Mga Taunang Brodkast
Seminary, Institute, at Iba pang mga Bagay na Makatutulong


21:24

Seminary, Institute, at Iba pang mga Bagay na Makatutulong

Taunang Broadcast ng S&I para sa 2023

Biyernes, Enero 27, 2023

President Steven J. Lund: Napakalaking kagalakang mahilingang magpatotoo sa inyo, na aking lubos na hinahangaan, ngayong araw at mapagitnaan sa pagsasalita ng dalawang pinakamahuhusay na gurong nakilala ko, marahil, sa Simbahan.

Kamakailan ay dumalo ako sa lecture ni Arthur Brookes, isang propesor sa Harvard. Sabi niya, “Alam ninyo, napakarami nating ipinapagawa sa ating mga guro; pinababago natin sa kanila ang takbo ng kasaysayan ng tao.” Hindi niya alam kung gaano katotoo iyan. Maliban lang, sa sitwasyon ninyo, hindi kasaysayan ng tao ang inaalala natin, kundi ang mga kawalang-hanggan. Kaya malaki ang inaasahan namin sa inyo at pinahahalagahan namin kung sino kayo at ang ginagawa ninyo at ang kalalabasan nito.

Nang huli akong magsalita sa pangkalahatang kumperensya, sinabi ko na gusto kong hawakan sa balikat ang isang masigasig na returning missionary at itimo sa kanyang kaluluwa ang nadarama ng aking puso. Sa pagsasalita ko ngayon sa inyo naisip ko na gawin ko iyan dito—na hawakan ang balikat ninyo at titigan kayo at ipahayag ang nadarama ko tungkol sa inyong mga oportunidad at mga hamon sa buhay. Siyempre, hindi naman tayo magiging ganyan kalapit, ngunit dahil sa nadarama ko para sa inyo, kung magawa man natin iyon, ang gusto kong marinig ay ang laman ng puso ninyo na dapat kong malaman.

Produkto ako ng early-morning seminary na kadalasang ginaganap sa maliit na portable na silid-aralan na katabi ng California junior college. Tinuruan kami ng Swedish na convert na asawa ng miyembro ng aming bishopric at kalaunan ng sunud-sunod na mga lolang nasa edad 70 pataas—lahat silang tatlo ay nakakayang bumangon bago mag-alas singko ng umaga dahil lubos nilang inilaan ang kanilang sarili at lubos na naniniwala sa katotohanan ng Pagpapanumbalik. Karamihan ng nalalaman ko sa ebanghelyo—at literal na sinasabi ko ito—karamihan sa nalalaman ko sa ebanghelyo ay natutuhan ko sa seminary. At karamihan sa mga bagong bagay na natututuhan ko ngayon tungkol sa ebanghelyo ay pagtuklas lang muli ng mga sinikap nilang maituro sa akin noon.

Kaya simulan natin sa pinakamahahalagang salita na maipapahayag ko: salamat sa ginagawa ninyo at sa kung sino kayo. Salamat sa inyong kahandaang gawin ang di matatawarang gawaing kailangan para baguhin ang inyong kurikulum, lesson plan, at inyong kalendaryo upang iayon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Kakaunti lang ang lubos na nakaaalam sa Simbahan sa ipinagagawa sa inyo. Salamat sa ibayong sigasig ninyo na isagawa ang pagbabagong ito, nalalamang sa patuloy na pagpapaganda ninyo ng kurikulum. Nagsisimula nang magbunga ang inyong mga pagsisikap.

Isang liham ang dumating sa aming opisina ang may karaniwang kuwento. Sabi rito, “Ang totoo, hindi kami laging nagdaraos ng family home evening. Bihira kaming magbasa ng mga banal na kasulatan nang personal o bilang pamilya o mag-aral ng ebanghelyo nang magkakasama. Aktibo kami sa Simbahan, at dahil dumadalo na ako ng seminary, naibabahagi ko sa kanila ang natututuhan ko sa seminary. Naniniwala ako na hinihikayat ako ng seminary na magbasa ng mga banal na kasulatan at tinutulungan din akong hikayatin ang pamilya ko.”

Nagbibigay ng pag-asa iyan, ‘di ba? Ang pagsuporta ng Simbahan ay paiigtingin upang mapalakas ang pagpapahalaga ng Simbahan sa tahanan. Ang prosesong iyan ay bahagi ng patuloy na Pagpapanumbalik, at proseso ito na epektibo. Nagsisikap maigi ang Simbahan para maunawaan kung ano ang mga gumagana at ano ang hindi. Talagang nasa vortex kayo ng ilan sa mga bagay na alam nating lumilikha ng walang-hanggang kaugnayan sa Panginoon.

