Pangkalahatang Kumperensya
Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion
Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022


13:57

Isuot Mo ang Iyong Lakas, O Sion

Dapat mataimtim at mapanalanging suriin ng bawat isa sa atin ang ating mga temporal at espirituwal na prayoridad.

Ang mga talinghaga ay mahalagang katangian ng mahusay na pagtuturo ng Panginoong Jesucristo. Sa madaling salita, ang mga talinghaga ng Tagapagligtas ay mga kuwento na nagkukumpara ng espirituwal na mga katotohanan sa materyal na mga bagay at mortal na mga karanasan. Halimbawa, ang mga Ebanghelyo sa Bagong Tipan ay puno ng mga turo na naghahalintulad ng kaharian ng langit sa isang binhi ng mustasa,1 sa isang mahalagang perlas,2 sa isang pinuno ng sambahayan at mga manggagawa sa kanyang ubasan,3 sa sampung birhen,4 at marami pang ibang bagay. Sa isang bahagi ng Kanyang ministeryo sa Galilea, nakasulat sa banal na kasulatan na “hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga.”5

Ang nilayong kahulugan o mensahe ng isang talinghaga ay kadalasang hindi nakalantad. Sa halip, nagbibigay lamang ito ng banal na katotohanan sa isang tumatanggap nito ayon sa kanyang pananampalataya sa Diyos, personal na espirituwal na paghahanda, at kahandaang matuto. Ito ang dahilan kung bakit dapat gamitin ng isang indibiduwal ang kanyang kalayaang pumili at aktibong “humingi, maghanap at tumuktok”6 upang matuklasan ang mga katotohanang nakapaloob sa talinghaga.

Taimtim kong idinadalangin na nawa’y turuan ng Espiritu Santo ang bawat isa sa atin habang magkasama nating pagninilayan ang talinghaga ng piging sa kasalan ng hari.

Ang Piging sa Kasalan ng Hari

“Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,

“Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.

“Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.

“Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.

“Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila’y humayo, ang isa’y sa kanyang sariling bukid, ang isa’y sa kanyang pangangalakal.”7

Noong unang panahon, isa sa pinakamasasayang okasyon sa buhay ng mga Hudyo ay ang piging sa kasalan—isang pagdiriwang na umaabot ng isa o dalawang linggo. Matindi ang pagpaplano para dito, at matagal pa lamang ay ipinapaalam na ito sa mga bisita, at may isang paalala na ipinadadala sa unang araw ng pagdiriwang. Ang isang paanyaya mula sa isang hari para sa isang pagdiriwang na tulad nito ay katumbas na rin ng isang utos. Ngunit marami sa inanyayahang bisita sa talinghagang ito ay hindi pumunta.8

“Ang pagtangging dumalo sa piging ng hari ay isang sadyang pagrerebelde sa … awtoridad ng maharlika at personal na pang-iinsulto kapwa sa hari at sa kanyang anak. … Ang paghayo ng isang tao sa kanyang bukid at ng isa pa sa kanyang [kalakal]”9 ay nagpapahiwatig ng kanilang maling pagpaprayoridad at tahasang pagbalewala sa nais ng hari.10

Pagpapatuloy ng talinghaga:

“Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.

Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.

“Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya’t napuno ng mga panauhin ang kasalan.”11

Sa panahong iyon, ang nakagawian ay nagbibigay ang punong-abala ng isang kasalan—sa talinghagang ito, ang hari—ng damit na isusuot ng mga panauhin sa kasal. Ang mga damit na ito ay simple at walang disenyo na dapat isuot ng lahat ng panauhin. Sa paraang ito, hindi malalaman ang estado sa buhay ninuman, at ang lahat sa pagdiriwang ay maaaring mag-usap bilang magkakapantay sa lipunan.12

Ang mga taong inanyayahan mula sa mga lansangan ay tiyak na walang oras o kakayahan na maghanda ng wastong isusuot bilang paghahanda sa pagdiriwang. Dahil dito, malamang na mula sa sarili niyang mga damit ang ibinigay ng hari sa mga panauhin. Lahat ay binigyan ng pagkakataon na magsuot ng damit ng hari.13

