Mga Mensahero ng Mabuting Balita
Taunang Broadcast ng S&I para sa 2023
Biyernes, Enero 27, 2023
Brother Chad H Webb: Noong unang panahon, itinuturing na karangalan ang mapiling maging sugo ng mabuting balita, lalo na bilang sugo ng tagumpay sa digmaan. Noong BC 490, isang binatang nagngangalang Pheidippides ang pinili para sa karangalang dalhin ang balita sa mga nag-aalalang mamamayan sa Greece na nailigtas ng kanilang mga hukbo ang kanilang bansa nang matalo nila ang mga mananakop na taga-Persia. Ayon sa kuwento, tumakbo si Pheidippides mula sa Valley of Marathon patungo sa Atenas upang ipahayag ang mabuting balita. Makalipas ang mahigit 2,500 taon, ang mga taong mas may lakas kaysa sa akin ay patuloy na ginugunita iyon sa pamamagitan ng pagtakbo nila.
Binanggit ni Isaias ang ideya ng pagiging sugo ng mabuting balita nang sabihin niya:
“At sila ang mga yaong nagpahayag ng kapayapaan, na nagdala ng mabuting balita ng kabutihan, na nagpahayag ng kaligtasan; at nagsabi sa Sion: Ang inyong Diyos ay naghahari! …
“… O kayganda ng kanilang mga paa sa mga bundok!
“At … kayganda sa mga bundok ang mga paa nila na mga naghahayag pa rin ng kapayapaan!”1
Ang mga talatang iyon ng banal na kasulatan ang nagpabago ng lahat para sa akin noong ako ay bata pang missionary na nangungulila sa pamilya at pinanghihinaan ng loob. Ang mensahe ng mga talatang iyon ay umantig sa aking puso’t isipan sa katotohanan na ako ay pinagkatiwalaang maging sugo ng pinakadakilang balita na maririnig ng mundo. Ang kawalan ng pag-asa at awa sa sarili ay napalitan ng pag-asa at pasasalamat, at hindi ko kailanman nalimutan ang umagang iyon nang una kong maunawaan sa pamamagitan ng Espiritu Santo na dapat akong kumatawan sa Tagapagligtas sa paghahatid ng mabuting balita ng Kanyang walang kapantay na pagmamahal, pagbabayad-sala, at tagumpay sa kasalanan at kamatayan.
Sa bawat araw na pumapasok kayo sa silid-aralan, kayo ay mga sugo ng mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo. Salamat sa paghahayag ng kapayapaan sa mundong puno ng pagkakahati-hati at pagtatalo at sa pagdadala ng liwanag at katotohanan sa isang mundo na tila madilim at puno ng kalituhan. Ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo. Kayo ay inihanda at pinili na maging mga sugo ng kapayapaan sa mga kabataan at young adult ng Simbahan ng Panginoon. Isang malaking karangalan ang kumatawan kay Jesucristo, magturo ng Kanyang ebanghelyo, at magsikap na ituro ito ayon sa Kanyang paraan!
Noong nakaraang taon nagkaroon tayo ng pagkakataong matuto mula kay Elder Dieter F. Uchtdorf nang ipakita niya sa unang pagkakataon ang bagong hanbuk na Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Natutuwa ako na nakatuon ang bagong hanbuk na ito sa halimbawa ni Jesucristo bilang Dalubhasang Guro. Tulad ng sinabi ni Elder Uchtdorf, “Ang pinakamainam na paraan upang maging mas mahusay na guro ay maging mas mabuting tagasunod ni Jesucristo.”2
Dahil mayroon nang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, hindi na namin gagamitin ang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion. Ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ay hindi nilayong maging training resource; ang layunin nito ay magbigay ng mga kahulugan at paliwanag tungkol sa epektibong pag-aaral at pagtuturo. May mga training resource na at patuloy pang gagawa nito upang matulungan kayo na maipamuhay ang mga alituntuning itinuro sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Kabilang sa mga resource na ito ang ilang bahagi ng Pagtuturo at Pag-aaral ng Ebanghelyo: Isang Hanbuk para sa mga Titser at Lider sa Seminaries and Institutes of Religion na nagpala sa mga estudyante nang maraming taon.