Kaya habang nasa balikat ninyo ang aking mga kamay—o sa inyong leeg, alinman diyan—maaari bang bigyang-diin ko ang ilang bagay na alam naming epektibong mapagbabatayan ninyo sa mga bagay na pinakamahalaga sa inyong pagtuturo? Sabi nila ang unang sangkap sa tagumpay ay dumalo. Karaniwan, ang kabataan na dumadalo sa seminary ay mas nagiging mabuti ang kinalalabasan. Sila ang mas malamang na ma-endow, mas malamang magmisyon, at mas malamang na magpakasal sa templo. Ang mga dumadalo ng apat na taon ng seminary ay nagkakaroon ng koneksyon sa ebanghelyo na bihirang mawala. Pangalawa, kapag nagbabayad ng buong ikapu ang mga kabataan, nagkakaroon sila ng matibay na ugnayan sa Ama sa Langit. Sa tuwing sinusunod nila ang kautusang iyan at nagbabayad, may bagong nalilikhang bigkis ng sakripisyo at ugnayan.

Umaasa ako na bawat guro sa seminary at institute ay patuloy na pinahuhusay ang pagtuturo nila ng nakapagkokonektang kapangyarihan ng ikapu. Minsan ay tinanong ako ng aking ama noong mga 10 taon ako kung lagi ba akong nagbabayad ng ikapu. Nagbabayad ako. Maliit na halaga lang iyon, dahil wala namang gaanong mapagkakitaan sa lugar namin. Ngunit sinabi pa niya, “Alam mo, kung determinado ka, perpekto mong magagawa iyan sa buhay mo.” “Isa sa mga ikinalulungkot ko,” sabi ng tatay ko—“ay noong nasa Navy ako at nasa barko nang ilang buwan at walang lugar na mapagbabayaran ng ikapu at kalaunan ay natigil ako sa paggawa nito. Perpekto ko nang nagagawa ito mula noon. Pero ikinahihiya ko ang panahong iyon na hindi ko ginawa iyon. Kung magpapasiya kayo, maaari kayong maging perpekto rito.” Magagawa rin ito ng inyong mga estudyante.

Ang pangatlong bagay na gusto kong bigyang-pansin ninyo na talagang epektibo ay ang FSY conference. Kamangha-mangha ang mga FSY conference na ito. Nitong nakaraang tag-init, marami, o karamihan, sa 200,000 na 14 hanggang 18 taong gulang sa iba’t ibang panig ng mundo ang nagsiuwi na may mas malalim at mas nakahihikayat na pang-unawa sa kung sino sila at bakit ipinagagawa ng Panginoon ang ipinagagawa Niya. Lubos ang tagumpay ng FSY kaya naitanong namin sa aming sarili, Ano ang sikreto? Ano ang epektong FSY?

Bahagi nito ang pag-aalis ng araw-araw na nakakagambala sa mga participant, at dahil dito nakapagpokus ang isip nila at mas madaling maturuan. At kung sa mga bahay nila ay parang mga bata lang sila na payapa at walang iniisip, dito ay kailangan nila kayong harapin, mga guro at session director, karamihan mula sa seminaries and institutes, na nagtuturo sa kanila ng doktrina na napakadalisay kung kaya’t nahihikayat silang magkaroon ng malaking pagbabago ng puso.

Binibigyan ninyo sila ng mga kagamitang kailangan nila sa pag-alis nila sa Sabado patungo sa kapaligirang naiiba sa nakagawian nila. Ang inyong mga aral at halimbawa at bawat salita ang gagamitin nila sa mga sitwasyong haharapin nila sa buhay. Para sa ilan sa kanila, ang FSY ay maaaring huling pagkakataong mapayapa sa kanilang sarili at sa Diyos. Salamat sa inyong dedikasyon na ibigay sa kanila ang inyong espirituwal na karunungan at mahusay na kaalaman sa pagtuturo. Nakumpirma sa pagsasaliksik ng ating Simbahan na ang isa sa matitinding nakakahikayat para habambuhay na maging disipulo ay ang makaugnayan ang matatapat na adult na katulad ninyo na may karanasan na kung paano harapin ang mga hamon sa buhay at magalak kay Cristo.