Pagpasok ng hari sa bulwagan ng kasal, tiningnan niya ang mga panauhin at agad na napansing may isang hindi nakasuot ng damit pangkasal. Ipinatawag ang lalaki, at itinanong ng hari, “Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal? Ngunit hindi siya nakapagsalita.”14 Ang talagang tanong ng hari ay, “Bakit hindi ka nakasuot ng damit pangkasal gayong may damit na ibinigay sa iyo?”15

Samakatwid, hindi nakabihis nang wasto ang lalaki para sa espesyal na okasyong ito, at ang pahayag na “Ngunit hindi siya nakapagsalita” ay nagpapahiwatig na walang maikatwiran ang lalaki.16

Nagbigay si Elder James E. Talmage ng komentaryo na pagtatagubilin tungkol sa kahalagahan ng inasal ng lalaki: “Malinaw sa konteksto na ang bisita na hindi nakasuot ng damit pangkasal ay naging pabaya, sadyang walang-galang, o gumawa ng ilan pang mabibigat na kasalanan. Noong una ay mahabagin siyang inunawa ng hari, na nagtanong lamang kung paano nakapasok ang lalaki nang walang damit pangkasal. Kung may paliwanag lamang ang bisita sa kanyang naiibang kaanyuan, o may katwirang maibibigay, tiyak na magsasalita ito; ngunit ang nakasaad ay nanatili itong tikom ang bibig. Ang paanyaya ng hari ay ibinigay sa lahat ng nahanap ng kanyang mga lingkod; ngunit ang bawat isa sa mga ito ay dapat na pumasok sa pinto ng palasyo; at bago marating ang bulwagan ng piging, kung saan magpapakita ang hari, ang bawat isa ay dadamitan nang wasto; ngunit ang lalaking ito ay pumasok sa ibang paraan; at dahil hindi niya dinaanan ang mga bantay sa pasukan, siya ay hindi awtorisadong dumalo.”17

Isang Kristiyanong manunulat, si John O. Reid, ay nagbanggit na ang pagtanggi ng lalaki na isuot ang damit pangkasal ay pagpapakita ng tahasang “pambabastos kapwa sa hari at sa anak nito.” Hindi lamang niya hindi isinuot ang damit pangkasal; kundi pinili talaga niyang hindi ito isuot. Tahasan niyang tinanggihan na magsuot ng tamang damit para sa okasyon. Mabilis ang naging tugon at desisyon ng hari: “Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.”18

Ang hatol ng hari sa lalaki ay hindi lamang nakabatay sa hindi nito pagsuot ng damit pangkasal—kundi sa “pagtanggi nito na isuot ang damit. Ninais ng lalaki ang karangalan na dumalo sa piging ngunit ayaw niyang sundin ang utos ng hari. Ninais niyang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa kagustuhan niya. Ipinakita ng hindi niya pagsusuot ng wastong damit ang pagrerebelyon ng kanyang kalooban laban sa hari at sa utos nito.”{19

Marami ang Tinawag, ngunit Kakaunti ang Pinili

Nagtapos ang talinghaga sa banal na kasulatan na tumatagos sa kaibuturan: “Marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”20

Interesante na binago ni Joseph Smith ang talatang ito ng Mateo sa kanyang inspiradong pagsasalin ng Biblia: “Marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili; sapagkat hindi lahat ay nakasuot ng damit pangkasal.”21

Ang paanyaya sa piging ng kasal at ang pagpili na dumalo sa piging ay magkaugnay ngunit magkaibang bagay. Ang paanyaya ay para sa lahat ng lalaki at babae. Maaaring tanggapin ng isang tao ang paanyaya at umupo sa piging—ngunit maaaring hindi siya mapiling dumalo dahil hindi niya suot ang wastong damit pangkasal ng nagpapabalik-loob na pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang banal na biyaya. Samakatwid, mayroong kapwa tawag ng Diyos at ang ating indibiduwal na pagtugon sa tawag na iyon, at marami ang matatawag ngunit kakaunti ang mapipili.22

Ang mahirang o mapili ay hindi eksklusibong estadong ibibigay sa atin. Sa halip, maaari ko at ninyong piliin na mapili sa pamamagitan ng tamang paggamit ng ating kalayaang pumili.