Alam ko na marami sa inyo ang gumugol na ng maraming oras sa pag-aaral ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at pinag-isipan ang mga tanong na sumusuri sa sarili. Salamat sa lahat ng inyong ginagawa upang maging mga guro na katulad ni Cristo ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Para mapahusay pa ang ating mga training material, gusto ko ring ibalita ang pagbabago sa opisyal na pahayag ng layunin ng Seminaries and Institutes. Bago ko ibahagi sa inyo ang bagong nilalaman ng aming layunin, hayaan ninyong magbigay ako ng kaunting konteksto. Sa nakalipas na dalawang taon, nagtuon tayo sa paglalaan ng mga karanasan para sa mga mag-aaral na humahantong sa pagbabalik-loob, pakiramdam na nauugnay ang materyal ng klase sa buhay nila, at pagiging kabilang, at ma-access ang mga karanasang iyon ng mas maraming kabataan at young adult. Mahalagang malaman natin na ang mga alituntuning ito ay hindi magkakapareho ng kahalagahan. Ang pinakadakilang layunin ay magbigay ng mga karanasan na nag-aanyaya sa ating mga estudyante na matutuhan ang ebanghelyo at palalimin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo.
Mahalaga na madama ang kaugnayan at pagiging kabilang, ngunit hindi ito ang pinakamahalagang resulta. Ang mga ito ay paraan para makamtan ang layunin na kapag mahusay na ginamit ay hahantong sa ating pangunahing mithiin na pagbabalik-loob. Ang nadaramang kaugnayan na humahantong sa pagbabalik-loob ay higit pa sa simpleng pag-uusap tungkol sa mga bagay na interesado ang ating mga estudyante. Wala nang mas nauugnay pa para sa ating walang hanggang pag-unlad at kaligayahan kaysa kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang plano ng kaligtasan ang plano ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak. Ito ay may agarang kaugnayan at walang hanggang kahalagahan sa bawat anak ng Diyos.
Ang nadaramang kaugnayan na humahantong sa pagbabalik-loob ay naitatatag habang tinutulungan ng Espiritu Santo ang mga estudyante na maunawaan ang plano ng Diyos, ang mahalagang tungkulin ni Jesus sa planong iyon, at ang kahalagahan ng ebanghelyo sa ating buhay sa araw-araw. Ang nadaramang kaugnayan na humahantong sa pagbabalik-loob ay tumutulong sa mga estudyante na maunawaan kung paano nauugnay ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong propeta sa kanilang mga kalagayan at pangangailangan. Tinutulungan sila nitong maunawaan kung paano sinasagot ng ebanghelyo ang mga tanong ng kanilang kaluluwa. Nangyayari ito kapag nabigyang-inspirasyon sila na kumilos nang may pananampalataya kay Jesucristo at naranasan ang katuparan ng mga ipinangakong pagpapala ng Ama sa Langit. Iyan ang kaugnayan na humahantong sa pagbabalik-loob.
Totoo rin na ang pagiging kabilang ay hindi ang pangunahing mithiin. Katunayan, dahil ang salitang pagiging kabilang ay ginagamit sa napakaraming paraan, kung minsan ay mali ang pagkaunawa nito sa kahulugan natin ng pagiging kabilang sa isang konteksto ng ebanghelyo. Nadarama ng marami sa atin na kabilang tayo sa iba’t ibang kaganapan. Nangyari iyon noon sa akin sa mga athletic team. Ang mga kagrupo ko ang pinakamatalik kong kaibigan, at talagang nagsumigasig ako para magtagumpay kami. Ang gayong uri ng pagiging kabilang ay mabuti at mahalaga rin. Ngunit napakarami pang aspekto ang pagiging kabilang na humahantong sa pagbabalik-loob.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson, sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya, na ang doktrina ng pagiging kabilang ay may tatlong bahagi: ang pagtipon sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, paglilingkod at sakripisyo, at ang pagiging sentro ni Jesucristo sa pagiging kabilang.3 Ang mga konseptong ito ang pinakamahalagang bahagi kapag sinasabi nating pagiging kabilang na humahantong sa pagbabalik-loob. Tiyak na kasama sa pagiging kabilang ang pagmamahal at paggalang sa isa’t isa. Kasama rin dito ang mga alituntunin na nagdadala sa atin sa Tagapagligtas at tumutulong sa atin na maisakatuparan ang Kanyang layunin kapag tinutulungan natin ang isa’t isa na tahakin ang landas ng tipan pabalik sa Kanya.
