Pangkalahatang Kumperensya
Ang Doktrina ng Pagiging Kabilang
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


14:41

Ang Doktrina ng Pagiging Kabilang

Ang doktrina ng pagiging kabilang para sa bawat isa sa atin ay ito: Ako ay kaisa ni Cristo sa tipan ng ebanghelyo.

Gusto kong magsalita ngayon tungkol sa tinatawag kong doktrina ng pagiging kabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang doktrinang ito ay may tatlong bahagi: (1) ang tungkulin ng pagiging kabilang sa pagtipon sa mga tao ng tipan ng Panginoon, (2) ang kahalagahan ng paglilingkod at sakripisyo sa pagiging kabilang, at (3) ang pagiging sentro ni Jesucristo sa pagiging kabilang.

Sa simula, ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay halos kinabibilangan lang ng mga Banal na puting North American at northern European at maliit na bilang ng mga Katutubong Amerikano, Aprikanong Amerikano, at mga Pacific Islander. Ngayon, walong taon bago ang ika-200 taong anibersaryo ng pagkakatatag nito, ang Simbahan ay lalo pang dumami sa bilang at pagkakaiba-iba sa Hilagang Amerika lalo na sa iba pang bahagi ng mundo.

Sa mabilis at patuloy na pagtitipon ng mga tao ng tipan ng Panginoon tulad ng matagal nang ipinropesiya, ang Simbahan ay tiyak na kabibilangan ng mga miyembro mula sa bawat bansa, lahi, wika at tao.1 Ang pagkakaiba-ibang ito ay hindi pinlano o pinuwersa kundi isang likas na kaganapan na maaari nating asahan, dahil alam nating nagtitipon ang lambat ng ebanghelyo mula sa bawat bansa at bawat tao.

Napakapalad natin na makita ang sabay-sabay na pagtatatag ng Sion sa bawat kontinente at sa sarili nating mga komunidad. Tulad ng sinabi ni Propetang Joseph Smith, inasam nang may galak ng mga tao ng Diyos sa bawat panahon ang araw na ito, at “ tayo ang mga taong hinirang ng Diyos upang isakatuparan ang kaluwalhatian sa mga huling araw.”2

Dahil nabigyan tayo ng pribilehiyong ito, hindi natin pahihintulutan ang anumang rasismo, pagtatangi sa lahi, o ibang pagkakahati-hati sa Simbahan ni Cristo sa mga huling araw. Inutos sa atin ng Panginoon, “Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”3 Dapat tayong maging masigasig sa pag-alis ng pagtatangi at diskriminasyon sa Simbahan, sa ating mga tahanan, at higit sa lahat, sa ating mga puso. Habang nadaragdagan ang pagkakaiba-iba ng mga miyembro ng ating Simbahan, lalong dapat maging taos-puso at magiliw ang ating pagtanggap. Kailangan natin ang isa’t isa.4

Sa kanyang Unang Sulat sa mga Corinto, ipinahayag ni Pablo na lahat ng nabinyagan sa Simbahan ay iisa sa katawan ni Cristo:

“Sapagkat kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama’t marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.

“Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. …

“Huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa’t isa.

“Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.”5

Ang maging kabilang ay mahalaga sa ating pisikal, mental, at espirituwal na kalusugan. Ngunit posible na may mga pagkakataong pakiramdam natin ay hindi tayo tanggap. Sa mga panahong pinanghihinaan tayo ng loob, maaaring madama natin na hindi tayo magiging karapat-dapat kailan man sa mga pamantayan ng Panginoon o mga inaasahan ng iba.6 Maaaring hindi sinasadyang iginigiit natin ang ating mga inaasahan sa iba—o maging sa sarili natin—na hindi ayon sa mga inaasahan ng Panginoon. Maaaring ipinahihiwatig natin na ang halaga ng kaluluwa ay nakabatay sa mga tagumpay o katungkulan, ngunit hindi iyan ang sukatan ng katayuan natin sa mga mata ng Panginoon. “Ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”7 Inaalala Niya ang mga hangarin at naisin natin at ang magiging tayo.8

