Isang Propeta sa Lupain: Kasalukuyang Pagbibigay-Diin ng mga Propeta sa mga Young Adult
Taunang Broadcast ng S&I para sa 2023
Enero 27, 2023
Pambungad
Sa mga tagapagturo ng relihiyon, salamat sa lahat ng ginagawa ninyo para mahikayat ang mga kabataan at young adult ng Simbahan. Nasa inyong mga klase ang literal na hinaharap ng Simbahan, at patuloy akong nabibigyang-inspirasyon ng paraan ng paglilingkod at malasakit ninyo sa mga estudyante.
Magsisimula ako sa pagkukuwento sa inyo ng aking karanasan nitong taglagas sa Malad Summit, ang pinakamataas na lugar na madaraanan ninyo sa pagitan ng Salt Lake City at Rexburg, Idaho. Habang nagbibiyahe patungo sa isang gawain sa Simbahan, may malinaw na impresyon akong natanggap na muling pakinggan ang mensahe ni Pangulong Russell M. Nelson para sa mga young adult na may pamagat na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.” Nang marating ko ang tuktok ng burol, dalawa ang malinaw na naramdaman ko. Una, napuspos ako ng pagmamahal para sa mga young adult ng Simbahan. Pangalawa, namangha ako sa himala ng isang buhay na propeta na tinawag upang magturo sa mga young adult na ito sa mahirap na panahon. Ipinarada ko ang sasakyan ko sa tabi para isulat ang mga impresyong natanggap ko na siyang magiging mensahe ko sa inyo ngayon.
Nabubuhay tayo sa magulong panahon, ngunit ipinahayag ng Panginoon, “Ako ay magbibigay sa inyo ng isang huwaran sa lahat ng bagay, nang hindi kayo malinlang; sapagkat si Satanas ay nagtungo sa lupa, at siya ay naglilibot nililinlang ang mga bansa.”1 Ngunit tulad ng itinuro ni Sister Wendy W. Nelson, bagama’t si Satanas ay naglilibot sa lupa, may propeta rin tayo sa lupa, na maaasahan natin para sa katotohanan at kaliwanagan sa mga huling araw na ito.2
Ngayong gabi, pagtutuunan ko ang limang tema na binigyang-diin ng propeta at mga apostol, lalo na sa mga young adult ng Simbahan. Kung magtuturo ako ng kursong Mga Turo ng mga Buhay na Propeta sa susunod na semester, ang mga temang ito ang pagtutuunan sa syllabus. Anuman ang kurso na itinuturo ninyo, umaasa ako na tutulutan ninyo na makaimpluwensya ang mga mensaheng ito sa inyong kurikulum at sa paraan ng inyong pagtuturo at paglilingkod sa inyong mga estudyante.
Ang limang kasalukuyang pagbibigay-diin ng mga propeta na nais naming pagnilayan ninyo ay ang mga sumusunod:
-
Alamin ang inyong banal na identidad.
-
Humugot ng lakas kay Jesucristo at sa inyong mga tipan.
-
Hayaang manaig ang Diyos, at sundin ang Kanyang propeta.
-
Magturo ng katotohanan nang may pagmamahal.
-
Maging responsable sa patotoo mo.
1. Alamin ang Inyong Banal na Identidad
Kung nais kong maunawaan ang mga binigyang-diin ng propeta tungkol sa mga young adult, magsisimula ako sa kanyang mensahe kamakailan para sa mga young adult na may pamagat na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.” Maraming young adult ngayon ang nahihirapan dahil hindi nila nauunawaan ang kanilang tunay na identidad. Itinanong ni Pangulong Nelson:
“Sino kayo?
“Una sa lahat, kayo ay anak ng Diyos.
“Pangalawa, bilang miyembro ng Simbahan, kayo ay anak ng tipan. At pangatlo, kayo ay disipulo ni Jesucristo.”3
Pansinin na nagturo si Pangulong Nelson nang may pag-unawa at pagmamahal, ngunit itinuturo pa rin niya ang pinakamahalagang katotohanan tungkol sa banal na identidad. Pakinggan ang sumusunod na pahayag mula sa kanyang mensahe.