Mangyaring pansinin ngayon ang gamit ng salitang napili sa mga sumusunod na pamilyar na talatang ito ng Doktrina at mga Tipan:

“Masdan, marami ang tinawag, subalit iilan ang napili. At bakit sila hindi napili?

“Sapagkat ang kanilang mga puso ay labis na nakatuon sa mga bagay ng daigdig, at naghahangad ng mga parangal ng tao.”23

Naniniwala ako na ang pahiwatig ng mga talatang ito ay madaling unawain. Ang Diyos ay walang listahan ng mga paborito kung saan maaari tayong umasa na balang araw ay maidaragdag ang ating pangalan sa listahan. Hindi Niya nililimitahan “ang hinirang” sa iilang tao lang. Sa halip, ang ating mga puso, ating mga naisin, ating pagtupad sa sagradong mga tipan at ordenansa ng ebanghelyo, ating pagsunod sa mga kautusan, at, ang pinakamahalaga, ang nakatutubos na biyaya at awa ng Tagapagligtas ang tutukoy kung kabilang tayo sa mga napili ng Diyos.24

“Sapagkat masigasig kaming gumagawa upang makasulat, upang hikayatin ang ating mga anak, at ang atin ding mga kapatid, na maniwala kay Cristo, at makipagkasundo sa Diyos; sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa.”25

Dahil sa mga pang-araw-araw na gawain sa buhay at kaguluhan ng bagong mundong ginagalawan natin, maaaring mapalayo tayo sa walang-hanggang mga bagay na pinakamahalaga sa pamamagitan ng pagprayoridad sa kasiyahan, kayamanan, katanyagan, at karangyaan. Ang ating panandaliang pagkaabala sa “mga bagay ng daigdig na ito” at “mga parangal ng tao” ay maaari tayong ilayo sa ating espirituwal na pagkapanganay na ang kapalit ay higit na mas kakarampot pa sa isang mangkok ng nilaga.26

Pangako at Patotoo

Inuulit ko ang utos ng Panginoon sa Kanyang mga tao mula sa propeta ng Lumang Tipan na si Hagai: “Ngayo’y ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad.”27

Dapat mataimtim at mapanalanging suriin ng bawat isa sa atin ang ating mga temporal at espirituwal na prayoridad upang matukoy ang mga bagay sa ating buhay na humahadlang sa saganang mga biyaya na nais ibigay sa atin ng ating Ama sa Langit at Tagapagligtas. At tunay na tutulungan tayo ng Espiritu Santo na makita kung sino talaga tayo.28

Kapag wasto nating hinihiling ang espirituwal na kaloob na mga matang nakakikita at taingang nakaririnig,29 ipinapangako ko na bibiyayaan tayo ng kakayahan at karunungan upang mapalakas ang ating ugnayan sa tipan sa buhay na Panginoon. Matatanggap din natin ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay26—at sa huli ay kapwa matatawag at mapipili sa piging ng Panginoon.

“Gumising ka, gumising ka! Magsuot ka ng iyong kalakasan, O [Sion].”31

“Sapagkat ang Sion ay kinakailangang maragdagan sa kagandahan, at sa kabanalan; ang kanyang mga hangganan ay kinakailangang mapalawak; ang kanyang mga istaka ay kinakailangang mapalakas; oo, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang Sion ay kinakailangang bumangon at magsuot ng kanyang magagarang damit.”32

Masaya kong ipinapahayag ang aking patotoo sa kabanalan at katotohanan na buhay ang Diyos, ang ating Amang Walang Hanggan, at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay ating Tagapagligtas at Manunubos at na buhay Siya. Pinatototohanan ko rin na ang Ama at ang Anak ay nagpakita sa batang si Joseph Smith, na nagpaumpisa ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Tagapagligtas sa mga huling araw. Nawa’y ang bawat isa sa atin ay maghanap at mabiyayaan ng matang nakakakita at taingang nakakarinig, ang dalangin ko sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.