Ang mga pagpapala ng pagiging kabilang na nakasentro sa tunay na ebanghelyo ay kinapapalooban din ng pagkakaugnay sa mga tipan. Ang pagiging kabilang ayon sa pananaw ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay tumutulong sa atin na malaman ang ating tunay na identidad at walang hanggang kaugnayan sa ating Ama sa Langit. Natanggap natin ang ating mga tipan dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin at iniuugnay tayo nito sa Kanya, sa ating pamilya, at sa mga miyembro ng Simbahan na nangakong dadalhin ang mga pasanin ng isa’t isa. Ang ganitong uri ng pagiging kabilang ay humahantong sa pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ngayon, babalikan ko ang pagbabago sa ating layunin, na inaprubahan ng Church Board of Education. Sa pagsisikap na gawing pangunahing layunin ang pagbabalik-loob sa lahat ng ating pagtuturo at karanasan sa pagkakatuto, ang aming pahayag ay mababasa ngayon nang ganito, “Ang ating layunin ay tulungan ang mga kabataan at young adult na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo, maging karapat-dapat sa mga pagpapala ng templo, at ihanda ang kanilang sarili, kanilang pamilya, at iba pa para sa buhay na walang hanggan sa piling ng kanilang Ama sa Langit.” Ang pagbabagong ito ay tutulong sa atin na isaayos ang ating training at mga pagsisikap na lumikha ng mga karanasan sa pagkatuto sa pag-asang matutulungan natin ang mga estudyante na maging mga disipulo ni Jesucristo habambuhay. Ang tinukoy na mga tungkulin ng titser sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ay mananatili upang tulungan tayong mas maunawaan ang tungkulin ng titser sa pagtulong sa mga estudyante na mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob. Na-update na rin namin ang mga talata sa Ipamuhay, Magturo, at Mangasiwa na nauugnay sa ating layunin, na makikita ninyo sa S&I website.
Anuman ang magbago o mabigyang-diin sa ating mga pagsisikap na epektibong maituro ang ebanghelyo, ang hindi magbabago kailanman ay na tayo ay nakasentro kay Cristo, nakatuon sa mag-aaral, at nakabatay sa mga banal na kasulatan. At lagi nating sisikaping magabayan tayo sa ating mga karanasan sa pagtuturo at pagkatuto sa pamamagitan ng inspirasyon at patotoo ng Espiritu Santo. Ang lahat ng ginagawa natin ay dapat makapagpalalim ng ating pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo dahil Siya ang sagot sa kanilang mga hamon at tanong. Siya ang Diyos ng kanilang kaligtasan at katubusan.
Ngayon, may ibabalita pa ako tungkol sa isa pang bagay na inaprubahan ng Church Board of Education. Muli, gusto kong simulan ang ibabalita ko sa ilang konteksto, sa pagkakataong ito gamit ang isang alituntuning itinuro ng Tagapagligtas. Kamakailan ay napansin ko na sa talinghaga tungkol sa manghahasik, sinabi ni Jesus na may ilang binhi na nagbunga ng tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu. Ang mahalaga sa akin sa nabasa ko ay sumibol ang bawat isa sa mga ito sa tinukoy ng Tagapagligtas na mabuting lupa. Hindi ito sa tabing daan, sa batuhan, o sa mga tinikan; ito ay mabuting lupa.