Mga isang buwan na ang nakaraan, kami ni President Bonnie H. Cordon ay naatasan na magreport sa Unang Panguluhan tungkol sa FSY program at kung paano ito inumpisahan nitong nakaraang tag-init sa Estados Unidos at Canada. Natapos namin ang aming pagrereport at sinagot ang ilang tanong tungkol sa mga plano naming paghusayin pa ito, at tila doon na natapos ang pulong. Ngunit nang magsimula na kaming magtayuan, sinabi ni Pangulong Nelson, “Dapat nating turuan silang magdasal.” Dali-dali kaming nagsiupong muli. Sabi niya, “Dapat natin silang turuang magdasal, kanino magdarasal, at ang pananalitang gamit sa dasal.” Sinabi pa niya na nag-aalala siya na baka masyado na tayong nagiging kaswal sa paraan ng pagtawag natin sa Ama sa Langit. At inulit niya muli ang mga katagang “Dapat natin silang turuang magdasal, kanino magdarasal, at ang pananalitang gamit sa dasal.” Kaya turuan natin silang magdasal. Sa tuwing uusal tayo ng panalangin, inaanyayahan natin ang Ama sa Langit na mamagitan sa ating buhay. Bawat panalangin ay panalangin para sa himala. Maging ang mga panalangin ng pasasalamat ay umaasang magpalalim ng ating ugnayan sa langit.

Kaya pag-usapan natin ang isa pang kagamitan ng patotoo na epektibo. Ang gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Ito pala—Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili, na nagtuturo sa atin na huwag magpokus sa mga patakaran, sa halip ay magpokus sa ating ugnayan sa Tagapagligtas at pagiging katulad Niya. Ang lumang kasabihang “Ano ang Gagawin ni Jesus?” ay nananatili pa ring napakagandang patakaran sa buhay. Ang pagtutuunan sa kung paano tayo magdedesisyon ay hindi na isang buklet; sa halip, ito ang misyon na bigay sa atin ng Diyos.

Paulit-ulit na sinasabi sa atin ni Pangulong Nelson na ang pinakamahalagang nangyayari sa mundo at ang dahilan kaya tayo inireserba na pumarito sa mundo sa panahong ito ay ang pagtitipon ng Israel. Kaya sa paggawa natin ng desisyon kung paano tayo mamumuhay dapat tayong mabunsuran ng tanong na ito, “Ito ba ang desisyong tutulong o hahadlang sa aking kakayahan na tuparin ang aking mga layunin sa mundo?” Habang nagpupunyagi tayong mamuhay nang karapat-dapat upang mapabilang sa mga batalyon ng Panginoon, sinisikap nating iayon ang ating mga ipinapasiya sa misyon natin sa buhay.

Ang tanong para sa bawat isa sa atin ay, “Naniniwala ba tayo kay Cristo kapag Kanyang inihahayag sa Kanyang mga propeta ang mga banal na layunin natin?” Dahil kung naniniwala tayo sa Kanya, gugustuhin nating gumawa ng mabubuting desisyon. Kayong mga guro at lider ng S&I ang mahuhusay sa pagtulong sa kanila na masagot ang tanong na iyan. Sa patuloy na pagbabago ng mundo, hindi tayo mapoprotektahan ng mga paghihigpit kundi ng mga alituntunin ng ebanghelyo.

Ang bagong Para sa Lakas ng mga Kabataan. na gabay sa paggawa ng mga desisyon ay naghihikayat sa ating mga kabataan na ugaliing mamuhay sa pananaw ng kanilang espirituwal na sensitibidad sa halip na magtuon sa kanilang kultural na sensitibidad. Ang bagong gabay na FSY na ito ay hindi ang paulit-ulit na pagsasabi ng matatanda sa mga kabataan ng mga dapat pahalagahan. Sa halip, ito ay bagong pamamaraan ng pamumuhay habang nalalaman nila ang kanilang tunay na identidad bilang mga anak ng Diyos, isang Diyos na may gawaing ipagagawa sa kanila, na nagpadala sa kanila rito para sa partikular na mga layunin na gagawing makabuluhan ang kanilang buhay. Magiging matatag sila sa ebanghelyo.

Ang bagong gabay na ito sa pagpili ay bahagi ng isang dekada nang inihayag na huwaran na nagpapalalim ng ating espirituwalidad; ito ang pinakabagong kaganapan sa pagpapanumbalik na kinabibilangan ng ward teaching na naging home teaching at pagkatapos ay ministering—ng family home evening sa halip na family night, ng pagtaas sa inaasahan, ng bawat miyembro ay missionary, ng mula sa isinaulong talakayan ng missionary ay naging Mangaral ng Aking Ebanghelyo, at mula sa scouting at Pansariling Pag-unlad ay naging Mga Bata at Kabataan—kung saan ang mga kabataan ay inaatasang maging responsable sa kanilang pamumuhay sa espirituwal.