Isinulat ni Sister Jodi King ang naranasan niya noong mga nakaraang taon:

“Hindi ko kailanman nadama na hindi ako tanggap sa Simbahan hanggang sa magkaroon kami ng aking asawang si Cameron ng problema sa hindi pagkakaroon ng anak. Ang mga bata at pamilya na karaniwang nagbibigay sa akin ng kagalakan sa tuwing nakikita ko sa Simbahan ay nagsimula na ngayong magdulot sa akin ng lungkot at pighati.

“Pakiramdam ko ay wala akong silbi dahil wala akong kargang anak o bitbit na gamit ng bata. …

“Ang pinakamahirap na araw ng Linggo ay iyong unang pagsimba namin sa bagong ward. Dahil wala kaming anak, tinanong kami kung bagong kasal kami at kung kailan namin planong magkaanak. Mahusay na ako sa pagsagot ng mga tanong na ito at hindi ko hinahayaang makaapekto ang mga ito sa akin—alam kong hindi naman nila intensyong makasakit ng damdamin.

“Gayunpaman, sa partikular na araw na iyon ng Linggo, napakahirap sagutin ng mga tanong na iyon. Kamakailan lang ay nalaman namin, pagkatapos umasa, na—muli—hindi ako nagdadalang-tao.

“Naglakad ako papasok sa sacrament meeting na mabigat ang loob, at mahirap para sa akin na sagutin ang mga karaniwang tanong na iyon na ginagamit para makilala ang isa’t isa. …

“Ngunit ang labis na nagpalungkot sa akin ay ang Sunday School. Ang aralin—na nilayong talakayin ang sagradong tungkulin ng mga ina—ay biglang naiba at naging oras ng paghihimutok tungkol sa pagiging ina. Nalungkot ako at tahimik na dumaloy ang mga luha sa aking mga pisngi nang marinig kong nagrereklamo ang kababaihan tungkol sa isang biyaya na handa akong ibigay ang lahat para lang magkaroon.

“Dali-dali akong lumabas sa simbahan. Noong una, ayaw ko nang bumalik. Ayaw kong maranasan muli ang pakiramdam na nag-iisa ako. Ngunit noong gabing iyon, matapos kaming mag-usap ng aking asawa, alam namin na patuloy kaming magsisimba hindi lang dahil iniutos sa amin ng Panginoon, kundi dahil alam namin pareho na ang kagalakang nagmumula sa pagpapanibago ng mga tipan at pagdama sa Espiritu sa simbahan ay nakahihigit kaysa sa kalungkutang nadama ko noong araw na iyon. …

“Sa Simbahan, may mga balo, diborsiyado, at walang-asawa; mga may kapamilya na tumigil sa pagsasabuhay ng ebanghelyo; mga may malubhang sakit o problema sa pananalapi; mga miyembrong naaakit sa kaparehong kasarian; mga miyembrong nagsisikap na madaig ang adiksyon o pagdududa; mga bagong miyembro; mga bagong lipat; mga namumuhay nang mag-isa; at marami pang iba. …

“Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya—anuman ang ating kalagayan. Nagsisimba tayo para panibaguhin ang ating mga tipan, palakasin ang ating pananampalataya, magkaroon ng kapayapaan, at gawin ang tulad ng ginawa Niya nang perpekto sa Kanyang buhay—maglingkod sa iba na nakadarama na tila hindi sila kabilang.”9

Ipinaliwanag ni Pablo na ang Simbahan at mga namumuno rito ay ibinigay ng Diyos “[para] sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo:

“Hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.”10

Nakakalungkot, na, kapag nararamdaman ng isang tao na hindi siya makatugon sa inaasahang huwaran sa lahat ng aspekto ng buhay, iniisip na niya na hindi siya karapat-dapat makabilang sa mismong organisasyong nilayon ng Diyos para tulungan tayong umunlad tungo sa huwarang iyan.