Dahil dito, naisip ko kung ang kasalukuyan nating paraan sa mga kinakailangang gawin para makakuha ng kredit sa kurso ay nahahalintulad sa pagkilala lamang sa mga yaong namunga ng tig-isang daan, samantalang hindi kinikilala at pinasasalamatan ang mga pagsisikap at kontribusyon ng mga yaong namunga ng animnapu at tatlumpu. Ang bawat estudyante ay may iba’t ibang antas ng suporta ng pamilya, pag-unawa sa ebanghelyo, at determinasyon. Tiyak, mataas ang inaasahan natin, ngunit dapat din tayong maging maingat na hindi natin mapahina ang loob ng mga taong ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya sa kabila ng kanilang sitwasyon.
Ang mga talatang ito ay nagpaisip sa amin kung posibleng panatilihin ang matataas na pamantayan at humanap ng mga paraan para maging personal ang ating pamamaraan. Makahahanap ba tayo ng mga paraan para mahikayat at kilalanin ang pag-unlad at progreso sa bawat antas sa landas ng tipan at matulungan ang lahat ng ating estudyante na magtagumpay? Masusuportahan ba natin sila sa kanilang pagsisikap na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at matutuhan ang ebanghelyo nang may mga mithiin na pinag-isipan nila at itinakda para sa kanilang sarili upang magkaroon ang mga estudyante ng mga gawi at huwaran na mananatili sa kanila nang mas matagal kaysa sa oras nila sa ating mga klase?
Naisasaisip iyan, gusto kong ibalita ang sumusunod para sa seminary: ang learning assessment ay gagawing pagrerebyu ng grupo sa halip na indibiduwal na assessment, na titiyak na natutuhan ng mga estudyante ang nilalaman na itinuro. Ang mahuhusay at naunawaan nang lubos ang itinuro ay maaaring tumulong sa iba upang lahat ay mabigyan ng pagkakataong mapalalim ang kanilang pang-unawa. Ang mga bahagi ng assessment na nauugnay sa paniniwala at pagsasabuhay ay mananatiling aktibidad para sa indibiduwal na ang layunin ay lumikha ng pagkakataong masuri ang sarili. Ang requirement sa pagbabasa ay nagbago rin at hindi na 75 porsiyento ng mga araw ang kinakailangan sa bawat term.
Upang makatanggap ng kredit sa kurso para sa graduation, kailangang basahin ng mga estudyante sa seminary ang mga piling talata mula sa aklat ng banal na kasulatan sa bawat term. Halimbawa, sa unang term ng Doktrina at mga Tipan—Kasaysayan ng Simbahan, babasahin ng mga estudyante ang Joseph Smith—Kasaysayan. Pagkatapos ay hihilingin sa kanila na magtakda ng karagdagang personal na mithiin sa pagbabasa nang may mataas na inaasahan para sa mabuting pag-unlad. Ang mga personal na mithiing ito ay dapat kakitaan ng kakayahan ng isang estudyante at kilalanin ang pagsisikap at progreso ng bawat isa.
Hihikayatin din ng mga titser ang mga estudyante na subaybayan ang progreso sa kanilang mithiin at hikayatin sila na gawin ang mga ito. Hihikayatin nila ang mga estudyante na basahin ang naka-assign na mga scripture passage para sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa linggo ng seminary, nang mag-isa o kasama ang kanilang pamilya. Hihikayatin din nila ang mga estudyante na palaging pag-aralan ang Aklat ni Mormon nang mag-isa o kasama ang kanilang pamilya. Sa darating na mga araw, marami pang impormasyon ang ipadadala sa inyo tungkol sa dalawang pagbabagong ito, kabilang na ang mga detalye ng pagpapatupad at mga timeline at kung ano ang maaaring ibig sabihin nito para sa mga naunang term kapag hindi natugunan ang mga kinakailangang gawin.