[Start video]
Pangulong Russell M. Nelson: “May iba’t ibang titulo na maaaring napakahalaga sa inyo, siyempre pa. Unawain sana ninyo ako. Hindi ko sinasabi na hindi mahalaga ang iba pang mga titulo at pantukoy. Ang sinasabi ko lang ay walang pantukoy na dapat makapag-alis, pumalit, o bigyan ng prayoridad kaysa sa tatlong nagtatagal na titulong ito: ‘anak ng Diyos,’ ‘anak ng tipan,’ at ‘disipulo ni Jesucristo.’
“Anumang pantukoy na hindi tugma sa tatlong mahahalagang titulong iyon ay bibiguin kayo sa huli. Ang iba pang mga titulo ay hindi magpapasaya sa inyo pagdating ng panahon dahil wala itong kapangyarihan na akayin kayo sa buhay na walang hanggan sa kahariang selestiyal ng Diyos.”4
[End video]
Ang unang bagay na binigyang-diin ng propeta para sa mga young adult na pagtutuunan namin ay ang tulungan sila na malaman ang kanilang banal na identidad. Lubos kong iminumungkahi ang buong mensahe ni Pangulong Nelson na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” bilang pangunahing resource ninyo bilang tagapagturo ng relihiyon sa mga young adult at kabataan ng Simbahan.
2. Humugot ng Lakas kay Jesucristo at sa Inyong mga Tipan
Pangalawa, upang maingatan ang banal na identidad dapat nating ituro sa ating mga young adult na humugot ng lakas kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagtupad sa kanilang mga tipan. Itinuro ni Pangulong Nelson: “Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa nauunawaan natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”5
Noong nakaraang taon nagbigay ako ng mensahe sa debosyonal ng BYU na may pamagat na “Finding Christ’s Peace in Perilous Times [Pagkakaroon ng Kapayapaan kay Cristo sa mga Panahon ng Kapighatian],” kung saan marami akong binanggit mula kay Pangulong Nelson.6 Pagkatapos ng debosyonal, isa sa aming mga dean ang nagsabing naibigan niya ang sipi mula kay Pangulong Nelson na paulit-ulit kong ginamit. Ipinaliwanag ko na may ginamit akong apat na magkakaibang sipi, na pawang may magkakaparehong istruktura.
Si Pangulong Nelson ay gumamit ng couplet o pahayag na may dalawang parirala na magkaugnay sa isa’t isa, kung saan sa kaliwang bahagi ng pahayag binanggit niya ang tungkol sa paghihirap, panganib, ligalig, at kaguluhan sa mga huling araw. Sa kanang bahagi naman, nagpahayag siya ng tiwala at pag-asa na sa pamamagitan ni Jesucristo at pagtupad sa ating mga tipan madaraig natin ang mga hamong ito sa pamamagitan Niya. Mahigit pito ang mga couplet na ito sa mga mensahe ni Pangulong Nelson sa pangkalahatang kumperensya mula noong siya ay maging propeta. Tingnan natin ang dalawa sa mga ito mula sa kanyang mensaheng “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon.”
Unang sipi: “Mahal kong mga kapatid, ito ang mga huling araw. Kung nais nating makayanan ang mga darating na panganib at hirap, kinakailangang may matibay na espirituwal na pundasyon ang bawat isa sa atin na itinayo sa bato na ating Manunubos na si Jesucristo.”7
Panglawang sipi: “Ipinahayag ng Panginoon na sa kabila ng mahihirap na hamon sa buhay ngayon, ang mga nagtayo ng kanilang pundasyon kay Jesucristo, at natutuhan kung paano gamitin ang Kanyang kapangyarihan, ay hindi kailangang sumuko sa mga hindi pangkaraniwang problema ng panahon ngayon.”8
Muli, sa dalawang pahayag na ito, nagsimula ang propeta sa pagkilala sa mga hamon na makakaharap natin sa mga huling araw. Pagkatapos ay sinundan niya ito ng isang pangako na madaraig natin ang mga hamong iyon at ang pagkabalisa na kaakibat nito kapag bumaling tayo sa Tagapagligtas at natutong humugot ng lakas sa Kanya.
Nang una kong mapansin ang huwarang ito, naisip ko na ang pagtukoy kay Jesucristo ay nangangahulugang kung isasalig ko ang aking patotoo sa Tagapagligtas, makakayanan ko ang mga pagsubok na darating sa mga huling araw. Ngunit, lalo na, naniniwala rin ako na hinihikayat tayo ni Pangulong Nelson na maging katulad ng Tagapagligtas.