Hayaan natin ang Panginoon at ang Kanyang mga inatasan ang humatol sa atin at maging kontento na mahalin at pakitunguhang mabuti ang isa’t isa sa abot ng ating makakaya. Hilingin natin sa Kanya na ipakita sa atin ang daan, araw-araw, upang “[madala] … ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag”11—ibig sabihin, ang lahat—sa malaking piging ng Panginoon.

Ang pangalawang aspekto ng doktrina ng pagiging kabilang ay may kinalaman sa ating sariling mga kontribusyon. Bagama’t bihira nating isipin ito, karaniwang nagiging kabilang tayo dahil sa ating mga paglilingkod at sakripisyong ginagawa natin para sa iba at sa Panginoon. Kapag labis tayong nakatuon sa ating personal na mga pangangailangan o kaginhawahan hindi natin madarama ang pagiging kabilang.

Sinisikap nating sundin ang doktrina ng Tagapagligtas:

“Ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo. …

“Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami.”12

Madarama ang pagiging kabilang kapag hindi tayo naghihintay kundi kumikilos para tulungan ang isa’t isa.

Ngayon, nakalulungkot na ang paglalaan ng sarili para sa isang adhikain o pagsasakripisyo para sa iba ay tila salungat na sa kultura. Sa isang artikulo para sa Deseret Magazine nitong taon, isinalaysay ng awtor na si Rod Dreher ang pakikipag-usap niya sa isang bata pang ina sa Budapest:

“Nakasakay ako sa trambiya papuntang Budapest kasama ang isang … kaibigan na nasa 30s—tawagin natin siyang Kristina—para interbyuhin ang isang mas may edad na babeng [Kristiyano], na nakaranas ng pag-uusig kasama ang kanyang asawa sa kamay ng mga komunista. Habang tinatahak ng trambiya ang mga kalsada, ikinuwento ni Kristina kung gaano kahirap magtapat sa mga kaibigang kaedad niya tungkol sa mga hirap na nararanasan niya bilang isang asawa at ina ng kanyang maliliit na anak.

“Ang mga problema ni Kristina ay karaniwan lang sa isang babae na natututong maging isang asawa at ina—subalit ang pananaw na umiiral sa kanyang henerasyon ay nagsasabing hindi dapat tanggapin ang mga paghihirap sa buhay dahil mapanganib iyon sa kapakanan ng isang tao. Madalas ba silang nag-aaway ng kanyang asawa? Kung gayon, dapat na niyang iwanan ito, sabi nila. Nakukunsumi ba siya sa mga anak niya? Kung gayon, dapat ipadala niya sila sa day care.

“Nag-aalala si Kristina dahil hindi nauunawaan ng mga kaibigan niya na ang mga pagsubok, maging ang mga pagdurusa, ay karaniwang bahagi ng buhay—at marahil bahagi rin ng mabuting buhay, kung ang paghihirap na iyan ay nagtuturo sa atin na maging matiyaga, mabait at mapagmahal. …

“… Natuklasan ng sociologist of religion ng University of Notre Dame na si Christian Smith sa kanyang pag-aaral tungkol sa mga adult [na edad] mula 18 hanggang 23 na karamihan sa kanila ay naniniwala na ang lipunan ay ‘pangkat lamang ng mga liberal na indibiduwal na ang layunin lang ay magpakasaya sa buhay.’”13

Sa pilosopiyang ito, anumang bagay na mahirap para sa isang tao “ay isang uri ng kalupitan.”14