Ang bagong kinakailangang basahin para sa seminary ay nakaayon sa pamamaraang ito na nakabatay sa alituntunin at paggabay ng Espiritu. Patuloy tayong sumusulong sa mas dakila at mas banal na paraan ng pagpapasiyang may inspirasyon ng espiritu. Lalong nagiging mahalaga na ang mga kabataan at tayo mismo ay matutong magpasiya ng dapat nating ikilos sa pamamagitan ng pagtugon sa mga banal na alituntunin sa halip na isipin ang mga partikular na paghihigpit. Ang ating mga kabataan ay nahaharap sa mga tanong tungkol sa moralidad na hindi pa naitatanong sa nakalipas na isa o tatlong dekada. Kung sa ngayon pa lang ay may pag-aalinlangan na sila tungkol sa pagpapa-tattoo, tingnan ninyo kung gaano pa patitindihin ng mundo ang pag-aalinlangan nila.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson kung paano gawin ang mga pagpapasiyang iyon. Hindi puwedeng pumipili lang. Itinuro niya, “Ipinapangako ko na kung tapat at patuloy ninyong gagawin ang espirituwal na gawaing kailangan para magkaroon ng napakahalaga at espirituwal na kakayahang matutong makinig sa mga bulong ng Espiritu Santo, sasainyo ang lahat ng patnubay na kakailanganin ninyo sa buhay.1

May isang kuwento tungkol sa isang 14 anyos na nagsabi sa kanyang ina isang araw matapos ang pangkalahatang kumperensya na hindi ipinagbabawal sa bagong buklet ang maraming pagpapabutas, kaya gusto niyang magpadagdag ng butas sa kanyang tainga. Bumuntong-hininga ang ina at sinabi sa kanya, “Alam mo naman na hindi namin gusto iyan, pero hindi ito tungkol sa gusto naming gawin mo; ito na ang pagkakataon mo na itanong sa Ama sa Langit ang gusto Niyang gawin mo. Kailangang may gawin ka, magsaliksik, magdasal, at maghintay ng sagot.” Nalaman ng 14 anyos na ito ang sagot, at nabago ng ina ang buhay nito.

Pagkauwi ko mula sa misyon, pumasok ako sa United States Army. Nagreport ako sa Oakland Induction Center kung saan ako mananatili kasama ang aking bagong maituturing na pamilya sa military. Ang mga bagong kaibigang nakasama ko ay naiiba sa akin at sa isa’t isa tulad ng inaasahan. Ngunit 24 na oras kalaunan, pare-pareho na kami ng gupit ng buhok at uniporme. At sa pagpunta namin sa barracks nang gabing iyon napakalinis at napakaayos naming tingnan. Sa sumunod na mga buwan ng pagte-training namin nang magkakasama, hindi ko na masabi kung sino ang dating sino sa grupong iyon sa induction center. Magkakasama kaming nagsanay at nagreklamo at nag-usap-usap, at walang nagkani-kaniyang grupo. Tumimo sa isip ko ang tungkol sa kahalagahan ng uniporme: ang isinusuot namin ay maaaring makapaghiwalay o makapag-isa sa amin. Masasabi sa suot namin kung kanino kami panig at ano ang maaaring asahan sa nagsusuot.

Nabasa ko ang tungkol sa isang medic na Marino na nasa labanan sa Middle East na nagbuhat ng ilang sugatang Marino para isakay sa helikopter at pagkatapos ay bumalik muli sa labanan na may dalang isa pang sugatan. May ilang kapanalig na sundalo ang tumawag sa kanya, “Hoy, Marino”—nang painsulto—“Hoy, Marino, hindi mo ba napansin na kaaway ang buhat-buhat mo?” Ito lang ang sinabi niya, “Oy, Marino ako, hindi ba ninyo napansin na sugatan din siya?” Ang uniporme niya ay humigit pa sa sinisimbolo nito.

Inanyayahan ng propeta ang mga kabataang ito na sumama sa mga batalyon ng Panginoon. Kapag sumali kayo sa hukbo, nagsusuot kayo ng uniporme. Kapag may panganib o kalamidad, sinasabi ng uniporme ng batalyon sa mga tao na may tulong na dumating, pinapalaya ng mabubuting hukbo ang mga naaapi, hinahagisan sila ng mga bulaklak sa kanilang daraanan, may mga luha, ang tulong ay nariyan na. Ang mga missionary ay nagsusuot ng uniporme; napakahusay na nagagawa ng hukbo ng Diyos ang iniutos sa kanila kapag namumukod sila sa mga taong itinalaga sa kanila na palakasin at palayain.