Marahil ito ang sinasabi ni Elder Jeffrey R. Holland nang atasan niya tayo na “maging ‘banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang Panginoon’” sa kanyang mensahe sa mga young adult sa BYU sa simula ng taong ito.
[Start video]
Elder Jeffrey R. Holland: “Itinuro ni Haring Benjamin na isang pangunahing layunin ng mortal na buhay—marahil ang pangunahing layunin ng mortal na buhay—ay marahil ang ‘maging Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon,’ at kailangan—ang patuloy na wika niya—ay maging ‘tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama’ [Mosias 3:19; idinagdag ang pagbibigay-diin].”9
[End video]
3. Hayaang Manaig ang Diyos, at Sundin ang Kanyang Propeta
Upang matulungan ang mga young adult na malaman ang kanilang banal na identidad at humugot ng lakas kay Jesucristo, dapat nating ituro sa kanila na unahin ang Diyos at sundin ang Kanyang propeta. Ang mensaheng ito ay pinakamainam na naituro sa tagubilin ni Pangulong Nelson na “hayaang manaig ang Diyos.” Nang tila iniinterbyu ang buong Simbahan, itinanong ng propeta sa atin ang sumusunod na anim na tanong:
-
“Handa ka bang hayaang manaig ang Diyos sa iyong buhay?
-
Handa ka bang maging pinakamahalagang impluwensya sa buhay mo ang Diyos?
-
Hahayaan mo ba ang Kanyang mga salita, Kanyang mga utos, at Kanyang mga tipan na impluwensyahan ang ginagawa mo sa bawat araw?
-
Mas uunahin mo ba ang Kanyang tinig kaysa sa iba?
-
Handa ka bang unahin ang kailangan Niyang ipagawa sa iyo kaysa sa lahat ng iba pang mga ambisyon mo?
-
Handa ka bang ipasakop ang iyong kalooban sa Kanyang kalooban?”10
Maraming taon na ang nakalipas, naranasan ko kung ano ang kahulugan para sa akin ng hayaang manaig ang Diyos sa aking buhay. Matapos ang maagang propesyon sa akademya sa silangang baybayin, naging malinaw na naghanda ang Panginoon ng ibang landas na aakay sa akin at sa aking pamilya sa Rexburg, Idaho. Noong panahong iyon sinabi ko sa asawa ko, “Para akong ang mayamang batang pinuno, pero alam ko kung paano natapos ang talinghagang iyon, kaya susundin ko ang landas sa kung saan tayo inaakay.”
Maaaring hindi ito ang pipiliin kong gawin kung hindi ko alam ito. Kinaumagahan sa isang stake leadership meeting, tinalakay ng isa sa mga tagapagsalita ang talinghagang binanggit ko sa aking asawa. Sinabi niya na nalulungkot siya para sa mayamang batang pinuno, tulad ng nakalarawan sa painting ni Heinrich Hoffman tungkol sa talinghaga. Iinilarawan niya kung paano tila umiwas ng tingin ang mayamang batang pinuno na para bang naiisip ang mga bagay na mawawala sa kanya. Sa pag-iwas niya ng tingin, hindi niya nakita ang mas mainam na landas na itinuturo sa kanya ng Tagapagligtas. Kapag hinayaan nating manaig ang Diyos sa ating buhay isinusuko natin ang likas na pagkatao natin para sa isang bagay na mas lalong mainam kay Jesucristo.
Upang manaig ang Diyos sa ating buhay kinakailangan din na maghanap at tumanggap tayo ng personal na paghahayag. Itinuro ito ni Pangulong Russell M. Nelson sa kanyang mensaheng, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay.”11 Natanggap niya ang patnubay ng Diyos hindi lamang sa kanyang paglilingkod sa Simbahan kundi sa mga pagpili niya sa buhay kung saan maninirahan, mag-aaral, kung sino ang pakakasalan, ang kanyang propesyon, at sa pagiging magulang niya. Ang matutuhan ang huwarang ito ng pagtanggap ng personal na paghahayag ang unang hakbang upang manaig ang Diyos sa ating buhay. Tutulong din ito sa mga young adult na mahanap at matanggap ang paghahayag na magpapala sa kanila sa mahalagang panahong ito ng paggawa ng mga desisyon sa kanilang buhay.