Kabaligtaran nito, ang ating mga ninunong pioneer ay humugot ng masidhing diwa ng pagiging kabilang, pagkakaisa, at pag-asa kay Cristo dahil sa mga pagsasakripisyo nila para magmisyon, magtayo ng mga templo, iwanan ang mga komportableng tahanan sa gitna ng panunupil at magsimulang muli, at sa napakaraming iba pang paraan na mailalaan ang saril at kanilang kabuhayan para sa adhkain ng Sion. Handa silang isakripisyo kahit ang kanilang buhay kung kinakailangan. At tayong lahat ang nakinabang sa kanilang pagtitiis. Totoo rin iyan sa karamihan ngayon na maaaring nilayuan ng pamilya at mga kaibigan, nawalan ng oportunidad na magkatrabaho, o kaya’y nakaranas ng diskriminasyon o di-pagtanggap dahil nagpabinyag. Ang kanilang gantimpala, gayunman, ay ang lubos na pagiging kabilang nila sa mga tao ng tipan. Anumang sakripisyo ang ginagawa natin sa adhikain ng Panginoon ay tumutulong na mapagtibay ang ating lugar sa piling Niya na nag-alay ng Kanyang buhay para sa marami.

Ang huli at pinakamahalagang elemento ng doktrina ng pagiging kabilang ay ang mahalagang ginagampanan ni Jesucristo. Hindi tayo sumasapi sa Simbahan para sa pakikipagkaibigan lamang, bagama’t mahalaga rin iyan. Sumasapi tayo para maligtas sa pamamagitan ng pagmamahal at biyaya ni Jesucristo. Sumasapi tayo upang makamit ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan para sa ating sarili at sa mga taong mahal natin sa magkabilang panig ng tabing. Sumasapi tayo upang makibahagi sa malaking gawaing itatag ang Sion bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Ang Simbahan ang tagapag-alaga ng mga tipan ng kaligtasan at kadakilaan na inilalaan ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa ng banal na priesthood.15 Sa pagtupad natin sa mga tipang ito natatamo natin ang pinakamatindi at pinakamalalim na diwa ng pagiging kabilang. Kamakailan ay isinulat ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Kapag kayo at ako ay nakipagtipan sa Diyos, nagiging mas malapit ang ating ugnayan sa Kanya kaysa noong bago tayo makipagtipan. Ngayon ay nakabigkis na tayo sa isa’t isa. Dahil sa ating tipan sa Diyos, hindi Siya kailanman mapapagod sa Kanyang mga pagsisikap na tulungan tayo, at hindi kailanman mauubos ang Kanyang maawaing pasensya sa atin. Ang Diyos ay may espesyal na pagmamahal para sa bawat isa sa atin. …

“… Si Jesucristo ang tagagarantiya ng mga tipang iyon (tingnan sa Mga Hebreo 7:22; 8:6).”16

Kung aalalahanin natin ito, ang malaking inaasahan sa atin ng Panginoon ay magiging inspirasyon sa atin, at hindi magpapahina ng loob natin.

Magagalak tayo bilang indbiduwal at bilang komunidad, kapag nagpatuloy tayo “sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.”17 Sa kabila ng mga kabiguan at dagok sa buhay sa ating landasin, ito ay isang dakilang hangarin. Pinalalakas at hinihikayat natin ang iba sa pagtahak sa pataas na landas, nalalamang anumang pighati at anumang pagkaantala sa mga ipinangakong biyaya ay magagawa nating “lakasan … ang [ating] loob, [sapagkat dinaig ni Cristo] ang sanlibutan,”18 at Siya ay kasama natin. Ang maging kaisa ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo ay walang alinlangang siyang pinakalubos na diwa ng pagiging kabilang.19

Samakatwid, ang ibig sabihin ng doktrina ng pagiging kabilang ay ito—na mapagtitibay ng bawat isa sa atin: Si Jesucristo ay namatay para sa akin; itinuring Niya na karapat-dapat akong pagtigisan ng Kanyang dugo. Mahal Niya ako at makagagawa ng lahat ng kaibhan sa aking buhay. Kapag ako ay nagsisi, ang Kanyang biyaya ay magpapabago sa akin. Ako ay kaisa Niya sa tipan ng ebanghelyo; kabilang ako sa Kanyang Simbahan at kaharian; at kabilang ako sa Kanyang adhikaing magdala ng kaligtasan sa lahat ng anak ng Diyos.