Sabi sa hanbuk, “Alam Niya”—tinutukoy ang Ama sa Langit—”Alam Niya na makakagawa kayo ng kaibhan sa mundo, at kinakailangan diyan, sa maraming sitwasyon, na maiba kayo sa mundo.”2

Noong nasa Army pa kami, lumabas at napunta kami ng kaibigan kong si Rich sa Jerusalem. Habang naglalakad kami sa mga kalye ng Jerusalem na nakasuot ng Levis at kamisetang pang-golf, nagkomento ang isang tinderong Arabo na kami raw ay nagtatrabaho sa BYU Jerusalem Center. Sinabi namin sa kanya na hindi; mga Amerikanong sundalo lang kami.

“Oo, pero nasa Jerusalem Center din kayo.”

“Bakit mo naman nasabi iyan?”

“Malayo pa lang ay kitang-kita na namin sa inyo.”

Nagkatinginan kami, pareho kami ng itsura ng Israeli Defense Force Soldiers na nauunang naglalakad sa amin na kapareho namin ang suot na damit—pareho ng gupit, pareho lahat. Ngunit malinaw na may naiiba.

Sa lahat ng panahon, karamihan sa mga tagasunod ng Panginoon ay namumuhay kasama ng ibang mga tao na may iba-ibang kultura, pinahahalagahan, at prayoridad. Kaya paano natin rerespetuhin ang ating kapwa habang tapat na ipinamumuhay ang kakaibang kultura ng ebanghelyo? Inaatasan tayong maging liwanag sa sanlibutan habang tinitipon ng Panginoon ang Isarel sa huling pagkakataong ito para sa Kanyang pagbabalik. Karaniwang nagtataglay ang mga miyembro ng Simbahan ng liwanag na hindi natin nakikita ngunit nakikita ng iba. Palagay ko ang nakikita nila ay ang Liwanag ni Cristo, malamlam kung minsan, ngunit laging nagbibigay-liwanag sa ating kapighatian. Si Cristo, kung tutuusin, ang lakas ng mga kabataan. Anumang paglihis o pagpapadilim o pagtakip o pagtago sa liwanag na iyan ay hadlang sa mga layunin ng ating pagsilang sa panahong ito.

Ang gabay na Para sa Lakas ng mga Kabataan ay makatutulong sa atin na taglayin ang liwanag na iyan kapag humingi tayo ng inspirasyon tungkol sa kung paano natin matutupad nang lubos ang mga layuning itinalaga ng Diyos sa mga desisyon natin sa buhay. Ang atasang maging kakaibang mga tao ng Diyos ay isang papuri. Ibig sabihin nito ay mamukod-tangi sa maraming tao kapag ipinapakita natin sa ating mga pinipili kung sino ang sinusunod natin. Ang aming tungkulin sa Church education at sa programa na Mga Bata at Kabataan at sa kaharian ng Diyos sa mundo ay hindi lamang panatilihing malakas ang pananampalataya ng henerasyong ito at iwasang matangay ng pamumuhay na hindi marapat para sa kanila; nananawagan ang propeta sa mga kabataang ito na maging tagapagpabago ng mundo.

Nananawagan ang propeta ng Panginoon sa mga kababaihan na kayang manindigan at manguna sa mundo ng maraming kababaihan na angkop na ipaglalaban ang kanilang dapat kalagyan sa mundo, na may layuning magkaroon ng halaga at impluwensya. Marami sa mga kababaihang ito ay naniniwala na ang pagiging relihiyoso ay sumasalungat sa kanilang makabuluhang mga ninanais. Gayunpaman, pupunuin ng mga kababaihan ng Sion ang sarili nila ng kapangyarihan ng kabutihan at sila ay papagitna.

At kailangan Niya tayo na magpalaki ng mga kalalakihang may malaking kakayahan, taglay ang lahat ng katangian ng mga anak na lalaki ng Diyos na inilarawan sa banal na kasulatan. Nag-iisa lang ba sa mundo ang tulad ni Kapitan Moroni? Hindi iyan ang narinig kong sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson nang tukuyin niya ang magiting na henerasyong ito. Sinabi niya sa kanila na “inireserba ng Ama sa Langit ang marami sa Kanyang pinakamagigiting na anak—masasabi kong, ang [Kanyang] pinakamahusay na pangkat—para sa huling yugtong ito. Ang magigiting na mga espiritu—ang pinakamahuhusay na manlalaro, [ang mga bayaning iyon]—ay kayo!”3

Kaya salamat muli sa napakahalagang lakas ninyo na nagdudulot ng matibay na pagbabalik-loob sa mga kabataan ng Simbahan at kaharian ng Panginoon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.