4. Magturo ng Katotohanan nang may Pagmamahal
Kung nakita ninyo ang paraan ng pagtuturo ng ating mga propeta at apostol, mapapansin ninyo ang huwaran ng pagtuturo ng katotohanan, sa kabila ng pamumuna. Ginagawa nila ito nang may pagmamahal, awa at pagmamalasakit na katulad ng kay Cristo para sa kanilang kapwa, ngunit itinuturo pa rin nila ang mga katotohanang iniutos sa kanilang ituro. Ipinakita ni Pangulong Nelson ang huwarang ito ng pagtuturo ng katotohanan nang may pagmamahal nang ituro niya ang kahalagahan ng walang-hanggang identidad sa kanyang pandaigdigang mensahe sa mga young adult.12 Ginawa niya ito nang ituro niya ang tungkol sa kaugnayan ng pagmamahal at mga batas ng Diyos.13 Nagsalita si Pangulong Dallin H. Oaks tungkol sa responsibilidad na ito sa kanyang mensahe sa mga young adult sa Ensign College noong nakaraang taon.
[Start video]
Pangulong Dallin H. Oaks: “Ang pagpapakita ng paggalang ay hindi nangangahulugan na lumalayo tayo sa ating mga paniniwala at doktrina tungkol sa pamilya at sa kahalagahan nito sa plano ng Diyos para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak, tulad ng inihayag sa Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak.
“Mangyaring alalahanin ang responsibilidad naming mga miyembro ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol bilang mga Apostol ng Panginoong Jesucristo. Dapat naming ihayag ang katotohanan tulad ng pagkakahayag dito ng Diyos. Hindi kami malayang pumili at piliin kung aling mga katotohanan ang ipapangaral at ipagtatanggol namin.”14
[End video]
Sa mensahe ring iyon, inilarawan ni Pangulong Oaks ang limang paraan na maituturo natin ang katotohanan nang may pagmamahal:
-
Iwasan ang masyadong pagtatalo.
-
Mahalin ang kapwa, maghanap ng karaniwan sa inyo, kahit hindi tayo sang-ayon.
-
Manangan sa katotohanan, maging sa paglilingkod natin sa iba.
-
Maging liwanag ng sanlibutan.
-
Manatiling nakaangkla kay Jesucristo.
Ang ilan ay makikipagtalo na upang magawa nating mahalin ang ibang tao, kailangan natin bawasan ang pagtuon sa katotohanan ng Diyos. Ngunit bigyang-pansin ang payo ni Pangulong Oaks na manangan sa katotohanan habang minamahal ang iba. Sa madaling salita, hindi ito pagpili sa dalawang bagay. Pakinggan ang payo ni Elder Holland tungkol dito nang magsalita siya sa BYU faculty at staff tungkol sa kahalagahan ng tamang pagbalanse.