Ngayon, nais kong ibahagi sa inyo ang isang bagay na sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring nang talakayin ang pagbabagong ito. Sabi niya, “Upang magawa ito nang mahusay, mangangailangan ito ng mas personal at indibiduwal na atensyon mula sa mga titser. Madadagdagan ang gawain, ngunit ito ay isang gawaing dapat ikatuwa dahil ang kanilang personal na ministeryo ay kasinghalaga ng kanilang pagtuturo sa klase. Kung magagawa ito ng sinuman, magagawa rin ito ng inyong mga titser. Mahuhusay sila.”
Sumasang-ayon ako kay Pangulong Eyring; mahuhusay kayo. Natanto ko rin na ang pagbabago mula sa mahigpit na pamantayan at ginawa itong indibiduwal na mga mithiin ay mangangailangan ng mas maraming oras at atensyon mula sa inyo. Ngunit ano ang magagawa natin na mas magpapala sa ating mga estudyante kundi ang tulungan sila na makagawian ang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw na nahikayat ng mga tamang dahilan?
Ang huli, ang hinihingi para sa attendance ay tulad pa rin ng dati. Mangyaring tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang mga karanasan nila sa klase ay nagpapalawak ng kanilang pag-unawa sa ebanghelyo at nagpapalakas ng kanilang pananampalataya. Iyan ang dahilan kung bakit nais nilang dumalo, hindi lamang para makatanggap ng kredit. Ang estudyanteng nakauunawa nito ay nanaising 100 porsiyento ang kanyang attendance.
Sa institute, tulad pa rin sa dati ang mga kinakailangan para makakuha ng kredit, ngunit bibigyang-diin natin ang mga dahilan na naghihikayat sa kanila na dumalo at makibahagi sa proseso ng pagkatuto. Ang mga kadahilanang tulad ng pagpapalalim ng pananampalataya, paglapit sa Tagapagligtas, at pag-aaral ng Kanyang doktrina ay tumutulong sa mga estudyante na maunawaan ang mga dahilan, magtakda ng mga mithiin na maglalapit sa kanila sa Kanya, at hihikayatin silang managot sa Kanya.
Marami sa ating mga estudyante ang nagsisimula pa lang sa kanilang paglalakbay at inaanyayahan, marahil sa unang pagkakataon, na bigyan ng puwang ang binhi ng pananampalataya sa kanilang buhay. Sa halip na mag-alala na hindi pa nila naranasan ang lahat ng naranasan ng mas mahusay na mag-aaral, dapat tayong magpasalamat sa hangarin nilang maniwala. Kapag nakita nila na mabuti ang bunga, dapat tayong magalak kasama nila at ipagdiwang ang kaloob na iyon mula sa ating Ama sa Langit. Pagkatapos magkakasama tayong matiyagang maghihintay sa araw na ang binhi ay magiging isang punungkahoy na sumisibol tungo sa buhay na walang hanggan.
Inaanyayahan ko kayo na patuloy na pag-aralan nang mabuti ang Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas at pag-isipan kung ano pa ang maaaring ituro ng Panginoon sa inyo tungkol sa pagbabalik-loob, kaugnayan, at pagiging kabilang. Mangyaring isipin din nang mabuti ang mga alituntunin sa likod ng mga pagbabago sa ating layunin at mga hinihingi sa kurso. Pag-isipan nang mabuti kung paano isasama ang mga pagbabagong ito sa paraang magbibigay-inspirasyon at magpapala ito sa lahat ng inyong estudyante.
Bilang pangwakas, inaanyayahan ko kayo na patuloy na magtuon kay Jesucristo sa lahat ng inyong ginagawa. Mapanalanging pag-isipan kung paano kayo matututo mula sa Kanya, matututo na tularan ang Kanyang halimbawa bilang Dalubhasang Guro, at matutong mas umasa sa Kanyang biyaya at pagmamahal habang nagsisikap kayong mapagpala ang mga mahal ninyo sa buhay. Pinatototohanan ko na Siya ang daan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.