Itinaas sa Krus
Upang maging tagasunod ni Jesucristo, kailangang magdusa kung minsan at pumunta kung saan kinakailangang magsakripisyo at hindi maiiwasan ang pagdurusa.
Maraming taon na ang nakalipas, pagkatapos ng isang diskusyon sa graduate school tungkol sa kasaysayan ng relihiyon sa Amerika, tinanong ako ng kapwa ko estudyante, “Bakit hindi ginagamit ng mga Banal sa mga Huling Araw ang krus bilang simbolo ng kanilang paniniwala?”
Dahil ang gayong mga tanong tungkol sa krus ay kadalasang tanong tungkol sa ating katapatan kay Cristo, sinabi ko kaagad sa kanya na ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo ang sentral na katotohanan na pinaniniwalaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at na ito ang pinakamahalagang pundasyon, ang pangunahing doktrina, at ang pinakamagandang pagpapahayag ng banal na pagmamahal sa dakilang plano ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak.1 Ipinaliwanag ko na ang nagliligtas na biyaya na dala ng gawaing iyon ay napakahalaga para sa at ibinigay sa lahat ng tao mula kina Adan at Eva hanggang sa huling tao sa mundo.2 Sinabi ko ang binanggit ni Propetang Joseph Smith, na nagsabing, “Ang lahat … ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang” ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.3
Pagkatapos ay binasa ko sa kanya ang isinulat ni Nephi 600 taon bago ipinanganak si Jesus: “At … nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan! At tumingin ako at namasdan ang Kordero ng Diyos, … [na] itinaas siya sa krus at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.”4
Nang nadarama nang husto ang diwa ng “pagmamahal, pagbabahagi, at pag-anyaya,” ipinagpatuloy ko ang pagbabasa! Sa mga Nephita sa Lumang Amerika, sinabi ng nabuhay na mag-uling si Cristo, “At isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; … upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, … at sa dahilang ito ako ay ipinako.”5
Babanggitin ko na sana ang sinabi ng Apostol Pablo nang mapansin kong nawawala na sa pokus ang mata ng kaibigan ko. Isang mabilis na pagtingin sa kanyang relo ang nagpaalala sa kanya na kinakailangan na raw niyang umalis—kung saan mang lugar—at nagmamadali siyang pumunta sa dapat daw niyang puntahan. Sa gayon natapos ang pag-uusap namin.
Ngayong umagang ito, 50 taon pagkatapos niyon, determinado akong tapusin ang paliwanag na iyon—kahit na ang bawat isa sa inyo ay tumingin pa sa inyong mga relo. Habang sinusubukan kong ipaliwanag kung bakit sa pangkalahatan ay hindi natin ginagamit ang krus, nais kong malinaw na sabihing iginagalang at hinahangaan natin ang tapat na layunin at dedikadong buhay ng mga gumagamit nito.
Ang isang dahilan kung bakit hindi natin binibigyang-diin ang krus bilang isang simbolo ay mula sa pinag-ugatan natin sa Biblia. Dahil ang pagpapako sa krus ay isa sa pinakamasakit na uri ng pagpatay sa Imperyo ng Roma, marami sa mga naunang tagasunod ni Jesus ay piniling huwag magtuon sa brutal na kasangkapang ito ng pagpapahirap. Ang kahulugan ng kamatayan ni Cristo ay tiyak na sentral sa kanilang pananampalataya, ngunit sa loob ng mga 300 taon, kadalasa’y pinili nilang ipaalam ang kanilang identidad sa ebanghelyo sa ibang mga paraan.6
Sa ikaapat at ikalimang siglo, ipinakilala ang krus bilang simbolo ng pangkalahatang Kristiyanismo, ngunit ang simbahan natin ay hindi kabilang sa “pangkalahatang Kristiyanismo.” Hindi Katoliko o Protestante, tayo, sa halip, ay isang ipinanumbalik na simbahan, ang ipinanumbalik na Simbahan ng Bagong Tipan. Kaya ang pinagmulan at awtoridad natin ay matutunton bago pa ang panahon ng mga konseho, kredo, at ikonograpiya.7 Sa katwirang ito, ang kawalan ng simbolo na matagal bago naging pangkaraniwang gamit ay isa pang ebidensiya na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isang pagpapanumbalik ng tunay na pinagmulan ng Kristiyanismo.
Ang isa pang dahilan sa hindi paggamit ng krus ay ang ating pagtuon sa ganap na himala ng misyon ni Cristo—ang Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli, gayundin ang Kanyang nagbabayad-salang pagdurusa at kamatayan. Sa pagtuon sa relasyon ng mga ito, bibigyang-pansin ko ang dalawang piraso ng sining8 na makikita sa sagradong lingguhang mga pagpupulong sa templo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol kada Huwebes sa Salt Lake City. Ang mga likhang-sining na ito ay laging ipinapaalala sa amin ang halagang binayaran at ang tagumpay na nakamit Niya na siyang pinaglilingkuran namin.