[Start video]
Elder Holland: “Halimbawa, kailangan nating maging maingat na hindi maipakahulugan ang pagmamahal at awa bilang pagkunsinti at pagsang-ayon. O ang paniniwala at katapatan sa alituntunin ay hindi maipakahulugan na pagiging hindi mabait o hindi pagiging tapat sa mga tao. Sa pagkakaalam ko, hindi kailanman ipinagkait ni Cristo ang Kanyang pagmamahal sa kahit kanino, ngunit hindi rin Niya kailanman sinabi sa sinuman,‘Dahil mahal kita, hindi mo na kailangang sundin ang aking mga kautusan.’ Inatasan tayong gawin natin ang makakaya natin na maging maingat sa pagbalanse sa mga bagay na iyan sa ating buhay.15
[End video]
Kapag binalewala natin ang mga katotohanan ng Diyos, maaaring malimitahan natin ang ating kakayahan na maipakita ang pinakadakilang pagmamahal sa Kanyang mga anak. Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit ganito sa mga young adult sa BYU:
“Ang pag-una sa unang utos ay hindi nakababawas o naglilimita sa ating kakayahan na sundin ang pangalawang utos. Katunayan, ito ay nagpapaiibayo at nagpapalakas sa ating kakayahan. Nangangahulugan ito na nadaragdagan ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng pagsasalig nito sa banal na layunin at kapangyarihan. … Ang pagmamahal natin sa Diyos ay nagpapaibayo ng ating kakayahang mahalin ang ating kapwa nang mas lubos at ganap dahil tayo ay katuwang ng Diyos sa pangangalaga ng Kanyang mga anak.”16
5. Maging Responsable sa Patotoo Mo
Ang huling bagay na binigyang-diin ng propeta sa mga young adult ay may kaugnayan sa pag-aalaga sa inyong patotoo. Kung nais ninyong sundin ang propeta, pakinggan ang sasabihin niya nang paulit-ulit, pagtuunan ng pansin kapag ginamit niya ang mga katagang tulad ng “nakikiusap ako sa inyo.” Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya na may pamagat na “Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Ipinaaabot ko sa mga miyembro ng buong Simbahan ang utos ding ito na ibinigay ko sa ating mga young adult noong Mayo. Hinimok ko sila noon—at pinakikiusapan ko kayo ngayon—na alagaan ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.17
Pakinggan natin ang utos ding ito sa mga young adult sa kanyang mensaheng “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.”
[Start video]
President Nelson: “Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo.”18
[End video]
Ang pag-aalaga sa inyong patotoo ay nangangahulugan na hinihikayat natin ang mga young adult na tapat na sagutin ang kanilang mga tanong. Ang huwaran sa pagtatanong ay nakasaad sa S&I Doctrinal Mastery resource page na may pamagat na “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman.” Tinalakay ni Elder Lawrence E. Corbridge ang paksang ito, at ipinakita ang pagkakaiba ng mga pangunahin at hindi gaanong mahalagang tanong.19 Ang pangunahing mga tanong ang sentro ng isang patotoo. Kabilang dito ang pagkakaalam na ang Diyos ay ang ating Ama, si Jesus ang Cristo, at ang Aklat ni Mormon ay totoo. Kabilang sa di-gaanong mahahalagang tanong ay ang tungkol sa mga detalye ng kasaysayan, poligamya, at awtoridad ng priesthood. Ang di-gaanong mahahalagang tanong ay maaaring sagutin at dapat sagutin, ngunit walang katapusan ang mga ito, at bihira itong humantong sa pagkakaroon ng patotoo nang wala munang paniniwala at pinakamahahalagang tanong.
Ibinahagi ni Elder Robert S. Wood ang lubos na pagpapahalaga niya sa mga sagot sa kanyang pinakamahahalagang tanong maging habang naghahanap siya ng sagot sa di-gaanong mahahalagang tanong.20 Sa isang debosyonal na ibinigay sa mga estudyante sa BYU–Idaho, ikinuwento ni Elder Wood ang pagbabasa niya ng Aklat ni Mormon sa buong magdamag at pagtatamo ng kanyang unang malinaw na patotoo sa katotohanan nito. Nang sumunod na linggo sinabi sa kanya ng isang kaibigan mula sa paaralan na may katibayan siya na ang Aklat ni Mormon ay hindi totoo, at binanggit ang listahan ng mga anakronismo sa aklat. Sinabi ni Elder Wood sa kaibigan niya na huli na at na may patotoo na siya. Sa madaling salita, may sagot na siya sa pinakamahalagang tanong. Ngunit hiningi niya ang listahan at naghanap ng mga sagot sa mga tanong. Ang ilan sa mga ito ay nasagot agad, at ang iba ay natagalan.
Samantala, si Elder Wood ay naglingkod sa Simbahan, nagpakasal sa templo, nagtapos ng pag-aaral, at nagpalaki ng kanyang pamilya sa ebanghelyo. Ilang taon matapos siyang tawagin bilang General Authority, ang huling anakronismo sa listahang iyon ay nasagot ng isang propesor sa Cornell University, na hindi miyembro ng ating relihiyon. Naiisip ba ninyo kung ano kaya ang nangyari kung naghintay si Elder Wood na masagot ang lahat ng di-gaanong mahalagang tanong bago siya sumulong nang may pananampalataya?
Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson sa ating mga young adult kung paano sasagutin ang kanilang mga tanong.