Pinatototohanan ko na kayo ay kabilang, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Apocalipsis 5:9; tingnan din sa 1 Nephi 19:17; Mosias 15:28; Doktrina at mga Tipan 10:51; 77:8, 11.

  2. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 216.

  3. Doktrina at mga Tipan 38:27.

  4. Isang matalinong mapagmasid ang nagsabi:

    “Ang relihiyon na pribadong ginagawa, hanggang sa ating panahon, ay hindi nakatala sa mga aklat ng kasaysayan—at sa mabuting dahilan. Ang gayong uri ng relihiyon ay mabilis na nagiging pang-kasiyahan na lamang, parang libangan ng isa o mahigit pang mga indibiduwal, tulad ng pagbabasa ng aklat o panonood ng telebisyon. Kaya hindi nakagugulat kung naging tila pagsunod sa uso ang pagsasaliksik para sa espirituwalidad. Iyan ang gustung-gustong hinahangad ng mga indibiduwal, na walang relihiyon, bilang pamalit.

    “Ang espirituwalidad ay totoong mahalagang bahagi ng lahat ng relihiyon—ngunit maliit na bahagi lang, at hindi maipapalit para sa kabuuan. Ang relihiyon ay hindi isang uri ng psychic exercise na paminsan-minsang nagbibigay ng di-pangkaraniwang karanasan. Hinuhubog nito ang buhay ng isang tao—buong buhay nito—o kaya naman ay bigla na lang itong naglalaho, at nag-iiwan ng mga balisa, hungkag na kaluluwa na hindi na kayang mapagaling ng anumang psychotherapy. At upang makapaghubog ng buhay ang isang relihiyon, kailangan itong malaman ng publiko at ng komunidad; kailangang konektado ito sa mga patay at hindi pa isinisilang” (Irving Kristol, “The Welfare State’s Spiritual Crisis,” Wall Street Journal, Peb. 3, 1997, A14).

  5. 1 Corinto 12:12–13, 25–26.

  6. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 86–88; Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa WakasLiahona, Nob. 2017, 40–42.

  7. 1 Samuel 16:7.

  8. Tulad ng ipinahayag ni Elder Jeffrey R. Holland, “‘Pumarito ka bilang ikaw,’ ang sabi ng mapagmahal na Ama sa bawat isa sa atin, subalit idinagdag Niya, ‘Huwag kang manatiling ganyan.’ Ngumingiti tayo at naaalala na determinado ang Diyos na gawin tayong higit pa sa inaakala natin na kahihinatnan natin” (“Mga Awiting Naawit at Hindi Naawit,” Liahona, Mayo 2017, 51).

  9. Jodi King, “Pagtanggap at Pag-unawa sa Miyembrong Hindi Magkaanak,” Liahona, Mar. 2020, 46, 48–49.

  10. Efeso 4:12–13.

  11. Lucas 14:21.

  12. Marcos 10:43, 45; idinagdag ang pagbibigay-diin.

  13. Rod Dreher, “A Christian Survival Guide for a Secular Age,” Deseret Magazine, Abr. 2021, 68.

  14. Dreher, “A Christian Survival Guide for a Secular Age,” 68.

  15. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22.

  16. Russell M. Nelson, “Ang Walang Hanggang Tipan,” Liahona, Okt. 2022, 6, 10.

  17. Efeso 4:13.

  18. Juan 16:33.

  19. Tingnan sa Juan 17:20–23. “At ngayon, ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa kanila, ay maaari at manatili sa inyo magpakailanman” (Eter 12:41).