Ang isang mas pampublikong representasyon ng dalawang-bahaging tagumpay ni Cristo ay ang paggamit natin ng maliit na larawan ni Thorvaldsen ng nabuhay na mag-uling Cristo na maluwalhating lumalabas mula sa puntod na bakas pa ang mga sugat mula sa Kanyang Pagpapako sa Krus.9
At huli sa lahat, pinaaalalahanan natin ang ating sarili na sinabi minsan ni Pangulong Gordon B. Hinckley, “Ang buhay ng ating mga tao ay dapat … maging simbolo ng ating [pananampalataya].”10 Ang mga bagay na ito—lalo na ang huli—ay itinuon ako sa marahil na pinakamahalagang reperensya sa mga banal na kasulatan tungkol sa krus. Wala itong kinalaman sa mga kwintas o alahas, sa mga tore o tanda sa daan. Sa halip, ito ay may kinalaman sa integridad at matibay na moral na pundasyon na dapat isadiwa ng mga Kristiyano sa paanyayang ibinigay ni Jesus sa bawat isa sa Kanyang mga disipulo. Saan mang lugar at anuman ang edad, sinasabi Niya sa ating lahat, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.”11
Binabanggit nito ang mga krus na dapat nating pasanin sa halip na suotin. Upang maging tagasunod ni Jesucristo, kailangang magdusa kung minsan—pansarili man o para sa iba—at pumunta kung saan kinakailangang magsakripisyo at hindi maiiwasan ang pagdurusa. Ang tunay na Kristiyano ay hindi maaaring sumunod sa Maestro sa mga bagay na sinasang-ayunan lamang niya. Hindi. Sumusunod tayo sa Kanya sa lahat ng lugar, kabilang, kung kinakailangan, sa malalaking gusaling puno ng mga luha at kaguluhan, kung saan minsan ay mag-isa lamang tayong nakatayo.
May kilala akong mga tao, sa loob at labas ng Simbahan, na gayon katapat ang pagsunod kay Cristo. May kilala akong mga bata na may matitinding pisikal na kapansanan, at kilala ko ang mga magulang na nangangalaga sa kanila. Nakikita ko silang lahat na gumagawa hanggang sa ganap na kapaguran kung minsan, naghahanap ng lakas, kaligtasan, at kakaunting mga sandali ng kaligayahan na hindi dumarating sa ibang paraan. Marami akong kilalang mga single adult na talagang nagnanais ng, at karapat-dapat para sa, isang mapagmahal na asawa, magandang buhay may-asawa, at tahanang puno ng sarili nilang mga anak. Walang pagnanais ang higit na mas mabuti pa rito, ngunit dumaraan ang mga taon at hindi ito dumarating. May kilala akong mga taong pinaglalabanan ang maraming uri ng sakit sa pag-iisip, na humihingi ng tulong kapag nagdarasal sila at talagang ninanais at pinagsisikapan ang ipinangakong lupain ng emosyonal na katatagan. May kilala akong mga nabubuhay sa nakakapilay na kahirapan ngunit, dinaraig ang kawalang-pag-asa, ay humihiling lamang ng pagkakataong gawing mas mabuti ang buhay para sa mga taong mahal nila at iba pang nangangailangan sa paligid nila. Marami akong kilalang nagdurusa dahil sa mahihirap na sitwasyon hinggil sa identidad, kasarian, at seksuwalidad. Lumuluha ako para sa kanila, at lumuluha akong kasama nila, nalalaman kung gaano kabigat ang mga resulta ng mga desisyon nila.
Ilan lang ito sa napakaraming kalagayang kakaharapin natin sa buhay, mga taimtim na paalala na may kapalit na kabayaran ang pagkadisipulo. Para kay Arauna, na sinubukang bigyan ang hari ng libreng baka at kahoy para sa kanyang susunuging alay, sinabi ni Haring David, “Hindi, kundi bibilhin ko ito sa iyo sa halaga. … [Sapagkat] hindi ako mag-aalay … sa Panginoon kong Diyos … nang hindi ko ginugulan ng anuman.”12 Gayundin tayo.
Habang pinapasan natin ang ating mga krus at sinusunod Siya, magiging isang trahedya kung ang bigat ng ating mga hamon ay hindi tayo gagawing mas madamayin at mas matulungin sa pinapasan ng iba. Isa sa pinakamakapangyarihang kabalintunaan ng Pagpapako sa Krus ang nakaunat na mga bisig ng Tagapagligtas na ipinako nang gayon, hindi sinasadya ngunit tunay na ipinapakita na ang bawat lalaki, babae, at bata sa buong pamilya ng sangkatauhan ay hindi lamang tanggap kundi inaanyayahan sa Kanyang tumutubos at dumadakilang yakap.13
Tulad ng ang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ay sinundan ang Pagpapako sa Krus, gayon din ang lahat ng uri ng biyaya ay ibibigay sa mga handa na, tulad ng sinabi ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Jacob, “maniwala kay Cristo, at isaalang-alang ang kanyang kamatayan, at batahin ang kanyang krus.” Minsan ang mga biyayang ito ay mabilis na dumarating at minsan ay hindi, ngunit ang kamangha-manghang wakas sa ating personal na via dolorosa14 ay ang pangakong dumarating at darating ang mga ito. Upang matanggap ang gayong mga pagpapala, nawa’y sundin natin Siya—nang walang humpay, nang hindi tumitigil o tumatakas, nang hindi umuurong sa gawain, hindi kapag maaaring mabigat ang ating mga krus at hindi kapag, paminsan-minsan, madilim ang daan. Para sa inyong lakas, katapatan, at pagmamahal, personal akong nagpapasalamat nang husto. Ngayong araw, bilang apostol, nagpapatotoo ako sa Kanya na “ipinako sa krus”15 at sa mga walang-hanggang biyaya na ibinibigay Niya sa mga “itinaas” kasama Niya, maging ng Panginoong Jesucristo, amen.