[Start video]
President Nelson: “Kung mayroon kayong mga tanong—at sana’y mayroon nga—hanapin ang mga sagot nang may taimtim na pagnanais na maniwala. Alamin ang lahat ng kaya ninyo tungkol sa ebanghelyo at tiyaking bumaling sa mga pinagmumulang puno ng katotohanan para sa patnubay. Nabubuhay tayo sa dispensasyon kung kailan ‘walang anumang bagay ang ipagkakait.’ [Doktrina at mga Tipan 121:28]. Sa gayon, pagdating ng panahon, sasagutin ng Panginoon ang lahat ng tanong natin.”21
[End video]
Katapusan
Mga kapatid, nabubuhay tayo sa mapanganib na mga panahon.22 Ngunit ang Panginoon ay naghanda ng huwaran sa lahat ng bagay upang hindi tayo malinlang. Bahagi ng huwarang iyan ang pagkakaroon ng isang propeta sa lupa upang ituro sa atin ang katotohanan. Nakikinig ba tayo, at naaapektuhan ba nito kung paano tayo dapat magturo at maglingkod sa ating mga estudyante?
Ngayong gabi inilahad ko ang limang bagay na binigyang-diin ng propeta na nais naming pagnilayan ninyo sa inyong tungkulin bilang mga tagapagturo ng relihiyon. Ang mga temang ito at mahalagang mensahe ng mga ito ay nakabuod sa sumusunod na table:
Kasalukuyang Pagbibigay-Diin ng mga Propeta sa mga Young Adult |
Mga Pangunahing Mensahe |
---|---|
1. Alamin ang inyong banal na identidad. |
Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), ChurchofJesusChrist.org |
2. Humugot ng lakas kay Jesucristo at sa inyong mga tipan. |
Russell M. Nelson, “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon,” Liahona, Nob. 2021, 93–96 Jeffrey R. Holland, “A Saint Through the Atonement of Christ the Lord” (mensahe sa debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 18, 2022), speeches.byu.edu |
3. Hayaang manaig ang Diyos at sundin ang Kanyang propeta. |
Russell M. Nelson, “Hayaang Manaig ang Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2020, 92–95 Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 93–96 |
4. Magturo ng katotohanan nang may pagmamahal. |
Dallin H. Oaks at Clark G. Gilbert, “Stand Fast with Love in Proclaiming Truth” (debosyonal sa Ensign College, Mayo 17, 2022), ensign.edu D. Todd Christofferson, “The First Commandment First” (debosyonal sa Brigham Young University, Mar. 22, 2022), speeches.byu.edu |
5. Maging responsable sa patotoo mo. |
Russell M. Nelson, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” (pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, Mayo 15, 2022), ChurchofJesusChrist.org Tingnan sa Lawrence E. Corbridge, “Stand Forever” (debosyonal sa Brigham Young University, Ene. 22, 2019), speeches.byu.edu Tingnan sa Robert S. Wood, “Be Ye Transformed by the Renewal of Your Mind” (debosyonal sa Brigham Young University–Idaho, Mayo 13, 2003), byui.edu/devotionals “Acquiring Spiritual Knowledge,” S&I Doctrinal Mastery |
Sa pagtukoy sa mga temang ito, nakatuon tayo sa mahalagang mensahe ng propeta na, “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.” Marami sa iba pang mga mensahe na ibinigay ng mga propeta at apostol ang direktang tumutukoy sa mga young adult sa buong Church Educational System. Bawat isa sa mga temang ito ay natukoy sa pamamagitan ng maingat na pagrerebyu kasama ang mga CES university president, kabilang na ang S&I administrator na si Brother Chad Webb, pati ang pamunuan ng Executive Committee ng Church Board of Education. Hinihikayat namin kayong pag-aralang mabuti ang mga nakalakip na impormasyon. Alamin ang mga ito. Gawin itong bahagi ng inyong pagtuturo at kurikulum. Higit sa lahat, iugnay ang mga ito sa paraan ng pagsagot ninyo sa mga tanong at pagtugon sa mga pangangailangan ng inyong mga estudyante.
Alam ko na isang propeta ng Diyos ang namumuno sa atin sa mga panahong ito ng kapighatian. Nawa’y sundin natin ito at ang iba pang payo ng propeta na patuloy nating matatanggap ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.