’t ibang panig ng mundo at nagbibigay rin ng malaking tulong sa North at South America at iba pang mga lugar kung saan nakatira ang maraming miyembro ng Simbahan.

Ang mga refugee at mga taong napilitang iwan ang kanilang tahanan ngunit nanatili sa kanilang bansa ay isang malaking hamon sa pagkakawanggawa. Ang ating Simbahan ay kabilang sa mga unang tumutulong sa maraming refugee. Katuwang ang ating mga partner, nagbibigay tayo ng pagkain, hygiene, tubig, at sanitasyon, mga shelter kit, damit, personal protective equipment, at tulong pang-edukasyon sa Latin America, Europe, Africa, Asia, at Middle East.

Tinutugunan natin ang lokal na mga pangangailangan. Iginagalang natin ang tradisyon at kultura ng lugar. Halimbawa, ang mapaminsalang tsunami noong 2004 sa Indonesia ay iniwang patay o hindi na matagpuan ang tinatayang 228,000 katao. Ang ating pandaigdigang Simbahan ay mabilis na tumulong sa pagtatayo ng mga moske, pagbili ng makinang panahi para gumawa ng kinakailangang tradisyunal na kasuotan, at pagtatayo muli ng mga bahay at paaralan. Sinabi sa amin ng mga lider ng Islam, “Nag-aayuno kami, kaya ang mga donasyon mula sa pag-aayuno ay espesyal ang kahulugan sa amin. Ang inyong ayuno at sakripisyo ay nagpapakita ng inyong pananampalataya at pagmamahal sa Diyos.”

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, ang ating kaugnayan sa Diyos at sa isa’t isa dahil sa ating tipan ay naghihikayat sa atin na maging mabuti at gumawa nang mabuti. Tulad ng alam ninyo, tumutulong ang ating Simbahan sa kahit anong lahi, relihiyon, o nasyonalidad. Ang pangkakawanggawa natin ay hindi ginagamit para ituro ang mga pinaniniwalaan natin. Nakikipagtulungan tayo sa lahat ng relihiyon o walang relihiyon. Tumutugon tayo sa agaran at pangmatagalang pangangailangan. Naroon tayo habang kinakailangan, kahit walang news camera. Itinataguyod natin ang pagpapahalaga sa sarili at self-reliance. Nadarama natin ang mga biyaya ng Ama sa Langit kapag ipinakikita natin ang pagmamahal natin sa Diyos sa paggawa ng lahat para sa ating mga kapatid—na Kanyang mga anak—saanman, sa anumang paraan na makakaya natin.

Mga kapatid, habang kayo ay natututo, umuunlad, at naglilingkod, at kapag nagsisikap kayong maging matatag sa inyong pagpapatotoo kay Jesucristo, maging matiyaga at maunawain sa inyong sarili. Kadalasan masyado tayong mapamintas sa ating sarili. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na lumapit kung ano tayo, na gawin ang lahat ng bagay “sa karunungan at kaayusan.” Hindi Niya inaasahang tumakbo tayo nang higit na mabilis kaysa sa ating lakas, bagama’t masigasig at matatag tayo.45

Kung minsan, maaaring madama natin na hindi tayo gaanong kailangan o determinado kung hindi tayo inuutusan ng Panginoon na gawin ang “mahirap na bagay.”46 Subalit kadalasan ang pinakakailangan sa atin ng Panginoon ay paliwanagin ang ating liwanag sa bawat araw. Tandaan, si Jesus ang tunay na puno ng ubas. Ang inyong espirituwal na pag-unlad at kaligayahan ay mahalaga sa Kanya.

Bilang buod, sa pagsisimula ng bagong taon na ito, inaanyayahan ko kayo na tanggapin ang lubos na pagpapala ng tatlong paanyaya:

  1. Kayo ay magsitigil at kilalanin na [ang Diyos ay] Diyos.47 Hayaang ang Kanyang kabutihan at mga nilikha ay umantig sa inyong isipan, pumanatag at tumiyak sa inyong puso, at magpatotoo na naghihintay Siya para mapalalim ang inyong personal na ugnayan.

  2. Baguhin ang hinaharap ngayon. Pangalagaan ang mga ugnayan sa maraming henerasyon na magpapala sa inyo at sa mga nakapaligid sa inyo sa mga darating na taon.

  3. Magtiwala sa Panginoon ng anihan na tutulong sa inyo na maging mas mabuting tao. Kapag kayo ay umasa sa tulong ng Panginoon at nakibahagi sa Kanyang gawain, lalo tayong tutulungan ng Panginoon sa ating personal na pag-unlad. Ang Kanyang pagpapala ay puno ng kagalakan.48

Narito ang tatlo pang bagay na tutulong sa inyo para mapalakas ang inyong pananampalataya at maging matatag sa inyong pagpapatotoo kay Jesucristo:

  1. Maging karapat-dapat na magkaroon ng current temple recommend. Gawin ito kahit hindi pa lubos na bukas ang templo. Gawin ito kahit na maaaring kinakailangan ninyong isaayos ang ilang bagay sa inyong buhay.

  2. Ipaalam sa inyong bishop o branch president kung sino kayo at ano ang kalagayan ninyo. Kung wala kayong calling ngayon sa Simbahan, mangyaring sabihing, “Bishop (o branch president), kapag may calling po ang Panginoon para sa akin, masaya po akong maglilingkod sa ating Simbahan.”

    Kailangan ng bawat isa sa atin ang mga pakpak at ugat—malaking grupo na makakaugnayan at maliit na grupo kung saan regular tayong makapaglilingkod kasama ang ating mga kaibigan at nagmamalasakit na lider, kabilang ang bishop na mayhawak ng mga susi.

  3. Sa inyong pagkatok, paghingi, at paghahanap, mangyaring lumikha ng personal na kapaligiran na nagpapalakas ng pananampalataya at tumutulong sa inyo na sundin ang mga kautusan ng Diyos. Ang mga kautusan ng Diyos ay ibinigay sa atin dahil mahal Niya tayo at pinoprotektahan at pinagpapala tayo ng mga ito. Mamuhay nang karapat-dapat upang makasama palagi ang Espiritu Santo at matulungan kayo na mahanap ang inyong pinakakailangan at hinahanap. Huwag tulutan ang pagkukunwari ng sanlibutan na alukin kayo ng mga bagay na hindi nito maibibigay.

Mahal kong mga kapatid, ang Diyos ay ating Walang Hanggang Ama. Ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang mga walang-hanggang ordenansa, tipan, at dokrina ay matatagpuan sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan na tinawag sa Kanyang pangalan: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Patuloy ang Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, mula kay Propetang Joseph Smith hanggang kay Pangulong Russell M. Nelson ngayon. Ang Aklat ni Mormon at mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo, tulad ko, na si Jesus ay ang Cristo.

Mahal na mga kaibigan, paliwanagin ang inyong liwanag!49 Patuloy na maging tapat sa inyong mga tipan at matatag sa inyong pagpapatotoo kay Jesucristo. Nawa’y protektahan kayo ng Diyos sa Kanyang awa at pagpalain kayo sa inyong mabubuting mithiin at hangarin. Nawa’y madama ninyong kabilang kayo dahil sa inyong tipan at madama ang kagalakan sa Kanyang ebanghelyo, at lugar sa Kanyang Simbahan, na ating Simbahan. Sa sagrado at banal na pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.